Ako ang Makata, Kritiko, at Daigdig: Ilang Pagninilay

Binása sa panel na “Weaving Words into Worlds: The Self and Space in Literature” 
sa Philippine Readers and Writers Festival 2019 
Agosto 2, 2019, Raffles Hotel, Lungsod Makati

1. Kailangan nang agad-agad na unahin kong banggitin na ang maikling panayam na ito ay may kinalaman sa aking pinakabagong aklat na Aralín at Siyasat: Mga Pagninilay Hinggil sa Tula (University of Santo Tomas Publishing House, 2018). Ito ang una kong aklat bílang, wow, “kritiko,” sapagkat batay sa etiketa ng aklat, ito ay “kritisismong pampanitikan.” Simple lámang naman talaga ang itinawag ko sa mga sanaysay na nakapaloob sa aklat—mga pagninilay. Sapagkat iyon naman talaga ang aking ginagawa, sa tingin ko, bílang makatang nagsusuri rin ng panulaan, ng kasaysayan ng panulaan sa bansa at daigdig, at ng mga usapin at tunguhing panglikhaan, at natural, pampanulaan. Masarap ding pakinggan ang bagong titulo matapos lumabas ang aklat. Parang lumalaki palá ang aking sulok na takda, kung baga, sa larang, dahil tinanggap at inilathala ang aklat, bílang, wow, “kritisismo.” Sa isang bandá, sa salitâng nabanggit, wari’y hanging itinanim na bakâ umani rin ng bagyo ang etimolohikong ugat nito na “krisis,” kayâ patuloy ako sa pag-aalangan. Iyon mismo ang dahilan kung bakit naisulat ang mga sanaysay sa aklat—ang pag-aalangan. Ibig ko pang makatagpo ng kahit kakarampot na katiyakan, at nasumpungan ko rin iyon sa anyo ng sanaysay, sa anyo ng kritisismo. Bílang makatang patuloy na lumilinang at lumilikha sa aking munting sulok, nakatagpo ako ng panibagong sining at sandigan sa “kritisismo,” sa pagbabasá mismo ng mga tula at ng penomena ng tula. At langkay nito ang patuloy na pag-aalangan, sapagkat, kunsabagay, ito ang nagpapatúloy na raison d’etre o layon, hangad, lunggati ng aking paglikha. 

2. Saan-saan ba ako nag-aalangan at ano ba itong ipinuputak kong mga pagkabalisa ngayong umaga? Noong nagsisimula akong makata, natutuhan kong minsan kay Louise Glück na katakutan din ang salitâng makata bílang personal na etiketa. Wika niyang minsan, sa aklat na Proofs and Theories: Essays on Poetry (1994), na ikinukumpisal ko ngayon bílang herminal sa sariling aklat na itinatampok sa panayam na ito: 

I use the word “writer” deliberately. “Poet” must be used cautiously; it names an aspiration, not an occupation. In other words: not a noun for a passport.[1] 

Ganda, di ba? Pero heto ka. Ano naman ngayon kung tawagin kang makata o kahit kritiko sa Filipinas? Siyempre, sa Tatê, may bigat ang drama ng makatang ating sinipi. Higit silang may bentahe, maraming mapagkukunan at oportunidad, at maaari, batay sa popular na persepsiyon, talagang nakatatanggap ng paggalang at pagkilala. Ang problema sa atin, wala naman talagang nararating ang mga etiketang pangmanunulat na ating inilalapat at/o inilalapat sa atin sa kontekstong ito ng ating sakdal-karukhaan at kadiliman. Palagi táyong nasa balag ng alanganin. Ang sayá-sayá lámang kasi, yayamanin ang tagpuan ng huntahan ngayon, at wow na wow, ipinagdiriwang ang mga manunulat at ang mga giliw na mambabása. Pero mabuting pagkakataon din talaga ito para magnilay táyo: ano ba ang ating dapat ipagdiwang, ipagpista, bílang táyo’y nasa isang Philippine Readers and Writers Festival? Para sa akin, ipinadiriwang, ipinagpipista rito, sa maparikalang paraan, ang kung papaanong may narating ang mga malikhaing pag-aalangan, naging salita, naging paraan ng pagtudla, naging pagbása, naging kamalayan-sa-papel na batbat man ng mga pag-aalangan ay nananatili pa ring umiiral, nalalathala, at binabása.

3. Maraming kailangang pagpukulan ng pag-aalangan sa panulaan. Sa aking aklat, nag-alangan ako sa saysay ng tula sa isang daigdig ng sagitsit, sa sarili nating pag-unawa sa kung ano ang tula [kung mayroon man], sa kung papaanong babasáhin ang panulaang Filipino, sa kung papaanong pahahalagahan ang mga nauna’t kapanabayang makata, sa kung papaano itinuturo ang panulaan [lalo sa panahon na winawalang-saysay ito’t tinanggal na nga sa antas tersiyarya ng edukasyon ang asignaturang panitikan], sa kung papaano ba talaga ang magbása ng tula. Nagsumikap akong pakalmahin ang mga pag-aalangan, at bagaman nailibro na nga ang mga sanaysay sa etiketang kritisismong pampanitikan, dinadalaw pa rin ako ng bagabag dahil ang panulaan, at panitikan sa pangmalawakan, ay nasa isang mabuway na tindigan. Hindi rin nakatutulong ang multo ng organisadong sindak at paglimot na sa ati’y gumagambala’t nangagalantog na parang hungry ghosts ngayong Agosto sa Lunar Calendar ng mga Tsino [layuan at lubayan ninyo po kami!]. Pero ang mga makata, pati na rin ang mga makatang kritiko, ay pawang mga intelektwal na nararapat lámang hindi matahimik at mapatahimik. Kayâ talagang nagkakasaysay ang mga pag-aalangan. Hindi naman sila dapat na magsulat para sa sarili lámang, at ito ang tunay na konteksto ng pagkakalathala ng aking aklat. Sabi nga ni Edward Said sa Representations of the Intellectual (1994): 

The intellectual who claims to write only for him or herself, or for the sake of pure learning, or abstract science is not to be, and must not be, believed.[2] 

Ang taray. Kung gayon, saan ba dapat lumagar kung ibig paniwalaan, kahit man lámang ng nanunurot, nang-uusig na sariling budhi? Kung may mga silid na hinahagkan ng liwanag, ang akin, patuloy na binabalot ng pag-aalangan, at sa aking pagpapatúloy, doon ko piniling manahan. 

4. Sa hulí, ibig kong pagnilayan ang una’t hulíng iniaalay ng sinumang nagsusulat sa larang na ito, na siya namang panudling na paksa ng panel—ang sarili ng manunulat. Matapos makapagkamit ng espasyo [sa larang, sa inyong bookshelves at aklatan, sa kamalayan ng mga mambabása], kung baga, sa pamamagitan ng paglilibro at pagkakalathala, at makahabi ng “daigdig” sa pamamagitan ng salita, ano ba ang nangyayari sa sariling ito? Parang may pagkapunong muli, matapos ng pag-aalay, lalo sa mga ganitong okasyon ng pagdiriwang at pistahang pampanitikan. Ngunit parang higit din ang pagkasaid. Papaano pinupunan ng nagsusulat ang sarili, lalo’t pinili niyang tahanan ang maliliit at malalaking pag-aalangan? Sa pagkakataong ito, kayrami-raming matututuhan sa ama ng unang bugso ng modernistang tula sa Tagalog at imbentor ng dalumat na “sanaysay” para sa essay na si Alejandro G. Abadilla, totoong namuhay sa alanganin bílang makata at kritiko, at ang naging búhay, sa totoo lámang, sa aking palagay, ay hindi kakayanin ng kahit sinong kasapi ng panel na ito.[Hindi namin keri!]. Sa pagbásang muli sa kaniyang tula na “Awit sa Sarili,” hindi ko maiwasang maulinig muli ang paglalarawang minsan ni Virgilio Almario (2010) sa kaniyang masaklap na búhay na nanalig nang lubos sa kaniyang rebelyon at sining. Wika ni Almario, 

napiit sa isang pook na maralita (si Abadilla), namatay at ibinurol sa isang mumurahing funeraria sa Blumentritt, Maynila. Halos tupukin ng isang malaking sunog sa pook iskuwater ang kaniyang alaala. Isang malinaw na pruweba para sa atin ng kailangang sakripisyo alangalang sa isang isinabalikat na bisyon o misyon sa pagsulat.[3]

Wow. Ang dami kong tanong bigla sa sarili—mga patuloy na pag-aalangan—habang ginugunita ang tagpong ito na madamdaming inilarawan ni Almario sa kaniyang aklat na Pitong Bundok ng Haraya, at binabasáng muli para sa okasyong ito ang nabanggit kong “tulabadilla.” Hanggang saan ba talaga aabot ang pagkakaloob ng sarili ng isang makata [o makatang-kritiko] para sa, wika nga ni Emilio Jacinto, ay “banal na kadahilanan”? Kailan nagiging higit na mabigat ang mga nabanggit na bisyon at misyon kaysa mga pang-araw-araw na alalahanin at pangangailangan? Sa tulang aking binabanggit-banggit kanina pa, na marapatin ninyong basahin ko nang buo bílang pangwakas, masisilayan, at makikislapan ng diwa, ang kung papaanong ang isang huwarang manunulat, ay nakikipagkalas sa katiyakan upang higit na madakila ang sining na altar at pinaglilingkuran, isang sagradong dambana ng walang-katiyakan. Walang romantisasyon ang aking pananaw dito kundi pawang paghanga—paghanga sa alanganin at pag-aalangang sinasabi ko ngang binatá ko rin sa pagsulat ng tampok na aklat ngayon, subalit talagang lubhang nanliliit, halos walang kuwenta, kung ihahambing sa isang talagang dakilang pag-aalangan at halos pagbubura, pagsasahiwaga sa sarili, isang mabalintunang paghihilahan ng mga nakakamit at nawawala, sa ngalan ng sining.

5. Awit sa Sarili ni Alejandro Abadilla

1.

Ako
Na wala sa iyo
Ang hinahanap mong wala
Ng ibang napasaiyo.

Ikaw 
Na naghahanap ng wala
Sa akin ay ang ibang
Nasa iyo.

Ako ay ako
At ikaw ay ikaw
Na naghahanap ng wala
Ay hindi ako.

Sino ka
(Kung ngayon)
At sino naman ako?

Ako’y hindi ikaw
Na wala ng ibang napasaiyo.

Ikaw’y hindi ako
Na isang hiwaga sa katauhan mo. 

2. 

Ikaw na may walang
Ibang napasaiyo
At kawalang naghaya
Sa mga lipunan
Ang nangingibabaw
Ngayong damdamin
Sa kabihasnan.

Ikaw na kalahatan
Ng pinagsama-samang iba
Sa iyo na walang kaisahan
Ang nananalig ngayong
Búhay sa pagkaalipin
Ng panitikan
At ng sining.

Dahil sa ibang napasaiyo
Ikaw na kalahatan
Ay walang kaisahan sa sarili.

Dahil sa ibang napasaiyo
Ikaw na wala ay mayroon
At dakila pa rin
Sa iyong kawalan.

Sa iyo ang dalisay na dugo
Ng kaisahan ng sarili
Ay ang mamad na kulay
Sa mukha ng kalinangang
Likha ng ibang
Napasaiyo lámang.

3.

Ako na bukangliwayway
Sa may kulaba mo nang mga mata
Ay ang ganda ng kalikasang
Walang kulay ng kahalagahan
Sa aba ng iyong palad.

Ikaw na takipsilim
Ng isang panahong ngayon ay hindi na
Ay tutugpang walang kabaon-baon
Sa hihimlayang katahimikan ng magdamag
Na hindi pa ma’y lumilibak na sa iyo.

Akong apoy na tutupok
Sa basahan mong damit
Ay lagablab ng naglalatang na damdamin
At kumukulong bagong-dugo
Na kayluwat mo ring inaglahi.

Ikaw na dahong dilaw
Ay ililipad ng sigwang panahon
Kung saan ay ewan ko.

At ako na supling pa lámang
Sa punòng-akasya ay dahong di malalagas
Ng mga sigwa.[4]    

Talâ:

[1] Glück, Louise, “Education of the Poet,” Proofs and Theories: Essays on Poetry (New Jersey: The Ecco Press, 1994), 3.

[2] Said, Edward, “Gods That Always Fail,” The Representations of the Intellectual (New York: Vintage Books, 1996), 110.

[3] Almario, Virgilio, “Konsistensi: Ikaanim na Memo para sa Bagong Milenyo,” Pitong Bundok ng Haraya (Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 2010), 154

[4] Sinipi mula sa ed. Almario, Virgilio, Walong Dekada ng Tulang Tagalog (Lungsod Makati: Philippine Education Company, 1981), 133-135.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s