Ilang Gunita ng Aking Pagkabata bílang Pagbakas sa Pagkahumaling sa mga Dramang De-Serye sa Telebisyon


Panayam na binigkas via Facetime para sa Ika-17 Ateneo de Manila University National Writers Workshop, Hunyo 7, 2019.

Larawang hiram mula sa Lifewire.com.

[Una muna, nais kong magpasalamat sa pasensiya at pag-unawa nina Christian Benitez at Dr. Christine Bellen, sa napakaraming akomodasyong ipinagkaloob nila sa akin habang ako ay narito sa Singapore para sa isang napakahalagang bagay. Ang totoo, kahapon pa dapat ako nakabalik sa Filipinas, upang makapiling sana kayó sa workshop. Ngunit may mga tawag pampamilya na kailangan kong harapín sa sumandaling ito. Samantala, dahil ayoko namang biguin kayó, pagdamutan na ninyo ang aking pakikipanayam, by remote. Nasisiyahan ako na kahit malayo, maaari pa rin táyong magtagpo-tagpo. Hindi ko mapalalagpas ang pagkakataong ito dahil, at sana’y maunawaan ninyo ang nostalgia ko rito, tulad ninyo’y naging fellow din ako ng Ateneo National Writers Workshop, noong inilungsad ito noong 2000, sa unang pagkakataon. Hinubog nang husto ng Ateneo Workshop ang aking kamalayan at pagsusumikap maging manunulat. At sa hulí, naengganyo rin ako nito na mula sa España, sa UST, ay tuluyang pumagaspas at humapon sa Katipunan, upang maging katrabaho sa akademya ang mga iginagalang na manunulat na nakilala ko sa workshop. Ano ba ang naibigan ko sa Ateneo Workshop, kung tutuusin? Pawang mahuhusay magbasa ang mga panelist, may sari-saring pagsipat at pamamaraan ng pagpapaliwanag. Isang natatanging lipunan ng kaluluwa, wika ng ani Emily Dickinson. Sa tingin ko, hindi pa rin naman ito nagbabago magpahanggang ngayon. ]

Bílang panimula, ibig kong ipagpauna na ang panayam na ito ay talagang pamamangka sa dalawang ilog—sa ilog ng paggunita at kritikal na pagdalumat. Nakatuon ang mga ito sa aking pagkabata, at sa mga kasalukuyan kong itinuturing na “pagkahumaling” sa mga Dramang De-Serye sa Telebisyon. Kamakailan, natapos ko ang isang kasaysayang pangkultura ng Teleserye sa Filipinas, na nagtangkang lagumin ang halos pito o walong dekada ng pag-angkop, pag-unlad, at pagbago sa nabanggit na anyo ng kulturang popular. Bagaman nakatuon sa mga natipon at nabuong artsibo na mula sa kung saan-saan ko nahalungkat, hindi ko napigilan ang sarili na ikuwento rin nang ikuwento sa kabuuan ng aking pagkakasaysayan, ang naratibo ng sarili kong mga pagkahumaling sa mga dramang tinatalakay. Kayâ sa isang bandá, ang kasaysayang pangkulturang nasulat ko’y isa ring kumpisal, isang personal na kasaysayan, na may isang lingid na tesis: hindi ko maisusulat ang proyektong ito kung wala ang aking mga pagkahumaling mulang kamusmusan hanggang sa ako’y gumulang. Ang intelektwal na gawain ay, tunay nga, isa ring personal na gawain sa mula’t mula. Hindi iyon dapat ikahiya, sa tingin ko, bagaman sa ating panulat, karaniwang ebanghelyo ang palagiang pagkukubli ng sarili, sa ngalan ng “sining” at mga kaakibat na pagsusumikap.

Marahil, upang hindi malimot ng sarili at ng lahat, kailangan kong igiit na bago pa man ako pumalaot sa aralíng pangkultura at pag-aaral ng kulturang popular, isa akong makata. Sa konteksto ng palihan o workshop sa malikhaing pagsulat, kung saan marami ang nagsimula sa atin bago pumalaot sa iba pang gawain, pinahahalagahan din ang sarili ng manunulat upang maunawaan ang kinakatha. Hindi ko alam kung inyong napapansin, lalo kung suki na kayó ng mga national writers workshop o kahit anupamang huntahang pampanitikan; lalaging may ilang pagkakataong pumipihit ang usapin mula sa teksto na siyang pangunahing paksa ng pagpapalihan patungo sa sarili. Sa mga ganito natin itinatanong ang mga sumusunod: Ano ba ang ibig mong sabihin? Ano ba talaga ang balak mo sa iyong katha? Marahil sapagkat hindi naman talaga iyon maiiwasan. Ang manunulat, kapag humaharap sa mga co-fellow at panelist ay, sa una’t hulí’y isang táong ibig maintindihan. Kailangang maintindihan ang akda, at sa palihan, mahalagang pinakikinggan ang panig ng manunulat. Hindi lámang nagwawakas ang usapin sa pagtasa sa tagumpay ng teksto habang hinihimay ang binabása. Parang sa hulí, hindi lámang naman tula, kuwento, sanaysay, o dula ang iniharap, itinanghal sa palihan. Sa likod ng mga titik ay mga táong, wika nga, may kasaysayan at pinanggagalingan. Minsan, hinihingi ang sama-samang pagtawid patungo sa distritong iyon ng mga personal na salaysay kung saan nagmumula ang isang kasámang manunulat.

Ibang-ibang mundo ang nasumpungan ko nang tuluyang pumalaot sa aralíng pangkultura at kulturang popular. Bagaman malaro at pangahas sa pagdadalumat, isa itong disiplinadong larang kung saan linulusaw talaga ang sarili. Noong ipinapanukala ko ang aking diseryasyon, nakaranas ako ng matinding desoryentasyon sapagkat natuklasan ko ang isang napakatindi kong kahinaan bílang manunulat: hindi ko pa talaga gamay ang rehistro at kagawian ng pagsulat at wika ng pananaliksik at iskolarsyip. Hiyang-hiya ako’t talagang nanliit dahil nagtuturo pa ako sa Ateneo ng kursong kilala sa tawag na English 12, isang asignaturang pampananaliksik. Para akong nadagukan sa aking lubhang kayabangan. Akala ko, sapat na ang natutuhan sa pagsulat-sulat, paglatha-lathala ng mga “pananaliksik” at “pagteteorya” na nitong hulí, natutuhan kong tanggapin na mga panimulang pretensiyon, lalo na sa kritikal na kahirapan. May aspirasyon sa salimuot o difficulty ang Lola ninyo. Kung sa tayutay, bakâ talagang mga paglulubid ng buhangin ang mga iyon, na ewan, bakâ rin naman may sinasabi kasi pinaniwalaan ng mga editor at reader ng mga journal na pinagpasahan at sakâ inilathala. Pero nakakaiyak ang pagkakatuklas, ang aking anagnorisis. Ang simple-simple ng komentaryong nakuha ko, pero talagang nakawawasak: ang gulo-gulo kong magsulat, hindi malinaw ang tesis, pasikot-sikot, ang daming satsat.

Masuwerte pa rin ako kahit na papaano, dahil sa isang táong naging bahagi ng panel ko, si Dr. Soledad Reyes. May pakiramdam ako na naiintindihan niya ang aking mga panimulang kahirapan. Sa depensa ng aking panukalang disertasyon, binanggit niya sa talakayan na isa akong makata, at ewan ko kung tanda talaga iyon ng kaniyang nakakikilig na tiwala. Parang nagpahinagap siyang anumang nagawa ko sa tula ay magagawa ko rin sa bagong larang na sinuong. Ngunit para sa akin, nakita ko sa pagbabanggit na iyon ang isang malaking hámon, ang hámon ng pagtatawid sa dalawang wari’y talagang magkaibang dako ng mga kakayahan. At natiyak kong ito nga ang hámon nang lapitan ako ni Dr. Reyes matapos ng depensa at aluking basahin pa-muli ang aking rebisadong proposal, labas sa kaniyang tungkulin bílang tagasuri. Sabi niya sa akin, na kulang na lámang ay lahukan pa ng kurot sa singit, “pigilin mo kasi ang sarili mo.”

Ang totoo, matapos marinig iyon, lalo akong nahiya dahil bumangga na muli sa aking dibdib ang madalas pinupunang pagiging maligoy at iba pang kalabisan, na noon pa man, lagi nang iniuugnay ng mga katoto, at lalo’t marahil, ng aking mga kaaway, sa aking kalakihan at timbang, dili kayâ sa aking madalas paminsan-minsan ay sobrang katarayan. Magpasa ba naman kasi ako ng 130 pahinang proposal, na nang makita ng aking isa pang dáting guro ay hindi napigilang biruin ako. Ang sabi: “Proposal ba iyan? Bakit parang tapos na?” Hindi ko tuloy maiwasang magunita ngayon, at iugnay dito, ang isang minsang pagbása ng makata at kaibigang Romulo Baquiran sa aking ikalawang aklat ng tula, ang Kung Saan sa Katawan (2013): Wika niya, “isang manunulat na “sobra” sa maraming aspekto itong si LJ. Nag-uumapaw kung baga at hindi ko tinutukoy ang kaniyang katawan ha.”

Isang pagdidisiplina ang tinupad ko sa aking mahigit isang taóng pagtapos sa disertasyon, at totoo, isang pagdidisiplina rin sa sarili, isang maigting na pagpipigil o pagtitimpi. Pagtabas sa aking mga kasobrahang hindi nakatutulong sa aking bagong proyekto. Mahalagang tinupad ko rito ang pagbubungad (foreground) sa aking paksa at pagpapalikod (background) ng sarili. E kasi nga, hindi naman ako makata sa pagsusulat ng naturang pag-aaral. Isa akong mananaliksik, ngunit mayroong sensibilidad ng malikhaing pagsulat. Kinailangan kong itabi muna ang “makata-sarili” na minsan kong ibinansag sa aking pamamaraan ng pagkatha.

Pero siyempre, pinagbigyan ko pa rin ang sarili na huwag makaligtaan ang sarili sa pananaliksik, kayâ naipasok ko pa rin itong paglalahad na ito na tanging bahaging pakumpisal sa aking pag-aaral, at siyang pinagtutuunan ko ng pansin sa pagkakataong ito. Sa siping ito, binabalikan ko ang aking kabataan, at pinahahalagahan ang pormatibong panahong iyon ng pagdating sa akin ng diwaing seryalisado at manapa, telebiswal. Bílang isang batàng laki sa telebisyon, matutunghayan dito ang aking musmos na mangha sa mga kuwentong madalas ay pangmatanda. Mangha iyong mananatiling wari’y anghel na nakabuntot sa akin, hanggang ako’y tumanda at bigyan siya ng pangalan:

Ipinanganak ako noong 1980, at bahagi ng aking pang-araw-araw na búhay ang aparatong nabanggit. Nasaksihan ko sa malapitan ang paghuhunos ng telebisyon—mulang de-pihit na blackand whiteat de-remote controlna coloredhanggang sa mga flatscreenat smartphone. Nasaksihan ko rin ang mga pagbabago’t pag-unlad ng industriyang nagtataguyod dito sa pamamagitan ng pagsubaybay sa maraming soap operang umeyre sa mga nagdaang taon.

Sa probinsiya, tuwing tag-araw, lumaki akong kasáma ang aking mga pinsan na pinalilipas ang mga hápon sa pakikinig ng mga soap operang Ilokano sa radyo. Paborito namin ang kuwento ng isang mag-asawang gulát at desmayado nang matuklasang ang manugang nilang “imported,” nang iuwi ng anak sa Filipinas mula sa America at ipakilala sa kanila, ay hindi pala “imported.” Sa gabi, nagpapaantok naman kami sa mga soap operang didaktiko at katatakutan. May halina ang sundan ang mga kuwentong arawan, lalo pa’t kapana-panabik ang pagsisiwalat ng mga pangyayari.

Nagpakasawa ako sa mga iyon, tulad ng pagpapakasawa ko sa mga lingguhang kuwento sa Liwayway, Bannawag, at iba pang komiks na hinihiram namin sa dapon [maliit na palengke o talipapa sa aming wika]. Lalo akong malululong sa seryalidad nang minsang mapapad sa aming bayan ang isang pangkat ng mga sarsuwelistang Ilokano na inabangan namin ang pagtatanghal sa may gymnasium ng bayan nang dalawang gabi ng piyesta.

Lahat naman kasi, halimbawa, sa telebisyon, ay pinanonood, tinatanggap ko lámang, kayâ hindi ko talaga matukoy kung kailan ako nagsimulang mag-usisa sa sarili hinggil sa aking mga pagkalugod, lalo sa soap opera. Tanda ko pa ang pagsubaybay tuwing hapon sa Ula, ang Batang Gubatni Judy Ann Santos at sa isang soap operang Sebuwano na sumikat sa Maynila, ang Isabel, Sugo ng Birhen, na nang inihahanda ko ang pag-aaral na ito’y hindi ko mahanapan ng anumang artsibo o talâ. Tanda ko ring nakikisabay ako sa pagluha sa bida ng isang Tagalisadong soap opera mula sa Japan, ang Oshin, siyang masasabi kong isa sa pinakaunang pagkakataon ng pagsikat ng mga serye mulang Silangang Asya sa Filipinas.

Lilitaw na lámang ang ganitong pagpihit tungo sa pagninilay hinggil dito noong ako ay maghayskul, at talagang di ko malilimutan ang pukaw na nagawa niyon. Isang hápon, habang dumaraan sa kuwarto ng mga magulang ko, natanaw kong pinanonood ng Mommy ko ang kuwento ng isang bidang dalagang banyaga. Taga-tabíng dagat, bagay na inisip kong dahilan ng kaniyang kulay kapeng buhok.

May kausap na aso ang babae, na wari’y sumasagot sa paraang self-talk.Napapasok ako sa silid at napaupo, hindi lámang dahil sa bighani sa babae—dahil ang totoo, talagang kaakit-akit siya. Nabalani rin ako ng kakaibang ideya ng seryeng ito na kalaunan ay malalaman kong tinatawag palang telenovela,gáling sa Mexico, at sinisimulan na ring pag-usapan ng mga kaeskuwela ko. Takâng-takâ ako kung bakit, ngunit nanatili akong nanonood sa mga sumunod na araw. Di ko alam, tinablan na rin palá ako ng “fever” ng seryeng iyon na tumama sa buong Filipinas.

Iyon, ang Marimarni Thalia, ang magiging pormal na inisyasyon ko sa pag-iisip at matagalang pagtangkilik sa mga soap opera. Lalawig pa ang kagawian sapagkat lubhang lulong ang aking pamilya sa mga ito. Natural na sinundan namin bílang mag-anak ang isinunod na isa pang seyreng Thalia, ang Maria la del Barrio. Samantala, nang dumagsa ang mga serye mulang Silangang Asya, hindi rin kami nagpahulí. Ang Mommy ko, naging suki sa Divisoria at Quiapo ng mga namimirata ng DVD. Nahawa sa amin ang dalawa kong tita na nakabase na sa Australia, na hanggang sa mga panahong ito’y sumusubaybay sa mga serye mulang South Korea sa pamamagitan, madalas, ng mga di-opisyal [piratado] na plataporma sa internet.

Papaano nga ba ako nahikayat na sumunod sa mga gayong de-seryeng kuwento, patuloy kong untag sa sarili. Noong batá-batá pa ako, bagaman kasáma ako ng mga tita at ng Mommy ko sa panononood ng Dynastyo Knots Landing, parang tumatagal lámang sa unang limang minuto ang atensiyon ko sa mga ito. Papaano ako nagkaroon ng gayong sensibilidad kalaunan? Papaano ko iyon natatagalan? Bakit ganoon iyon katalab?

 

Sa kasalukuyan, madaling usigin ang aking ginagawa bílang isang napaglumaang pamomroblema. Bakâ nga sabihin, gumagawa lámang ako ng alingasngas na hindi naman talaga alingasngas sa mga panahon ngayon. Pero ibig kong igiit ito: hinding-hindi magmamaliw ang isyu ng sarili, lalo sa manunulat na Filipino, na may suson-susong identidad na nga’y kailangan pang araw-araw na ipaliwanag kung bakit mahalaga ang kaniyang larang. Ang ehersisyo ng paggigiit ng sarili, sa kabila ng mga kinapapailalimang disiplina, sa ganang akin, ay isang pagtitindig ng pinagmumulan, paggugumiit ng tinig sa kabila ng samot-saring ingay ng daigdig. Sa maikling sabi, pagpapakilala at pagkilala sa angking kaakuhan. Na napakahalaga sa nagsisimula at kahit sa nagpapatuloy magsulat. Sa ganito lámang uubra ang mga bagay-bagay sapagkat kung tutuusin, ang debosyon sa pagsulat ay talagang isang buong búhay ng mga pagkahumaling. Sarili lámang ang nakakikilala sa pagkahumaling, sa gayong paraan na sarili lámang ang makauunawa sa mga pagkahumaling.

Sa Diksiyonaryo.ph, na batay sa sangguniang UP Diksiyonaryong Filipino, may kahulugang “ang pangingibabaw o pagsakop sa isip o damdamin ng bagay o tao na pinagnanasàan” ang dalumat ng pagkahumaling. At batay sa aking gunita ng mga pagkahumaling sa soap opera, seryalidad, at telenobela, hindi ito isang agad-agarang proseso bagkus halos isang buong búhay na nailalahad na kuwento. Ngunit higit iyong nilalagom ng isang larawang patuloy na nakadispley sa aking mesa—ang pinakahulíng larawan ko, bílang apat na buwang sanggol habang karga ng aking Lolo Daddy, ang lolo ko sa ina. Kuha iyon, ilang buwan bago siya pumanaw sa isang aksidente. Karaniwang alaala iyon, subalit mayroon doong isang pahiwatig ng parang magiging búhay ko kalaunan. Isang telebisyong black and white, marahil ay Sanyo ang tatak at may tapal pang iskrin na kung tawagin natin ngayon ay anti-glare, sa bandáng kaliwa naming maglolo. Noong una kong mapansin ito, namangha ako. Aba’y parang bahagi pala talaga ng aking talambuhay ang telebisyon mula’t sapul. At nagpatuloy nga iyon, dahil bahagi naman talaga ako ng henerasyong pinalaki sa telebisyon—at sa pangmalawakang mass media. Nagkamalay ako sa isang panahong naging marubdob ang pag-unlad ng talastasang pangmadla, at ganap nang umahon ang tinagurian ni Marshall Macluhan na “global village.” Ang isang matinding pangyayari o event na tinatawag ay hindi na lámang lalaging isang lokalisadong ganap, kundi pandaigdigan. Lahat ay pinag-uugnay-ugnay ng mass media. Monumento natin dito ang wari’y paulit-ulit na pagbagsak ng mga tore ng World Trade Center sa New York noong 9-11.

Naiisip ko ngayon, sa aking pagbabalik-tanaw sa kabataang pinuspos at mediated, kung baga, ng mga naratibo ng telebisyon, radyo, at ng mga kahanay na anyo, ang kung papaanong nagkabisa ang humaling sa akin. Suson-suson din ang aking paliwanag dito. Una’y naging balangkas ito ng pag-unawa sa aking mismong búhay, gaya ng makikita sa aking nabanggit na larawan. Naging paraan din ito ng paliwanag hinggil sa mga binhi ng interes sa mga naratibong de-serye, na kung tutuusin ay dulot lámang ng aking musmos na pagbatá sa boryong ng mahahabang tag-araw sa probinsiya, o ng mithing mag-aliw gámit ang telebisyon tuwing hapon pagkagaling sa eskuwela. May kinalaman din ang humaling sa mismong pagsusulat ko hinggil sa kinahumalingan—sa telebisyon, sa teleserye, sa sariling kasaysayan ng panonood. Katangi-tanging áral para sa akin ang talab ng humaling sa búhay, at búhay-panulat, marahil sapagkat nilalaman nito, hindi lámang ang mga impetus ng paglikha, kundi lalo’t higit, ang mga dahilan ng patuloy na pagsusulat. Nagsusulat ako dahil nahuhumaling ako sa pagsusulat. Nagsusulat ako dahil may kinahuhumalingan akong paksain o tema. Sa Diksiyonaryo.ph, isang sinonimo ng humaling ang “obsesyon,” wari’y isang di matatanggihan o mapipigilang puwersa ng nása at pag-angkin. Sa panulat, naaangkin ko ang talagang kinahuhumalingan, nabubulatlat, nauunawaan. Sa pag-unawa naman sa aking humaling, nababalikan ko ang aking sarili, at ang angking kalikasan na lumunggati.

Kapag nanonood ba ako ng teleserye, halimbawa, ano ba ang aking lunggati at ako’y nahuhumaling? Ang sabi ni Robert Allen (1985), ang soap opera, sa kaibuturan nito, ay isang “narrative text in service of an economic imperative.” Isang napagkakakitahang naratibo, binebenta hanggang may demand. Ang pagbebenta’t transaksiyong ito ang nagsasabi sa ating walang hanggahan ang anyo sa pagkukuwento, hanggang may demand. Bukás ito hanggang sa wakasán na mismo ng produksiyon, o wakasán ng mga tagatangkilik ang pakikinig o panonood. Humaling táyo, tiyak sa kuwento, sa rubdob, misteryo’t salimuot, ngunit higit táyong humaling sa inaabangang katapusan, lalo sa daigdig at búhay na walang kakalasan o closure. Batid nating may katapusan ang lahat, walang habambúhay na salaysay, walang hindi nagwawakas, kahit na ang Ang Probinsyano na parang hindi na matatapos kailanman, tulad ng maraming daytime soap opera sa America na sa kasalukuyan ay kuwento na ng mga kaapo-apuhan ang pinapaksa’t sinusundan. May humaling sa pag-aabang sa kauuwian ng lahat ng pagsubok, at may humaling din sa kalulugaran ng masasamâ sa kuwento. May katarungan ang naratibo, at di tulad sa tunay na búhay, napananagot ang mga maysala’t nagkamali. Babangon ang dinurog, at maibabalik ang balanse ng búhay. Siyempre, ibinubukod (isolate) ko muna ang mga ito mula sa aspektong napagkakakitahan ng anyo, sa ekonomikong tungkulin nito, na hindi ko naman itinatatwa. Isa naman talaga itong produkto.

