Ilang Kaisipang Lumbera sa Sansiglo ng Brodkasting sa Filipinas Ngayong 2022

Larawang hiram mula sa Business Mirror
.

Noong Setyembre 28, 2021, nilisan ni Bienvenido Lumbera ang magulong mundo upang ganap nang mapabilang sa panteon ng mga kahanay na dakila. Hindi na pagtatalunan pa ang kadakilaan. Nilalagom ng kaniyang pagkakahirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006 ang matipunong lawas ng kaniyang panulaan at dulaan, pati na rin ang napakalawak na iskolarsyip sa panitikan at iba’t ibang aspekto ng kulturang Filipino. Sa kaniyang mga akda, matatagpuan kapwa ang kaniyang pagiging tubog sa katutubong tradisyon at ang malalim na pagkabatid sa harayang popular. Halimbawa, hindi matatawaran ang sigasig niya sa pagsiyasat, hindi lámang sa mga akdang pampanitikang supling ng kani-kanilang panahon, kundi pati na rin sa mga pag-aakdang kultural na produkto ng mga midyum ng talastasang pangmadla, pangunahin na ang pelikula. Inilunsad man ng pormalismo ang kaniyang panunuri sa napakahalagang aklat na Tagalog Poetry, 1570-1898: Tradition and Influences in its Development (1986), batay sa kaniyang disertasyon sa Indiana University none 1966, pinatatag naman ng politika’t pakikisangkot ang mga sumunod niyang interbensiyon. Nagrurok ito sa pagbaling niya sa estetikang pampanitikan nang simulang usisain ang dalumat ng datíng (Lumbera 1997a, 113-130). Dito na niya sinabing “ang konsepto ng estetika na aking pinanghahawakan ay naglalagay sa audience sa sentro ng talakayan, sa halip na sa likhang-sining” (ibid, 116). Radikal na pihit ito, sapagkat kung tutuusin, hindi makahula-hulagpos ang akademya at edukasyon sa talab ng akda-sentriko, mapagbukod sa konteksto, at tumatalikod sa pagtanggap na New American Criticism.        

Kayâ marahil, hindi rin nakaligtas sa “tingin” o “pagsusuring” Lumbera ang telebisyon. Bagaman dalawang sanaysay lámang na pumapaksa rito ang sa tingin ko’y matatagpuan sa paghahalughog sa kaniyang mga lathala: ang “Ang Tadhana at ang Pagsusumikap ni John [Puruntong ng sitcom na John en Marsha (RPN 9)]” at “Telebisyong Pilipino: Kailangan Ba Ito?” Maiikling sanaysay ito na mula sa aklat na Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, inilimbag noong 1987 ng Linangan ng Kamalayang Makabansa o mas kilalang Center for Nationalist Education ni Renato Constantino Jr. Sa pangkabuuan, tumbok ng aklat ang maituturing na pangunahing kritikal na proyekto ni Lumbera: ang akdaing pa-muli ang bansa, sa pamamagitan ng deskolonisasyon ng proberbiyal at malaganap na napaaaliping kaisipan. Ang kaisipang ito, wika nga ni Constantino sa kaniyang pauna sa aklat, ay may “napakalaking pagtitiwala sa mga huwaran, ideya, at saloobing Kanluranin” (Lumbera 1987, wp). Kabílang ang dalawang sanaysay sa pinakamaikling seksiyong may pamagat na “Iba Pang Midya,” kung saan nagsuri rin si Lumbera ng valentine card, komiks, at komunikasyon, mga sariling pagtugon sa nauuso noong pagbaling sa papausbong na larang ng kulturang popular noong dekada 70. Ang naunang tatlong Bahagi (“Edukasyon at Lipunan,” “Panitikan,” at “Pelikula”) ay higit na naglaman ng mas maraming pagsusuri sa mga paksang sinasaklaw ng mga pamagat.

Masasabing parang saglit nga lámang ang pagsipat sa telebisyon ni Lumbera kung pagbabatayan ang aking hawak na bílang ngayon. Manipis kung ikokompara sa kapal ng kaniyang diskurso sa panitikan, pelikula, at kahit hinggil sa mga isyung panlipunan na madalas niyang sangkutan. Pero para sa akin, napakahalagang sipat ang mga ito na kailangang pagtuunan ng pansin, lalo’t para sa mithing bumuo ng isang mapanuri’t mapagpahalagang pananaw hinggil sa midyum ng telebisyon, matapos ng halos pitong dekadang pag-iral nito sa bansa; at sa nagsesentenaryong brodkasting sa pangkabuuan. Ang ibig kong sabihin sa mapanuri’t mapagpahalagang pananaw ay isang tinging nakamihasnan mang tumatanaw sa Kanluran dulot ng kalikasang teknolohiko at angkat ng telebisyon ay nakabaling din sa kung papaanong ipinopook ng lokal ang danas ng panonood—pagtanggap, diseminasyon, at pinaglulunsad ng pagkilos, sa pang-indibidwal o kolektibong antas. Mahalaga ito sa pagkakaroon, kapwa ng higit na mataas na nibel ng media literasi at pagtatatag [pagpapatatag din sapagkat kahit papaano ay mayroon na naman] ng isang masigla at kritikal na pagdulog sa telebisyon. Kay Lumbera, nakaugat ang pananaw na maaaninaw sa isa pang pagkakataon ng paglalatag niya ng mga pangunahing prinsipyo hinggil sa kulturang popular, na kinabibilangan ng telebisyon. Sa sanaysay na “Popular Culture as Politics” (1979), igiigiit niya na bagaman madalas na kinakasangkapan ang kulturang popular sa pagpapalaganap ng ideolohiya ng pagpapahinuhod [gaya ng madalas na ginagawa gámit ang mga angkat na midyum, eg. imprenta, pelikula, radyo, telebisyon], katatagpuan din ito ng ahensiya o kapangyarihan ng mga pinag-uukulan at “ginagaping” tagatanggap o audience (Lumbera 1997b). Wika pa ni Lumbera: “Popular culture is power, and whoever wields it to manipulate minds is likely to find its literary and technological machinery turned against him when the minds it has manipulated discover its potency as a political weapon” (ibid, 160). Nakatitiyak siya rito. Sa kasaysayan, napatunayan ito ng mapanuligsang pagkasangkapan ni Marcelo Del Pilar sa Pasyon at mga dasal; ng alegorikong dulaan nina Aurelio Tolentino at Juan Abad na nagtatanghal ng anti-Americanong sentimiyento; at ng panggagaya at kalaunan, pag-angkop sa mga konseptong Americano at Hollywood sa komiks, radyo, at pelikula (ibid, 157-159).

Ang Dalawang Sanaysay  

Isang espesipikong pagtutok, pagtitig sa teksto ang tinutupad ni Lumbera sa “Ang Tadhana at Pagsusumikap ni John.” Pagtitig ito sa bantog na pagbubunganga at punchline ni Doña Delilah viuda de Jones (Dely Atay-atayan), biyenan ng bidang si John Puruntong (Dolphy). Ang wika ng matanda: “Kayâ John, magsumikap ka!” Minahal at sinubaybayan ng mamamayan mulang 1973 ang mapagmahal at masiyahing padre de pamilya na si John, at naging sagisag siya ng mga amang Filipino na nagsisikap umahon at manatiling nakalutang sa laganap na kahirapan. Hindi gaanong ibinungad ni Lumbera ang konteksto ng pagbubunganga ni Doña Delilah, na bagaman mapag-aruga sa anak na si Marsha (Nida Blanca) at mga apo, ay madalas na nakakasagutan, nakakatuksuhan ni John na mahilig mamilosopo. Nananalaytay sa ugat ng mapera’t maraming ari-ariang si Doña Delilah ang pagiging matapobre, at kahit dakilang alalay na si Matutina (Evelyn Bontogon-Guerrero) ay mapaghambog din sa sariling mga paupahang apartment. Si John ay púsong sa dalawang nibel: maparaan siyang binubuhay ang pamilyang itinira sa barong-barong na gawa sa kahoy gayong laki sa layaw ang asawa; at cariño brutal niya sa monster-in-law ang palagi itong asarin o biruin, hanggang sa tuluyan na ngang lumabas sa eksena habang nagsisisigaw ng isa pang bukambibig na “Hudas, Barabas, Hestas!” Nasasalag niya ang pag-aaglahi ng lipunan at biyenan sa kaniya, kahit pa maalingawngaw ang paalaala ng butihing biyenan: Kayâ John, magsumikap ka! Siste na lámang ni John ang kaniyang pinanghahawakan upang maalpasan, malagpasan ang mapagtakdang búhay-mahirap. 

“(S)eryoso ang mensahe ng (punchline) para sa lahat ng nagmimithi ng pag-unlad,” sulat pa ni Lumbera (Lumbera 1987, 178). Aniya, “Magsumikap ka” ang sagot sa ekspresyong “Bahala na.” Ang “Bahala na ay palatandaan ng pagpapatianod ng tao sa daloy ng mga pangyayari” (ibid). Pagpapalawig pa: “Salungat ang linya ni Dely (Atay-atayan) sa paniniwala na ang nagpapasya sa takbo ng buhay ay ang tadhana o kapalaran. Nasa pagsisikap nga naman ng isang indibidwal ang kaniyang ikauunlad” (ibid). Mula sa antas nitong pilosopikal, sakâ naman ibinababa ni Lumbera sa lupa ang diskusyon. Ipinababatid niyang madali itong sabihin. Totoo, “(s)a isang di-maunlad na bansa, sa ikalawang hati ng ika-20 dantaon, siglo ng bomba atomiko at ng pagtapak ng tao sa buwan, dapat nang mapawi ang paniniwala na walang kontrol ang tao sa mga pangyayaring dumarating sa kaniyang buhay” (ibid). Subalit kailangang isaalang-alang ang materyal na realidad na pinagsasaluhan nina John at kaniyang manonood. Ano nga ba ang umiiral? Malinaw pa sa síkat ng araw: “Sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig (tulad ng Filipinas), hati ang lipunan sa dalawang bahagi. Bunga ng kolonyalistang pagsasamantala ng makalaking bansang naghari sa mga ito, ang nakararaming mamamayan ay nakakadena pa sa pagsasaka at patuloy pa ring binibiktima ng kamangmangan. Ang maliit na hati ay kinabibilangan ng mga taong edukado at nakaririwasa’t kaya’t sa kanilang hanay nanggagaling ang mga pinunong humahawak ng kapangyarihan sa bansa” (ibid, 178-179). Ang maliit na hati na ito, na masagisag na kinabibilangan ni Doña Delilah, ang “madalas magreklamo sa mabagal na pag-usad ng nakararami tungo są pag-unlad” (ibid, 179). Kayâ  marahil malakas ang loob ng matanda na magbitiw ng salita. Samantala, ang paalaala naman ni Lumbera: “Kasama na sila (maliit na hati ng lipunan) sa dapat paalalahanan na ang pag-unlad ng mga mamamayan ay di naisasakatuparan ng matiyagang pagpapasya lamang, kailangan lalo’t higit ang pagbubukas sa nakararami ng mga pagkakataon na sa kasalukuyang kaayusan ng lipuna’y sila ang tanging makapagbibigay” (ibid). Nagbabalik-usig ang mga kuyom na daliri sa nanduduro; umaalingawngaw pabalik ang binitiwang paratang ng kawalang-pagsisikap. At totoo naman: “Ang pagsisikap ni John ay magaganap lámang kapag nakikita na niyang nagbubunga ng biyaya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga minamahal ang pag-uubos-lakas” (ibid 178). Ngunit posible ba ito?

Nauwi ang paghimay sa punchline ni Doña Delilah sa masusing pagsiyasat sa kawalang-kaunlaran ng bansa. Sabi nga ni Lumbera: “Pangunahing suliranin ng Ikatlong Daigdig ang ekonomiyang pinaghaharian ng mga dayuhang kompanya, na nagluluwas ng malaking tubo sa mga bansang kanilang pinagmulan dahil mula lamang ang ibinabayad nila sa pagpapagod ng mga manggagawa at magsasaka” (ibid, 179). Dagdag pa: “Mapapansin na sa mga bansang di-maunlad, ang pinakamabisang panlunas sa sakit ng ekonomya ay ang nasyonalisasyon, ang pagkuha ng pamahalaan sa mga istratehikong industriya na dati’y hawak ng mga dayuhan” (ibid). Sa pangkabuuan, solusyong iminumungkahi ni Lumbera ang pagpapanibagong-loob mismo ng pamahalaan hinggil sa sitwasyon: “Ang alinmang pamahalaang naglalayong ihatid ang bansa sa mithing kaunlaran ay may tungkuling bigyan ng higit na timbang ang pagsusulong sa kabuhayan ng nakararaming nakasadlak sa paghihikahos” (ibid). “Mararating lamang ng bansa ang tunay na kaunlaran kapag sama-sama, kundi man sabay-sabay, na sumusulong ang kabuhayan ng lahat ng mamamayan” (ibid). Napetsahang 1975 ang sanaysay na ito, bagay na mapagpapakuan ng konteksto ng binitiwang kataga: tatlong taon nang napapailalim ang bansa sa Batas Militar ni Marcos, at limitado ang karapatan sa pamamahayag. Nalathala rin ang sanaysay, gayundin ang susunod kong tatalakayin, sa “publikasyong alaga” ng Department of Public Information (ibid, 2), ang Sagisag. Sa kabila nito, matagumpay na nakapaglagos dito ng “dalisay na liwanag na maitatanglaw sa mga paksaing ipinaubayang talakayin ng mapaniil na rehimen” (ibid). Sa makro o pangmalakihang pananaw, naitanghal ni Lumbera ang kairalang tagibang at inhustisya na ethos ng Cold War. Ngunit matalino niyang ipinahihiwatig ang nangyayari sa nibel na mikro o pambansa, kung saan tinipon sa sariling kamay ng diktador at mga kroni ang kapangyarihan at yaman.  Walang nagbabago sa Bagong Lipunan, taliwas sa mga pangako nito.

Maanghang ang kaniyang pag-usig: “Kung noong una, “tadhana” ang ipinangalan sa mga puwersang humuhubog sa buhay ng tao sa paraang hindi maipaliwanag, sa ating panahon ay matandang katawagan ito sa mga bagong puwersang tila hindi malalabanan pagkat lubhang malakas na’y masalimuot pa” (ibid, 179). Aniya, “(a)ng mga puwersang tinutukoy ay ang mga institusyon, batas, kaugalian, atbp., na humahadlang sa lubusang pakikinabang ng nakararami sa kanilang pagpapagal sa bukid o sa pabrika” (ibid). Naikutan niya ang paghahangga sa pamumuna sa pamamagitan ng isang pakasaysayang lapit at pag-unawa sa pananaw ng mga Filipino sa kaniyang tadhanang pinatamlay ang “pagsusumikap para sa kaunlaran” (ibid). Kung sa panahon ng Espanyol ay sinakop ang katatagan ng mga indio sa pagpapaniwalang sila ay tamad, sa panahon naman ng pagsulat, pakikibaka ni Lumbera, may palad ang maraming Filipino na manatili sa kanilang kinalalagyan sa lipunan, habang nagpapasasa sa yaman at poder ang iilan. “Kapag nakagawa na ng paraan ang pamahalaan upang maganap ang paglaya ng mga mamamayan sa makabagong “tadhana,” magkakaroon na ng kabuluhan ang payong “Magsumikap ka!” Kailangan likhain muna sa loob ng lipunan ang mga kondisyon magpapasigla sa pagnanasang magsumikap para sa kaunlaran” (ibid). Isang dekada matapos ng paglalathala ng sanaysay, hindi nabuwag ang “‘tadhanang’ hadlang sa kanilang pag-unlad” (ibid 180). Gaya ng alam na natin, subalit parang kinaliligtaan, bumagsak nga ang rehimen sa mapayapang pagkilos sa Edsa noong 1986. Nagpatúloy ang pagbubunganga ni Doña Delilah kay John hanggang 1990, ang pagbigkas ng “Kayâ John, magsumikap ka!” kayâ’t naging pamilyar pa ang ulinig nito sa mga tulad kong nagkamuwang at naging supling ng telebisyon noong mga panahong iyon. Subalit nananatiling totoo ang mga iniwang kislap-diwa ni Lumbera sa lagay ng lipunan, kahit ito’y lumaya mula sa diktadura: “(M)araming kababayan natin ang walang mapapasukang katulad ni John pagkat hindi sila nakapagtapos ng grade school o high school. Para sa kaniya, ang payo ni Dely (Atay-atayan) ay hindi angkop, pagkat talaga namang nagsusumikap sila sa pag-aararo at pagtatanim o sa pamamasukan sa pabrika at pagpapatulo ng pawis.” Nakatanikala pa rin ang madla sa kanilang tadhanang mapagpanatili sa laylayan, naghihintay ng kaligtasan.

Isa namang pagsusuri, kapwa sa katatapos noong pagpaparangal ng Pambansang Akademya ng Telebisyon sa Agham at Sining (PATAS) noong 1976 at sa “kabaugan ng industriya ng telebisyon sa Pilipinas” (ibid, 182) ang “Telebisyong Pilipino: Kailangan Ba Ito?” Iniulat ni Lumbera na sinundan ng alingasngas ang pagpaparangal dahil marahil sa mga kontrobersiyal na ipinanalo. Subalit higit na napapanahon at pundamental sa kaniya ang pagtugon sa tanong na inihayin ng kaniyang sanaysay. Muli, pakasaysayan ang kaniyang tingin sa bagay na ito. Ipinagunita niya’t iginiit ang pagiging pamanang Americano ng telebisyon, na para sa isang bansang “datihan nang mamimili ng mga produktong Amerikano ay madaling nabuksan para sa mga makinarya at kagamitang pangangailangan ng mga programa” (ibid, 181). Dagdag pa niya: “At di kasi sa dahilang wala pang teknolohiya ang mga Pilipino upang gumawa ng sarili nilang mga programa, kasabay ng mga makinarya at kagamitang dumating dito ang mga programang ginawa sa Amerika para rin sa mga Amerikano. At di kasi rin, lalong lumawak ang publikong maaabot ng mga komersiyanteng nagbibili ng mga produktong Amerikan sa Pilipinas” (ibid). Dito, binibigyang-diin ni Lumbera ang kalikasang komersiyal ng telebisyon, na likha ng kolonyalismo. Sa politikal-ekonomikong pananaw, wari bang kalabisan ang telebisyon noon sapagkat “lumilitaw na… hindi isang kapakipakinabang na industriya” (ibid). Bukod sa “labis at labis ang bilang ng mga istasyon” kahit nabawasan pa nang ideklara ang Martial Law, “sinasabi pa nga na sa 14 na oras ng pagteteleka, dalawa lamang (7:00-9:00 n.g.) ang pinagtutubuan ng mga istasyon” (ibid). Isa pa, dahop na nga sa kitang makapagtataguyod ay dahop din sa nilalaman ang telebisyon noon. Madaling mapapansin ang “dami ng mga palabas na galing sa labas ng bansa, sa (Estados Unidos) sa partikular” (ibid). Naging “tapunán” ang bansa ng mga “lumang pelikula, dramang de-serye (na) ang karamihan… na ang pangunahig inilalarawan ay abentura ng isang detective o private agent” mulang America (ibid). Dagdag pa, “(k)ung hindi man bakbakan o barilan ang nilalaman, sayawan at awitan ang idinudulot sa mga panonood” (ibid).

Kung gayon, parang nakababagot na panooran ang inilalarawan ni Lumbera. Bagay itong hindi kataka-taka sa isang kontekstong sinupil at halos walang kompetisyon ang industriya. Napasakamay ng ilang kroni ng rehimen ang halos kabuuan nito at nagamit sa propaganda ng gobyerno. Baog ang midyum sapagkat hungkag din ang mga mithiin. Ngunit bílang isang kritikong may lunggati para sa kultura, nakita ni Lumbera na kailangang balikatin ang pagsagot sa inihaying tanong. Naniniwala siya na kailangan ng “wastong oryentasyon” (ibid, 182) sa pagpapalaganap ng mga palabas na may panlipunan at pambansang pakinabang. Kailangan din, aniya, na maakay ang mga namumuhunan “tungo sa makalipunang konsensiya” (ibid). Subalit may kabatiran siya sa hanggahan ng pag-aasam sa mga ideyal na mithi. Wika nga niya: “(s)ubalit paano nga ba nabibigyan ng konsensiya ang mga mamumuhunang kaya pumasok sa industriya ng telebisyon ay upang magkamal ng tubo?” (ibid). Isang malusog na pananaw ito, sa ganang akin, na nakaiintindi sa kalikasan ng industriya. Bagay itong dapat na taglay ng sinumang tumitingin sa diskursong telebiswal. Nakabukas ang kaniyang mga mata sa mga kontradiksiyong umiiral sa telebisyon. Inuusig niya ito’t pinadadaan sa talim ng pagsusuri, habang humahanap pa rin ng paraan para maikutan ang mga sagwil ng imperatibong ekonomiko. Masdan itong kaniyang sinabi: “Kung ang konsensiya ay hindi maitatanim sa mga mangangalakal, marahil ay maantig sa patuloy na pagsisikap ang damdaming makabayan ng mga taong lumilikha ng mga programa o may malasakit sa kapakanan sa sangay na ito ng mass media” (ibid, 183). Sa pananaw ni Lumbera, komplikado na noon pa man ang sistema ng produksiyon, at maaari itong tamnan ng radikal, kundi man, makabuluhang potensiyal. Malamang na hindi ito matagpuan sa mga nagmamay-ari. Subalit may matutunghan pa: ang mga kawani ng produksiyon, lalo kung mulat sila sa mula’t mula. Natural, siyempre, may mga hanggahan din silang kailangang isaalang-alang. Sa pangmalawakan, natutuhog din ang usapin ng etika sa produksiyon, sa kabila ng hindi maiiwasang pagpapalamon sa sistema ng industriyang pinatatakbo ng kapital.

Interesentang magsapantaha kung ano-anong palabas ba para kay Lumbera ang kapakipakinabang sa mamamayan. Hindi niya ito tuwirang binabanggit; bagaman sa isang bahagi ng sanaysay, kaniyang sinipi ang ilan sa mga mithiing pambrodkast ng noon ay itinindig ng rehimen na Broadcast Media Council (BMC): “mga pagsisikap tungo sa pagsusulong ng edukasyon, kamalayang-sibiko, agrikultura, at iba pang larangang kinikilusan ng estado…tungo są katatagang pang-ekonomya at pambansang pagkakaisa.” Sa tingin ko, naniniwala si Lumbera na posible ang mga ganitong uri ng palabas. Ngunit higit ang kaniyang paninindigan na ang produksiyon at pagpapakalat ng mga ganito ay proyektong nangangailangan ng sama-samang pagsisikap ng mga prodyuser, ng mga institusyong noong mga panahong ito ay “nakabantay” o “nakamatyag” sa telebisyon tulad ng BMC, at ng mamamayang sangkot, lalo na sa media literasi. Maparikala ito, subalit nag-uudyok sa akin ng hinuha na ganitong uri ng seryosong kolaborasyon ang makapagpapataas ng kaledad ng palabas, lalo’t kung sasapit at mangyayari sa isang panahon at pamamalakad na higit na may kalayaan ang lahat. Maaari’y talagang nakamalas sa kinabukasan si Lumbera. Kayâ hindi dapat ito maging ningas kogon, kundi orkestado at naipagpapatuloy. Oo, sa isang bandá, ang mga palabas na kapakipakinabang ay “hindi siyang karaniwang pinanonood ng publiko at, di kasi, hindi siyang tatangkilikin ng mga kompanyang nagpapa-anunsiyo” (ibid, 182-183). Alam ni Lumbera ito. Ngunit mangangailangan ng panahon ang pagbabago sa panlasa at kahingian ng manonood.  Hindi naman ito maisasakatuparan nang agad-agaran. Kay Lumbera, sa mga institusyon “nakaatang… (lalo na) ang mabigat na tungkuling bigyang matwid ang pananatili ng industriya ng telebisyon sa Pilipinas” (ibid, 183). May saysay ang kaniyang pagtatanong ng kailangan ba ang telebisyon noon sapagkat sa nauntol nitong pag-unlad sa panahon ng diktadura, lumitaw ang potensiyal nitong makatulong sa lipunan kahit hindi maiwawaksi ang imperatibong komersiyal.  Matapos ng 35 taon ng pagkakamit ng kalayaan, natupad man lámang ba kahit ang ilan sa mga hangaring isinulong ni Lumbera sa artikulo?

Paglalagom

Sapagkat nasusulat nga ang mga sanaysay na ating tinitigan sa panahon ng panunupil ni Marcos, mabuting isakonteksto rin ang ating paglalagom sa lagay ng telebisyon ngayong nagdiriwang ang brodkasting sa bansa ng sentenaryo. Sa kasawiampalad, isa itong industriya at insitusyon batbat ng krisis. Nakamit man nito ang kalayaan at paglusog dulot ng matinding kompetisyon matapos ng Edsa Revolution, para bang mas pinalayaw nito ang tao sa kaaliwan kaysa pagiging maalam. Lubhang napakatalab ng pagpihit ng telebisyon sa tinaguriang “infotainment” noong dekada 90 at masidhing kompetisyon (Coronel 1999, 51). Nalulong dito ang manonood, at higit na nangibabaw ang layaw sa pagkapukaw sa kakatwaan o pagkakagitla-gitla ng kuwento ng karaniwan. Naisantabi ang pag-uulat ng mas mahahalagang usapin at suliraning panlipunan, lalo sa balitaan. 

Inamin itong minsan ni Jing Reyes, news chief ng dambuhalang network na ABS-CBN, naipasara ng pamahalaang Duterte sa gitna ng pandemya dahil sa kawalan ng prangkisa mula sa kongreso. Alam na natin ang kuwentong ito na isang déjà vu ng pagkakapasara rito ni Marcos noong 1972. Wika ni Reyes: “Media fed our audience too much entertainment. We’re guilty of that. This may not be a popular observation to some of my colleagues, I do believe our audience is overentertained, underinformed. And that is the thing we need to change” (Elemia 2020). Sa kasalukuyang panahon ng des-impormasyon at pagpapalaganap ng duda sa lehitimong midya, sa isang bandá; at paninindak ng pamahalaan sa kritikal na pamahayagan, sa isa pa, halimbawa at babala ang ABS-CBN sa naging tagumpay at kalabisan ng telebisyon matapos ng mahigit tatlong dekada ng balik-demokrasya. Halimbawa, sapagkat naging larawan ng pagpupunyagi sa kalayaan sa pamahayagan kahit pa malugi at kuyugin ng mga oportunistang politiko kamakailan; at babala, lalo kung isasaalang-alang ang di-iilang pagkakataon ng politikal na akomodasyon na tinupad nito sa mahabang panahon. [1] Sa tuluyang pagkawala ng ABS-CBN sa free-to-air TV, na nananatiling malaganap na platapormang telebiswal para sa nakararaming Filipino, wari bang nalansag, nadurog ang industriya ng telebisyon mismo, hindi makaahon-ahon. Sa kabila ng diversification ng network sa paglipat nito sa iba’t ibang platapormang digital at pinapagana ng Internet, litaw pa rin halimbawa, ang kakulungan sa mapagkukunan ng impormasyon sa gitna ng pandemya at iba pang sakuna (Malasig 2020). Dati-rati’y madali at masigasig itong natutugunan ng ABS-CBN dahil sa malawak na network at impraestruktura nito sa bansa, at hawak na audience share na 40.99% (Media Ownership Monitor Philippines, nd). Masaya nga ba talaga ang sentenaryo ng brodkasting para sa telebisyong Filipino?

Nais kong isipin na sandali ng pagmumuni ang sentenaryo ng brodkasting sa Filipinas. Anong uri ng telebisyon ang talagang ibig nating itindig mula sa ruinas ng ngitngit ni Duterte at kaniyang mga galamay? Ano-anong uri ng palabas ang ibig nating mapanood, ipapanood sa susunod na henerasyon? Papaano natin ito ibig patakbuhin ng mga may-ari’t namumuhunan mula ngayon? Papaano natin ito muling ipopook sa ating búhay at lipunang mabilis magbago, walang katatagan, masalimuot, hindi mawari (volatile, uncertain, complex, ambiguous)? Sa muling pagkakapasara ng ABS-CBN at sa sitwasyon ng kakulangan sa, o/at kabuktutan ng impormasyon na dulot ng ironikong demokratisasyon ng social media, higit na lumitaw ang isang bagay: talaga ngang karapatang pantao ang telebisyon. Kailangan itong itaguyod at pangalagaan, lalo para sa karamihang ito lámang ang inaasahan para maging maláy at mulat [hindi lahat ay may akses sa teknolohiyang digital at Internet]. Ibig sabihin, madali itong malansag at mawala. Mula sa pangunahing katwirang ito, ibig ko namang ilatag bílang mga kislap-diwa ang mga kaisipang Lumbera sa pagtatasa sa telebisyong Filipino; mga tugon ito sa hámon na panindigan ang midyum. Tatlo ang naiisip ko: una, ang palaging pagsasaalang-alang sa manonood; ikalawa, ang paggigiit sa panlipunang tungkulin ng telebisyon [maging ng kabuuang institusyon ng pangmadlang midya]; at ang paglinang sa kritikal na panonood sa pamamagitan ng masigasig na kritisismo at aralíng telebisyon.

Bakit kailangang palaging isaalang-alang ang manonood? Sa tingin ko, ito mismo ang punò’t dulo ng pag-iral ng midyum, bagaman sa simula, isa itong imbensiyong pinakinabangan muna ng lumikha at namuhunan. May dinaratnang audience ang mensahe nito, na kailangang ituring na may sariling bait sa pag-unawa at paggamit sa tinatanggap. Masyado nang napag-iwanan ang pagturing dito bílang minulan ng kamangmangan at pagtatalaga bílang bakya, baduy, basura. Sa halimbawa ng dalawang sanaysay, tinuturol ni Lumbera ang datíng, kapwa ng John en Marsha at ng pagtatasa ng pagpoprogramang telebiswal. Nakahuhubog ito ng kamalayan at pagkamalay na kung magagabayan ng talino at makalipunang mithi ay maaaring makahubog ng mamamayang nag-iisip, nagsusuri. Bakit kailangang igiit ang panlipunang tungkulin ng telebisyon? Batid at nauunawaan ni Lumbera ang interes pangnegosyo ng midyum. Tadhana nito ang pangangailangang kumita. Subalit kailangang igiit na mas kailangan nitong pagsilbihan ang interes ng mamamayang siyang “bumubuhay” dito’t pangunahing sanhi ng pag-iral. Isang panunulay sa manipis na lubid, kung gayon, ang maging sangkot sa telebisyon. Nakakabulid. Alin sa dalawa ang prayoridad? Mayroong mga paninindigang kailangang tindigan. Sa pagpili ng papanigan, kailangang malinaw ang pinagsisilbihan [ano o sino nga ba ang pinagsisilbihan ng telebisyon?]. Sa hulí, bakit kailangan namang luminang ng kritikal na panonood? Kailangang paghusayin pa ang ahensiya ng mononood, bigyang talim at lalim ang pagtanggap. Susog ito sa mobilidad ng nakararami. Ito ang magbubunsod ng isang telebisyong maytalim, maylalim, kayâ matalino. Dito pumapasok ang pangangailangan sa masigasig na kritisismo at aralíng telebisyon, sa popular o akademikong plataporma. Ang pagpapalawak sa pagsusuri at pag-aaral sa telebisyon ay maaasahang magpapalawak din sa orisonte ng mga inaasahan (horizon of expectations) ng manonood na dadatnan ng mga suri o aralín. Kailangan itong tupdin sa lahat ng antas ng K-12 hanggang sa pamantasan at kolehiyo. Pero bukás naman din ang mga mata ko na maaaring muli, nagsasapantaha lámang ako ng isang ideyal, halos utopikong kairalang maaaring usbungan ng ganitong mga posibilidad. Sa sentenaryo ng brodkasting sa Filipinas, maaari’y sapat na muna ang matutong magtanong at magharaya, tulad ng ginawa ni Lumbera sa dalawang sanaysay na pinaksa, at sa kabuuan ng kaniyang karera. May kailangang pagsimulaan ang pag-asam, ang pangangarap sa imposible. Ito ang kaniyang pamana.

[1] Sapagkat isang kompanyang pagmamay-ari ng Pamilya Lopez, tubong-Iloilo at matagal nang impluwensiyal sa politika at negosyo, hindi nito maiwasang sumayaw sa tugtog politika upang maisulong ang interes sa kasaysayan. Bahagi ang Pamilya ng Lopez ng elite na pangkat sa lipunang madalas taguriang oligarko. Ang kuwento ng kanilang pamilya ay inilarawang nagpapatunay ng “close connection between state and power and private wealth in the Philippines (McCoy 2010, 429). Basahin ang McCoy, Alfred, “Rent-Seeking Families and the Philippine State: A History of the Lopez Family,” sa An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines, ed. Alfred McCoy (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010), 429-536.  

Mga Akdang Binanggit                        

Coronel, Sheila, ed. 1999. From Loren to Marimar: The Philippine Media in the 1990s. Lungsod Quezon: Philippine Center for Investigative Journalism.

Elemia, Camille. 2020. “ABS-CBN News chief: ‘Our audience is overentertained, underinformed.’” Rappler.com, Oktubre 23, 2017. https://www.rappler.com/nation/abs-cbn-news-ging-reyes-audience-overentertained-underinformed/.

Lumbera, Bienvenido. 1987. Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan. Lungsod Quezon: Linangan ng Kamalayang Makabansa.

—-. 1997a. DATÍNG: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Pilipino. Unitas: Quarterly Scholarly Journal of the University of Santo Tomas 70 (4): 111-130. Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House.  

—-. 1997b. Revaluation 1997: Essays on Philippine Literature, Cinema, and Popular Culture. Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House.

Media Ownership Monitor Philippines. n.d. “Television.” Na-akses Pebrero 12, 2022. https://philippines.mom-rsf.org/en/media/tv/.

McCoy, Alfred, ed. 2010. An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: