Dasálin 2: Panalangin ni Thomas Merton

n-thomas-merton-628x314
Larawan mula sa Huffington Post.com.

Panginoon kong Diyos,
Hindi ko alam kung saan ako patutungo.
Walang mga muhong gumagabay sa landas.
Walang katiyakan ang aking tinatahak,
Sa gayong wala rin akong kabatiran sa sarili,
At itong dangal ng pagsunod sa iyong loob,
Bakâ isa lámang malaking pagpapaimbabaw.
Bagaman sa ganang akin, ang mithiín
Ang pagkalugod mo’y tunay na nakalulugod
Sa iyo. Umaasa ako na may gayong lunggati
Sa lahat ng gawain ko. Nawa’y di ako kumilos
Nang lihis sa násang ito. Batid ko
Na kung tutupad ako, mayayakag ako
Sa tamang landas, kahit wala akong kaalam-
Alam doon. Kayâ magtitiwala sa iyo kahit madalas
Na ligáw at nalalambungan ng pagkaparam.
Hindi ako masisindak, sapagkat lagi kang
Makakaramay, at di ako maiiwang humaharap
Sa mga sinasariling panganib.

Advertisements

Dasálin 1: Panalangin ni San Agustin

Larawan mula sa Catholic Company.com.

Panginoon ng aming búhay,

May mga araw na ginugurlisan ng aming pasanin
Ang mga balikat at talagang kaybigat-bigat–

Kapag ang landas ay nakapapagal at walang-wakas,
Ang kalangita’y kulimlim at nagbabadya;

Kapag walang himig ang aming búhay, mga puso’y
Lumbay, at mga kaluluwa’y pinanawan ng pananalig.

Pahagkan mo sa liwanag ang landas, pukawin
Ang mga matang bumaling sa kung saan tigib

Ng taginting ang mga ulap. Ipaulinig sa puso
Ang awit ng katapangan, handugan ng kaisahan

Sa mga bayani at banal ng bawat panahon.
Pahayuhin ang aming mga diwa upang mayakag

Ang mga kaluluwa ng tanan na sumámang
Maglakbay sa landas ng búhay para sa iyong

Dangal at luwalhati.

Bagong Tula: Santa Misa

reflection of clouds on body of water
Photo by Johannes Plenio on Pexels.com

Ebanghelyo ngayong hápon
Ang paglakad ni Kristo sa tubig
At paglubog ni Pedro,
Ay parang may kung anong
Dumadaluyong sa dibib,
Ibig humampas, gumiba,
Násang manalasa’t rumagasa
Sa paglunod sa bawat nakatindig.

Nagsasamuog ang mga alon,
May pakanâng lupigin ang lahat,
Nang biglang madama ang dalisay
Na dantay ng baták na talampakan,
Kusang sinasalo ang hakbang
Ng nakakikilalang rabaw.

Waring walang kaalam-alam
Ang naglalandas sa dibdib
Kung gaanong laksang uli-uli
Ang balak kong pag-alimpuyuhin.

Ako paláng maydibdib
Ang talagang walang kaalam-alam.
Sa pagtawid ng bigkas sa salamat
Sa Diyos, wari’y himalang naiabot
Sa sariling lunod ang aking kamay.
Ako’y napaahon—hindi sa pagliligtas.

Sa aking harapán, ang sabay-sabay
Na pagsisiupuan ng tao, animo’y
Along hahalik sa banal na pampang.

Agosto 7, 2018

Bagong Tula: Ang Lumbay ng Mayo

Larawan ni Rahul Singh mula sa Pexels.

Para kay Cirilo F. Bautista

May lumbay ang Mayo na ito—
Naglilimas, unti-unti, ng búhay
Upang igiit yata ang likás
Na panglaw ng mabuhay.
Ano pa ba’ng dapat pang
Matututuhan bukod dito?

Sa malayò, ang tila pagsinghap-
Singhap pa ng mahal na Lola,
Habang hinihintay na tuluyang
Malagot ang hininga—parang di
Mapatid-patid, sa pakikinig
Ko sa telepono, kahit wala nang
Dapat hintayin pa, halimbawa,
Ang pagbabalik ng supling
Na malaong nagpaka-alibugha.

Sa malápit, dito, ang pagtaas-
Pagbabâ ng dibdib ng mahal na guro,
Marubdob, walang pagsuko,
Habol-habol ang hininga, waring
Tinig sa kaniyang mga epikong
Umawit, nagsalaysay hinggil
Sa bigat ng búhay sa kapuluang ito
Na hindi na yata makababangon,
Tulad niyang piit ngayon ng sala-
Salabid na mga kable’t tubo.

May mga paglisang sumasagitsit
At inuulila kang gitla’t
Tinutugis ng pananangis.

May mga walang pagmamadali,
Wari’y ibig kang paupuin,
Patahanin sandali, sa isang sulok,
Upang, tulad ng mga mongheng
Hanap ay kaliwanagan, matamang
Pagbulayin itong bangkay
Ng paglayông palad na tunguhan.

Walang kaloob na kapalagayan
Ang pagninilay kundi sukdol-sindak
Sa alam na hindi talaga alam.

Mabuti’t mapang-alo ang banayad
Na pagtangan sa aking kamay—
Pasasalamat sa pagdamay
Sa pagtatanod niya sa ospital—
Ng masiyahing maybahay ng guro,
Handa nang maglambong ng luksa.

“Malungkot talaga ang búhay, ano?,”
Mahinahong tanong niya—wari’y
Sandaling pagsasatinig
Ng pagkamapagbiro ng guro
Na nagturo ng parikala’t talinghaga.

May ningning sa kaniyang mga mata.

Mayo 5, 2018

Lessons from a ‘Fantaserye’ Controversy

29391622_10156203540794183_1873919537_o

Published in Philippines Graphic Magazine, Vol. 28, No. 44, March 26, 2018

Three weeks ago, ABS-CBN released promotional campaigns for its newest “fantaserye” [fantasy soap opera/series] Bagani, a speculative, coming-of-age story of a male protagonist, utilizing the indigenous term which means, all at the same time, heroism, courage, and moral or spiritual distinction bestowed upon an exemplary individual by a community. Parties took offense on the use of the word. They criticized the show for its cultural misappropriation, and the network for its ruthless economic drive, at the expense of indigenous peoples (IP), especially communities coming from the South, which to the present suffer from—and persist despite—systemic violence and historical marginalization, and from which the word reportedly originated.

With no less than former IP congressional representative turned commissioner Ronald Adamat of the Commission on Higher Education (CHED) and the National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) joining the fray to clamor for cultural criticality and sensitivity, the brouhaha steered spirited discussions in the already polarized world of social media. Most notable is the fiery statement penned by Higaonon novelist Telesforo Sungkit Jr., whose extensive Facebook update detailed the reasons why the series was a case of misappropriation, by virtue of native culture and even by law. It was circulated at least 150 times, and became an interesting conversation piece alongside the defense by poet Jerry Gracio, who also happens to write teleseryes; and the series of status updates by novelist Edgar Samar, who used the word “bagani” in his highly-acclaimed speculative young adult novel series Janus Sílang. 

I wrote my own take on the issue on Facebook, and in the main, focused on three important points which are part of my concerns as a researcher of the teleserye, a permutation of which is the “fantaserye.” While I definitely agree that the television industry must ensure that it does not participate in furthering the injustice against IPs, I wish to further expound on the said points with hope that they provide a view of the bigger picture.

On realism

The heroes of Bagani. Photo from Spot.ph.

This Bagani episode is an illustration of Philippine culture’s preference for the realistic, for verisimilitude, and for that literary principle long thought to be thrown out of the window by critical theory—literature as mirror of reality. We may fault José Rizal for leaving paragonal novels that intended to faithfully expose the abuses and excesses of the Spanish colonial regime in the Philippines. The critic Caroline Hau, in her germinal study of Philippine novels, observed that novel writing in the country tends to be haunted by history, and that it had become necessary for Philippine fiction in general to represent the realities of time.

The complaint lodged against the fantaserye, denouncing it for not being faithful to the cultural origins of the concept of “bagani” is a symptom of this. While the serye, in reality, has not claimed to be historical, and is in fact, fantasy, critics decided to take from news sources the word of the series’ main actors—most unreliable to speak about the serye—that the project was to mirror Philippine culture.

The criticism is valid, but must also be re-examined, especially if we consider the prevailing attitude to other forms of literary representation currently being explored not only by our fictionists but also by writers involved in teleserye production [and most times, they are the same people]. The serye’s incident is instructive not only because it reiterates literature’s being a mere artifice of language and a frame [among many frames] of reality, but also reminds of the pleasures we derive from fiction—whether it be “literary” or “popular.” The so-called non-realistic literary modes popularized by science fiction, fantasy, and magic realism must also be accepted as believable frames and equally thrilling.

In fiction, we also suspend our disbelief and submit to the rules and logic of the narrative—an interesting illusion. Part of it is also the need to be mindful—at least in our preliminary approach—of the basic difference between fiction and fact. Fiction is composition and fabrication that may make us look at truth and reality more sharply and discerningly. Reminding ourselves of fiction’s compositionality is key in avoiding what I want to call the fallacy of narrative conflation, as committed by Adamat: “I cannot tolerate the public showing of the said teleserye as long as ABS-CBN would not revise the format and concept in order to render “Bagani” to become as educational as it can be, and make the same as historically-accurate and culturally-correct presentation of what the real “Bagani” is from an IP perspective.” Approaches vary depending on the narrative ploy, and narratives must be considered according to their logic. Adamat’s position is simply a naive imposition.

Failure of Philippine education

What is this falling for the fallacy of narrative conflation after all but a symptom of the systemic failure of Philippine education? We must admit that miseducation in general, and in literature in particular, made some who participated in the discussion, conflate as well, the indignities experienced by IPs with that of the fiction and world-making of the fantaserye. I accept the problems and politics of representation as tenable concerns. As Filipinos believing in the dignity of the person, we must all rally against all forms of injustice. However, our miseducation in literature not only led some of us to think that there is but a limited set of looking at reality; it also instigated the presumption that literature only works around a limited set of functions and fixed meaning systems as well—a total contradiction to what it is, an endeavor of the imagination.

This failed literary education persuaded many to believe that literature is merely a mirror of values from which we must reflect on our lives and realities. The quotation from Adamat clearly shows this. In this position, narrative relevance is anchored on lessons or morals a story can impart, as the text may also be easily dismissed in favor of harried and oftentimes fervid reception. A trailer, some posters, and interviews of actors seem to be enough materials to approach and pass value judgment on a text, even if it is yet to air—an injustice in itself. This persuasion is deplorable.

Meanwhile, about fixing meaning systems: while it is imperative that we press any party engaging indigenous cultures to afford informants utmost reverence and nuance, I also urge a review of how we mean—and how we make meaning—in our archipelagic context. The data retrieved from dictionaries and studies from other Philippine languages by participants in the discussion showing “bagani” as shared culture are proof that exclusively marking the boundaries of the indigenous may be regressive at this point, considering the unfinished project of nation-building and the perils of globalization. Simply put, we cannot afford to insulate in this day and age.

Sungkit’s response points to this, as well as the emotional stand by the NCIP. However, the said problematic appropriation by the serye must also be seen as an opening to dialogue—to bridge the present and the past; and also, mainstream and indigenous cultures. No matter how contrary to my position, Sungkit’s stand is, I believe, the most instructive among the lot. While emphasizing the need to protect indigenous culture from new and equally oppressive forms of “colonialism,” it also provided a window from which the issue must be framed. What we didn’t get in any classroom, the good novelist’s discussion provided in full. Warts and all, including the reactionary drivel from the ill-informed and professional trolls, the dialogue made up for our education’s many failures.

Looking down on popular culture

Another failure of literary education in the Philippines is the pervading contempt for popular culture, like teleseryes, which can never ever become literature. Appropriations of cultures into newer and more specultive literary forms may yield critique, but perhaps not as widescale as the one stirred by Bagani in social media. My instincts tell me that “literature”—its creative, written, and published form deemed for a more select, “academic” readership—draw little flak in cases of appropriation, as compared to its lowly opposite, popular texts; though of course, I am speculating. It is warranted though, as creative writers may find it fairly easy to raise their creative licenses, and insist that in the realm of the imagination, freedom of speech and artistic expression [informed by criticality and nuance, of course] is important. Part of this freedom is the freedom of material exploration, even of borrowed or foreign cultures. Why then can’t this be applicable to the teleserye?

I look at Bagani and can’t help but see the enduring public reception of popular texts like teleseryes as simply obtuse and only driven by an “economic imperative,” quoting the American soap opera historian and media critic Robert Allen. In my on-going study of the history of the televisual form, however, I saw as complex and engrossing, the soap opera’s beginnings as an imported radio product; its evolution in television according to political economy [audience behavior, market movements]; and its contribution in shaping Philippine culture. This compels me to carry on with my argument that it is a text worthy of critical attention. A comprehensive history may change people’s minds [that’s what I’m hoping to finish and do soon], but I am also managing expectations.

Years of theorizing, even in the West, were not able to completely dismantle the high art-low art dichotomy. Many still subscribe to the notion of “culture industries” as “mass deception” championed by Theodor Adorno, one of the founders of the Frankfurt School which pioneered the revaluation of popular culture using critical theory. In spite of this, I still consider this episode—an unprecedented one in televisual history—a testament to how popular culture persists as a site of struggle, dialogue, and positive change, as a whole gamut of texts that stimulate engagement. Popular culture remains to be a site of convergence despite public denigration.

The mere fact that it generated intense debate and writing underline its impact, which consequently encouraged renewed interest not only in the plight of IPs, but also in the politics of creativity and representation, as well as the burgeoning culture industry of the teleserye.

Undeniably, the “fantaserye” yielded dialogue that is as stimulating as the ones from current affairs—like the resolve to fight fake news, call out historical revisionism, and resist the creeping dictatorship. However, if it is to be believed that teleseryes are optimally allegorical, this series is subversively attempting to “narrate,” in its own mode, the story of the present. In its first episode, Bagani raised the question of honor among the lead characters composing the imagined community. What issues of honor [or the lack of it] need confronting nowadays? How does it relate to the IP issue? How is the serye symptomatic of the state of the nation?

The teleserye is polysemic, saying and meaning so many things all at the same time. We must therefore get out of television’s traditional box of idiocy and become its intelligent interpreters.

Ang Bagani, ang Liham ni Kom. Adamat, ang Pagkiling sa Realismo, at ang Patuloy na Mababang Tingin sa Kulturang Popular

Marami na ang nasabi at sinasabi pa sa pantaseryeng nakatakdang i-eyre búkas, ang Bagani. Sa social media, inakusahan ang palabas ng pagiging iresponsable dahil sa paggamit ng konsepto ng “bagani,” isang dalumat na katutubo, sampu ng iba pang punang mabubuod sa mga susing salitang tulad ng cultural misappropriation, bastardisasyon, kawalang-orihinalidad, atbp. Lalo pa itong lumalâ dahil sa maalab na pagtugon ng isa sa mga bida na sing-Filipino raw ng kaniyang pagka-Filipino ang produksiyon ng serye. Hindi umubra ang patunay niyang lubhang pagmamahal sa sinigang. Sa kabilâng banda, sa pananaw ng public relations, isa itong tagumpay na maituturing. Wala namang mabuti o masamâng publisidad. Nakalikha ng ingay ang palabas bago pa man umeyre. Mukhang magtatagumpay ito’t tatabo ng ratings.

Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng mga pumupuna, lalo sa panahong lubhang isinasantabi, at dinarahas pa nga, ang mga lumad. May pakiramdam ng ninakawan ang ilang sektor sa pagkakasalin ng konseptong “bagani,” sa isang panibagong kathang-daigdig na pinatatakbo ng kalakal at itinataguyod ng tangkilik at aliw. Noon at ngayon, nananatiling problema ang politika ng representasyon sa malawak na kulturang popular, at ang totoo, hindi na bago ang ganitong pamumuna. Kayâ sa simula, hindi ko na binalak magbigay ng dagdag na puna, kahit man pagtatanggol. Una, hindi pa naman umeeyre ang serye. Wala pa táyong dapat pag-usapan.

Ngunit para sa isang mag-aaral ng teleserye, isa itong sandali ng edukasyon, at nakita ko ang pangangailangang pataasin ang antas ng diskusyon. May isang interesanteng pamumunang lumitaw kahapon na sintomatiko sa maraming bagay na nagpapaliwanag hinggil—at muli at muling naglalantad—sa tingin natin hinggil sa teleserye, at sa kulturang popular sa pangkalahatan. Isa itong pagpapalagay na mababa, dahil wika ngang minsan ni Soledad S. Reyes, ang mga tulad nitong kulturang popular ay malaong kinikilala na “bakya, baduy, at basura.” Tinutukoy ko rito ang liham-reklamong may petsang Marso 2, 2018, na ipinadala ni Komisyoner Ronald L. Adamat ng Komisyon ng Mas Mataas na Edukasyon sa pangulo ng ABS-CBN na si Karlo Katigbak.

Bílang “leader and former member of the House of Representatives representing the Indigenous Peoples,” lumiham siya sa punò ng network upang humingi ng “immediate clarification and explanation…as to how and why the term “Bagani”…ended up being used in a teleserye that I suspect is devoid of real meaning and substance.” Mabigat ang kaniyang hinihiling sa network sa mga hulíng pangungusap ng liham: “Further, as CHED Commissioner, I cannot tolerate the public showing of the said teleserye as long as ABS-CBN would not revise the format and concept in order to render “Bagani” to become as educational as it can be, and make the same as historically-accurate and culturally-correct presentation of what the real “Bagani” is from the IP perspective.”

Matitindi ang paratang ng mabuting komisyoner. Talagang parang nakagawa ng isang malaking krimen ang mga prodyuser. Sabi pa niya: “It is not enough for writers and producers of movies and teleserye to come up with concepts, titles, and characters that would sell and create blockbusters yet carry with them half-truths and lies that destroy and negate the real essence of an IP terminology, as in the case of “Bagani,” and instead bring injustice to the 14 million IPs.” “Half-truth” at “lies” agad, wala pa mang seryeng sinusundan.

Mahalagang teksto ang liham na ito para sa akin sapagkat patunay ito ng dalawang bagay: (1) sa kabila ng pagkamalay sa sari-saring anyo ng pagsasalaysay na nailako ng global na panitikan at kulturang popular [tulad ng mga pamamaraang ispekulatibo at magic realism], nananatili táyong makiling sa realismo [at marahil, dahil na rin kay José Rizal, sa sosyorealismo] bílang pangunahing moda ng representasyon sa naratibo; at (2) dahil nga rito, at sa kabila ng patuloy na pagrubdob ng mga banggaan ng pananaw sa teorya, hindi pa rin natin mabaklas ang binubukbok nang halagahang mataas na sining/panitikan-mababang sining/panitikan.

Malinaw ang una sa mga katagang kasisipi natin, kayâ ang pinoporoblema ay ang pagkamakatotohanan ng serye, at ang sinasabi ko nga kaninang politika ng representasyon. Inaakusahan ang serye na nagpapawala ng “half-truth” at “lies” at wumawasak sa “real essence of an IP terminology.” Ito ay sa kabila ng katotohanang ang napanonood pa lámang naman ng marami ay ang trailer ng teleserye. Hindi ko alam kung papaanong agad na nahinuha ito ni Kom. Adamat. Ngunit kung pagbabatayan ang kaniyang teksto at konteksto ng mga usapin, isa lámang itong mainiping pamumuna. Susing salita ang salitang “suspect,” at kung magiging empiriko táyo ay hindi talaga makatatayo ang kaniyang argumento. Hindi naman lahat ng suspetsa ay napatutunayan.

Bagaman totoo, bílang “leader and former member of the House of Representatives representing the Indigenous Peoples,” may karapatan at tungkulin siyang igiit na ang “bagani” ay hindi lámang isang “bayani with magical powers,” gaya ng masagwang pagkakalarawan dito ng bida ng serye. Datapwa may hanggahan ang pagtuligsa, sa tingin ko, sapagkat hindi lámang naman ito usapin ng representasyon, kundi isyu rin ng pakikipagpingkian dito ng malikhaing interbensiyon sa panig ng mga prodyuser, na batay sa mga patikim ay mukhang wala naman talagang balak pasukin/ipasok ang representasyon ng katutubo sa palabas, kahit ang pagtatanghal ng isang mahiwagang drama “from the IP perspective.” Labag sa mga protokol ng pagbása ang labis na pagbása (overreading); mas lalong labag ang paglalapat ng pagbásang, sabi nga, wala sa teksto ang makapagpapatunay. Sa kasawiampalad, kaso talaga ito ng overreading at overreaction.

Ang paghahanap sa “truth” at pagpuna sa sinasabing “lies” ay talagang kakatwa at kapuna-puna, dahil nakaliligtaan yatang katha, fiction ang pinag-uusapan. Isang katha ang teleserye/pantaserye na umuubra ang hiwaga at haraya sang-ayon sa mga tunguhin nito bílang naratibo’t pagtatanghal. May sariling lohikang sinusunod ang katha, at totoo, maaaring sabayán o salaminin nito ang takbo ng tunay na búhay at daigdig. Subalit ang itinalagang lohika ng salaysay nito ang nagpapatotoo rito, at hindi ang pagiging matapat na repleksiyon sa katotohanan o realidad. Kayâ nga, totoo, may pagsisinungaling o “lies” din sa katha, lalo pa’t kung isasaalang-alang ang etimolohiya ng salita, na nagdadawit sa dalumat ng paglikha at pabrikasyon. Kailangan ding igiit ang malikhaing lisensiya, sa pagkakataong ito.

May mga “pagsisinungaling” na tinutupad ang pagkamalikhain upang mabuhay ang katha. At hindi ito pagsisinungaling sa ngalan ng karaniwang pagsisinungaling, tulad ng pagkakalat ng fake news ng administrasyong ito, o ng hinihinging “creative interpretation” ng mga alipores sa panig ng media sa tuwing magbibiro o magmumura ang mahal na poon. Sa likhang daigdig, halimbawa, inaasahang higit na magkakamalay ang mambabása—sa kaso ng pantaserye, ang manonood—sa mga katotohanan nasisiwalat hinggil sa kanilang búhay at mundong iniiralan. Hindi kayâ ito ang kinatakutan ni Kom. Adamat, kayâ niya sinusulatan ang ABS-CBN at hinihimok na baguhin ang palabas? Hindi kayâ tumigatig sa kaniya ang estropa ng pag-ibig, pagtatraydor, digmaan, at tagisan ng mabuti at masama na ipinatikim sa trailer, at naisip na bakâ sa sobrang mapagpahiwatig ng mga ito hinggil sa mga kasalukuyang sigalot-panlipunan ay makapagpasiklab ng totoong rebolusyonaryong pagkilos laban sa mga lilong nása kapangyarihan? Siyempre, anong panig ba ang laging nagwawagi sa hulí sa daigdig ng teleserye/pantaserye? Kung totoo ang tsismis hinggil sa Voltes Five noong araw, lumang tugtog na iyan, Kom. Adamat. Ginawa na iyan ni Marcos.

Totoong isang isyung dapat isaalang-alang ang pagkawala ng “real essence of an IP terminology,” lalo’t magulo’t magalaw ang panahon ngayon. Maaari itong tugunin ng ABS-CBN, kung nanaisin nito, hindi man sa Bagani, kundi sa iba nitong plataporma. Ngunit hindi rin naman katanggap-tanggap na ipilit ang nag-iisang pananaw at pagpapakahulugan sa mga bagay-bagay, lalo pa’t fluwido ang galaw ng mga kahulugan, kahit ng mga pagpapakahulugan sa mga halagahan at dalumat [at dahil nga sa pagkafluwidong ito’y ayaw kong tatakan ang mga galaw na nabanggit bílang mabuti o masamâ]. Ang nakikita ko lámang, nananatiling buháy ang dalumat na “bagani,” at maisasama pa rin ito sa kasalukuyang diskurso. Niyayakap ito ngayon ng kulturang popular, na sa tingin ko’y magtitiyak ng patuloy nitong pagiging gamitín sa larangan ng talastasan at pook ng imahinasyon. Mananatili itong buháy, may idinagdag mang bagong pakahulugan. Hindi ito kabawasan sa kahulugan, na sa isang banda ay hindi naman dapat ikahon lámang sa “IP’s meaning of it.” Hindi ganito ang sistema ng pagpapaunlad, pagpapayaman ng isang arkipelahikong kultura.

Sa usapin ng teleserye/pantaserye, lalong hindi rin katanggap-tanggap ang pagtatalaga lámang sa isang moda ng representasyon bílang katanggap-tanggap, bílang “educational,” bílang “historically-accurate,” lalo kung ang kuwento ay hindi naman nagbabandera ng isang makasaysayang pagsasalaysay. Maaari itong akusahang may bulagsang mitolohiya, kagaya ng minsang pabirong puna ni J.R.R. Tolkien sa kaniyang matalik na kaibigang si C. S. Lewis hinggil sa Chronicles of Narnia. Ngunit kung hindi naman ito “historical,” bakit maghahanap táyo ng katumpakang historiko? [May binabanggit si Kom. Adamat na “culturally-correct,” pero hindi ko tiyak kung ano ang ibig sabihin niya dito. Kayâ nagtuon na lámang ako ng pansin sa usapin ng pagkamakatotohanang historiko.] Bakâ namamali táyo ng inaabangang programa. Teleserye/pantaserye ito, hindi dokumentaryo. Ang may problema kung gayon ay ang nagbabasá/nanonood.

