Palaisipan 7: Umuugnay ba ang Panitikan sa Daigdig?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Habang maugong ang isyu hinggil sa pagkakatanggal ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, dahil sa pagbawi ng Korte Suprema sa ipinataw nitong temporary restraining order noong 2015, biglang pumutok ang balita na nagrereklamo ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa masamâng pagkakatanghal sa pulisya sa teleseryeng primetime na FPJ’s Ang Probinsyano. 

Ang sabi ng PNP, lubhang pinasasamâ raw ng dramang de-serye, na ngayo’y nasa ikatlong taon na ng pag-erye, ang imahen ng institusyon sa publiko, dahil sa pagtatanghal nito ng isang pamunuan at mga kawaning sangkot sa krimen at korupsiyon. Sinuportahan ng isang senador ang mungkahing ipatawag ang mga prodyuser ng palabas upang hilinging huwag masyadong pasamain ang PNP sa kuwento.[1] Iminungkahi naman ng kalihim ng Department of Interior and Local Government na baguhin na lámang ang banghay o plot ng teleserye.[2]

Ilang pangkat ang nagpahayag ng pagtutol sa animo’y pagsesensura ng ahensiya sa isang matagumpay at gabi-gabing aliwan ng mamamayan sa telebisyon. Samantala, ilan naman ang nagpahayag ng pagkabahala, lalo sa social media, sa pakikialam na ginagawa ng pulisya sa isang malinaw na artistikong gawain—ang paglikha ng kuwentong umuugnay man sa kasalukuyang pagkamalaganap ng pagkabalakyot at pagkatampalasan, ay nararapat lámang, sa diwa ng demokrasya, na hayaang gamítin ang “lisensiyang pansining” nito na kumatha at magtanghal ng búhay ng mga bayani’t kalabang kailangang magtuos pagdating ng tamang panahon.

Susing salita sa usapin ito ang “katha.” Sa tingin ko, kailangang igiit na ang teleserye, sa una’t hulí, at kahit sa pauna nito sa bungad ng bawat episodyo, ay isa ngang katha. Kung tumukoy man sa mga tunay na tao o pangyayari, kaligtasan nito, sa usapin ng sining, ang igiit ang pagiging bunga lámang ng haraya o guniguni ng napakaraming táong bumubuo sa produksiyon nito. Maaari itong akusahang palihim, pailalim na pinupuna ang pulisya, at ang pamahalaan sa pangkabuuan, subalit hindi dapat ito hadlangan, ni utúsan ng kung sinong kapritsoso na rebisahin ang pagkukuwento.

Sa kasawiampalad, di na dapat pagtakhan ang pasistang tindig mula sa balat-sibuyas na pulisya, na umaaray, kahit pa, sabi nga sa matandang kasabihan, “bato-bato sa langit, ang tamaan, huwag magalit.” Sa panahon ngayon ng sistemikong pagpapatahimik ng estado sa mga kritiko, at pagkiling sa mga kahanay at kakampi kahit pa malinaw na lumalabag o napatunayang may sagútin sa batas, hindi na nakagugulat kung gamítin din ng pulisya, isang tinaguriang repressive state apparatus ni Louis Althusser (1970), ang puwersa nito upang manupil ng mga itinuturing na “sumusuway” sa pinamamahalaang lipunan, mapanatili lámang ang bango ng mga poder sa kapangyarihan.      

Malinaw na idinadawit ng pangyayaring ito ang ilang susing usaping pang-edukasyon. Sa mga balitaktakan sa Facebook, halimbawa, iginiit ko na pinatutunayan ng kasong ito ang patuloy na pangangailangan sa pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo, lalo sa mataas na antas ng edukasyon. 

Tanging mahusay na edukasyong pampanitikan ang makapagliligtas sa mamamayan mula sa mga ganitong mangmang na komentaryo at makitid na pananaw. Sumang-ayon din ako sa mungkahi sa PNP na imbes na makialam sa Ang Probinsyano, ipagpatuloy na lámang ang paglilinis sa hanay nito. Pambawi man lámang sa tutulog-tulog na pamamahala ng mga iniluklok sa puwesto, na sa isang bandá’y bakâ nga sadyang pinagtatakpan gámit ang panlansing isyu na ito.

Idinadawit din nito ang usapin hinggil sa kung umuugnay nga ba talaga ang Panitikan sa daigdig. Sa isang bandá, masasabing pinanghahawakan ng mga opisyal ng PNP ang ganitong paniwala sa matalik na ugnayan ng katha at realidad, sa kanilang paghihinakdal hinggil sa tingin nila’y nakasasamâng pagtatanghal ng nasabing teleserye sa pulisya bílang pugad ng mga tiwali. 

Hindi rin naman sila ganap na nagkakamali sa hinuha’t pakiramdam, sapagkat ang mga ito’y nakasalig sa isang pananaw na ang panitikan—kabílang na ang teleserye, na isang produkto at tekso ng kulturang popular—ay talagang maituturing na “salamin ng buhay.” Hinihiram ko ang praseng ito mula kay Soledad Reyes (1982), na ginamit itong paglalarawan sa paghinuha sa nobelang Tagalog at kasaysayan nito.[3]

Hinggil sa Mimesis 

Higit na mauunwaan ang nasabing paniniwala kung babakasin sa kaisipang klasiko na nagtatag ng nosyong may kinalaman sa animo’y “pananalamin” ng daigdig sa pamamagitan ng panitikan. Pangunahin sa mga palaisip ng panahong ito si Plato, na nagturing sa tula—siyang pangkalahatang terminong sumasakop sa lahat ng panitikan noon—bílang wangis ng daigdig. 

