Chika Lit 3: Ang Ibig Sabihin ng Katahimikan

Isang bagay na muling nagkaroon ng puwang sa búhay ng tao, sa panahong ito ng quarantine laban sa Covid-19, ay ang katahimikan. Masyado na kasi táyong naging busy noong nakaraan, at ang dami rin talagang alalahanin at nangyayari. Marami sa atin ang halos walang panahon para magpahinga, na magandang pagkakataon sana para manahimik at magmuni-muni tungkol sa mga bagay na mahalaga, sa ngalan ng pagbabagong-lakas. Iyong iba sa atin, pagkagaling sa trabaho, deretso na sa kama pagkakain at pagkapaligo upang makatulog agad—at upang bumangon muli kinabukasan para bumalik sa karaniwang routine ng pagbabanat ng buto at patuloy na pakikipagsapalaran sa búhay. Di bale na muna ang quality time para sa pamilya—makapaghihintay ang mga iyan. Di bale na muna ang sarili. Kailangang may maihayin sa mesa. Napakahirap ng búhay at napakamahal ng katahimikan. At ngayong nagkaroon táyo ng mas maraming pagkakataon para manahimik, sadyang napakamahal pa rin nito. Para sa di iilan, ang manahimik lang sa bahay ay maaaring mangahulugan ng lalong pagkakalugmok sa hírap. Hindi pantay ang lipunan, at kahit ang pananahimik ay nananatiling para lang sa iilan.

Maganda sana ang katahimikan, lalo kung nakapaglilingkod sa kagalingan o wellness ng lahat—hindi na iyan pagtatalunan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1860), ang unang diksiyonaryong Tagalog na ginawa ng mga paring sina Juan Jose de Noceda at Pedro de Sanlucar, ipinaliwanag ang kahulugan ng salitâng ugat na “tahimik” bílang “Katahimikan ng Loob, Katiuasayan, Kaginhauahan.” Ang pananahimik ay nakapagdadala ng kapayapaan sa puso matapos mabagabag ng kung ano. Palaging payo ang kahit sumandali’y manahimik lalo’t kung gulong-gulo ang isip. Maraming paraan upang gawin ito. May ilang naglalakad-lakad o namamasyal sa mga bundok o dagat, o saanmang makapaglalapit sa kalikasan. May nagmemeditate o nagyoyoga. May nagkukulong sa kuwarto, pinapatay ang cellphone at laptop at pansamantalang pinuputol ang lahat ng ugnay sa mundo para gawin ang mga pinakagustong gawin. Hindi lang pagpapatahimik, pagpapatahan ng loob ang ginagawa sa mga ito, kundi pagbabâ pagtungo mismo sa loob, kung saan nananahan, hindi lang ang pinakamalalalim na pag-aasam, kundi lalo’t higit, ang mga pangunahing katotohanan. Wika nga ni Paring Albert Alejo, makata at Heswita: “Ang mahahalagang tanong sa katotohanan ay gáling sa loob.”[1]Nakakamit lang ang katahimikan kung may ugnay ang tao sa kaniyang sarili, sa kaniyang loob, at kung napapanahunang hagilapin dito ang mga sagot sa mahahalagang tanong hinggil sa katotohanan.

Matiwasay ang isang palagay o tahimik na loob. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala, ang “tiwasay” ay “Katahimikan, kapayapaan” din, at “tahimik na loob,” may katiwasayan sa budhi, at “Tumutukoy sa karangalan ng mga táong makatarungan.” Kapag may malalim na pagkakakilanlan sa loob, maaari yaong tinatawag nating self-awareness, higit na palagay ang isang tao sa kaniyang pakikiugnay, pakikilahok sa daigdig. Kung may mga bagahe man, maaaring hindi gaanong nakabibigat o nakahadlang. Walang masyadong gambala mula sa konsiyensiya o sa budhi, o kung mayroon man, matapat na pinoproseso ang mga iyon sapagkat bahagi ng ganap na pagiging totoo sa sarili. Karaniwan nang bukambibig sa atin ang mapag-usisa’t minsa’y mapagsakdal na tanong na “nakakatulog ka ba nang maayos sa gabi?” Ang budhing binabagabag ng anuman ay pinaniniwalaang nagdadala ng pagiging alumpihit o hindi mapalagay. Hindi ka na kailangang kalampagin ng kapwa dahil sarili mo na ang mangangalampag sa iyo. Pagdadamutan ka nito ng antok. Ang tawag natin doon ay pangonginsiyensiya, at sadyang napakahirap ng gayong kalagayan. Sarili mo mismo’y tinitimbang ka at ikaw ay kulang.

Nagdadala ng kaginhawahan ang katahimikan, nakapagdudulot ng pagiging mabuti at pahinga. Marahil, napapalagay ang loob, sapagkat may sandali ng paghimpil; napapayapa ang isip sapagkat nagpapasya munang tumigil, bumitiw pansamantala sa mga gawain. Keyword sa paliwanag na ito ang “pahinga,” na hindi lang tumutukoy sa paghimpil o pagtigil, kundi pati na rin sa naidudulot nitong ginhawa sa muling paghinga, sa reminder na kailangang huminga. Ang pahinga ay sandali ng paghingang muli, pagkakataon ng pagkapit sa hininga na siyang bumubuhay sa atin. Sa meditation, palagiang turo ang magbalik sa paghinga, dahil pinaniniwalaang pinatatahan nito ang maingay na isip at pinababalik ang sinuman sa sandaling kasalukuyan, sa tinatawag na ngayon o now. Pero hindi ito madali, kayâ kailangan ng masusi at palagiang pagsasanay. Sa Zen, kung saan ko ito natutuhan, mas nagiging maláy ang maykatawan sa kaniyang katawan sa tuwing umuupo siya’t nagmemeditate. Nagkakaroon ng pagtigil, paghimpil, sabihin pa mang hindi naman talaga tumitigil, humihimpil ang isip sa pag-iisip sa kung ano-ano. Ngunit ang pag-upo, pag-iwas sa anumang paggalaw, at pananahimik ay nagdadala ng payapang paalaala na buháy ang isang tao sapagkat humiginga pa siya. Ang hininga ay búhay, at sa una’t hulí, isa itong nakapagpapatahimik na kaisipan, lalo na’t madalas táyong nasa gitna ng gulo at galaw ng búhay. Maaari lang makalasap ng ginhawa kung bibigyang-panahon ang katahimikan.

Ngunit hindi lahat ng katahimikan ay nagdadala ng katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala pa rin, iniuugnay ang salitâng tahimik sa “timik,” na ang ibig sabihin ay “patigilin.” Minsan, ang paghimpil o pagtigil ay mas nakapagdudulot ng tinatawag na nakabibinging katahimikan, isang balintuna o paradox, lalo kung ang pag-iingay o pagsasalita ay dapat asahan sa isang sitwasyon. Nagbubuntis ng ibang kahulugan ang katahimikan, lalo kung ito’y ipinapataw ng makapangyarihan sa nasasakupang hindi binibigyan ng pagkakataong tumugon o tumuligsa. Hindi dapat mapalagay ang loob sa ganitong kaayusan. Matiwasay man ito sa nagpapatahimik at hindi naaapektuhan, tinatanggalan ng karapatan ang pinatatahimik, marahil sa pamamagitan ng panggigipit o paninindak. May panahon para sa katahimikan, at hindi iyon sa panahon ng kawalang-katarungan. Ang pagsuko sa sindak at pananahimik ay kapara na rin ng paghanay sa nagpapatahimik. Nakikilahok ka sa pagpapanatili ng kawalang-katarungan. May bahid ng dugo ang iyong kamay. Totoo naman, minsan, napakahirap talagang umimik. Ngunit may tungkulin táyong basagin ang katahimikan, lalo kung may masasabing kapaki-pakinabang, o mayroong nalalámang lihim na katotohanan. Sa ganitong sitwasyon, tungkulin nating magsalita, iparinig ang tinig, sumaksi sa totoo. Tungkulin natin ang pagiging tapat sa sarili at lalo na, sa tama. Kung hindi, mababagabag táyo, di táyo patutulugin ng konsiyensiya. Hindi rin táyo matatahimik.

Ginto talaga itong katahimikan kung pag-iisipan. Kahit nakapapayapa o nakaliligalig, nagbubunyag ng napakayamang kahulugan. Nag-iiwan din ng insight o kislap-diwa hinggil sa ating pagkatao. Hindi rin lang naman kasi katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan ang mahahango rito. At hindi rin lang pagharang sa karapatan sa malayang paghahayag ng saloobin na dapat lang tutulan. Nagkakaloob din ito ng karunungan sa tao, lalo’t kung handa siyang manahimik. Sa kaniyang tahimik at taos na pagdulog sa daigdig, muli at muli niyang natutuklasan ang ganda nito, sa kabila ng lahat nitong sugat at kapintasan. Noong Victorian period (1837-1901) sa England, isang panahon ng malawakang modernisasyon dahil sa industriyalisasyon, isa pang paring Heswita, ang makatang si Gerard Manley Hopkins, ang nakasumpong dito, marahil sa kaniyang pagninilay, at paglayo sa ingay ng kaniyang daigdig. May batik ang daigdig ngunit marikit pa rin, sabi niya, dahil laging pinapagbago ng maykapal na siyang lumikha. Kuhang-kuha ni Paring Albert Alejo sa kaniyang salin ang kaisipang ito na isinulat bílang soneto ni Hopkins. Mayamang pabaon ito habang patuloy nating kinakaibigan ang sariling katahimikan, at habang patuloy na nag-aabang sa pagdating ng tinatawag na new normal.

GANDA’T GARA NG DIYOS
Gerard Manley Hopkins SJ, salin ni Albert Alejo SJ

Daigdig ay puspos ng ganda’t gara ng Diyos.
Sisiklab tulad ng kislap ng inalog na palara;
Tumitipon sa tigib, tila pagtagas ng gatâng piniga.
Ba’t ba tao’y di pa rin sumusunod sa kaniyang tungkod?
Sali’t saling lahi na’ng kumayod, kumayod, kumayod;
At sa kalakal naglapnos; nagluha, nanlagkit sa paggawa;
Nadamtan ng bahid at nadamay sa baho ng tao: ang lupa
Ngayo’y tigang, paa ma’y manhid na, sa kasasapatos.

At sa lahat ng ito, kalikasa’y di mandin nalulustay;
Sa kailalima’y buháy ang mahal na bukal na ubod ng tining,
At sa Kanlurang maitim, hulíng ilaw man ay pumanaw,
O, liwayway, sa kayumangging bingit pasilanga’y susupling—
Sapagkat halimhim ng Espiritung Banal ang lupaypay
Na daigdig sa mainit na dibdib at a! bagwis na maningning.

Mula sa Alejo, Albert SJ, Nabighati: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha (Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 2015), 18. Pagkilala ng inyong lingkod sa pinagsipiang aklat. Hindi maaaring ilathalang muli nang walang pahintulot sa tagasalin.

Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, Apple Podcasts, Google Podcasts, Breaker, Overcast, at Radio Republic. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!

Talâ

[1] Alejo, Albert SJ, “Pamimilosopiya Mula sa Pakikisangkot,” Tao po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao (Lungsod Quezon: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1990), 3.

Chika Lit 2: Radio Romance: Homage sa Magulang ng Podcast

Noong unang panahon…Wala namang mga podcast tulad ng Chika Lit. Pero mayroong radyo kung saan maaaring makinig sa mga komentaristang tulad ko na dumadaldal o nakikipagchikahan tungkol sa mga bagay-bagay hinggil sa búhay, politika, at lipunan. Medyo weird lang talagang magsimula sa noong unang panahon,kasi parang itinuturing nang napaglipasan o patay ang pag-uusapan natin ngayon, ang precursor ng podcastingang radyo. Hindi naman kasi napaglipasan o patay ang radyo sa Filipinas, kahit hindi na táyo madalas nagbubukas ng radyo, maliban kung nasa mga sasakyan at iniinda ang impiyernong trapik sa kalsada. Kung gusto mong magradyo, nariyan ang mga teleradyo sa Cable TV, maaasahang tagapagbalita at tanod sa panahon ng sayá at sakuna. Nása mga smarphone apps at website na rin ang radyo. Hindi napaglipasan o patay ang radyo, bagaman marahil,patay na’t napaglipasan ang pagbili ng radyo. Buháy na buháy ang radyo sa mga panibagong anyo, tulad ng podcast, pati na rin sa mga bagong kinalalagyan nito.

Aaminin ko: dream come true para sa akin ang magpodcast, hindi lang dahil matagal ko nang iniisip magpodcast, kundi dahil na rin noong batà pa ako, may lihim akong pangarap na maging radio announcer. Ewan ko ba dito sa Corona Virus Disease 2019 o Covid 19 na nagpapirmi sa atin sa ating mga bahay. Sa probinsiya, tuwing summer, bahagi ng routine naming magpipinsan ang makinig sa radyong Ilokano. Walang koryente sa araw at hindi pa rin naman abót ng reception ng mga estasyon ng TV ang aming bayan ng Flora, Apayao. Maghapong maririnig sa bahay ang radyo na pinatatakbo ng baterya ng Motolite na nirerecharge kinagabihan. Nakikinig kami ng balita, komentaryo, at sunod-sunod na mga dramang de-serye. Radyo ang nagturo sa akin ng wikang Ilokano, kahit hindi ako naging ganoon katatas gumamit niyonkahit kailan. Ang sabi ko nga, aural ang Ilokano ko, hindi oral. Sa tainga lang, na nagagamit ko pa rin naman sa pagbabasá. Puwede na, basta hindi maibebenta. Sa radyo rin ako nainitiate sumunod sa mga soap opera na kalaunan, pag-aaralan ko at gagawan ko pa ng kasaysayan. Dito ko rin natutuhan kung gaano kahalaga ang balita at komentaryo, mga pamana ng ating nagbalik na demokrasya matapos ang Edsa Revolution noong 1986. Kayâ rin ako siguro nagbalak mag-Communication Arts sa kolehiyo. Sa hulí, Journalism ang tinapos ko. Sa midya pa rin ang bagsak.

Siyempre, kapag naglalaro na kaming mga batà, imbes na makipaghabulan, makipagtaguan, o makipagbahay-bahayan, madalas akong mapag-isa at gumagawang kunwaring radio booth sa may bintana. Gagawin kong kunwang mikropono ang mahabang tube ng talcum powder, at sisimulang basahin sa mikropono ang ilang artikulo at kuwento mula sa lingguhan at inaabangang Liwayway magazine na hinihiram namin sa palengke, na ang tawag namin ay dapon. Akalain ninyo, ginagawa ko na talaga siya ngayon. Hindi public service ala Tulfo Brothers o komentaryo ala Ted Failon o Mike Enriquez ang notion ko ng pagsasalita sa mikropono bílang isang batàng radio announcer. Mas naiintriga ako sa posibilidad ng pagkukuwento, at pagkukuwento gámit ang sariling tinig.

Nakapukaw kasi talaga sa akin ang mga boses sa radyo, mula sa mga voice talent ng soap opera hanggang sa mga tagapagbalita at komentarista. Binubuhay ng mga tinig ang mga kuwentong binibigkas sa málay at imahinasyon ko habang akoy nakikinig. Nagkakatotoo ang mga tao, sitwasyon, at daigdig na tinutukoy ng mga boses. Sa aking pagbabaliktanaw, naiisip ko na mahalaga ang mga karanasang iyon sa aking pagiging manunulat. Pinili kong gawin iyon, bukod sa pag-akyat sa punòng mangga, pamimitas ng kamias, paliligo sa ilog na tinatawag naming carayan, o paghahakot sa mga ibinilad na palay tuwing hapon. Bukod sa agad kong natuklasan ang talab ng kuwento rito, wari bang naengganyo rin ako ng radyo na hanapin ang sarili kong tinig na magagamit ko rin sa sariling mga pagkukuwento pagdating ng araw. Napakasayang mga tag-araw iyon ng pangangarap ng gisíng, ng daydreaming.

May ulinig sa aking karanasan ang salaysay ng makata, kuwentista, at gurong si Cirilo Bautista (2009), national artist for literature. Noon daw dekada 40, panahon ng kaniyang kasibulan, naging mapaghubog sa kaniyang sining ang radyo. Hindi lámang ito, wika niya, clock, newspaper, and entertainment all at the same time to millions of Filipinos then struggling for a better life after the Second World War.[1]Dagdag pa niya, Unknown to me then, the radio was educating my young imagination. The programs to which I listened formed the seminal character of my perception, making me curious about things in the beginning and in the end, when I was already writing prose and poetry, sensitive to the nuances of words and their connection to human existence.[2] Kung sa kaniyang komunidad ng Balic-balic, Sampaloc, Maynila, ang radyo ay talagang an arbiter of sort. An argument was settled when one said, I heard it over the radio,””[3] sa kaniyang payak na pamilya, literatura itong matalab at totoong ábot-káya. Wika niya: We could not afford to buy magazines and newspapers—our little money went to rice and dried fish—and the few books I had were school primers. Consequently, I heard more than I read.[4]

Batàng-batà pa ang podcasting, sweet 16 kung kukuwentahin batay sa mga talâ sa kasaysayan. Ang salitâng “podcasting” ay sinasabing imbento ng journalist na si Ben Hammersley noong 2004, bílang katawagan sa nauuso noong audioblogging, gámit ang nooy bagó-bagó pa lámang na Apple gadget na iPod, ang pinanggalingan ng pod” sa salita.[5] Pero ang cast” o castingay maiuugat pa rin sa broadcasting na pinasimulan sa radyo mulang 1900s hanggang 1920s, matapos ng matagal-tagal ding paglinang. Pareho pa rin ang prinsipyong sinusunod—ang transmission ng boses mula sa isang pook patungo sa iba pa gámit ang midyum na nagpapakalat at tumatanggap ng radio waves. Sa Filipinas, masasagap ang teknolohiya ng radyo bandáng 1920s din, sa panahon ng pananakop ng mga Americano. Inilarawan ng historyador pangmidya at guro na si Elizabeth Enriquez ang kasaysayan ng radyo sa bansa bílang appropriation of colonial broadcasting.[6] Niyakap ng mga Filipino ang broadcasting na inangkat lámang sa bansa ng mga Americano, inangkin, at ginamit para sa kanilang araw-araw na gawain at mithiin. Naging daan ito ng pag-abot ng pamahalaan sa mamamayan, lalong pagkakaugnay-ugnay ng lahat, at naging mahalagang sangkap pa sa pagpapalawig sa wikang pambansa.

Nagpatúloy na gamitín ang radyo, kahit sa pagdating ng telebisyon noong 1950s. At nagpapatúloy ito sa pag-eyre ngayon, sa ibat ibang platform. Supling ng radyo ang podcasting, bagaman higit na binibigyan ng pagkakataon ng podcast ang nakararami na lumikha ng content at komentaryo, labas sa mga institusyon at limitasyon ng commercial broadcasting. Handog ng podcast sa mga content producers, gaya ng marami sa amin, ang pagkakaroon ng sariling tinig sa himpapawid, upang makapagbahagi ng impormasyon, at lalot higit, ng mga kuwentot opinyon na mahirap magkapuwang sa mainstream media, kung saan nag-aagawan ang lahat sa audience at sa limitadong budget ng advertising para kumita. Laway lang ang puhunan naming mga podcaster at mga kagamitang naway sa hinaharap ay mapagkakitahan. Suwertehin nawa! Sa kabila nito, hindi pa rin naman nagbabago ang talab ng cast” mula sa broadcastingng podcasting. Naghahatid, nagpapakalat pa rin ito ng tinig ng mga salaysay at palagay na humihinging pakinggan. Nagpapatotoo pa rin sa minanang katangian mula sa magulang na radyo.

Sa puso ng radyo, at maging ng podcast, matatagpuan ang pinakaubod ngbroadcasting, ang inilarawan minsan ng iskolar at gurong si Resil Mojares, isa pang national artist for literature, na democratic character.[7] Sabi pa niya, (t)he democratic character of radio is not only a matter of distribution and scale: it draws from the nature of the medium itself relative to the other media. [8] Dagdag pa niya, ang radyo, at puwedeng ang podcast na rin, ay more accessible to users (speakers and listeners), more flexible and less structured, and closer to the realms of popular speech. [9] Magandang pag-isipan sa ngayon ang uri ng magkaakibat na mga kultura ng pagsasalita at pakikinig na nalilikha ng demokratikong katangiangito. Papaano ba ginagamit ang radyo, pati na rin ang kasalukuyang podcast? Ginagamit ba ang mga ito para panigan ang katotohanan, lalo sa panahon ng fake news? Nagbibigay ba talaga ang mga ito ng tinig sa mga walang tinig? Nagpapaliwanag ba talaga ang mga ito hinggil sa mahahalagang bagay sa búhay at lipunan o bakâ nakadaragdag lámang sa nakagugulo o walang saysay na ingay? Sa pangkabuuan, nagagamit ba ang kalayaan sa pamamahayag para sa kabutihan ng lahat?

Sa kabilâng dako, tinuruan ba táyo ng radyo, at pati na rin ng supling nitong podcast, na makinig nang matalas at mahusay? Biyaya ng demokrasya ang makinig sa mga ibig natin, at hindi lámang sa mga itinakdang iparinig ng maykapangyarihan. Papaano natin ito ginagamit bílang mga tagapakinig, tagasubaybay ng mga programa sa radyo o podcast? Discerning at discriminating ba táyo, marunong sumala sa makabuluhan at sa maingay? Kung responsabilidad, napakabigat na responsabilidad ang magsalita gámit ang mga midyum, mabigat ding tungkulin sa tingin ko, ang makinig, dahil kailangan din nito ng bait at talino. Hindi dapat ito pinababayaang maging passive activity. Hindi lang dapat tanggap nang tanggap ang nakikinig.Kailangan ding kumilos matapos ng pakikinig. At kumilos nang tama! At hindi rinlang dapat na nakikinig sa mga gustong pakinggan dahil bahagi ng bait at talino sa pakikinig ang pagiging bukás ang puso at isip, lalo sa mga bagay na mahirap marinig, mahirap pakinggan. Kayâ muli, ano bang kultura ng pagsasalita at pakikinig ang patuloy na naidudulot ng radyo, at ng podcast sa atin? Mabuti ba o masamâ? Nakapagpapasulong ba ang mga ito ng estado at kaisipan ng lipunan o nagpapanatili sa pagiging paurong, pagkasarado ng isip, o pagiging ipokrito?

Samantala, malaki ang pag-asa ko sa pagpopodcast. Sana mahawa rin ang radyo pagdating ng araw sa nalilikhang mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig na nagagawa nito sa internet; at, mabawasan ang maaligasgas na daldal, bayaráng puna, at nakalilitong pagbabalita. May anyo rin kasi ang podcast, sa tingin ko, na hindi agad magagalaw ng external noise ng sistema ng mass media, kumbaga. Unay walang gaanong pangangailangang kumitapero makatutulong ang anumang suporta. Mas nakakamotivate gumawa ng content. Malaya rin kahit papaano ang anyo ng podcasting at pinalalago pa ng mga libreng platform tulad ng Anchor.fm. Marami pa akong kakaining bigas sa podcasting, at paumanhin kung mali ang ilang akala ko rito. Pero may anyo talagang mapanghahawakan ang podcast sa kasalukuyan na perpektong magagamit sa pagpapakilala ng mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig, at muling pagpapahalaga sa diyalogo na madalas nilulunod sa gulo at galaw ng mga opinyon at impormasyon. Anyo itong may malawak na espasyo kung saan maaaring magtalastas, makipagcommunicate sa kapwa. Anyo rin itong maaaring maghandog, muli at muli, ng inspirasyon at pananalig na maganda pa nga ang daigdig. Anyo rin itong patuloy na magpapaalaala hinggil sa mahalaga at dapat tandaan kapag nakikipag-usap, nakikipagdiyalogo: kung ikaw ang iyong pagsasalita, ikaw rin ang iyong pakikinig.

Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, at Apple Podcast. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!


TALAHULI

[1] Bautista, Cirilo, “Radio Boy,” Cirilo F. Bautista.blogspot.com, Oktubre 13, 2009, http://cirilobautista.blogspot.com/2009/10/radio-boy.html.

[2] Ibid.

[3] Ibid.

[4] Ibid.

[5] Basahin ang Hammersley, Ben, “Audible Revolution,” The Guardian.com, Pebrero 12, 2004, https://www.theguardian.com/media/2004/feb/12/broadcasting.digitalmedia.

[6] Basahin ang Enriquez, Elizabeth, Appropriation of Colonial Broadcasting: A History of Early Radio in the Philippines, 1922-1946 (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2008). Ang mga tinukoy ko sa kasaysayan ng radyo sa sanaysay ay mula sa aklat na ito.

[7] Mojares, Resil, “Talking Politics,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2002), 246.

[8] Ibid.

[9] Ibid.