Una, bílang mag-aaral ng telebisyong Filipino, gusto kong linawin na wala akong ilusyon na palaging matayog ang layunin ng midyum na ito. May hangarin itong kumita. Kayâ kailangan nitong paglingkuran ang mamamayan na tumatangkilik dito, at naturalmente, ang mga interes pangnegosyo nito. Hindi na dapat pagtakhan kung ito ang humahakot ng laksang pamumuhunan ng industriya ng advertising—sa naghuhunos na makabagong daigdig, nananatili itong may malawak na abót sa lahat ng mga pangmadlang midyum na pawang umaasa dito upang manatiling buháy.
Kayâ ito rin ang tapunán ng pondo ng mga nangangampanya tuwing panahon ng halalan. Milyones kada segundo ang singil nito sa bawat kandidatong ibig maipaabot ang kani-kanilang mensahe at plataporma sa pamamagitan ng telebisyon. May maparikalang nagtaka tuloy minsan, sa social media, kung bakit nagkukumahog ang mga kandidato sa pambansang larang na gumasta nang milyong halaga samantalang ang sasahurin naman sa pag-upo ay di hamak na kaliitan. Muli, wala akong ilusyon, at nauunawaan kong bawat oras ng pag-eeyre ay mahalaga at may halaga. Sa paninimbang sa mga pagpapahalaga, maraming kailangang isaalang-alang ang brodkast bílang kalakal. Isa na riyan marahil ang pananatiling nakalutang, salpukin man nang matinding kompetisyon, o ituring na kalaban ng makapangyarihang nakaupo. Ang buong grid ng brodkasting ay maaaring ipagbili sa tamang panahon at tamang halaga.
Kahit na ang anyong nakamihasnan nang tawaging drama anthology, na sa kasaysayan ng telebisyong Filipino ay nakagawiang maging tanghalan ng mga wakásang drama at husay sa pagganap ng mga tampok na artista.[1] Mahabang talakayan ang kakailanganin upang bakasin ang naging ambag nito sa paghubog ng telebiswal na danas sa Filipinas. Ngunit para sa kasalukuyang diskusyon, may ilan lámang akong magandang halimbawang babanggitin. Ang Balintataw, noong panahon ni Marcos, naging lunsaran ng masinop, matalinong dramang pantelebisyon at mahusay na pag-arte, dahil na rin sa taguyod dito ng mga bumubuo ng Philippine Educational Theater Association. Matapos nito, ang marami pang antolohiya ng kuwentong may tanghal na isang aktres madalas [katulad ng Coney Reyes on Camera ng dekada 80 hanggang 90 halimbawa], maging kuwentong búhay [at buháy], na gawa rin ng pagsasalin sa telebisyon ng pormat panradyong nagtatanghal ng dramang batay sa mga padalang sulat ng manonood.
Natatangi pa rin sa nabanggit na pormat ang Lovingly Yours, Helen ng yumaong Helen Vela noong dekada 80 hanggang 90. Didaktiko man at tuwirang pinalalamnan ng Kristiyanong halagahan, nakalapag ito palagi sa mga danas na buháy at totoo sa konteksto at kulturang Filipino. Nawala na ang mga antolohiyang may tampok na isang artista, ang mga minsang tinawag na “telesine” o wakásang dramang malapelikula, pati na ang mga “mini-series” na di kasinligoy ng mga soap opera at nagtatapos nang ilang linggong minsanang pagpapalabas [madalas ay sa weekend]. Pero nanatiling buháy ang mga antolohiyang nakabatay sa sulat o totoong búhay. Masasabing dahil ito sa pagiging higit na interesado ng manonood sa tunay na kuwento ng kapwa tao, gaano man kakatwa, karimarimarim, o makabagbag-damdamin. Nananatili ang halina ng nasabing pormat, kahit patay na halos ang institusyon ng koreyo at nahalinhan na ng teknolohiya ng e-mail.
