Bagong Tula: Isang Paalaala

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

The House committee on justice approved the bill that would lower the minimum age of criminal responsibility from 15 years old to 9 years old.—Rappler.com

Handang-handa táyong markahan
Ang mga musmos bílang kriminal
Matapos umindak at magdasal
Hawak ang ating mga Santo Niño.

Noong Linggo lámang iyon,
At pinagninilayan sa mga pulpito
Ang Pagkakahanap sa Batàng Hesus
Sa Templo. Umalingawngaw
Ang pagkamasunurin ng bugtong
Na anak, pati ang tahimik na lingid
Na búhay hanggang magkagulang.

Ngayon, heto táyong pinagtatalo-
Talo ng Maykapangyarihan, waring
Mga batà sa laro, di magkasundo
Kung dapat hayaang humimas
Ng rehas ang murang mga palad.

Nanginginig sa pagtutol ang ilan,
Itinala pa ang mga Kawatang
Nagtaas ng kamay sa pagpayag
Na ipakatay ang kabataan;
May nanaludtod namang wari’y ibig
Manimbang pa sa kamalian ng kamalian—
Batà ang nasasakdal? Ano naman?
Talagang ganoon. Ang niño’y di banal.

Madaling maligtaan sa lahat ng ito
Ang isinayaw na Mahal na Niño,
Maringal sa ating palad. Sa kaniyang palad,
Ang kaybigat-sa-salàng mundo,
Magsasakrus sa pagpasan balang araw.

Sa mga tulad niya ngayon,
Na minsang itinalinghaga sa sermon,
Ipapapasan ang angking paglabag
Ng mga tinimbang ngunit kulang.
Tutal, makapaghuhugas naman ng kamay.

Para kay Kora Dandan Albano at Aldrin Pentero

Advertisements

Dasalín 35: Wendell Berry

Larawan ni Wendell Berry mula sa Tree Hugger.com.

Kapag sa kaibutura’y gumagapang ang hapis
Para sa mundo, at nagigising sa gabi ng kahit
Kaluskos, may tákot para sa aking búhay at sa mga anak,
Nagtutungo ako’t nagpapahingalay kung saan humahapon
Ang pato sa kaniyang kariktan sa tubigan, at nanginginain
Ang tagak. Dinaratnan ko ang tahimik ng kasukalang
Walang binabatáng pagkahindik sa paratíng
Na dalamhati. Sinasamba ko ang dakilang batis
Na walang-labusaw. At nadarama kong sa himpapawid
Nakaabang na kikislap ang mga talà. Kahit saglit,
Nakahihimlay ako sa biyaya ng daigdig, at ako’y malaya.

Bagong Tula: Dahas

Larawan ni Kat Jayne sa Pexels.

Pinupulutan sa mga huntahan
Ang húling video ng sapák-sipa
Ng sigà sa hayskul; nakamangha
Ang ganit habang ulit-ulit
Na ikinakalat sa balitaktakan
Ang dapat na tindig, tugon sa maugong
Na tanong sa pobreng lamog
Ang mukha paglabas ng kasilyas:
Dignidad o bugbog? Mamili ka.

At bigla’y sumisigid na muli sa sentido
Ang linya ni Forché, nagpapagunitang
Puso ang pinakamatigas na bahagi
Ng katawan; at ang kamay, kandungan
Ng banayad. Ngunit hindi sa sandali
Ng paninindak. Sakmal ng binatilyo
Ang lakas na humuhulas, at ngayon,
Dinuduro siya ng mga daliring salat
Ang gaspang ng salà’t nababalighuan
Na naganap ang gayong tagpuan.

Walang málay ang lahat, wari’y
Ang musmos, may kubling halimaw
Sa bawat pinipiling panig ng alingasngas.
Sa hulí, lahat ng kamay, may bahid-
Dugo’t walang makahuhugas, pagkat
Malaon nang nagpaubaya sa kaligkig
O kibit-balikat, sa panonood lámang
Halimbawa, sa mga tulad ng pobreng
Halos mabuwal, dignidad ang pinipili
At lulugo-lugong sumasahod ng tubig
Sa lababo upang maghilamos ng sugat.

Dasálin 13: Dekalogong Pang-araw-araw ni Pope John XXIII

Larawan mula sa US Catholic.org.

1. Para sa ngayon, sisikapin kong landasín ang aking araw nang walang alinlangan at walang paghahangad na lutasin ang mga suliranin ng aking búhay nang sabay-sabay.

2. Para sa ngayon, pangangalagaan ko ang aking katayuan: mananamit ako nang simple; hindi ako magtataas ng boses; magiging magalang ako sa pakikitungo; wala akong pupulaan; wala akong ibang lulunggatiing papaghusayin kundi ang aking sarili.

3. Para sa ngayon, magiging maligaya ako sa katiyakang nilalang ako upang lumigaya, hindi lámang sa kabilâng búhay, kundi sa búhay na ito.

4. Para sa ngayon, babagay ako sa mga kasalukuyang lagay nang hindi ipinipilit isabay ang mga iyon sa aking kapritso.

5. Para sa ngayon, maglalaan ako ng 10 minuto ng aking oras sa ilang mabuting babasahín, na isinasaisip na kung kailangan ng pagkain para sa lusog ng aking katawan, kailangan din para sa lusog ng aking kaluluwa ang mabuting babasahín.

6. Para sa ngayon, gagawa ako ng mabuti at hindi na iyon ipagsasabi.

7. Para sa ngayon, gagawa ako ng kahit isang bagay na hindi ko ibig gawin; kung hindi ko iyon maibigan, titiyakin kong walang makapapansin.

8. Para sa ngayon, lilikha ako ng plano para sa sarili ko; hindi ko man ganap na masunod, tutuparin ko pa rin iyon. At magmamatyag ako sa kambal na masamâ: pagmamadali’t pag-aatubili.

9. Para sa ngayon, titibayan ko ang aking pananalig, bagaman kayhirap magagap, na walang pagpapahalagang hihigit pa sa pagpapahalaga sa akin ng mabuti’t maykalingang Maykapal sa daigdig na ito.

10. Para sa ngayon, iwawaksi ko ang mga tákot. Lalo na, hindi ko katatakutang masiyahan sa maganda at maniwala sa kabutihan. Sa totoo lámang, sa loob ng 12 oras, magagawa ko ang anumang makababalisa sa akin kung naninindigan akong kailangan ko itong gawin sa aking búhay.

Ibig kong maging mabuti, ngayon at kailanman, sa lahat. 

Ang bawat mananampalataya sa daigdig na ito’y dapat na maging isang ningas ng liwanag, ubod ng pag-ibig, lebadurang nagbibigay-búhay sa misa: sa ganitong paglalim, higit silang nabuhuhay, sa kanilang kaibuturan, sa pakikipagkapwa sa Diyos.  

Dasálin 34: Naomi Shihab Nye

Larawan ni Naomi Shihab Nye mula sa On Being.org.

Bago málaman kung ano talaga ang kabutihan,
Kailangan mong makawaglit ng mga bagay,
Madamáng nalulusaw ang búkas sa sansaglit
Tulad ng asin sa matabáng na sabaw.
Anumang iyong pinanghawakan,
Anumang binilang at maingat na inipon,
Lahat yao’y kailangang maubos upang matalos
Kung gaanong nagiging kalumbay ang lupain
Sa pagi-pagitan ng rehiyon ng kabutihan.
Kung gaano kang sakay nang sakay
Na umaasang hindi hihimpil ang bus;
Ang mga pasaherong ngasab ang mais at manok,
Habambuhay na malayo ang tingin sa may bintana.

Bago mo matutuhan ang banayad na grabedad
Ng kabutihan, kailangang maglakbay sa kung saan
Namatay ang Indian na nakaputing poncho sa tabíng-daan.
Kailangang makita na maaaring ikaw ito,
Ang kung papaanong siya ri’y isang
Manlalakbay sa magdamag, may mga balak
At payak na hiningang bumuhay sa kaniya.

Bago mo makilala ang kabutihan bílang pinakamalalim
Na bagay sa loob, kailangang makilala ang dalamhati
Bílang ang isa pang pinakamalalim na bagay,
Kailangang sabayáng bumangon ang dalamhati,
Kausapin iyon hanggang malalà ng labì ang lahat
Ng dalamhati at malantad ang laki ng habi.
Sa gayo’y kabutihan na lámang ang magkakaroon
Ng katuturan, kabutihan lámang ang magtatali ng sapatos
At magpapahayo sa iyo sa umaga upang mamangha ka
Sa tinapay, kabutihan lámang ang magtataas-kamay
Mula sa lipumpon ng daigdig upang magwikang
Ako nga ang iyong hinahanap-hanap,
At sasáma naman ito sa iyo saanman
Tulad ng isang anino o isang kaibigan.

Bagong Tula: Komyuters

“Komyuters” ni Cedrick Dela Paz, 3 x 6 piye, akrilika sa kambas.

—Matapos ni Cedrick Dela Paz

Mistula nga silang bangkay, inupo’t
Ikinahon ng arawang harurot-lungsod;

Ang dyipni’y lumilipad na karo
Ng halos abuhin nilang pag-iral.

Binabaybay nila ang nakalatag
Na karimlan ng usok at rusing, at iyon

Ang kanilang talambúhay—pagpápasá-
Pasahán ng kalansing hanggang maiabot

Sa limahid na palad ng tagapaghatid.
Kaway, panhik, upô, para, panaog—

Hindi sila tulad ng mga itinatawid
Tungo sa pampang ng paghimlay, pagkat

Palad nila ang yamot, siksikang talunton
Sa gayong mga estasyon ng búhay—

Panaog, para, upô, panhik, kaway.
Babatahin nila iyon gámit ang sining

Na natutuhan: pabayubay na pag-idlip
Sa pagbawi sa túlog na nailit ng maagang

Pagluwas, o sa lakas na maghapong laspag
Ng banát-buto. Saulado nila itong ruta

Ng pagtitiis, at ang bugtong na musmos,
Kandong ng hapông ina’t sumisipsip,

Sumisimot ng pawisang palamig, ay nahahasa
Na ng maagang inisyasyon sa trapiko

Ng mga pagkaluoy na pataw ng palad
Na mailuwal sa ganitong orden ng saklap.

Sa pagpanaw ng tibok sa lahat ng sakay,
Tuloy lámang sa takbo ang gasgas na gulong.

Napaparam na ang labíng init ng balót
Na balut sa basket sa paanan ng tindero.

Ang asong bitbit ng amo, piit ang listo
At pati angil, isa na lámang multo.

 

Pasasalamat kay David Jonathan Bayot.

Bagong Tula: Ang Estelista

Larawan ng Tookapic sa Pexels.com.

Makailang-ulit akong dumaan sa parlor.
Hindi ko siya mataunan—kundi nagsiyesta,
Talagang sa pagpasok ay lumiban.

Hinahanap-hanap man ang aruga ng pamilyar
Na kamay, ng pagtabas na kadesado
Ang ibig na gadgad, hati, at lugay, nagkakasya ako
Sa maaskad na barberya sa harapán.

Naaalaala ko tuloy noong kamay pa niya
Ang nagpapabula sa shampoo sa buhok.
Nang malámang isa akong guro,
Nagpaturo ng mga isasagot sa beaucon.
Handa na raw ang kaniyang gown;
Mga sagot na lámang ang kulang.

Heto naman akong nagsulat sa papel
Matapos ng pagsasahod ng ulo sa kanilang lababo.
Tambalan ng mga usapin at tugong maaari
Niyang isaulo—dapat isapuso—sa tradisyon
Ng mga rumarampang reyna. Iniabot sa kaniya
Habang pinuputungan ng wax at spraynet.

Bumalik ako matapos ng isang buwan
At sumalubong ang kinang ng buhok-bulawan—
Second runner-up, Sir. Maraming salamat.

Tuloy lámang ang aking pabisita sa parlor,
Tuloy lámang din ang pagrampa niya sa beaucon.
Hanggang dumalang na nga dahil
Hindi ko siya mapagkikita. Sa hulíng
Bakâ-sakali, balitang pumanaw na ang loka.

Gulát ako—ngunit mangha sa kaloob na naratibo
Ng kaniyang mga paglalaho: ang sapalaran
At pag-iisa sa Maynila, ang iniindang sakít
Sa sikmura na tuluyang gumupo nang umuwi
Sa Iloilo. Sinikap pa niyang bumalik
Sa parlor pero heto na lámang ang nasumpungan—

Pagkakilalang halos limang taóng inupuan
Sa pamilyar ding silyang pinagpapagupitan
(Kung saan niya ako madalas iluklok),
Lubhang sansaglit, napapamagitanan ng
Singasing ng gunting, sauladong sagot sa beaucon,
At pangangarap para sa mga koronasyon.

Dasálin 12: Antoine de Saint-Exupery

Larawan mula sa blog ni Morten Tolboll.

Panginoon, hindi ako nagdarasal para sa mga himala at hiwaga.
Lakas lámang para sa aking buong búhay ang dasal ko.
Ituro mo sa akin ang sining ng mumunting hakbang.

Gawaran ako ng dunong at pagkamaparaan upang mahagilap
Ang mahahalagang tuklas at danas sa sarikulay ng mga araw.

Tulungan akong mahusay na gámitin ang oras. Tulutan ako ng unawa
Upang makapagpasya kung mahalaga o hindi ang isang bagay.

Nagdarasal ako para sa tibay ng pagkahutok at katwiran,
Di lámang upang manahan ang mga ito sa buong búhay,
Kundi upang mamuhay akong natitimpi’t bukás
Sa mga di inaasahang kalugura’t katayugan.

Iligtas ako sa mababaw na paniniwalang lahat sa búhay
Ay dapat lámang madaling pagdaanan.

Bigyan ako ng kahinahunan sa pagtanggap na ang hírap,
Pagkabigo, gulo, at pagkaantala’y handog ng búhay,
Sa ngalan ng paglago at paggulang.

Padalhan ako ng tamang kapwa sa tamang panahon, yaong may sapat
Na tapang upang yumakap at sumaksi para sa totoo.

Batid kong nilulutas ng maraming suliranin ang kanilang sarili,
Kayâ’t turuan ako ng tiyaga.

Batid mo kung gaano kahalaga sa amin ang pakikipagkaibigan.
Dalisayin nawa ako para sa pinakamaganda, pinakamahirap,
Pinakamarubdob, at pinakaiingatang regalong ito ng búhay.

Handugan ako ng sapat na pagkamalikhain upang makapagbahagi
Sa kapwa ng kahit mainit na yakap, sa tamang lugar,
Sa tamang pagkakataon, may mapaghilom na salita o katahimikan.

Ilayo ako sa sindak ng mapaglipasan ng búhay.

Huwag akong kalooban ng nilulunggati, kundi ng kailangan.
Ituro mo sa akin ang sining ng mumunting hakbang.

Dasálin 33: Ang Heart Sutra o Ang Puso ng Ganap na Karunungan

Larawan mula sa Youtube.com.

Si Avalokiteshvara,
Hábang pinagninilayan
Ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ay kagyat na nakasumpong
Na lahat ng limang Skandha ay pawang hungkag,
At sa pagkamalay na ito,
Naigpawan ang lahat niyang Pagkadukha.

“Makinig, Sariputra,
Ang Katawang ito’y Kahungkagan,
At ang Kahungkagan mismo’y itong Katawan.
Ang Katawan ay di bukod sa Kahungkagan
At ang Kahungkagan ay di bukod sa Katawang ito.
Totoo rin ito sa mga Damdamin,
Pananaw, Likhang-Isip,
At Kamalayan.

“Makinig, Sariputra,
May bakas ng Kahungkagan ang lahat ng danas;
Ang tunay nilang kalikasan ay kalikasang
Walang Pagsilang walang Kamatayan,
Walang Pag-iral walang Di-Pag-iral,
Walang Karungisan walang Kadalisayan,
Walang Pagdaragdag walang Pagkabawas.

“Kayâ sa Kahungkagan,
Ang Katawan, Damdamin, Pananaw,
Likhang-Isip, at Kamalayan
Ay hindi mga bukod na lalang sa sarili.

Ang Labing-Walong Lupalop ng Danas,
Binubuo ng anim na Pandama,
Ng anim na Nasasaling ng mga Pandama,
Ng anim na Kamalayan,
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.

Ang Labindalawang Buklod ng Kaugnayan
Na Sumisikat, at ang kanilang Paglubog
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.
Ang Pagkadukha, mga dahilan ng Pagkadukha,
Ang Wakas ng Pagkadukha, ang Landas,
Pagkamalay at Pagkakamit,
Ay hindi rin mga bukod na lalang sa sarili.

Sinumang nakatuturol nito’y
Di na kailangang magkamit ng anuman.

Ang mga Bodhisattva na pinagninilayan
Ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ay wala nang nakikitang hadlang sa kaisipan,
At sapagkat
Wala nang iba pang hadlang sa kaisipan,
Nadadaig ang lahat ng tákot,
Nawawasak ang lahat ng malubhang pananaw
At napaghuhulo ang Ganap na Nirvana.

“Lahat ng Buddha sa nakaraan, kasalukuyan,
At hinaharap, sa pagninilay
Sa Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Pawang may kakayahang magtamo
Ng Mapananaligan at Lubos na Kaliwanagan.

“Kayâ, Sariputra,
Nararapat ipahayag
Na ang Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang,
Ang siyang Dakilang Mantra,
Ang pinakamaningning na mantra,
Ang pinakamataas na mantra,
Isang mantrang walang kaparis,
Ang Tunay na Dunong na maykapangyarihang
Bumaklas sa lahat ng uri ng Pagkadukha.
Dahil dito, táyo’y umawit
Ng isang mantra ng papuri
Sa Liwanag na Nagtatawid sa Kabilâng Pampang.

Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!
Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!
Gate, Gate, Paragate, Parasamgate, Bodhi Svaha!”*

*Nakatawid, nakatawid, tuluyang nakatawid,
tuluyang nakatawid sa dakong paroon, papuri sa Kaliwanagan!