Patuloy kong binabása ang liham ni Kom. Adamat ay hindi ko maiwasang isipin na sintoma rin ng masasabing pagkalito niya ang malalâng lagay ng edukasyong sa Filipinas. Saan ka ba naman nakakita ng pamumunang ginagawa bago pa man maipalabas ang teleserye? Sapat na bang batayan ang trailer upang mahulaan ang “negative impact [nito] among Filipino viewers especially the young students”? Sapat na ba ang mga poster, press release, panayam, atbp., upang husgahan ang palabas bílang “devoid of real meaning and substance”? Puwede kayâ itong “distant reading,” yaong ipinakilalang lápit [o layòng] pampanitikan ni Franco Moretti? Hindi ko tiyak. Sa akin, reaksiyonaryong tugon lámang ito, isang malaking pagwawaldas ng letterhead ng ahensiya, bukod sa paghahambog lámang, batay sa himig ng liham, at sa talâan ng copy furnished nito.

Larawan din ito, unang-una ng masamâng uri ng edukasyong pampanitikang isinasalaksak sa lalamunan ng mga Filipino sa kasalukuyan—nakaasa sa mga sinopsis o pinagaang na bersiyon/salin ng akda; nagsisimula ang pagtalakay sa pagpapahalaga sa nararamdaman ng mag-aaral matapos magbása o sa aral na napulot dito; at gumagamit lámang sa panitikan bílang lunsaran ng mga gawaing pangwika tulad ng pasalu-salungguhit o pagbi-pagbilog sa mga pangngalan, pang-uri, pandiwa, atbp. Winawala, winawalang-hiya ang panitikan sa edukasyong pampanitikan. Wala ang teksto, kayâ sa kasong ito, kahit wala pa ang teksto [hindi pa ipinalalabas], kung ano-ano na ang sinasabi ng madla. Hindi naman kasi mahalaga, at pinahahalagahan ang makaharap ang teksto.

Ang edukasyong pampanitikang sa bansa ay walang pakialam sa panitikan bílang paksa ng aralín. Kayâ tuloy, mayroon táyong kaaawa-awang tulad ni Kom. Adamat, na kulang yata ang hinuha sa kaibhan ng dalumat ng karakter at ng aktor, gaya ng makikita sa bahaging ito ng kaniyang liham: “I would like to point out that in one of the interviews the main character of the teleserye was quoted to have said of “Bagani” as, “Para siyang bayani. It’s a story about how the Philippines, ‘di ba archipelagic tayo, how the Philippines was born. It’s about our culture.” He further added revealing more details about his character, “Superhero ako at ang pangalan ko po doon ay si Lakas.”

Samantalang makikitang may malîng hinuha ang bumidang aktor sa kabuuang konsepto ng kaniyang palabas [daldal kasi nang daldal], higit na kapuna-puna para sa akin ang paggamit mismo ni Kom. Adamat sa salitang “character,” na sa aking bása’y punô ng pagkalito sa kung sino ang kaniyang tinutukoy na nagsasalita. Simple lámang naman ito kung tutuusin: tauhan ang karakter, at ang aktor ang gumaganap sa karakter. Singlito niya, sa pagkakataong ito, ang gumaganap na Lakas na si Enrique Gil. Kasi naman, wala talaga ang “teksto” sa kaniyang diskusyon. Wala pa ito’t búkas pa lámang makahaharap.

Subalit ibig kong balikan ang sa ganang akin ay pinakamabibigat na binitawang salita ng mabuting komisyoner ng Komisyon ng Mataas na Edukasyon, na nagtataguyod nga sa kapakanan ng mga katutubo ay namamali naman ng pangangatwiran: devoid of real meaning and substance. 

Kung susundan natin ang minimithing lohika ng mabuting komisyoner, “devoid of real meaning and substance” ang palabas sapagkat sa kaniyang pahapyaw na panonood sa mga pasilip, (1) nililihis nito ang tunay na dalumat ng bagani, at (2) nakasasakit ito sa damdamin ng mga kasapi ng kulturang pinagmumulan ng dalumat. Subalit may hindi matawid si Kom Adamat sa pagitan ng kaniyang hatol at ng patunay. Sa pinakaubod kasi ng kaniyang pamumuna—bukod sa pagtuligsa niya sa “reimbensiyon” sa bagani na pinaniniwalaan niyang hindi makatotohanan o historiko “from the IP perspective”—tingin ko’y talagang mababa lámang ang tingin niya sa pantaserye at mga teleserye sa pangkabuuan. Kinakatawan niya rin ang intelihensiyang nagpapanatili sa halagahang mataas na sining/panitikan-mababang sining/panitikan, by default. Isang mabalintunang prehuwisyo para sa kaniyang nagbabandera ng kapakanan ng mga nása laylayan.  Kayâ nga marahil ibig niyang iparebisa at pakialaman ang “format at concept” nito, upang gawing itong “educational.” Kasi iyon ang tanging makapagliligtas dito, sa kaniyang palagay. Wari’y wala pa sa hinuha niya ang pagiging kultural na teksto nito, tigib ng ambiguwidad, polisemiko, at bukás sa maraming pagbása. Wala rin sa hinuha niyang napakalawak ng larang ng pag-aakda at posible ang maraming bagay, tulad ng mga muling paglikha sa mga bagani.

Ayos sa akin ang iadhika ang mga programang “educational” sa telebisyon, ngunit hindi ba naninikad ang ganitong pagliham at mistulang nagsesensura? Sa tingin ko, hindi nakikita ni Kom. Adamat ang implikasyon ng kaniyang mga pagliham. Sa hulí, ang mahihiwatigang lubha niyang pagkiling sa realismo, na pinarurubdob ng kaniyang ligáw na pagmamalasakit sa kinakatawang mga katutubo, ang nagpapalala sa pamumunang ito na dapat niyang ikahiya.

Larawan ito, hindi lámang ng kaniyang paninindak bílang opisyal ng pamahalaan kundi pati na rin ng kaniyang kakulangan sa kaalaman, na kitang-kita sa pagmamaliit niya sa anyo ng teleserye, partikular na sa pantaserye, na siyang anyo ng Bagani. Kasi nga, nakatuon lámang ang kaniyang pagpapahalaga sa nauunawaang “pagkamakatotohanan” ng katha. Hindi ko lámang tiyak kung para saan. Maaari’y talagang kaisa niya ang mga naunang pumuna’t nagsabing isa na naman itong pagkakataon ng walang-hiyang panghihiram at dekontekstwalisasyon ng mga ikonong pangkultura, na karapatan niyang punahin. Ngunit hindi lámang ito tungkol dito.

Sa mga taóng nakalipas, ulit-ulit na naigigiit sa akin ang katotohanang napakahirap talagang iwaksi ang natutuhang halagahan sa pagitan ng “matataas” at “mabababang” sining/panitikan. Sintindi nito ang bisa sa atin ng namanang pagpapahalaga sa realismo, at sa inaakala nating isahang korespondensiya (one-to-one correspondence) ng panitikan sa ating realidad—isang lisyang pagkakaunawa sa dalumat nito.

Paminsan-minsan, sarili ko mismo’y nahuhúli kong ulit-ulit na napalulukso sa bitag, kapag nakikita sa estante ng mga bookstore ang laksang instagram/social media poet na tinatangkilik ng maraming kabataan ngayong humaling sa panitikang hugot. Hindi nag-iisa si Kom. Adamat sa ganitong karamdamang burgis. Mababa ang tingin ng marami sa teleserye dahil sa maraming dahilan, tulad ng ulit-ulit na paggamit nito sa mga nakamihasnang moda ng romanse at melodrama; ng pagiging produkto nito ng telebiswal na kapital; at ng pagiging malaganap na “panitikan” ng masa. Subalit may mahihiwatigan din sa pagiging malaganap nito na hindi basta-basta mabubulatlat kung mananatili na lámang sa pagtanaw sa kulturang popular bílang “devoid of real meaning and substance,” hindi man ito napanood o nabása nang masinsinan. Kailangan ding bitiwan ang mga pagkukunwari natin, kung may time.

Ang Cultural Studies nga, tinalikdan din kalaunan ang hinuhang “mass deception” ng “culture industry” ni Theodor Adorno. May iba pang nakita sa mga popular na teksto, bukod sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga ito sa ideolohiya ng status quo. Tulad halimbawa ng sinasabing “subversive potential” at “opening the horizon of change” sa diskurso sa sining at kritika ng estetikang Marxista ni Herbert Marcuse; o ng “utopian” o “transcendent potential” na natuklasan ni Fredric Jameson sa ilang pelikulang sinuri niya.  Hindi na lámang sapat ang ismiran ang mga ito [sa kasong ito, sindakin] sapagkat hindi na lámang basta “isang sistema o produkto [ang mga ito] kundi isang masalimuot na proseso sa lipunan,” wika nga, muli, ni S. S. Reyes. Lubha kasing pang-araw-araw ang tekstong ito, ang teleserye, kayâ talagang parang hindi na kailangang titigan pa. Familiarity breeds contempt, wika nga.

[O bakâ kayâ nga siya sumusulat sa ABS-CBN ay nakita na niya ito? Maaari.]

Sa hulí, ang maalingasngas na kasong ito ng Bagani, na búkas pa lámang ipalalabas, ay talagang kakatwa, sapagkat naitulak ang di iilan na papag-isipang muli ang mga pananaw hinggil dito. Isa itong edukasyonal na sandali, na marahil ay mas matimbang kaysa sa hinihinging “educational” na bisa ni Kom. Adamat mula sa teleserye/pantaserye. Isang sandaling nagpapatunay, at muli at muling naglalantad, sa mga hindi natin mabitiwang paninindigan at pananaw sa daigdig, na gayumpaman ay kailangang usigin at usigin, lalo sa panahon ngayon ng ligalig, na hindi mabigyan-bigyan ng pamahalaang ito ng “immediate clarification and explanation,” subalit tinatanggap, nagagawang ma-tolerate ng mga nakaupo at nakikinabang, at ng mga tagasunod na nagbubulag-bulagan.

Sa Kinauukulan, Ilang Payo Hinggil sa Teleserye

Larawan mula sa FB ni Kapitana Gina Magtanggol

Para kay Jerry B. Grácio

I.

Tutal, desidido kayóng busalan ang mga pumupuna, lubos-lubusin ninyo na. Kasuhan ang mga gumagawa ng mga teleserye dahil parang ibig kayóng isahán araw-gabi. Nagkukuwento nga ng mga kagila-gilalas na sapalaran o pag-ibig na walang hanggan ay parang pinarurunggitan ang mga nangyayari sa kasalukuyang kahit anong orkestradong tanggi, tatwa, o pagtatakip ninyo’y kusang umaalingasaw. Parang mga bangkay na nangabubuwal sa gabi, may bálot ng masking teyp ang mukha at katawan, nasasabitan ng karatulang humahatol at nagbababala. Ipapanood ninyo sa mahal na pangulo si Lily Cruz tuwing hápon. Sa kaniyang daigdig, alay niya ang kaniyang búhay sa pagpapabagsak ng makapangyarihang politikal na pamilyang Ardiente na isinunod ang pangalan ng balwarteng bayan sa kanilang apelyido. Talagang kaytapang. Naaalaala ko tuloy ang kababaihang inyong sinusupil. Isa siyang masamâng damo, si Lily Cruz, kayâ mahirap mamatay. Pero sa ngayon, gulong ng palad niyang magapi ng mga Ardiente, iharap sa publiko bílang kontrabida, bugbog na parang Kristo, at may bintang ding pasabit sa kaniyang leeg. Kundi pa ninyo nalalaman, batas sa teleserye ang manatiling buháy ang bida. Makaaahon siya, tulad ng ginawa niyang pag-ahon sa hukay nang minsang ilibing nang buháy. Kayâ tagibang talaga ang timbangan sa panig na inyong kinabibilangan. Hinding-hindi nananalo ang mga tirano’t halang ang kaluluwa.

II.

Matagal na po akong nanonood ng teleserye, at kamakailan, sinubukan ko po itong pag-aralan. Ito ang ilan sa mga natuklasan kong bakâ kapulutan ninyo ng áral:

(1) Matagal nang humahango ang dramang de-serye sa mga pangyayaring panlipunan, at kagawian nito na papagsanibin ang mundo ng katha at ng manonood. Naaalaala ba ninyo ang mga drama sa radyo na kung bumabagyo ay sinasalanta rin ng unos ang mga tauhan? E ang mahabang-mahabang-mahabang pagdurusa nina Flordeluna at Anna Liza sa yugtong papabagsak na ang rehimen? Ang sabi ni Charo Santos Concio, ina ng teleserye, ang mga ito raw ay larawan ng “helpless mood of the times.” Ang kaso, bakâ di naman mahihiligin sa mga ito ang pangulo; bakâ masyadong nakakabakla ang mga ito para sa kaniya, at para sa inyo ring nagkukunwa-kunwarian. Sayang at bakâ hindi niya narinig man lámang ang kuwento ni Isabel, ang sugo ng birheng nagtatagalog nga ay makapal naman ang puntong Sinugbuanong Binisaya. Kababayan, ka-wika pa naman niya, at ng marami sa inyo ang dalagang iyong pinaghihimalaan ng Birheng Maria noong dekada 90 sa telebisyon. Ang áral lámang po siguro, para sa inyo, at sa dakilang lider, ay ito: materyal ng teleserye ang araw-araw. At, madalas, isinisingit ng mga prodyuser ang mga iniiwasang pag-usapan. Sadya o hindi, walang makatitiyak. Maaari lámang táyong magmunakala. Mahirap ding mabatid ang kanilang dahilan. Papaano na lámang kung itatakda na ninyo ang mga katanggap-tanggap na itanghal, gámit ang praseng “responsableng pamamahayag” na pílit isinisingit ng inyong mga alipores sa Kongreso sa Talâan ng mga Karapatan? Mailulusot po ang maraming ikinukubli sa teleserye nang hindi ninyo nalalaman! Marami pa naman sa inyo ang mapupurol ang utak. Bakâ hindi po ninyo agad magagap. Mabababaw pa naman ang iyong kaligayahan.

(2) Gaya ng nasabi, araw-araw na danas nga po ang teleserye, kahit patuloy na pinandidirihan ng mga edukadong lihim namang sumusubaybay. Dahil nga isa itong danas ng araw-araw, nakatutulong ito sa pagbalangkas ng mga pananaw-daigdig sa pangmalawakan, at ng mga personal na pananaw sa aspektong pang-indibidwal. Sa maikling salita, hindi lámang aliw ang inihahatid nito kundi paraan ng pagtingin at pag-unawa sa búhay. Halimbawa, napakalinaw pa naman ng kaibhan ng mabuti’t masamâ sa teleserye. Dalá iyan ng mga elemento ng melodrama, na nauunawaang lubos ng inyong mahal na poon nang bansagan niyang “drama” ang mala-Pietang eksena sa diyaryo ng isang babaeng kalong ang kaniyang asawang sinasabing “nanlaban.” Sa usaping moral, etika ang pinahahalagahan ng drama kung saan mahalaga ang dangal, bait, at katwiran. At, lalo na, katarungan. Sa pagitan ng mga bidang kontrabidang sina Amor Powers at Madame Claudia Buenavista, malinaw kung sino ang dapat panigan. Paulit-ulit iyang igigiit, tulad ng sinasabing mga gasgas na estropa ng mga de-seryeng drama; magsawa ka man, hindi ka lulubayan hangga’t hindi nagbabago ang kalakarang panlipunan. Pakibulong ho sa punòng ubod-dunong, mahirap kalabanin ang ganitong arawan at paulit-ulit na kalakaran ng salaysayan. Laging nakaabang ang matulaing hustisya. Babalikan at babalikan ng pagkakataon ang lahat ng nagkasala. Kahit pabahain ninyo ang pera upang lumaganap ang pagkamangmang sa pamamagitan ng huwad na balita sa social media, mananatiling magandang balita pa rin ang pananaig ng kabutihan sa telebisyon, mulang bayan ng Bagong Pag-asa sa May Búkas Pa ni Santino, hanggang sa mariringal na kaharian ng Encantadia. Araw-araw mang pagpasanin ng hírap ang mga tao, mananalig pa rin ang mga ito na walang walang hanggan. Matatapos din ang lahat, pati na ang mga kahangalan ng tunay na búhay. Iyan ang ebanghelyo ng teleserye.

(3) Kayâ mahirap iasa sa pagkakataon ang lahat. Kailangang makasiguro. Lalo pa’t bukod sa pagiging pang-araw-araw, isang malaganap na anyong pangkultura ang teleserye. May mga teleserye sa umaga, sa tanghali, at sa gabi. May teleserye rin online at offline. Isa na itong ganap na industriyang pangkultura na nagsisilbi sa laksang para sa ilang palaisip ay mga bulag na tagasunod ng pagkonsumo. Totoo naman, lalo’t kung tutunghan ang mas mahaba pang oras ng mga patalastas kaysa sa mga kuwento. Subalit may ahensiya ang manonood, at may birtud din naman ang teleserye na maaaring mag-udyok ng pagkilos tungo sa mga makatwira’t makatarungang adhikain. Kahit sa di-tuwirang paraan. Halimbawa na, ang pagsanayan ang pinakamalalalim at kolektibong luksa upang sa hulí’y maglungsad ng karampatang aksiyon, tulad nang pumanaw ang bidang si Julie Vega at hindi na nagawang tapusin ang kaniyang serye dahil sa pagkakasakit. Sinundan siya ng mga tao hanggang libing. Dalawang taon bago niyon, lumabas ang libo upang ihatid ang pinaslang na bayaning senador na arkinemesis ng butihing diktador na idolo ng inyong amo. 10 segundo lámang ang naibigay ditong airtime ng balitaan, sa tákot sa tirano. Ilang buwan matapos mailibing si Vega, lumabas na muli ang mga tao sa kalye upang isigaw ang tama na, sobra na, palitán na, at napadpad nga ng Hawai’i ang butihing idolong diktador ng inyong amo. Hindi ba parang nagsasanay nga ang mga tao noong mga panahong iyon upang sama-samang magluksa at kumilos? Maaaring pagtawanan ang aking ilustrasyon, ngunit tandaang lahat ng bagay ay nagsisimula sa haraya. Haraya ang unang larang ng teleserye. Kasunod lámang nito ang negosyo, ang “economic imperative” na tinatawag ni Robert Allen, ang pangunahing iskolar ng soap opera sa America.

Ibinadya na ni Reynaldo Ileto ang ganitong lohika sa kaniyang pagbása sa isa pang popular na teksto ng panghabampanahon, ang Pasyon. Matapang niya itong iniugnay sa ginawang paghahanda, pagdadalisay ng loob ng mga nakisangkot sa rebolusyon para sa kalayaan. Sa hulí, nag-uugnay-ugnay ang mga bagay-bagay, nagsasabanghay, wika nga, at nakatutulong sa pagbalangkas ng pag-unawa [at maaari rin, pagdama] ang idawit ang mga dramang de-serye ng panahon. Ngayon, nagluluksa ang buong bayan habang tinatanggalan ng piring ang katarungan, at bawat luhang pinababalong ng mga bida sa mga serye ay inihahandog sa lahat ng nananangis, na sa hulí’y inaasahang magkukusang kumilos upang makamit ang tagumpay o ikaliligtas. Ang bawat sampal, tadyak, at sabunot naman ay pagpupumiglas para sa lahat ng paninikil at paniniil. Hindi maaaring hindi lumaban, kahit hindi patas ang laban. Lahat ng mga Georgia ay may katapat na Emma. Lahat ng mga Ardiente, saan mang lupalop sila nagmumula, ay tatapatan at tatapatan ng mga Lily Cruz. Sasabog ang lahat na parang himagsikan. Maaanod ang mga nagsasatulos ng di mapipigilang daluyong. Lalaging may kapangyarihan ang mga mumuting lumot. Maaari silang pumulupot.

III.

Kayâ utang na loob, huwag nang lumingon-lingon pa’t tumitig sa iba. Huwag nang magpatumpik-tumpik. Ano ba naman iyang Rappler.com? Si Leila, wala na iyang magagawa, parangalan man siya ng buong daigdig sa kaniyang kamartiran sa piitan. Mauuna pa kayóng maasar sa hinahon nina Maria Leonor, Conchita, at Maria Lourdes, pustahan táyo. Lahat sila’y parang mga bida sa teleserye. Babangon at babangon upang durugin kayóng lahat. Unahin ninyo ang mga teleserye, ipakulong ang mga manunulat at kawani, ipasara ang mga estasyon, at idistiyero ang mga artistang hindi papanig at magkukuyom ng kamao sa hangin. Para naman makita na ninyo ang talagang hinahanap ninyo, at makita na rin namin ang hinahanap namin. Sa mga serye, walang lihim na hindi nabubunyag. Nahahanap at nahahanap din ang mga diary na naiwawaglit at naipapatong sa kung saang tokador. Awit pa nga sa Mara Clara: “Katotohana’y lilitaw.” Malalantad at malalantad din ang mga sinungaling at magnanakaw. Nagawa na iyan ni Ápo sa marahas sa Voltes Five, at pati raw sa parang lubhang mapulang mga dibuho sa komiks ni Coching, na nararapat likhaing teleserye. Gawin na rin ninyo nang umalsa na ang dapat umalsa.

Pebrero 1, 2018

Mga Istorya’t Histerya at ang Pagrereyna ng mga ‘Dahaserye’ sa 2017

Ang táong 2017 ay taon ng dahas para sa mga teleserye. At marahil, hindi na ito pagtatakhan. Kung nakakasangkapan nga ang mga dramang de-serye bílang pantulong sa pagbalangkas sa ating realidad, sa táong 2017, isang taon matapos mahalal si Rodrigo Roa Duterte, kinailangan nating lahat marahil na unawain ang umiiral na poot na naghahati-hati sa bayan, pati na rin ang malaganap na maliliit at malalaking karahasang araw-araw na kinakaharap. Nagpapatuloy ang giyera sa droga na di lang iilang libo na ang pinatumbang karamihan ay mahihirap at nása laylayan; at, nakubkob ng mga maka-teroristang pangkat ang maringal na Islamikong Lungsod ng Marawi, Lanao del Sur, at dinurog ito. Walang kapayapaan ang táong 2017, tigib ng bagabag, kayâ marahil, wala ring kapayapaan sa mga teleseryeng tinangkilik sa araw at gabi.

Kinailangang ipahayag sa pamamagitan ng mga istorya’t histerya ang gálit ng isang bansang hati-hati na’y pinamumuhay pa sa laksang panlilinlang at patuloy na pagkakasadlak sa mga namamayaning mapang-aping sistema ng lipunan. Kinailangang magkaroon ng sityo kung saan makahuhulagpos, at ang larang ng imahinasyong dulot ng mga teleserye bílang kulturang popular ang naghandog nito sa mamamayang unti-unting gumigising sa katotohanang nakapaghalal sila ng isang halimaw na sumasamba sa poon ng rehimeng nagdulot ng pinakamadilim na panahon sa ating kontemporaneong kasaysayan. May di iilang nagisíng na sa pagdatal ng bagong panahon ng dilim sa panunungkulan ni Duterte, lalo nang ipataw ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao dahil sa pagkakakubkob ng Marawi. Nagbibilang na lámang ba táyo ng mga araw?

Kung mahihiwatigan lámang sana ng laksang mamamayan ang ibig sabihin ng ngitngit ng mga karakter sa mga natatanging serye ng taon, bakâ mapatunayan na nga ang malaon ko nang hinala sa pinakamalaganap ngayong teksto at produkto ng kulturang popular: na ito talaga’y isang rebolusyonaryong panoorin na di lámang sumasalamin kundi kumakatawan talaga sa ating panahon. May kakayahan itong balangkasin, hindi lámang ang realidad, bagkus ang mga pangangailangang aksiyon mula sa mga tagapanood, lalo’t kung igigiit na sila’y may ahensiya’t may kakayahang kumilos at makapagpasiya.

Hindi naman marahil kailangang tugunin din ng dahas ang dahas, bagaman nauunawaan kong may pipili sa ganitong opsiyon. Malápit na ang halalan, at kung isasaalang-alang natin ang ating lubhang pagkabigo, na madali ring naikukubli gámit ang sari-saring spin o creative interpretation, bukod pa sa bayaráng fake news, bakâ may magawa táyo upang mabago ang lahat sa pamamagitan ng ating balota [HUWAG BUMOTO NG MGA KONSINTIDOR!]. Sa mga halalan sa teleserye, madalas na nagwawagi ang mabuti, tinutugis man ng dahas ng tiwali ang makatwiran. Ipinahihiwatig na sa atin ng mga teleserye ang nararapat na disposisyong hinihingi ng ating panahon, subalit wari’y hindi pa natin nalalagpasan ang mangha sa ispektakulo ng dahas. Naaliw lámang ang marami sa atin.

Ang Wildflower at Ika-6 na Utos bílang Mga Teleserye ng Taon

GOLD IS IN. Ang pagbabalik ni Ivy Aguas bílang Lily Cruz (Larawan mula sa ABS-CBN News.com.)