Pinasalimuot pa niya ito sa pagsasabing, sa isang bandá, ang daigdig ay wangis din lámang, ilusyon pa nga, ng mga umiiral sa tinatawag niyang daigdig ng mga ideya, kung saan nananahan ang mga perpektong anyo na ating nakikita sa realidad. Kung gayon, anumang paglikha, tulad ng sa tula, ay imitasyon lámang ng daigdig, na imitasyon din ng mga perpektong anyo.

Sinusugan ang ganitong paniwala ng mag-aaral niyang si Aristotle. Ngunit may panibagong tingin dito ang sumunod sa yapak. Pinahalagahan niya ito bílang susi sa danas ng paglikha, at di lámang ilusyon o basta pagwawangis ng imitasyon ng mga perpektong bagay sa daigdig ng mga ideya. 

Pinalayas ng kaniyang guro ang mga makata sa tinaguriang “Republika”—isang perpekto’t kaasam-asam na lipunang pinamamahalaan ng isang pilosopong-hari—dahil sa ang mga ito, aniya, ay kumakatha lámang ng mga guni-guni o walang kawawaang pantasya na maaaring makaliligaw sa landas ng inaasam ding makatwirang mamamayan. Samantala, pinahalagahan naman niya ang kapangyarihang mapangwangis ng panitikan bílang isang masining na kagawiang nagpapabubukod dito mula sa realidad, sa isang bandá; at bílang isang pangangailangan upang makalikha ng epekto sa madlang tumatangkilik dito, sa isa pa.

Kapwa saligan ng dalawang pantas ang konsepto ng mimesis, o imitasyon sa kanilang wikang Griyego, ngunit makikitang naghihiwalay sila ng landas sa bandáng hulí. Bagaman kapwa sila naniniwala na talaga ngang umuugnay ang sining ng panitik sa daigdig, sa pamamagitan ng mimetiko o mapangathang operasyon, at sa kapangyarihan nitong pumukaw ng kamalayan ng mga tao, nagkakaiba sila ng pananaw hinggil sa tungkulin nito sa isang lipunan. 

Kung si Plato ay naniniwala na tanging panulaang nagsisilbi sa adhikain ng kaniyang ipinanukalang “Republika” ang katanggap-tanggap, si Aristotle naman, na ang hilig ay maglarawan ng kalikasan ng mga bagay-bagay—na animo’y mga organismo itong binubuo ng baha-bahagi—ay naghaka na sa pamamagitan ng mimesis, natutupad ng panitik ang potensiyal nitong pukawin ang tao sa pamamagitan ng paghaharap sa kaniya ng representasyon ng mga probabilidad ng sitwasyon at kondisyon ng búhay. 

Malaon nang kinikilala si Aristotle bílang tagapagbunsod ng ideya ng genre o mga uri ng komposisyong pampanitikan, dahil sa kaniyang pagpapaliwanag hinggil sa mga tinatawag natin ngayon na mga “elemento” na bumubuo at tumutukoy sa pagkakakilanlan ng mga pangunahing anyo ng panitikan. Pangunahin sa mga ito ang mga ideya ng banghay, na siyang pinakamahalaga para sa kaniya, sapagkat ito ang nagsasakaayusan ng mga pangyayari sa kuwento sa bukod o hiwalay na daigdig na iyon; at tauhan, na itinatanghal sa kawing-kawing ding makahulugang aksiyon. Makikita ito, halimbawa, sa pinakatanyag at palagiang sinisiping pakahulugan niya sa dulaang trahedya: 

Tragedy, then, is an imitation of an action that is serious, complete, and of a certain magnitude; in language embellished with each kind of artistic ornament, the several kinds being found in separate parts of the play; in the form of action, not of narrative; through pity and fear effecting the proper purgation of these emotions.[4]   

Ang mga pundamental na kaisipan ng dalawa ang magiging batayan ng mga oryentasyong pampanitikang tatawagin ni Meyer H. Abrams (1953) na lápit mimetiko. Dito, ipinagpapalagay na ang panitikan ay matalik na umuugnay sa uniberso o daigdig na inuusbungan nito. Ang sining, tulad ng panitikan, ay isang gawain ng panggagaya o pagwawangis sa kung ano ang umiiral sa realidad, kayâ’t ang nagiging pangunahing sukatán ng bisà nito ay ang pagiging makatotohanan. 

Isang susing konseptong maiuugnay dito ang berosimilidad (verisimilitude), na nagbibigay-diin sa kakayahan ng panitikan na maging mistulang totoo. Balikán lámang ang etimolohiya ng salita, na nagsasanib ng veri o totoo at similis o kapara.[5] Ang pagiging mistulang totoo ng sining ng panitik ang pinaniniwalaang umuudyok, di lámang ng datíng ng ganda o lugod sa nagbabasá, kundi lalo’t higit, ng higit na pagkamalay sa karanasang pantaong pinapaksa nito. 

Kayâ hindi kataka-taka ang paggamit, paglaon, sa talinghaga ng salamin upang ilarawan ang oryentasyong ito. Para ngang humaharap sa salamin ang nagbabasá at natutunghayan niya sa repleksiyon ang daigdig na kaniyang ginagalawan. Para ring naghaharap ng salamin ang panitikan sa daigdig, ipinamamalas ang anumang nasasagap na repleksiyon. Kaugnay na mga talinghaga rin ang antipara, salamin sa mata, o lente. Nagiging pamamaraan ng pagpapalinaw ng pananaw ang panitikan sapagkat ibinabalangkas nito ang pagturing sa danas at daigdig.

Samantala, mula sa mga kaisipan ding ito matutuklas ang isang balintuna—na ang panitikan, bílang katha sa pangkabuuan, ay sumasalok ng kaniyang anyo at kongkretisasyon sa pamamagitan ng realidad. Sa aking mga klase sa panitikan, tinatawag ko itong fictional paradox, na nagtatanghal ng dalawang makathaing katangian.

Una, laging ipinagwawagwagan ng katha ang pagiging imbensiyon nito, na para bang káya nitong makapag-imbento, makapangatha, sa sarili lámang. Ngunit ang totoo, na siyang ikalawa, kailangan nito ng realidad, at makaugnay sa búhay sa labas nito upang magkaroon ng lawas. Ano’t anuman, lalaging tutukuyín (referent) ng panitikan ang daigdig, nagtagumpay man ang teorya sa pagbubukod sa panitikan bílang nakapagsasariling asemblea ng wika mula sa inuusbungan nitong daigdig. Mananatiling nakaapak sa lupa ang panitikan.  

Sari-saring -Ismo

Naging matalab ang ganitong pananaw na mimetiko sa sining, kayâ’t sinandigan ito, hindi lámang bílang pagpapangalan sa pamamaraan, mga kilusan, o eskuwelang pansining, kundi pati na rin bílang pantukoy sa pilosopiya o pananaw sa pagsusulong at pagpapahalaga rito. 

Sa unang panig maitatampok ang dalawang madalas napagkakamalang lápit na pampanitikan, dulot na rin ng lisyang pagkakapakilala rito ng mga nagdudunong-dunungan sa kurikulum noong araw—ang Realismo at Naturalismo. Sa ikalawa naman ang isang kompleks ng mga kapaniwalaang politikal na nagsusulong ng matalik na ugnayan ng akda at kasaysayan, sa isang bánda, at ng tungkulin ng panitikan sa lipunan, sa isa pa—ang mga tinawag ni Reyes (1992) na Historikal/Sosyolohikal na Pananaw at Marxistang Pananaw.

Dapat na bigyang-diin na malinaw sa mga ito ang ugnayan ng panitik at daigdig. Subalit ang unang tambalan ay hindi nga mga lápit pampanitikan, bagkus, mga moda o pamamaraan ng pagtunghay at pagtatanghal sa búhay ng tao o karanasan gámit ang sining, tulad ng panitikan. 

Sa katunayan, matatagpuan ding ginagamit ang mga terminong realismo at naturalismo upang tukuyin ang mga moda ng pagpipinta na talagang nagsisikap maging malapít sa katotohanan ng búhay. Sa kasaysayang pampanitikan, naging gamitín ang mga salitâng realismo at naturalismo bílang pantukoy sa mga anyo at pamamaraan ng pagsulat ng nobela na naging malaganap sa isang yugto ng panahon, o nananatiling malaganap magpahanggang ngayon.

Ipinaliwanag ni Abrams (1999) ang realismo bílang paglalarawan ng búhay, “as it is,” at dahil nga rito ay talagang kapani-paniwala sa pagkukuwento, sapagkat wika niya, “its characters might in fact exist, and that such things might well happen,” lalo pa’t ang nobela, sa pagsisimula, sa pag-usbong nito sa Kanluran, ay kinikilalang pumapaksa sa búhay ng mga karaniwang tao.[6] 

Samantala, ang naturalismo naman, aniya, ay maituturing na “an even more accurate depiction of life than realism,” dahil sa nakaangkla ito sa paniwalang itinatag ni Charles Darwin hinggil sa tao noong siglo 19—na sa kaniyang naturalesa o kalikasan, ang tao ay bahagi ng tinatawag na “order of nature,” walang kaluluwa kung kayâ’t hindi nakikisangkot sa isang “religious or spiritual world beyond the natural world,” at isang mataas na uri ng hayop na ang “character and behavior” ay hinuhubog ng dalawang bagay—“heredity and environment.”[7] Samakatwid, nabubuhay ang tao sa daigdig na pinatatakbo ng batas ng “survival of the fittest,” wika nga rin ni Darwin, mula sa kaniyang teorya ng ebolusyon.

Sa ganitong lohika, hindi na ipagtatanong ang pag-iral sa katha ng mga sinasabi ni Abrams na mga “compulsive instincts” ng mga tao-karakter, “especially hunger, the drive to accumulate possessions, and sexuality.” Ito rin ang nagtatalaga sa mga nasabing tao-karakter bílang “subject to the social and economic forces in the family, the class, and the milieu into which that person is born.”[8] 

Nakikipagtagisan ang mag tao-karakter sa mga puwersang ito, na madalas ay ganap na sumisikil at gumagapi sa kanila. Madilim ang mabuhay sa daigdig sa paraang ito ng pagtanaw sa realidad dahil sa hulí, naitakda na ng mismong “heredity and environment” ang palad ng tao. Trahedya ang nakaabang na katapusan sa nakikipagsapalaran, at walang magagawa rito ang mga tao-karakter. Ang tanging layon ng ganitong pamamaraan ng pagkatha ay maging matapat—at maghalos siyentista’t empiriko pa nga sa pagtatanghal ng katotohanan—sa pagsusuri ng mga mapanikil na puwersang nakapaligid sa mga tao.  

Sa Filipinas, nagtatagpo ang mga prinsipyong pangkatha na ito sa isang mahalagang termino na madalas ay ginagamit upang ilarawan ang namayaning pamamaraan ng pagsulat ng katha—ang Sosyorealismo. Tulad ng realismo at naturalismo, mailalarawan din itong isang kompleks ng mga pamamaraan, kilusan, o eskuwelang pansining na nakasalig sa ideya ng halaga ng pagkamakatotohanan sa representasyon. 

Ngunit nakasalig din ito sa panlipunang tungkulin ng pagtatanghal sa paraang makatotohanan. At para sa panitikang Filipino, maituturing na pinasinayaan ang ganitong kagawian ni José Rizal mismo, nang mistulang itakda niya ang tungkulin ng katha, at ng panitikan sa pangkabuuan, sa kaniyang dedikatoryang “Sa Aking Inang Bayan” sa Noli Me Tangere: 

Nakasulat sa kasaysayan ng mga pagdaralita ng sangkatauhan ang isang kanser na may katangiang napakalubha kaya nagpupuyos sa galit munting di-masaling at nanggigising ng matatalim na kirot. Anupa’t malimit na nais kitang tawagan kapag nasa gitna ako ng mga makabagong kabihasnan, kung minsan upang samahan ako ng iyong mga alaala, kung minsan upang maihambing ka sa ibang mga bansa, dahil malimit na tumatanghal sa akin ang iyong mahal na larawang may nakakatulad na kanser panlipunan.

Nilulunggati ang iyon kalusugan, na kalusugan din namin, at hinahanap ang pinakamabuting paglunas, gagawin ko sa iyo ang ginawa ng mga sinaunang tao sa kanilang mga maysakit: inilalantad sila sa mga baitang ng templo, upang makapagmungkahi ng lunas ang sinumang dumating na mananawagan sa Bathala.

At tungo sa mithing ito, sisikapin kong ilarawan ang iyong kalagayan nang buong tapat at walang pangingimi; itataas ko ang bahagi ng lambong na tumatabing sa karamdaman, isasakripisyo ang lahat alang-alang sa katotohanan, kahit ang pagmamahal sa sarili, sapagkat, bilang anak mo, ipinagdurusa ko rin ang iyong kapintasan at kahinaan.[9] 

Masasabing nagpapatuloy ang impluwensiyang Rizal sa mga nobelistang Filipino, lalo pa’t kung tutuusin, hindi pa rin naman talaga naihahanap ng ikagagaling ang ating lumalalang mga kanser panlipunan. Kayâ isang napakahalaga’t mapaglarawang dalumat sa ating kultural na produksiyon ang sosyorealismo, lalo pa’t nakasangkapan ang kagawiang ito upang makapagprotesta at manindigan sa pamamagitan ng sining. 

Sa katunayan, batay sa sinasabing “bukal na realista” ng nobelang Tagalog na sinuri ni Almario (2009), naging paraan ang nobela upang makapagsulong ng “mga pahayag na makabansa at makalipunan.”[10] Pinaksa nito ang mga posibilidad at hakbangin tungo sa kalayaan mula sa mga mananakop, suliranin sa lupa at trabaho, malaganap na kahirapan, urbanisasyon at modernidad, atbp. Kung gayon, ginamit ang katha, at ang gawi nitong maglarawan ng katotohanan, para sa “matalim at matalinong pagsusuri sa mga puwersang historikal na humubog sa kasalukuyan ng bansa.”[11] 

Sa sining-biswal, buháy din ang masasabing “tradisyong sosyorealista,” at inilarawan ito, halimbawa, nina Patrick Flores at Cecilia Sta. Maria de la Paz (2000) na “tumutukoy sa katotohanan ng lipunan kung kaya’t nilalayon nitong ipakita ang kahirapan at kaapihan ng mga maralita sa isang masidhing paraan.”[12] Sa isa pa niyang papel, itatampok ni Flores ang ganitong kagawian sa pagsasabing nagrurok ito noong dekada 70, sa panahong mayroong tangka ang diktaduryal na estado na isantabi ang “unsightly ferment or the socio-economic asymmetries of the present,” habang ipinagpaparangalan, sa pamamagitan ng mga institusyong pansining na itinindig nito, tulad ng Cultural Center of the Philippines, ang “the goodness, the truth and the beauty of a historic race.”[13]

Dagdag na paliwanag pa ni Flores: 

Resisting the idealisation of progress, social realism articulated a dissident cultural imagination, one wrought throughout centuries of colonialism, and that in many ways persists in postcolonial discourse and practice in the Philippines today. [14]

Pagbabalik sa mga Dulog Mimetiko

Kung kalauna’y naging tungkulin nga ng pagkamakatotohanan ng pangkabuuan ng sining, at ng panitikan sa partikular, ang magbunyag ng mga di-makatwirang kaayusang panlipunan, humingi ang mga ito ng pagdulog na nakauunawa’t nakahihinuha sa ginagawa nitong eksposisyon, at nagpapahalaga rito paglaon. Dito mabuting ipasok na muli ang oryentasyong mimetiko ng mga lápit pampanitikan, siyang makiling sa ugnay ng akda sa daigdig. Sa ating nagpapatuloy na talakay, binanggit na nating tampok sa mga oryentasyong ito ang Historikal/Sosyolohikal at Marxistang Pananaw. 

Dapat ipagpaunang mangangailangan ng higit na mahaba at masaklaw na talakay ang pagpaksa sa dalawang lápit, kayâ’t anumang ihayin ko rito ay dapat na ituring na pahapyaw at panimula lámang. Itinatampok ko lámang dito ang mga batayang ideya na dapat tandaan hinggil sa mga ito. Iminumungkahi ko ang pagbabalik sa mga batayang teksto ng mga teoryang nabanggit. Maaaring ituring ang aking talakay bílang mapa sa patuloy na pagtuklas sa mga teoryang ito, na akin namang ibinatay sa makináng na mga paliwanag ni Reyes sa kaniyang Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong  Pagtuturo ng Panitikan (1992). 

Hinggil sa Historikal/Sosyolohikal na pananaw, itinuturing nito na isang mabisang paraan ng pagpapahalaga, lalo sa saysay at kabuluhan ng panitikan sa lipunan, ang inilarawan ni Reyes na pagtatapat sa akda sa konteksto nito, “sa mga puwersa sa lipunan at kapaligiran—na pinagmumulan ng direktang impluwensiya sa mga manunulat.”[15] Kung gayon, itinuturing sa ganitong pananaw ang akda bílang produkto ng kasaysayan, pati na rin ng mga “di-maiiwasang proseso ng malawakang pagbabago sa lipunan at pangkalahatang pananaw sa buhay.”[16] Dagdag pa ng ating sinangguni, tungkol sa kambal at “mahirap paghiwalayin” na mga pananaw:

Layunin [ng mga ito]… na ipaliwanag ang mahigpit na ugnayan ng panitikan at ng mga puwersang itinuturing na nasa labas ng likhang-isip, at kung paanong naimpluwensiyahan nila ang kamalayan, ideolohiya, pananaw, at kasinghalaga ng mga ito, ang sining ng awtor.[17]

Sa ganitong pananaw, hindi lámang minamalas ang panitikan bílang salamin ng búhay. Ginagawa pa nitong daan ang búhay—ang kasaysayang kinasibulan nito—bílang paraan ng pag-unawa rito. Sa interpretasyon, hindi maaaring iwan ang unibersong kinairalan ng akda, sapagkat, wika pa nga ni Reyes, “hindi sapat ang isang tekstwal na pagdulog sa pag-aaral ng mga anyong-pampanitikan.”[18] Ang tekso ay binubuo rin ng konteksto, at ulit-ulit na iginigiit, sa tambalang pananaw, ang “mahalagang papel ng kasaysayan at lipunan sa pagpapalinaw ng kahulugan at katuturan ng panitikan.”[19]

Sa kabilâng bandá, ang maka-Kaliwang Marxistang pananaw naman, ay batay sa mga ideya nina Karl Marx at Friedrich Engels, mga pilosopo’t ekonomista na nagtangkang maghayin ng “masalimuot na programa” upang sagupain ang “pagkakaiba ng mga uri sa lipunan na nagbubunga ng alyenasyon ng tao sa kaniyang sarili.”[20] 

Sa kanilang pagsusuri, ang kasaysayan ng tao ay kasaysayan ng hidwaan sa pagitan ng aping manggagawa, na nakatanikala sa kaniyang paggawa at kumakatawan sa napakaraming nakapailalim na uri; at ng masalaping may-ari na nagkakamal ng kita at bahagi ng iilang naghaharing-uri, dahil sa pamumuhunan sa makinarya ng paggawa. Pangunahing layunin, kung gayon, ang pagpapabagsak sa hulí, pagpapatag sa kaibhan ng uri, at paglikha ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay, lalo na sa usaping materyal o pangkabuhayan.

Sapagkat ang Marxismo, sa mga batayang prinsipyo nito, ay nagbibigay-diin na “ang basehan ng lahat ng karanasan ay nakasalalay sa… materyal at pangkabuhayang ugnayan,” ipinagpapalagay na ang bawat umusbong na mga panlipunang pormasyon at praktika, tulad ng “batas, relihiyon, pilosopiya, sining, (at) panitikan” ay hubog din ng mga ito.[21] 

Bagaman wika nga ni Reyes ay “(h)indi nagbigay ng mga batas sina Marx at Engels tungkol sa ideyal na pagtaya sa kabuluhan o kawalang kabuluhan ng teksto,”[22] sa pangangatwirang inihayin sa itaas, mapagwawaring pinakaideyal na anyo ng sining—ng panitikan sa ating kaso—ang bumabalikwas sa mapang-aping kalakarang panlipunan at nagsusulong ng ganap na paglaya ng mga naaapi rito. Nararapat lámang na ang preperensiya nito ay nasa dehadong manggagawa sa ordeng pinatatakbo ng kapital—o sa isang bandá, sa nasasalaylayan sa anumang rehimeng mapang-api, sa pangkabuuan.

Sa prinsipyong pansining na tulad nito, lohikong yakapin bílang tampok na uri ng panitikan, halimbawa, ang sosyorealismo o yaong tinawag ni Reyes na “realismong sosyal,” na isinulong bílang “pundamental na paraan… (ng paghahayin ng) makatotohanan, kongkretong historikal na representasyon ng realidad sa rebolusyonaryong pag-unlad nito.”[23] 

Kaalinsabay ng pagkamakatotohanan sa rendisyon ng realidad sa panitikan ang pagsusulong ng paglaya sa kamalayan at kalagayang pangkabuhayan ng madalas ituring na “masa.” Dito umusbong ang uri ng panitikang tinatawag na sumusunod sa Marxistang “linya” o adhikain, na lagi’t laging naghahayin ng historikong tanong na para kanino? kapag pinag-uusapan ang layon ng pagsusulat. 

Sa pagsandig sa linya, inihahanay ng manunulat ang kaniyang sarili at pagpaksa sa pagbubunyag at paglutas sa mga hidwaang panlipunang umiiral sa kaniyang panahon, at sa hulí, sa pakikipaglaban para sa kabuuang ikaaahon ng mga api. Madalas na gamitín sa ganitong adhika ang realismo, lalo pa’t pinaniniwalaang nagagawa nitong tugunan ang “pangangailangang ilantad at palinawin ang isang totalidad o kabuuan ng buhay.”[24] 

Kung nagagawa nga nitong ilarawan, “hindi lámang ang mga detalye ng pook at panahon kundi ang mga puwersang panlipunan na siyang nagtatakda ng kilos, gawi, at pag-iisip ng tao,”[25] tinutupad din ng panitikan, sa maadhikang pagkamakatotohanan nito, ang pagbubunyag ng mga kabuuang pananaw na nagpipiit sa tao sa kaniyang kalagayang api’t kahabag-habag. 

