-
Dasálin 21: Santo Tomas de Aquino
Maylikha ng lahat ng bagay,
Tunay na bukal ng liwanag at dunong,
Minulan ng lahat ng pag-iral,
Biyayaan mong maglagos ang Iyong liwanag
Sa dilim ng aking pagkakaunawa.
Hanguin ako mula sa lubhang pusikit
Na aking kinapanganakan,
Isang panlilinlang ng salà’t kamangmangan.
Kalooban ako ng matalim na kabatiran,
Ng gilas sa pagmememorya, at
Ng kakayahan sa paggagap sa bagay-bagay
Nang may kawastuhan at pagpapahalaga.
Handugan ako ng kahusayan
Upang maging tiyak sa aking mga paliwanag
At ng kagalingan sa pananalita
Upang maging masaklaw at may pukaw.
Ituro sa akin ang pagsisimula,
Gabayan ang pagpapaunlad,
At alalayan ang kaganapan.
Hinihiling ko ito sa pamamagitan
Ni Kristong aming Panginoon. -
Dasálin 20: Ilang Koan
1.
Kung ako’y dahop, anong gagagawin ko? Itapon iyon.
2.
Hindi ka maaaring maglakbay sa gabi, ngunit kailangan mong makarating bago magbukang-liwayway.
3.
Dumaraan ang tulay, ngunit hindi ang tubig.
4.
Ano ba ang tunog ng isang kamay na pumapalakpak?
5.
Kung tatakasan mo ang kawalan, hindi ka makalalayo mula rito. Kung hahagilapin mo ang kawalan, hindi mo ito matatagpuan
-
Dasálin 19: San Francisco de Sales
1.
Makabubuting huwag maging kampante sa sarili. Subalit papaano ito makapaghahatid ng kabutihan kung hindi natin isusuko ang lahat sa Diyos, at hihintayin ang kaniyang awa? Kung wala kang gayong tiwala, huwag kang sumuko sa pagsusumikap at pagsasabi sa Ating Panginoon ng: “Subalit, O Panginoon, bagaman nagdududa ako sa iyong kapangyarihan, sa hulí’t hulí, batid kong Ikaw ang aking Diyos, at sa Iyo ako, at wala akong ibang aasahan kundi ang Iyong kabutihan; kayâ inihahabilin kong ganap ang aking sarili sa Iyong mga Kamay.” Palaging nása sa atin ang kakayahang ito; kahit na lubhang napakahirap nito para atin, wala pa ring imposible. Dahil dito’y napatutunayan natin ang katapatan ng ating Panginoon.
2.
Ang walang-hanggang Diyos, sa kaniyang karunungan, ay nabatid na mula sa eternidad ng krus na Kaniyang ihaharap sa iyo bílang kaloob mula sa kaibuturan ng Kaniyang puso. Ang krus na ito na ipinadadala sa iyo’y pinili Niya, kinilatis ng nakakikita-ng-lahat na mata, naunawa ng Kaniyang banal na isip, sinuri ng Kaniyang kaybait na tarung, yinakap ng mapagmahal Niyang braso’t sinukat ng sarili Niyang mga kamay sa pagtitiyak na hindi ito ni isang pulgadang malaki o ni isang onsang mabigat para sa iyo. Binasbasan niya ito ng Kaniyang banal na Ngalan, pinahiran ng Kaniyang lubag, sumulyap sa iyo sumandali at sa iyong tapang, bago ipadala ito sa iyo mulang langit, isang tanging pabatid mula sa Diyos, isang handog ng maawain-sa-lahat na pag-ibig ng Diyos.
-
Dasálin 18: Mula sa Kabbalah
Larawan ni James Wheeler mula sa Pexels. May isang haliging nakatindig sa lupa’t umaabot hanggang langit. Ang ngalan nito’y Ang Matuwid, itinalaga para sa matutuwid. Kung may matutuwid sa daigdig, tumatatag ang haligi; kung nangawawala’y bumubuway. Pinananatili nito ang buong daigdig, sapagkat nasusulat: “Ang matuwid ang haligi ng daigdig.” Kung hihina ito, maglalaho ang mundo. Kayâ’t kung may isa mang matuwid sa daigdig, ang táong iyon ang makagpapanatili rito.
-
Dasálin 17: Kantikulo ng mga Nilalang ni San Francisco de Asis
Kataas-taasan, pinakamakapangyarihan, at mabuting Panginoon,
Sa Iyo ang lahat ng mangha, luwalhati, pagdakila, at papuri;
Sa Iyo lámang, Kataastaasan, nananahan,
At walang táong karapat-dapat bumigkas ng Iyong ngalan.Purihin Ka, aking Panginoon, sampu ng Iyong mga nilalang,
Lalo na ang Ginoong Kapatid na Araw,
Na siyang umaga at lagusan ng Iyong handog na liwanag.
Napakaganda niya’t nagniningning sa dakilang karilagan;
Aninag sa kaniya ang Iyong wangis, Kataas-taasan.Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Buwan at sa mga bituin;
Sa langit, sila’y Iyong linikhang makináng, tangi, at maganda.Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Hangin,
At sa kaulapan, kimpal-kimpal at payapa, at sa lahat ng uri ng panahon
Na Iyong ipinadadala upang kandilihin ang iyong mga likha.Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Tubig,
Na talagang may pakinabang, mababang-loob, at dalisay.Purihin Ka, aking Panginoon, kay Kapatid na Apoy,
Na iyong pinagniningas upang magliwanag ang gabi.
Siya’y marikit, mapaglaro, maalab, at malakas.Purihin Ka, aking Panginoon, sa aming Kapatid na Inang Daigdig,
Na umaalalay at nag-aaruga sa amin,
At siyang nagpapausbong ng sari-saring bunga na may gayak
Ng sarikulay na bulaklak at lungti.Purihin Ka, aking Panginoon, sa mga nagpapatawad dahil
Sa Iyong pag-ibig, at binabatá ang dusa at sákit.Pinagpala yaong mga tahimik na nagtitiis
Sapagkat sa Iyong loob, Kataas-taasan, sila’y makararaos.Purihin Ka, aking Panginoon, sa aming Kapatid na Pagpanaw,
Na walang sinumang nabubuhay ang makatatakas.
Pagluksaan yaong namamatay sa mortal na salà.
Pinagpala yaong natatagpuan ng kamatayan sa píling ng Iyong
Banal na loob, sapagkat di sila mapipinsala ng ikalawang kamatayan.Papuriha’t dakilain ang aking Panginoon at pasalamatan siya;
Paglingkuran siya nang may labis na kaamuan. -
Dasálin 16: Emily Dickinson
Larawan mula sa The Smart Set.com 1.
Ang dasal ay isang munting gámit
Upang maabot ng mga tao
Ang banal na tumikom.
Ipinupukol nila ang kanilang bulongGámit ito, pa-tainga ng Diyos;
Kung marinig man niya,
Nilalagom nito ang aparato
Na bumubuo sa dasal.2.
Payak lámang talaga ang kailangan,
Tulad ng lugod, at ng langit;
Abót ang mga ito ng aking káya,
Sapat na para sa akin at búhay.Ngunit dahil tangan ng hulí
Ang dalawa, sapat nang isa
Lámang ang idalangi’t asamin;
Biyaya na ang maghahandog ng pares.Kayâ idinulog sa maalam ang hiling—
Dakilang Diwa, ipagkaloob sa akin,
Isang langit na di man sinlawak ng sa inyo,
Sapat naman ang lawak para sa akin.Napuspos ng ngiti ang mukha ni Jehovah;
Nagsilisan ang mga kerubin;
Pumuslit ang mga santo’t sinilip ako,
Ipinakita rin ang mga biloy nila sa akin.Buong-lakas kong nilisan ang pook,—
Ang aking dasal, itinapon;
Dinampot iyon ng malumay na panahon,
At kumislap din ang Paghahatol,Siyang talagang tapat kalaunan
Sa pagkilatis sa katotohanan
Ng bukambibig na “Anumang hiling,
Siya ngang sa iyo’y igagawad.”Subalit ako’y natutong mag-ingat,
Naghihinala sa pagtingala sa langit,—
Tulad ng mga musmos na nadaya sa una,
Lahat ay nahihiwatigang magdaraya.3.
Ang Katotohanan—sintanda ito ng Diyos—
Kaniyang kambal sa katauhan,
At mananatili ito hanggang Siya’y
Kakambal ng habampanahon—At mapaparam lámang sa Araw
Na Siya’y mapatalsik
Mula sa Mansiyon ng Uniberso,
Isang patay na Bathala. -
Dasálin 15: Ang Sermon Hinggil sa Paglalagablab mula sa Mahā-vagga
At matapos ng piniling matagal na pamamalagi sa Uruvelâ, nagpatuloy Ang Pinagpala [si Buddha] sa kaniyang paglilimayon, at noo’y natungong Gayasisa, malápit sa Gayâ. Kasáma niya ang dakilang kawan ng sanlibong monghe, na dati-rati’y marurusing. Sa Gayâ siya tumahan kasáma ang mga monghe.
Doon ay nangaral sa mga monghe Ang Pinagpala: “Lahat, mga monghe, ay naglalagablab. At papaanong naglalagablab ang lahat, giliw na mga monghe?”
“Ang mata, o mga monghe, ay naglalagablab; ang lahat ng nakikita ay naglalagablab; ang mga larawang-isip na nasasagap ng mata ay naglalagablab; ang damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman—ang lahat ay pawang naglalagablab.”
“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag ng pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”
“Ang tainga ay naglalagablab, ang mga tunog ay naglalagablab; ang ilong ay naglalagablab, ang mga amoy ay naglalagablab; ang dila ay naglalagablab, ang mga lasa ay naglalagablab; ang katawan ay naglalagablab, ang lahat ng nasasapol ng pagdama ay naglalagablab; ang isip ay naglalagablab, ang mga kaisipa’y naglalagablab; ang isip-málay ay naglalagablab, ang mga nahihinagap ay naglalagablab; lahat ay naglalagablab sa apoy ng poot, kasakiman, at kamangmangan—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”
“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Muli, sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag sa pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”
“Kung gayon, o mga monghe, ang isang alagad na pinuspos ng karunungan sa pagtahak sa Mahal na Landas, ay napapagal sa mata, napapagal sa lahat ng nakikita, napapagal sa mga larawang isip na nasasagap ng mata, napapagal sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita, napapagal sa damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”
“Napapagal siya sa tainga, at napapagal siya sa tunog; napapagal siya sa ilong at napapagal siya sa mga amoy; napapagal siya sa dila at napapagal siya sa mga lasa; napapagal siya sa katawan at napapagal siya sa lahat ng nasasapol ng pagdama; napapagal siya sa isip at napapagal siya sa mga kaisipan; napapagal siya sa isip-málay at napapagal siya sa mga nahihinagap—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”
“Sa pagkapagal sa lahat ng ito, nahuhubad ang lahat ng pagnanasa; sa pagkawala ng pagnanasa ay nakakamit ang paglaya; sa pagkakamit ng paglaya, nakakamit din ang pagkamalay sa pagiging malaya; at sa pagkatalos ng pagpagal ng muling-pagsilang, natatalos din ang pamumuhay sa kabanalan, pagtupad sa nararapat, at paglaya mula sa mga inog sa daigdig na ito.”
Habang ipinaliliwanag ang lahat ng ito, natubos ang kaisipan ng sanlibong monghe mula sa pagkagiliw sa mundo, at lumaya mula sa lahat ng kinikipkip, lahat ng kabuktutan.
-
Dasálin 40: Panalangin kay San Jose bílang Proteksiyon mula sa Pandemyang Covid-19
Ikono ni San Jose mula sa CBCP.News.com. O Pinagpalang San Jose, tapat na tagapagtaguyod ni Jesus at busilak na esposo ni Maria, dalangin namin ang iyong proteksiyon ngayong ang mundo’y nagdurusa sa matinding krisis na dulot ng coronavirus.
Walang maliw naming kinamamanghaan ang iyong aruga kay Jesus. Sa aming pagninilay:
Hindi namin hangad na gisingin ang sanggol na Hesus na sakdal-himbing sa iyong mga bisig, ngunit ibulong mo naman sa Kaniya ang aming lubhang pangangailangan ngayon.
Hindi namin hangad na humadlang sa paglilikas sa Ehipto ng iyong pamilya upang makatakas mula sa malupit na si Herodes, ngunit gabayan mo kami sa aming pagtalilis mula sa nakamamatay na sakít.
Hindi namin hangad na humarang sa paghahagilap mo sa iyong nawawalang Anak sa Jerusalem, ngunit tulad ng iyong ginawa nang mahinahon, pawiin sa amin ang aming balisa habang nagsisikap kaming humanap ng ikaliligtas.
Hindi namin hangad na makaabala sa mga aralín sa pagaanluwagi na itinuro mo sa Anak na si Jesus, ngunit ipakiusap sa kaniyang hutukin ang aming puso’t kaluluwa upang malabanan namin ang lahat ng uri ng tákot na humahadlang sa amin na tumulong sa mga nása banig ng karamdaman.
Bagaman nagluluwalhati sa walang-hanggang lugod sa langit kasáma si Maria at ang iyong Anak na si Jesus, huwag nawang talikdan ang aming lumbay ngayon, kaming nananaghoy dito sa lupa. Sa pamamagitan mo, ipaabot ang aming dalangin sa iyong Anak na si Jesus.
Amen.
Mula sa Ingles ni Padre Wilmer Tria
-
Dasálin 39: Derek Walcott
Dibuho ni Derek Walcott mula sa Vinhanley.com. Darating ang panahon,
May ragsak mong
Sasalubungin ang sariling papasók
Sa iyong pinto, sa sariling salamin,
At magpapalitang-ngiti ang bawat isa
Sa mainit na pagtanggap,
At magwiwikang, upo ka. Kain.
Mamahalin mong muli ang estrangherong ikaw rin.
Abután ng alak. Abután ng tinapay. Ibalik ang iyong puso
Sa sarili nito, sa estrangherong nagmahal sa iyoBuong búhay mo, na ipinagsawalang-bahala,
Siyang kilala ka hanggang kaibuturan.
Hanguin ang mga liham-pag-ibig mula sa estante ng aklat,Ang mga larawan, ang mga minadaling pagtatalâ,
Palayain ang iyong imahen mula sa salamin.
Maupo. Magdiwang sa iyong búhay. -
Bagong Tula: Anunsiyasyon
Anunsiyasyon sa Cestelo ni Sandro Boticelli. May arkanghel na nagbalitang
Sa palagay daw ng ilan, hindi raw
Umaangat sa matulain
Ang bago sanang aklat ng tula.
Kayâ madaling itaboy
Na parang manunuluyan, kahit
Humihilam pa ring kagampan
Ang talinghaga, kumakatok sa mga pinto,
Nagsusumamong payagan nang
Sumalampak, kahit sa anumang sabsaban,
Nang mailuwal ang dapat mailuwal.Namanglaw ako sa totoo lámang,
Ngunit wari’y may liwanag na bumabâ.
Bakâ nga totoo ang balita.
Bakâ hindi na talaga ako makata.
Nilay kasi ako nang nilay,
Dasal nang dasal, sa dami ng
Ibig maunawan sa kung ano-anong
Kabulastugan ng maykapal, at madalas
Kahit panay ang aking simba,
Tikóm lámang siyang nakatanaw.
Patawad. Akala ko kasi’y
Ang mga iyon ang kailangan.Sa bawat paghagilap ko sa Talinghaga
Ng mga Talinghaga, bakâ naupos
na nga ang salita ko, isang ispermang nahipan.
Sadyang mailap ang verbo.Kayâ ayos na rin siguro
Ang rebistang natanggap. Iniisip ko,
Isa lámang itong matapat na bisita
Sa sulok ng malalalim na paghahanap,
Waring bumabating pagaspas
Sa miyural ni Boticelli, hinihipo
Ang bawat tangka—higit sa pagpapaliwanag,
Sa pag-unawa. Nagsasabi
Ng talagang dapat mabatid
Upang aking lalong makilatis ang ugnay ko
Sa pagsasakataga. May ibinibinhi ito
Sa sinapupunan ng paglikha
Na kung anong hindi ko alam.
Bahala na siya. Siya nawa.