Palaisipan 4: Ano ang Akda?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Tinutukoy ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diksiyonaryong Filipino (2010) ang salitâng “akda” bílang “anumang nilikha ng isang manunulat,” at “naipalathala o naipalimbag na likhang pampanitikan.” 

Tatlong bagay kaagad ang maisasaalang-alang natin batay sa mga pakahulugang ito. Una, sa ulit-ulit na pagsailalim sa malikhaing proseso ng pagsulat—na karaniwa’y mahiwaga’t kayhirap magagap—nakagagawa ang manunulat ng isang akda, o katawan ng mga akda pa nga [œuvre o obra, kung ating tawagin]. Ikalawa, hindi natatapos ang proseso sa pagkakalikha sa akda; maaaring piliin ng manunulat na ipakalat ang kaniyang isinulat [maaari ring hindi’t ikubli na lámang para sa kaniyang sariling pakinabang] sa pamamagitan ng paglalathala o paglilimbag. Ikatlo, sa pagpapakalat ng akda, naihahanay ang akda sa iba pang tinatanggap ng mambabása at sumasailalim din, sa proseso, sa mga pagpapahalaga’t pag-uurian. Naituturing itong “likhang pampanitikan” batay sa mga pamantayang umiiral sa pinamumuhatan at pinatutungkulan nitong konteksto. 

Sa tatlong ito rin naigigiit ang mga kailangang tandaan hinggil sa akda bílang konseptong pampanitikan—na ito’y produkto ng paglikha ng manunulat; na ito’y sulatíng humihinging tunghan ng mambabása sa pamamagitan ng diseminasyon; at, na ito’y paksain ng panunuri batay sa mga pagpapahalagang pansining/pampanitikan ng isang lipunan. Sa madaling sabi, obheto itong sentro ng ating karanasang pampanitikan, siyang salalayan ng ating pag-unawa hindi lámang sa mga pinipili nitong paksa sa malikhaing representasyon, kundi lalo’t higit, sa ating paghinuha sa kung ano ang dapat ituring na “panitikan.”   

Ito ang pinakadahilan ng pag-aaral ng panitikan—ang panitikan mismo, siyang ating binabalingan at binabása sapagkat ipinapapalagay na makahulugan o nagpapahiwatig ng mga kislap-diwa hinggil sa mahahalaga’t pinagsasaluhang karanasang pantao. Ito ang dahilan kung bákit táyo nag-aaral ng panitikan. Nananalig táyo na may masasamot kahit papaano sa pagdulog sa inakda ng manunulat, sa pinagkagastahang aklat, sa ipinababása sa ating teksto sa klase. Karunungan, bagong pananaw sa bagay-bagay, danas ng kagandahan. Lagi’t lagi, itinuturing ang akda bílang sentro ng diskusyong pampanitikan.

Ito rin ang ubod ng aralíng pampanitikan bílang larangan. Kayâ táyo nag-aaral ng panitikan, kayâ ito isang “disiplina,” ay dahil may mga akdang nararapat o humihinging tunghan ng gawain ng pagbása. Kung isang gawaing interpretatibo ang panitikan, tungkulin nitong ipaliwanag ang akda at maging paraan upang maging kapaki-pakinabang, kundi man kasiya-siya para sa mambabása ang karanasang pampanitikan. Hindi nga ba’t sinasabing daan din ang larang upang makapagpalaganap ng pinahahalagahang kultura ng pagbabasá? At, ano pa nga ba itong tinutunghan ng nagbabasá kundi, wika nga ng makatang si Jesus Manuel Santiago, sa isa niyang tanyag na tula, ay “pumpon ng mga salita”?

Madali nating naipagpapalit-palit sa diskurso ngayon ang mga konsepto ng panitikan at akda, lalo pa’t malaon nang yinakap ng ating kultura ang “panitikan” bílang katumbas ng “literatura” ng Espanyol at “literature” ng Ingles. Malinaw sa atin ang katangiang pangwika nito, lalo’t kung babakasin ang salitâng ugat nitong “titik.” Tuwiran itong pagtutumbas sa dalumat ng mga nabanggit na salitâng mula sa dalawa nating kolonisador, na kapwa tumutukoy din naman sa ubod na lingguwistiko, at batay nga sa etimolohiya, ay nangangahulugan ding “inskripsiyon sa pamamagitan ng mga titik.”[1] Dagdag pang pakahulugan ang pagiging balon ng karunungan nito; ang pagiging gawain ng pagsusulat; at pagsunod sa balarila o mga batas ng paggamit sa wika.[2]           

Isang asemblea ng mga salita ang akda, isang pagsasawika’t pagsasakataga ng mga talinghaga’t salaysay na nag-aasam sa antas ng kasiningan, kagandahan, kung kayâ’t kaiba sa karaniwan at kombensiyonal na paggamit ng wika. Kung sasangguniin ang mga Rusong Pormalista na naniniwalang ang layon ng pag-aaral ng panitikan ay ang mapalitaw ang pagkapanitikan ng panitikan, ang akda bílang panitikan ay marahas sa wika sapagkat hinuhulagpusan ang pagiging awtomatiko’t ordinaryo nito—kahit pa sinisikap ding maging matapat sa mga umiiral na realidad. Ginagawa ng panitikan na despamilyar o kakatwa ang karanasan.[3] 

Ganito ang makikitang nangyayari sa mga akdang prosa, sa tingin ko. Alam nating kahit halos katunog ng araw-araw na pananalita ang isang kumpisal ng awtor hinggil sa kaniyang búhay sa isang personal na sanaysay, o ang pilas ng diyalogo sa isang katha, batid nating edipisyo lámang ng wika ang akda, kumakatawan sa tinutukoy nitong búhay at buháy na kairalan. Masdan din ang mga tulang nakatugma at sukat. Magiging katawa-tawa ang isang tao kung siya’y magbabayad ng pamasahe sa dyip sa pananalitang may sukat na lalabindalawahin, may sesurang anim-anim. Iba ang wika ng akda sapagkat isa itong komposisyon ng wika—at sa ating panahon ngayon, sa anyong pasulát.

Noong araw, wala namang talagang nosyon ng akda, sapagkat sa totoo lámang, ang ideyang ito’y talagang kaugnay ng higit na modernong konsepto ng awtor o manunulat na pinangangalanan ang sarili bílang lumikha ng isang sulatín, lalo sa konteksto ng paglalathala’t paglilimbag. Kailangan niyang “tatakan” at pangatawanan ang kaniyang isinulat dahil isa iyong tungkuling legal. Ito ang magiging tanda ng kaniyang pagmamay-ari, sa gayunding paraang senyal ito ng kaniyang mga pananagutan. Ang akda bílang kabuuan ng kaniyang mga paninindigan ay kailangan niyang tindigan. Ang ngalan niya bílang manunulat ang lagda sa kaniyang pag-aari’t pagtindig. Marami pang mababása hinggil dito mula kay Michel Foucault.[4] 

Sa sinaunang panahon, ang “pag-aakda” ay higit na pinagsasaluhan o komunal, lalo sa konteksto ng panitikang oral. Lahat ay maituturing na “may-akda” na “nagmamay-ari” ng mga panitikang nabanggit. Maaari nila itong dagdagan, baguhin, o iangkop batay sa kanilang konteksto’t pangangailangan. Anumang pinagsasaluhang panitikang madalas na nakatuon sa paghutok sa katauhan ng mamamayan bílang bahagi, at sa ngalan ng kolektibo, ay tinatawag na “kuwentong bayan,” “panitikang bayan,” o “karunungang bayan.” 

