Bagong Tula: Pasasalamat


Larawan ni Stanislav Kondratiev mula sa Pexels.com.

Hindi naman uso sa atin ang maghayin
Ng pabo mula sa hurno, subalit patapos

Na ang taon at may kung ano sa dapugan
Ng dibdib ang nagpapatala sa mga ito—

Ang pagkakasakit sa pagtuldok sa pangungusap,
makapagmartsa lámang sa pagtatapos.

Tatlong taóng pag-ibig na kinailangang
Palayain upang matagpuan ang inaapuhap.

Bagong aklat na inismiran sa timpalak.
Pagkasimot ng ipong dalangi’y kusang

Mabawi sa susunod na taon. Taas-
Babâ ang banghay na parang presyong

Inaagapayan ng tabletas, subalit sige
Lámang ang búhay sa pagtulak sa akin

Sa kung saan-saang lupalop, wari’y
Ruweda ng palad sa barahang natutuhang

Basahin, limiin, sapagkat wala akong
Kaalam-alam, sapagkat lalong naging

Mailap ang katiyakan. Gayunman, kaypalad
Pa ring hindi kanser ang ubo ni bunso.

Naglalakad na ang isang taón niyang panganay,
Nagkukunwang tumutugon sa tawag sa selpon

Habang aliw naming minamasdan sa bidyokol,
At noong isang buwan, sinasabayan pa akong

Hipan ang kandila sa keyk sa pagsalubong ko
Sa ikaapatnapu. Buháy pa ako, oo, nakatindig,

Yumayap, yumayapos sa mga pamangking kapiling,
Na para bang sila na lámang ang katahimikan

At daigdig, at nagbabalik sila ng yapos
At yakap, at marahang naghihilom ang galos

At sugat ng taóng ito. Umiikot na muli
Ang ruweda papaakyat, gaya ng nakatakda,

Ngunit walang kalinawan ang patutunghan.
Magkadaop ang aking palad sa nilay at dasal,

Humihiling ng higit na kapalaran, kundi man,
Karunungan kahit sa dulang na walang laman.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: