Kataas-taasan, pinakamakapangyarihan, at mabuting Panginoon,
Sa Iyo ang lahat ng mangha, luwalhati, pagdakila, at papuri;
Sa Iyo lámang, Kataastaasan, nananahan,
At walang táong karapat-dapat bumigkas ng Iyong ngalan.
Purihin Ka, aking Panginoon, sampu ng Iyong mga nilalang,
Lalo na ang Ginoong Kapatid na Araw,
Na siyang umaga at lagusan ng Iyong handog na liwanag.
Napakaganda niya’t nagniningning sa dakilang karilagan;
Aninag sa kaniya ang Iyong wangis, Kataas-taasan.
Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Buwan at sa mga bituin;
Sa langit, sila’y Iyong linikhang makináng, tangi, at maganda.
Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Hangin,
At sa kaulapan, kimpal-kimpal at payapa, at sa lahat ng uri ng panahon
Na Iyong ipinadadala upang kandilihin ang iyong mga likha.
Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Tubig,
Na talagang may pakinabang, mababang-loob, at dalisay.
Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Apoy,
Na iyong pinagniningas upang magliwanag ang gabi.
Siya’y marikit, mapaglaro, maalab, at malakas.
Purihin Ka, aking Panginoon, sa aming Kapatid na Inang Daigdig,
Na umaalalay at nag-aaruga sa amin,
At siyang nagpapausbong ng sari-saring bunga na may gayak
Ng sarikulay na bulaklak at lungti.
Purihin Ka, aking Panginoon, sa mga nagpapatawad dahil
Sa Iyong pag-ibig, at binabatá ang dusa at sákit.
Pinagpala yaong mga tahimik na nagtitiis
Sapagkat sa Iyong loob, Kataas-taasan, sila’y makararaos.
Purihin Ka, aking Panginoon, sa aming Kapatid na Pagpanaw,
Na walang sinumang nabubuhay ang makatatakas.
Pagluksaan yaong namamatay sa mortal na salà.
Pinagpala yaong natatagpuan ng kamatayan sa píling ng Iyong
Banal na loob, sapagkat di sila mapipinsala ng ikalawang kamatayan.
Papuriha’t dakilain ang aking Panginoon at pasalamatan siya;
Paglingkuran siya nang may labis na kaamuan.