Palaisipan 2: May Áral ba ang Panitikan?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Oo. Lalo pa ang talagang mahuhusay, mapagbagong-málay, at makayanig-daigdig na panitikan. Kung naniniwala kang tulad ko na ang bawat pagbabasá ay isang transaksiyon sa pagitan ng manunulat at ng mambabása, natural na umaasa ka, bílang mambabása, sa iyong bawat pagbabasá, na may mapupulot ka man lámang na kung anong mahalaga [o pagpapahalaga] sa nabása. Mga kuntil-butil ng kabuluhan, wika nga. Naglalaan kasi ang mambabása ng mapagkukunan (resources) at oras para sa akda. Bumibili siya ng libro sa bookstore, o sumasadya sa aklatan. At imbes na gumawa ng iba pang makabuluhang bagay, nagbabása siya. Sa ganitong pananaw, dalawang bagay ang sinasabing madalas na inaasahan ng mambabása—ang maaliw sa sandaling himpil na dulot ng pagbabása o makapulot ng áral dito. 

Lubhang klasiko ang ganitong pananaw, na mababakas sa makatang Romano na si Horace, na nagsabi, sa kaniyang akdang Ars Poetica, na nararapat lámang na sumakatauhan ng manunulat ang magkasanib na kamalayan sa dalawang pangunahing katangian ng panitikan—ang dulce et utile, sweetness and beauty, o sa aking salin, tamis at saysay [mula sa utile, na sa Latina ay “kapaki-pakinabang, makabuluhan, praktikal”]. Sa ganitong pananaw, nabibigyang-diin ang nasabi kaninang kalikasan ng panitikan na maging mapanlibang sa isang bandá, at maging mapanghubog ng kaisipan sa isa pa. Ang ganitong pananaw ay sumisipat sa masasabing “epekto” ng panitik sa mambabása, isang aspekto ng danas-pampanitikan na nararapat lámang pahalagahan sapagkat sa isang bandá, nagkakaroon lámang ng pagkaganap ang isang sulatín kapag napasakamay na ng pinatutunghang mambabása.

Sa kaniyang masaklaw pagpapaliwanag hinggil sa teorya at kritisismong pampanitikan, unang-unang dulog na tinalakay ni Soledad Reyes (1992) ang tinatawag niyang “moralistikong pananaw,” na siyang sumasakop sa usapin ng áral. Sa pananaw na ito, aniya, “ipinagpapalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga pang-habambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).”[1] At dahil nga ang áral ay “nasa larangan ng etika o moralidad,” sinasabi din niya na para sa moralistikong pananaw, “(t)ahasan at di mapasusubalian ang ugnayan ng tao at ng teksto… Sa kanyang pagbabasa o pakikinig, magkakaroon ng bisa sa buhay ang mga kaisipang binigyan ng dugo at laman ng mga elemento ng likhang-isip.”[2]

Ang Problema…

Sa kasawiampalad, may dalawang problema akong nakikita hinggil sa usapin ng áral sa pagtuturo at pagbabasá ng panitikan sa kasalukuyan. Una, kulang sa pagpapalalim ang ating paghinuha rito, lalo pa sa panitikang Filipino, na kung tutuusin ay tubog dito. Kung maituturing lámang sana muli ito bílang isang pagpapahalagang pampanitikan (literary value) na malaon nang buháy sa ating kultura bago pa man dumating ang mga mananakop. Kailangan talaga nating balikán ang halaga ng, at ibalik ang pagpapahalaga sa áral sa kabuuang panitikang Filipino. Makabubuti ito upang hindi naman basta-bastang nagagamit ang ipinagwawagwagang “kalabisan” ng áral, halimbawa, sa pag-alipusta sa mga panitikang popular [at lalong pagpepedestal sa mga “dakilang panitikan” o dili kayâ’y mga banyagang akda].

Makabubuti rin ito para masawata ang ikalawang problemang ibig kong talakayin. Sa isang kataka-takang dahilan, maraming guro sa panitikan ang nakamihasnang higit na bigyang-priyoridad ang pagtatanong sa mga mag-aaral ng kung ano ang kanilang natutuhan matapos magbása ng akda. Madalas, pinalalagom pa sa mga pobreng mag-aaral ang mga áral sa isang pangungusap o tesis. At iyon na iyon. Tapos ang talakayan. 

Sa tingin ko, isa ang ganitong kagawian sa naging dahilan ng pagiging mabuway ng pangkalahatang kasanayang pampanitikan ng mga mag-aaral. Papaano’y ang alam ko, nakaliligtaan [o kinaliligtaan talaga] dito ang pagtitig sa akda sapagkat nagiging diskusyon na lámang ang klase hinggil sa mga natutuhang áral. Nauulila ang akda at tuluyang naiiwan sa isang tabi. Ganito ang sarili kong danas sa hayskul, kayâ’t sa isang bandá, parang ito ang iniisip kong dahilan ng aking pagiging late bloomer sa pagkahumaling sa panitikan [humabol na lámang ito sa kolehiyo at nang makapaghanapbúhay na ako’t nakabibili ng libro]. Hindi ko ibig manisi, sa gayong paraang hindi ko rin ibig humanay sa ilang kritiko na panay ang mainiping giit na walang áral sa panitikan o ang pag-aaral ng panitikan ay hindi pag-uusisa sa áral. Sa akin, makikitid na pagtanaw ang mga ito sa konsepto ng áral. 

Pahapyaw na Pagsipat sa Kasaysayan ng Áral  

Hinggil sa unang usapin, makabubuting balikáng-áral ang kasaysayang pampanitikan. Tatangkain ko ito kahit pahapyaw. Buháy ang áral sa mga panitikang bayan tulad ng sa mga inaawit at isinasalimbibig na mga epiko, lalo pa’t mithing maitatak sa maláy ng bawat kasapi ng komunidad ang mga birtud ng mga bayaning kinatawan ng mga pagpapahalagang nagbibigkis sa mga pangkat. Ang mga sapalaran ay nangangaral hinggil sa pananaw ng kolektibo hinggil sa sarili at daigdig. Masasabing tootoo ang bagay na ito, mula kay Lam-Ang ng mga Ilokano hanggang kay Agyu ng mga Ilianon. Patunay dito ang isang pag-aaral ng antropologong si Nicole Revel (2008) sa mga epikong mula sa Mindanao, Tawi-tawi, at Palawan. Mula sa mga ito, nakahango siya ng maituturing na “notion or exercise of leadership,”[3] na maaaring pagtindigan ng mga modelo ng pamumuno na búhay sa katutubong kultura.

Pinakamahusay namang halimbawa ng malinaw na pagkasangkapan sa áral ang mga salawikain, na para kay Virgilio Almario, sa ilan niyang mga sulatín, ay kumakatawan sa tinatawag niyang “palabas” na uri ng pagtula, o yaong nagmimithing magpaunawa sa umugnay sa kinakausap.[4] Ang salawikain bílang palabas na “mukha ng pagtula” ay naiiralan ng áral na gumagabay sa pamumuhay ng mga nagwiwika at nakaririnig nito. Nakatanim ang salawikain sa lupain ng araw-araw ng katutubo, at kumakasangkapan sa kapaligiran bílang pangunahing talinghaga o palahambingang nagsisilbing ilustrasyon ng mga pamantayang panlipunan at diwaing makatwiran. 

Magandang halimbawa ang tanaga [may súkat na pipituhin bawat taludtod, apat na taludtod bawat saknong, monorima] sa ibabâ hinggil sa kung papaanong naghuhunos ang tanawin ng bukirin—mulang panahon ng pagtatanim hanggang paggapas—patungo sa isang áral hinggil sa karunungan ng edad at pusok ng kabataan. Sa hulí, ang paghapay ng palay ay nagiging tanda ng pagpapakumbabang inaasahan mula sa mga “pabalik na,” isang bagay na ipinahihiwatig para sa mga sumisibol at “papunta pa lámang.” Isa lámang ito sa napakaraming salawikaing maaaring balikán upang mahinuha ang mga nabanggit na paeanalinghaga at palahambingan:

Nang walang biring ginto
Doon nagpapalalo;
Nang magkaginto-ginto
Noon na nga sumuko.

Kakasangkapanin ng mga Espanyol, lalo na ng mga misyonero, sa kanilang gawain ng “pagliligtas” sa mga kaluluwa ng mga paganong katutubo, ang diwain ng áral upang halinhan ng mga áral ng Kristiyanismo, na noong una’y inasahan nilang ganap na makapagpapaamo sa mga sákop at magpapayakap sa kanila sa palad ng pagiging sakóp. Ito marahil ang pinakaunang “misedukasyon” at paglalayo sa katutubo sa nakamihasnan niyang pagkakaunawa sa áral. Mula sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral, iniligaw ito’t nakarating na nga sa mapagtakdang mga pulpito bílang nakaabitong prayle.  

Subalit hindi maipipirme ang pakahulugang itinakda ng mga prayle, at kahit ang áral ng Pasyon ay matututuhang basahin ng mga katutubo bílang paraan ng pagdalisay sa kanilang loob upang sa panahon ng ganap na pangangailangang makipagkapatiran ay matagumpay na makalas ang mga tanikala ng kaapihan.

Kung sasaligan natin ang sinasabi ni Reynaldo Ileto (1979) tungkol sa Pasyon, nagsilbi itong naratibong humubog sa kamalayan sa pakikibaka ng mga nasa laylayan at lumagpas nga sa salaysay ng maamong tupang si Kristo. Ito rin sa tingin ko ang nagpalagpas sa mga naging hanggahan ng pagbása sa Florante at Laura ni Balagtas, na sa simula’y maaaring nakita lámang [lalo na ng mga sensura sa paglalathala] na nagtatanghal ng palagian at mas iniibig na pangingibabaw ng mabuting panig ng mga Kristiyano. Pinahalagahan ni José Rizal ang anyo nito bílang tula at sa isang bandá ay itinuring ding mapagpahiwatig hinggil sa mga totoong “kaliluhang nangyayaring hari” sa kolonya batay sa masusing pagbása sa kaniyang mga nobela.       

Sa pagdating naman ng mga Americano, panibagong “misedukasyon” at paglalayo mula sa katutubong katuturan ng áral ang naipataw sa atin. Dahil ang mga manunulat noong araw ay lumaban sa bagong mananakop, ipinagbawal ang pagpapahayag ng mga sentimiyentong makabayan at anti-kolonyal, kabílang na ang mga dulang tinawag na “sedisyoso” tulad ng mga naisulat ni Aurelio Tolentino. Laman ng mga ito ang mga alegorikong panghihimok sa mamamayan na huwag basta pumayag na masakop muli, at tiyak, pati na rin ang mga buháy na áral ng naudlot na rebolusyon. Pumasok din ang ganitong diwain sa panulaang tatawaging “Balagtasista” ni Almario (1984), di lámang dahil itinuturing na padron si Balagtas sa panulaan, kundi lalo’t higit, tinutuligsa ang “makabagong” diwaing dala ng Americanisasyon sa pamamagitan ng pagsalig sa tradisyon.  

Sa pagpapakilala naman sa Ingles bílang wika ng edukasyon, naipamana sa atin ang kababaang-tingin sa katutubong kalinangan, kabílang na ang áral, na bagaman magiging malaganap na disposisyon sa mga akda at palathalaang popular ay maipopook bílang isang temperamentong bakya at makaluma dahil na rin sa ipayayakap na paradigma ng Americanong New Criticism sa panitikan.

Sa New Criticism kasi, na isa pang dulog-pampanitikan na makiling sa akda, kinauumayan ang lubhang pagiging madamdamin at lalo na, pagiging didaktiko ng pagsulat. Higit na masining ang pagiging matimpi, mapahiwatig, at tigib ng dunong. Sa ganitong pamantayan, maraming panitikan natin ang hindi nakapasá. Mababalikan lámang muli ang pagpapahalaga sa áral sa mga pagsisikap sa paghahango sa ating mga katutubong panitikan.

Ang Halaga ng Áral

Kailangang mabalikan ng sinumang nagtuturo ng panitikan sa Filipinas ang kasaysayan at pangkulturang katuturan ng áral upang talagang magamit at mapakinabangan sa klase. Hindi lámang kasi ito isang bagay na maaaring ipalagom sa isang pangungusap na maaaring hinging pangatwiranan sa mga diskusyon. Hindi lámang ito basta-basta kabatirang maaaring agad na tumuldok sa aralín, lalo pa’t napakarami pang kailangang talakayin. Sa pahapyaw na pagbakas na ginawa natin, may tatlong maihahaying kaisipan na maaaring lumagom sa mga nararapat na pagpapahalaga sa konseptong ito na higit sanang makapagpapayaman sa ating danas-panitikan:   

1. Nilalaman ng áral di lámang ang etika o moralidad ng kolektibo kundi lalo’t higit ang mga kabuuang pananaw at pagpapahalaga ng isang lipi. Ibig sabihin, susi ang áral sa kung papaanong ibinalangkas ng akda ang karanasang itinanghal nito. Kung susi nga ito, may tatlong tungkulin ito ngayon kaugnay ng panitikan—

a. Hubugin ang málay ng mambabása hinggil sa mga pagpapahalagang panlipunan upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.

b. Papahayuhin sa kaniyang daigdig ang mambabása na may matalim na pananaw sa danas-pantao gámit ang mga nahangong pananaw at pagpapahalaga mula sa akda.

c. Palawakin ang kamulatan ng mambabása hinggil sa panitikan, sa halaga nito sa kaniyang lipunan, at sa kung ano ang maituturing na “mahalagang panitikan.” Sa pamamagitan nito, matitiyak hindi lámang ang pagpapahalaga sa panitikan, pati na rin sa pagbabasá.

2. May katangiang mapagpalaya ang áral kung pagbabatayan ang kasaysayan. Halimbawa, napapangaralan nito ang mamamayan hinggil sa mga nararapat na gawi at pagkilos sa pana-panahon ng pagkakasiil. Sapagkat nakatanim ang pag-unawa sa áral sa mga panahong kinauusbungan nito, maaari ring maging paksa ng paghahambing ang mga kasalukuyang “pangangaral” ng panitikan at mga áral sa mga akda ng nakalipas. Masdan na lámang ang isa pang tanaga sa ibabâ na kung sa panahon nito’y naglalarawan ng áral para sa mga naghahari-harian sa isang lipunan ay kilaláng nagsilbing pampanitikang babala ng taumbayan sa diktador noong panahon ng kaniyang rehimen:

Katitibay ka Tulos,
Sakaling datnang agos;
Ako’y mumunting lumot
Sa iyo’y pupulupot. 

3. Sa kontekstong Filipino, hindi masamâng katangian ng panitikan ang pagkakaroon nito ng áral. 

Ibig kong palawakin ang hulí sa pamamagitan ng pagmumungkahi sa ating mga guro ng munting pagpihit sa isa pang konseptong madalas ipanghalili ngayon sa áral—na kailangang tanggaping talagang pumasan ng napakabigat na negatibong konotasyon dahil sa naging kasaysayan nito bílang dalumat.

Ang tinutukoy ko ay ang kislap-diwa. Direktang salin ito ng insight, na sa tingin ko’y higit na katanggap-tanggap para sa kasalukuyan dahil hubad sa moralistikong katuturan at tumutukoy sa mga mahahangong katotohanan, o maaari pa, mga kontradiksiyon o kabalintunaang umiiral sa búhay habang itinatanghal sa panitikan. 

Kislap-diwa, sapagkat sa pagbása ng panitikan, pinaniniwalaang sumisilay ang liwanag ng kabatiran hinggil sa danas at kondisyong pantao. Sa una’t hulí, ang panitikan naman kasi ay tungkol talaga sa búhay ng tao, mapagpahiwatig sa mga tuklas at maaari’y mapakikinabangang dunong hinggil sa mahahalagang pangyayari, damdamin, mithiin, at sapalaran sa búhay. Ano’t ano pa man, tulad ng áral sa pinakaubod nito, inuusisa ng kislap-diwa ang mga sagot sa mabibigat na tanong ng búhay habang sinusuri ng panitikan ang mismong búhay ng tao: bakit malalalim na danas ang pagsilang at kamatayan? ano ang pag-ibig? bakit may mahirap? nagtatagumpay nga ba talaga ang mabuti? talaga bang likás sa tao ang maging mapangwasak? 

Imbes na unawain lámang ang panitikan bílang tagapagsulong ng áral, bakit hindi natin ito ituring bílang matapang na paraan ng pagtugon sa mabibigat na tanong ng búhay? May pakiramdam akong higit nating mananamnam ang mga áral ng panitikan sa ganitong paraan.

Mga Talâ

[1] Reyes, Soledad, “Ang Moralistikong Pananaw,” Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Mandaluyong: Anvil Publishing Inc., 1992), 13-14.

[2] Ibid, 14.

[3] Revel, Nicole, “Heroic Characters as Models of Leaders in Philippine Oral Epics,” Indonesians and their Neighbors: Festschrift E.V. for Revunenkova and A.K. Ogloblinu (St. Petersburg: Kyhctkamepa, 2008), 205.

[4] Basahin sa Almario, Virgilio, “Palabas at Paloob: Tambalang Mukha ng Pagtula,” Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2014), 101-150.

Advertisements

Palaisipan 1: Bakit Hindi Dapat Tinatanong ang Awtor Hinggil sa Ibig Sabihin ng Akda?

Larawan ng Pixabay mula sa Pexels.com.

Ang totoo, maaari naman talagang tanungin ang awtor hinggil sa ipinababatid na ideya o kislap-diwa ng kaniyang akda. Ngayong mga panahong ito ng pag-iral ng social media, napakadali na nitong gawin. Nangyayari na ito ngayon, dulot ng kabaguhan sa kurikulum sa batayang edukasyon, at lalo dahil sa pagkakapakilala sa senior high school ng asignaturang 21st Century Literature from the Philippines and the World.

Sa kataka-takang dahilan, isang aralín sa aklat hinggil sa asignaturang nabanggit, na pinamunuan ko ang pagbubuo at pagsulat, ang humingi ng ganitong takdang aralín sa mag-aaral [hindi namin ito ipinagawa sa aralín; mukhang pasya ng guro]. Ang tampok na awtor ng aralíng nabanggit ay tumanggap ng napakaraming tanong sa kaniyang Facebook messenger, kabílang na ang isang pag-usig sa kung ano nga ba ang kaniyang problema at sumulat siya ng gayong akdang napakahirap daw maintindihan at hindi malirip. Ang alam ko, hindi ito ang tanging kaso, at may iba pang ulat ang ilang manunulat hinggil sa paghingi sa kanila ng paliwanag ng mga mag-aaral na tumatalakay sa klase ng kanilang mga akda.

May tawag sa ganitong pamamaraan ng interpretasyong pampanitikan—ang pagsasaalang-alang sa layon ng awtor (authorial intent). Kayâ hindi naman talaga ito masamâ o malîng tanong. Sa katunayan, bahagi ito ng mga kinikilalang lápit sa panitikang malaganap noon at ngayon.

Sa lápit na ito, na tinawag minsan ni Meyer H. Abrams (1953) na lápit na ekspresibo (nagpapahayag), higit na makiling ang interpretasyon sa ugnayan ng akda at alagad ng sining, ang manunulat. Sa oryentasyong ito, ipinagpapalagay na ang pinakasusi sa pag-unawa sa akda ay ang manunulat na siyang lumikha rito. Lohiko namang isipin sapagkat sino pa nga ba naman ang makapagpapahayag ng tamang pamamaraan ng pag-unawa sa sulatín kundi ang kumatha rito?

Sa malaon, higit na nakilala ang ganitong paraan ng pagdulog sa panitikan bílang kritisismong biograpiko (biographic criticism). Binabása at inuunawa ang akda sa liwanag ng talambuhay o mga kronikang personal ng awtor. May paniniwala na nakatutulong ito sa pag-unawa sa talagang ibig sabihin ng binabása. Ipinagpapalagay ng lápit na bakas ng henyo at paglikha ng manunulat ang akda, kung kayâ mauunawaan ito sa pamamagitan ng pag-uugnay rito sa naging kabuuang búhay at kaisipan ng sumulat. Kung ang akda ay isang sulyap sa kamalayan ng manunulat, nararapat lámang na isaalang-alang ang mga layon, simbuyo, at damdaming humimok sa manunulat na kumatha ng partikular na akda.

Nagsasanga pa ang oryentasyong ekspresibo sa masalimuot na sikoanalysis ng akda, na nagtatangkang alamin ang mga nilalaman ng kubling-málay (subconscious) ng manunulat sa pamamagitan ng kaniyang akda. Ang akda, sa ganitong lápit ay pinaniniwalaang naglalaman ng bagay-bagay na sinusupil (repressed) ng may-akda sa kaniyang tunay na búhay [halimbawa, ang kaniyang totoong kagustuhang pangkasarian (sexual preference) dulot ng mapanghusgang lipunan at panahon; pagkayamot sa di matakasang anino ng magulang; tákot sa kung anuman; o matinding pagkapoot sa sariling naitutudla sa ibang tao]. Kung gayon, masasabing itinuturing ang akda dito bílang manipestasyon ng sa iba’t ibang kadahilanan ay mga pílit ikinukubli, kinaliligtaan, o pinapantasya ng sumulat. Dito lubos na nakakasangkapan ang talambúhay ng awtor na nagiging batayan ng pag-unawa sa mga paglitaw ng mga itong kinakatawan ng akda.

Madaling gamítin ang ganitong lápit kung buháy pa ang manunulat o marami siyang nasulat hinggil sa matalik na ugnayan ng kaniyang pagsulat at búhay. Kailangan lámang ng masusing pananaliksik. Mapanghamon ito kung ang manunulat ay nagmumula sa isang malayong panahon at lalo pa, kung sumakabilang-búhay na. Bakâ kailangang pumasok sa gawaing artsibal ang sinumang ibig iugnay ang naging búhay ng awtor sa mga pag-aakda. Maaari ring pagbatayan ang mga pananaliksik ng mga iskolar na pumaksa sa awtor. Ngunit kailangang tanggapin na may limitasyon ang bawat metodo. Kayâ nananatiling isang pangangailangan ang malalim na kabatiran sa akda bílang pangunahing obheto ng pag-aaral ng panitikan.

Ganitong oryentasyon ang karaniwang dalá natin, halimbawa, sa pag-aaral ng mga nobela ni José Rizal, na palagiang pinahahalagahan sa klase bílang mahahalagang tagapagpasiklab ng rebolusyon noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Madalas, iniuugnay pa nga ang mga karakter sa mga totoong pigura sa kasaysayan at talambuhay ng pambansang bayani. Hindi na nga rin maiwasang ilarawan si Crisostomo Ibarra sa mga pagsasadula bílang wangis ni Rizal.

Sa kurikulum ng Filipino, sinisimulan ang pagpapahalaga sa mga nobela hindi sa pagiging akdang pampanitikan ng mga ito kundi sa pamamagitan ng pagiging pinahahalagahang mga sulatíng tuluyang bumago sa ating kasaysayan. Hindi ito mapagtatakhan lalo pa’t ang pagpapabása kay Rizal sa mga paaralan ay naipatupad sa bisà ng Republic Act 1425 o Batas Rizal noong 1956. Marahil, isa táyo sa iilang bansa sa daigdig na itinatakda ng batas ang pagiging “kanonigo” ng ilang akdang pampanitikan.

Sa usaping ito, hindi ko tuloy maiwasang iugnay ang halaga ng manunulat sa ating kultura—sa kabila ng paggigiit ng ilan na isa táyong bansang hindi palabasa. Maaaring totoo ito kung sasaligan ang kakulangan sa akses sa aklat at palimbagan. Ngunit bukod kay Rizal na nakapukaw sa ating imahinasyon at nagtulak sa mga kapwa manunulat-rebolusyonaryo na mag-aklas laban sa mga mananakop, pinatutunayan ng ilan pang manunulat sa kasaysayan ang naging pagpapahalaga ng publiko sa mga alagad ng panitik.

Naiisip ko ang tanyag na mambabalagtasan at dakilang makata na si Jose Corazon de Jesus, na mayroong cult following noong kaniyang panahon at nakapagpalitaw ng daang tagahanga nang mamatay at ilibing sa North Cemetery noong 1932. Ang ganitong kasikatan ay tatamasahin din ng mga tulad nina Bob Ong sa kasalukuyan, marahil dahil sa kaniyang pananatiling misteryoso at mailap; at ng spoken word artist na si Juan Miguel Severo, na pinasikat ng kaniyang paglitaw-litaw sa mga komersiyal at teleserye. Ilan lámang sila sa mga kasong nagpapatunay sa sinasabi kong kultural na pagpapahalaga sa mga manunulat. Kayâ sa isang banda, naging madali ring ipayakap sa atin ang oryentasyong makiling sa manunulat.

May hinala akong hubog ng ganitong oryentasyon sa panitikan sa pangmalawakan ang patuloy na “pagpapahalaga” ng ating mga guro sa layon ng awtor. Kayâ nagiging default ang pagpapatakdang-aralín, lalo ngayong mga panahong ito, ng mga interbyu sa mga manunulat hinggil sa kanilang mga isinulat. Sa ganang akin, may kinalaman din sa layon ang totoong problema ng ganitong kagawian. Ano ba kasi ang layon ng guro sa pagpapatanong sa awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda?

May birtud ang pakikipanayam sa manunulat, lalo kung marami itong panahon at mapagbibigyan ang estudyante. Sa tingin ko, makahihikayat ito ng patúloy na pagbabasá, at maaari, sa hinaharap, pagsulat. Magandang tagpuan at pakikiugnay ang mga pakikipanayam [at hindi lámang iyong karaniwang pagtatanong sa Facebook] sa pagitan ng manlilikha at mga mambabása.

Ngunit kung ito ay ginagawa lámang talaga upang makaiwas ang guro sa trabaho ng interpretasyon—na siyang kaniyang pangunahing tungkulin sa klase—marahil ay hindi ito makabubuti sa pagpapalakas ng panitikan sa paaaralan. Nauunawaan ko kung kailangan itong gawin bílang paglinang sa kakahayan (skill), at kung nakatutulong itong makagaan sa mabigat nang trabaho ng mga guro. May pakiramdam akong ginagawa lámang ito sapagkat kulang din sa kahandaan ang mga guro sa talagang pagtuturo ng panitikan. Ngunit wala na táyong magagawa sapagkat heto na nga ang bagong kurikulum. Kailangan nating harapin ang mga bagong hámon, lalo na ang mga kailangang baguhin sa mga dáting kagawian ng pagtuturo ng panitikan.

Maaari naman talagang tanungin ang awtor, pero hindi agad tungkol sa kaniyang ibig sabihin. At dito, magsasalita ako bílang isang awtor na nakaranas din ng mga nasabing pag-uusisa. Para sa akin, higit na interesante ang unang mapakinggan ang interpretasyon ng mambabása, o kahit ng interpretasyon ng guro sa akda. Maaaring magsimula sa usaping iyon ang pakikipanayam o paghaharap ng mag-aaral at manunulat.

Sa hulí kasi, sa tingin ko, anuman ang interpresyon sa akda, lalo pa kung ito ay produkto ng mahusay na pagtuturo sa silid-aralan, higit na mahalaga ang makapagpapayamang tagpuan ng manunulat at mambabása. Kung matutupad nang maayos ang gawain [at hindi lámang sa paraang patanong-tanong na parang nagtatanong lámang sa isang kabarkada], magiging kapaki-pakinabang ang pagdadaupang-palad ng manunulat at ng mag-aaral na binigyan ng gayong takdang aralín.

Ngunit bago ito gawin, maaari marahil ipagawa ng guro ang mga sumusunod:

    • Papanaliksikin ang mag-aaral hinggil sa búhay at akda ng manunulat bago ang panayam. Tiyakin na marami silang alam hinggil sa kanilang paksang manunulat. Maaaring sangguniin, halimbawa, ang Panitikan.ph na may maiikling talâ hinggil sa mga pangunahing manunulat ng bansa.
    •  Turuan ang mga mag-aaral na lumiham nang maayos sa kakapanayaming manunulat. Huwag silang hayaang basta makipagpalitan ng mensahe sa manunulat sa Facebook nang walang pormalidad. Igiit na kailangan ding irespeto ang manunulat, lalo kung hindi niya ibig magbigay ng panayam. May ilan kasing naniniwalang wala nang paliwanag pang kailangang gawin; naroroon na lahat sa akda ang kanilang ibig sabihin.
    • Gabayan ang mga mag-aaral sa paglikha ng mga tanong na maaaring magmithing mag-usisa hinggil sa pagiging manunulat ng paksang manunulat; mga prinsipyo sa pagsulat; at kung ibig talagang magtanong higgil sa akdang pinag-aralan, kuwento ng pagkakasulat nito. Sa pagkakataong ito, maaaring iharap ng mag-aaral ang kaniyang pagbása sa akda. Maaaring sumang-ayon o hindi ang kinakapanayam. Ano’t anuman ang maging tugon, ang mahalaga’y nagkaroon ang mambabásang estudyante ng makabuluhang interaksiyon sa manlilikha.

Sa tingin ko, mas wasto ang tanong na bakit hindi dapat unang tinatanong ang awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda? Sapagkat sa totoo lámang, maraming maaaring unang tanungin sa manunulat kaugnay ng akdang tinatalakay sa klase. Bakit ka nagsusulat? Papaano ka naging manunulat? Papaano ka nagsusulat? Ano ang layon mo sa pagsusulat?

Dahil interpretatibo ang gawain ng pag-aaral ng panitikan, ang interpretasyon ay isang bagay na malilikha naman sa pamamagitan ng isang matibay na pagdulog sa akda mismo. Kung mayroong mahusay na pagbása sa akda, anumang makukuha mula sa pakikipanayam sa manunulat ay lalong makapagpapayaman sa pag-unawa sa likha, at pagpapahalaga sa panitikan. Sa klase, higit kailanman, dapat na maging pangunahing batayan ang malalim na pagkaunawa sa akda bílang akda. Isa lámang pagpapalawak ng interpretasyon ang pagdulog sa manunulat. Kung hindi napatitibay ang kasanayan ng pagbása sa akda, wala ring saysay ang pag-uugnay dito sa layon ng awtor.

Dasálin 9: Francisco Arcellana

Larawan ni Francisco Arcellana mula sa Flickr.com account ng National Commission for Culture and the Arts.

Ipinid ang mga nangakabukas, Panginoon.
Buksan ang mga nangakasara.

Lahat ng malaong biniyayaan, papagbahagiin.
Lahat ng malaong nagbahagi, papagtanggapin.
Lahat ng malaong malayô, papaglapitin.
Lahat ng malaong malapít, papagwalayin.

Hayaang mahangal ang marurunong, Panginoon.
At hayaang kamanghaan ang mga hangal.
Papagtibayin ang malaong ipinagpapaluwat, Panginoon.
Loobin ang hindi natupad.

Dasálin 31: Jellaludin Rumi

Larawan ng isang Sufi dervish mula sa Awaken.com

Ito ang pag-ibig: pumagaspas hanggang langit,
Sa bawat sandali, sumipak ng daang lambong;
Sa unang pagkakataon, bumitaw sa hininga—
Sa unang hakbang, itakwil ang mga paa.

Ang kaligtaan ang daigdig, ang makita lámang
Yaong ang sarili lámang ang nakatutuklas.
Wika ko, “Binabati kita, Puso, sa paglahok
Sa katipunan ng mga mangingibig, sa pagsipat

Sa yaong naaabot ng tanaw, sa pagtalunton
Sa landas ng mga tibok.” Saan nga ba nagmumula
Ang lakas, o Puso? Saang kaibuturan pumipitlag
Ang tibok? Ibon, bumigkas sa wika ng mga pakpak;

Mahihinuha ko ang iyong pahiwatig! Tugon ng Puso:
“Ako’y sumapalihan habang nása kaínítan
Ang hurnuhan ng tubig at luwad. Palipad-lipad
Ako rito habang ito’y nagsasahubog.

Nang ganap akong masukol, dinukot nila ako.
Papaano ko maibubunyag ang paraan ng pagkabihag?”

Dasálin 8: Awit para sa Lakas-Loob mula sa mga Papago

abstract art blaze bonfire
Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Sa aking mangkok lumulutang
Ang maningning na pagkaliyo
Ang kumukulong pagkalango.

May mga ipo-ipong
Naghahaligi sa ating mga ulunan–
Hinihigop din sila ng aking mangkok.

Isang dakilang pusòng oso,
Isang dakilang pusòng banog,
Isang dakilang pusòng lawin,
Isang dakilang uli-uli—
Lahat ito’y naghahalo
Sa aking abang mangkok.

Ngayon, iinom ako mula rito.

Dasálin 7: Desiderata ni Max Ehrmann

Larawan ng rebulto ni Max Ehrmann mula sa Tribune Star.com.

Mahinanong magpatúloy sa gitna ng ingay at apura,
At tandaang payapa ang natatagpuan sa katahimikan.
Hangga’t maaari at makakaya,
Magkaroon ng mabuting ugnayan sa lahat.
Magsabi ng totoo nang tahimik at malinaw;
At makinig sa iba,
Kahit sa mapurol at mangmang;
Maging sila’y may istorya.

Iwasan ang mga táong magulo’t mabalasik,
Sila’y mga bagabag sa kaluluwa.
Kung iyong inihahambing ang sarili sa iba,
Maaari kang maging palalo’t may pait;
Sapagkat lalaging may hihigit at bababà sa iyo.
Namnamin ang iyong tagumpay, pati na rin ang mga balak.

Manatiling masigasig sa sariling karera,
Gaano man kamunti; ito’y isang tunay na yaman
Sa nagbabagong takbo ng palad. Maging maingat
Sa iyong mga kasunduan; sapagkat ang daigdig
Ay punô ng panlilinlang. Ngunit huwag itong
Hayaang lambungan ang umiiral na mga kabutihan;
Marami ang nagpupunyagi para sa matataas na katangian;
At sa paligid, buháy ang kabayanihan.

Magpakatotoo ka.
Lalo na, huwag manghuwad ng malasakit.
Huwag ding magduda sa pag-ibig;
Sapagkat sa harap ng lahat ng pagkatuyot at pagkabigo,
Nagkálat itong parang damo.

Tanggaping maluwag ang dunong ng mga taon
Na magiliw na isinusuko ang layaw ng pagkabatà.
Linangin ang tatag ng diwa upang maging kalasag
Sa biglaang kasawian. Subalit huwag mangamba
Sa multo ng dilim. Maraming pangamba na luwal
Ng págod at lumbay. Higit sa wastong paghutok,
Maging mabuti sa sarili.

Isa kang anak ng uniberso
At kapantay ng mga punò’t talà;
May karapatan kang umiral dito.
At malinaw man sa iyo ito o hindi,
Walang dudang nalalantad ang lahat batay sa takda.

Kayâ makipagkasundo sa Diyos,
Anuman ang hinuha mo sa Kaniya,
At anumang mga pinagsisikapa’t hinahangad,
Sa linggal at gulo ng búhay, makipagsakundo sa budhi.

Sa lahat nitong pagkukunwari, bigat,
At wasak na pangarap, nananatiling maganda
Ang daigdig. Maging masiyahin.
Magpunyaging lumigaya.

Dasálin 30: Padre Pio ng Pietrelcina

“Heavenly Gaze” ni Mona Nelson

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat kailangan Ka ngayon upang di makaligta.
Batid mong ang dali kong tumalikod.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat ako’y marupok,
Upang hindi ako madalas napahihinuhod.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat ikaw ang aking búhay,
At kung wala ka, wala akong lakas.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat ikaw ang aking liwanag,
At kung wala ka, ako’y nása karimlan.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Upang maipamalas ang iyong niloloob.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Upang marinig ang Iyong tinig
At sumunod sa Iyong niloloob.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat lunggating lubos Kang ibigin,
At lumaging maging Iyong katoto.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Kung ibig na maging matapat ako sa Iyo.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat sa kabila ng kaabahan nitong kaluluwa,
Ibig kong maging pook ito ng kaginhawahaan sa Iyo,
Isang pugad ng pag-ibig.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat kumakagat na ang dilim
At lumulubog na ang araw,
At lumilipas ang búhay; sumasapit ang kamatayan,
Paghuhusga, ang walang hanggan. Kailangan kong
Magbagong-lakas upang huwag mabalam sa landas,
At para rito, kailangan Kita.

Lumalalim ang gabi at lumalapít ang pagkaluoy,
Nasisindak ako sa dilim, tukso, tigang, krus, dalamhati.
Ay, talagang nangungulila ako sa Iyo, aking Hesus,
Sa gabing ito ng aming pagkakalayo!

Manatili sa píling ko sa gabing ito, Hesus,
Sa búhay na itong tigib ng panganib.
Kailangan Kita.

Hayaan mong mamukhaan Kitang tulad ng Iyong alagad
Sa paghahatian sa tinapay, upang ang Pagbabahaginan
Ay maging Liwanag na susupil sa dilim,
Ay maging sandigang magpapatatag sa akin,
Ay maging tanging ligaya ng puso.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapagkat sa oras ng aking pagpanaw,
Ibig kong manatiling kaisa mo,
Kundi man sa komunyon, sa biyaya at pag-ibig man lámang.

Manatili sa píling ko, Hesus,
Hindi ako humihiling ng banal na pag-alo,
Sapagkat di ako nararapat,
Ngunit ang biyaya ng iyong presensiya, Panginoon,
Ipagkaloob po Ninyo.

Manatili sa píling ko, Panginoon,
Sapakat Ikaw lámang ang aking hanap,
Ang iyong Pag-ibig, Pagpapala, Kalooban, Puso, Diwa,
Sapagkat mahal Kita
At wala akong ibang hangad na gantimpala
Kundi ang lalong mahalin Ka.

May rubdob na iibigan Ka,
Buong pagkatao habang nása lupa,
At patuloy Kang iibigin nang wagas sa eternidad.

Dasálin 29: Mula sa Tao Te Ching

nature red forest leaves
Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

1.

Masdan at hindi iyon makikita.
Makinig at hindi iyon maririnig.
Abutín at hindi iyon makukuha.
Sa itaas, hindi iyon maliwanag.
Sa ibaba, hindi iyon madilim.
Tuloy-tuloy, walang ngalan,
Nagbabalik ito sa pook ng kawalan.
Anyong sumasaklaw sa lahat ng anyo,
Imahen na walang imahen,
Mapahiwatig, lagpas sa mahihinuha.
Dulugin ito at wala itong simula;
Tugisin ito at wala itong wakas.
Hindi iyon magagagap, ngunit magiging
Ikaw ito, maalwan sa iyong búhay.
Magkamalay sa iyong pinagmulan:
Ito ang kaibuturan ng karunungan.

2.

Humakbang nang walang hakbang;
Magsikap nang walang pagsasakit.
Isiping ang maliit ay malaki
At ang kakaunti’y kaydami.
Harapin ang mahirap
Habang ito’y madali;
Tupdin ang malaking tungkulin
Nang paunti-unti.
Di talimuwang sa kadakilaan ang Dalubhasa;
Sa gayon niya nakakamtan ang kadakilaan.
Kapag siya’y nahaharap sa kahirapan,
Humihimpil siya’t nagpapahinuhod rito.
Hindi niya kinikipkip ang sariling ginhawa;
Kayâ’t sa kaniya, ang suliranin, di suliranin.

3.

Ang kawalang-alam ang tunay na karunungan.
Isang sakít ang mag-akalang may-alam.
Una’y tanggaping ikaw ay may karamdaman;
Sa gayon lámang makatatawid tungo sa kalusugan.
Ang Dalubhasa ang siyang sariling manggagamot.
Napagaling na niya ang sarili mula sa lahat ng pag-alam.
Kayâ siya’y totoong ganap.

Dasálin 6: Ang Awit ng Zazen ni Hakuin Zenji

adult antique architecture art
Larawan ni Oleksandr Pidvalnyi sa Pexels.com.

Ang lahat ng umiiral ay likás na Buddha,
Sa paraang ang yelo ay likás na tubig.
Kung walang tubig, walang yelo,
Kung walang mga umiiral, walang Buddha.

Nakalulungkot na walang bumabaling sa malápit
At tinutunghan pa ang maláyong katotohanan:
Tulad ng isang nakamalas sa batis
Ngunit nananaghoy sa úhaw,
Tulad ng isang musmos na laki sa layaw
Ngunit lumalaboy kasáma ng mga dukha.

Ligáw sa madidilim na landas ng kamangmangan,
Lumalaboy táyo sa Anim na Daigdig;
Sa bawat masukal na daan, táyo’y lumalaboy;
Kailan táyo mapalalaya mula sa pagsilang at kamatayan?

O, nararapat sa pinakamataas na pagpita
Ang pagninilay na Zen ng Mahayana!
Debosyon, paglilinis-budhi, pagsasanay,
Ang lahat ng kahusayan—
Bumubukal mulang pagninilay na Zen.

Ang lahat na sumusubok sa pagninilay na Zen,
Kahit minsan, lumilipol sa laksang kasamaan.
Nasaan na ngayon ang lahat ng pusikit na daan?
Ang Dalisay na Lupain ay talagang malápit na.

Ang lahat ng nakaririnig sa katotohanang ito,
Kahit minsan, at yumayakap nang may pasasalamat,
Pinagyayaman ito, pinababanal ito,
Nakatatanggap ng walang hanggang biyaya.

Higit sa lahat, kung iminumulat ang sarili’t
Isinasapuso ang kalikasang-sarili,
Ang kalikasang-sarili na walang kalikasan,
Lumalagpas pa ang batid sa mga takdang aral.

Ang sanhi at bunga ay iisa;
Ang Landas ay hindi lámang dalawa o tatlo.
Sa anyong walang anyo,
Sa paglisan at pagdating, hindi táyo naliligaw;
Sa pag-iisip na hindi pag-iisip,
Kahit ang pag-awit at pagsayaw, nagsasatinig na Batas.

Talagang kaylawak, kaylayaw ng langit ng Pagkamalay!
Talagang kayliwanag ng kagampang buwan ng karunungan!
Sa totoo lámang, may kulang pa ba ngayon?
Naririto na ang Nirvana’t nalalasap;
Ang lupaing ito’y ang Lupalop-Lotus;
Ang katawang ito, ang Buddha.