
O Pinagpalang San Jose, tapat na tagapagtaguyod ni Jesus at busilak na esposo ni Maria, dalangin namin ang iyong proteksiyon ngayong ang mundo’y nagdurusa sa matinding krisis na dulot ng coronavirus.
Walang maliw naming kinamamanghaan ang iyong aruga kay Jesus. Sa aming pagninilay:
Hindi namin hangad na gisingin ang sanggol na Hesus na sakdal-himbing sa iyong mga bisig, ngunit ibulong mo naman sa Kaniya ang aming lubhang pangangailangan ngayon.
Hindi namin hangad na humadlang sa paglilikas sa Ehipto ng iyong pamilya upang makatakas mula sa malupit na si Herodes, ngunit gabayan mo kami sa aming pagtalilis mula sa nakamamatay na sakít.
Hindi namin hangad na humarang sa paghahagilap mo sa iyong nawawalang Anak sa Jerusalem, ngunit tulad ng iyong ginawa nang mahinahon, pawiin sa amin ang aming balisa habang nagsisikap kaming humanap ng ikaliligtas.
Hindi namin hangad na makaabala sa mga aralín sa pagaanluwagi na itinuro mo sa Anak na si Jesus, ngunit ipakiusap sa kaniyang hutukin ang aming puso’t kaluluwa upang malabanan namin ang lahat ng uri ng tákot na humahadlang sa amin na tumulong sa mga nása banig ng karamdaman.
Bagaman nagluluwalhati sa walang-hanggang lugod sa langit kasáma si Maria at ang iyong Anak na si Jesus, huwag nawang talikdan ang aming lumbay ngayon, kaming nananaghoy dito sa lupa. Sa pamamagitan mo, ipaabot ang aming dalangin sa iyong Anak na si Jesus.
Amen.
Mula sa Ingles ni Padre Wilmer Tria