1991 pa umeeyre ang Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN, samantalang 2002 naman tumapat dito ang Magpakailanman ng GMA. Sa simula, higit na nakilala ang Maalaala sa mga kuwento nitong batay sa mga liham na binabása at pinagninilayan ng malumanay-sa-pagpapayong host na si Charo Santos-Concio, kasalukuyang chief content officer ng network. Nagtampok din ito ng nga dramang katha, lalo pa’t lumalabas din dito’t umaarte ang host, na kilala ring aktres, sa kabila ng kaabalahan sa mga korporatibong gawain. Natuklasan din ng palabas kalaunan ang potensiyal ng drama anthology upang makapagpamalay sa pamamagitan ng pagsasadrama ng mga kalagayan o sitwasyong paksa o pinagtutuunan ng napapanahong advocacy at kampanyang panlipunan. Nagtampok din ito ng kuwentong-búhay ng matatagumpay na indibidwal at celebrity. Madalas nitong sundan ang takbo ng panahon, gaya ng makikita sa mga tagpuan at tema ng kuwento [masdan na lámang ang mga episode nito tuwing Pasko, Araw ng mga Puso, o Todos Los Santos]. Ang hindi lámang nagbabago, ang pagpapamagat sa mga episode na palagiang nakabatay sa susing salitâng tumutukoy sa isang mahalagang bagay sa kuwento, na sa isang panahon ay naging lingguhan pang pahulaan para sa mga manonood na binibigyan ng papremyo.
Katulad din naman nito halos ang Magpakailanman ni Mel Tiangco, na nagsasalaysay din ng mga kuwentong búhay. Subalit sapagkat sadyang mas matagal na sa eyre, napaghunos na ng Maalaala ang anyong telebiswal upang umagapay sa nagbabagong panlasa ng manonood—at maaari, pati na rin sa nagbabagong korporatibong interes ng network. Isa na riyan ang pagtatampok dito sa mga kuwentong búhay ng mga politiko na madalas lumilitaw sa panahon ng halalan. Sa ngayon, wala pa akong datos kung kailan ito nagsimula, papaano nagaganap, kung may bayarán o singilan bang nangyayari, at kung may mga etikal na hanggahan bang nahahakbangan. Hindi naman din talaga masamâ siguro, dahil sa mga orisonte ng telebiswal na posibilidad, maaari ngang maging interesante rin para sa madla ang drama ng búhay ng mga politiko. Huwag lámang sigurong maging gaanong garapal sa pagpapabango sa pamamagitan ng naratibo, dahil bakâ sa hulí’y makapagtanghal, hindi ng dapat ihalal, kundi ng isang dapat iluklok sa pantiyon ng mga santo, kahit hindi naman.
Sa panig ng politiko, nakatutulong talaga ito bílang dramatikong pagpapakilala, kapara ng madalas na kagawian ng pagsasakomiks ng kanilang talambuhay para sa kampanyang elektoral. Kung may báyad nga ito’y sapat na ang airtime bílang kolateral. Isa pa, lalahukan pa rin naman ito ng kikitang komersiyal. Puwede ring ang báyad ay hindi pinansiyal, o hindi lámang pinansiyal. Binabalikan ko sa pagkakataong ito ang aklat ni Alfred McCoy na An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines (University of Wisconsin Press, 1993; Ateneo de Manila University Press, 1994), at wala na rin akong gaanong pagtataka, lalo sa kakayahan ng pamilya Lopez, ang may-ari ng ABS-CBN, na gamítin ang lahat nilang mapagkukunan, manatili lámang sa poder ng impluwensiya at kapangyarihan. Sa pagkakataong ito, malinaw namang muling ginagamit ng network ang drama anthology bílang akomodasyong pampolitika, lalo pa’t dinuduro ng kasalukuyang rehimen.
Ilang ulit nang nakasangkapan ang Maalaala sa wari’y pagpapaigting ng mga pambansang kandidatura. Bandáng 2004, masasabing nakatulong ito sa pagbabalik sa senado ni Miriam Defensor-Santiago, lalo pa’t sa anyo ng drama, itinanghal ng palabas ang táong-táong kuwento niya bílang babaeng nagpunyagi at inang nagdadalamhati sa malagim na pagpapatiwakal ng anak. Sa tingin ko, nahango nito ang karera ni Santiago mula sa lusak ng pagiging bahagi ng mga humarang sa impeachment ni Pang. Joseph Estrada noong 2001.
Noong 2010, isang taon matapos ng pagpanaw ni Pang. Corazon Aquino sa sakít na kanser, nagamit din ito hindi lámang upang gunitain ang “kabayanihan” ng unang babaeng pangulo at ng kaniyang esposong martir na binaril sa tarmac, kundi pati na rin upang paalingawngawin ang naging kampanya ng kanilang nag-iisang anak na lalaki sa pagkapangulo, na kumatawan sa kanilang diwa at uri ng politika. At nagwagi nga si Pang. Benigno Simeon Aquino III.
Noong 2016 naman, nagamit din ito upang maipakilala si Pangalawang Pang. Leni Robredo. Itinanghal ang búhay at trahedya ng kaniyang yumaong esposong si Sec. Jesse Robredo, at wari’y ipinanukala rin ang malaking pagkakahalintulad ng kuwento sa kuwento ng mag-asawang Aquino. Mahalagang banggitin ito sapagkat sa pagkakataong iyon, mahigpit na katunggali ni Gng. Robredo ang nag-iisang anak na lalaki ni Marcos. Sa pangkalahatan, interesante ang tesis ng mga palabas hinggil sa mga paksang tao, o kanilang mga “tunay” bagaman lingid na itinatampok. Lahat ay tulad ng karaniwan, bagaman may hinaharap na napakalaki o napakabigat na kapalaran. Ano pa nga ba ito kundi ang pagiging lingkod-bayan, ang kanilang bugtong na kabayanihan?
Kung tutuusin, hindi na ito isang bagong kagawian sa larang at mga midyum pantalastasan, lalo pa’t nagamit ding makailang ulit ang malaganap na midyum ng pelikula para sa ganitong adhikain. Masasabing pinakatampok na halimbawa sa kasaysayan ang mismong produksiyon hinggil sa búhay ni Marcos, sa una niyang pagtakbo bílang pangulo noong 1965, ang Iginuhit ng Tadhana. Nagdulot ito ng kagyat na alingasngas na lalo pang nagpasikat sa magiging diktador kalaunan. Pinaniniwalaang isa ito sa dahilan ng tuluyang pagkatalo ng kalaban, ang nakaupong si Pang. Diosdado Macapagal.[2]
Isang linggo pa lámang matapos pumutok ang pagpapaboykot sa pelikula hinggil sa sinasabing maatikabong búhay ng dáting hepe ng Philippine National Police (PNP), tumatakbong senador ngayon; at pagpuna sa mga kawani ng produksiyon sa kanilang kolaborasyon sa opisyal na nabanggit, siyang unang naging matigas na mukha ng pambansang Operasyong “Tokhang” laban sa ipinagbabawal na droga noong 2016, heto namang gumulat ang trailer ng Maalaala sa telebisyon hinggil sa búhay at sapalaran ng kanang kamay ng pangulo ng Filipinas, na tumatakbo ring senador.
Malinaw na hindi nasiyahan ang mamà sa pagpapakalat ng kaniyang mukha at pangalan sa buong bansa sa pamamagitan ng mga tarpulin. Matagumpay na pormulang maituturing ang pagbaling sa Maalaala tuwing eleksiyon. Matitiyak nito ang name recall ng sinumang tumatakbo, at higit sa lahat, maitatanghal ang kuwentong-búhay at sapalarang pílit na inilalapit sa naratibo ng karaniwang tao. Masaklap lámang isipin na tiyak na mangungusap ito sa damdaming mayhilig sa pagpapakatao ng mga Filipino, at sa nakamihasnang pagkakaunawa sa ideya ng sapalaran ng bayani at gulóng ng palad. Sa bisà ng naratibo, naitatanghal ang kahit sinong pinabili lámang ng sukà sa kanto bílang karapat-dapat iboto, at kumakatawan sa mga personal na pagpapahalaga ng botante. Tulad nitong bagong itatanghal, na agad ibinalangkas sa trailer bílang naharap sa wari’y hindi maipagpapalibang napakalaking kapalaran, na mas malaki pa palá sa kaniyang hininagap na dati’y nahahanggahan lámang ng Lungsod Davao.
