Ilang Salita at Pasasalamat para sa Paglulunsad ng Aralín at Siyasat


 

Tanghalang Teresita Quirino, The Graduate School, University of Santo Tomas, Abril 4, 2019

Ako, kasáma sina Fermin Yabut at Ailil Alvarez, Deputy Director at Director ng University of Santo Tomas Publishing House. Mga larawang kuha ni Paul Castillo.

Humaba man nang humaba ang prusisyon ng aking búhay at sining, totoo yatang palaging magtutuloy ito, kahit papaano, sa dambana ng aking minulan at pagsisimula. Ang dambanang iyan ay ang University of Santo Tomas, kung saan ko unang pinangarap maging manunulat, mga dalawang dekada na ang nakalilipas. Dito ko unang minithing tumula; at sa isa naming klase sa Literary Criticism, hinangad ding maging kritikong pampanitikan. Ang lakas lámang ng aking datíng at ng aking loob. Ang kapal din ng mukha at tapang ng sikmura. Isang okasyon ng pagtatagpo ng mga dulo ng arko ang aklat na Aralín at Siyasat.

Nawa’y sa pamamagitan nito’y naipamamalas ko nga, sa pamamagitan ng pagninilay sa iba’t ibang aspekto ng panulaang Filipino, ang kakayahan at nakayanan sa isa pang pinaglilingkurang tungkuling pangmanunulat. Laging marubdob ang aking pasasalamat, na kahit lumaboy ako sa kung saan-saan, hindi ako naligtaan kailanman at patuloy na pinatutuloy sa mabunying tahanan. Anuman ang mangyari, kahit ganap nang napadpad at humapon sa Katipunan, at masugid na pinag-aral pa ng Taft Avenue-Malate, isa lámang ang aking alma mater forever. Di yata’t sumibol ang aking angking golden lilies sa dilig ng ulan at baha sa España.

Nagpapasalamat ako sa UST Publishing House sa patuloy na pagtangkilik sa akin, lalo na kina Jack Wigley at Ailil Alvarez na kumupkop sa aking ikatlong aklat sa USTPH. Pasasalamat din sa aking mga naging guro, ang ilan ay naging kasamahan kalaunan; naging mahalaga kayó sa paghulma sa aking pagkatuto. Salamat sa pagbása at di miminsang pagpapabása. Pasasalamat sa aking pamilya, lalo sa aking mga magulang, na kung hindi nagtiwalang mapangagatawanan ko ang ganitong búhay ay wala itong aklat at ang langkay na mga pagdiriwang. Alay ko ang aklat na ito sa kanila.

Alay ko rin ang aklat sa alaala ng dalawang mapagkanlong na manunulat na nagsilbing inspirasyon at liwanag sa aking pagpapatuloy—sina Cirilo F. Bautista at Ophelia Alcantara-Dimalanta—kapwa nagpapaalala sa akin sa mga birtud ng kahusayan at pag-uugat. Alay ko rin ang aklat na ito sa mambabásang Filipino na hinahangad kong higit na makasumpong sa panitikan ng ikagagaling at ikagiginhawa.

Maraming salamat po, at pakiusap, may dalawa pa po akong aklat! Bili na ho kayó, mga suki!


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: