Bagong Tula: Kamatsile

Walang habag itong bagot—
Sentensiyang walang
Hanggan ng kuwarentina.
Bawal lumabas. Walang magawa.
Sa mukmok, nanggigising
Ang gitla ng bawat bagsak
Ng mga bunga ng kamatsile
Sa bubong. Sumandali’y
Napahuhugot ako sa hininga.
Nakagugunita ang katawan.

Tinigilan ko nang bagtingin
Ang mga platilyo sa altar.
Maláy na ako sa kailangang paghinga
Paglagapak ng mga sumasabog
Na buto. Napapaupo ako
Nang tuwid, napatatayo’t napasisilip
Sa bintana. Sabay na napapatayo’t
Napasisilip ang balisang isip,
Kapwang nahihimasmasan sa haginit
Ng tag-araw na, o Diyos ko,
Itulot nawang puksain ang salot.

Sa bakuran, nangagkalat ang luray
Na balát ng bunga, ng mga buto,
Sumamo sigurong sa lupa bumagsak
At hindi sa semento. Naroroon sila
Sa latág na lamig, walang katupdan
Ang lunggating maglungti, at kahit
Ang sangang bumitaw, sa labas,
Hubad sa dahon at alampay ang patay
Na baging. Walang kahangin-hangin.

Panunurot sa matigas kong bungo
Ang mga buto ng kamatsile.
Ayaw akong lubayan habang madalas
Kaulayaw itong mga bagabag,
Walang sawà sa paggambala ngayon.
Nakaprenda sa kanila ang hininga.
Kung maaari lámang sanang
Itulog ang lumo. May lilim
Ang silong ng panagimpan.

Kung magtatagal pa itong parusa,
Bakâ makagulat ang pagsibol
Sa bumbunan ng sasalpok na buto;
O kayâ sumabog ang laman,
Parang itong nangagkalat—wawalisi’t
Dadakutin sa aking paglabas.

Bagong Tula: Anunsiyasyon

Anunsiyasyon sa Cestelo ni Sandro Boticelli.

May arkanghel na nagbalitang
Sa palagay daw ng ilan, hindi raw
Umaangat sa matulain
Ang bago sanang aklat ng tula.
Kayâ madaling itaboy
Na parang manunuluyan, kahit
Humihilam pa ring kagampan
Ang talinghaga, kumakatok sa mga pinto,
Nagsusumamong payagan nang
Sumalampak, kahit sa anumang sabsaban,
Nang mailuwal ang dapat mailuwal.

Namanglaw ako sa totoo lámang,
Ngunit wari’y may liwanag na bumabâ.
Bakâ nga totoo ang balita.
Bakâ hindi na talaga ako makata.
Nilay kasi ako nang nilay,
Dasal nang dasal, sa dami ng
Ibig maunawan sa kung ano-anong
Kabulastugan ng maykapal, at madalas
Kahit panay ang aking simba,
Tikóm lámang siyang nakatanaw.
Patawad. Akala ko kasi’y
Ang mga iyon ang kailangan.

Sa bawat paghagilap ko sa Talinghaga
Ng mga Talinghaga, bakâ naupos
na nga ang salita ko, isang ispermang nahipan.
Sadyang mailap ang verbo.

Kayâ ayos na rin siguro
Ang rebistang natanggap. Iniisip ko,
Isa lámang itong matapat na bisita
Sa sulok ng malalalim na paghahanap,
Waring bumabating pagaspas
Sa miyural ni Boticelli, hinihipo
Ang bawat tangka—higit sa pagpapaliwanag,
Sa pag-unawa. Nagsasabi
Ng talagang dapat mabatid
Upang aking lalong makilatis ang ugnay ko
Sa pagsasakataga. May ibinibinhi ito
Sa sinapupunan ng paglikha
Na kung anong hindi ko alam.
Bahala na siya. Siya nawa.

Bagong Tula: Pasasalamat

Larawan ni Stanislav Kondratiev mula sa Pexels.com.

Hindi naman uso sa atin ang maghayin
Ng pabo mula sa hurno, subalit patapos

Na ang taon at may kung ano sa dapugan
Ng dibdib ang nagpapatala sa mga ito—

Ang pagkakasakit sa pagtuldok sa pangungusap,
makapagmartsa lámang sa pagtatapos.

Tatlong taóng pag-ibig na kinailangang
Palayain upang matagpuan ang inaapuhap.

Bagong aklat na inismiran sa timpalak.
Pagkasimot ng ipong dalangi’y kusang

Mabawi sa susunod na taon. Taas-
Babâ ang banghay na parang presyong

Inaagapayan ng tabletas, subalit sige
Lámang ang búhay sa pagtulak sa akin

Sa kung saan-saang lupalop, wari’y
Ruweda ng palad sa barahang natutuhang

Basahin, limiin, sapagkat wala akong
Kaalam-alam, sapagkat lalong naging

Mailap ang katiyakan. Gayunman, kaypalad
Pa ring hindi kanser ang ubo ni bunso.

Naglalakad na ang isang taón niyang panganay,
Nagkukunwang tumutugon sa tawag sa selpon

Habang aliw naming minamasdan sa bidyokol,
At noong isang buwan, sinasabayan pa akong

Hipan ang kandila sa keyk sa pagsalubong ko
Sa ikaapatnapu. Buháy pa ako, oo, nakatindig,

Yumayap, yumayapos sa mga pamangking kapiling,
Na para bang sila na lámang ang katahimikan

At daigdig, at nagbabalik sila ng yapos
At yakap, at marahang naghihilom ang galos

At sugat ng taóng ito. Umiikot na muli
Ang ruweda papaakyat, gaya ng nakatakda,

Ngunit walang kalinawan ang patutunghan.
Magkadaop ang aking palad sa nilay at dasal,

Humihiling ng higit na kapalaran, kundi man,
Karunungan kahit sa dulang na walang laman.

Bagong Tula: Isang Kasaysayang Pampanitikan

Larawan ni Luizclas mula sa Pexels.com.

Malaberinto ang mga panaginip nitong
Mga hulíng gabi, at napadako sa isang

Museong maringal na dati’y sinasadya-
Sadya. Nag-iikot lámang ako, at pagpihit

Sa hagdan, nakasalubong ang makatang
Marubdob, dáting mahal, ngunit nakaligta

Sa paninindigan. Ina ko siyang maituturing,
At napaputang ina siya nang mapabulalas

Ako ng baliw! At totoo palâng kakaripas
Ka sa minotawrong gálit. Nagtatakbo ako

Pababâ. Sinagitsitan ang mga kuwadro’t
Antigo. Nauulinig ko pa rin ang angil.

Balita ko nga’y gusto niya akong sampalin,
Pero sa mga sandaling iyon, wala akong

Balak ipagkaloob ang kahit anong pisngi.
Totoo palâ, nagbago na nga ang babae,

Kayâ, hala, sa pinto sa likod, lumabas ako,
At nakita ang puting toreng naisip kong

Akyatin para makatakas sa nagsasapiitang
Pintungan ng mga sining, kagandahan.

Sakâ naman biglang nakasalubong ko
Itong makatang malumay, kilala sa malikot

Na berso ng hiniwa’t madagtang kaymito,
Binati ako habang papunta raw sa klase,

May hawak na nakapising pulang lobo. Kahit
Nagmamadali [na mukhang hindi], itinuro

Ang akyatan sa tore. May kung anong sinag
Sa kaniyang noo, at napabigkas ako:

Salamat, sa aking pagtakas, natagpuan po
Ninyo ako. Nang aakyatin ko na ang poste,

Itinali ng maestra ang pisi ng lobo
Sa kaniyang leeg, at nagpalutang-lutang.

Namaalam. Sa pagdating ko sa ituktok,
Inasinta ko ang buwan sa animo’y pagaspas.

Bagong Tula: Isang Paalaala

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

The House committee on justice approved the bill that would lower the minimum age of criminal responsibility from 15 years old to 9 years old.—Rappler.com

Handang-handa táyong markahan
Ang mga musmos bílang kriminal
Matapos umindak at magdasal
Hawak ang ating mga Santo Niño.

Noong Linggo lámang iyon,
At pinagninilayan sa mga pulpito
Ang Pagkakahanap sa Batàng Hesus
Sa Templo. Umalingawngaw
Ang pagkamasunurin ng bugtong
Na anak, pati ang tahimik na lingid
Na búhay hanggang magkagulang.

Ngayon, heto táyong pinagtatalo-
Talo ng Maykapangyarihan, waring
Mga batà sa laro, di magkasundo
Kung dapat hayaang humimas
Ng rehas ang murang mga palad.

Nanginginig sa pagtutol ang ilan,
Itinala pa ang mga Kawatang
Nagtaas ng kamay sa pagpayag
Na ipakatay ang kabataan;
May nanaludtod namang wari’y ibig
Manimbang pa sa kamalian ng kamalian—
Batà ang nasasakdal? Ano naman?
Talagang ganoon. Ang niño’y di banal.

Madaling maligtaan sa lahat ng ito
Ang isinayaw na Mahal na Niño,
Maringal sa ating palad. Sa kaniyang palad,
Ang kaybigat-sa-salàng mundo,
Magsasakrus sa pagpasan balang araw.

Sa mga tulad niya ngayon,
Na minsang itinalinghaga sa sermon,
Ipapapasan ang angking paglabag
Ng mga tinimbang ngunit kulang.
Tutal, makapaghuhugas naman ng kamay.

Para kay Kora Dandan Albano at Aldrin Pentero

Bagong Tula: Dahas

Larawan ni Kat Jayne sa Pexels.

Pinupulutan sa mga huntahan
Ang húling video ng sapák-sipa
Ng sigà sa hayskul; nakamangha
Ang ganit habang ulit-ulit
Na ikinakalat sa balitaktakan
Ang dapat na tindig, tugon sa maugong
Na tanong sa pobreng lamog
Ang mukha paglabas ng kasilyas:
Dignidad o bugbog? Mamili ka.

At bigla’y sumisigid na muli sa sentido
Ang linya ni Forché, nagpapagunitang
Puso ang pinakamatigas na bahagi
Ng katawan; at ang kamay, kandungan
Ng banayad. Ngunit hindi sa sandali
Ng paninindak. Sakmal ng binatilyo
Ang lakas na humuhulas, at ngayon,
Dinuduro siya ng mga daliring salat
Ang gaspang ng salà’t nababalighuan
Na naganap ang gayong tagpuan.

Walang málay ang lahat, wari’y
Ang musmos, may kubling halimaw
Sa bawat pinipiling panig ng alingasngas.
Sa hulí, lahat ng kamay, may bahid-
Dugo’t walang makahuhugas, pagkat
Malaon nang nagpaubaya sa kaligkig
O kibit-balikat, sa panonood lámang
Halimbawa, sa mga tulad ng pobreng
Halos mabuwal, dignidad ang pinipili
At lulugo-lugong sumasahod ng tubig
Sa lababo upang maghilamos ng sugat.

Bagong Tula: Komyuters

“Komyuters” ni Cedrick Dela Paz, 3 x 6 piye, akrilika sa kambas.

—Matapos ni Cedrick Dela Paz

Mistula nga silang bangkay, inupo’t
Ikinahon ng arawang harurot-lungsod;

Ang dyipni’y lumilipad na karo
Ng halos abuhin nilang pag-iral.

Binabaybay nila ang nakalatag
Na karimlan ng usok at rusing, at iyon

Ang kanilang talambúhay—pagpápasá-
Pasahán ng kalansing hanggang maiabot

Sa limahid na palad ng tagapaghatid.
Kaway, panhik, upô, para, panaog—

Hindi sila tulad ng mga itinatawid
Tungo sa pampang ng paghimlay, pagkat

Palad nila ang yamot, siksikang talunton
Sa gayong mga estasyon ng búhay—

Panaog, para, upô, panhik, kaway.
Babatahin nila iyon gámit ang sining

Na natutuhan: pabayubay na pag-idlip
Sa pagbawi sa túlog na nailit ng maagang

Pagluwas, o sa lakas na maghapong laspag
Ng banát-buto. Saulado nila itong ruta

Ng pagtitiis, at ang bugtong na musmos,
Kandong ng hapông ina’t sumisipsip,

Sumisimot ng pawisang palamig, ay nahahasa
Na ng maagang inisyasyon sa trapiko

Ng mga pagkaluoy na pataw ng palad
Na mailuwal sa ganitong orden ng saklap.

Sa pagpanaw ng tibok sa lahat ng sakay,
Tuloy lámang sa takbo ang gasgas na gulong.

Napaparam na ang labíng init ng balót
Na balut sa basket sa paanan ng tindero.

Ang asong bitbit ng amo, piit ang listo
At pati angil, isa na lámang multo.

 

Pasasalamat kay David Jonathan Bayot.

Bagong Tula: Ang Estelista

Larawan ng Tookapic sa Pexels.com.

Makailang-ulit akong dumaan sa parlor.
Hindi ko siya mataunan—kundi nagsiyesta,
Talagang sa pagpasok ay lumiban.

Hinahanap-hanap man ang aruga ng pamilyar
Na kamay, ng pagtabas na kadesado
Ang ibig na gadgad, hati, at lugay, nagkakasya ako
Sa maaskad na barberya sa harapán.

Naaalaala ko tuloy noong kamay pa niya
Ang nagpapabula sa shampoo sa buhok.
Nang malámang isa akong guro,
Nagpaturo ng mga isasagot sa beaucon.
Handa na raw ang kaniyang gown;
Mga sagot na lámang ang kulang.

Heto naman akong nagsulat sa papel
Matapos ng pagsasahod ng ulo sa kanilang lababo.
Tambalan ng mga usapin at tugong maaari
Niyang isaulo—dapat isapuso—sa tradisyon
Ng mga rumarampang reyna. Iniabot sa kaniya
Habang pinuputungan ng wax at spraynet.

Bumalik ako matapos ng isang buwan
At sumalubong ang kinang ng buhok-bulawan—
Second runner-up, Sir. Maraming salamat.

Tuloy lámang ang aking pabisita sa parlor,
Tuloy lámang din ang pagrampa niya sa beaucon.
Hanggang dumalang na nga dahil
Hindi ko siya mapagkikita. Sa hulíng
Bakâ-sakali, balitang pumanaw na ang loka.

Gulát ako—ngunit mangha sa kaloob na naratibo
Ng kaniyang mga paglalaho: ang sapalaran
At pag-iisa sa Maynila, ang iniindang sakít
Sa sikmura na tuluyang gumupo nang umuwi
Sa Iloilo. Sinikap pa niyang bumalik
Sa parlor pero heto na lámang ang nasumpungan—

Pagkakilalang halos limang taóng inupuan
Sa pamilyar ding silyang pinagpapagupitan
(Kung saan niya ako madalas iluklok),
Lubhang sansaglit, napapamagitanan ng
Singasing ng gunting, sauladong sagot sa beaucon,
At pangangarap para sa mga koronasyon.

Bagong Tula: Isang Tangkang Paglalagom sa Paggulang

Larawan ni Kaique Rocha mula sa Pexels.

May babala’t pangako ang taóng ito.
Sa hula ng almanake, mungkahi
Ang mangubli, ang maghunos-dili.
Makabubuting pakalmahin ang Unggoy
Sa kaibuturan [ang senyal ng aking taon],
Pigilin muna itong lumambi-lambitin
Sa mga sanga-sanga ng sapalaran.

Parang nagpapaalaala noon na dahan-
Dahanin ang lahat sa kabila ng kagyat
Na pangangailangang tapusin ang taon
Ding pagdadalubhsa’t pagsusunog ng kilay—
Na ganap na nagpahimpil sa aking búhay—
At iba pang alalahaning sige sa pagbuntot
Kahit pa iligaw, itaboy sa kung saan.

May babala ng karamdaman at biglang
Kailangang habúlin ang presyon, matapos
Ang deretsong tatlong buwang puyatan
Sa pagsulat. Patuloy ang tanggi ko
Sa di maipagpapabukas na palad pagkat
Wala naman talaga akong nararamdaman.
Ngunit ang totoo, basag ang kaibuturan
Sa tuluyang paghabol ng gulang at simula
Ng paggagamot. Ang hírap tanggapin.

May babala rin hinggil sa mga inaasahan—
Kung ibig magtagumpay, huwag makampante’t
Magbuhos ng sikap [para namang hindi
Ko ginagawa]; Kaiingat din sa pakikisama;
Tandaang sa Taon ng Aso, nakikilatis
Ang katapatan ng iba—at ng sarili, lalo na.

At ang pangako? Sa kabila ng mga hámon,
Malayo ang mararating ng abang
Unggoy na ito. Walang makahahadlang
Sa pagpapalipat-lipat niya ng sanga,
Sa pagtanaw-tanaw sa orisonte ng maaari
Kahit walang-habas sa paglamon ang sukal.

At ano nga ang narating? Tuldok sa wakas
Ng apat na daang pahina? Magkabilang dulo
Ng mga isla ng Hong Kong sa lamig ng Enero?
Pamamaluktot sa kumot ng lubhang taas-presyo?
Luksa sa mga katotong nilimas ng pagyao?
Pananatiling humaharaya sa mesang ito?

Napakalabong pangako, kung tutuusin.
Nagpapakanang magpatitig, magpahiwatig,
Maaari, hinggil sa leksiyon ng pag-alalay,
Pamamahinga, pananahimik. Tuloy sa pagsasanga-
Sanga ang búhay. Kailangang magbagong-lakas
Upang sa muling lukso, matatag pa rin ang kapit.