
Ngayong gabi, sa bisà ng isang cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC), ganap nang naipasara ang Alto Broadcasting System-Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN). Isa itong orden na dulot ng pagkakatambak ng mga panukala para sa renewal ng prangkisa ng network sa mga kapulungan ng kongreso. Pagkakatambak na dulot naman, sa isang bandá, ng banta ng pangulo ng Filipinas na hindi aaprobahan ang anumang igagawad na prangkisa. Ngayon, totoo na talaga ang ABS-CBN shutdown.[1] Nagsara ngayong gabi ang estasyon matapos ang brodkast ng flagship newscast nito na TV Patrol, pangunahing palabas ng network mula nang umeyre itong muli matapos ang Edsa Revolution. Pinagbigyan ng network ang sarili na ibigay ang sariling panig sa halos kabuuan ng palabas. Nagsumamo ng pagdamay. Napakametapiksiyonal, sabi nga ng ilan! Sa hulí, kailangan nitong sumunod sa batas habang wala pa ang renewal gáling sa kongreso. Matapos mamaalam, at magpasalamat sa mga “Kapamilya,” ang mga manonood sa mahabang panahon, nag-sign off ito sa pag-eyre ng kilala at engrandeng produksiyon ng pambansang awit ng Filipinas kung saan lumahok ang lahat ng mga artista nito.
Nakalulumbay ang pagsasarang ito, na sa tingin ko, tinanggap naman nang maluwat ng network, habang tinutuklas pa ang mga remedyong legal upang makabalik sa eyre. May dignidad ang pamamaalam, kahit sa totoo lámang, wala akong amor sa dalawang politiko-newscaster sa TV Patrol na nagsilbing mga hulíng mukha at tinig ng pagsasara. Pero dumating na nga ang lahat sa puntong ito. Kakatwa ang pagbigkas ng isa sa politiko-newscaster, nagsilbing pangalawang pangulo ng bansa, na isang atake sa demokrasya at malayang pamamahayag ang pagkakapasara sa network. Ang sabi ko sa sarili, bílang mag-aaral ng kasaysayang pangmidya, kailangan kong tandaan itong tagpong ito na maluha-luha ang “Kabayan” habang nagpapaalam sa mga manonood. Napakasakit na tagpo nito, sapagkat kinakatawan ang kawalang katiyakan para sa mahigit 11 libong empleado ng network. Pero sadyang napakasaklap, sapagkat ilustrasyon din ng lahat ng masamâ sa matalik na pag-uugnayan ng politika at broadkasting sa kasaysayan ng Filipinas. Isang trahedya, kung baga, sa tumatakbong teleserye na parang walang magiging magandang katapusan at ang tema lámang ay la veganza, paghihiganti.
Umiiral na ito noon pa man, itong matalik na pag-uugnayan ng politika at brodkasting. Tandaang sa kasaysayan, unang ipinakilala sa bansa ang telebisyon noong dekada 50 upang makatulong sana sa kampanya ng muling pagtakbo ng isang sakiting pangulo.[2] Natalo siya ng sa tingin ko’y isang kintesensiyal na populista. At dahil nga itinakda ang pangangailangan ng prangkisa mula sa pamahalaan, naging matindi ang kinailangan ding pamomolitika ng mga namumuhunan sa brodkasting. Hindi maglalaon, pati mga kapamilya ng mga namumuhunan ay kinailangan nang mailuklok sa mga puwesto sa politika para maalagaan ang mga interes sa negosyo. Matagal nang nása gitna ng lahat ng ito ang ABS-CBN, at pamomolitika ang naging dahilan ng pagkakapasara rito, nang ipailalim ang bansa sa Batas Militar.[3] Nang bumagsak ang diktadura noong 1986, bumalik sa Filipinas ang Pamilya Lopez, may-ari ng ABS-CBN, mula sa matagal na destiyero sa America. Pangmalakasan ang pamomolitika ng pamilya, at naibalik din sa kanila ang mga kompanyang utility na kinamkam ng mga kroni ni Marcos.
Masarap maging nostalhiko at romantiko habang lumuluha ang butihing “Kabayan.” Melodramatiko ang tagpo, kahit tinimpi. Sa isang post ko sa Facebook, na napilitan akong i-activate ngayong gabi, ito ang sinabi ko, punô ng magagandang alaala sa pagsubaybay sa ABS-CBN:
I never ever thought that this day would come when I would be watching ABS-CBN say goodbye. As a TV historian, it’s something unimaginable. But last time it closed down, the karma returned a thousand fold to the perpetrators. The regime has blood in its hands. I am looking forward to write an end to this chapter. Awaiting, eagerly praying for a plot twist. Thank you, ABS-CBN, for all the years of making me love—and sometimes hate—television. It is your lasting gift to me.
Totoo ang mga ito, gáling sa puso, sapagkat anuman ang sabihin, “Kapamilya” talaga ako. Kasibulan ko ang panahong iginigiit ng ABS-CBN ang pangunguna sa ratings laban sa arkinemesis nitong Global Media Arts (GMA) Network, noong dekada 90. Naniwala talaga ako sa claim nito, at nakikipag-away pang minsan sa mga kaklaseng maka-GMA. Nanalig din ako sa galíng at husay sa programing ng network, sa pulido nitong produksiyon, at sa matayog nitong pangarap na makipagsabayan sa global na larang. Nagpupuyat pa nga ako tuwing ipinalalabas ang taunang Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club, at laging nananabik na masungkit ng ABS-CBN ang “Best Station with Balanced Programming.”
Pero hindi na ako ang batàng iyon, at sa kasawiampalad, matagal-tagal ko nang ipinataw sa sariling balikat ang napakabigat na tungkulin bílang isang historyador ng midyum. Lumaki akong nanonood ng mga soap opera at iba pang drama ng network, at kailangang kong ipagpasalamat ang natatanging “handog” sa akin ng panonood sa network sa matagal na panahon—ang teleserye, na aking ipaliliwanag at pahahalagahan bílang isang paksang iskolar. Bílang tagatalâ ng kasaysayan, kailangan kong humakbang din paatras, palayo sa paksa, kahit lubhang ikinalulungkot ang pagsasara ng network, na totoo naman, malinaw na dulot ng talagang napakasamang kultura ng pamumulitika na hindi na yata natin maiwawaksi. Sabi nga ng tatay ko, panahon pa ito ni Aguinaldo. Magpakatotoo táyo: nangyari ito dahil ang mismong institusyon ng brodkasting ay hindi lámang ikaapat na estado, tanod, at aliwbayan, kundi isa ring negosyo. Negosyong pinatatakbo ng salapi at politika. Ng politikang pabago-bago, “weder-weder lang,” sabi nga ni Erap noong araw. Habang patuloy nating sinusuportahan ang kampanyang #notoabscbnshutdown, kailangan nating isaisip kung bakit táyo naririto ngayon, sa malungkot na gabing ito. Sinsero ang “In the Service of the Filipino,” pero may napakabigat na bagahe. Ito ay ang bagahe ng kapital at pakikisamang pampolitika na kinailangang gawin para patuloy na lumutang ang institusyon.
Huwag nawang ipagkamali na tinatalikuran ko ang pagiging “Kapamilya” o kahit ang malayang pamamahayag, ang dakilang muog na siyang sinasabing winasak ng cease and desist order ng NTC. Ang akin lámang, kailangang maging mas matalas at maláy ang pagtindig. Ang totoong biktima rito ay ang mahigit 11 libong empleado na mawawalan ng trabaho. Ang totoong biktima rito ay ang milyong manonood na mababawasan ng daluyan ng impormasyon, kaalaman, at aliw sa gitna ng isang krisis. Ang totoong biktima rito ay ang kasalukuyang inaayudahan ng network mula nang magsimula ang enhanced community quarantine noong Marso. Ang totoong biktima rito ay lahat-lahat táyo, mga biktima ng napakasamâng pamumulitika sa bansa, ang totoong pandemya na hindi yata natin kailanman mahahanapan ng lunas. Pinaglalaruan lámang táyong lahat ng namumuhunan at ng maykapangyarihan. Maaaring ginagalit táyo ngayon dahil bakâ may ibig ikubli sa atin, na maaaring iulat sa telebisyon. Parang naging sakripisyong kordero ang ABS-CBN. Sa kabilâng dako, wasto’t makatwiran ang tumindig para sa malayang pamamahayag, lalo sa panahong walang kahit sambutil na kredebilidad ang dispensasyon. Marami akong kakilala at kaibigan sa ABS-CBN, mga táong hindi matatawaran ang integridad. Nararapat na tumindig para sa kanilang mga pagpapahalaga at paninindigan.
Samantala, may pakiramdam ako na may plot twist ang kuwentong ito, parang mga teleserye lámang na inieeyre ng network. Nakatakda nang bumalik sa mga kapulungan ang mga kongresista’t senador. Maaari’y pinaghahandaan ang magiging tugon sa cease and desist order. Ang wika ng mga kinauukulan, ang bola ay nása kongreso talaga, at kailangan nang aksiyonan ang tambak na panukala para sa renewal ng prangkisa [Papaano kayâ nila táyo bobolahin?]. Hindi ako magtataka kung dadami ang mga nakaumang na politikong sasawsawan ang isyung ito, lilitaw para sa nakamihasnang grandstanding o “pagpapakabayani.” Hindi rin ako magtataka kung biglang magkaroon ng mga pagbawi sa utos. Puwede ring makatagpo táyo ng divine intervention at biglang kumilos ang kamay ng Diyos, tulad ng sa mga teleserye. O bakâ wala at talagang kailangang tanggapin na natin ang tuluyang pagbababa’t pagsasara ng telon ng ABS-CBN. Diyos lámang at si Tatay Digong ang nakaaalam. Pero tingnan ninyo ang ginawa rito: pumaslang ng api ang mga “kontrabida.” Ano ang dapat asahan? Bawal mamatay ang api sa palabas, kailangan niyang makaahon at magkamit ng resureksiyon. Alam na alam ng ABS-CBN ang pormulang iyan, mula pa nang una nitong ipakilala ang anyo ng soap opera sa telebisyon noong dekada 60.
At ano ang nangyayari sa kontrabida? Naku, naku. Ito na lámang siguro, isang paalaala hinggil sa mahaba-haba na ring kasaysayan, o pasyon ng ABS-CBN. Nakabangon ito matapos ng dalawang dekadang pagpapatahimik ng diktador. Nasaan ang diktador ngayon—sabihin nang nakapuwesto na muli ang kaniyang pamilya at muntik pang magbalik sa Malacañang dahil sa ambisyosong anak? Hayun, sa Libingan ng mga Bayani, may puntod na kailangang bantayan sapagkat bakâ ihian ng tao o aso. Walang makinarya at kayamanang maaaring bumura sa kaniyang salà sa bayan. Ang messaging ng ABS-CBN sa shutdown version 2020, kasalanan ito sa bayan. Pero siyempre, sabi ko nga, may mga kontradiksiyong kailangang tandaan. Ano ang naghihintay sa boses ng nagbanta, sa kamay ng pumirma, sa mga nagbingi-bingihang tainga? Maraming opsiyon ang katapusan ng teleseryeng ito para sa kanila na maaaring ipataw ng tadhana, sa gayong napakarami ng baitang ng impiyerno batay sa Divina Comedia ni Dante. Static muna ang iskrin ng TV ngayon kapag ipinihit sa Channel 2 [o Channel 8 sa Cable TV]. Ipagpasakasaysayan muna natin ang mga sumunod na tagpo. Abangan ang susunod na kabanata.
Sa hulí, nakapananabik ang muling batiin ng ABS-CBN gabi-gabi sa balita ng “Magandang Gabi, Bayan.” Sakali, kung makukuha nito, sa wakas, ang franchise renewal, mayroon akong wish list; tutal, natitiyak kong panahon ito ng malalimang pagninilay, soul searching, para sa mga tagapamahala. Una, baguhin na sana ang mukha ng pagbabalita sa TV. Pangatawanan ang pagpanig sa bayan at katotohanan, at huwag nang ipagamit ang network news para maging plataporma ng mga politikal na ambisyon at akomodasyon. Ikalawa, gawing higit na edukasyonal ang mga palabas. Pataasin ang antas ng drama at aliwan. Pataasin ang panlasa ng mamamayan. Iahon ang Kapamilya sa pagkamangmang upang maging kapakipakinabang na Filipino [at hindi basta-basta bumuboto ng mga lumalabas sa Gandang Gabi, Vice o Maalaala Mo Kayâ?]. Ikatlo, at marahil ito ang napakahirap, magbagong-landas mula sa tinahak sa nakaraang kasaysayan ng pamomolitika. Iiwan ko sa ABS-CBN ang kung papaano tutugunin ang hulíng hiling, dahil sa tingin ko, kailangan talaga nitong balikán, pagmunihan ang sarili nitong kasaysayan. Iyan ay, kung tunay talaga ang in the service of the Filipino, kahit tumutugon pa ito sa isang ekonomikong imperatibo.
Mga Tala
[1] Basahin ang kabuuang update ng Rappler.com hinggil sa isyung ito: https://www.rappler.com/previous-articles?filterMeta=ABS-CBN%20franchise.
[2] “The Birth of A Medium,” sa ed. Thelma San Juan, Pinoy Television: The Story of ABS-CBN (Lungsod Quezon: ABS-CBN Broadcasting Corporation, 1999), 65.
[3] Iminumungkahi kong basahin ang McCoy, Alfred, “Rent-Seeking Families and the Philippine State: A History of the Lopez Family” sa ed. Alfred McCoy, An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010), 429-536. Sa kaniyang bagong preface sa limbag 2010 ng aklat, pahina xviii, narito ang magandang pagunita ni McCoy sa atin: “To cite the best-known example, the Lopez family, which had suffered exile, expropriation, and imprisonment under martial law, flew back to Manila after Marcos’ fall to reclaim its corporations—the Manila Electric Company (Meralco), the Manila Chronicle, and its TV Channel 2. In its struggle between a dictator and a single family, the family had survived and the dictator had not, an indication of how deeply this oligarchy is embedded in Philippine society.”
3 responses to “Magandang Gabi, Bayan”
Maraming salamat Louie sa pagbabahagi mo ng iyong opinyon. Ako ay sang-ayon sa iyo maski paminsan minsan lang ako nanonood ng ABS CBN. Para sa akin ito ay isang paglapastangan ng ating karapatan.
LikeLike
Thank you po.
LikeLike
Tuloy ang laban.
LikeLike