Isang bagay na muling nagkaroon ng puwang sa búhay ng tao, sa panahong ito ng quarantine laban sa Covid-19, ay ang katahimikan. Masyado na kasi táyong naging busy noong nakaraan, at ang dami rin talagang alalahanin at nangyayari. Marami sa atin ang halos walang panahon para magpahinga, na magandang pagkakataon sana para manahimik at magmuni-muni tungkol sa mga bagay na mahalaga, sa ngalan ng pagbabagong-lakas. Iyong iba sa atin, pagkagaling sa trabaho, deretso na sa kama pagkakain at pagkapaligo upang makatulog agad—at upang bumangon muli kinabukasan para bumalik sa karaniwang routine ng pagbabanat ng buto at patuloy na pakikipagsapalaran sa búhay. Di bale na muna ang quality time para sa pamilya—makapaghihintay ang mga iyan. Di bale na muna ang sarili. Kailangang may maihayin sa mesa. Napakahirap ng búhay at napakamahal ng katahimikan. At ngayong nagkaroon táyo ng mas maraming pagkakataon para manahimik, sadyang napakamahal pa rin nito. Para sa di iilan, ang manahimik lang sa bahay ay maaaring mangahulugan ng lalong pagkakalugmok sa hírap. Hindi pantay ang lipunan, at kahit ang pananahimik ay nananatiling para lang sa iilan.
Maganda sana ang katahimikan, lalo kung nakapaglilingkod sa kagalingan o wellness ng lahat—hindi na iyan pagtatalunan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1860), ang unang diksiyonaryong Tagalog na ginawa ng mga paring sina Juan Jose de Noceda at Pedro de Sanlucar, ipinaliwanag ang kahulugan ng salitâng ugat na “tahimik” bílang “Katahimikan ng Loob, Katiuasayan, Kaginhauahan.” Ang pananahimik ay nakapagdadala ng kapayapaan sa puso matapos mabagabag ng kung ano. Palaging payo ang kahit sumandali’y manahimik lalo’t kung gulong-gulo ang isip. Maraming paraan upang gawin ito. May ilang naglalakad-lakad o namamasyal sa mga bundok o dagat, o saanmang makapaglalapit sa kalikasan. May nagmemeditate o nagyoyoga. May nagkukulong sa kuwarto, pinapatay ang cellphone at laptop at pansamantalang pinuputol ang lahat ng ugnay sa mundo para gawin ang mga pinakagustong gawin. Hindi lang pagpapatahimik, pagpapatahan ng loob ang ginagawa sa mga ito, kundi pagbabâ pagtungo mismo sa loob, kung saan nananahan, hindi lang ang pinakamalalalim na pag-aasam, kundi lalo’t higit, ang mga pangunahing katotohanan. Wika nga ni Paring Albert Alejo, makata at Heswita: “Ang mahahalagang tanong sa katotohanan ay gáling sa loob.”[1]Nakakamit lang ang katahimikan kung may ugnay ang tao sa kaniyang sarili, sa kaniyang loob, at kung napapanahunang hagilapin dito ang mga sagot sa mahahalagang tanong hinggil sa katotohanan.
Matiwasay ang isang palagay o tahimik na loob. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala, ang “tiwasay” ay “Katahimikan, kapayapaan” din, at “tahimik na loob,” may katiwasayan sa budhi, at “Tumutukoy sa karangalan ng mga táong makatarungan.” Kapag may malalim na pagkakakilanlan sa loob, maaari yaong tinatawag nating self-awareness, higit na palagay ang isang tao sa kaniyang pakikiugnay, pakikilahok sa daigdig. Kung may mga bagahe man, maaaring hindi gaanong nakabibigat o nakahadlang. Walang masyadong gambala mula sa konsiyensiya o sa budhi, o kung mayroon man, matapat na pinoproseso ang mga iyon sapagkat bahagi ng ganap na pagiging totoo sa sarili. Karaniwan nang bukambibig sa atin ang mapag-usisa’t minsa’y mapagsakdal na tanong na “nakakatulog ka ba nang maayos sa gabi?” Ang budhing binabagabag ng anuman ay pinaniniwalaang nagdadala ng pagiging alumpihit o hindi mapalagay. Hindi ka na kailangang kalampagin ng kapwa dahil sarili mo na ang mangangalampag sa iyo. Pagdadamutan ka nito ng antok. Ang tawag natin doon ay pangonginsiyensiya, at sadyang napakahirap ng gayong kalagayan. Sarili mo mismo’y tinitimbang ka at ikaw ay kulang.
Nagdadala ng kaginhawahan ang katahimikan, nakapagdudulot ng pagiging mabuti at pahinga. Marahil, napapalagay ang loob, sapagkat may sandali ng paghimpil; napapayapa ang isip sapagkat nagpapasya munang tumigil, bumitiw pansamantala sa mga gawain. Keyword sa paliwanag na ito ang “pahinga,” na hindi lang tumutukoy sa paghimpil o pagtigil, kundi pati na rin sa naidudulot nitong ginhawa sa muling paghinga, sa reminder na kailangang huminga. Ang pahinga ay sandali ng paghingang muli, pagkakataon ng pagkapit sa hininga na siyang bumubuhay sa atin. Sa meditation, palagiang turo ang magbalik sa paghinga, dahil pinaniniwalaang pinatatahan nito ang maingay na isip at pinababalik ang sinuman sa sandaling kasalukuyan, sa tinatawag na ngayon o now. Pero hindi ito madali, kayâ kailangan ng masusi at palagiang pagsasanay. Sa Zen, kung saan ko ito natutuhan, mas nagiging maláy ang maykatawan sa kaniyang katawan sa tuwing umuupo siya’t nagmemeditate. Nagkakaroon ng pagtigil, paghimpil, sabihin pa mang hindi naman talaga tumitigil, humihimpil ang isip sa pag-iisip sa kung ano-ano. Ngunit ang pag-upo, pag-iwas sa anumang paggalaw, at pananahimik ay nagdadala ng payapang paalaala na buháy ang isang tao sapagkat humiginga pa siya. Ang hininga ay búhay, at sa una’t hulí, isa itong nakapagpapatahimik na kaisipan, lalo na’t madalas táyong nasa gitna ng gulo at galaw ng búhay. Maaari lang makalasap ng ginhawa kung bibigyang-panahon ang katahimikan.
Ngunit hindi lahat ng katahimikan ay nagdadala ng katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala pa rin, iniuugnay ang salitâng tahimik sa “timik,” na ang ibig sabihin ay “patigilin.” Minsan, ang paghimpil o pagtigil ay mas nakapagdudulot ng tinatawag na nakabibinging katahimikan, isang balintuna o paradox, lalo kung ang pag-iingay o pagsasalita ay dapat asahan sa isang sitwasyon. Nagbubuntis ng ibang kahulugan ang katahimikan, lalo kung ito’y ipinapataw ng makapangyarihan sa nasasakupang hindi binibigyan ng pagkakataong tumugon o tumuligsa. Hindi dapat mapalagay ang loob sa ganitong kaayusan. Matiwasay man ito sa nagpapatahimik at hindi naaapektuhan, tinatanggalan ng karapatan ang pinatatahimik, marahil sa pamamagitan ng panggigipit o paninindak. May panahon para sa katahimikan, at hindi iyon sa panahon ng kawalang-katarungan. Ang pagsuko sa sindak at pananahimik ay kapara na rin ng paghanay sa nagpapatahimik. Nakikilahok ka sa pagpapanatili ng kawalang-katarungan. May bahid ng dugo ang iyong kamay. Totoo naman, minsan, napakahirap talagang umimik. Ngunit may tungkulin táyong basagin ang katahimikan, lalo kung may masasabing kapaki-pakinabang, o mayroong nalalámang lihim na katotohanan. Sa ganitong sitwasyon, tungkulin nating magsalita, iparinig ang tinig, sumaksi sa totoo. Tungkulin natin ang pagiging tapat sa sarili at lalo na, sa tama. Kung hindi, mababagabag táyo, di táyo patutulugin ng konsiyensiya. Hindi rin táyo matatahimik.
Ginto talaga itong katahimikan kung pag-iisipan. Kahit nakapapayapa o nakaliligalig, nagbubunyag ng napakayamang kahulugan. Nag-iiwan din ng insight o kislap-diwa hinggil sa ating pagkatao. Hindi rin lang naman kasi katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan ang mahahango rito. At hindi rin lang pagharang sa karapatan sa malayang paghahayag ng saloobin na dapat lang tutulan. Nagkakaloob din ito ng karunungan sa tao, lalo’t kung handa siyang manahimik. Sa kaniyang tahimik at taos na pagdulog sa daigdig, muli at muli niyang natutuklasan ang ganda nito, sa kabila ng lahat nitong sugat at kapintasan. Noong Victorian period (1837-1901) sa England, isang panahon ng malawakang modernisasyon dahil sa industriyalisasyon, isa pang paring Heswita, ang makatang si Gerard Manley Hopkins, ang nakasumpong dito, marahil sa kaniyang pagninilay, at paglayo sa ingay ng kaniyang daigdig. May batik ang daigdig ngunit marikit pa rin, sabi niya, dahil laging pinapagbago ng maykapal na siyang lumikha. Kuhang-kuha ni Paring Albert Alejo sa kaniyang salin ang kaisipang ito na isinulat bílang soneto ni Hopkins. Mayamang pabaon ito habang patuloy nating kinakaibigan ang sariling katahimikan, at habang patuloy na nag-aabang sa pagdating ng tinatawag na new normal.
GANDA’T GARA NG DIYOS
Gerard Manley Hopkins SJ, salin ni Albert Alejo SJ
Daigdig ay puspos ng ganda’t gara ng Diyos.
Sisiklab tulad ng kislap ng inalog na palara;
Tumitipon sa tigib, tila pagtagas ng gatâng piniga.
Ba’t ba tao’y di pa rin sumusunod sa kaniyang tungkod?
Sali’t saling lahi na’ng kumayod, kumayod, kumayod;
At sa kalakal naglapnos; nagluha, nanlagkit sa paggawa;
Nadamtan ng bahid at nadamay sa baho ng tao: ang lupa
Ngayo’y tigang, paa ma’y manhid na, sa kasasapatos.
At sa lahat ng ito, kalikasa’y di mandin nalulustay;
Sa kailalima’y buháy ang mahal na bukal na ubod ng tining,
At sa Kanlurang maitim, hulíng ilaw man ay pumanaw,
O, liwayway, sa kayumangging bingit pasilanga’y susupling—
Sapagkat halimhim ng Espiritung Banal ang lupaypay
Na daigdig sa mainit na dibdib at a! bagwis na maningning.
Mula sa Alejo, Albert SJ, Nabighati: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha (Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 2015), 18. Pagkilala ng inyong lingkod sa pinagsipiang aklat. Hindi maaaring ilathalang muli nang walang pahintulot sa tagasalin.
Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, Apple Podcasts, Google Podcasts, Breaker, Overcast, at Radio Republic. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!
Talâ
[1] Alejo, Albert SJ, “Pamimilosopiya Mula sa Pakikisangkot,” Tao po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao (Lungsod Quezon: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1990), 3.