Dasálin: Mga Berso’t Bersiyon ng Pakikipagtagpo sa Banal


Larawan ni Irina Anastasiu mula sa Pexels.

Matagal ko nang inilalathala sa website na ito ang seryeng “Dasálin,” na aking sinimulang ibahagi noong 2016 sa Facebook. Mag-iisang taon na rin akong wala sa Facebook, na pinagpasyahan kong unti-unting lisanin noong nakaraang Kuwaresma. Ang dami ring nangyari sa akin mula noon, masasaya at malulungkot, at tuluyan ko na ngang tinalikuran ang platapormang iyon para mamalagi sa Instagram, kung saan nagkaroon ako ng higit na disiplina sa pakikipagtalastasan sa social media dahil sa piktoryal at di-masatsat nitong katangian. Pagod na ako sa birtuwal na pakikipagtalo’t pakikipagtagisan.

Sa kabila nito, di ko kailanman nilisan ang proyektong Dasálin. Kapag nagkakaroon ng pagkakataon, binabalikan ko itong pagsasalin-salin o pagbebersiyon-bersiyon ng mga sulatín, tula, talata, atbp. na maituturing ngang “pakikipagtagpo sa banal.” Heto ako ngayong tinitipon ang mga ito sa isang pahina rito, upang madaling tunghan ng mga mambabása. Muli, panahon din ngayon ng Kuwaresma.

Personal ang dahilan ng Dasálin, higit sa pagiging proyektong pampagsasalin talaga. Noong ngang 2016, sa kalagitnaan ng aking pagkalito hinggil sa kung papaano tatapusin ang disertasyon ko, isang napakadilim na sandali sa aking búhay at matinding panahon ng pagdududa sa aking kakayahan bílang manunulat at iskolar, biglang pumanaw dahil sa atake sa puso ang pinakamamahal kong kaibigan na si Tony [“Teacher Tony” sa aming mga nagmamahal sa kaniya, katrabaho, at mag-aaral].

Palihbasa’y palagian na rin akong inaatake ng matinding acid reflux na sinasamahan pa ng anxiety attack dahil sa disertasyong hindi matapos-tapos, hindi ko nagawang makipaglamay, makiramay sa kaniyang pamilya. Sa unang gabi ng kaniyang lamay, sinamahan ako ng aking nanay upang bisitahin siya sa punerarya. Ni hindi ako nakatagal nang 10 minuto’t kinailangan naming umuwi. Nginig ang buong pagkatao ko. Hindi ako makaiyak at hindi makapaniwala na naroroon na nga siyang nakalagak sa kabaong. Lahat, sa isang iglap, nagwakas.

Dinala ko sa dibdib ko sa matagal na panahon ang parang kasalanan na iyon, kahit pa sa tingin ko, naiintindihan naman ito ng maintindihing si Tony mismo. Kasi, minsang magkasama kami sa isang mall, sa gitna ng aking mga kaabalahan at stress, nagkaroon ako ng mabagsik na meltdown at acid reflux. Galít na galít ako, hilong-hilo, sinisikmura. Sinamahan niya lámang ako, pinakinggan, gaya ng lagi niyang ginagawa bílang napakabuting kaibigan. Ito ay bago ang panahong napilitan akong magpakonsulta sa isang cardiologist at kalauna’y patawang kailangan nang lumaklak ng maintenance.

Naroroon siya sa maraming pagkakataon na kinailangan ko siya. Pero ako, sa hulíng linggo niya bago ihatid sa hulíng hantungan, ni hindi na nakabalik sa kaniyang lamayan, kinakabog at parang sinisipa ang tiyan. Lubhang takót sa búhay. Hindi ko rin mapatawad ang sarili ko na hindi ko nagawang makiramay nang mabuti sa kaniyang pamilya. Hanggang ngayon ay tinatablan pa rin ako ng hiya kapag iniimbitahan ng kaniyang kapatid o nanay sa mga pagdiriwang ng kaarawan o pag-alaala sa kaniya.

Ewan ba kung bakit pero noong mga panahong iyon ng pagsasariling-luksa ko, bigla akong nagbuklat ng ilang aklat ng mga dasal at naudyukang magbersiyon o magsalin. Ang batid ko lámang, kailangang kong makipag-usap sa Diyos, lalo sa mga gabíng hindi ako dinadalaw ng antok at parang masisiraan na ng bait. Iyon din ay mga panahong marahan kong binabalikan ang aking Zen practice nang arawang pag-upo’t pagninilay.

Sa pagbebersiyon-bersiyon at pagsasalin-salin ko nga unti-unting narinig muli ang tinig ng Diyos sa mga kataga at talinghaga ng mga santo, ng matatandang panitikan at sulatín, ng mga lumagi sa sangha at klawastro, ng mga makata, pantas at babaylan, ng kung sino-sino mula sa iba’t ibang espirituwal na tradisyon. Unti-unti ko ring naintindihan ang aking dilim, ang nangyayari noong pagtawid, paglagpas ko sa hanggahan ng aking kakayahan. Sa pagbebersiyon at pagsasalin ng mga nahagilap ko mula sa kung saan-saang aklat at babasahin, naisalin ko sa sariling dila ang mga dasal na nagsakataga, unti-unti, sa mga hindi ko masabi o mailarawan.

Ang Dasálin ay proyektong balak ko talagang ialay kay Tony sakaling maging aklat. Matagal pa iyon, dahil sa tingin ko, hindi pa tapos ang pagdadasálin. Marami pa akong materyal na ibig isama. Ibig ko pang gawin itong mas masaklaw at kung maaari, pandaigdigan. Marami rin akong bagong materyal na nakaharap sa tuluyan kong pagyakap sa “búhay-mistikal” na matatawag at pormal na pag-aaral ng Reiki healing kamakailan.

Ngunit naririto táyong nahaharap sa isang nakasisindak na sitwasyon na kailangang kumapit sa pananampalataya. Habang isinusulat ko ang panimulang ito, kasalukuyang nasa enhanced community quarantine ang buong Filipinas dala ng mithiing supilin ang lalong pagkalat ng pandaigdigang pandemikong Coronavirus Disease (Covid-19). Ipinatitigil ang búhay sa buong bansa nang isang buong buwan, habang ang mundo, nangangaligkig din sa pag-aabang sa ikalulunas ng sakít na nagsimula sa Wuhan, China, at naglimas na ng libong búhay, karamihan ay matanda.

Makapal ang hangin ng tákot, lalo pa’t hindi naman lahat sa bansa ay may kakayahang mabuhay nang pansamantalang hindi lumalabas ng bahay, nang hindi naghahanapbuhay. Ang sabi ng manikurista ng nanay ko, bakâ sa gútom pa sila mamatay, sa halip na sa sakít. Tigib din ng kalituhan ang mamamayan sa kung papaanong aaksiyonan ang lahat ng pamahalaan. Ipinagbabawal lámang ang paglabas-labas. Dahil dito, naisip kong panahon nang pagsama-samahin ang Dasálin sa isang paskil sa website na ito, bigyan ng paunang salita, at ipabása sa madlang harinawa’y makatagpo ng ikagiginhawa mula sa mga ito. Matagal ko na itong iniisip gawin, ngunit mukhang sadyang ipinagpaliban upang maging gawain ko ngayon.

Sa panahong ito ng karimlan at kawalang-katiyakan, may pakiramdam akong higit na nagiging madalas ang pag-iisip ng marami tungkol sa búkas [o kung may búkas pa nga], sa pagkakasakit at kamatayan, sa kung papaanong magpapatúloy matapos ng lahat. Maraming tanong, kakarampot ang sagot. Sa kabila nito, at ang totoo, sa mga pagkakataong ganito talaga natututo ang madla na, kung baga, mamuhay nang nakaapak sa kasalukuyan, at sa kasalukuyan lámang. Sapat na muna ang araw-araw ngayon, habang nakahimpil ang kasaysayan at paralisado ang sandaigdigan. Totoo ito ngayon, ang ngayon, higit kailanman.

Ngayon ko mas naiintindihan ang sinasabi sa akin ni Tony noon na pamumuhay sa ngayon at pagtanggap sa kung ano ang handog ng ngayon. Si Tony, sa tingin ko, ang isa, o siya ngang nag-iisang kilala ko na nakapamuhay sa ngayon nang may buong pagyakap at pagtanggap dito. Madalas na kalmado si Tony; Zen, wika nga, kahit ako pa nga yaong nagkumahog at pormal na nag-aaral ng Zen pero madalas namang nadadala ng sariling damdamin at alalahanin. Hiyang-hiya talaga ang Zen ko sa Zen ni Tony.

Nang pumanaw si Tony, lalo ko ring naintindihan kung gaano talaga kaikli ang búhay. Kung bakit ito dapat pahalagahan. Palagay ko, naintindihan niya talaga iyon sa minsang masaklap na aksidente sa sasakyan. Mula nang mabigyan ng ikalawang búhay, tiniyak niyang masusulit at masusulit ang bawat sandali at karanasan. Tingin ko, iilan-ilan lámang ang kaniyang panghihinayang. Maaari kayâng lumisan sa daigdig sa gayong paraan? Papaano ba ang maging tulad mo, Tony? Talagang nakamamangha pa rin ang matalik kong kaibigan.

Hanggang ngayon, kahit sa gunita, ang dami pa ring itinuturo sa akin ni Tony. At ang dami ko pa ring kailangang matutuhan mula sa kaniyang halimbawa. Biyaya niya sa búhay ko ang talik at init ng pagkakaibigang mahigit 10 taon. Ang awtentisidad, ang pagpapakatotoo, ang katapangan. At nagpapatúloy na biyaya ang pagkakaibigang iyon habang binabása ko ang mga bersiyon at sáling kasalukuyang bumubuo sa Dasálin.

Sa Babása, nawa’y maisalin din ng mga dasálin dito sa inyong dila ang mga hindi mailarawan o masabi, lalo sa panahong ito ng krisis at sapilitang paghimpil at pananahimik. Sa kabila ng karimlang unti-unting lumalambong at pumapatay sa ating pag-asa, manatili nawang pasasalamat ang mamutawi sa ating mga labì habang binibigkas natin mula sa mga dasálin ang mga lingid na papuri. Nawa’y makatighaw ito sa ating kasalukuyang kagutuman o kauhawan. Makatagpo rin sana kayó rito ng kagalingan, sa gayong nakahanap ako ng ikagagaling sa pagsulat ng mga ito.

Nilalaman

1. Panalangin ni San Agustin
2. Panalangin ni Thomas Merton
3. Mula sa Upanishad
4. Panalangin ni Teilhard de Chardin, SJ
5. Tatlo mula kay Pedro Arrupe, SJ
6. Ang Awit ng Zazen ni Hakuin Zenji
7. Desiderata ni Max Ehrmann
8. Awit para sa Lakas-loob mula sa mga Papago
9. Francisco Arcellana
10. Meister Eckhart
11. Antoine de Saint-Exupery
12. Antoine de Saint-Exupery
13. Dekalogong Pang-araw-araw ni Pope John XXIII
14. Kumpisal ni San Agustin
15. Ang Sermon Hinggil sa Paglalagablab mula sa Mahā-Vagga
16. Emily Dickinson
17. Kantikulo ng mga Nilalang ni San Francisco de Asis
18. Mula sa Kabbalah
19. San Francisco de Sales
20. Ilang Koan
21. Santo Tomas de Aquino
22. Dasal sa Araw at Buwan mulang Ojibwa
23. Thich Nhat Hanh
24. Santa Thérèse ng Lisieux
25. Awit ng Habihang-Langit mula sa mga Tewa
26. Ranier Maria Rilke
27. Martin Luther
28. Czeslaw Miłosz
29. Mula sa Tao Te Ching
30. Padre Pio ng Pietrelcina
31. Jellaludin Rumi
32. Wisława Szymborska
33. Ang Heart Sutra o ang Puso ng Ganap na Karunungan
34. Naomi Shihab Nye
35. Wendell Berry
36. Luís Espinal Camps
37. Awit ng mga Distiyerong Salvadoran sa mga Distiyerong Guatemalan
38. Dorothy Sayers
39. Derek Walcott
40. Panalangin kay San Jose bílang Proteksiyon mula sa Pandemyang Covid-19
41. Oriah Mountain Dreamer

Pindutin ang link na ito upang mabása ang kabuuang Dasálin. Ipinagpapauna na hindi sunod-sunod ang pagkakapaskil. Ang bílang ay tanda lámang ng orden ng pagkakabersiyon/salin, at hindi ng pagkakapaskil.

%d bloggers like this: