Noong unang panahon…Wala namang mga podcast tulad ng Chika Lit. Pero mayroong radyo kung saan maaaring makinig sa mga komentaristang tulad ko na dumadaldal o nakikipagchikahan tungkol sa mga bagay-bagay hinggil sa búhay, politika, at lipunan. Medyo weird lang talagang magsimula sa “noong unang panahon,” kasi parang itinuturing nang napaglipasan o patay ang pag-uusapan natin ngayon, ang precursor ng podcasting—ang radyo. Hindi naman kasi napaglipasan o patay ang radyo sa Filipinas, kahit hindi na táyo madalas nagbubukas ng radyo, maliban kung nasa mga sasakyan at iniinda ang impiyernong trapik sa kalsada. Kung gusto mong magradyo, nariyan ang mga teleradyo sa Cable TV, maaasahang tagapagbalita at tanod sa panahon ng sayá at sakuna. Nása mga smarphone apps at website na rin ang radyo. Hindi napaglipasan o patay ang radyo, bagaman marahil,patay na’t napaglipasan ang pagbili ng radyo. Buháy na buháy ang radyo sa mga panibagong anyo, tulad ng podcast, pati na rin sa mga bagong kinalalagyan nito.
Aaminin ko: dream come true para sa akin ang magpodcast, hindi lang dahil matagal ko nang iniisip magpodcast, kundi dahil na rin noong batà pa ako, may lihim akong pangarap na maging radio announcer. Ewan ko ba dito sa Corona Virus Disease 2019 o Covid 19 na nagpapirmi sa atin sa ating mga bahay. Sa probinsiya, tuwing summer, bahagi ng routine naming magpipinsan ang makinig sa radyong Ilokano. Walang koryente sa araw at hindi pa rin naman abót ng reception ng mga estasyon ng TV ang aming bayan ng Flora, Apayao. Maghapong maririnig sa bahay ang radyo na pinatatakbo ng baterya ng Motolite na nirerecharge kinagabihan. Nakikinig kami ng balita, komentaryo, at sunod-sunod na mga dramang de-serye. Radyo ang nagturo sa akin ng wikang Ilokano, kahit hindi ako naging ganoon katatas gumamit niyonkahit kailan. Ang sabi ko nga, aural ang Ilokano ko, hindi oral. Sa tainga lang, na nagagamit ko pa rin naman sa pagbabasá. Puwede na, basta hindi maibebenta. Sa radyo rin ako nainitiate sumunod sa mga soap opera na kalaunan, pag-aaralan ko at gagawan ko pa ng kasaysayan. Dito ko rin natutuhan kung gaano kahalaga ang balita at komentaryo, mga pamana ng ating nagbalik na demokrasya matapos ang Edsa Revolution noong 1986. Kayâ rin ako siguro nagbalak mag-Communication Arts sa kolehiyo. Sa hulí, Journalism ang tinapos ko. Sa midya pa rin ang bagsak.
Siyempre, kapag naglalaro na kaming mga batà, imbes na makipaghabulan, makipagtaguan, o makipagbahay-bahayan, madalas akong mapag-isa at gumagawang kunwaring radio booth sa may bintana. Gagawin kong kunwang mikropono ang mahabang tube ng talcum powder, at sisimulang basahin sa mikropono ang ilang artikulo at kuwento mula sa lingguhan at inaabangang Liwayway magazine na hinihiram namin sa palengke, na ang tawag namin ay dapon. Akalain ninyo, ginagawa ko na talaga siya ngayon. Hindi public service ala Tulfo Brothers o komentaryo ala Ted Failon o Mike Enriquez ang notion ko ng pagsasalita sa mikropono bílang isang batàng radio announcer. Mas naiintriga ako sa posibilidad ng pagkukuwento, at pagkukuwento gámit ang sariling tinig.
Nakapukaw kasi talaga sa akin ang mga boses sa radyo, mula sa mga voice talent ng soap opera hanggang sa mga tagapagbalita at komentarista. Binubuhay ng mga tinig ang mga kuwentong binibigkas sa málay at imahinasyon ko habang ako’y nakikinig. Nagkakatotoo ang mga tao, sitwasyon, at daigdig na tinutukoy ng mga boses. Sa aking pagbabaliktanaw, naiisip ko na mahalaga ang mga karanasang iyon sa aking pagiging manunulat. Pinili kong gawin iyon, bukod sa pag-akyat sa punòng mangga, pamimitas ng kamias, paliligo sa ilog na tinatawag naming carayan, o paghahakot sa mga ibinilad na palay tuwing hapon. Bukod sa agad kong natuklasan ang talab ng kuwento rito, wari bang naengganyo rin ako ng radyo na hanapin ang sarili kong tinig na magagamit ko rin sa sariling mga pagkukuwento pagdating ng araw. Napakasayang mga tag-araw iyon ng pangangarap ng gisíng, ng daydreaming.
May ulinig sa aking karanasan ang salaysay ng makata, kuwentista, at gurong si Cirilo Bautista (2009), national artist for literature. Noon daw dekada 40, panahon ng kaniyang kasibulan, naging mapaghubog sa kaniyang sining ang radyo. Hindi lámang ito, wika niya, “clock, newspaper, and entertainment all at the same time to millions of Filipinos then struggling for a better life after the Second World War.”[1]Dagdag pa niya, “Unknown to me then, the radio was educating my young imagination. The programs to which I listened formed the seminal character of my perception, making me curious about things in the beginning and in the end, when I was already writing prose and poetry, sensitive to the nuances of words and their connection to human existence.”[2] Kung sa kaniyang komunidad ng Balic-balic, Sampaloc, Maynila, ang radyo ay talagang “an arbiter of sort. An argument was settled when one said, “I heard it over the radio,””[3] sa kaniyang payak na pamilya, literatura itong matalab at totoong ábot-káya. Wika niya: “We could not afford to buy magazines and newspapers—our little money went to rice and dried fish—and the few books I had were school primers. Consequently, I heard more than I read.”[4]
Batàng-batà pa ang podcasting, sweet 16 kung kukuwentahin batay sa mga talâ sa kasaysayan. Ang salitâng “podcasting” ay sinasabing imbento ng journalist na si Ben Hammersley noong 2004, bílang katawagan sa nauuso noong audioblogging, gámit ang noo’y bagó-bagó pa lámang na Apple gadget na iPod, ang pinanggalingan ng “pod” sa salita.[5] Pero ang “cast” o “casting” ay maiuugat pa rin sa broadcasting na pinasimulan sa radyo mulang 1900s hanggang 1920s, matapos ng matagal-tagal ding paglinang. Pareho pa rin ang prinsipyong sinusunod—ang transmission ng boses mula sa isang pook patungo sa iba pa gámit ang midyum na nagpapakalat at tumatanggap ng radio waves. Sa Filipinas, masasagap ang teknolohiya ng radyo bandáng 1920s din, sa panahon ng pananakop ng mga Americano. Inilarawan ng historyador pangmidya at guro na si Elizabeth Enriquez ang kasaysayan ng radyo sa bansa bílang “appropriation of colonial broadcasting.”[6] Niyakap ng mga Filipino ang broadcasting na inangkat lámang sa bansa ng mga Americano, inangkin, at ginamit para sa kanilang araw-araw na gawain at mithiin. Naging daan ito ng pag-abot ng pamahalaan sa mamamayan, lalong pagkakaugnay-ugnay ng lahat, at naging mahalagang sangkap pa sa pagpapalawig sa wikang pambansa.
Nagpatúloy na gamitín ang radyo, kahit sa pagdating ng telebisyon noong 1950s. At nagpapatúloy ito sa pag-eyre ngayon, sa iba’t ibang platform. Supling ng radyo ang podcasting, bagaman higit na binibigyan ng pagkakataon ng podcast ang nakararami na lumikha ng content at komentaryo, labas sa mga institusyon at limitasyon ng commercial broadcasting. Handog ng podcast sa mga content producers, gaya ng marami sa amin, ang pagkakaroon ng sariling tinig sa himpapawid, upang makapagbahagi ng impormasyon, at lalo’t higit, ng mga kuwento’t opinyon na mahirap magkapuwang sa mainstream media, kung saan nag-aagawan ang lahat sa audience at sa limitadong budget ng advertising para kumita. Laway lang ang puhunan naming mga podcaster at mga kagamitang nawa’y sa hinaharap ay mapagkakitahan. Suwertehin nawa! Sa kabila nito, hindi pa rin naman nagbabago ang talab ng “cast” mula sa “broadcasting” ng podcasting. Naghahatid, nagpapakalat pa rin ito ng tinig ng mga salaysay at palagay na humihinging pakinggan. Nagpapatotoo pa rin sa minanang katangian mula sa magulang na radyo.
Sa puso ng radyo, at maging ng podcast, matatagpuan ang pinakaubod ngbroadcasting, ang inilarawan minsan ng iskolar at gurong si Resil Mojares, isa pang national artist for literature, na “democratic character.”[7] Sabi pa niya, “(t)he democratic character of radio is not only a matter of distribution and scale: it draws from the nature of the medium itself relative to the other media.” [8] Dagdag pa niya, ang radyo, at puwedeng ang podcast na rin, ay “more accessible to users (speakers and listeners), more flexible and less structured, and closer to the realms of popular speech.” [9] Magandang pag-isipan sa ngayon ang uri ng magkaakibat na mga kultura ng pagsasalita at pakikinig na nalilikha ng demokratikong katangiangito. Papaano ba ginagamit ang radyo, pati na rin ang kasalukuyang podcast? Ginagamit ba ang mga ito para panigan ang katotohanan, lalo sa panahon ng fake news? Nagbibigay ba talaga ang mga ito ng tinig sa mga walang tinig? Nagpapaliwanag ba talaga ang mga ito hinggil sa mahahalagang bagay sa búhay at lipunan o bakâ nakadaragdag lámang sa nakagugulo o walang saysay na ingay? Sa pangkabuuan, nagagamit ba ang kalayaan sa pamamahayag para sa kabutihan ng lahat?
Sa kabilâng dako, tinuruan ba táyo ng radyo, at pati na rin ng supling nitong podcast, na makinig nang matalas at mahusay? Biyaya ng demokrasya ang makinig sa mga ibig natin, at hindi lámang sa mga itinakdang iparinig ng maykapangyarihan. Papaano natin ito ginagamit bílang mga tagapakinig, tagasubaybay ng mga programa sa radyo o podcast? Discerning at discriminating ba táyo, marunong sumala sa makabuluhan at sa maingay? Kung responsabilidad, napakabigat na responsabilidad ang magsalita gámit ang mga midyum, mabigat ding tungkulin sa tingin ko, ang makinig, dahil kailangan din nito ng bait at talino. Hindi dapat ito pinababayaang maging passive activity. Hindi lang dapat tanggap nang tanggap ang nakikinig.Kailangan ding kumilos matapos ng pakikinig. At kumilos nang tama! At hindi rinlang dapat na nakikinig sa mga gustong pakinggan dahil bahagi ng bait at talino sa pakikinig ang pagiging bukás ang puso at isip, lalo sa mga bagay na mahirap marinig, mahirap pakinggan. Kayâ muli, ano bang kultura ng pagsasalita at pakikinig ang patuloy na naidudulot ng radyo, at ng podcast sa atin? Mabuti ba o masamâ? Nakapagpapasulong ba ang mga ito ng estado at kaisipan ng lipunan o nagpapanatili sa pagiging paurong, pagkasarado ng isip, o pagiging ipokrito?
Samantala, malaki ang pag-asa ko sa pagpopodcast. Sana mahawa rin ang radyo pagdating ng araw sa nalilikhang mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig na nagagawa nito sa internet; at, mabawasan ang maaligasgas na daldal, bayaráng puna, at nakalilitong pagbabalita. May anyo rin kasi ang podcast, sa tingin ko, na hindi agad magagalaw ng external noise ng sistema ng mass media, kumbaga. Una’y walang gaanong pangangailangang kumita—pero makatutulong ang anumang suporta. Mas nakakamotivate gumawa ng content. Malaya rin kahit papaano ang anyo ng podcasting at pinalalago pa ng mga libreng platform tulad ng Anchor.fm. Marami pa akong kakaining bigas sa podcasting, at paumanhin kung mali ang ilang akala ko rito. Pero may anyo talagang mapanghahawakan ang podcast sa kasalukuyan na perpektong magagamit sa pagpapakilala ng mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig, at muling pagpapahalaga sa diyalogo na madalas nilulunod sa gulo at galaw ng mga opinyon at impormasyon. Anyo itong may malawak na espasyo kung saan maaaring magtalastas, makipagcommunicate sa kapwa. Anyo rin itong maaaring maghandog, muli at muli, ng inspirasyon at pananalig na maganda pa nga ang daigdig. Anyo rin itong patuloy na magpapaalaala hinggil sa mahalaga at dapat tandaan kapag nakikipag-usap, nakikipagdiyalogo: kung ikaw ang iyong pagsasalita, ikaw rin ang iyong pakikinig.
Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, at Apple Podcast. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!
TALAHULI
[1] Bautista, Cirilo, “Radio Boy,” Cirilo F. Bautista.blogspot.com, Oktubre 13, 2009, http://cirilobautista.blogspot.com/2009/10/radio-boy.html.
[2] Ibid.
[3] Ibid.
[4] Ibid.
[5] Basahin ang Hammersley, Ben, “Audible Revolution,” The Guardian.com, Pebrero 12, 2004, https://www.theguardian.com/media/2004/feb/12/broadcasting.digitalmedia.
[6] Basahin ang Enriquez, Elizabeth, Appropriation of Colonial Broadcasting: A History of Early Radio in the Philippines, 1922-1946 (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2008). Ang mga tinukoy ko sa kasaysayan ng radyo sa sanaysay ay mula sa aklat na ito.
[7] Mojares, Resil, “Talking Politics,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2002), 246.
[8] Ibid.
[9] Ibid.