Romantiko mang maituturing, marahil, nakaugat ang ganitong humaling sa aking masasabing sariling politika—isang politika ng pag-asa, politika ng posibilidad. Bílang manunulat, kailangan kong maniwala, kailangan kong manalig dahil ito lámang ang paraan upang magpatuloy na lumikha. Bata pa lámang ako, nahutok na ako ng mga de-seryeng naratibo sa isang imahinasyong komiko, sa balangkas ng harayang naniniwala, at maniniwala na maganda pa nga ang daigdig. Ito ang kaloob sa akin, sa tingin ko, ng mga seryalisadong salaysay sa nagdaan, mulang arawang soap opera sa radyo at telebisyon hanggang sarsuwelang tinunghayan nang dalawang gabi sa pistahan. Higit pa sa aliw ang udyok ng humaling, kung gayon, kundi lalo’t higit, pananampalataya sa pangingibabaw ng kabutihan, sa pananagumpay sa mga pagsusumikap, sa pagkakasumpong sa katotohanang lilitaw, “kapalaran man ay ibinaligtad,” wika nga ng theme song ng Mara Clara. Pananaw ang ipinagkaloob sa akin ng mga de-seryeng drama, isang pananaw na may pagtanggap sa palagiang nagbabagong takbo ng gulong ng palad. Dahil marahil, sa aking paniwala, ang maging manunulat ay maging tagapagbunyag ng pag-asa, sa gitna ng dilim, ng gulo at galaw, ng kasalatan at karukhaan, ng paninindak at pagpapatahimik, ng pang-aapi at pangmamangmang. Kahit lubhang mahirap. Kahit ang pag-asa mismo ng sarili, ng manunulat, ay umaandap.

Bílang pangwakas, isa pang kaloob marahil ng pagkahumaling ko sa de-seryeng drama ay ang maunawaan ang tunay na ibig sabihin ng kagawian ng paghahambing sa búhay at sa soap opera o teleserye. Ang pamagat ng disertasyon ko ay Ang Drama ng Ating Búhay, na ibig maglaro sa kahulugan ng pangngalan (noun) na “drama,” na tumutukoy nga sa soap opera, at ang pang-uring (adjective) “drama,” na isa namang mapamunang salita na lumalait sa pagiging nguyngoy, pagbaha ng luha, o wika nga, karaniwang kadramahan. Totoo namang talagang madrama ang ating búhay, at madaling ibalangkas sa pananaw ng soap opera o teleserye. Maaaring ikainis ang ganitong pakiwari ng mga pormalista at nananalig sa pangangailangang makasining na sopistikasyon ng naratibo. Ngunit wala silang magagawa lalo pa’t ang búhay, sa totoo lámang, ay talagang mapagbiro kung minsan at bigla ka na lámang dadagukan ng kung anu-anong krisis o pagsubok na parang sa mga soap opera, teleserye, o pelikula mo lámang natutunghayang hinaharap at pinangingibabawan. Biyayang maituturing ang mailalarawang isang “pananaw panteleserye,” sapagkat kung ganitong pananaw ang mayroon ka, madali mong maipatatanggap sa sarili ang pangyayari at mag-aabang ka sa pagbuti ng lahat. Pero alam mo rin na bakâ hindi iyon agad-agad na mangyari at bakâ sumapit din sa iyo ang pag-uusisa ni Job sa Maykapal ng mga dahilan ng lahat ng iyong mga kasawian. Gagawin kang tao ng pananaw na panteleserye. Hindi ka man ganap na ihanda sa lahat ng paglilikot ng kuwento, makaaasa kang ang ligoy ay may kahihinatnan. Tuturaan ka ng teleserye na mag-abang. At, sabi ko nga, maniwala, basta, maniwala.

Clementi
Republika ng Singapore
Hunyo 7, 2019

, ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: