Bagong Tula: Anunsiyasyon


Anunsiyasyon sa Cestelo ni Sandro Boticelli.

May arkanghel na nagbalitang
Sa palagay daw ng ilan, hindi raw
Umaangat sa matulain
Ang bago sanang aklat ng tula.
Kayâ madaling itaboy
Na parang manunuluyan, kahit
Humihilam pa ring kagampan
Ang talinghaga, kumakatok sa mga pinto,
Nagsusumamong payagan nang
Sumalampak, kahit sa anumang sabsaban,
Nang mailuwal ang dapat mailuwal.

Namanglaw ako sa totoo lámang,
Ngunit wari’y may liwanag na bumabâ.
Bakâ nga totoo ang balita.
Bakâ hindi na talaga ako makata.
Nilay kasi ako nang nilay,
Dasal nang dasal, sa dami ng
Ibig maunawan sa kung ano-anong
Kabulastugan ng maykapal, at madalas
Kahit panay ang aking simba,
Tikóm lámang siyang nakatanaw.
Patawad. Akala ko kasi’y
Ang mga iyon ang kailangan.

Sa bawat paghagilap ko sa Talinghaga
Ng mga Talinghaga, bakâ naupos
na nga ang salita ko, isang ispermang nahipan.
Sadyang mailap ang verbo.

Kayâ ayos na rin siguro
Ang rebistang natanggap. Iniisip ko,
Isa lámang itong matapat na bisita
Sa sulok ng malalalim na paghahanap,
Waring bumabating pagaspas
Sa miyural ni Boticelli, hinihipo
Ang bawat tangka—higit sa pagpapaliwanag,
Sa pag-unawa. Nagsasabi
Ng talagang dapat mabatid
Upang aking lalong makilatis ang ugnay ko
Sa pagsasakataga. May ibinibinhi ito
Sa sinapupunan ng paglikha
Na kung anong hindi ko alam.
Bahala na siya. Siya nawa.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: