
Malaberinto ang mga panaginip nitong
Mga hulíng gabi, at napadako sa isang
Museong maringal na dati’y sinasadya-
Sadya. Nag-iikot lámang ako, at pagpihit
Sa hagdan, nakasalubong ang makatang
Marubdob, dáting mahal, ngunit nakaligta
Sa paninindigan. Ina ko siyang maituturing,
At napaputang ina siya nang mapabulalas
Ako ng baliw! At totoo palâng kakaripas
Ka sa minotawrong gálit. Nagtatakbo ako
Pababâ. Sinagitsitan ang mga kuwadro’t
Antigo. Nauulinig ko pa rin ang angil.
Balita ko nga’y gusto niya akong sampalin,
Pero sa mga sandaling iyon, wala akong
Balak ipagkaloob ang kahit anong pisngi.
Totoo palâ, nagbago na nga ang babae,
Kayâ, hala, sa pinto sa likod, lumabas ako,
At nakita ang puting toreng naisip kong
Akyatin para makatakas sa nagsasapiitang
Pintungan ng mga sining, kagandahan.
Sakâ naman biglang nakasalubong ko
Itong makatang malumay, kilala sa malikot
Na berso ng hiniwa’t madagtang kaymito,
Binati ako habang papunta raw sa klase,
May hawak na nakapising pulang lobo. Kahit
Nagmamadali [na mukhang hindi], itinuro
Ang akyatan sa tore. May kung anong sinag
Sa kaniyang noo, at napabigkas ako:
Salamat, sa aking pagtakas, natagpuan po
Ninyo ako. Nang aakyatin ko na ang poste,
Itinali ng maestra ang pisi ng lobo
Sa kaniyang leeg, at nagpalutang-lutang.
Namaalam. Sa pagdating ko sa ituktok,
Inasinta ko ang buwan sa animo’y pagaspas.