Pagkalusaw ng Isang Disiplina

Kagabi ay hindi ko na napigilan ang sarili na lantarang tawagin ang pansin ng butihing palaisip na si G. Leloy Claudio, na sumulat sa Rappler.com ng kaniyang pagtatanggol sa General Education Curriculum (GEC) ng Commission on Higher Education (CHED), lalo na hinggil sa duda ng ilang partido na malay na pagsikil nito sa Wikang Filipino.

Hindi ko na sana ito papansinin, tulad ng mga hindi ko pagpansin sa mga okasyonal niyang pakikisawsaw sa kung ano-anong usapin. Ngunit ang nakatigalgal sa akin ay ang pagtawag niya sa mga nanunuligsa na “emotionally-charged”, at “ill informed” pa nga sa pagrerehistro nila ng mga “national polemics about the national language.” Binasa ko nang husto ang maikling artikulo niya sa website, sa mithing maunawaan ang kung ano ang talagang sinasabi niya hinggil sa maaanghang na nasabi na hinggil sa usaping ito. Labis kong ikinagulat ang marami niyang akala.

Marami sa mga sinasabi niya ay nasabi na—tulad ng mga “options” lalo na para sa mga gurong lumalabas at nahihintakutan dahil posibleng mawalan ng trabaho sa pagdating ng ganap na pagpapatupad ng K-12, at ngayon nga ay mistulang naghuhuramentado sa midya. Sa tesis na “hindi naman pinag-initan” ang Filipino sa paglikha ng bagong kurikulum sa kolehiyo, kibit-balikat na ipinanukala ni G. Claudio ang animo’y talagang mga napakadali ngunit hindi makataong solusyon: ang retraining o pagtuturo ng asignaturang tulad ng Art Appreciation; secondment sa hayskul, at pagbaling sa mga dalang posibilidad ng interdisiciplinarity.

Ang mga panukalang ito sa pangkabuuan ay nakaangkla sa kaniyang pangunahing ideya: “In asking the CHED to have mandatory Filipino language instruction in the college curriculum, advocates are, in effect, calling for the outright privileging of Tagalog over English. None of them advocate returning both Tagalog and English instruction.” Hindi ko alam kung natitiyak niya ang kaniyang sinasabi sapagkat ang totoo, hindi naman isyu ng mga sinasabi niyang “polemiko” ang tungkol sa pribelehiyo ng ano mang wika, bagaman malinaw namang sa mahabang panahon ay marhinalisado ang Filipino (at iba pang wikang Filipino) sa akademyang tubog sa Ingles.

[Huwag na muna nating isama pa ang marhinalisasyon ng mga wikang Filipino mula sa iba’t ibang lupalop. Kamakailan, nakasagutan ko sa Facebook ang isang guro na kasapi yata ng lumilitaw ngayong pangkat ng mga dalubwika (dalubhasa sa wika) na humihingi ng “linguistic justice”. Bigla akong napaisip nang marinig ko ang kataga—linguistic justice. Kapag pinagnilayang mabuti, hindi lamang sila talaga ang nangangailangan ng katarungang pangwika. Lahat ng mga wikang Filipino—kasama na ang Tagalog—ay nangangailangan ng pagkakaaahon mula sa pagkakadusta, at sa wika nga ni Vicente Rafael, ay “pagkakasakit” ng kolonyalismo, sa ahensiya ng pagsasalin. Oo, may mga lumitaw na hegemon sa wika, tulad ng Tagalog, ngunit ang hegemoniya ng mga ito ay hawa ng kolonyal na kamalayan, at dapat ngang mapalitaw. Sinabi ko na sa isang pagkakataon na tiyak na may sakit ding ganito ang iba pang Kristiyanisadong wika sa Filipinas. Kaya may katumpakan ding sabihin na tungkol sa linguistic justice ang usaping ito.]

