May Problema ba sa Kulturang Popular?

IMG_5052Panayam sa 6th Area Studies National Conference, University of the Philippines Manila Theater, Pebrero 27, 2020.

Isang paanyaya sa pakikipagtagpo’t pakikisagupa ang tanong ng panayam na ito. May himig na maangas, parang handang makipagtagisan anumang oras, mano a mano, ngunit ang totoo’y talagang nag-uusisa lámang. May katapatan at ibig talagang maintindihan ang isang bagay na noon pa man ay pinagtataasan ng kilay at makailang-ulit na ring ipinagtanggol ng mga kinauukulan. May problema ba sa Kulturang Popular?

Siyempre, natural na asahan mula sa akin itong pagtatanong sapagkat pangunahing paksa ng aking pag-aaral nitong mga hulíng taon ang teleserye.[1] At masasabi kong binago na talaga ng teleserye ang pananaw ko sa búhay, sapagkat binuksan nito ang aking mga mata sa limitasyon ng natutuhan kong mga pagtanaw, lalo sa pagsulat at pagbása sa panitikan, na mapagpahalaga nga sa iilan at pilîng uri ng akda ay nagsasantabi naman sa marami pang iba, at madalas dahil sa pagiging malaganap ng mga ito’t tangkilik ng marami.

Isang 180-digring pihit ang nasabing pagbabago para sa isang pormalista/New Critic[2] na tulad ko na nagtuturo ng Panitikang Ingles sa Pamantasan sa isang bandá, at sumusulat din ng tula sa Filipino, sa isa pa. Sa matagal na panahon, ang itinuring ko lámang na panitikan ay yaong may organikong kaisahan, nakapagsasarili at may kahulugang di kailangan ng paglilinaw ng awtor, ng pag-uugnay dito sa kinausbungang daigdig, at ng pag-alam sa dating sa nagbabása. Ang katanggap-tanggap lámang ay yaong mga akdang sopistikado, impersonal, at kanonigo o pilîng-pilîng tagapagsiwalat ng mga kaisipan hinggil sa mahahalagang danas-pantao. Ang ibang hindi pumapasa sa pamantayan ay hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon, gaya ng maraming anyo ng kulturang popular.

Kailangang aminin na sa di iilang pagkakataon, minata ko rin ang kulturang popular, pinagtawanan at kinutya. Isang maihahalimbawang tagpo nito ang papel na ipinasa ko minsan sa klase sa graduate school hinggil sa mga mumurahing nobelang romansa na nilalako sa palengke. Inilarawan ko ang isa kong nabása na hindi kapani-paniwala sa maraming aspekto, lalo sa pagtatauhan at paglalahad. May file pa ako nito’t muli ko ngang binása habang naghahanda sa panayam na ito. Hindi ako makapaniwalang kinain ko lahat ng mga isinuka ko.

Matapos kong ganap na ibabad ang sarili sa teleserye, nakasumpong ako ng pagkapahiya sa aking mga naunang pag-ismir sa mga tekstong tulad ng nobelang romansa. Namuhay ako sa pagmamataas, sa paniniwalang walang makikitang kahulugan sa mga ito. Ngunit panahon nga lámang talaga ang makapagsasabi, at heto na ako, pinatutunayang sa loob ng mga ito, may matatagpuang lohika, kaayusan, kasaysayan, at napakakomplikadong pananaw-daigdig na nagbabalon sa kamalayan ng nakararaming tumatangkilik sa mga ito. At lalo’t higit, mga ugnayan at pagpapakulugang panlipunan na humihinging tunghan.

Dapat na igiit na walang simple, ni kabagot-bagot sa mga bagay na ito, taliwas sa ibig na ipapaniwala sa atin na likás na may hirarkiya ang mga pagpapahalaga sa kultura, na may mataas at mababang kultura, at yaong matataas na kultura lámang tulad ng Panitikan [kapitalisado ang P], ang siyang nakapaglalaman at nakapaglalaan ng lantay na mga kislap-diwa (insight) hinggil sa ating búhay at lipunan sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.

Inilalatag ko ang mga pagmumuni at pagpapaunang ito sapagkat ito mismong mapagmataas na pananaw na ito laban sa kulturang popular ang ibig kong suriin—ang totoo’y suriing pa-muli—sa okasyong ito. Kasi, hindi naman ito talagang ganap na natibag, kahit pa bolyum na nga, halimbawa, ang naisulat ng ating pangunahing komentador hinggil dito, si Soledad Reyes (1991 & 2002, 2007). Nagpapatúloy ito’t kailangang patuloy na usigin. At mukhang isa itong gawaing walang maliw.

Kailangang igiit na nananatili ang kababaang-tingin sa kulturang popular, at lumilitaw ito sa samutsaring anyo at pamamaraan. Noong isinusulat ko ang kasaysayan ng teleserye, makailang-ulit kong nakaharap ang pagkokompara rito sa mga seryeng Hollywood o Americano. Ang sabi pa ng isang kritikong sumulat ng isang listicle, “Pinoy teleseryes will never upgrade to Hollywood-level” (Bayabos). Walang batayan ang mga dahilan, kabílang na ang mga sinasabing pagpapakalat ng estereotipo lalo sa karakterisasyon; ang teatrikal na pagganap ng mga artista; at ang arawang pagpapalabas na di umano tulad ng mga serye mulang Estados Unidos (ibid).

Ang tanong ko naman, bakit kasi hambing táyo nang hambing sa mga modelo o produktong Hollywood o Americano? Wala ba táyong mga sariling pamantayan? Bukod sa kaalaman sa pamantayan, kulang din táyo sa kabatiran sa kasaysayan ng maraming kultural na teksto. Kayâ nga pinagsumikapan kong sulátin ang kasaysayan ng teleserye. Bakâ sakali, kung may kasaysayan na ito, mapahalagahan na rin ito sa wakas.

