Kritisismo Bílang Pagninilay

Binigkas sa The Author’s Chair Series ng University of Santo Tomas Publishing House, University of Santo Tomas Central Library Auditorium, Agosto 29, 2019

Marahil, kahit pahapyaw, mabuting magsimula ngayon sa konteksto bago pumalaot sa talakay. Ang aking pangunahing hakà na “pagninilay” ang kritisismo ay nag-uugat sa mga sanaysay ng aking unang aklat ng panunuri sa tula, ang Aralín at Siyasat: Mga Pagninilay Hinggil sa Tula, na inilulungsad ngayon. Mahigit sampung taon ang panahong ginugol sa pagsulat at pagtipon ng mga sanaysay. Produkto ang mga ito ng aking pagtalima, sa anyo ng kritika, sa tungkuling makipagbalitaktakan hinggil sa tula, habang patuloy ding tumutula.

            Sa introduksiyon ng aklat ko ginamit ang “pagninilay” bílang “etiketa” na makapaglalarawan sa mga sanaysay sa aklat.[1]Sa naunáng pagkakataon, binanggit ko nang dulot ito ng sariling kritikal at personal na pag-aalangan sa etiketang “kritisismong pampanitikan,” sa bigat nito bílang tatak na dala ng pangangailangan sa taksonomiya ng paglalathala; at sa tungkuling kaakibat nito, sapagkat, siyempre, sineseryoso ko naman talaga ito, tulad ng marami kong gawaing malikhain at iskolarsyip.[2]Sa okasyong ito, ibig kong pagnilayan ang kritisismo bílang pagninilay, na supling ng pag-aalangang nabanggit, at sa totoo lámang ay dulot din ng pamamangka sa sari-saring ilog ng paglikha—sa pagkakataong ito, sa ilog ng tula at ilog ng kritika.

 

Simulan sa Konsentrasyon

            Bílang makata, matalab sa aking áral ang mga minsang paglalarawan ng Americanang makata na si Jane Hirshfield (1997) hinggil sa epekto ng tula. Wika niya: “Poetry’s work is the clarification and magnification of being.”[3]At papaano raw ito nangyayari? Sa isa pang pagkakataon, binanggit niya naman ang kung papaanong “(w)e seek in art the elusive intensity by which it knows.”[4]At sa tula, bílang kaniya ring pangunahing halimbawa, pinahalagahan niya ang “concentration,” konsentrasyon, bílang pagpapatalima sa atin ng talinghaga tungo sa maliwanag at marubdob na pagkamalay.[5]

            Kapag nagbabasá raw táyo ng tula, animo’y hinihimok táyo nito sa konsentrasyon, upang hagilapin ang sentro ng mga tensiyon at kontradiksiyon, bumaling sa mga ito nang masinsinan, at paigtingin ang ating paghihinagap sa bawat imahen, taludtod, balangkas, pangungusap ng tula. Sa hulí, sapagkat kilalá rin ang makata bílang isang disipulo ng Zen, iniugnay niya ito sa nasabing espirituwalidad ng “one-pointed mind of meditation,” at winika: “When you go to concentration’s center, you are pricked, which should mean you wake up—exactly what a good poem helps you do.”[6]

            Pormatibo para sa akin ang mga kataga ni Hirshfield, at lalong naging matalab nang simulan ko ring tuklasin ang Zen. Sa aking pagbabalik-tanaw hinggil sa sariling praktika ng kritika, higit kong nauunawaan kung bakit ko ginagamit ang salitâng “pagninilay.” Papaano, sumasalok kasi ang aking pamumuna at pagsusuri sa tula sa dalawang pangunahing ilog—ang ilog ng pagmamakata, sapagkat ako nga ay nagmamakata; at ang ilog ng pagbabasá, sapagkat nananalig akong mapalalawig ng pagbaling sa iba’t ibang pagtula’t pagtudla ang aking sariling sining, pati na ang sining ng pagtuturo ng tula, at panitikan sa pangkabuuan.

            Nakabuo ako ng mga pagninilay sa tula, sa anyong kritika, sapagkat sangkot ako sa gawain ng paglikha at magkaakibat na gawain ng pagtuklas sa iba pang orisonte ng pananalinghaga at pagtuturo hinggil dito sa kolehiyo. Supling ng bawat pagninilay na tinutupad ko ang mapagnilay na eksplikasyon at elaborasyon hinggil sa mga bagay-bagay sa pagtula, sa kasaysayan at pamamaraan nito, at sa sari-saring diwain at paksa ng matulain. Sa aking malikhaing kasaysayan, ang kritisismo ang naging ikatlong termino sa patuloy na pagtuklas. At dahil nasa ubod ng pagtula at pagbása-pagtuturo ang adhikang mapaghawang konsentrasyon, nagkakaroon ng saysay ang paggamit ko mismo, o kritikal na paglalarawan, sa kritisismo, bílang pagninilay.

            Sa tingin ko, matibay na sandigan ng ganitong hakà ang aking poetika na wari’y nilalagom ng isang susing-parirala mula sa isang tula sa aking ikalawang aklat, ang Kung Saan sa Katawan(2013). Sa tulang iyon na nagpupugay kay San Ignacio de Loyola, inilarawan ko ang imahen at birtrud ng santong pundador ng Kapisanan ni Hesus, na nakatanghal sa College Chapel ng Ateneo de Manila University, bílang “walang pagmamadaling pananatali.”[7]Isang matamang konsentrasyon sa kadakilaan ng diyos na tumatawag kahit sa makasalanan at nagpapagunitang katagpuin ang kadakilaang yaon sa lahat ng mga bagay. Lunggati ko naman talaga iyon, ang “walang pagmamadaling pananatili,” kahit sa makamundo’t mapagnasang mga karanasang pinapaksa ko.

            Ang totoo, salin at tangka ko rin sa pag-angkin ang pariralang “walang pagmamadaling pananatili” sa minsang tinalakay ng makata at guro kong si Marjorie Evasco, ang sining ng “lingering,” lalo sa pagbása sa panitikan. At dito na ako pumipihit sa pagbabása bílang pagsisikhay ng panulaan at pagtuturo. Kung tama ang pagkakaalala ko, pinahalagahan ni Evasco ang lingering bílang mistulang pananahan sa panitikan, lalo marahil sa tula, na ang kabuuan ay madalas nakasaknong o stanza, na ang ibig sabihin sa minulang Italyano ay “silid.”

            Kapag nagbabasá táyo, parang sandali táyong nanahan sa silid ng akda, ngunit walang pagmamadaling lumisan sapagkat kailangang damhin, namnamin ang pagkasandali ng sandaling pananahan. Sakto ito sa pakahulugan ng salita mula sa Apple Dictionary app: “(to) stay in a place longer than necessary because of a reluctance to leave.”

            Sa aking sariling mga klase, pinahahalagahan ko ang ganitong prinsipyo, lalo pa’t nagmumula ang mga mag-aaral ngayon sa henerasyong masagitsit na awdyo-biswal at bawás na ang pagkahirati at atensiyon sa teksto. Hindi lámang talagang binabása ang isang tula. Pinananahanan ito, kahit sumandali, taliwas sa popular na kasabihan ngayon hinggil sa mga may pinagdadaanan: “daanan mo lámang, huwag mong tambayán.” Ang tula, at panitikan, sa pangkabuuan, ay isang ligtas na tahanan, o tambáyan, upang masumpungan ng pagkamalay hinggil sa mga bagay-bagay.

