Dasálin 15: Ang Sermon Hinggil sa Paglalagablab mula sa Mahā-vagga


At matapos ng piniling matagal na pamamalagi sa Uruvelâ, nagpatuloy Ang Pinagpala [si Buddha] sa kaniyang paglilimayon, at noo’y natungong Gayasisa, malápit sa Gayâ. Kasáma niya ang dakilang kawan ng sanlibong monghe, na dati-rati’y marurusing. Sa Gayâ siya tumahan kasáma ang mga monghe.

Doon ay nangaral sa mga monghe Ang Pinagpala: “Lahat, mga monghe, ay naglalagablab. At papaanong naglalagablab ang lahat, giliw na mga monghe?”

“Ang mata, o mga monghe, ay naglalagablab; ang lahat ng nakikita ay naglalagablab; ang mga larawang-isip na nasasagap ng mata ay naglalagablab; ang damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman—ang lahat ay pawang naglalagablab.” 

“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag ng pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”

“Ang tainga ay naglalagablab, ang mga tunog ay naglalagablab; ang ilong ay naglalagablab, ang mga amoy ay naglalagablab; ang dila ay naglalagablab, ang mga lasa ay naglalagablab; ang katawan ay naglalagablab, ang lahat ng nasasapol ng pagdama ay naglalagablab; ang isip ay naglalagablab, ang mga kaisipa’y naglalagablab; ang isip-málay ay naglalagablab, ang mga nahihinagap ay naglalagablab; lahat ay naglalagablab sa apoy ng poot, kasakiman, at kamangmangan—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”

“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Muli, sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag sa pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”

“Kung gayon, o mga monghe, ang isang alagad na pinuspos ng karunungan sa pagtahak sa Mahal na Landas, ay napapagal sa mata, napapagal sa lahat ng nakikita, napapagal sa mga larawang isip na nasasagap ng mata, napapagal sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita, napapagal sa damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.” 

“Napapagal siya sa tainga, at napapagal siya sa tunog; napapagal siya sa ilong at napapagal siya sa mga amoy; napapagal siya sa dila at napapagal siya sa mga lasa; napapagal siya sa katawan at napapagal siya sa lahat ng nasasapol ng pagdama; napapagal siya sa isip at napapagal siya sa mga kaisipan; napapagal siya sa isip-málay at napapagal siya sa mga nahihinagap—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”

“Sa pagkapagal sa lahat ng ito, nahuhubad ang lahat ng pagnanasa; sa pagkawala ng pagnanasa ay nakakamit ang paglaya; sa pagkakamit ng paglaya, nakakamit din ang pagkamalay sa pagiging malaya; at sa pagkatalos ng pagpagal ng muling-pagsilang, natatalos din ang pamumuhay sa kabanalan, pagtupad sa nararapat, at paglaya mula sa mga inog sa daigdig na ito.”

Habang ipinaliliwanag ang lahat ng ito, natubos ang kaisipan ng sanlibong monghe mula sa pagkagiliw sa mundo, at lumaya mula sa lahat ng kinikipkip, lahat ng kabuktutan.

,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: