Dasálin 16: Emily Dickinson

Larawan mula sa The Smart Set.com

1.

Ang dasal ay isang munting gámit
Upang maabot ng mga tao
Ang banal na tumikom.
Ipinupukol nila ang kanilang bulong

Gámit ito, pa-tainga ng Diyos;
Kung marinig man niya,
Nilalagom nito ang aparato
Na bumubuo sa dasal.

2.

Payak lámang talaga ang kailangan,
Tulad ng lugod, at ng langit;
Abót ang mga ito ng aking káya,
Sapat na para sa akin at búhay.

Ngunit dahil tangan ng hulí
Ang dalawa, sapat nang isa
Lámang ang idalangi’t asamin;
Biyaya na ang maghahandog ng pares.

Kayâ idinulog sa maalam ang hiling—
Dakilang Diwa, ipagkaloob sa akin,
Isang langit na di man sinlawak ng sa inyo,
Sapat naman ang lawak para sa akin.

Napuspos ng ngiti ang mukha ni Jehovah;
Nagsilisan ang mga kerubin;
Pumuslit ang mga santo’t sinilip ako,
Ipinakita rin ang mga biloy nila sa akin.

Buong-lakas kong nilisan ang pook,—
Ang aking dasal, itinapon;
Dinampot iyon ng malumay na panahon,
At kumislap din ang Paghahatol,

Siyang talagang tapat kalaunan
Sa pagkilatis sa katotohanan
Ng bukambibig na “Anumang hiling,
Siya ngang sa iyo’y igagawad.”

Subalit ako’y natutong mag-ingat,
Naghihinala sa pagtingala sa langit,—
Tulad ng mga musmos na nadaya sa una,
Lahat ay nahihiwatigang magdaraya.

3.

Ang Katotohanan—sintanda ito ng Diyos—
Kaniyang kambal sa katauhan,
At mananatili ito hanggang Siya’y
Kakambal ng habampanahon—

At mapaparam lámang sa Araw
Na Siya’y mapatalsik
Mula sa Mansiyon ng Uniberso,
Isang patay na Bathala.

Dasálin 15: Ang Sermon Hinggil sa Paglalagablab mula sa Mahā-vagga

At matapos ng piniling matagal na pamamalagi sa Uruvelâ, nagpatuloy Ang Pinagpala [si Buddha] sa kaniyang paglilimayon, at noo’y natungong Gayasisa, malápit sa Gayâ. Kasáma niya ang dakilang kawan ng sanlibong monghe, na dati-rati’y marurusing. Sa Gayâ siya tumahan kasáma ang mga monghe.

Doon ay nangaral sa mga monghe Ang Pinagpala: “Lahat, mga monghe, ay naglalagablab. At papaanong naglalagablab ang lahat, giliw na mga monghe?”

“Ang mata, o mga monghe, ay naglalagablab; ang lahat ng nakikita ay naglalagablab; ang mga larawang-isip na nasasagap ng mata ay naglalagablab; ang damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman—ang lahat ay pawang naglalagablab.” 

“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag ng pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”

“Ang tainga ay naglalagablab, ang mga tunog ay naglalagablab; ang ilong ay naglalagablab, ang mga amoy ay naglalagablab; ang dila ay naglalagablab, ang mga lasa ay naglalagablab; ang katawan ay naglalagablab, ang lahat ng nasasapol ng pagdama ay naglalagablab; ang isip ay naglalagablab, ang mga kaisipa’y naglalagablab; ang isip-málay ay naglalagablab, ang mga nahihinagap ay naglalagablab; lahat ay naglalagablab sa apoy ng poot, kasakiman, at kamangmangan—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”

“Anong apoy ang nagpapalagablab sa mga ito? Muli, sinasabi ko sa inyo: naglalagablab ang mga ito sa apoy ng poot, apoy ng kasakiman, apoy ng kamangmangan; naglalagablab ang mga ito sa bagabag sa pagsilang, pagkaluoy, kamatayan, dalamhati, panaghoy, dusa, lumbay, at kawalang-pag-asa.”

“Kung gayon, o mga monghe, ang isang alagad na pinuspos ng karunungan sa pagtahak sa Mahal na Landas, ay napapagal sa mata, napapagal sa lahat ng nakikita, napapagal sa mga larawang isip na nasasagap ng mata, napapagal sa pagtatagpo ng mata at ng mga nakikita, napapagal sa damdaming nalilikha sa pagtatagpo ng mata at ng nakikita—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.” 

“Napapagal siya sa tainga, at napapagal siya sa tunog; napapagal siya sa ilong at napapagal siya sa mga amoy; napapagal siya sa dila at napapagal siya sa mga lasa; napapagal siya sa katawan at napapagal siya sa lahat ng nasasapol ng pagdama; napapagal siya sa isip at napapagal siya sa mga kaisipan; napapagal siya sa isip-málay at napapagal siya sa mga nahihinagap—nakalulugod, nakasasákit, o walang anuman.”

“Sa pagkapagal sa lahat ng ito, nahuhubad ang lahat ng pagnanasa; sa pagkawala ng pagnanasa ay nakakamit ang paglaya; sa pagkakamit ng paglaya, nakakamit din ang pagkamalay sa pagiging malaya; at sa pagkatalos ng pagpagal ng muling-pagsilang, natatalos din ang pamumuhay sa kabanalan, pagtupad sa nararapat, at paglaya mula sa mga inog sa daigdig na ito.”

Habang ipinaliliwanag ang lahat ng ito, natubos ang kaisipan ng sanlibong monghe mula sa pagkagiliw sa mundo, at lumaya mula sa lahat ng kinikipkip, lahat ng kabuktutan.

Dasálin 40: Panalangin kay San Jose bílang Proteksiyon mula sa Pandemyang Covid-19

Ikono ni San Jose mula sa CBCP.News.com.

O Pinagpalang San Jose, tapat na tagapagtaguyod ni Jesus at busilak na esposo ni Maria, dalangin namin ang iyong proteksiyon ngayong ang mundo’y nagdurusa sa matinding krisis na dulot ng coronavirus.

Walang maliw naming kinamamanghaan ang iyong aruga kay Jesus. Sa aming pagninilay:

Hindi namin hangad na gisingin ang sanggol na Hesus na sakdal-himbing sa iyong mga bisig, ngunit ibulong mo naman sa Kaniya ang aming lubhang pangangailangan ngayon.

Hindi namin hangad na humadlang sa paglilikas sa Ehipto ng iyong pamilya upang makatakas mula sa malupit na si Herodes, ngunit gabayan mo kami sa aming pagtalilis mula sa nakamamatay na sakít.

Hindi namin hangad na humarang sa paghahagilap mo sa iyong nawawalang Anak sa Jerusalem, ngunit tulad ng iyong ginawa nang mahinahon, pawiin sa amin ang aming balisa habang nagsisikap kaming humanap ng ikaliligtas.

Hindi namin hangad na makaabala sa mga aralín sa pagaanluwagi na itinuro mo sa Anak na si Jesus, ngunit ipakiusap sa kaniyang hutukin ang aming puso’t kaluluwa upang malabanan namin ang lahat ng uri ng tákot na humahadlang sa amin na tumulong sa mga nása banig ng karamdaman.

Bagaman nagluluwalhati sa walang-hanggang lugod sa langit kasáma si Maria at ang iyong Anak na si Jesus, huwag nawang talikdan ang aming lumbay ngayon, kaming nananaghoy dito sa lupa. Sa pamamagitan mo, ipaabot ang aming dalangin sa iyong Anak na si Jesus.

Amen.

Mula sa Ingles ni Padre Wilmer Tria

Dasálin 39: Derek Walcott

Dibuho ni Derek Walcott mula sa Vinhanley.com.

Darating ang panahon,
May ragsak mong
Sasalubungin ang sariling papasók
Sa iyong pinto, sa sariling salamin,
At magpapalitang-ngiti ang bawat isa
Sa mainit na pagtanggap,
At magwiwikang, upo ka. Kain.
Mamahalin mong muli ang estrangherong ikaw rin.
Abután ng alak. Abután ng tinapay. Ibalik ang iyong puso
Sa sarili nito, sa estrangherong nagmahal sa iyo

Buong búhay mo, na ipinagsawalang-bahala,
Siyang kilala ka hanggang kaibuturan.
Hanguin ang mga liham-pag-ibig mula sa estante ng aklat,

Ang mga larawan, ang mga minadaling pagtatalâ,
Palayain ang iyong imahen mula sa salamin.
Maupo. Magdiwang sa iyong búhay.

Dasálin 38: Dorothy Sayers

Larawan ni Dorothy Sayers mula sa Mula sa Murder&Mayhem.com.

Kayhirap, talagang kayhirap
Taluntonin, akyatin ang mabatong landas
Patungong Kalbaryo, upang iligtas ang santinakpan; higit
Na maigi pang magpamalas ng isang kahanga-hangang himala,
Sumilip mula sa mga ulap, itaas ang kanang kamay
Na nakapangyayári, at sa kagyat na pagkidlat, ganap
Na pangaligkigin ang daigdig. Subalit di ito gawi
Ng Diyos, siyang makapangyarihan,
At sa halip, nagpaningas Siya sa pagpasan sa krus,
Pagtanggap sa koronang tinik, pagbatá sa mga sugat.

Dasálin 37: Awit ng mga Distiyerong Salvadoran sa mga Distiyerong Guatemalan

Larawan ni Luizclas sa Pexels.com.

Nagdarasal pa rin kami, umaawit,
Nangangarap pa rin sa pagdating
Ng araw na muling hahapon ang mga ibon
At bubukad ang mga bulaklak
At magbabalik ang mga mahal na nawala.

Nabubuhay pa rin kaming naniniwala
Na sisibol isang araw ang pag-ibig,
Ang bait, ang sampalataya,
Mistulang mga rosas sa taglamig.

Naniniwala pa rin kaming ang Diyos
Ay isisilang na muli sa aming lupain
Sa paghahanda sa mga puso naming
Sabsaban sa pagbangon ng isang bagumbayan.

Dasálin 14: Kumpisal ni San Agustin

Larawan mula sa Franciscan Media.org.

Dakila Ka, O Panginoon, at nararapat lámang
Papurihan. Ang Iyong kapangyariha’y kahanga-hanga,

Ang Iyong dunong, walang-hanggan. At ang tao, pagkat
Bahagi ng Iyong linalang, naghahangad na sambahin Ka;

Itong tao na pasan ang angking mortalidad, binabagabag
Ng kaniyang salà, inuusig ng kabatirang itinataboy

Mo ang mapagmataas—itong tao na bahagi ng Iyong obra’y
Nilulunggating papurihan Ka. Dinudulutan mo kami

Ng galak sa pagdakila sa Iyo; linikha mo kami sa Iyong
Wangis at ang aming mga puso’y di mapapatanag hangga’t

Di nasusumpungan ang kapahingahan sa Iyo. Panginoon,
Turuan mo akong umalam at umunawa kung alin sa mga ito

Ang pahalagahang dapat—ang dasalan Ka o purihin Ka;
At gayundin, ang kilalanin Ka o luhuran Ka.

Ngunit sino nga ba ang tumatawag sa iyo na di Ka
Kilalá? Sapagkat maaari Ka ring namang tawagin

Ng sa iyo’y di nakakikilala, subalit di ka kahit
Man lámang maaaninagan. Marahil, tinatawag Ka namin

Upang ika’y makilala’t mamukhaan. Sapagkat papaano
Nga ba nila mapipintuho Siyang hindi naman nila

Sinasampalatayanan? Papaano silang maniniwala
Kung wala silang gabay? Ang lahat ng naghahanap

Sa Panginoon ay papupurihan Siya. Sapagkat sinumang
Naghahanap ay makatatagpo, at sinumang makasusumpong

Sa Kaniya’y bigigkas ng pagdakila. Hayaan Mo akong
Hanapin Ka, Panginoon, at tawagin kang itinataas

Itong aking tiwala; ito’y dahil naipangaral ka sa amin.
O, Panginoon, inaabót Ka ng aking pananalig—

Itong pananalig na handog mo sa akin, na iyong
binhi sa akin, sa pamamagitan ng pagkakatawang-

Tao ng Iyong Anak, sa ministeryo ng iyong tagapangaral.

Dasálin 36: Luís Espinal Camps

Larawan mula sa Diario do Centro do Mundo.com.br.

Sanayin kami, Panginoon, na mangahas sa imposible,
Sapagkat sa imposible nasusumpungan ang iyong biyaya’t
Presensiya. Hindi kami maaaring lamunin ng kawalan.
Ang búkas ay isang enigma, ang aming landas, nababalot
Ng hamog; subalit ibig naming magpatúloy sa pag-aalay
Ng sarili, sapagkat nanatili kang umaasa sa gitna
Ng karimlan, at nagpapalis ng luha sa laksang mata.

Dasalín 35: Wendell Berry

Larawan ni Wendell Berry mula sa Tree Hugger.com.

Kapag sa kaibutura’y gumagapang ang hapis
Para sa mundo, at nagigising sa gabi ng kahit
Kaluskos, may tákot para sa aking búhay at sa mga anak,
Nagtutungo ako’t nagpapahingalay kung saan humahapon
Ang pato sa kaniyang kariktan sa tubigan, at nanginginain
Ang tagak. Dinaratnan ko ang tahimik ng kasukalang
Walang binabatáng pagkahindik sa paratíng
Na dalamhati. Sinasamba ko ang dakilang batis
Na walang-labusaw. At nadarama kong sa himpapawid
Nakaabang na kikislap ang mga talà. Kahit saglit,
Nakahihimlay ako sa biyaya ng daigdig, at ako’y malaya.