 

Pagninilay sa Pagninilay

            Palibahasa’y tambay talaga ako ng tula, kayâ nga rin siguro kinailangan ko ng isa pang anyo upang mapagtindigan nitong mga palaboy na pananahanan sa talinghaga. Kailangan ng isa pang artipisyo, ng isa pang silid, upang hindi lámang matustusan ang bawat lunggati para sa paglikha at sa malikhain, bagkus, upang maaari, mapakalma rin ang sari-saring pag-aalangan o pagkabalisa na dulot mismo ng paglikha at pagbaling sa malikhain. At iyon na nga ang kritisismo, ang kritisismo bílang pagninilay, na sa isang bandá’y natural na tungkulin ng talagang pagsasaalang-alang sa kaloob-looban ng panulaan.

            Sa Vocabulario dela Lengua Tagala (1860, 2013)ng mga Padreng Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, may kahulugang “Isaalang-alang ang isang bagay sa kaloob-looban nito,” ang salitâng ugat na “nilay,” at ang “manilay na tauo” naman ay “táong laging mapagsaalang-alang ng kalooban.” Naiisip ko tuloy, bunsod ng mga pakahulugan mula sa Sinaunang Tagalog: bukod sa lalong pagpapatalim ng pananaw sa pagtula, ano ba talaga ang naidudulot ng pagiging mapagsaalang-alang, pagiging mapagnilay, lalo sa anyo ng kritisismo, at sa ating kaso, kritisismong pampanulaan?

            Konsentrasyon pa rin ang naiisip kong tugon, katulad ng patuloy kong natutuklasan sa pagtula at magkaakibat na gawain ng pagbása at pagtuturo ng tula. Ngunit isa pang salita ang pumukaw sa akin sa pagbabalik ko sa paboritong kritikong Briton na si Catherine Belsey. Wika niya, sa aklat na Criticism (2016): “Criticism proceeds by putting forward answers to questions, and specific questions focus attention differently.”[8]

            Attention. Ang kritisismo, sa pinakabuod nito, ay atensiyon—pagbaling, pagtitig, pagsipat, pagtingin, pagtalima, lalo sa pinakamahihirap na tanong ng, at sa panitikan—isa pang uri ng konsentrasyon, ng walang pagmamadaling pananatili, at ng pagninilay.

May lumay, humihingi ng panahon, subalit naroroong umiiral sa puyo ng krisis na kaloob ng kritisismo. Tandaang ang mismong etimolohiya ng salitâng “kritisismo” ay nakaugat sa “krei,” na di lámang minulan din ng salitâng “krisis,” kundi nangangahulugan din ng “to sieve” o salàin. Ang kritiko, kung gayon, ay isang táong may kakayahang kumilatis at nakatititig sa mata ng unos ng malalim na pag-iisip.  

Sa kritisismo bílang pagninilay, naharap ko ang mga ito, lalo sa masugid, masigasig na pagpaksa sa praktika, kasaysayan, at kislap-diwa ng tula. Isa rin itong pagtahan, pagtambay sa danas, tulad ng pagsulat ng tula, at pagbása/pagtuturo ng tula.

            Ngunit matapos ay ano? Sapagkat naitulak na nga akong magnilay, na iputong din sa ulo ang salakot ng pagiging kritiko, higit na naging malinaw sa akin, sa pagsasangkot ko sa sarili sa inilarawan minsan ni Isagani Cruz na kabuwisitan ng kritisismo [wika niya: “Buwisit ang isang kritiko at kabuwisitan ang kritika. Iyon ang papel ng kritiko’t kritika sa ating lipunan ngayon.”[9]], ang maigting na ugnayan ng paglikha at pagbása/pagtuturo, sa inuusbungang kasaysayan.

            Nakatungko o nakatriyanggulo sa tatlong ito, sa paglikha, pagbása/pagtuturo, at kasaysayan ang kabuuang lawas ng aking kritisismo bílang pagninilay, hindi lámang dahil ang mga gawaing ito na sinikap kong ipaliwanag bílang kritisismo ay talagang nakasalalay sa panahon, kundi lalo’t higit, ang naging paglalabas ng aklat ay, kung baga, rinaragasa rin ng panahon.

            Nang ibalita sa akin ni John Jack Wigley, dáting direktor ng University of Santo Tomas Publishing House, ang rekomandasyong tanggapin at ilathala ang aklat, malinaw na ang badya ng mga pangyayari, lalo na ang pagkabuwal ng maraming mahirap dahil sa digmaan laban sa droga ni Duterte at ang tuluyan at palihim na pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani. Paparagasa na ang halos tahimik at orkestradong paniniil at pagpapalimot sa lipunan.

            Napatanong tuloy ako sa sarili. Ano pa ang silbi nitong aklat, bukod sa magdudulot ito sa akin ng taunang publication award, bílang karera ko naman talaga ang maglathala, sa panahong maglathala-o-masawi (publish-or-perish) ang kalakarang akademiko at mahalaga ang pagbibilang ng citationat limpak-limpak ang maaaring maiuwi kung malalathala sa isang Scopus o World of Science-indexed publication?

            Nanlumo ako, sa totoo lámang, nang pagnilayin ko ang tanong, lalo’t nang maipaabot sa akin ng anghel ang mabuting balita, nakatakda kaming makinig sa premyado ng Nobel para sa panitikan na si Mario Vargas Llosa, na magsasabi kalaunan, sa kaniyang lektura, sa UST rin, na talagang kinatatakutan ng mga diktadura ang mabubuting panitikan.

            Sinibulan din ako ng pag-asa, kahit papaano. Kasi, kung totoo ngang lahat ng gawaing ito ay pagninilay—ang pagtula, pagbása, at pagtuturo—at naanyuan ko ito sa isang kritisismong nagpapakilalang pagninilay, isang pangangailangang gawain, sa ating panahon ngayon, ang matalik, walang-tákot, at masusing pagsasaalang-alang sa kalooban.

            Kailangan natin ang kakayahang ito, lalo’t hindi man pormal na ipinapataw ang anumang Batas Militar, laganap naman ang sindak at paninikil. Hindi na ito kailangang pangalanan. Ito na ang ating realidad, kung saan patuloy na inilalako ang ating soberanya sa makabibili sa pinakamataas na halaga at lubhang dinadapurak ang ating dangal, sa ngalan ng malilinis na lungsod at maluluwag at nadaraanang bangketa. Maganda, pero…

 

Sa Loob ng mga Pag-aalangan

            Binabalikan ko ngayon ang susing-salita na kritisismo bílang pagninilay ay naigigiit, muli at muli, na ang panulat, sa totoo lámang, ay hindi lámang talagang personal at solitaryong gawain, bagkus, isang gawaing panlipunan, isang gawaing kolektibo, kahit mag-isang nakikipambuno sa salita ang manunulat. Isa itong pagkatok sa sariling loob, na ang totoo, ay loob din ng lipunan at kolektibo.

            Wari’y “pakikiisang-loob” din, wika nga ng Heswitang Paring Albert Alejo (1990), lalo pa’t sa isang bandá, tulad ng kaniyang pamimilosopiya sa loob, ang kritisismo bílang pagninilay, ay nababalot din ng pagkapukaw sa mga pagkabalisa na, kung mamarapating hiramin ko ang kaniyang mga kataga, ay “dala ng pagkasangkot sa kapwa, pagkasangkot na lalong nagpapalalim sa sariling loob.”[10]

            Ang manunulat, bílang makata, mambabása, guro, o kritiko, ay bahaging-bahagi ng daigdig, at tiyak na kahit papaano’y binabalisa, binabagabag, ng kaniyang madalas ay walang-katuwirang paligid. Nag-aalangan siya, at ang pag-aalangang iyan, sa una’t hulí, ay pag-aalangan din ng kaniyang kapwa. Minsan ko nang nabanggit na bunsod ng mga pag-aalangan ang aking pagsulat ng kritisismo. Ang sabi ko pa, ibig kong makatagpo ng kahit kakarampot na katiyakan, at nasumpungan ko rin iyon sa anyo ng sanaysay, sa anyo ng kritisismo.