Sa ganitong balangkas ng pagbása, kapwa nangunguna sa aking talaan ngayong taon ang Wildflower (ABS-CBN) at Ika-6 na Utos (GMA). Ang una’y kuwento ng isang babaeng maagang nakaranas ng pandarahas at pagkakawalay sa kaniyang pamilya, at nagbalik sa kathambayan na Ardiente upang gantihan ang pamilyang Ardiente [masdan ang lubhang pagkanarsisistiko ng mga antagonista] na nagdulot sa kaniya ng matititinding sákit sa búhay. Ang ikalawa naman ay istorya ng isang babaeng naagawan ng asawa dahil sa kaniyang masasabing pagkalosyang at pagbigat ng timbang. Kung tititigan ang mga saligan ng salaysay ng mga ito, malinaw ang pandarahas sa pigura ng babae bílang pigurang marhinal, naisasantabi, naipapapatay pa nga [sa kaso ng una], o napapalitan [sa kaso ng ikalawa]. Papaano tumutugon ang mga kababaihang nabanggit?

Si Ivy Aguas, na di naglaon ay umaming ang siyang nawawalang karakter na si Lily Cruz sa Wildflower (Maja Salvador), lumalaging nása moda ng femme fatale–may guns, goons, at gold, at bagaman napaliligiran ng tatlong matitipunong lalaki na pawang may lunggati sa kaniya [ngunit nagmimistulang mga obheto lámang ng lunggati para sa manonood, lalo na sa “queer gaze”], ay nakalalábang mag-isa, ilibing man ng buháy. Isa siyang literal na masamang damo na matagal mamatay. Dahil politikal na pamilya ang kaniyang kalaban, kinailangan niyang maging tuso sa pakikipagsabayan. Sa isang halalan sa bayan ng Ardiente kung saan naging halos tagapagtanggol siya ng pulutong ng mga nása laylayan, matalino niyang pinasok ang kuta ng kalaban upang maging wari’y anay na ngangasab sa mga tindígan. Tinapatan niya ang pagkatuso ng mga Ardiente, at bumangon sa literal na paglilibing sa kaniya nang buháy. Kinapanabikan ang kaniyang pagbabalik sa isang piging kung saan naghunos siyang nakagintong gown, isang kontrapunto sa kinamanghaan at pinag-usapang itim niyang trahe de boda, sa pagpapakasal sa nag-iisang anak na laláking Ardiente.

TRIANGULO. Sina Emma (Dizon), Rome (Concepcion), at Georgia (Cenon). (Larawan mula sa Pinoyflix.org.)

Samantala, higit na pisikalan naman ang dahas sa panig ng bidang si Emma (Sunshine Dizon) sa ikalawa. Kailangan niyang igiit ang kaniyang pagiging asawa kay Rome (Gabby Concepcion), na inaagaw ni Georgia (Ryza Cenon). Tipikal na walang-hiyang mang-aagaw si Georgia, subalit nagawa niya ang napakaraming pagpapahirap sa loob ni Emma, tulad ng pagpatay sa unang anak nito at pagnanakaw sa ikalawang anak. Alin pa bang sitwasyon ang mas lulubha sa babaeng hindi na yata liligaya? Ngunit, gaya nga ng alam natin, hindi na uso ang nguyngoy na inaapi.

Naging pangunahing katangiang kinapanabikan sa seryeng ito, na umaabot ang pag-eeyre hanggang araw ng Sabado, ang laksang paghaharap nina Emma at Georgia na palagiang nauuwi sa matinding sakítan, na kailangang langkapan ng props batay sa tagpuan. Kung sa isang seafood restaurant, mga alimango’t lobster ang maipambabato; kung sa parke, ang lahat ng tindang balut ng mga tindero. Nagiging komiko, sa hulí, ang mga labanán, bagay na naglalapat dito ng isang maparikalang hagod. May hilig din sa paglilibing ang seryeng ito, at wari’y dalawang beses na mahuhulog si Georgia sa isang hukay sa memorial park sa pakikipagsampalan kay Emma. Kung sintoma ang libingan sa serye ng kung ano man sa lipunan, sino ba ang gustong ipalibing ng mga Filipino? Sino naman ang nais ipahukay?

Labanáng Masamâ at Mabuti sa The Better Half, Haplos

Ang Wildflower at Ika-6 na Utos ay mga seryeng panghapon, bagay na interesante sapagkat, sa ganang akin, higit na tinutunghan ng mga ito ang mas maraming manonood na “masa” na nananatili sa mga tahanan o ginagawang ugong ang serye sa maghapong paghahanapbuhay. Higit na pang-gitnang uri ang tinutunghan ng mga serye sa primetime [mga gáling sa eskuwela at opisina], at higit na sumusunod ang mga ito sa dikta at layaw ng mga kasapi ng uri na ito na may kapangyarihang gumasta. Dahil dito, nagiging masyadong limitado, sa tingin ko, ang mga materyal na naihahayin–kundi man may love team [sa daigdig ng realidad o pantasya] na maraming tagasunod [at ibig pang makialam sa kung ilang ulit lalabas ang kanilang mga hinahangaan sa bawat episodyo] ay mga Koreanovelang may mga tanyag at hinahangaang aktor ang mapapanood. Bumalik na yata ang pagrereyna ng mga serye sa hápon, ang malaon nitong pook sa kasaysayan ng telebisyong Filipino.

AGAWAN. Ang apat na bida ng The Better Half: De Vera bílang Rafael, Magdayao bílang Camille, Aquino bílang Marco, at Laurel bílang Bianca. (Mula sa LionheartTV.net)

Ngayong taon, higit na nakalikha sa timeslot na ito ng mga higit na kapana-panabik na konsepto, tulad ng The Better Half (ABS-CBN), na agawán man ng asawa’y nagsikap papagbaguhin ang nakamihasnan sa materyal sa pamamagitan ng pagtatanghal ng sikolohiya ng kabaliwan. Kabaliwan nang maituturing ang premise na makikiapid ang bidang babae na si Camille (Shaina Magdayao) sa asawa niyang si Marco (Carlo Aquino). Subalit alin pa ba ang mas babaliw sa mga pakana ng pandarahas ng kaagaw niyang si Bianca (Denise Laurel) at sa paghila rin sa kaniya’t pagpapakonsiyensiya ng laláking nanatili sa kaniyang tabi sa gitna ng pangungulila, si Rafael (JC De Vera). Natapos na trahiko ang The Better Half, na sa tingin ko’y hindi gaanong kagigiliwan kung sa primetime inihapag. Tulad ng dalawang nauna [at nanguna], punô rin ng histerya at pandarahas ang The Better Half; inabangan dito ang karakter ni Laurel dahil sa rubdob at kahusayang pumapantay sa kasamaan ng Georgia ni Cenon.

Title Card ng Haplos. (Mula sa Wikipedia)

Isa pang agawán sa lalaki ang dapat na banggitin, kung saan naman ang dahas ay nagaganap sa mahiwaga’t metapisikal na nibel, ang Haplos (GMA). Ito, sa tingin ko, ang pinakaorihinal na konsepto sa lahat ngayong taon, kung saan pinagsasabong ang dalawang magkapatid sa ama, ang mabuting loob na si Angela (Sanya Lopez) at ang nagngingitngit sa inggit na si Lucille (Thea Antonio). Kapwa sila nakapagmana mula sa kanilang lolang si Biring (Celia Rodriguez) ng kapangyarihang maaaring magamit sa pagpapagaling. Gagamitin nila ang kanilang angking kapangyarihan sa hilahang magaganap, lalo pa’t iibig sila sa isang lalaki, si Gerald (Rocco Nacino). Ang dahas ay higit na mararanasan ni Angela, lalo pa’t gagawin ni Lucille ang lahat, di lámang upang magapi ang kaniyang kapatid sa larang ng pambabarang at panggagayuma, kundi upang magantihan din ang amang si Renato (Emilio Garcia) na tumalikod sa kaniya. Sa mga agawang nabanggit matutunghayan ang palagiang marahas na paghihilahan ng mabuti at masama, na sa lente ng teleserye at ng katangiang melodramatiko nito, ay lalaging nangangailangan ng resolusyon. Sa huli, kailangang mangibabaw ang mabuti. Mapapatawan ng poetikong hustisya si Bianca at mapapaslang sa pinakahuling paghaharap. Nagpapatuloy naman ang tagisan nina Angela at Lucille, at tiyak namang sa hulí, lalo sa nibel na mabathala, liwanag ang gagapi sa dilim.

Paghahanap ng Katarungan sa Legally Blind, The Good Son, at Super Ma’am

ULIRAN. Si Rivera bílang si Minerva aka Super Ma’am. (Mula sa It’s Me, Gracee Blog).

Sa panahon ng dahas, kailangan ang ganitong mga pananalig sa pag-asa, at hindi nagkukulang ang teleserye sa pagpapagitaw nito. Sa isa pang mahusay na serye sa hápon, ang Legally Blind (GMA), waring isinasakatawan ng bidang si Grace (Janine Gutierrez) ang pagiging bulag ng katarungan, makatwiran at walang kinikilingan. Metapora siya ng pigurang ito sa kaniyang kadustaan: habang siya’y nagsisikap kumuha ng abogasiya, magiging biktima siya ng panggagahasa matapos makainom sa bar ng inuming may halong pampatulog. Ang matinding trauma ng panggagahasa ang magiging dahilan ng kaniyang pagkabulag. Manlulumo siya sa kaniyang sinapit, bagaman babangon muli upang ipagpatuloy ang búhay at ang pag-aabogado. Sa kaniyang pagpapatuloy, matutugis niya ang salarin sa pagyurak sa kaniyang dangal, ang may-ari ng bar na si William (Marc Abaya), at makatatagpo din ng bagong pag-ibig kay Edward (Mikael Daez).

Sa primetime naman mapapanood pa rin ang The Good Son (ABS-CBN), na kuwento ng dalawang pamilya ng isang lalaki, si Victor (Albert Martinez), na mapapaslang sa bungad ng kuwento. Maging palaisipan ang dahilan ng at salarin sa kaniyang pagkamatay, bagay na magdudulot ng hidwaan sa pagitan ng dalawang babaeng kaniyang inibig, ang mayamang si Olivia (Eula Valdez) at ang gitnang uri na si Mylene (Raquel Reyes). Magiging dahilan din ito ng salpukan sa dalawa niyang panganay na sina Enzo (Jerome Ponce) [kay Olivia] at Jopet (Joshua Garcia) [kay Mylene]. Masigalot ang kuwento’t magsasangkot sa bawat pamilya bílang posibleng may pakana sa kamatayan. Subalit nagpapatuloy ang paghahanap ng katarungan para sa dahas na sinapit ng kapwa panig.

Pinakarurok ng pahiwatig sa paghahanap sa katarungan, para sa akin, ang primetime na pantaseryeng Super Ma’am (GMA), na pinagbibidahan ni Marian Rivera, sa papel na Minerva, ang lampang guro na mabibigyang-pagkakataong maging tagapagligtas ng mga kabataang dinudukot ng mga mahiwagang “tamawo.” Itataas niya ang kabayanihan ng guro bílang tahahubog ng kaisipan ng kabataan, at kakaharapin niya ang ilan pang mahihiwagang kalaban gámit ang kaniyang sandatang buntot-pagi. Kapuri-puri ang Super Ma’am di lámang sa pagtatampok sa pigura ng aping gurong Filipino [api sa trabaho, api sa K-12, api sa dami ng loan], kundi pati na rin sa paglalahok ng mitolohiyang Filipino sa isang kontemporaneong kuwento. Bagaman sa kasawiampalad, kailangan pa rin ng isang pigura ng bayani upang makapagpagitaw ng posibilidad ng pag-asa [ano nga ba ang sabi ni Brecht hinggil dito?], naipapamalas ng superhero na si Super Ma’am na may kapangyarihan nga ang nása laylayan [ang guro, ang lampa] na humulagpos mula sa mga puwersang mapaniil at mapagtakda. Kailangan lámang dalisayin ang loob at pagbukalan ng bait ang kakanyahang arál sa kultura’t kasaysayan. Dinarahas man sa literal o matalinghagang paraan, makakamit ang katarungan, isa man itong mahabang sapalaran tulad ng sa isang teleserye. Pangunahing halimbawa sa kakayahan at pagpupunyaging ito ang mga karakter nina Grace, Mylene, at Minerva.

Iba Pang Natatanging Serye: My Korean Jagiya, The Promise of Forever, A Love to Last, at Impostora

ROMANSA PA RIN. Ang “Andeng” Loveteam ng A Love To Last. (Mula sa Pinoy Showbiz Daily Blog)

Ginamit ko lámang sa mga pagbásang ito ang dahas bílang balangkas na pantulong sa pag-unawa sa mga serye ngayon taon, subalit may apat pang seryeng hindi man maiuuri sa ganitong tematikong konsiderasyon ay nararapat na banggitin dahil sa bait ng konsepto. Una na rito ang teleserye sa primetime na My Korean Jagiya (GMA). Kuwento ito ng isang dalagang kinatatakutang di na makapag-aasawa ng kaniyang sambahayan, si Gia (Heart Evangelista). Humalíng o adik si Gia sa Koreanovela, at fan din ng isang dáting superstar sa South Korea, si Jun Ho (Alexander Lee). Magkakaroon siya ng pagkakataong makapag-aral sa Seoul, South Korea, at inisip niyang pagkakataon na rin ito upang matunton ang hinahangaan. Subalit walang mangyayari sa kaniyang pagsusumikap at babalik siyang luhaan sa Maynila, kung saan pala talagang magkukrus ang kanilang landas. Isang gabi, ililigtas niya ang isang lasing at bugbog saradong Koreano, at matutuklasang si Jun Ho pala. Dito magsisimula at magpapatuloy ang kanilang romanse. Magiging natatangi ang serye, hindi lámang sa pagtatampok ng sikát na Koreanovela tourist spots sa Korea, kundi pati na rin sa matalino at metapiksiyonal na pakana nitong nagsusuri sa praktika ng Koreanovela fandom na malaganap pa rin sa bansa.