May konteksto itong hindi maitatatwa ng ABS-CBN. Gaya ng sa nakaraan [sa mga Aquino, halimbawa, na nagbalik sa kanila sa poder ng negosyo noong 1986], talagang nagbabayad ang network, kundi man ng utang, utang na loob. Sa kaso ng kanang kamay ng pangulo, masasabing may kinalaman ang akomodasyon sa banta ng pangulong hindi lalagda sa renewal ng prangkisa ng network sa Kongreso, lalo pa’t mapapasó na ito sa susunod na taon.[3] Naging leverage ito ng punòng ehekutibo upang lalong mapatiklop ang network, na noon ding nagdaang halalan, nag-eyre naman ng mga advertisement kontra sa kaniyang kandidatura at pinondohan ng arkinemisis na si Sen. Antonio Trillanes.[4]
Napakamurang pamumuhunan ang drama anthology para makabawi sa pangulo, kung iisipin. Matapos ng kunwa’y parangal sa namayapang si Sen. Edgardo Angara nitong nagdaang Sabado, na sa tingin ko’y ibig lámang talagang magpagunita sa botante na muli ring tumatakbo ang kaniyang anak para senador, isusunod nila itong talambuhay tungkol sa matapat na tagapaglingkod ng presidente, na madalas bansagang pambansa o presidential photobomber. Sino nga ba itong táong ito na anila’y ang tanging bisyo ay serbisyo? Maganda nga sigurong makilala. Siyempre, may kabatiran naman ang network na puputaktihin ito ng puna, kayâ, maaari, ayos lámang ito at handa na sila. Mabuti naman sa negosyo ang kapalit. Isa pa, maigi ngang mapag-usapan upang lalong maging maugong. Nagtutulak ang intriga ng panonood.
Sa biopic ng PNP chief sa pinilakang-tábing, pinuna nang katakot-takot ang aktor na gumanap, isang masugid na tagapagtanggol ng rehimen, at ang direktor, na nagtangka pang mangatwiran. Umabot na nga ito sa boykot, at batay sa mga lumulutang na ulat sa social media, mukhang nilalangaw ito sa mga sinehan. Maaari rin naman itong abútin ng mga prodyuser, direktor, aktor, at manunulat ng episode ng Maalaala. Nauna na nga akong tumili kay Ate Charo. Ngunit bago ko imungkahi na patayin na lámang ang ating mga telebisyon sa susunod na Sabado ng gabi, unawain natin ang ilang bagay na may kinalaman sa pamumulitika ng telebisyon, at lalo na sa pakikilahok sa mga gawaing ganito ng mga institusyong pantalastasan sa panahon ng malawakang paninindak sa mamamayan, panggigipit sa mga kritiko, at pagpapakalat ng kalisyaan at kasinungalingan sa mga espasyo ng diskurso.
Pangunahin dito ang esensiyal na layon ng drama sa pangkalahatan—kahit sa anyong pantelebisyon nito. Mahalagang tunguhin nito ang pagsasadula ng aksiyon ng mga táong kundi man higit sa atin ang kadakilaan ay talagang malubha o salat ang katauhan upang ating mapagnilayan at makapagdulot ng mataas na kabatiran—katha man o batay sa tunay na búhay. Klasikong pananaw ito, totoo, ngunit ito naman talaga ang dahilan kung bakit táyo nanonood ng drama, kahit ng drama anthology. Ang problema, maaari rin itong mabaluktot, kayâ nga nagiging platapormang pampolitika rin ito, tulad sa ating kaso ngayon. Nakapangangatwiran ito sa pamamagitan ng imaheng kinatha, at nakapagbabalangkas ng kaisipang maaaring makapagligaw, makapagpalabo kaysa makapagpalinaw, at siyempre, makapagsinungaling. Kailangang balikán ang esensiya nito, lalo sa panahon ng itinatatwang malawakang panlipunang pagsikil. Kailangang igiit ang estetiko, pati na rin ang panlipunang tungkulin nito, na dapat lámang na makiling sa pagpapasumpong sa katotohanan. Kailangang maibukod ito sa kilala nating mga anyo ng propaganda. Madalas, hindi karapat-dapat tangkilikin, ni pagtapunan ng sansaglit na pansin, ang mga ito.
Tanggap ko bílang mag-aaral ng telebisyong Filipino na may mga pinangangalagaan ang brodkasting. Kailangan nitong kumita. At kailangan nitong manatiling matatag, anumang kaayusang pampolitika ang umiiral. Sanay ang mga Lopez sumayaw sa tugtog, at sakali mang tuluyan silang masapol ng ngitngit ng poon, alam kong makapagpapanibago sila ng lakas at pamumuhunan sa tamang panahon, at tulad noong 1986, maibabangon at maihahanay ang mga sarili sa bagong nakapoder. Lahat iyan ay nasa kasaysayang isinulat ni McCoy, at sa aklat na nabanggit na pumaksa sa kasaysayan ng oligarkiya sa bansa. Pero huwag nating palampasin itong lubhang pagsalaula sa drama anthology, na sa tingin ko’y dapat ginagamit sa mga higit na kapaki-pakinabang na adhika, kahit pa nanunulay din sa pang-aaliw at pagkita. Malaking-malaki na talaga ang problema kung kailangan nang magbenta ng kaluluwa, bagaman totoo rin marahil ang sabi nila na madalas, ang negosyo’y walang kaluluwa.
Itatapon na lámang ba talaga natin ang mga pagpapahalaga sa labas ng bintana kahit pílit isinasalaksak sa lalamunan ng mga walang magawang kawani ang ganitong korporatibong kagawian, pati ang pangangailangang pagsasawalang-kibo at kolaborasyon? Di tulad sa pelikula na higit na tuwiran ang mga pagkakasangkot, ang mga kawaning ito’y kailangang sumunod sa korporatibong utos ng hari. Kasámang naaabo ang kanilang dangal, bagaman maaari, maláy din sila at talagang nakikisangkot sa gawing ito. Madaling gawin ang pagkaligta para sa kapitalista at/o nangangapital na kailangang makibagay. Dito, kailangang igiit na sistemiko ang suliranin, at sistemiko rin ang hinihinging pagpapanagot. Maitatanong, sa bandáng hulí: Nakabubuti ba ito sa mamamayan? Ito ba talaga’y “in the service of the Filipino”? Siyempre, wala naman nang plastikan, ganyan talaga ang búhay, mga mare at pare, mga momshie at popshie. Ano ba ang puwedeng gawin ng mamamayang dapat maghimagsik, at hinihikayat kong maghimagsik, sa nasasaksihang lokohan? Nasabi ko na. Magpatay ng telebisyon. Iyan ang ating bugtong na kapangyarihan.
O kung manood man, manood nang matalik at kritikal. At, ibunyag sa social media ang mga brand o kompanyang nagtataguyod sa episode. Nakikilahok ang mga ito sa lokohan. Dapat silang iboykot. Huwag tangkilikin. Punahin ang lumilitaw na naging endorsement sa paksa ng palabas. Kailangang din nilang manginig at manikluhod. Makapangyarihan pa rin ang manonood. Huwag palalansi at magbulag-bulagan, lalo pa’t nanginginig sa tákot itong network. Nawa’y sa pagpapatay ng, o pagmamatyag sa telebisyon bílang protesta, magbukas ang ating mga mata. May halaga rin naman ang ating panonood at pagtangkilik. Karapatan natin ang masuka.
Talâ
[1] Inilarawan minsan ang drama anthology bílang mala-soap opera at, “lingguhang presentasyon ng mga madudulang sitwasyon na kung hindi man orihinal na katha ay nakabatay sa sulat o kaso sa korte.” Basahin ang Flores, Patrick at Santa Maria De la Paz, Cecilia, “Ang Laya at Layaw ng Soap Opera,” Sining at Lipunan (Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 2000), 76-81.
[2] Basahin ang Santos, Simon, “September 3, 1965: Movie [Iginuhit ng Tadhana] on Marcos Suspended,” Video 48.blogspot.com, Mayo 15, 2008, http://video48.blogspot.com/2008/05/september-3-1965-movie-on-marcos.html.
[3] Basahin ang Placido, Dharel, “Duterte, to ‘object’ to ABS-CBN franchise renewal,” ABS-CBN News.com, Nobyembre 8, 2018, https://news.abs-cbn.com/news/11/08/18/duterte-to-object-to-abs-cbn-franchise-renewal.
[4] Basahin ang Medina, Andrei, “ABS-CBN targeted for airing Anti-Duterte ad,” Spot.ph, Mayo 6, 2016, https://www.spot.ph/newsfeatures/the-latest-news-features/66241/anti-duterte-ad-abs-cbn-a1100-20160506.