            Maraming nakaaalangang bagay akong binatá sa pagsulat ng mga sanaysay sa aklat, lalo’t hinggil sa pagbabasá mismo ng mga tula at ng penomena ng tula. Ngunit nakamata ang mga pagbása, ang mga pagninilay na iyon sa daigdig, sa labas ng mga akda at kanilang kasaysayan, na may talab din sa akin, bílang isang humuhugot din, ng wika ni Alejo ay “lakas at udyok na magpakatao at lumaya.”[11]

            Nag-aalangan ako habang nagninilay sa kritisismo, nagtatanong, nag-uusisa, humahagilap ng kapalagayang-loob, kahit sinasabing isa lámang iyong ilusyon. Gayundin sa pagsulat at pagtuturo ng tula. Binabalingan ko itong mga pag-aalangang ito na parang mga palaging bisita sa tahanan, mga tambay na kailangang estimahin, hindi lámang upang tuluyan akong lubayan, kundi upang higit na maging matalab sa akin, sa kabilâng bandá, ang tula, at panitikan sa pangkabuuan, at sa isa pa, ang danas ng aking kapwa-tao.

            Isang espasyo ng paghimpil, ng isa ring walang-pagmamadaling pananatili, ang kritisismo bílang pagninilay, upang higit na mapagkalooban ng sapat na lápit at bulay ang naisakatagang mga pagpapakalma sa mga pag-aalangan at pag-aalinlangan. Isa ring pagdalisay sa loob, lalo pa’t takda naman ng kasaysayan, simula’t sapul, ang mga tamang panahon ng pagkilos at pagkalos.

            Para ring walang-humpay na pag-awit ng Pasyon, kung gayon, ang krisisismo bílang pagninilay, paghahanda sa loob at pagpapaigting sa pakikipagkapatiran at pagdamay, wika nga ng kanonigong pagsusuri ni Reynaldo Ileto (1979). Gawaing indibdwal at kolektibo ang pagsulat at diseminasyon nito, at isang panibagong wika [ibig kong hiramin dito ang parirala ni Ileto na “a language for venting ill feelings” na inilapat niya sa Pasyonbílang tagapaghasik ng diwang rebolusyonaryo bago at matapos ang Panahon ng Himagsikan[12]], lalo sa panahong dinudusta na nga ang karapatan sa malayang pamamahayag ay isinasantabi pa ang panitikan bílang mapagpalayang disiplinang akademiko. Darating ang panahon ng pagkilos at pagkalos. Kailangang maghintay at magmatiyag. Kailangang magtiyaga. Kailangang maghanda.

 

Kritisismo Bílang Pakikipag-usap

            Ibig ko ring igiit na isa itong pangunahing paraan ng patuloy na pakikipag-usap, itong kritisismo bílang pagninilay. Hindi lámang sa kapwa na pinakiiisahan ng loob o sa sariling loob, ngunit lalo na sa kapwang piniling maglayo ng loob, dulot na rin ng mga naging takbo ng kontemporaneong kasaysayan at mga hidwaang umusbong at nagtulak ng matigas na pagtindig.

            Kamakailan, usap-usapan ang insidente ng “panggagahasa” umano sa isang pambansang palihan, at siyempre, naging tampok sa social mediaang mga balitaktakan hinggil dito. May ilang naglabas ng kanilang personal na saloobin, may ilan ding lumagda sa mga manifesto bílang pakikiisa sa paghahanap ng hustisya. 

            Malinaw ang aking posisyon hinggil dito, bagaman, nag-alangan ako sa uri ng mapagpako-sa-krus na diskursong lumilitaw: nararapat lámang na isulong ang gawing ligtas na espasyo (safe space) ang kabuuang institusyon ng panitikan at malikhaing pagsulat at ang mga sangay na tagapagpagaganap nito tulad ng mga palihan. Walang dapat pagtalunan hinggil sa bagay na ito, bagay na dulot ng kilusang #metoo sa buong daigdig na patuloy na niyayanig ng sari-saring eskandalong may kaugnayan sa seksuwal na pang-aabuso at laro sa kapangyarihan.

            Sa gitna ng paglalagablab ng usapin, sakâ naman biglang nagparamdam itong makatang mahal sa akin at sumulat ng mapanudyong tula tungkol sa insidente. Ipinaskil sa Facebook. Kumalat.

            Angtula, sa aking pagbása’y ibig magbigay ng matalim na pagsusuri hinggil sa kung papaanong nagsasaespektakulo lámang ang usapin ng panggagahasa, lalo sa social media, at sa isang bandá, sa tingin ng di iilan, ay walang ibig panigan sa pagitan ng nag-aakusa at akusado, na sa tula ay tila pinag-anyo pang nasisiyahan, nasasarapan sa ispektakulong nalikha ng alingasngas, sa “panggagahasa” sa mismong nagtatagisang mga naratibo ng gahasa.

            Natural na tumanggap ito ng marubdob na pamumuna, lalo pa’t kontrobersiyal naman talaga ang naging mga pinakahuling paninindigan ng makata. “Repulsive” pa nga ang paglalarawan ng isang kamakata sa Instagram, ibig sabihin, nakakasuklam, nakakasuka. May gayundin akong pakiramdam sa tula, pero nanurot ang pag-aalangan, sapagkat, anuman ang sabihin, tula itong inihaharap sa atin at dapat balingan. Pinatulog ko muna ang aking paghusga, hanggang kinabukasan, makausap ko hinggil dito ang isa pang makatang kaibigan at tulad ng makatang kontrobersiyal ay kahanay namin sa samaháng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).

            Sinabi ko sa makatang kausap ang aking panimulang pagbása, pati na ang aking pag-aalangan sa mga paghusga sa tula—lalo sa makata. May nahinagap akong intensiyon, lalo pa’t tinamaan nang husto sa usapin ang direktor ng palihan. Siyempre, wala naman ito sa teksto, sabi nga ng mga pormalista. 

            Sa aming pagpapalitan ng opinyon, biglang naitanong sa akin ng kausap: “LJ, bakit ka nag-alangan? Nagandahan ka, ano?” Napabuntong-hininga ako sumandali, at sinabi kong, “Kahit kailan, wala naman akong naging duda sa kaniyang husay, lalo sa kaniyang hawak sa wika.” Natural na manggaling ang opinyong ito sa akin, dahil bahagi ako ng unang henerasyon ng mga makatang humanga sa kaniya. Ang unang aklat pa nga niya ng tula ang paksa ng aking undergraduate thesis. Pero naisip ko rin na kagyat na itugon: “Ngunit, hindi lahat ng matulain ay tama.”

            At noon ako nagkaroon ng katahimikan sa loob, dahil nawari ko kung saan nagmumula ang lahat ng pagkasuklam at pagsusuka sa paligid. Hindi ako tumigil sa pagkakahusga lámang dito bílang “repulsive,” kayâ kinailangan ko ring manahimik at papag-isipan ang mga bagay-bagay. Kailangan kong magnilay. Gusto kong maunawaan, kapwa ang tula, at ang reaksiyon dito ng mga tao.

            Sinabi ko na kaninang hindi lahat ng matulain ay tama, at litaw namang angkop itong ilapat sa kaso ng tula. Masalimuot ang tula, nagsasangandiwa, at maaari ngang makapangubli sa kalikasang ito ang sinumang ibig gamítin ang panulaan para sa kalisyaan. Hindi lahat ng matulain ay tama sapagkat kailangan ding umangkop ang tula sa banal na kadahilanan ng tanggapan ng pagmamakata. Maganda ang tula dahil may kislot at kislap ang talinghaga, may pihit ang mga salita. Ngunit kinakasangkapan itong sandata upang sawatahin ang tunay na usapin, sa ngalan ng pag-uyam sa mga pumupuna at kaaway. Hindi lahat ng matulain ay tama, lalo kung ang patama ay wala sa lugar.   