Ikalawa ang The Promise of Forever (ABS-CBN), isa pang panghapong pantaserye na nagtatampok sa karakter na si Lorenzo (Paulo Avelino). Isinumpang maging inmortal ang bida. Malaon na niyang tinalikdan ang pag-ibig bílang posibilidad ng kaniyang búhay, hanggang sa makaengkuwentro si Sophia (Ritz Azul), na una niyang nakilala bílang isang bata. Sa hulí, pipiliin ni Lorenzo ang maging mortal upang matupad ang kaniyang pangako ng pag-ibig.

Sa larang naman ng romanse at melodrama, dapat ding banggitin ang patok sa primetime na A Love to Last (ABS-CBN). Kuwento naman ito ni Andeng (Bea Alonzo), na iibig sa isang laláking may mga anak at legal na hiwalay sa asawa, si Anton (Ian Veneracion). Kakabakahin ng dalawa ang kanilang pag-ibig dahil sa pagtutol ng kanilang mga partido sa namumuo nilang ugnayan. Subalit maghahari ang pag-ibig at magkakatuluyan ang dalawa. Makukuha ni Andeng ang loob ng mga anak ni Anton, at makokombinse naman ni Anton ang konserbatibong partido ni Andeng sa kalinisan ng intensiyon, at kakayahang magpanatili ng isang relasyon. Magiging malaking hadlang lámang sa tuluyang pagligaya ng dalawa ang pakikisawsaw sa kuwento ng dáting asawa ni Anton na si Grace (Iza Calzado). Sa muling pagpapakasal ng asawa, mararamdaman niyang mahal pa rin niya ito, at lalamunin siya ng kaniyang ngitngit. Magpapakana siyang sirain ang ugnayan ng dalawa upang makuhang muli si Anton, sa kunwang mithi na mabuong muli ang kaniyang pamilya. Subalit makapangingibabaw ang pag-ibig ng dalawa, at matututuhan ni Grace na tanggapin ang kaniyang kasalukuyang lugar sa búhay ng kaniyang pamilya.

Hulí kong babanggitin ang Impostora (GMA), na salin mula sa kuwentong komiks at pelikula na “Sa Isang Sulok ng mga Pangarap.” Kakaibang kuwento ito ng dalawang babaeng may iisang mukha, sina Nimfa at Rosette (Kris Bernal). Sa pagmimithing matakasan ang kahirapan at ang pangungutya sa pangit na mukha, pumayag si Nimfa na magparetoke, na gagaya naman sa mukha ni Rosette, na layon namang takasan ang kaniyang walang-kaligayahang búhay-asawa. Magiging sanhi ng ibayong hidwaan ang pagkukrus ng landas ng dalawa, lalo pa’t iibig si Nimfa sa asawang noong una’y ibig takasan ni Rosette, si Homer (Rafael Rosell). Personal kong nábasa ang “Sa Isang Sulok ng mga Pangarap,” at noon pa man, humahanga na ako sa mapagsapantaha nitong bisyon. Natuwa ako sa pagkakasalin nito sa anyo ng serye.

Ilan Pang Pagninilay sa Teleserye sa Panahon ng Dahas at ang mga Kapuri-puring Pagganap

Sa panahon ng dahas, at unti-unting paggapang ng dilim, na maaari pa namang masawata ng pagkamulat ng lahat, naging tampok na katangian ng mga seryeng nabanggit ang malaon ko nang sinasabi na “kontemporanidad” o pagkangangayunin. Sa katangiang ito makikita ang kakahayan ng mga serye na sumabay sa mga kasalukuyang realidad ng manonood, sa pamamagitan ng alusyon o direktang pagbabanggit sa mga ito sa banghay ng kuwento. Tinutupad ito hindi lámang upang umagapay sa masagitsit na pang-araw-araw na búhay ng manonood; ginagawa rin ito upang lalong maging kontemporanyo o ngangayunin nga ang katha, sa pamamagitan ng pagpapatalik sa ugnay nito sa parehong búhay, sabihin mang ilusoryo ito. Nagiging plataporma ng pagninilay sa pag-iral ito, kung gayon, na lalong nagpapatalim sa pagdama at kamalayan ng manonood, at tumataliwas sa nakamihasnang pagturing sa panonood ng dramang de-serye bílang pagtakas lámang mula sa mabibigat na realidad.

Isa itong matalinong katangian na hindi gaaanong napagtutuunan ng pansin, lalo’t patuloy na iniismiran ang teleserye bílang gasgas na asemblea ng drama at salaysay. Hindi kasi itinatanong kung ano bang mga realidad ang pinaghuhugutan ng serye. Hindi tinititigan kung ano ang mga kalakarang inilalantad at ibinubunyag. May mga sinasabi kasi itong dapat tunghan. Kailangan lámang talagang matutuhang lagpasan ang paghahanggahan ng aliw. Nasabi ko nang nakakasangkapan ang ganitong katangian sa pagbabanghay ng manonood sa kaniyang realidad, lalo pa’t sangkot siya sa mediyasyon ng telebisyon at ng lalo pang lumalakas, lumalaganap na social media.

Kung sinasabi ni Shakespeare noon na ang daigdig ay isa ngang entablado, at ang lahat ay pawang nagsisiganp ng kani-kanilang papel, masasabi naman ngayon, sa konteksto ng kulturang popular sa Filipinas, na ang daigdig ay isang dramang tumatakbo na hindi lámang tinutunghayan ng tao, bagkus, kinasasangkutan ang bawat aksiyon. Ang mabúhay sa realidad na Filipino–masigalot, marubdob, makulay–ay ang mismong drama ng ating búhay. At bílang mga nagsiganap, kapuri-puri, sa pagsasaalang-alang ng kaisipang ito, sina Salvador, Dizon, Gutierrez, Alonzo, at Bernal sa kanilang pagtatanghal ng mga birtud ng katwiran at kakayahang humulagpos sa mga hinarap [o hinaharap] na tunggalian. Naging mahusay na kontrapunto sa kanilang mga pigura ng birtud ng katwiran ang lubhang kabaligtarang kinatawan nina Aiko Melendez bílang Emilia Ardiente sa Wildflower, Cenon, at Antonio.

Nararapat lámang palakpakan lalo si Cenon, sa kaniyang papel bílang Georgia, na isang naglalakad at buháy na desesperasyong gagawin ang lahat upang maagaw ang mga nilulunggati. Sapitín man niya ang komikong bugbog sa kamay ng Emma ni Dizon o mabulid sa hukay sa isang memorial park sa kaniyang pakikipagsabunutan, niloob niya bílang aktres ang kalabisan ng kaniyang karakter. Kalabisan ang kailangang kamuhian, lalo sa lipunang Filipino, at lumilitaw ito sa iba’t ibang anyo tulad ng korupsiyon, kawalang-pagpapahalaga sa karapatang pantao, at orkestradong pagpapalimot sa madidilim na yugto ng kasaysayan. Dahil dito, masasabing isa sa matatagumpay na seryeng kumasangkapan sa camp sa loob ng mga nakalipas na taon ang Ika-6 na Utos. Pinanood ito ng masa subalit naghandog naman ng isang maparikalang komentaryo sa mga pagpupumiglas na kailangan nating gawin ngayong sinisiil táyo ng mga puwersa ng dilim. Sa ganang akin, tumatalab din ang ganitong pakana ng Wildflower, na sa pananaw ko’y higit na makinis na bersiyon ng pagpupumiglas na binabanggit. Kailangan nating lahat ang isa at ang isa pa, lalo ngayong humihingi ang pagkakataon ng mga mas malikhaing paraan ng paglaban sa mga kalabisan ng kasalukuyang rehimen.

Mga Pagtatapat at Pahayag ng Pananampalataya sa Tula at Sanaysay sa Panahon ng Walang-Katiyakan

Panayam na binigkas sa paglulungsad ng Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon (University of the Philippines Press), at muling pagpapakilala sa At Sa Tahanan ng Alabok at Kung Saan sa Katawan (University of Santo Tomas Publishing House), Marso 11, 2017, European Documentation Center, De La Salle University Manila. Sa kagandahang-loob ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center.

Ako, kasama ang kuwentista at mananaysay na si Susan S. Lara. Larawan mula kay Joey Tabula.

Hindi ko mithing biguin ang mga kaibigang nahirati sa lahat ng “mahaba” tungkol sa aking mga akda. Mayroon ako ngayong napakahabang pamagat, isang pamagat na may mga terminong kailangang bulatlatin, at manapa, pagnilayan. Ipagpaumanhin ninyo ang moda ng pagdalumat; kaaahon ko lámang po mula sa pagpapása ng aking panukalang disertasyon, at tiyak na ipagtataka ninyo ang aking himig. Hatiin natin sa tatlong bahagi: (1) Mga Pagtatapat at Pahayag ng Pananampalataya; (2) Sa Tula at Sanaysay; (3) Sa Panahon ng Walang-Katiyakan. Ang una, malinaw naman po, ay mula sa aking bagong aklat, ang una kong aklat ng malikhaing sanaysay na inilulunsad natin ngayon mula sa University of the Philippines Press, at kung saan ako nagtatapat at naghahayag ng mga pananampalataya bílang makata at Katoliko. Sa ikalawa nakatakda ang mga kinasasangkutang panulatan sa loob ng 17 taon na ipinagdiriwang at muling binabalikan ngayon sa aking unang dalawang aklat mula sa University of Santo Tomas Publishing House, ang palathalaan ng aking minamahal na unang alma mater. Sa ikatlo, nakapook ang lugar sa kasaysayan ng mga pagsusumikap na ito: ang madilim, mapanglaw na gubat ng ating panahon, ang ating kasalukuyang panahon, sa kasawiampalad. Sinabing minsan ng makatang Roberto T. Añonuevo na may elegansiya ang ligoy, at maaari, sa mga ganitong kahabaan, may makikita ring elegansiya na nabanggit nga ng nasabing tarikang makata hinggil sa tula. Ngunit higit sa elegansiya, higit kong nakikita ang minsang naisulat kong taludtod na “walang pagmamadaling pananatili” sa ganitong mga kahabaan. Isa itong paboritong linya mula sa isa sa aking mga tula, na sa ganang akin ay naghunos bílang isang personal na praktika at pananampalataya habang patuloy ako sa paglikha. Isang linya ito na nahango kong kislap-diwa sa pagninilay sa harap ng rebulto ni San Ignacio de Loyola sa kapilya ng pamantasang pinananahanan ko ngayon. Kailangan kong ipagpauna itong talâ hinggil sa haba, sapagkat bagaman itong panayam ay ipinangangako kong hindi ko hahabaan at lalabis sa katanggap-tanggap, nais kong igiit na kung may natutuhan man po ako sa lahat nang ito, iyon ay ang birtud at pangako sa bawat “walang pagmamadaling pananatili,” sa pasyensiya, sa pagtitiyaga sa pagdalumat, sa pagtitiis sa di madaling pag-iisip, lalo pa’t kung masusi o malalim, hinggil sa mga bagay-bagay. Kayâ samahan po ninyo ako.

Sa ganito ko marahil maisasalaysay ang aking sariling panulat sa loob ng 17 taon—isang mahabang “walang pagmamadaling pananatili,” at kung minsan, wala ring pagmamadaling paglilimayon, na kung tutuusiin ay, para sa akin, isa lámang permutasyon ng nauna. Talambuhay ko itong “walang pagmamadaling pananatili,” itong walang humpay na pag-aabang sa mga susunod na salita at sa sarikulay ng mangha. Sa mga taóng ito, maraming bagay ang ipinagpasa-Diyos ko ang pagkakamit at pagkahinog. Nakaapak ako kung gayon sa mga pananatili at pagpapatúloy, sa larang na iyon ng mga kontradiksiyong nagtatagpo’t lumilikha ng mga mataginting, makahulugang pananaw, na kailangang hintayin ang akmang panahon upang sumilang, sumilay. Sa Pisika, maaaring magunita natin sa mga pananatili’t pagpapatúloy ang Batas ng Inertia kung saan, nakapananatili ang mga bagay sa pamamahinga o pag-andar hanggang hindi nakatatagpo o nakahaharap ng isang kakontrang puwersa (unbalanced force) na babago sa estado ng pananatili o pag-andar. Depende sa bigat (mass) ang puwersang dapat ipantalab kung ibig natin itong mapagalaw—ito ang sinasaklaw ng Batas ng Akselerasyon. Sa pagpapagalaw naman nito, samantalang itinutulak ng kakontrang puwersa, gumaganti o tumutugon din ito ng puwersa. Ito ang Batas ng Pantay at Makahidwang Puwersa. Sa ubod ng maikling pagbabalik-tanaw na ito kay Isaac Newton at sa mga batas sa Pisika na kaniyang ipinamana sa daigdig (na isa ring kumpisal ng aking pagiging isang lihim na mahihiligin sa Agham, ang siyensiya ng mga danas), matatagpuan ang isang susing salita na tiyak na makapupukaw rin sa inyo ngayong pinag-uusapan natin ang pananampalataya, panulat, at walang-katiyakan: ang pagbabago o change. Napakasarap sabihin. Ang bandera nga ng mga propeta ng kauupong administrasyon, “change is coming”; ngunit nitong hulí, parang may pakiramdam ang di iilan sa atin na totoo rin ang sinasabi ng pun nito: “change scamming.” Mula rito, sinasabi ko ngayong ako, at táyong lahat, ay nakapook sa “Panahon ng Walang-Katiyakan” na tinatawag dahil mula sa ating mga walang pagmamadaling pananatili o paglilimayon sa búhay, biglaan táyong itinulak ng kasaysayan, nagitla ng talagang kaylakas na puwersa ng pagbabago, at nadalá sa isang estado ng pagkalito, pagkasuklam, at pagkabagabag. Sa hinaba-haba ng prusisyon, at ng pamagat ng panayam na ito, nalinlang nga ba táyo? Nang isa-isang mangagbuwalan ang maraming sinasabing sangkot sa droga bago umupo ang dinarakila’t itinuturing na Tagapagligtas, natigalgal na ako. Hindi na ako gaanong nagtakâ nang mga sumunod na pagkakataon, bigla’y ibig nang busalan ang mga kritiko. Ngunit nakatakot ako. Nakatatakot naman talaga ang Tokhang. May pakiramdam na rin naman akong mapalilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani sa sobrang bait nitong ating punò sa pamilyang mandarambong. Tumaas lámang talaga ang asido sa sikmura ko nang hikayatin kaming lumahok sa walkout sa gilid-kahabaan ng Katipunan dahil lihim na naipalibing na nga ang lintek. Bakit ba táyo hinihinging magpatúloy na lámang, mag-move on, wika nga? At, bakit ba nila táyo ibig patahimikin, o lunurin sa laksang kabulaanan at kasinungalingan? Para hindi na natin isipin kung táyo ay nalinlang?

Ang programa. Mula pa rin kay Joey Tabula.

Madaling mapoot sa mga panahong ito na sampu-sampera ang mga katotohanan at makapamimilì (at makapamimilí) ang kahit sino ng maaaring paniwalaan. Ngunit ito marahil ang dapat kong ipagtapat at ipahayag: kumakapit pa rin ako sa pananampalataya, gaano man ito kaliit at kasindak ngayon. Walang pangangaligkig ang makapipigil rito. Totoo naman na may mga araw na gusto ko na lámang magkulong sa silid at pagsarhan ng pinto ang daigdig na, o talagang kaygulo. Tulad ng marami rito, marahil, hindi ko naman maiwasang hindi mag-social media, at kahit anong gawin kong unfriend at unfollow—kahit sa matatalik na kaibigan o kadugong hindi ko mawari ang tatag at hiwaga ng pananampalataya sa nakikita ngayong Dakilang Poon ng Kabulastugan at Kabastusan ng bansang Filipinas, hindi ko pa rin ganap na malinis ang mga sariling espasyong birtwal mula sa mga kabesado na nating kabulastugan at kabastusan. Hindi ko rin naman mapigilan ang sariling makisangkot, kahit katakut-takot na sermon sa Facebook ang inaabot ko sa tuwina mula sa sarili kong tiyahin na sagad sa butó ang pagiging Marcos Loyalist at dinadakdakan ako hinggil sa o kaygalíng na panunungkulan ng diktador. Hindi naman daw niya nakita ang sinasabing karahasan. Nasambit ko tulóy minsan sa kaniya: e papaano po ninyong makikita ay lahat ng maaaring pagdaluyan ng impormasyon ay hawak ng diktador? Tápos, Ilokano pa táyo, nakinabang táyo sa infraestrukturang ipinagmamalaking “pamana” niya? Maaari namang manahimik na lámang, lumabas ng bahay, tumingala sa langit, at sabihing, ay maganda pa rin nga ang araw at daigdig, ngunit kapag laksâ ang ibinubuwal gabi-gabi at ginagawang karaniwan ang dugo, dahas, at digmaang dinadapurak lámang ang maliliit; at dinedepensahan ang mga kakamping may salapi o impluwensiya kahit maysala, palagi akong napatatanong ng saan ba ako dapat lulugar? Naitulak na táyo sa mga ganitong realidad ng ating kasaysayan, sa ganitong mga anyo ng pagbabago, subalit kailangan pa rin nating maniwala, kahit hindi na natin alam minsan kung sa ano, kung saan, o kung kanino. Kailangan pa rin natin maniwala, hindi man natin nakikita, sabi nga ni Kristo. Kahit walang sugat na nasasalat ang ating mga daliri kundi ang mga sugat ng mga nabuwal na pinaslang dahil sila raw ay mga hayop. Hindi sila tao. Hayok. Walang humanidad. Kahit marami táyong hindi nakikita, tulad ng pag-asa. Huwag na iyong pagiging disente, o iyong pagiging matuwid. Nakababato naman talaga ang mga tuwid na daan, itanong pa ninyo kay Robert Frost. Kahit pag-asa na lámang. Ayokong masanay, at makaramdam na, tunay nga, sanayan lámang ang pagpatay, wika nga ng Heswitang makata na Paring Albert Alejo. Hindi maaaring makasanayan ang pagkabalisa upang sa huli’y panawan ng pandama.

Sa mga ganitong kabatiran ko tulóy naitatanong sa sarili kung para saan ba itong mga pagtatapat at pahayag ng pananampalatayang ito, itong mga pagsusumikap manalinghaga at magsaysay sa gitna ng panahon ng mga sukaban. Bílang manunulat, kailangan ko ng masasaligan, ng pananampalataya, at maaari, sa malikhain at mapaghubog na birtud ng pagsulat ko iyon natatagpuan.  Sa tula, nababalikan ko ang bisa ng komposisyon ng poiesis: ang kumatha, ang masangkot sa imbensiyon, hindi lámang ng mga posibilidad, kundi ng mga posible, lalo sa buháy nating halos lustayin, abuhin ang ating kakapiranggot na pag-asa. May mga mundong higit na mapag-aruga, mapaglinang, at makatwiran sa dulo ng panulat. May mga paraan itong magsasabi at magsasabi ng totoo.  Kayâ kahit kailan, bagaman etimolohikong nakatindig sa gawain ng imbensiyon (counterfeiting) ang poiesis, hindi ito maaaring magsinungaling. Ang imbensiyon, sa anyo at sa nilalaman, ay nakalaan lámang sa higit na matalab na paglalahad at paghaharap ng katotohanan. Sa kabilâng dako, sa sanaysay ko naman nababalikan ang potensiyal ng pagsubok, ng paninimbang, ng pagtuklas. Essais, wika nga ni Montaigne, trials in thought. Kay Alejandro G. Abadilla, mga pagsasanay, mga paghahagilap sa kabatiran, sa ngalan ng kasanayan, ng pagiging sanay sa pakikihamok, pakikipagbuno sa mga ideya.  Bagaman sinasabing nabubuhay na táyo sa daigdig na posmoderno, at ganap nang baság ng pagdalumat ang mga absolutong katotohanan (na sa ganang akin ay siya ring nagluwal sa mga halimaw na “alternative truth” at “post-fact”) naniniwala ako na ang tunay na saysay ng dekonstruksiyonistang deferral ay ang pagpapaliban ng kahulugan, hindi para sa saysay lámang ng pagpapaliban ng kahulugan (gaya marahil ng gustong ipagawa sa ating “creative interpretation” ng mga hunghang sa Palasyo), kundi para makahakbang táyo nang paurong at mamasdan at mamasdang muli ang lahat. Upang masuri ito. Isang walang pagmamadaling pananatili sa kahulugan, kung gayon. Marahil ay pagbiglang-liko rin ito sa diwain (o kawalang-diwain) ng dekonstruksiyon, patawarin ako ng Poong Jacques Derrida, na tiyak na susumpain ako sa pagtawag sa kaniya na “poon.” Ngunit sabi nga kamakailan sa Facebook ng pantas kong si Thomas Moore, awtor ng tanyag na Care for the Soul: “Humans have an instinct for religion and spirituality in some form. Ignore it and your well-being and health suffer.” Isang personal na pangangailangan para sa akin, bílang tao, at bílang manunulat, ang maniwala upang manatiling malusog, matino, at nakapamumuhay. Iyon ang pangunahin kong relihiyon. Oo, mayroon naman akong relihiyon, ang aking Katolisismo, batay sa aking pagkakaunawa rito’t personal na ugnayan sa Diyos, ngunit upang matupad itong mga tungkulin at pangako ng pagsulat, kinailangan ko ring ituring ang opisina ng pagsulat bílang isang katambal na simbahan at tabernakulo ng aking mga pananampalataya. Kinailangan kong ituring na misa ang aking bawat pagkamangha, at pagtatalâ ng mga pagkamanghang nabanggit sa anyo ng tula at sanaysay. Batbat ng kontradiksiyon o diyalektika itong pamumuhay na ito, sa ngalan ng pag-asa, maaaring sabihin ninyo. Ngunit ito ang puso ng pananampalataya, ng aking pananampalataya. Kung ako ang inyong tatanungin, kailangan talagang magkaroon ng sapin-sapin at kung minsan ay nagbabanggaang kabatiran kung ibig talaga nating maniwala. Isang anyo ng pagdadalisay.

Habang naglelektura’t animo’y nakamasid si San Juan Bautista De La Salle. Larawan mula kay Aldrin Pentero.

Lalo ngayong nahaharap táyo sa sinasabi ngang “Panahon ng Walang Katiyakan.” Hindi natin piho ang búkas: bakâ magising na nga lámang táyo na wala nang mga karapatan. Ang butihing komentador ng Zen Buddhism na si Allan W. Watts, tinawag ang ganitong kawangis na panahon minsan na “Age of Anxiety.” May dunong umanong mahahango sa “insecurity,” sa panahong walang kasiguruhan ang lahat at parang ano mang oras ay may sasabog, sasambulat, sa “time of unusual insecurity.” Kayâ iminumungkahi ni Watts na mabuting pagtuunan natin ng pansin itong panahong ito, itong ating kasalukuyan, kaysa mag-asam nang mag-asam lámang para sa mas mabuting búkas. Napakabagsik na mungkahi: manahan sa ngayon sapagkat ang búkas ay paparating pa lámang (kung darating nga iyon sa atin). Ang kahapon naman, tapos na. Mahirap itong gawin, itong pananatili sa ngayon, itong pagyakap sa kasalukuyan, at kahit noong sinusubok kong matutuhan ito sa pamamagitan ng arawang praktika ng zazen, ang pagsasanay sa mapagnilay na pag-upo at pananahimik ng espirituwalidad na Zen, sumusuko talaga ako. Bagaman wala akong naging agam-agam sa pagdaragdag nito sa aking nakamihasnang espirituwal na praktika, natuklsanan kong ang hírap talagang magpatubo’t magpalago ng pasiyensiya. Maingay ang isip, bukod sa likás talaga akong maingay (alam ninyo iyan, mga kaibigan ko). Masakit pa sa tuhod at hita ang pag-upo. Umiiyak ang kaluluwa’t katawang lupa ko sa tuwing nagninilay. Minsan, isang Linggo ng umaga, habang nása isang zazen, may kumislap na diwa sa akin sa piniling pag-upo’t pagninilay sa silya, sa halip na pag-upo sa zabuton, o yaong matigas at pabilog na unan na nakapatong sa malambot na sapin sa sahig. Walang tigil ang ingay sa isip, kung saan-saan ako dinadalang mga alalahanin at kailangan gawin, habang sinisikap kong tupdin ang turo sa aming mga nagninilay sa zendo na ituring ang mga ito bílang dumaraang ulap. Langhap, buga. Langhap, buga. Wala akong nagawa. Ingay. Tápos, isang biglang katahimikan. Gumaan din bigla ang aking madalas na masakit na mga balikat. May dumakong pagkabatid, isang hindi ko kilaláng kaliwanagan. Sa kabatirang ito, parang may kung anong pagmamatigas, pagmamatuwid ang nabali, animo’y isang patpat, at umalingawngaw sa aking bungo ang malutong na malutong na halakhak, na hindi ko naman nadamang inuuyam ako. Tumatawa lámang, humahagalpak. Parang sinasabing suko na, suko na ako. Akala ko nga’y nababaliw na ako. May bumitaw sa akin—at hindi iyon ang katinuan, sa palagay ko. Marahil ang matinding kapit sa pinakaakmang praktika ng paghahanap ko sa kabatiran, sa mismong pagtitiis na umupo nang pagayon nang 25 minuto araw-araw, at kung Linggo, apat na beses nang gayong katagal din. Nagmumunakala lámang ako. May naging paliwanag doon ang aming sensei o guro, na parang gayon nga, ngunit hindi ko rin talaga naunawaan ang episodyong iyon ng pag-alingawngaw ng halakhak. Inaalaala ko iyon at iniisip na bakâ iyon din ang tugon sa aking pinakatanong: ano ba ang nangyayari sa atin ngayon? Hindi ko maintindihan, gaya marahil ng pagkalito ng marami sa atin. Ngunit, kailangan nga ba nating maintindihan? Hindi ko rin alam. Pero kung pagbabatayan ko ang aking sariling danas, maaaring may bumitaw din pagdating ng tamang panahon; maaari, ang ating kolektibong mithiin na mapatigil itong mga kahangalan; maaari ang kahangalan mismo, na hindi kakayanin ang ating mismong pananampalataya sa mga pinahahalagahan at pinakaiingatan; maaari rin ang sarili nating mga bait, hindi ko tiyak. Basta, magtiwala lámang na may bibitaw. Iniisip ko, bakâ ito talaga ang paraan ng pamumuhay sa panahon ng walang katiyakan—ang yakapin mismo ang walang-katiyakan, at isiping may katapusan din ang lahat, lumilipas, dumaraang parang ulap.

Matapos ng 17 taon at tatlong aklat (at kung ano-ano pang sulatín), ano kayâ ang maibabahagi ko sa inyong nag-abalá para samahan ako ngayong hapon? Hindi ko rin alam, gaya marahil ng mistulang pagngangá lámang ng tinanong sa isang koan o piraso ng matalinghagang aral sa Zen hinggil sa tunog ng pagpalakpak ng isang kamay lámang ang gamit. Ano nga ba ang tunog niyon? Isang hiwaga. Hindi ko alam. Hindi ko pa rin alam, sapagkat hindi pa nagtutuldok ang aking mga pangungusap, at tinitiyak ko sa inyo na susulat pa rin ako ng susulat, ng tula at sanaysay, at magtuturo ng panitikan, dahil ang mga ito lámang po ang alam at káyang gawin ng inyong abang lingkod. Ang mga ito lámang ang alam kong paraan upang bigyang-anyo ang mga pagninilay, upang magkaroon ng panghahawakang pananampalataya sa mga mahaba’t pusikit na gabing kapwa natin pinagdadaanan. Nagtataya ako, kahit inilalantad ang lalaging kakulangan ng Salita, ng kawalang-katatagan at kapanatagan ng logos. Nananalig ako, kahit may ilan nang tumatalikod sa mga pananampalatayang ito, sa iba’t ibang dahilan. Nananalig ako sapagkat iyon ang aking nakasanayang gawin—ang manalig. Nananalig ako dahil ang pananalig ay isang pagsasanay, isang walang katapusang aprendisahe o pagpapakatuto, isang buong búhay na pag-aaral hinggil sa búhay, na hindi naman táyo palagiang binibigyan ng kapanatagan. Noong nakaraang Linggo, ebanghelyo sa pasinaya ng Kuwaresma ang 40 araw na pananatili ni Jesus sa Ilang—isa sa pinakapaborito kong episodyo ng búhay ni Kristo, at siya ngang paksain ng aking unang dalawang aklat, na mga aklat ng tula. Ang episodyong iyon ay kasaysayan ng tukso, at kung papaanong napanagumpayan ng anak ng Diyos ang mga pagsubok na nagpain sa kaniya ng nakapananariwa sanang kapanatagan sa gitna ng katuyuan at kahungkagan ng lupain. Hinarap niya ang kaniyang mga anino at nakapagdalisay siya ng sarili, bago niya hinarap ang misyon ng pangangaral at pagbatá sa pasyon. Diyos si Kristo, at alam niya ang lahat; ngunit baon niya ang kontradiksiyon ng pagiging tao, kayâ nása ubod din ng kaniyang pagkatao ang kawalang-kaalaman, ang pagsuko sa niloloob ng Diyos, at mistulang maging isang nagtitiwalang musmos. Nilisan niya ang Ilang na batid na kailangan niyang ipaubaya ang lahat sa ama, at dumaan ang dapat dumaan sa kaniyang maikling buháy. “Ama,” wika pa niya na tigib ng hapis sa bundok ng mga olibo, sa Halamanan ng Getsemeni, habang hinihintay ang mapanugis at magkakanulong halik: “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y hindi ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Gumaba rin sa kaniya ang alinlangan, ang hindi niya alam, habang tinutulugan ng antuking alagad. Ang daan ng krus, ang via crucis, ang nagsilbing huling daan ng edukasyon ni Kristo, ang kaniyang pinakamahalagang bildungsroman. Isa iyong bildungsroman, isang edukasyon sa pagpapakataong may pagtanggap at pagkamálay sa kawalang-katiyakan. Sa huli, ang mga alagad naman ang dumaan sa bildungsroman hinggil sa pagpapakatapang, pagpapakatatag, at pananalig. Talagang napakahusay na halimbawa ni Kristo.

Huling kuwento na lámang: noong nakaraang Lunes ng Pagkabúhay, bumalik ako sa klase ko sa Poetry sa Ateneo na may báong ispiker. Ipatutugtog ko sana ang ipababásang liriko ng “Morning Has Broken” ni Cat Stevens. Tamang-tamang talinghaga para sa umagang iyon pagbalik mula sa mahabang bakasyon; talinghaga rin siyempre para sa nagdaang pagdiriwang sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Habang sinisimulan namin ang pakikinig, biglang umugong ang sirena sa aming kampus at umalingawngaw ang anunsiyong noong una’y hindi namin naintindihan. Mahaba ang anunsiyo na nagsasabing maghanda raw kami sa paglikas. Nása koro na si Cat Stevens nang maunawaan namin na may seryosong sitwasyong hinaharap ang unibersidad. Nabalitaan naman po siguro ninyo ang madalas na pagtanggap ng Ateneo ng mga “bomb threat,” kayâ hayun, kahit gitla at takót at nagsisimula nang magsitawag-magsitext ang mga mag-aaral sa mga magulang, tahimik at panatag kaming lumabas sa mga silid upang magtipon sa mga pook kung saan dapat lumikas. Medyo sanay na kami, bukod sa pinagsasanayan talaga ang mga emerhensiya sa Katipunan ngayon (tandaang may bahagi po ng pamantasan na dinaraanan ng Marikina Valley Fault). Matagal-tagal din ang itinayo namin sa initan bago nalamang may bomb threat nga. Sa gitna ng pagtitsismisan ng mag-aaral, pagtiyak na kompleto ang mga kasapi ng aming klase, at pakikipagdaop-palad sa mga kaguro, bigla’y parang naulinig kong muli ang pinatahimik ko na’t ipinasok sa bag na si Cat Stevens, at ang kaniyang praise for the singing, praise for the morning, praise for the springing fresh from the world. Kaylaking parikala, bukod sa parang wala namang nakaka-fresh sa mabilad sa araw. Papaano nga kayâ kung sumambulat na lámang ang lahat noong umagang iyon, at gaya nga ng tangka sa text na natanggap ng aming mga administrador, dumanak ang dugo? Ano pang magiging kapuri-puri? Walang natagpuang bomba sa pagsuyod sa unibersidad, awa ng Diyos, bagaman nang mga sumunod na araw, nasanay na kaming dinadalaw-dalaw ng K-9 na nagpapanatili ng aming kaligtasan. Ngunit paano nga kayâ? Kung nagkaganoon, bakâ isinusumpa ko na si Cat Stevens; o marahil, hindi rin naman ako makabibigkas pa ng sumpa dahil kasama ako sa sumambulat. Bumalik kami sa klase kinabukasan at pinakinggang muli si Cat Stevens nang mistulang may bagyong pagkabatid sa búhay. May bago pang umagang sumapit sa aming lahat! Kayâ may saysay pa ang papuri, lalo na ang mga linyang ito: Praise with elation, praise every morning; God’s re-creation of the new day. Wala talagang nakaaalam. Walang nakaaalam ng panahon. Ang tanging maaasahan sa una’t huli ay ang katiyakan na muling nililikha ang mga bagay, na lalaging may umagang sisikat. Sa tanyag na tula ng Heswitang Gerard Manley Hopkins, namumugad ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati, at nakabantay, nakaantabay sa isang “bent/world,” sa isang daigdig na wasak, buktot, at gastado, na kahit ang pangungusap at taludtod ay ipinakikitang balî. Hindi natin alam ang panahon, lalo pa ang búkas. Marami táyong hindi alam, at mabuti na ring kabatiran iyon, marahil. Pumapagaspas ang kalapati sa katiyakang pinagpapanibago ng Diyos ang lahat. Sa panahon ng walang katiyakan, nakasusumpong ako sa tula, sa sanaysay, at sa panitikan sa pangkabuuan, na may nagpapagalaw pa rin ng lahat, may primum movens o prime mover pa rin, sang-ayon nga kay Santo Tomás de Aquino, at ang dakilang dunong na ito ang nag-adya na madala táyo sa panahong ito, hindi lámang upang madalâ sa ating mga pagkukulang, kundi marahil upang sumibol ang mga bago’t higit na kapaki-pakinabang na mga kabatiran.

Sa huli, nais kong ibahagi itong pagunita hinggil sa panahon ng lahat. Ang haring si Kohelet/qōheleṯ, ay nakahango ng mga sarili niyang kabatiran at naikalat itong mga ito bílang ang aklat ng Ecclesiastes. Ano nga ba ang sinasabi niya roon? Pana-panahon ang pagkakataon. Narito ang aking muling pagsasatula na halaw mula sa King James Version, na inihahayin kong pangawakas, bílang pasasalamat sa inyong pakikibahagi, at bílang abo-sa-noong pagunita na rin hinggil sa kalikasan ng ating búhay at pagkatao:

ECCLESIASTES, KABANATA 3 

Sa bawat bagay, may panahon, may oras sa bawat hangarin sa ilalim ng araw:

Panahon para maipanganak, at panahon para mamatay; panahon para magtanim, at panahon upang hanguin ang ano mang itinanim;

Panahon para pumaslang, at pahanon para maghilom; panahon para sa pagwasak, at panahon para sa pagbuo;

Panahon para lumuha, at panahon para humalakhak; panahon para manangis, at panahon para sumayaw;

Panahon para iwaksi ang mga bato, at panahon para tipunin ang mga bato; panahon para yumakap, at panahon para talikdan ang pagyakap;

Panahon para magkamit, at panahon para makapagwaglit; panahon para manatili, at panahon para magliwaliw;

Panahon para gumiyagis, at panahon para mag-ayos; panahon para manatiling tahimik, at panahon para magsalita;

Panahon para umibig, at panahon para mamuhi; panahon para sa digma, at panahon para sa kapayapaan;

Ano ba ang pakinabang ng siyang nagsumikap sa kaniyang pagbabanat-buto?

Nakita ko ang hámon na inihanda ng Diyos para pagdaanan ng kaniyang mga anak.

Ginawa niyang maganda ang lahat ng bagay, sa kaniyang panahon; at inilagak niya ang daigdig sa puso ng mga nilalang upang hangaan nila ang kaniyang gawa mulang simula.

Walang ibang makabubuti sa kanila liban sa sila’y magpuri at mamuhay nang matuwid.

At, bawat tao’y kailangang kumain at uminom, at malugod para sa lahat ng kaniyang pinagsumikapan; biyaya ito ng Diyos.

Batid kong ano man ang gawin ng Diyos, ito’y walang hanggan; walang makadaragdag o makababawas dito; at ginawa ito ng Diyos upang magkaroon ng tákot sa kaniya ang tao.

Ano man ang nangyayari ay ang kasalukuyan; at ang makakamit pa lámang ay magaganap pa lámang sa hinaharap; ano mang inadya ng Diyos ay nása pangnagdaan.

Bukod pa rito, nakita ko sa ilalim ng araw, sa lunan ng paghuhukom, na naroroon ang pagkabalakyot; sa lugar ng katuwiran, ang katampalasanan.

Sa aking puso, huhusgahan ng Diyos ang matuwid at balakyot: sapagkat may panahon doon para sa lahat ng mithi at bawat gawa.

Lahat ay nagtatapos sa isang lunan; lahat ay alabok, at magbabalik sa alabok.