Ngunit hindi teleserye ang ibig kong pagtuunan ng pansin sa ngayon, para maiba naman, bagaman sa di iilang pagkakataon, tutukuyin ko ang naging karanasan ko sa pag-aaral dito. Ang talagang paksa ko ay dalawang artikulong isinulat ng iisang tao, na kapwa pumapaksa sa maituturing na kulturang popular, mga popular na pigura sa kasalukuyan. Sa ganang akin, ang pagsusuri sa mga diskursong tulad nito ay makapagpapaliwanag sa patuloy na pananaig ng pananaw na ating nabanggit, sa mga totoong problemang nakapaloob dito, at sa halaga ng pag-aaral ng kulturang popular sa kasalukuyan, sa kabila nito.

Isang dapat pang aminin ay mahirap talagang ipaliwanag kung ano ang kulturang popular, at kung ano-ano ang maaaring ituring na kulturang popular. Bílang pambungad, gagamitin nating ubod ng pakahulugan ang susing salita ng termino, ang “popular,” na maaaring mangahulugan, di lámang ng pagkamalaganap, kundi ng malawak na pagtanggap.

Isang napakahirap at nagpapatúloy na gawain ang pagpapaliwanag sa kulturang popular bílang konsepto at paksa. Sa laksa nitong pakahulugan bílang, halimbawa, mga kagawian ng tao sa araw-araw o pana-panahon; bílang siyang naiiwan o nasasalaylayan sa pagsusuma ng matataas na kultura (high cultures) at usaping panlasa (matters of taste); bílang kultura ng masa na napagkakakitahan, nakasalig sa pormula, at dahil dito ay nakamamangmang; bílang kulturang nagmumula sa, at ginagawa ng mga tao; bílang kulturang tagpuan ng labanán sa pagitan ng mga dominante at napaiilalim na mga puwersa sa lipunan; at bílang kultura ng posmodernong panahon, nananatiling magalaw ang dalumat, at hindi “definitionally obvious,” wika nga ni John Storey (5-13).

Ang wika pa ni Storey, ito’y sapagkat “a great deal of the difficulty arises from the absent other which always haunts any definition we might use [italisado ng sinipi]” (13). Sa pagtalakay sa kulturang popular, anuman ang pakahulugan natin dito mula sa mga naitala sa itaas, “(i)t is never enough to speak of popular culture; we have always to acknowledge that with which it is being contrasted” (ibid.). Kayâ rin iginigiit ang pagpapanatili ng “specific theoretical and political inflection” (ibid) sa pagtukoy dito, isang bagay na akin ding sisikaping tuparin sa pagkakataong ito.

Sa ating kaso ngayon, maititindig ang specific theoretical and political inflection sa pamamagitan ng lalo pang paglilinaw sa ibig kong sabihin sa kulturang popular. Sa ating kaso, ito yaong mga malaganap at malawak na tinatanggap na mga uri ng kultura na minamata o hinahamak sa isang makaúri at mapag-uriang pananaw.

Sa Filipino, may salita táyo para sa astang ito, ang matapobre, na batay sa Diksiyonaryo.ph, ay kombinasyon ng salitâng “matá” mula sa Tagalog at “pobre” mula sa Espanyol na “mahirap.” Ang matapobre, batay sa diksiyonaryo, ay “mayaman na mapanghamak sa mahirap.” Isa itong usapin ng uri, at maaari pa, ng mga urian, kung gayon.

Ang matapobre ay masasabing kapwa pang-uri at arketipo ng kulturang popular sa Filipinas, tumutukoy sa lubhang masamâng ugali na kinaiinisan ng marami dahil sa yabang at arogansiya na kaakibat ng pagiging mayaman o nakaririwasa sa lipunan. Kilala rin ng mga Filipino ang matapobre sa mga kathang tauhan at kontrabida, na nanghahamak ng mga hindi nila kauri sa mga daigdig at lipunang ginagalawan.

Ngunit may saysay din ang matapobre na tumutukoy sa pananaw, sa isang pagtanaw sa iniisip o itinuturing na kababaan, sapagkat nagmumula sa pinaniniwalaang mas mataas na posisyon o poder, sa iba’t ibang kadahilanan.

Minamata ang “pobre” hindi lámang dahil dukha ito, kundi marahil hindi ito magagap ng isip, mahirap intindihin, komplikado, hindi masabayan dahil nga hindi “kapantay” mula sa orisonte ng pinamumuhatan, kaiba (other). Ang “hírap” na taglay nito ang nagdudulot ng potensiyal sa pagbalikwas mula sa dominante, sa mga naghaharing uri, o uri ng pananaw, sapagkat may kapangyarihang manlansi, umikot (evade), o kung kakailanganin, manalakay sa mga mapagpirmi’t mapagtakdang pakahulugan at pagpapahalaga. Palagiang nilalabanan ng pobre ang pagkakatalaga sa isang sulok lámang sa kaayusang panlipunan o kaisipan, sa sentido kumon marahil, at asam niyang parati ang mobilidad at paggalaw.

Ganito rin ang masasabi sa kahirapang nakapaloob sa “pobre” bílang salita. Wari’y púsong (trickster), sinasabayan ng pobre ang pag-akyat, pagpanaog sa hagdan ng estrukturang panlipunan o pangkatuturan, sinisikap takasan, labánan ang pagkahulog sa kahulugan, at ngayon nga, hinahayaan ang sariling lagpasan ang pagiging pangngalan at katuturang arketipal upang maging batayan natin sa pagpapanukala sa saysay ng kulturang popular.

Sa ganitong pangangatwiran, masasabi nating ang kulturang popular ay ang kulturang hinahamak, at maaari pa, kultura ng mga hamak. Nag-uugat ang ganitong pagsasaysay sa dila ng matapobre na sukdulan ang pagmamataas at pagmamatuwid sa pandidiri sa mga kulturang kaiba sa kaniyang nakamulatan at nakasanayan, sa mga kulturang inaaglahi niya sapagkat hindi naman talaga lubos na naiintindihan. Kung susumahin, ang nag-aaglahi pa ang siyang may karukhaan sa pananaw samantalang naghuhusga sa itinuturing na pobre.

Sa ating konteksto, masakit sa tainga, at lalo marahil sa loob, na tawagin kang matapobre, kahit totoo naman, dahil labag ito sa kabutihang-asal at yumi (modesty) na inaasahan sa lahat. Ngunit sa ganitong usapin, nagiging makapangyarihang sandata ang salita upang masawata ang pagmamataas, lalo na ang pagluluklok sa sarili sa ituktok ng mga pagtatakda sa mga halagahan at pagpapahalagang panlipunan o pangkultura.

Nagiging kritikal na babala ito sa ating lahat na natutuhang paniwalaan ang pagiging likás ng hirarkiya ng mga bagay-bagay, lalo sa sining at kultura. Matapang nitong niyayanig ang tindig ng pagmamataas, at ibinabalik sa hamak ang ahensiya at kapangyarihang binabawi, inaagaw ng nása itaas mula sa kanila. Malutong na mura ito sa sinumang patuloy ang pananalig sa kabulastugan ng kaisipang ibig panatilihing hindi ábot at maikakalat sa lahat ang kaisipan.

Ang Dalawang Artikulo

Paksa ng ating pagsusuri ang mga artikulong “Leav and let live (What I learned from meeting Lang Leav)” (Pebrero 29, 2019) at “Bea Alonzo Defined Hugot-Let’s Move On” (Enero 1, 2020), kapwa isinulat ng makata sa Ingles na si Mookie Katigbak Lacuesta. Dahil nasusulat sa Ingles, at isinulat pa nga ng isang makatang pinaniniwalaang nangunguna at napakahusay sa kaniyang larang, madaling ipagmatuwid na taglay ng mga ito ang pagmamataas na dulot ng nakamihasnan ding hirarkikal na pananaw sa wika.

Ngunit maaari namang sumandaling ipagpaliban ang duda dahil mayroong tulad nina Nick Joaquin, Gilda Cordero Fernando, Doreen Fernandez, o Resil Mojares sa nakaraan na nakapagtanghal ng kakayahang sumulat sa Ingles nang may pagkabukas ang isip hinggil sa mga popular na paksa, at sa nangungusap, nakikipag-usap pang wika. Hindi naman lahat ng artikulong Ingles ay nagtataguyod ng ating pinupunang pananaw.

Sa kasawiampalad, hindi nakahulagpos ang mga artikulo sa sinasabi nating prehuwisyo. Sa himig na nakapook agad sa isang lugar na mataas, nakamata ang manunulat sa kaniyang mga paksa na hindi lámang nagsusuri kundi nang-uuri. Marahil kasi, panahon na rin talaga ngayon ng paghuhubad sa obhetibidad ng peryodismo at hindi na kailangang magkunwarang desinteresadong nag-uulat lámang ng mga narinig at nasaksihan. Ang pagsaksi’y talagang ibinabalangkas sa subhetibidad ng manunulat na wala nang hiya-hiya sa pagsisiwalat ng kaniyang pananaw at pagtanaw, kaugnay ng paksa.

Sa istandard ng ating panahon, popular ang mga pinaksa ng manunulat, at aminado ang manunulat na penomenal ang mga taóng kaniyang kinapanayam sa sari-sarili nilang paraan. Ang una ay ang “instapoet” at sensasyong pampanulaan sa internet na si Lang Leav. Si Leav ay taga-New Zealand at migrante mula sa Thailand dahil sa Khmer Rouge. Awtor siya ng mahigit limang aklat, karamihan ay tula, na tumabo ng milyong benta sa buong daigdig dahil na rin sa pagsikat at perpetrasyon ng mga ito sa internet. Marami nang pagtatalo-talo kung mahusay ba talaga ang kaniyang panulaan, subalit hindi ko na iyon babalingan pa sa pagkakataong ito. Isa pa, naipagtatanggol naman niya ang sarili.

Ang ikalawa ay ang aktres na si Bea Alonzo. Sa cover story na isinulat ng awtor, inilarawan si Alonzo na tapaghubog ng mga tinatawag na “hugot movie.” Ito’y matapos na bumabad sa mga nasabing uri ng pelikula, na wika ng awtor ay “a kind of melodrama specific to the Philippines…a phenomenology of heartbreak,” kung saan, halimbawa, tanghal ang isang “break-up crystallized into its bare essence, given a quotable one-liner, and made into a hashtag—or stretched into a movie.”

Bagaman tinangkang ipakita ng manunulat kung papaano humulagpos si Alonzo sa nasabing genre, at patungo na nga sa higit na mapanghamong mga papel at pelikula ang tanyag na, naging abala siya sa pagpipiit sa kinapanayam sa karsel ng kaniyang pagkakaunawa, kapwa sa hugot at aktres bílang mga kultural na paksa.

Hindi kalabisang sabihing napakalupit ng manunulat sa kaniyang mga pinaksa. Kay Leav, hindi naitago ng kaniyang matayog na “pagmamalasakit” sa panulaan [ang totoo’y akademikong panulaan, panulaan ng establisimiyento] at sa mambabásang nalululong daw sa berso ng instapoetry ang makikita namang ngitngit sa kasikatan at pagkamalaganap ng kinapanayam, na apat na ulit nang bumisita sa Filipinas.

Malinaw ito sa pambungad niyang dream sequence, kung saan kakatwang inalusyonan ang tanyag na eksena sa pelikulang Bituing Walang Ningning (1985) kung saan binitiwan ang mga katagang “you’re nothing but a second-rate, trying hard, copycat” sa engkuwentro ng dalawang karakter na sina Dorina Pineda at Lavinia Arguelles.

Sa simula pa lámang, sa isip ng manunulat, siya si Dorina na takdang magpabagsak sa sinasambang idolo na si Lavinia. Ngunit ang lathalain ay hindi kuwento ng pagkasumpong sa sariling galíng ng isang Dorina, at sa pagkamalay sa pagiging maitim ng buto ng isang Lavinia, malayong-malayo. Ni hindi nga rin kuwento ni Leav, na mistulang naging insidental na sitwasyon sa makulay na búhay-manunulat ng ating butihing awtor. Sa artikulo, lumitaw ang tunay na kulay ng sumulat at wala siyang pagpapaumanhin sa kaniyang asta, kahit pa sinasabing nagpipigil.

May sinambit siya sa bandáng hulí ng artikulo, na sa tingin ko’y talagang nagbunyag ng kaniyang totoong posisyon, habang isinasalaysay ang engkuwentro kay Leav: “The question for me is not whether or not Instapoetry is a viable poetry, but what kind of new reader it’s creating. It’s a question my husband (who is both a writer and an editor) and I have discussed for at least an hour tonight—an eon in the Instagram age.”

At isinulat niya ito na parang lagom matapos na animo’y litisin ang kabuuang naratibo ng pagsikat ni Leav at ang ibinahaging mga pananaw nito bílang makata ng social media. Wala siyang kaalam-alam na higit siyang pumapasok sa kuwento bílang si Lavinia kaysa Dorina, walang habas sa pagtatapon kay Leav ng mga pagkokompara sa mga makatang kaniyang binabása at higit na pinagtitiwalaan [at pawang mga Americano] bílang isang arál na makata [na nag-aral din sa America].

Masdan halimbawa ang sabi pa niyang ito, na susog sa kaniyang posisyong mapagtawa:

I have never read a Lang Leav​ book from cover to cover. I do not know that this is her fourth visit to the Philippines. I am not aware that she has written a book called Sea of Strangers, whose imagery draws heavily on the surrounds of Leav’s current home by the sea—one punctuated by birdsong and the fitful sighs of a nearby ocean. Which is to say, I do not champion social media as a viable platform for good literature, but Leav has been one of the first to show us its democratizing power. She talks about Instapoetry as a movement, born out of a necessity. “We’re not policed by the establishment now,” she says.

Mula sa artikulo, makikita na problema ng manunulat ang demokratisasyon ng panulaang nalikha ng penomena ni Leav, sampu ng kaniyang mga kasapakat. Ang demokratisasyon ay makikita sa kasikatan ni Leav, sa kaniyang pagiging popular—mahigit 500 libong follower sa bawat account sa Twitter at Instagram; 1 milyong follower sa Facebook, marahil milyong-milyong benta ng kopya ng aklat sa buong daigdig, na tiyak kong di iilan sa inyo sa bulwagang ito ay mayroon. Aminin!

Nakakainggit naman talaga ito para sa isang tulad ng makatang kailangan pang kumuha ng assignment na lathalain marahil para lámang madagdagan ang kita. Madalang ang pagkakataon na siya ang kinakapanayam. Sa isang mundo kung saan si Bob Ong lámang yata ang pinakamayamang awtor, at kakaunti ang mga oportunidad para malathala, hindi kataka-takang ang isang “bestselling poet” na tulad ni Leav ay maging isa ring “every poet’s dream and worst nightmare,” sang-ayon sa artikulo. Papaano’y taglay niya ang hindi natin maangkin sa daigdig ng panitikan sa pusod ng Third World/Global South.

Pero ano-ano ang implikasyon nito? Bahaging-bahagi ang sumulat ng establisimiyento, at kahit pa nagsabing nahiya sa paghugot ng “establishment card” dahil hindi naman siya “asshole enough,” naroroon naman itong nakadikit sa kaniyang noo, sinisikap disiplinahin ang diskurso ni Leav sa pamamagitan ng kaniyang salaysay.

At bílang bahagi ng establisimiyento, na namihasa sa pagtatakda sa kung ano ang katanggap-tanggap na mga uri ng panulaan, sinasabi niya sa atin, malinaw pa sa síkat ng araw, na hindi tula ang ginagawa ni Leav, sa kaniyang pamantayan.

Siyempre, mapag-aawayan naman talaga ang mga pamantayan. Nakatitiyak akong wala itong magiging katapusan, marahil kahit makabalik na si Kristo sa lupa. Ngunit hawak ng sumulat ang asersiyon hinggil sa banta sa establisimiyento ng mga tulad ni Leav. Para sa kaniya, lumilikha si Leav ng mga mambábásang kaiba sa kamithi-mithi, na tubog sana sa higit namang akademikong pananaw na aminin na nating hindi napapasok ng marami, lalo’t kung isasaalang-alang ang lubhang napakasamang sistemang edukasyonal.

Ano ba itong “new reader” na tinatawag ng sumulat kundi yaong iniisip niya na mangmang, dahil wika na rin niya, ang kinalulugdang basahing panulaan ay mga aporismo lámang, at maaari sa kaniyang tingin, kulang sa organikong kaisahan, talinghaga, at kislap-diwang matulain na ebanghelyo sa maraming klase sa panitikan? Medyo madaling taluntunin ang lohika ng sumulat, dahil tulad niya, at sabi ko nga sa simula, dati rin naman akong pormalista/New Critic.

Masasabi ring sa pananaw ng sumulat, malapít sa komersiyalismo—na noon pa ma’y kinaumayan na ng mga unang nag-aral ng kulturang popular—ang isang susing-salita na binigkas ni Leav hinggil sa kasalukuyang panahon ng pagsusulat at paglalathala ng tula: ang demokratisasyon.

Sa pamamagitan ng “democratizing power” kumulat ang matapat na mga pagtatapat sa berso ni Leav sa social media. Sa pamamagitan ng “democratizing power” na ito, naging katanggap-tanggap na malathala ang mga ito at maibentang libro. At sa pamamagitan din ng “democratizing power” na ito, wari’y lumabnaw ang mga pagtataguyod ng establisimiyento, na nagpapahalaga sa iisang uri ng panulaan, sa isang panulaang maaari’y abót lámang ng iilan. Saan nga naman lulugar ang mga tulad ng sumulat?

Samantala, kapansin-pansin naman ang paintelektuwal na tindig ng awtor sa kaniyang pakikipanayam kay Alonzo. Iyon ang kaniyang persona sa artikulo habang sinusundan ang aktres, kásama ang mga potograpo at kawani ng magasin, ” up and down a hotel hallway like a dolly crew on a movie set.” Intelihente rin naman kasi ang kinasangkapang talinghaga ng manunulat, marahil upang hugasan ang kamay sa tila nakadidiring daigdig ng showbiz na kaniyang pinapaksa:

As with any star, there’s always the question you’re dying to ask, and the question you end up asking. It’s a question that almost always has to do with dirty laundry—especially the material it’s made of, as well as what sticks to it. Today, it’s a mixture of cotton and linen, dirt and heartbreak; it also has to do with an actor who shall not be named because this is all about Bea. The way to segue into that question is to first ask about her movies.

Interesante ang set-up ng istorya, at pagkakagamit dito bílang talinghaga—siyempre, ano pa ba ang aasahan natin mula sa ating butihing makata ng makailang taóng Palanca. Ngunit may dulot ding nakangingitngit na kinang ang pigura ni Alonzo, kung kayâ’t parang ibig siyang ilaglag na din sa tambak na labadang-hotel na props ng kuwento.

Litaw iyan sa kaniyang photo spreads sa magasin, kahit sa bersiyon nito sa website. Pagtatakda itong dulot ng sa tingin ko’y misedukadong pagpapalagay ng sumulat hinggil sa mga kulturang pelikula na kinasangkutan ng aktres nitong mga hulíng taon, at pati na rin sa mismong aktes bílang pigura ng kulturang popular.

Una na riyan ang hinggil sa hugot movie na tinatawag ng manunulat, inilarawang a kind of melodrama specific to the Philippines, at a phenomenology of heartbreak, mga bagay na ating sinipi na sa itaas. May dagdag pa siyang paglalarawan dito, na sa tingin ko’y mga akala lámang ng isang limitado ang pagkakababad sa mga pelikulang tulad nito: “eminently quotable, gut-and-heart-roiling… (where actors are) spouting one-liners that (are) meant to hurt in a paradoxically cathartic way.” Sa paglalarawang ito, ang tinutukoy ng sumulat ay ang pelikula ni Alonzo na One More Chance (2007) kasáma ang aktor na si John Lloyd Cruz.

Hindi ko alam pero parang diring-diri naman itong sumulat batay sa kaniyang diksiyon. Ang malalâ pa, lubha itong mainipin. At lalo na manipis. Manipis, una, sa pagkakaunawa sa melodrama mismo, itong madalas ay hindi maunawaang “mode of excess,” wika nga ni Peter Brooks (1995), at may “indulgence of strong emotionalism” (11).

May prehuwisyo ang marami sa atin sa ganitong moda, madaling nakapagbabansag dito na maingay at OA, atbp. May pagpapahalaga kasi ang marami sa atin sa sopistikasyon at pagkamatimpiin na natutuhan sa Kanluran, na lalo pang iginiit ng hindi ring mahulagpusang pormalismo/New Criticism. Ito ang mahihiwatigan sa paglalarawan dito bílang phenomenology of heartbreak, anuman ang ibig sabihin niyon.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit mahina ang paliwanag sa kung ano talaga ang hugot movie, na iginigiit ng sumulat na isinulong umano ng aktres na kinapanayam. Nakatindig ang manunulat sa kaniyang mga akala, sa kaniyang mga pagpapalagay, na ang totoo’y kulang ang pagpapahalaga, halimbawa, di lámang sa naging papel ng social media sa diseminasyon ng hugot, mula sa pagiging hugot lámang ng iba’t ibang tao, sa anyo ng mga naka-meme na salita, kataga, pangungusap, o kahit sitwasyon. Sayang at nabanggit pa naman ang mga pakikihamok ni Alonzo sa social media nang minsang masangkot ito sa hiwalayan, bagaman naging kawil din iyon sa pagtataguyod ng konseptong hugot. Kulang din ito sa pagkakaunawa sa melodrama na lagi’t laging may ginagampanang papel sa lipunan sa pana-panahon.

Totoo, maaari ngang maging pekulyar ang ganito sa Filipinas, pero kung melodrama at melodrama din lámang ang pag-uusapan, masasabi rin naman ito hinggil sa mga pelikulang Hollywood noon at ngayon. Laganap ang ganitong moda sa lahat ng panig ng daigdig. Parang hindi man lámang ito nakita ng awtor.  Hayun tuloy, nakanal ang manunulat sa paglalarawang ang hugot movie ay uri ng pelikula na spouting one-liners na eminently quotable, at pawang naglalaman lámang ng “thankless couplings or uncouplings and all the poetic feelings they engender.” Tama, ngunit hindi ganap na tama.

Gayundin ang masasabi sa iba pang genre ng pelikula na binanggit sa artikulo, tulad ng “chick flick as your average rom-com,” na “female counterpart (daw) of a bromance flick” at kung saan, “sometimes a man is thrown into the mix, not so much as a lead but as an obstacle getting in the way of an intention”; at horror na aniya’y kundi “Western Horror Film 101 for a Filipino audience accustomed to the genre being done in the Shake, Rattle and Roll vein,” ay iyong “genre’s campy twin (more hair-raising, of course, than humorous).” Kung ano-anong terminong pinagsasambit at binibitiwan dahil makikitang hindi niya hawak ang bokabularyo ng tinatalakay.

Kapansin-pansin din ang hilig ng sumulat sa pagkokompara, at talagang hindi siya malubayan ng diablo ng palahambingan, lalo sa mga halimbawang Hollywood o Americano. Sa kaniyang mata, si Alonzo, kahit na “without a doubt, a local pride” at totoong “a Filipino sweetheart,” ay hulmado sa akrtes na si Meg Ryan, “in all those beloved Ephron films in the ’80s and the ’90s.”

Lalong nagiging kargado ang dalawang artikulo kung babanggitin pa ang kanilang mga high-end na platapormang pinaglathalaan. Mga publikasyong lifestyle ito na ang paksa ay samutsaring kasosyalan. Ang papayam kay Lang Leav ay inilabas ng ANCX, isang seksiyon ng ABS-CBN News Channel, at sinsabing “the fine gentleman’s lifestyle guide: from travel tips, style hacks, culture spotlight, and must-try food and drink hubs in town.” Ang kay Alonzo naman ay inilathala ng Esquire Magazine, na inilalarawang pumapaksa sa “era’s constant stream of concerns, issues, and fashions,” at naglilingkod sa isang “refined group—men other men strive to become.”

Magkapara ang dalawang plataporma na may pananaw-lalaki pa dahil sa piniling audience, na nakamata—sa midyasyon ng babaeng manunulat—sa dalawa pang matagumpay na kababaihang iniluluklok sa kanilang matagumpay na puwesto sa kasalukuyang kulturang popular.

Bílang paglalagom, ano ba ang problema ng manunulat sa kaniyang mga naging paksa, na sa ganang akin ay mikrokosmo ng kulturang popular? Pangunahin diyan ang hindi siya makababa sa toreng garing ng mga pinanghahawakang halagahan, isang bagay na dapat ginagawa kung pumapaksa sa popular.

Ang pananatili sa ituktok ay nakapagdudulot ng mga sumusunod, gaya ng makikita sa ating pagsusuri: (1) kakitiran at pagpirmi ng pananaw dahil nga napapamahalaan ng mga paniniwala sa “kaibhan” ng mga kultural na kagawian; (2) pagpapataw ng angking dunong kahit hindi na ito lumalapat sa pinapaksa; (3) at patuloy na pananalig sa paradigma ng pagiging produkto lámang ng kulturang popular, isang likhang nagpapatupad ng malawakang pagmamangmang at panlilinlang sa madla.

Sistemiko ang pagmamata ang idinudulot ng mga artikulo sa kanilang mga paksang popular. Ang pagmamata ay tunay ngang may taglay na hirarkikong kamalayan, mula sa mga halagahang pinanghahawakan ng manunulat, sa kaniyang pagdudunung-dunungan at pagmamataas, hanggang sa tanaw (gaze) na pinamumuhatan ng paglalathala.

Mahirap talaga itong takasan, sa gayong paraan na wari’y hinding-hindi kailanman makaaahon mula sa kinasasadlakan ang mga kagawian ng kulturang popular sa pagiging “bakya, baduy, at basura,” wika nga ni Reyes (1997, 325). Piit ang dalawang panig, ang tumataya at mga paksa, at ang tanging magpapalaya ay ang patuloy na pagsawata sa namamayaning posisyong matapobre. Kailangang madurog at mapatag ang bertikal na mga paninindigang dulot nito.

Áral ng mga Artikulo hinggil sa Pag-aaral ng Kulturang Popular 

Instruktibo ang dalawang halimbawang teksto hinggil sa pagpaksa at paglubog sa kulturang popular para sa ating lahat. Ipinakikita ng mga ito ang kung ano ang nararapat na iwasan sakaling mapadpad sa larangang ito. Maraming kailangang matutuhan, at marami ring kailangang kaligtaan, kahit pasumandali, upang magkaroon ng puwang sa ating orisonte ang madalas ay hinahamak na mga kultura, o kultura ng mga hamak. Kailangan ng bukás na isip at puso para sa mga ito. Kailangan din ng malikot na imahinasyon upang masipat sa panibagong paraan ang mga kagawian at tekstong nabanggit.

Sa madaling sabi, bago ang lahat, kailangang harapin at sawatahin ang mga sariling problema sa kulturang popular, lalo na ang pagiging likás na matapobre kapag nahaharap sa mga ito. Ano-ano nga ba ang maaaring gawin? Ibig kong pagbatayan ng aking mungkahing tugon ang tatlong problemang binanggit ko sa itaas. Sa tingin ko, mabuti nang magsimula sa mga ito, at magpalawak na lámang ng kaalaman sakaling lalong maging sangkot sa pag-aaral ng kulturang popular.

Hinggil sa kakitiran at pagpirmi ng pananaw dahil nga napamamahalaan ng mga paniniwala sa “kaibhan” ng mga kultural na kagawian, ang lunas dito, batay sa aking karanasan, ay pagbabagong loob at paradigma, kahit hindi kagyat. Dahan-dahanin kung kailangan. Isang proseso ang patagin ang mga pagpapahalagang kultural sa isip, lalo pa’t marami sa atin ang edukado sa ganitong mga halagahang ang paniwala sa atin ay hindi matitinag, panghabambuhay, at unibersal.

Lahat ng mga gawa at gawaing kultural, likha o kinasasangkutan ng sinuman, ay mahalaga at nararapat na huwag takdaan ng mga kaibhan, lalo batay sa mga nakamihasnang urian at uri ng lumalahok. Halimbawa, ang maaaring mahangong estetika mula sa kulturang popular ay dapat ituring na singhalaga at singmakahulugan ng estetikang ebanghelyo ng pormalismo/New Criticism. Anumang pagpapahalaga at pagpapalagay ay kailangan ipook at ilugar sa pinagmumulan ng kulturang popular. Kailangang alamin kung saan ba ito nanggagaling.

Sa pagpapataw naman ng angking dunong kahit hindi na ito lumalapat sa pinapaksa, pagbabagong loob at paradigma rin ang kailangan. Kapag tumitingin sa kulturang popular, madali ang maging suspetsoso at mapagmataas, lalo kung armado ng mga teoryang natutuhan sa klase o pagbábasá-basá. May sariling dunong ang kulturang popular na lumilitaw lámang sa handang makipagtagpo rito nang matapat at masinsinan. Kailangang maging maláy sa mga pagkakataong nagpipilit na táyo ng ating mga imposisyon sa mga paksang popular na pinapasok.

Mahalaga ang ganitong tindig lalo kung ang paksa ay talagang hindi mo gamay. Nasuwertehan ko lámang siguro ang teleserye dahil lulong ang buong pamilya ko sa iba’t ibang uri nito sa mga nagdaang panahon. Pero maraming bagay ang ibig ko pang tuklasin, at may pagtanggap ako sa katotohanang hindi ko naman lahat alam. Kayâ bago pa man ako magpatúloy, bababad muna siguro ako sa isang bagong teksto at pagtanggap dito, lulubog sa wika at bokabularyo ng mga ito, at sisikaping unawain ang aliw at lugod na nagmumula sa mga ito. Ituturing ko ang sarili na mag-aaral ng paksa, higit sa pantas. Hinding-hindi ako magpapanggap.

Pagbabagong loob at paradigma rin ang tugon sa paniniwala na produkto nga lámang ang kulturang popular, isang likhang nagpapatupad ng malawakang pagmamangmang at panlilinlang sa madla. Ang pananatili sa ganito’y isang paurong na paninindigan, kahit pa nitong mga hulíng taon ay napakalayo na’t kung saan-saan nakaratıng ang pag-aaral at pagteteorya hinggil sa kulturang popular. May di iilan nang naniniwala na may kakayahan itong lamnin ang mga lunggati, pati na marahil tákot ng sambayanan. Kailangan talaga ang masusing pagbása.

May bulgaridad na nga ang paniniwalang ating tinutukoy, sa isang bandá, dahil napatunayan nang magalaw ang pagpapakahulugan at hindi lagi’t laging nasusunod ng tumatanggap na audience ang pangunaging mithi ng mga prodyuser ng kulturang popular, ang magbenta at kumita. Halimbawa, nailuklok na ni Stuart Hall (2005) sa ating bokabularyo ng pag-unawa sa telebisyon ang komplikadong proseso ng enkoding at dekoding.

Pero kasi naman, talagang napakahirap makaalpas sa ganitong pagdududa. Masyado itong nakatutok sa teksto at sa posibilidad ng pagpapakahulugan nito. Kayâ hindi rin sanay ang marami sa atin na balingan ang tagatanggap, ang audience, na madalas ituring na walang muwang at ahensiya, walang kakayahang makapag-isip at makapangatwiran, at lalo na makatugon. Hindi naman ito palaging totoo. Posibleng may iba silang pagbása sa mga tinatanggap, at posible ring hindi lámang aliw ang kanilang nahihinagap sa pagtanggap. Madalas nating tatakang nakamamangmang ang kulturang popular sapagkat ang totoo, wala táyong tiwala, lalo na sa mga tumatanggap.

Sa pagtatalo-talo hinggil sa halaga ng panulaan ni Leav, nasabi ko nang minsan na bakâ mali ang binabalingan ng mga kritiko. Bakâ wala sa mga tula ang sagot sa pagtataka ng marami kundi sa pagtanggap sa mga ito. Ano ba ang sinasabi ng popular na pagtanggap sa instapoetry ni Leav? Saan na ba kasi napunta ang edukasyong pampanitikan sa daigdig, ang institusyon ng tula? Hindi kayâ inaani lámang ng mga ito ang lubhang akademismo ng panulaan sa maraming panig ng daigdig, at pagtalikod sa mga mambabása? May nakikita akong pagkabigo sa pakikipagdaupang-palad.

Samantala, interesanteng teksto ang karera ni Alonzo, lalo’t kung babalingan ang unti-unti niyang pagkagamay sa pagtatakda ng direksiyon ng kaniyang “sining,” sa pagkamalay na sining nga iyon. Kung hindi naikahon sa hugot na piniling paksain ng ating artikulong sinuri, makikita ang isang kapana-panabik na yugto sa búhay ng isang penomenal na artista at pigura ng kulturang popular—marahang tinatalikdan ni Alonzo ang kaniyang pagiging karaniwang artista, matinee idol, at magandang mukha sa telebisyon at takilya. Nagkakamalay siya sa pagiging tunay na artista, sa pagiging sining ng kaniyang karera. Na patunay lámang sa isang bagay: may sariling búhay ang kulturang popular na hindi basta-basta maitatakda.

Totoo namang maraming problema ang kulturang popular. Batbat ito ng mga kontradiksiyong hindi natin maitatanggi. Ang teleserye nga na aking paksa, samantalang maaaring basahin na nagsisiwalat hinggil sa kalakaran ng kasaysayan at araw-araw ay palagiang minumulto ng ekonomikong imperatibo nito. Isa itong telebiswal na produkto.

Ngunit ito nga ang siyang nagpapasabik sa akin bílang mag-aaral ng teleserye. Lagi akong napapaisip hinggil sa kung papaanong mabibigyang saysay ang tagpuan ng pakinabang na personal at panlipunan sa isang bandá, at ng pakinabang na korporatibo at pangnegosyo sa isa pa. Ano bang mga kahulugan ang mahihinagap sa tagpuang ito? Ano ang sinasabi ng mga ito hinggil sa ating kasalukuyan; sa politika, lipunan, at kultura; sa kasaysayan?

Namumuhay táyo sa isang magulong panahon at daigdig na minumulto ng paninikil sa malayang pamamahayag at nilalambungan ng kawalang-katiyakan. Hindi natin alam kung kailan sasabog ang lahat. Sa tingin ko, isang paraan ng patuloy nating pagkapit sa búhay ay ang pagtangkilik sa iba’t ibang anyo ng kulturang popular. Kayâ mahalagang pag-aralan ang mga ito sa ngayon, hindi lámang bílang pag-unawa sa kung ano ang naidudulot sa atin ng mga ito, kundi bílang pagtatala na rin sa kasaysayan ng ating patuloy na pagtindig, patuloy na pakikipagsapalaran sa mundong ibabaw.

Oo, naaaliw, nababaliw táyo sa mga kulturang popular, sandaling nakalilimot at nakapagpapahinga, nakalalasap ng lugod na lubhang napakamahal sa ngayon, sa totoo lámang. Ngunit naniniwala akong humihigit pa rito ang nakukuha natin, halimbawa, sa pagbábasá ng mga tula ni Leav, pakikisabay sa pagluha ni Alonzo sa pelikula, o pagsubaybay sa mga teleserye. Para sa akin, palaging may politika ng posibilidad ang mga ito, at ang kailangan lámang ay yaong masisigasig na mag-aarál na magsisilbing tagapagpaliwanag.

May potensiyal din ang kulturang popular na makalikha ng masasabing kritikal na masa, lalo pa’t talagang nakalubog ito sa iba’t ibang pangkat ng madla. Hindi kailangang sa prodyuser lámang magmula ang udyok para rito, bagaman malaki ang maitutulong kung gayon nga. Maaaring magsimula ito sa mga sinasabi kong mga mag-aarál, sa kanilang mga gagawing pagpapaliwanag hinggil sa mga pinagsasaluhang kulturang popular.

Kailangang magbuklod at lumikha ng hanay na handa para sa gawain ng paglilinaw at kung maaari, lalong pagpapatalas sa isip at pananaw ng sambayanan. Kayâ talagang napakahalagang pag-aralan ng kulturang popular, lalo sa ating konteksto ng paniniil ng estado sa mga daluyan ng impormasyon at pag-iisip, na madalas, daluyan din ng mga tekstong popular na tinatangkilik ng bayan.

Naniniwala ako sa aliw at lugod na hindi lámang nakapagpapalaya mula sa pagod na dulot ng araw-araw na pag-iral at pagbabanat ng buto. Naniniwala ako sa aliw at lugod na nakapagpapalaya rin sa isip, anumang pilit na sikilin o lunurin ito sa mga orkestradong pangmamangmang o pagpapalimot ng mga may interes.

Kailangan tandaan na kahit ba hinahamak, ang popular sa kulturang popular ay nakatindig sa ispera ng mga tao [sa etimolohiya, mula ang salita sa “populus” o mga tao]. May kakayahan ang kulturang popular na hatiran ng lugod ang tao, at batid na natin ito sa kasaysayan. Kasaysayan din ang magpapatunay na mapaghubog ito ng kamalayan, at sa di iilang pagkakataon, napangatwiranan itong naging daan sa pagdalisay ng loob bílang paghahanda sa panahon ng kapatiran at pagkilos.

Masdan na lámang ang Pasyon at ang maaaring nalikha nitong rebolusyon noong panahon ng Espanyol. Kung magbabagong loob at paradigma táyo, maaari, bakâ matunton natin ang inaasam-asam na daigdig ng mga pagbabago, lalo sa panahon ng pamumuhay sa daigdig ng kontradiksiyon. Panahon lámang ang makapagsasabi. Ngunit para sa ating nag-iisip na pasukin ang kulturang popular, at tuklasin ang mga posibilidad ng kalayaan dito, isa lámang ang paalaala na dapat baunin. Bawal ang matapobre dito, at lalo pa, iyong walang kakayahang pagtawanan ang sarili, iyong sense of humor.

 

Talasanggunian

Bayabos, Paulo. “8 Reasons Why Pinoy Teleseryes Will Never Upgrade to Hollywood-Level.” 8List.ph. Agosto 26, 2014. http://8list.ph/reasons-why-pinoy-teleseryes-will-
never-upgrade-to-hollywood-level/.

Brooks, Peter. The Melodramatic Imagination: Balzac, Henry James, Melodrama, and the Mode of Excess. New Haven: Yale University Press, 1976.

Hall, Stuart, et. al., eds. Culture, Media, Language: Working Papers in Cultural Studies, 1972-79. London: Routledge and Centre for Contemporary Cultural Studies, University of Birmingham, 2005.

Katigbak Lacuesta, Mookie. “Leav and let live (What I learned from meeting Lang Leav).” ANCX, Pebrero 29, 2019, https://news.abs-cbn.com/ancx/culture/books/02/25/19/leav-and-let-live.

___. “Bea Alonzo Defined Hugot-Let’s Move On.” Esquire Magazine.ph, Enero 1, 2020, https://www.esquiremag.ph/long-reads/profiles/bea-alonzo-esquire-a1627-20200101-lfrm2.

Reyes, Soledad, ed. Reading Popular Culture. Lungsod Quezon: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1991 at 2002.

___. Pagbasa sa Panitikan at Kulturang Popular: Piling Sanaysay, 1976-1996. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1997.

Storey, John. Cultural Theory and Popular Culture: An Introduction. Harlow: Pearson Education, 2009.

Talahulí

[1] Ang aking pag-aaral ay nakatakdang iaklat bílang Ang Drama ng Ating Búhay: Isang Kasaysayan ng Teleserye sa Filipinas Hanggang 2016 (in press, De La Salle University Publishing House).

[2] Ang New Criticism, na madalas ring tawaging pormalismo sa Filipinas, ay batay sa paradigma ng New American Criticism sa panitikan. Makiling ito sa anyo bílang pangunahing obheto ng usapin at interpretasyon, kayâ nga pormalismo. Pangunahing pamana ito ng edukasyong kolonyal sa ilalim ng mga Americano. Higit pa itong naipakalat sa institusyon ng panitikan sa akademya sa pamamagitan ng mga pambansang palihan sa iba’t ibang panig ng bansa, na nagtuturo ng mga pamamaraan at prinspyo ng pagsulat sa gabay ng nasabing paradigma. Madalas itong punahin sa pagiging apolitikal, bagaman iyon  ay talagang mapagtatalunan. Para sa akin, at sa kabila ng aking pagbabagong-loob at paradigma, nananatiling mahalaga ang New Criticism at mga pamamaraan nito ng pagtitig sa teksto (close reading, explication de texte) bílang lungsaran at batayang kasanayan sa bawat larang ng teoryang kritikal.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s