
1.
Hindi ko magawang itulak ang sarili na maghagilap pa ng magagandang dasal mula sa mga leksiyo; bílang walang mapili, nagpaparang bata akong di marunong magbasá; sinasabi ko lámang sa mabuting Diyos, sa pinakapayak na paraan, ang ibig kong sabihin sa Kaniya, at lagi Niya akong nauunawaan.
2.
Napakatindi ng kapangyarihan ng dasal—mailalarawang isang reyna na palagiang nakasasangguni sa Hari, at natatamo ang anumang hilingin. Upang mapakinggan, hindi kailangang magbasá mula sa leksiyo ng kayrikit na dasal na ibinagay sa pagkakataon; kung gayon nga, ay talaga paláng kahambal-hambal ang katayuan ko.
3.
Ang humiling ng paglalapit ay ang lunggatiin ang matalik na kaisahan sa siyang umaantig, pumupukaw sa puso. Kung may málay ang apoy at bakal, at sasabihin ng hulí sa apoy: “ilapit ako sa iyo,” hindi ba patotoo ito ng kaniyang kagustuhang mapagkaisa sa apoy at talagang makasanib ang lahat ng kalagablaban nito? Ito mismo ang aking panalangin. Sumasamo ako kay Hesus na ilapít ako sa alab ng Kaniyang pag-ibig, na talagang yakapin ako at nang maging buháy Siya’t kumilos sa akin. Nadarama kong habang lalong pinagdidingas ng apoy ng pag-ibig ang aking puso, habang lalo kong binibigkas ang: “Ilapít ako sa iyo,” lalong kagyat na nahihikayat ang mga dumudulog sa akin na hagilapin ang bango ng Minamahal.
4.
Ang mga kaluluwang nag-aalab ay hindi maaaring mamahinga’t walang gawin. Maaari silang maupo sa paanan ni Hesus, tulad ni Santa Maria Magdalena, nakikinig sa matatamis, marurubdob na salita; bagaman parang wala namang nagagawa, mas marami silang nagagawa kaysa kay Marta na nag-aabalá sa mga bagay-bagay. Hindi ang pag-aabalá ni Marta ang pinupuna ni Hesus, kundi ang kaniyang matinding pag-aalalá; sa ganito ring pag-aabalá nasangkot ang kaniyang Mahal na Ina, sa paghahanda ng araw-araw na kakanin ng Banal na Mag-anak.
Naunawaan ito ng mga Santo, lalo na marahil yaong nagpakalat sa mundo ng liwanag ng turo ng Ebanghelyo. Hindi nga ba sa dasal nahango nina San Pablo, San Agustin, Santo Tomas de Aquino, San Juan dela Cruz, Santa Teresa, at iba pang katoto ng Diyos, ang kahanga-hangang agham na naghahandog-lugod sa mga dakilang pantas?
Ang wika ni Arkimedes: “Bigyan mo ako ng pingga at pulkrum, at iaangat ko ang daigdig.” Ang hindi niya nakamit, dahil ang kaniyang hiling ay walang inaadhika kundi isang materyal na hangad at hindi idinulog sa Diyos, nakamit ng mga Santo nang siksik, liglig, at umaapaw. Para sa pulkrum, inihandog ng Maykapal ang Kaniyang Sarili, ang Kaniyang Sarili lámang! Para sa pingga, ang dasal, na nagpaparikit sa apoy ng pag-ibig; ito ang dahilan ng kanilang pagkakataas sa daigdig, at masigasig nila itong itataas, at patuloy na itataas hanggang sa wakas ng panahon.