Naipapása ang mga salaysayin o panulaang pangkalipunang ito sa pamamagitan ng mga napagkasunduang anyong madalas ay may katangiang mnemoniko (mnemonic), siyang batayan ng mga sinaunang anyong pampanitikan tulad ng mga tulang may “katutubong” sukat at tugma. Ganito makikita sa ating mga epiko at maiikling tulang tulad ng tanaga, diona, talingdaw, atbp. na nakolekta ng mga paring misyonero at nailathala sa kanilang mga diksiyonaryo. Hindi “trabaho” o “work” ang mga ito ng mga espesipikong táong lumalagda ng kaniyang pangalan sa akda, gaya ng tinutukoy sa ating dagdag-pakahulugan. Mga pinagsasaluhang kuwento’t talinghaga itong naipapása nang hene-henerasyon sa mithing manatiling búhay sa gunita’t makapagpatibay ng mga pagpapahalaga ng lipi.

Sa pagsapit ng makabagong panahon, naipamana nga sa atin ang akda bílang trabaho ng manunulat na lumilikha. Higit táyong nagkaroon ng komplikadong hinuha hinggil dito, tulad ng ating paggigiit na sa una’t hulí, isa nga itong “pumpon ng salita.” Subalit nananatiling isang matinding pangangailangan ang mga ganitong pagpapaliwanag hinggil sa pagiging sentro nito ng usapin, lalo pa’t maraming masamâng kaugaliang patuloy na malaganap sa pagtuturo ng panitikan. Pangunahin na riyan ang sadyang pag-aabandona sa akda matapos itong maipabása sa mag-aaral, sa maraming kadahilanan, tulad ng pagmamadaling matapos ang coverage ng asignatura. 

Kasalanan din ito ng mga gumagawa ng materyal na panturo. Hindi iilang teksbuk ang napansin kong ginagamit lámang ang akda upang maging lunsaran ng mga laksang gawain sa kasanayang pangwika. Halimbawa, pinasasalungguhitan mula rito ang mga salitâng kailangang bigyang-pakahulugan, upang sa hulí’y gamítin lámang muli sa sariling pangungusap ng mga mag-aaral.

Nakagawian ding gamítin lámang ito upang tustusan ang iba’t ibang gawaing pambalarila. Ni walang mga wastong tanong na pamproseso upang matitigan ang akda bílang akda, at hindi lámang paghanguan ng mga gintong áral. Mayroon ding mga teksbuk na sadyang “nililinis” ang akda, ineedit ang mga bahagi, marahil dahil sa mga sensitibong nilalaman [isa itong malaking kasalanan sa awtor!]. Mayroon ding sa paglalatag ng teksto ng tula, sadyang itinitipa itong nakasentro (centered), kahit pa lubhang makasira sa orihinal na anyo ng akda [respeto naman sa anyong pinili ng makata!].

Larawan ng maraming bagay ang pagturing natin sa akda. Mahihiwatigan dito ang kawalan natin ng respeto sa awtor na kumatha, at sa kaniyang mismong katha. May implikasyon din ito sa totoong estado ng panitikan sa bansa, at kung papaano ito itinuturing ng mamamayan—marahil, isa nga lámang itong “pumpon ng salita,” na kapag napakinabangan na sa mainiping edukasyon ay maaari nang kaligtaan habambuhay. Kayâ kailangang magdalubhasa sa pagtitig dito. May dalawa akong pakahulugan sa “pagtitig” sa pagkakataong ito. 

Una, pagtitig bílang pamamaraan ng pagdulog dito. Para kay Meyer H. Abrams (1953), ang mga pananaw na pampanitikang makiling sa akda ay tinatawag na mga teoryang obhetibo, o yaong nakatuon sa obheto ng panitikan, ang akda. Isang mahalagang kasanayang supling ng mga teoryang ito ang “pagtitig sa teksto” o close reading. Malapitáng pagdulog sa teksto, na pangunahing nakapokus sa mga katangian at kayarian nito bílang akda. Kailangang suriing mabuti ang akda bílang nakapagsasariling organismo, may kakanyahang binubuo ng mga tinatawag na “elemento.” Kailangang matuto ang guro ng eksplikasyon upang magabayan ang mag-aaral sa pagtuklas sa akda. Kung hindi, nakaradagdag pa siya sa problema.

Ikalawa, pagtitig bílang pamamaraan ng pagpapahalaga sa akda. Pagtitig mismo sa konsepto ng akda bílang susing terminong pampanitikan. Nangangailangan ng kritikal na kaalaman ang guro hinggil sa lugar at kahulugan ng akda sa larangang ito. Matagal itong nadesentro, hindi dahil sa pakikilahok ng larang sa mga kritikal na baliktaktakan [siya sanang ideyal], kundi dahil sa simpleng pagpapabaya sa panig ng mga guro, at sa patuloy na sistemikong suliranin ng edukasyon sa Filipinas na nagpapamangmang sa mamamayan. Kailangang maibalik ang akda sa gitna ng mga talakayan, at maging talagang paraan ng pagpapatalim ng kaisipan ng mga mag-aaral.  

Nagsikap táyong magbahagi ng ilang pangunahing kaisipan hinggil dito sa sanaysay na ito, na ang panimula’y tumalakay nga sa tatlong mahalagang kaisipang mahahango mula sa halos payak nitong pagpapakahulugan sa diksiyonaryo. Sa una’t hulí, ang akda ay mauunawaan bílang likha ng awtor, ipinakakalat na babasahín para sa isang publiko, at paksa ng pag-uuriang pampanitikan. Ito rin ang raison d’ être, ang dahilan ng pag-iral ng, ang talagang pakay ng pagpasok natin sa panitikan. Huwag na huwag natin itong kaliligtaan.

Talâ

[1] “Literature,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 3, 2018, https://www.etymonline.com/word/literature#etymonline_v_12314.

[2] Ibid.

[3] Hinggil dito, basahin ang Schklovsky, Viktor, “Art as Technique.” Matatagpuan din sa Rivkin, Julie at Ryan, Michael, eds., Literary Theory: An Anthology 2nd ed. (Malden: Blackwell, 2004), 15-21.

[4] Basahin ang Foucault, Michel, “What is an Author,” ed. Rabinow, Paul, The Foucault Reader (New York: Pantheon Books, 1984), 101-120. 

Advertisements

Palaisipan 1: Bakit Hindi Dapat Tinatanong ang Awtor Hinggil sa Ibig Sabihin ng Akda?

Larawan ng Pixabay mula sa Pexels.com.

Ang totoo, maaari naman talagang tanungin ang awtor hinggil sa ipinababatid na ideya o kislap-diwa ng kaniyang akda. Ngayong mga panahong ito ng pag-iral ng social media, napakadali na nitong gawin. Nangyayari na ito ngayon, dulot ng kabaguhan sa kurikulum sa batayang edukasyon, at lalo dahil sa pagkakapakilala sa senior high school ng asignaturang 21st Century Literature from the Philippines and the World.

Sa kataka-takang dahilan, isang aralín sa aklat hinggil sa asignaturang nabanggit, na pinamunuan ko ang pagbubuo at pagsulat, ang humingi ng ganitong takdang aralín sa mag-aaral [hindi namin ito ipinagawa sa aralín; mukhang pasya ng guro]. Ang tampok na awtor ng aralíng nabanggit ay tumanggap ng napakaraming tanong sa kaniyang Facebook messenger, kabílang na ang isang pag-usig sa kung ano nga ba ang kaniyang problema at sumulat siya ng gayong akdang napakahirap daw maintindihan at hindi malirip. Ang alam ko, hindi ito ang tanging kaso, at may iba pang ulat ang ilang manunulat hinggil sa paghingi sa kanila ng paliwanag ng mga mag-aaral na tumatalakay sa klase ng kanilang mga akda.

May tawag sa ganitong pamamaraan ng interpretasyong pampanitikan—ang pagsasaalang-alang sa layon ng awtor (authorial intent). Kayâ hindi naman talaga ito masamâ o malîng tanong. Sa katunayan, bahagi ito ng mga kinikilalang lápit sa panitikang malaganap noon at ngayon.

Sa lápit na ito, na tinawag minsan ni Meyer H. Abrams (1953) na lápit na ekspresibo (nagpapahayag), higit na makiling ang interpretasyon sa ugnayan ng akda at alagad ng sining, ang manunulat. Sa oryentasyong ito, ipinagpapalagay na ang pinakasusi sa pag-unawa sa akda ay ang manunulat na siyang lumikha rito. Lohiko namang isipin sapagkat sino pa nga ba naman ang makapagpapahayag ng tamang pamamaraan ng pag-unawa sa sulatín kundi ang kumatha rito?

Sa malaon, higit na nakilala ang ganitong paraan ng pagdulog sa panitikan bílang kritisismong biograpiko (biographic criticism). Binabása at inuunawa ang akda sa liwanag ng talambuhay o mga kronikang personal ng awtor. May paniniwala na nakatutulong ito sa pag-unawa sa talagang ibig sabihin ng binabása. Ipinagpapalagay ng lápit na bakas ng henyo at paglikha ng manunulat ang akda, kung kayâ mauunawaan ito sa pamamagitan ng pag-uugnay rito sa naging kabuuang búhay at kaisipan ng sumulat. Kung ang akda ay isang sulyap sa kamalayan ng manunulat, nararapat lámang na isaalang-alang ang mga layon, simbuyo, at damdaming humimok sa manunulat na kumatha ng partikular na akda.

Nagsasanga pa ang oryentasyong ekspresibo sa masalimuot na sikoanalysis ng akda, na nagtatangkang alamin ang mga nilalaman ng kubling-málay (subconscious) ng manunulat sa pamamagitan ng kaniyang akda. Ang akda, sa ganitong lápit ay pinaniniwalaang naglalaman ng bagay-bagay na sinusupil (repressed) ng may-akda sa kaniyang tunay na búhay [halimbawa, ang kaniyang totoong kagustuhang pangkasarian (sexual preference) dulot ng mapanghusgang lipunan at panahon; pagkayamot sa di matakasang anino ng magulang; tákot sa kung anuman; o matinding pagkapoot sa sariling naitutudla sa ibang tao]. Kung gayon, masasabing itinuturing ang akda dito bílang manipestasyon ng sa iba’t ibang kadahilanan ay mga pílit ikinukubli, kinaliligtaan, o pinapantasya ng sumulat. Dito lubos na nakakasangkapan ang talambúhay ng awtor na nagiging batayan ng pag-unawa sa mga paglitaw ng mga itong kinakatawan ng akda.

Madaling gamítin ang ganitong lápit kung buháy pa ang manunulat o marami siyang nasulat hinggil sa matalik na ugnayan ng kaniyang pagsulat at búhay. Kailangan lámang ng masusing pananaliksik. Mapanghamon ito kung ang manunulat ay nagmumula sa isang malayong panahon at lalo pa, kung sumakabilang-búhay na. Bakâ kailangang pumasok sa gawaing artsibal ang sinumang ibig iugnay ang naging búhay ng awtor sa mga pag-aakda. Maaari ring pagbatayan ang mga pananaliksik ng mga iskolar na pumaksa sa awtor. Ngunit kailangang tanggapin na may limitasyon ang bawat metodo. Kayâ nananatiling isang pangangailangan ang malalim na kabatiran sa akda bílang pangunahing obheto ng pag-aaral ng panitikan.

Ganitong oryentasyon ang karaniwang dalá natin, halimbawa, sa pag-aaral ng mga nobela ni José Rizal, na palagiang pinahahalagahan sa klase bílang mahahalagang tagapagpasiklab ng rebolusyon noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Madalas, iniuugnay pa nga ang mga karakter sa mga totoong pigura sa kasaysayan at talambuhay ng pambansang bayani. Hindi na nga rin maiwasang ilarawan si Crisostomo Ibarra sa mga pagsasadula bílang wangis ni Rizal.

Sa kurikulum ng Filipino, sinisimulan ang pagpapahalaga sa mga nobela hindi sa pagiging akdang pampanitikan ng mga ito kundi sa pamamagitan ng pagiging pinahahalagahang mga sulatíng tuluyang bumago sa ating kasaysayan. Hindi ito mapagtatakhan lalo pa’t ang pagpapabása kay Rizal sa mga paaralan ay naipatupad sa bisà ng Republic Act 1425 o Batas Rizal noong 1956. Marahil, isa táyo sa iilang bansa sa daigdig na itinatakda ng batas ang pagiging “kanonigo” ng ilang akdang pampanitikan.

Sa usaping ito, hindi ko tuloy maiwasang iugnay ang halaga ng manunulat sa ating kultura—sa kabila ng paggigiit ng ilan na isa táyong bansang hindi palabasa. Maaaring totoo ito kung sasaligan ang kakulangan sa akses sa aklat at palimbagan. Ngunit bukod kay Rizal na nakapukaw sa ating imahinasyon at nagtulak sa mga kapwa manunulat-rebolusyonaryo na mag-aklas laban sa mga mananakop, pinatutunayan ng ilan pang manunulat sa kasaysayan ang naging pagpapahalaga ng publiko sa mga alagad ng panitik.

Naiisip ko ang tanyag na mambabalagtasan at dakilang makata na si Jose Corazon de Jesus, na mayroong cult following noong kaniyang panahon at nakapagpalitaw ng daang tagahanga nang mamatay at ilibing sa North Cemetery noong 1932. Ang ganitong kasikatan ay tatamasahin din ng mga tulad nina Bob Ong sa kasalukuyan, marahil dahil sa kaniyang pananatiling misteryoso at mailap; at ng spoken word artist na si Juan Miguel Severo, na pinasikat ng kaniyang paglitaw-litaw sa mga komersiyal at teleserye. Ilan lámang sila sa mga kasong nagpapatunay sa sinasabi kong kultural na pagpapahalaga sa mga manunulat. Kayâ sa isang banda, naging madali ring ipayakap sa atin ang oryentasyong makiling sa manunulat.

May hinala akong hubog ng ganitong oryentasyon sa panitikan sa pangmalawakan ang patuloy na “pagpapahalaga” ng ating mga guro sa layon ng awtor. Kayâ nagiging default ang pagpapatakdang-aralín, lalo ngayong mga panahong ito, ng mga interbyu sa mga manunulat hinggil sa kanilang mga isinulat. Sa ganang akin, may kinalaman din sa layon ang totoong problema ng ganitong kagawian. Ano ba kasi ang layon ng guro sa pagpapatanong sa awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda?

May birtud ang pakikipanayam sa manunulat, lalo kung marami itong panahon at mapagbibigyan ang estudyante. Sa tingin ko, makahihikayat ito ng patúloy na pagbabasá, at maaari, sa hinaharap, pagsulat. Magandang tagpuan at pakikiugnay ang mga pakikipanayam [at hindi lámang iyong karaniwang pagtatanong sa Facebook] sa pagitan ng manlilikha at mga mambabása.

Ngunit kung ito ay ginagawa lámang talaga upang makaiwas ang guro sa trabaho ng interpretasyon—na siyang kaniyang pangunahing tungkulin sa klase—marahil ay hindi ito makabubuti sa pagpapalakas ng panitikan sa paaaralan. Nauunawaan ko kung kailangan itong gawin bílang paglinang sa kakahayan (skill), at kung nakatutulong itong makagaan sa mabigat nang trabaho ng mga guro. May pakiramdam akong ginagawa lámang ito sapagkat kulang din sa kahandaan ang mga guro sa talagang pagtuturo ng panitikan. Ngunit wala na táyong magagawa sapagkat heto na nga ang bagong kurikulum. Kailangan nating harapin ang mga bagong hámon, lalo na ang mga kailangang baguhin sa mga dáting kagawian ng pagtuturo ng panitikan.

Maaari naman talagang tanungin ang awtor, pero hindi agad tungkol sa kaniyang ibig sabihin. At dito, magsasalita ako bílang isang awtor na nakaranas din ng mga nasabing pag-uusisa. Para sa akin, higit na interesante ang unang mapakinggan ang interpretasyon ng mambabása, o kahit ng interpretasyon ng guro sa akda. Maaaring magsimula sa usaping iyon ang pakikipanayam o paghaharap ng mag-aaral at manunulat.

Sa hulí kasi, sa tingin ko, anuman ang interpresyon sa akda, lalo pa kung ito ay produkto ng mahusay na pagtuturo sa silid-aralan, higit na mahalaga ang makapagpapayamang tagpuan ng manunulat at mambabása. Kung matutupad nang maayos ang gawain [at hindi lámang sa paraang patanong-tanong na parang nagtatanong lámang sa isang kabarkada], magiging kapaki-pakinabang ang pagdadaupang-palad ng manunulat at ng mag-aaral na binigyan ng gayong takdang aralín.

Ngunit bago ito gawin, maaari marahil ipagawa ng guro ang mga sumusunod:

    • Papanaliksikin ang mag-aaral hinggil sa búhay at akda ng manunulat bago ang panayam. Tiyakin na marami silang alam hinggil sa kanilang paksang manunulat. Maaaring sangguniin, halimbawa, ang Panitikan.ph na may maiikling talâ hinggil sa mga pangunahing manunulat ng bansa.
    •  Turuan ang mga mag-aaral na lumiham nang maayos sa kakapanayaming manunulat. Huwag silang hayaang basta makipagpalitan ng mensahe sa manunulat sa Facebook nang walang pormalidad. Igiit na kailangan ding irespeto ang manunulat, lalo kung hindi niya ibig magbigay ng panayam. May ilan kasing naniniwalang wala nang paliwanag pang kailangang gawin; naroroon na lahat sa akda ang kanilang ibig sabihin.
    • Gabayan ang mga mag-aaral sa paglikha ng mga tanong na maaaring magmithing mag-usisa hinggil sa pagiging manunulat ng paksang manunulat; mga prinsipyo sa pagsulat; at kung ibig talagang magtanong higgil sa akdang pinag-aralan, kuwento ng pagkakasulat nito. Sa pagkakataong ito, maaaring iharap ng mag-aaral ang kaniyang pagbása sa akda. Maaaring sumang-ayon o hindi ang kinakapanayam. Ano’t anuman ang maging tugon, ang mahalaga’y nagkaroon ang mambabásang estudyante ng makabuluhang interaksiyon sa manlilikha.

Sa tingin ko, mas wasto ang tanong na bakit hindi dapat unang tinatanong ang awtor hinggil sa ibig sabihin ng akda? Sapagkat sa totoo lámang, maraming maaaring unang tanungin sa manunulat kaugnay ng akdang tinatalakay sa klase. Bakit ka nagsusulat? Papaano ka naging manunulat? Papaano ka nagsusulat? Ano ang layon mo sa pagsusulat?

Dahil interpretatibo ang gawain ng pag-aaral ng panitikan, ang interpretasyon ay isang bagay na malilikha naman sa pamamagitan ng isang matibay na pagdulog sa akda mismo. Kung mayroong mahusay na pagbása sa akda, anumang makukuha mula sa pakikipanayam sa manunulat ay lalong makapagpapayaman sa pag-unawa sa likha, at pagpapahalaga sa panitikan. Sa klase, higit kailanman, dapat na maging pangunahing batayan ang malalim na pagkaunawa sa akda bílang akda. Isa lámang pagpapalawak ng interpretasyon ang pagdulog sa manunulat. Kung hindi napatitibay ang kasanayan ng pagbása sa akda, wala ring saysay ang pag-uugnay dito sa layon ng awtor.