            Patuloy akong nakikipag-usap sa makatang usap-usapan sa pamamagitan nitong paliwanag hinggil sa kritisismo bílang pagninilay, nag-aabot ng kamay ng pakikipagkaibigan, kahit, ang dinig ko, sasampalin niya raw ako sa oras na kami’y magkita. Hindi ko maatim na tumigil sa pakikipag-usap, sapagkat, sa hulí, lahat ng uri ng pagsasakataga, para sa akin, ay usbong ng malasakit at pagmamahal. Hindi ako maiinip sa paghihintay.

 

Lunas sa Pagkainip  

             Bílang pangwakas, tungkol naman sa pagkainip, na sa ganang akin ay laganap ngayon, lalo’t biyaya at sumpa ng digital na teknolohiya at social media ang agad-agarang pakikitalamitam at talastasan, ang instantaneity na binabanggit ng pilosopong Pranses na si Paul Virilio (2010), na aniya’y nagdudulot ng “deterrence of the future as well as the past” dahil sa “loss of memory.”[13]

            Tingin ko, isang bagay ding tinutugon nitong wari’y “balangkas” na ngayong kritisismo bílang pagninilay ang mismong pagkainip, na parang lagi táyong itinutulak ng pagkakataon na paspasang makisangkot sa kung ano-anong usapin, magrehistro ng sentimiyento, makisawsaw gámit ang ating malikhaing arsenal tulad ng kritisismo. Naranasan ko ito mismo sa kasong naikuwento ko kanina, sa sarili kong hanay ng mga makata na parang ibig ipatapon sa ibang planeta ang tinalakay na makata.

            Waring lumalabnaw ang mga paninindigan sapagkat nauunahan ng pagmamadali, ng paminsan-minsang nakakainis na pambabraso, dahil bakâ nga naman mapanis ang mga tindig at mawalan ng talab [ang bokabularyo natin diyan ngayon ay “relevance”].

            Ethos na siguro natin talaga ang pagmamadali, ang kakagyatan (immediacy), lalo’t madaling malibing sa limot ang lahat, lalo sa nakalutang na artsibo ng internet. Naaalaala ko tuloy na may isang paboritong salita si Virgilio Almario kapag may ibig latayan ng pagpuna o paggagad sa kaniyang kritisismo—ang inip. Sa mga sulatín, marami na siyang pinuna sapagkat “mainipin,” lalo kung may kaugnayan sa kakulangan sa pagsusuri sa mga pangunahing sanggunian, sa mababaw at lisyang pagsusuri, sa bulagsak na pananaliksik, o sa karaniwang heneralisasyong kulang sa suhay at patunay.

            Marahil, kung tatanungin ako sa dapat matutuhan sa “uri” ng kritisismong aking ibig tuparin, at patuloy na tinutuklas, marahil ay ito nga iyon: ang batahin ang inip, ang titigan ang paninindigan nang mata sa mata, ang maging estratehiko at marunong sa aksiyon, lalo matapos ng masusing pagbubulay gámit ang anumang anyo ng pagsasakataga—tula man o kritisismo.

            Mahirap pahinugin sa pílit ang pagtanaw at pananaw. Hindi rin naman agad-agarang makokombinse ang kapuwa sa mga iniisip na nararapat na panindigan o pagpanig. Nakasandig pa rin ako sa walang pagmamadaling pananatili, sa pananalig na may maibubunga itong pirmeng pagninilay, sapagkat humihingi rin ito ng panahon ng pagkaganap, ng panahon ng aksiyon.

            Sa tingin ko, may tákot ang lahat sa paghimpil, sa pagtigil sumandali, sa pananahimik na hinihingi ng pagmumuni, dahil posible nga namang tubuan ito ng stasis at paralisis na maaaring tuluyang pumigil sa ahensiya ng nakikisangkot. Maaari siyang maglunoy sa nilay na halos makapagpalibing, makapagpabilanggo sa loob. Sa kabilâng bandá, maaari ring magtulak ang pagmamadali sa pagkareaksiyonaryo’t higit na mapanganib na mga paglaban.  

            Ngunit isa talaga itong pangangailangan, itong pagninilay, lalo sa atin, na sa pangkalahatan, ay sineseryoso, di lámang ang tungkulin ng paglikha, kundi lalo’t higit, ang intelektuwal na adhikang katawanin ang mga nasasalaysayan, at isawika tungo sa kapangyarihan, ani nga ni Edward Said (1994) ang katotohanan,[14]ang laging itinatatwang katotohanan.

            Bahagi ng hinihinging “commitment and risk, boldness and vulnerability”[15]sa ating lahat, hindi lámang ang kahandaang lumaban at mag-alay ng búhay para sa kaibigan, kundi lalo na, ang pagdaanan ang mahabang panahon ng pagdalisay sa mismong sariling loob upang tupdin ang mga piniling oblasyon, ang lantay na pagkilatis sa sarili at pananaw na para kang inuurian.

            Ang kritisismo bílang pagninilay, sa ganang akin, ay mistulang paglukso sa pusod ng malagablab na apoy, nag-uusisa ng nakatitiyak ka ba, at naninindak ang bagà, alipato, at lagitik. Isa itong walang katapusang paglukso sa pagkadarang, sapagkat sa hulí, ito’y isang pag-aalay ng sarili sa ngalan ng pakikiisang-loob.                    

 


[1]Basahin sa Louie Jon Sanchez, “Panimula, Pananalig,” Aralín at Siyasat: Mga Pagninilay Hinggil sa Tula (University of Santo Tomas Publishing House, 2018), 1-12.

[2]Sa aking panayam na “Ako ang Makata, Kritiko, at Daigdig: Ilang Pagninilay” binása sa panel na “Weaving Words into Worlds: The Self and Space in Literaturesa Philippine Readers and Writers Festival 2019, Agosto 2, 2019, Raffles Hotel, Lungsod Makati. Mababása sa https://louiejonasanchez.com/2019/08/02/ako-ang-makata-kritiko-at-daigdig-ilang-pagninilay/.

[3]Jane Hirshfield, “Preface,” Nine Gates: Entering the Mind of Poetry (New York: Harper Perennial, 1997), vii.

[4]Hirshfield, “Poetry and the Mind of Concentration,” Nine Gates, 5

[5]Ibid, 6-7.

[6]Ibid., 7.

[7]Sinipi ito ng makatang Benilda Santos sa kaniyang blurbsa aking aklat, at wika pa niya: “Narito [sa aklat] ang ehersisyo ng walang pagmamadaling pananatili [ang kabuuan ng taludtod], isang poetika ng maamo, malumanay (bagaman mariin at mapusok din), at mahigit na paghawak sa haraya samantalang laging sinisipat at tinutudla ang puso sa tula.”

[8]Catherine Belsey, “The Practice of Criticism,” Criticism(London: Profile Books, 2016), 4.

[9]Isagani Cruz, “Ang Papel ng Kritiko at Kritika sa Ating Lipunan,” Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2003), 19.

[10]Albert Alejo SJ, “Pamimilosopiya Mulâ sa Pakikisangkót,” Tao Po! Tuloy!: Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao (Lungsod Quezon: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1990), 4.

[11]Ibid, 5.

[12]Reynaldo Ileto, “Toward a History from Below,” Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1979), 21.

[13]Paul Virilio, “The Futurism of the Instant,” The Futurism of the Instant: Stop-Eject (Cambridge: Polity, 2010), 70.

[14]Edward Said, “Representations of the Intellectual,” Representations of the Intellectual: The 1993 Reith Lectures (New York: Vintage, 1996), 8.

[15]Ibid., 13.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s