
Dakila Ka, O Panginoon, at nararapat lámang
Papurihan. Ang Iyong kapangyariha’y kahanga-hanga,
Ang Iyong dunong, walang-hanggan. At ang tao, pagkat
Bahagi ng Iyong linalang, naghahangad na sambahin Ka;
Itong tao na pasan ang angking mortalidad, binabagabag
Ng kaniyang salà, inuusig ng kabatirang itinataboy
Mo ang mapagmataas—itong tao na bahagi ng Iyong obra’y
Nilulunggating papurihan Ka. Dinudulutan mo kami
Ng galak sa pagdakila sa Iyo; linikha mo kami sa Iyong
Wangis at ang aming mga puso’y di mapapatanag hangga’t
Di nasusumpungan ang kapahingahan sa Iyo. Panginoon,
Turuan mo akong umalam at umunawa kung alin sa mga ito
Ang pahalagahang dapat—ang dasalan Ka o purihin Ka;
At gayundin, ang kilalanin Ka o luhuran Ka.
Ngunit sino nga ba ang tumatawag sa iyo na di Ka
Kilalá? Sapagkat maaari Ka ring namang tawagin
Ng sa iyo’y di nakakikilala, subalit di ka kahit
Man lámang maaaninagan. Marahil, tinatawag Ka namin
Upang ika’y makilala’t mamukhaan. Sapagkat papaano
Nga ba nila mapipintuho Siyang hindi naman nila
Sinasampalatayanan? Papaano silang maniniwala
Kung wala silang gabay? Ang lahat ng naghahanap
Sa Panginoon ay papupurihan Siya. Sapagkat sinumang
Naghahanap ay makatatagpo, at sinumang makasusumpong
Sa Kaniya’y bigigkas ng pagdakila. Hayaan Mo akong
Hanapin Ka, Panginoon, at tawagin kang itinataas
Itong aking tiwala; ito’y dahil naipangaral ka sa amin.
O, Panginoon, inaabót Ka ng aking pananalig—
Itong pananalig na handog mo sa akin, na iyong
binhi sa akin, sa pamamagitan ng pagkakatawang-
Tao ng Iyong Anak, sa ministeryo ng iyong tagapangaral.