Iniisip marahil ni G. Claudio na sapat na ang pagtatalaga sa Filipino sa mababa at mataas na paaralan. Ang sabi niya, ang mga kurso sa GEC ay talagang “advanced” na, at sa kaniyang lisyang retorika, inaasahan na ang ganap na kahusayan sa pag-aaral ng wika sa Enhanced K-12 Basic Education Program (BEP). Lubhang ideyal ang ganitong pananaw, lalo’t kung hindi naman nakikita o nalalaman ang totoong sitwasyon sa ibaba. At ang kataka-taka, sinusukat niya ang maaaring “kahusayang” ito sa bilang ng oras na maituturo ang Filipino sa BEP. Ang sabi pa niya sa kaniyang addendum sa humahaba nang usaping ito, “(t)he two years of senior high school, according to CHED documents, require 80 hours of Filipino language instruction per sem(ester). So I’d like to know what the concern is.”

Sasagutin ko siya ngayon sa pamamagitan ng marami kong tanong. Ano nga ba ang ipinagpuputok ng butse naming nagsasalita hinggil dito?

Sabi pa niya, “(t)he net effect is, in fact, an increase in time and resources devoted to the study of the national language.” Non sequitur. Kung oras nga lamang talaga ang sukatan ng inaasahang kahusayan, palagay ko, hindi natin makikita ang maraming kabagang sa gayong “karahas” na pakikipagtalo. Sapagkat hindi oras ang isyu kundi ang mismong pagkalusaw ng institusyong pangkalinangang-wika, na mistulang pagtalikod na rin kung tutuusin sa diwang pang-pambansang wika na nakasaad sa ating Saligang Batas. Naniniwala akong hubad sa kritikalidad ang ganitong praktikal na tugon, at myopiko ring pananaw ito na tiyak na magbubunsod ng mas malalaking suliranin para sa bansa. Isang mainiping pagtaya at di makatwirang pagtatanggol sa isang programang sa mula’t mula ay may nabubulok na ubod.

Sinasabi ni G. Claudio na sapat na ang Filipino sa BEP, samantalang may pagkakataong pumili ang mga institusyon ng Ingles o Filipino sa pagtuturo ng bagong mga asignaturang isinalin pa nga (ay, pasalamat tayo) sa Filipino sa CHED GEC, sa Memorandum 20 na nilagdaan ng tagapangulo ng CHED Patricia Licuanan noong Hunyo 28, 2013. Makalulusot pa sana ang CHED sa pagigiit ng “option” na “English or Filipino” sa GEC, lamang ay talagang inisip, dinalumat ang kurikulum sa Ingles—at nananatiling isang “option” ang Filipino, hindi lamang dahil inihuli ito, kundi lalo’t higit, tiyak na mas pipiliiin ang Ingles sapagkat nakasanayan nang gamitin at madaling madadala sa bagong sistema. Burado na ang presensiya ng Filipino sa malawakang sistema.

[Kaya ipinagtataka ko rin kung bakit pinaggigiitan ng isa pang kritiko ng wikang Filipino na “misguided” ang mga tagapagtanggol ng pambansang wika. Kung mamalasin natin sa pangkabuuan, hindi lamang naman ang sinasabi nilang hegemonikong Tagalog ang naisantabi. Ang lahat ng mga wikang Filipino ay naisantabi sa bagong sistemang ito, na nagmimithi lamang na ihanda ang mag-aaral sa global na merkado, kahit ibinabandera pa ang nasang hulmahin ang kabataan na “secure in their identities as individuals and as Filipinos.” Sang-ayon ako sa Mother Tongue Based Language Education, oo. Ngunit hindi dapat matapos sa maagang yugto ang pag-aaral ng mga wikang pambansa. Kung maaari pa nga, dapat na iakyat din ito sa mataas na paaralan, maging sa kolehiyo. Ito sa palagay ko ang paraan upang makamit ang linguistic justice na tinatawag. Ang huwag patahimikin ang mga wika sapagkat nabigyan na naman ito ng espasyo sa sistema. Ang patuloy na pagdidiskurso sa mga wika at sa Filipino ang tunay na diwa ng pagtupad sa diwa ng Saligang Batas sa nagsasaad ng mithing linangin ang wika.]

Muli, ang usapin ng dali. Kaya tama rin si G. Claudio na baka nasa hayskul nga ang pag-asa. Marahil.

Ngunit wala ito roon. Sa isang matalik na pagsusuri ng kurikulum ng BEP Filipino, makikita ang maraming butas sa iniisip si G. Claudio na “mas pinalakas” na Filipino. May bilang na 141 pahina ang mapang pangkurikulum na ito, at higit na hahaba ang talakayan kung sisimulan ko sa simula—sa Kinder. Ang pagtitig ko sa mapa ay nakatuon sa pangmalawakang balangkas nito, at sa kabuuang pagturing sa panitikan ng programang hayskul, na siyang bungad ng mga kabataang papasok sa senior high school o sa kolehiyo.

Una, ang mismong programa ng K-12 Filipino, na kompartmentalisado ang mga kasanayang tumutugon sa kakayahang pang-ika-21 siglo [maka-agham at teknolohiya ang balangkas], ay sumusupil sa ubod ng katuruan ng wika. Ang pinakamataas na antas ng wika, ang panitikan ay patuloy na kinakasangkapan dito bilang lunsaran ng pangwikang kasanayan, at hindi binabasang panitikan, gaya ng sana’y inaasahan. Malabo ang posisyon ng mapang pangkurikulum sa aspektong ito, kahit tila ba pinaniniwala ng mga gumawa nito ang kanilang sarili na sapat nilang binalangkas ang mga aralin sa mga kunwang kaukulang kasanayang nakabaling sa mga anyo at uri ng panitikan.

Kung tititigan ito, makikitang sa bawat gawain, nangingibabaw ang paggamit sa panitikan sa napakababaw na pamamaraan ng pakikipagtalastasan. Malawak at tumutugon sa teknolohikong panahon. Isinasaalang-alang ang lahat ng sinasabing “makro-kasanayan”. Ngunit horizontal lamang ang tiyak na magagawang paglawak. Walang lalim. Halimbawa, sumasapat na ba ang pagmapa ng Pag-unawa sa Binasa kapag itinakda nitong ang kasanayan ay “Naiuugnay ang mga pangyayari sa binasa sa mga kaganapan sa iba pang lugar ng bansa”? Pag-unawa nga ba talagang may lalim sa Binasa ang “Nasusuri ang pagkamakatotohanan ng mga pangyayari batay sa sariling karanasan”? Bakit paulit-ulit ang pangangailangang ilahad ang mga elemento ng maikling kuwento mula sa Bisaya at Mindanao, halimbawa? May pagkakaiba ba? Bakit ba lagi na lamang nagsisimula sa pag-uugnay sa daigdig at kasalukuyang pangyayari ang pagbasa ng panitikan? Bakit kailangang laging ipasulat sa mag-aaral ang mga alternatibong katapusan sa mga kuwentong o pagsasalaysay na kadalasan ay “hindi maganda” ang katapusan?

Kung mamarapatin, sa bahaging nauna, ang kasanayang “Pag-unawa sa Binasa” lamang ang binabasa, tinititigan ko, sapagkat susi sana ito sa pagtutuwid sa lisyang pagtuturo ng panitikan na malaong ipinapatupad ng ating sistema ng edukasyon. Ang pagsipat na ito sa ilan sa mga problematikong gawain (ilan sa talaga namang napakarami pa!) ang magpapakitang halos walang ipinagbago ang metodo ng pagpapaunlad sa kasanayang ito, na hahango sana sa ating mga mag-aaral sa lusak ng kakulangan sa pagkamalikhain at hahasa sa pagkamapurol ng kritikal na pag-iisip. Ang mga lumikha ng kasanayan ay hindi gaanong maalam sa pinapaksa nilang panitikan, kung kaya’t lumilitaw sa mapang pangkurikulum ang mga tulad ng “Naihahambing ang tekstong binasa sa iba pang teksto batay sa: paksa, layon, tono, pananaw, paraan ng pagkakasulat, pagbuo ng salita, pagbuo ng talata, pagbuo ng pangungusap,” na nakatuon sana sa pagsuri ng isang teksto ng kulturang popular.

[Isa pang kataka-takang bahagi ng mapang pangkurikulum ang patuloy na pag-unawa sa sinasabi sa linguwistika na mga “suprasegmental” na katangian ng pagbigkas sa salita. Ginamit ito sa isang aralin sa tula. Ang nais ng aralin, ipabigkas sa mag-aaral sa tamang tono, himpil, at diin, ang tula. Wala namang problema. Ngunit kung babalikan natin ang mga pundamental, hindi nga ba, iba talaga ang ating wika, iba sa mga wikang may malinaw na mga katangian ng himpil o diin, halimbawa? May hinala akong isinalin lamang ito ng mga bumalangkas ng kurikulum mula sa Ingles, dahil kagulat-gulat na kahit marami nang naisulat hinggil sa katutubong palatugmaan natin sa Filipinas—mula pa kay Rizal—parang wala pa ring nakabasa na wala naman tayong mga pagdidiin (stressed) at di pagdidiin (unstressed) sa salita. Mayroon lamang tayong apat na tudlikan: mabilis, malumay, malumi, maragsa.]

Bakit din ba panay ang munti’t malalaking pagkakamali sa kurikulum, na parang tanda ng kakulangan sa kahusayan ng mga lumikha nito? Bakit ba ginagamit ang salitang “kabanata” sa Florante at Laura gayong batid naman natin na ito ay nasa anyo ng awit at patula? Baka kasi nga ito ri’y may katangiang pasalsaysay. Inisip ba nilang kaydaling gawin sa pagbulatlat sa teksto ang layong “Nailalahad ang sariling pananaw at naihahambing ito sa pananaw ng iba tungkol sa pagkakaiba-iba o pagkakatulad ng paksa sa mga tulang Asyano”? Handa kaya ang guro sa ganitong mahaba-habang paliwanagan? At, handa kaya ang mag-aaral. Ano ang ibig sabihin ng kurikulum map nang iatas nito sa isang item ng Pag-unawa sa Binasa ang “Nabibigyang-puna ang kabisaan ng paggamit ng hayop bilang mga tauhan na parang taong nagsasalita at kumikilos”? Isang pabula ang paksa, at kumbensiyon ng pabula ang pagkasangkapan sa hayop! Balak bang pagsa-tauhin ang karakter?

At bakit ba pinipilit tayo nang pinipilit ng mapang pangkurikulum, sa mga pagkakataong magagawa nito, na suriin ang mga teksto “batay sa pananaw/ teoryang: romantisismo humanismo naturalistiko at iba pa”? Matagal nang tinututulan ng mga eksperto sa panitikan ang ganitong lisyang pagkasangkapan sa “teorya” sa hayskul dahil una, hindi naman naituturo talaga nang maayos ang mga dalumat at pamamaraan ng sinasabing teorya o lapit-pagbasa. Ikalawa, hindi naman mga pananaw, ni lapit-pagbasa, ang mga binabanggit na “teoryang” ito. Bukod sa nakakagulo sa pag-aaral ng panitikan, maging ng wika—na sana’y nagtutuon na lamang ng pansin sa mga tamang pamamaraan ng pagtitig sa teksto—ginugulo pa nito ang isip ng mga bata sa pagpipilit na ang “humanismo”, “romantisismo”, o “naturalismo” ay mga paraan ng pagbasa. Nagagamit nga sa talasalitaan ang teksto, nagiging salalayan ng gramatikong kasanayan, ngunit patuloy na binababoy ang pampanitikang katangian nito.

Ang pinakamasaklap sa palagay ko ay ang tuluyang marhinalisasyon ng mga malaon na nating tinatanggap at ipinagmamalaking obra maestra. Ang mga ito—ang Florante, Ibong Adarna, at ang mga nobelang Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo—ay muli at muling idiniyestiyero sa huling quarter ng mga taon, at dahil nga roon ay hindi na mababasa nang buo dahil sa hayskul, ang huling quarter ay yugto ng mga pagmamadali. Ang tugon ng mga materials developer dito—yaong mga gumagawa ng teksbuk—ay lumikha ng buod sa mismong mga bagong teksbuk, na malinaw namang inhustisya sa mga akdang pampanitikang nabanggit. Sa pagkakataong sari-sari nang puna ang naibato sa mga patakbuhing kompanya ng teksbuk na naglalathala ng mga “pinagaang” na bersiyon ng mga akdang pampanitikan na ito, isang hakbang paurong ang pagpipi sa mga ito bilang mga dakilang akda ng ating kultura. Isang kabulastugan, kung tatanungin ako ni G. Claudio, na patunay lamang na wala sa haba ng oras ang kalakasan ng isang programang pang-edukasyon kundi nasa nilalaman nito.

Panitikan ang paksa at teksto ng pag-aaral ng wika sa BEP ng K-12, at itong mga halimbawang butas na ito sa pag-aaral ng panitikan ang nagpapakita na hindi pinalalakas ng programa ang Filipino, bagkus ay pinapatay pa ito sa pamamagitan ng ganitong mga nakapanlulumong pagpapabaya. Oo, may 80 oras ngang itinuturo ang Filipino kada semestre, pero tiyak kong 80 oras iyon ng pagtuturo ng sari-saring kalisyaan at basura. Ang masaklap pa, sinusunod ng kurikulum, sa pangkalahatan, ang balangkas na spiralling ng mga aralin. Lalong lumalala ang problema sapagkat nag-i-spiralling ding malinaw ang mga kamaliang pinayagang maitala sa mapang pangkurikulum.

[Magsasapantaha ako: bakit nagkaganito? Marahil ay minadali ang pagpaplano. Maaari ay maraming hindi pagkakasundo. Maaari ring maraming may interes sa pagbabagong mangyayari na nagmithing makakuha ng posibleng negosyo, lalo na sa produksiyon ng mga teksbuk. Ang balita ko, naging “pahirapan” ang pagkuha ng mga mapang pangkurikulum na ito para sa mga materials developer—animo’y kontrabandong ipinupuslit noong nakatakda pa lamang itong matapos. Gaano kaya ito katotoo?]

Kung ako kay G. Claudio, sapagkat may mithi naman siya na maging tagapamansag ng interdisciplinarity, aaralin ko muna ang laman ng mga kurikulum na itong lilikha nga ng mga mag-aaral na tutugon sa “pangangailangang panlipunan at global na pamayanan”, ay lilikha rin tiyak ng mga Filipinong kubikong ang kamalayang pambayan. Sabihin na nating anti-nasyonalismo siya, na siya ngang posisyon talaga niya sa ispera publika. Malinaw na may direksiyong pambayan ang kurikulum sa Filipino, na agad-agad din nitong tinatalikuran sa pagmamapa nito ng mga kasanayanang nararapat na mapaunlad sa loob ng klasrum. Ginagawa ngang nakatutugon sa teknolohikong sagitsit ang mga bata, ngunit upang hayaan lamang nilang maging busabos ang bayan nating sawi.

Sana nga ay ganoon kadali ang lahat. Sana nga ay madaling kamtin ang mga mithi. Ngunit ang dali at praktikalidad na nasa hinagap ni G. Claudio ay sadyang napakalayo sa realidad.

Hindi ko lamang alam kung gaano kalalim ang kabatiran ni G. Claudio sa lagay ng ating edukasyon sa ibaba para maging madali sa kaniya ang malinaw namang pagtatanggol sa pamahalaan, sa CHED GEC, at sa DepEd BEP, sa isyung ito ng Filipino. Pinalad—o minalas yata—akong makapag-ikot sa maraming bayan sa Filipinas upang tumulong sa tinatawag na mga “teacher training” at nakausap ko ang mga guro mula sa mga sentro at malalayong bayan. Hindi sila handa para sa mga minimithing pagbabago ni G. Claudio, na mithing pambayan ko rin naman. Nababagabag sila. Mungkahi ko kay G. Claudio na sa lalong madaling panahon ay mag-ikot-ikot upang makaharap ang nakapanlulumong sitwasyon ng kakulangan sa paghahanda. Nakaambang lalong maging mangmang ang mamamayan. Lalong pinalala ng mapang pangkurikulum ang buhay ng mga guro, na lubhang hirap na dahil sa mababang sahod, kakulangan ng mga pasilidad ng paaralan, at higit na kawalan ng pagkakataong makapaghanda sa daluyong na ito ng K-12. Isa lamang ang disenyong pangkurikulum sa napakalaking balakid sa pagtupad ng mga gurong ito sa mga katungkulan nila, at tila hinayaan na lamang silang lumangoy sa malawak na karagatan ng estado.

Ngayon, dinadalaw ang lahat ng takot na mawalan ng trabaho, at sa palagay ko, hindi iyon dapat na ipagkibit-balikat lamang. Minsan, kailangang lumipas ang panahon ng hinahon upang ligaligin ang malupit na tiraniya ng pagtanggap-na-lamang at pagtitiis, na nakaambang sumakop muli sa atin. Naririto ang rebolusyong hinahanap ni G. Claudio, sa rebolusyon ngayon, ng mga pinatatahimik, sa ngalan ng pangako ng kaunlaran. Sa rebolusyon ng mga handa at matatapang na magsiyasat ng mga lingid na balangkas ng repormang ito, na handang humimay ng mga diskurso at dokumento sa ngalan ng tunay na pangangatwiran, bansagan mang “polemiko” o ultra-makabayan. Wala akong nakikitang masama, lalo na kung ganito kasama ang isinasalaksak sa ating mga lalamunan.

Isa pa, ang sabi ng mapang pangkurikulum ng BEP Filipino, layon nitong makahulma ng “buo at ganap na Filipino na may kapaki-pakinabang na literasi.” Bakit kaya ang lumalabas ngayon, parang higit na kamangmangan, lalo na sa pagiging Filipino, ang tinutunghang landas ng mapa? Ito ba ang tuwid na daan? Daan patungo sa kamangmangan? Hayaang mabusabos ang wika at kasamang mabubusabos ang panitikan. Ang pagbusabos sa panitikan at wika ay hindi lamang atake laban sa kabansaan. Atake din ito sa totoong nilulusaw na disiplinang akademiko sa panahong ito ng neoliberal na pananampalataya—ang humanidades, na kandungan ng pagkatao at pagpapakatao. Isa sa mga haligi nito ang wika, ang panitikan. Nagtuturo man ang mga guro sa Filipino o sa Ingles, mismong estruktura ng pag-iral ng mga disiplinang tinatalunton nila ang nilulusaw ng sistema.

[Sa ibang pagkakataon, susuriin ko ang mismong balangkas ng CHED GEC. Nais kong ipakita ang pagkatuta nito sa “global” na mga kahingian. Tinik sa lalamunan ng globalisasyon ang humanidades sapagkat sa larang na ito sinisinop, sinusuri, at inuusig ang laksa nitong mga pagkukunwari.]

Nauunawaan ko ang sentimiyento ni G. Claudio hinggil sa imposibilidad ng kabansaan. Ngunit, sa ganang akin, hindi makatwiran na ganap na tanggalan ang mamamayan ng pagkakataon na mithiin ito, kahit patunay pa nga ni Caroline Hau ay isa itong katha. Kailangan din ang kuwentong ito. Kahit itatwa pa niya, ang pag-aaral ng wika ang batayan ng pagkamakabansa ng mamamayan. Maaari tayong maligaw ngayon, kung hahayaan natin ang mga sariling ganap na ma-tiyanak ng globalisasyon, at ng ASEAN 2015 Integration.

Salamat kay Dr. Antonio P. Contreras.