Ang Bagong Telebiswalidad ng Zoom at si Lola Doc

Larawan ng teaser ng palabas mula sa Theaterfansmanila.com.

Dalubhasa si Nora Aunor sa pelikula, hindi na iyan pagtatalunan pa. O, para may bago naman táyong pag-usapan, baligtarin natin: Dalubhasa ang pelikula kay Nora Aunor. Ito ang gusto kong taluntunin ngayon bílang panimula. Kabesado na ng kamera ang kung papaanong ipeframe o babalangkasin sa pinilakang-tábing ang Superstar habang siya ay umaarte. May mga kibot siyang kailangang hulihing mabuti, mga galaw na kailangang matamang tutukan, kundi’y madaling lilipas at tuluyang masasayang ang sandali para sa audience. Buti na lang at may streaming at archiving platforms na ngayon. Maaari nang balikán, halimbawa, ang sindak at matalim niyang tingin, siyang ilahas at itinuring na kolaborador ng mga Hapon, habang kinukubkob ng mga babae ng bayan, para gupitan ng mahabang buhok matapos masukol sa simbahan (sa Tatlong Taong Walang Diyos, 1976); o ang pagsulyap niya sa liwanag sa may bandáng karagatan matapos tupdin ang tungkuling maging midwife sa bagong asawa ng kaniyang bana (sa Thy Womb, 2012). Subalit kung mula ka sa nakaraang panahon na ganap o event talaga ang manood sa kaniyang pelikula, at nagdarasal kang lagi na huwag sanang agad palabasin ng takilyera sa sinehan habang inuulit ang paboritong mga eksena sa palabas, sadyang kayhirap muling hulihin ang mga sandali ni Nora Aunor. Kailangan mo itong antabayanan sa TV o sa Betamax [o, mga batà: alam ninyo pa ba ang Betamax?].

Pinahahalagahan ko sa usaping ito ang pelikula sapagkat mayroon akong matagal nang naiisip: pelikula lang talaga ang nakapagdulot ng perpektong rehistro kay Nora Aunor at sa kaniyang pag-arte. Siyempre, lumalabas-labas naman siya sa telebisyon, noon at ngayon, pero hindi ko alam kung bakit parang may kulang kapag itinatanghal siya doon bílang aktres. Ayos naman siya bílang espektakulo habang umaawit sa entablado, maringal at nakamamangha. Ang tingin ko, masyadong malikot ang framing ng telebisyon para sa kaniyang sining. At sapagkat ang genreng kaniyang madalas na kinatatampukan ngayon ay teleserye, lalong hindi siya mapanood nang mabuti, sa tindi ng tulak na paghaluhaluin ang mga sahog ng melodrama, mabilis at siksik na pagkukuwento, pagbibida sa iba pang artista’t loveteam, at pagtiyak na magkakalugar at mapagkakakitahan ang patalastas. Masyadong masagitsit ang telebisyon para kay Nora Aunor, bagaman kapakipakinabang itong larang para sa kaniyang karera sa ngayon. Sa kasawiampalad, wala pa talagang makatarungang papipinta sa kaniya sa telebisyon, mula nang una siyang sumabak sa teleserye noong 2002 sa Bituin. Hindi para sa mainipin ang kaniyang pagganap. Sumasagitsit at naghahabol sa maraming bagay ang telebisyon. Puwede ring hindi ito ganap na makatiyempo sa akmang pagningning ng pinagpipitaganang aktres.

Ironic, maparikala ito, lalo pa kung babalikan ang kasaysayan ng teleserye bílang anyo—isa itong soap opera na “shot like film,” wika ng mga lumikha rito. Inaasahang dala nito ang atensiyong dulot ng sinematograpiya at editing, sa bawat paglalapit-paglalayo-pagbalangkas ng kilos o damdamin ng gumaganap. Inaasahan din ang kabatiran sa paglalapat ng tunog at musika, upang likhaing nakadadala ang danas at daigdig. Ano ba ang madalas na napapanood natin? May mga sandaling matatawag na sinematiko, nakasasakto sa pagtitimpla ng eksena sa editing. Ngunit madalas, kung hindi nasosobrahan sa espektakularisasyon sa eksena [halimbawa rito ang ngayo’y malabis na paggamit sa mga epekto at kuha ng drone camera] ay halos wala namang latoy ang pagtatanghal, at ni hindi nagagamot kahit ang burarang pagkasangkapan sa props. Inilalayo táyo ng ganitong telebiswalidad mula sa atensiyon sa nuances at henyo ng pagganap. Nilulunod táyo sa binilisan o pinabagal na paglalahad ng plot o banghay, sa pakanâng panatilihin ang pagtangkilik ng manonood—at masdan ito: pagtangkilik, higit sa atensiyon. Binibingi rin táyo sa ulit-ulit na scoring ng theme song sa bawat lingon, bitaw ng salita, o pagpatak ng luha. Mahirap mahúli ng ganitong telebiswalidad ang Superstar—isang telebiswalidad ng pagmamadali at pagkainip.      

Para kasing tula si Nora Aunor—iyong sinasabi ni Wordsworth minsan na “spontaneous overflow of powerful feelings: it takes its origin from emotion recollected in tranquility.” Kailangang tahimik na namnamin, at kung sa idiyomang biswal, matalik na balingan. Titígan, tutúkan. Kailangan ng matiyagang pagsipat. May layaw sa ganoong lumay at bagal ang pelikula. Walang gaaanong panahon ang telebisyon. Kayâ ngayong panahon na tila ba unti-unting binabago ng quarantine at Covid-19 ang ating búhay at danas ng panonood ng TV, isang napakarikit na karanasan ang masubaybayan ang Lola Doc ng Tanghalang Pilipino at Voyage Studios. Sequel ito ng mas naunang Lolo Doc, kung saan, sa pamamagitan ng Facebook Live, nakikipag-usap sa kaniyang tatlong apong sina Ashley, Patti, ay Mark ang karakter ni Nanding Josef, isang doktor na habang nakikipaglaban sa Covid-19 ay dinapuan ng sakít. Isa itong birtuwal na kumustahang may bahid-lumbay, may kabatiran sa nakaambang mortalidad, at bahagi ng seryeng “Pansamantanghalan” ng nasabing resident drama company ng Cultural Center of the Philippines. Isang birtuwal na teleserye kung gayon. Sa Lola Doc, gumaganap ang Superstar bílang ang doktorang maybahay ni Lolo Doc, patuloy na nakikipaglaban sa pandemya matapos mabiyuda sa asawang tuluyang ginupo ng sakít. Ipinalabas ito sa social media noong Mayo 21, 2020, kaarawan ng aktres. Mayroon nang higit 30 libong view at higit 500 share ito sa Facebook, at 11 libong view naman sa Youtube. Lumikha ang premyadong mandudula na si Layeta Bucoy, siya ring sumulat ng Lolo Doc, ng halos 10 minutong monologo para sa Superstar, kausap ang tatlong apo mula sa naunang video, na inilitaw na ang mga karakter dahil lumipat na sila ng platform—sa Zoom. Payak na frame at tagpuan ng kumustahan ang Zoom na pilit pinaglalapit ang magkakalayong dalamhati sa bawat split screen. Sa kabuuan, monologo ito ng tahimik na pangungulila sa asawa, at lalo sa mga apong ni hindi masalat dahil sa krisis at sinumpaang tungkulin.

Marami nang inaatake ngayon ng tinatawag na Zoom fatigue, dahil sa malaganap at nakauumay na paggamit dito, maipagpatuloy lámang ang búhay at hanapbuhay sa gitna ng krisis. At may ganoong feel at look ang pagtatanghal, siya nitong biyaya at birtud. Functional at di tulad ng nagmamadaling telebiswalidad ay pinatututok, ipinasu-Zoom sa lahat ang tanging mapapanood sa frame—ang pagganap. Walang agaw-eksena sa maaligasgas na grey sofa sa ospital sa panig ni Lola Doc, maging sa payak na mga domestikong espasyo ng mga apo. Lahat, kahit magkalayo ang mga henerasyon, pawang nakaasa sa teknolohiyang pumapalya ngunit patuloy na pinagtitiyagaan. Ang midyum ng Zoom ay nagsasanyo nang mismong búhay ng maglolola, na mikrokosmo ng sumasaating bagong normal. May dignidad at hinahong hinaharap ni Lola Doc, sa kaniyang kapayakan, ang mga nababalitaang paghihinanakit ng mga apo sa pagkawala ng pinakamamahal na Lolo Doc. At iginigiit niya rin ang paninindigang kapwa nila pinanghahawakan ng asawa bílang mga doktor—hindi nila maaaring talikdan ang kanilang mga pasyente. Maalingawngaw itong komentaryo sa panahong minamaliit ang kontribusyon ng mga doktor, sampu ng mga medical frontliner. Samantala, kipkip naman ng mga batà ang emosyon, sinisikap na huwag ganap na sumambulat sapagkat napakapanliliit ang katapangang kaharap. Sa pagnanais ng mga tauhan na manatiling magkakaramay, naging susing sandali ang haplos na sabay-sabay idinampi sa sari-sariling kamera, iskrin, at frame. Samantala, sa pangkalahatan, malinis at sapul ang pag-eeksena ng editing na sinikap kopyahin ang danas ng Zoom—maingat na pinagsanib ang kabuuang monologo at sanda-sandaling pakikinig, pagtikhim, o pangingilid ng luha ng mga apo. Nalapatan din ang palabas ng saktong tunog at tugtog, akma sa bawat sandali. Kumbaga, walang masyadong karaniwang telebiswal na ingay.   

Kung ako ang tatanungin, talaga namang extension ng telebisyon ang internet at social media. Magkakapara ang operayon ng mga ito sa pagkasangkapan sa domestiko’t indibidwalistikong screen. May semblance din ng communal reception kunwari, pero birtuwal, hindi tulad sa sinehan na sabay-sabay kayóng papasok at lalabas sa mga itinakdang oras. Sa isang bandá, nilamon na rin ng mga ito ang pelikula. Sa kaso ng Lola Doc, naisasalin naman ang telebiswalidad sa Zoom at wari’y nagiging bagong teknolohiya na rin ng telebisyon para sa bagong normal. At isa itong telebiswalidad na madaling nakasasabay at naisasakay sa kasalukuyang umuusbong na social media brodkasting, post-ABS-CBN shutdown. Sa tagal ng aking pagsubaybay kay Nora Aunor sa mga dramang pantelebisyon, itong telebiswalidad na ito ng Zoom pa lang, sa aking palagay, ang nakapagframe sa kaniya nang wasto at may hustisya. Dahil isa itong telebiswalidad na hindi nagmamadali, hindi sumasagitsit, at hindi pa gaanong napapasakan ng kawing-kawing na advertising o product placement. Walang gaanong kaagaw sa ating pansin si Nora Aunor at mga kasamahan. Natututukan natin nang husto ang sining ng timpi at daloy ng Superstar. Kung manonood kayó ng Lola Doc, tiyaking masdan ang kaniyang pasimpleng pagpapahid ng tumulong luha. Halos karaniwan, pero napakabigat at makahulugan. May handog na pagkakataon para sa mas matalik na panonood—matalik na pagbása ang telebiswalidad ng Zoom. 

Siyempre, probisyonal ang aking papuri sa bagong telebiswalidad ng Zoom. Bakâ búkas makalawa, pasukin na rin ito ng karaniwang telebiswal na ingay at nakamihasnang ekonomikong imperatibo ng brodkasting. Pero interesante ang telebiswalidad na ito, lalo pa’t lumiliit ang mundo ng terrestrial o free TV broadcasting sa bansa. Kinakailangan nang maghanap ng panibagong larang na sasakupin. Ang larang na iyan, sa palagay ko, ay ang internet. Isinusulat ko ang review na ito ay itinatala ko rin ang isang mahalagang obserbasyon sa panahong naghahanda na ang lahat para sa bagong normal, at sa bagong daigdig. Sa panonood natin ng mga palabas na katulad ng Lola Doc sa Facebook at saanpamang social media platform, lalong lumalakas ang internet bílang bagong telebisyon, bílang telebisyon ng hinaharap. Ito ang hindi nakikita ng mga propetang pílit na nagbabantay sa tarangkahan ng batas upang ganap na mapasakamay ang napaglumaan nang institusyon ng brodkasting. Puwede na nila itong isaksak sa kanilang mga bagà. May namatay man sa brodkasting nang ipasara ang ABS-CBN noong Mayo 5, 2020, may bagong silang din: ang brodkasting sa larang ng internet na may higit na mga bagong handog na telebiswalidad, at higit na matamang pagpapagitaw sa mahahalagang danas ng tao, gámit ang teknolohiya. Sa magiging kuwento ng internet brodkasting sa bansa, na ang nuno ay Youtube at streaming apps tulad ng Netflix, hindi dapat kaligtaang banggitin ang tagumpay ng Lola Doc.   

One thought on “Ang Bagong Telebiswalidad ng Zoom at si Lola Doc

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: