Dasálin 29: Mula sa Tao Te Ching

nature red forest leaves
Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

1.

Masdan at hindi iyon makikita.
Makinig at hindi iyon maririnig.
Abutín at hindi iyon makukuha.
Sa itaas, hindi iyon maliwanag.
Sa ibaba, hindi iyon madilim.
Tuloy-tuloy, walang ngalan,
Nagbabalik ito sa pook ng kawalan.
Anyong sumasaklaw sa lahat ng anyo,
Imahen na walang imahen,
Mapahiwatig, lagpas sa mahihinuha.
Dulugin ito at wala itong simula;
Tugisin ito at wala itong wakas.
Hindi iyon magagagap, ngunit magiging
Ikaw ito, maalwan sa iyong búhay.
Magkamalay sa iyong pinagmulan:
Ito ang kaibuturan ng karunungan.

2.

Humakbang nang walang hakbang;
Magsikap nang walang pagsasakit.
Isiping ang maliit ay malaki
At ang kakaunti’y kaydami.
Harapin ang mahirap
Habang ito’y madali;
Tupdin ang malaking tungkulin
Nang paunti-unti.
Di talimuwang sa kadakilaan ang Dalubhasa;
Sa gayon niya nakakamtan ang kadakilaan.
Kapag siya’y nahaharap sa kahirapan,
Humihimpil siya’t nagpapahinuhod rito.
Hindi niya kinikipkip ang sariling ginhawa;
Kayâ’t sa kaniya, ang suliranin, di suliranin.

3.

Ang kawalang-alam ang tunay na karunungan.
Isang sakít ang mag-akalang may-alam.
Una’y tanggaping ikaw ay may karamdaman;
Sa gayon lámang makatatawid tungo sa kalusugan.
Ang Dalubhasa ang siyang sariling manggagamot.
Napagaling na niya ang sarili mula sa lahat ng pag-alam.
Kayâ siya’y totoong ganap.

Advertisements

Dasálin 6: Ang Awit ng Zazen ni Hakuin Zenji

adult antique architecture art
Larawan ni Oleksandr Pidvalnyi sa Pexels.com.

Ang lahat ng umiiral ay likás na Buddha,
Sa paraang ang yelo ay likás na tubig.
Kung walang tubig, walang yelo,
Kung walang mga umiiral, walang Buddha.

Nakalulungkot na walang bumabaling sa malápit
At tinutunghan pa ang maláyong katotohanan:
Tulad ng isang nakamalas sa batis
Ngunit nananaghoy sa úhaw,
Tulad ng isang musmos na laki sa layaw
Ngunit lumalaboy kasáma ng mga dukha.

Ligáw sa madidilim na landas ng kamangmangan,
Lumalaboy táyo sa Anim na Daigdig;
Sa bawat masukal na daan, táyo’y lumalaboy;
Kailan táyo mapalalaya mula sa pagsilang at kamatayan?

O, nararapat sa pinakamataas na pagpita
Ang pagninilay na Zen ng Mahayana!
Debosyon, paglilinis-budhi, pagsasanay,
Ang lahat ng kahusayan—
Bumubukal mulang pagninilay na Zen.

Ang lahat na sumusubok sa pagninilay na Zen,
Kahit minsan, lumilipol sa laksang kasamaan.
Nasaan na ngayon ang lahat ng pusikit na daan?
Ang Dalisay na Lupain ay talagang malápit na.

Ang lahat ng nakaririnig sa katotohanang ito,
Kahit minsan, at yumayakap nang may pasasalamat,
Pinagyayaman ito, pinababanal ito,
Nakatatanggap ng walang hanggang biyaya.

Higit sa lahat, kung iminumulat ang sarili’t
Isinasapuso ang kalikasang-sarili,
Ang kalikasang-sarili na walang kalikasan,
Lumalagpas pa ang batid sa mga takdang aral.

Ang sanhi at bunga ay iisa;
Ang Landas ay hindi lámang dalawa o tatlo.
Sa anyong walang anyo,
Sa paglisan at pagdating, hindi táyo naliligaw;
Sa pag-iisip na hindi pag-iisip,
Kahit ang pag-awit at pagsayaw, nagsasatinig na Batas.

Talagang kaylawak, kaylayaw ng langit ng Pagkamalay!
Talagang kayliwanag ng kagampang buwan ng karunungan!
Sa totoo lámang, may kulang pa ba ngayon?
Naririto na ang Nirvana’t nalalasap;
Ang lupaing ito’y ang Lupalop-Lotus;
Ang katawang ito, ang Buddha.

Dasálin 28: Czeslaw Miłosz

Larawan mula sa New Statesman.com

Nagsasakahulugan ang salitâng Pananalig kapag may
Nakasusumpong sa hamog o lumulutang na dahon,
At nakababatid na ang kanilang pag-iral ay batay sa ayon.
At kahit mangarap pa, o magpinid ng mga mata
At humiling, mananatili ang daigdig sa angking kaayusan,
At ang dahon ay dadalhin ng lagaslas ng ilog sa kung saan.

Nagsasakahulugan ito kapag may nagurlisan ang paa
Ng matulis na bato’t batid niyang umiiral ang mga bato
Upang sugátan ang ating mga paa.
Masdan, makikita ang pahabang aninong guhit ng mga punò;
At gumuguhit din ng mga anino ang mga bulaklak at tao:
Anumang walang anino’y walang lakas para mabuhay.

Dasálin 5: Tatlo mula kay Pedro Arrupe, SJ

20140205_pedroarrupe
Larawan mula sa Thinking Faith.org.

1.

Turuan mo ako ng iyong pagbaling sa kapwa:
Tulad ng pagsulyap mo kay Pedro matapos ng pagtatatwa,
Tulad ng pagbihag mo sa puso ng mayamang binata,
At sa puso ng iyong mga alagad.

Nais kong makatagpo ka sa tunay mong katauhan,
Sapagkat binabago ng iyong wangis ang lahat
Ng iyong nakahaharap.

Tanda mo pa ba ang unang paghaharap ninyo ni Juan Bautista?
At ang panliliit ng senturyon?
At ang pagkamangha ng lahat ng nakasaksi sa mga himala
At iba pang dakilang gawa?

Napukaw mo ba ang iyong mga alagad,
Ang mga miron sa Hardin ng Oliba,
Si Pilato at ang kaniyang maybahay,
At ang senturyon sa paanan ng krus…

Nais ko ring marinig at mapukaw
Sa mayhambal mong pananalita,
Habang halimbawa’y nakikinig sa iyong pangangaral
Sa sinagoga sa Capharnaum
O sa Sermon sa Bundok kung saan naturol
Ng mga nakikinig na “nagtuturo kang may kabatiran.”

2.

Itulot mo nawa, O Panginoon, na masilayan ang lahat ngayon
Nang may bagong pananaw, na makilatis at madalisay
Ang mga simbuyo na tutulong sa akin na basahin
Ang mga tanda ng panahon; ang ibigin ang lahat na mula sa iyo’t
Ipamalita ang mga iyon sa iba. Tulutan nawa ako
Ng liwanag na kay Ignacio’y siya ring iginawad.

3.

Higit kailanman, naisusuko ko ngayon ang sarili
Sa kamay ng Diyos. Pangarap na ito mulang pagkabata.

Ngunit may kaibhan ngayon; Diyos na lahat
Ang ganap na nagpapakilos sa aking búhay.

Kayâ’t tunay na isang malalim na mabathalang danas
Ang mabatid at madamang lahat-lahat, nása kaniyang kamay.

Dasálin 27: Martin Luther

architecture art cemetery daylight
Larwan ng Pixabay sa Pexels.com

Sa karimlan ay nasusumpungan ang Iyong liwanag.
Nagsasanib ang lupa at ulap, lumalapít ang langit,
At parang kaylayo na ng mga pasanin ngayong araw.
Tanuran mo ako, o Diyos, katawan at kaluluwa.
Samahan ako sa buong magdamag, kanlungin
Mula sa masamâ. Itaboy po ang lahat ng tákot.
Paginhawain po nawa sa masamyong panagimpan.
Pag-apawin itong kaibuturan ng Iyong kapayapaan,
Pag-alwanin ang kaisipan. At, ako’y nagsusumamo,
Papagbangunin ako sa bagong búhay pagmulat ng umaga.

Dasálin 4: Panalangin ni Teilhard de Chardin, SJ

teilhard
Larawan mula sa Cruxnow.com.

Higit sa lahat, manalig sa malumay na pagkilos ng Diyos.
Táyo’y medyo likás na mainipin sa lahat ng bagay
At ibig na agad magwakas ang lahat, walang antala.
Higit na mimamarapat natin ang paspasan.
Wala táyong tiyagang magpalamon sa karimlan
Ng walang-katiyakan, ng bagong karanasan.
Ngunit ganoon talaga ang lahat ng batas ng pag-unlad,
Nakakamit lámang ito sa pagbaba
Sa mga yugto ng kawalang-tatag—
At bakâ talagang napakatagal nito.

Ganito rin naman ang nangyayari sa iyo, tingin ko;
Ang iyong mga kaisipan ay unti-unting mahihinog—
Hayaang mahusto’t magkahubog, huwag sa pílit.
Huwag papagmadallin ang mga ito,
Na para bang kailangan nang kamtin mo ngayon
(Sabihin nang umaayon sa iyong mabuting layon
Ang biyaya at pagkakataon)
Ang itinalaga ng panahon para búkas.

Diyos lámang ang nakaaalam kung ano
Ang kalalabasan ng bagong diwang marahang
Sumisibol sa iyong loob. Pagbigyan ang Diyos
Ng iyong tiwala na kamay niya ang umaakay sa iyo,
At yakapin ang pagkabalisa sa pakiramdam
Ng alinlangan at walang katugunan.

Dasálin 26: Ranier Maria Rilke

pexels-photo-1308624.jpeg
Larawan mula sa Fancycrave.com sa Pexels.com

Sinisinta ko ang mga pusikit na oras ng aking búhay
Na nagpapasigla’t nagpapalalim sa aking pagdama,
Habang, tulad ng napaparam na halimuyak ng tuyong rosas
O dilawing liham, mahiwaga kong nailulubog
Ang sarili sa mga lumipas na araw: muli’y iniaalay
Ang sarili sa nakaraan:—muli, ako’y nabubuhay.

Mula sa aking mga pusikit na oras, kagyat na nagbubukang-
Liwayway ang dunong, at inilalatag ng Sukdol-Búhay
Ang kaniyang walang hanggang linang.

Kayâ’t ako’y liglig, wari’y nananalasang unos,
Yinuyugyog ang punòng hinog, mayabong sa ibabaw
Ng isang puntod, may basâng lupang kandugan
Ng mga pag-uugat—at ang maririkit na mithi
Ng Kabataang may giting, kumikinang,
Mga pangarap na pinakaiingatan nang matagal,
Ay naglalahong muli sa lumbay at kundiman.

Dasálin 25: Awit ng Habihang-Langit mula sa mga Tewa

flight landscape nature sky
Larawan mula sa Pixabay sa Pexels.com

O, aming Inang Daigdig, O aming Amang Langit,
Kami’y inyong mga supling. Maghapon mang nakayuko,
Alay namin ang mga kaloob ng paggiliw.
Habihan po kami ng káyo ng liwanag;
Nawa’y ang kiwal ay maging puting sinag ng umaga,
Nawa’y ang pintad ay maging pulang kinang ng gabi,
Nawa’y ang palawit ay maging bumabagsak na ulan,
Nawa’y ang laylayan ay maging gumuguhit na bahaghari.
Kayâ’t habihan po kami ng káyo ng liwanag,
Upang kami’y maligayang manalunton sa kung saan
Nangagsisiawitan ang mga ibon,
Upang kami’y maligayang manalunton sa kung saan
Lungti ang damuhan,
O, aming Inang Daigdig, O aming Amang Langit.