Ang mga kabuuang pananaw na nabanggit ay tinutukoy sa Marxismo bílang ideolohiya, na sa paliwanag ni Reyes ay “isang komplikadong proseso na ipinasasaloob ng lahat ng tao, nauunawaan man nila o hindi.”[26] Tinatawag ding “lisyang kamalayan” o false consciousness, laman ng mga ito ang mga mapagtakdang kaisipan na inihahayin ng naghaharing uri at pinalilitaw na natural, totoo, at “sentido kumon” na maituturing. 

Ilan sa mga halimbawa ng ideolohiya ang pagtuturing sa babae bílang mahina o dili kayâ’y nararapat na manatili lámang sa bahay bílang “ilaw ng tahanan”; ang romantisasyon sa kahirapan bílang estado ng búhay na tahimik at kalugod-lugod; at ang pagtuturing sa anumang gulong ng palad bílang kaloob ng maykapal na hindi mapipigil ng tao. 

Samantalang pinalilitaw ng mga dominanteng puwersa [halimbawa na, ang patriyarkiya o kapitalista] ang mga ito bílang likás sa ating pag-iral, naitatanghal ang mga ito bílang mga “mito,” sa taguri nga ni Roland Barthes (1957), at pagkatalimuwang lámang na nararapat ilantad, ibunyag.[27] Kailangang isailalim ang mga ito sa demistipikasyon. Sa panig ng Marxistang manunuri ng panitikan, ibinubunyag ang mga ito’t inuusig. Sa manunulat na sinasabing nakikisangkot sa rebolusyonaryong pakikibaka, inaasahang masusuri rin ang mga ito sa bawat likha, at kung maaari, tuluyang masawata gámit ang aksiyon ng mga tauhan o talinghaga.

Sa hulí, humugot si Reyes ng limang “pangkalahatang kaisipan” na maaaring lumagom sa pananaw na Marxismo sa panitikan:

Una, makabuluhan ang akda na may epekto sa nakararami—ang siyang tumatanggap ng akda.

Pangalawa, nakasalig ang kabuluhan ng akda, samakatwid, sa ugnayan ng teksto at ng kagalingang pang-madla.

Pangatlo, sa pag-aaral ng kritiko, hindi niya kailanman maititiwalag ang akda sa konteksto nito—sa lipunan at sa panahon.

Pang-apat, mahalagang malaman kung sino ang may-akda, ang uring kanyang kinabibilangan, at ang mga impluwensiya sa kanyang kamalayan.

Panglima, mapaghihiwalay ang laman (sinasagot ng ano?) at anyo (sinasagot ang paano?) sa pagsusuri ng akda.[28]

Pahapyaw na Mimetikong Sipat sa Ang Probinsyano

Sa pagtalakay sa dalawang mimetikong lápit na itinampok natin mula kay Reyes, maaaring makahango ng sa tingin ko’y tatlong mahalagang kislap-diwa na makakasangkapan sa pag-unawa sa anumang akdang babagay sa mga ito o hihingi ng mga ganitong pagdulog, tulad halimbawa ng kontrobersiyal na Ang Probinsyano. Ito ang mga sumusunod:

  1. Mula sa karaniwang matapat na pamamaraan ng rendisyon sa realidad, nagiging isang uri ng pagbubunyag o paglalantad ng kung anuman ang panitikan.
  2. Madalas na ang mga ibinubunyag o inilalantad ay sagisag lámang ng mga tunggaliang bunga ng, o lumilikha sa mga di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunan sa labas ng panitikan.  
  3. Ang mga paraan ng pagbubunyag o paglalantad ang mismong balangkas ng pagsusuri ng awtor sa mga bagay-bagay na itinatanghal niya sa kaniyang akda. Nananahan sa balangkas ng kaniyang pagsusuri ang komentaryong inihahayin ng akda.

Sa mga sumusubaybay sa teleseryeng nabanggit, malinaw na ang moda ng pagpapalabas ay realistiko, kahit lubhang napakaeksaherado’t kung minsa’y napakamahiwaga ng mga pagkakataon (coincidence) ng pagkukuwento nito. Tandaang ang anyo nito ay soap opera at sa baklad ng romanse at melodrama, madaling nakukumpuni ang mga bagay-bagay at pangyayari para sa bidang si Cardo Dalisay, ang matuwid na pulis probinsiya, na hinango mula sa mga pelikula ni Ferndando Poe Jr. noong dekada 90. Sa kaniya umiikot ang daigdig ng kuwento. Siya rin ang tagapagpatakbo ng banghay nito. 

Gámit ang (1), masasabing makatotohanan ang pagtalakay sa maykatwirang búhay-pulis ni Dalisay, lalo’t umiiral siya sa isang daigdig ng pulisya na sa totoo lámang ay pamilyar sa mga manonood—isang daigdig na tiwali, kung saan sangkot mismo ang mga kawani sa paggawa ng krimen. Sa mula’t mula, antitesis si Dalisay ng marami sa hanay ng pulisya, sa teleserye man o sa tunay na búhay, at masasabing iginigiit ng palabas ang kaniyang taglay na birtud bílang tunay na tagapaglingkod at tagapagtanggol. Natatangi siya bílang bayani ng araw-araw. 

Madaling ilarawan ang maaksiyong pakikitunggaling ito ni Dalisay sa mga iskalawag sa kaniyang hanay bílang karaniwan at panghabampanahong pagtatanghal lámang ng labanáng mabuti at masamâ. Lalaging laman ng soap opera ang ganitong tunggalian sapagkat taglay nito bílang popular na anyo ang moral na polarisasyon, na humihimok ng pagpanig, lalo na sa karapat-dapat at mabuti.[29] 

Subalit gámit ang (2), matutuklasang hindi lámang basta pagtatanghal ito ng tagisang mabuti at masamâ, kung saan ang una ang nakatakdang mangibabaw at ang hulí’y nakaabang sa pagkagapi, bagkus isang pagbubunyag, paglalantad, sa anyo ng naratibo, ng batid na ng pangkalahatang lipunan, bagaman hindi yata talaga masawata kahit pagsumikapan—ang malawakan at sagad-sa-butong korupsiyon ng pulisya bílang institusyon. 

Hindi maitatangging sa realidad, bagaman marami pa rin namang matitinong pulis na maihahalintulad kay Dalisay, marami rin ang ginagawang negosyo ang pagpupulis upang makaagapay sa isang inaasam na marangyang búhay. Maraming mararangal ang magsasabing sapat lámang madalas ang sahod sa pagpupulis. Samantala, yaong mararangya’y nakikisangkot sa, o nagpapatakbo pa nga ng mga maliliit o malalaking organisadong krimen upang maging maalwan ang búhay, o upang “makaisa” man lámang kahit sa kanilang abang pamumuhay. Biktima rin ang pulis ng di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunan dahil sa limitasyon ng kaniyang pagkukunan. Dahil dito, naitutulak siyang pumasok sa daigdig ng krimen.

Masasabing isa lámang sa kompleks ng mga imahen ng PNP at pulisya ang itinanghal sa serye. Sumususog ito sa kalimitang katatawanang likha ng mga sitwasyong komiko na madalas kasangkutan ng mga pulis sa kulturang popular, tulad ng pagkahulí sa pagtugon sa mga krimen, katangahan o kawalang kahandaan kung tumutugon man, o pagiging likás na “pulis patola” at talagang malayo sa mga imahen ng makikisig na pulis o detektib sa mga seryeng telebiswal at pelikulang Hollywood.    

Ang dakilang kabayanihan ni Dalisay, na maysapusa’t hindi mapaslang-paslang ng kaniyang mga kalabang kriminal at kabaròng tiwali, ay masasabing pag-uyam sa malaganap na korupsiyon sa buong sistema. Ang kaniyang pagiging masunurin sa mga superyor [at di miminsang pagsuway, dahil sa tawag ng paglilingkod], laging pagtalima sa maliliit at malalaking tungkulin, at pagiging ulirang tao, ay tindig ng katwiran sa gulo at galaw ng sistemang tiwali, na madalas, pinatatakbo ng kapital o pamumuhunan ng mga mismong kriminal na elementong nakikipagsabwatan sa pulisyang dapat ay dumadakip sa kanila. Ang lahat, sa loob at labas ng panitikan, ay nagiging biktima ng di-makatarungan at di-makatwirang kairalan ng lipunang bunga nito.

Samantala, gámit ang (3), masasabing sa pigura ni Dalisay, naghahayin ang teleserye ng isang mailalarawang “politika ng mga posibilidad.” Posible ang malinis, madalisay ang pulisya, kung sisikapin lámang nito na totoong magpakabuti’t magpakatotoo sa sinumpaang tungkulin sa bayan. Ngunit napakabigat ng mga pagsubok na hinarap, at patuloy na hinaharap ni Dalisay ngayon. 

Sa kasalukuyan, ang kaniyang pangkat, ang Vendetta, ay tinutugis ng tiwaling pamahalaan upang tuluyang mahadlangan sa mga gawain nitong kontra sa lunggati ng mga mapamuksang dominanteng puwersa, sa pamumuno ng mismo ng mga nakaupong balakyot. Pinabibigat pa ito ng dramatisasyon ng mga kunwa’y opisyal ng PNP bílang gahaman sa kapangyarihan, mapanikil sa mga tumututol sa kanilang pamamalakad, at mapaghasik ng sindak gámit ang puwersang mayroon ang tanggapan.

Para sa PNP sa tunay na búhay, hindi magandang pakinggan ang komentaryo ng Ang Probinsyano. Nasasaktan sila sa kanilang napapanood na paghahari ng kasakiman sa kathang PNP sa palabas. Idinadahilan ng mga opisyal mula sa tunay na búhay na nagdudulot ito ng malawakang demoralisasyon sa kanilang hanay.

Pero trabaho ba ng teleserye bílang panitikan na pagandahin ang kanilang imahen? Alam natin ang sagot diyan. Ang pagpapaganda ng imahen ng alinmang problemadong institusyong pampamahalaan ay gawaing pampropaganda. Hindi ito trabaho ng panitikan. Sa kabilâng bandá, kung gayon kasidhi ang naging reaksiyon ng PNP sa palabas, kailangang palakpakan natin ang Ang Probinsyano sa matapat nitong rendisyon sa realidad, at pagsaksi sa mga totoong nangyayari sa lipunan. Natupad nito ang napakahalagang tungkulin.   

Paglalagom at Implikasyon

Samantala, sa hulí, ano pa ba ang masasabing implikasyon ng reaksiyon ng PNP, bukod sa lubhang lisya ang pananaw ng mga punò nito hinggil sa panitikan, at sadyang nananakot, nanggigipit lámang? May isa pang ulat na pumukaw sa akin kaugnay ng pangyayari, na nagsalaysay hinggil sa pagmumungkahi ng isang pangkat na manalamin muna ang pulisya bago pakialaman ang Ang Probinsyano.[30]

Anila, makabubuting magnilay muna ang institusyon tungkol sa kung sino talaga ang tunay na dahilan ng pangit na tingin ng madla sa mga pulis. Kung nakadarama nga naman ng demoralisasyon ang mga pulis sa korupsiyong iniuugnay sa kanilang hanay, bakâ may bahid ng katotohanan ang natutunghayan sa teleserye’t kailangan nilang mamulat at gumawa ng hakbang upang malunasan ang kanilang institusyonal na karamdaman.

Sa gangang akin, dapat na tandaan na ang bida pa rin ng drama ay isang ulirang pulis sa alegorikong pangalan na Cardo Dalisay. Maaari’y nagagapi nga sa kasalukuyang takbo ng kuwento ang kadalisayang nananahan sa kaniyang loob, kayâ heto’t higit na nakapupukaw, lalo sa pamunuan ng PNP, ang kasamaang malaganap sa kathang PNP sa palabas. 

Sa pangkabuuan, isang napakahalagang epekto ng panitikan, lalo’t kung usapin ang pagiging matapat nito sa pagbubunyag ng mga katotohanan, ang gisingin táyo mula sa ating mga di-nakatutulong na mga pagkakahimbing. Gaya marahil ng pinagdadaanan sa ngayon ng PNP, na sa kabila ng pagkabuwal ng libo dahil sa digmaan laban sa droga ng Pamahalaang Duterte, at mga dokumentadong pagkakasangkot ng mga pulis sa mga tiwaling gawain, ay nag-iilusyon pa rin na mapagkakatiwalaan talaga silang tanodbayan. Pero dapat manaig ang kabutihan, sa gayong paraan na sa hulí, maaasahan sa teleserye ang pananaig ni Dalisay bílang ahente ng kabutihan. 

Kailan kayâ magigising ang PNP sa katotohanang ito? Kailan kayâ ito babaling sa tungkuling maglingkod at mangalaga sa mamamayan? Kailan ito tatalima sa mga karapat-dapat na birtud, sa kadalisayan at katapatan?

Isa ring mabuting mungkahi sa kanila ang pagbabalik-áral sa Panitikan, kahit pa ipinagsasawalang-bahala na ito sa makabagong lipunan at bakâ tuluyan na ngang lansagin sa antas-tersiyaryo ng sistema ng edukasyon. May tungkulin itong maging matapat sa paglalarawan ng panahon at kaligiran, gaano man karikit o karimarimarim. Magbabago ba ang PNP, matapos ng lahat ng napanood nitong “pagbubunyag” sa Ang Probinsyano? Abangán ang susunod na kabanata.

Talâ   

[1] Basahin ang “Lacson backs Albayalde on ‘Ang Probinsyano’ concerns, Poe defends series,” ABS-CBN News.com, Nobyembre 15, 2018, https://news.abs-cbn.com/news/11/15/18/lacson-backs-albayalde-on-ang-probinsyano-concerns-poe-defends-series/.

[2] Basahin ang Talabong, Rambo, “DILG chief wants ‘Ang Probinsyano’ plot changed to favor PNP,” Rappler.com, Nobyembre 15, 2018, https://www.rappler.com/nation/216791-ano-wants-ang-probinsyano-plot-changed-favor-cops.

[3] Reyes, Soledad, “Pambungad,” Nobelang Tagalog 1905-1975: Tradisyon at Modernismo (Lungsod Quezon, Ateneo de Manila University Press, 1982), xi.

[4] Aristotle, “Poetics, Section 1” The Internet Classics Archive, http://classics.mit.edu/Aristotle/poetics.1.1.html.

[5] “Verisimilitude,” Online Etymology Dictionary, na-akses Nobyembre 20, 2018, https://www.etymonline.com/word/verisimilitude#etymonline_v_4726.

[6] Abrams, Meyer H., “Realism and Naturalism,” A Glossary of Literary Terms, 7th ed. (Boston: Heinle & Heinle-Thomson Learning, 1999), 260.

[7] Ibid., 261.

[8] Ibid. 

[9] “Sa Aking Inang Bayan,” Rizal, José, salin ni Almario, Virgilio, Noli Me Tangere (Lungsod Quezon: Adarna House, 2011), wp. 

[10] Almario, “Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog: Isang Pagsusuri,” Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 2009), 38.

[11] Ibid.

[12] Flores, Patrick at Sta. Maria de la Paz, Cecilia, Sining at Lipunan (Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 2000), 39.

[13] Flores, “Social Realism: The Turns of a Term in the Philippines,” Afterall: A Journal of Art, Context and Enquiry 2013, blg. 34: 64.

[14] Ibid.

[15] Reyes, “Ang Historikal/Sosyolohikal na Pananaw,” Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), 28.

[16] Ibid, 29.

[17] Ibid.

[18] Ibid., 36.

[19] Ibid., 37.

[20] Reyes, “Ang Marxistang Pananaw,” Kritisismo, 69.

[21] Ibid., 73.

[22] Ibid.

[23] Salin ni Reyes ng pahayag mula sa Marxistang Kongreso ng mga Manunulat na Sobyet noong 1934, 74.

[24] Ibid., 76.

[25] Ibid.

[26] Ibid., 79.

[27] Hinggil dito, basahin ang Barthes, Roland, Mythologies: The Complete Edition, in a New Translation (New York: Hill and Wang, 2012).

[28] Reyes, “Ang Marxistang Pananaw,” 82.

[29] Hinggil dito, basahin ang Brooks, Peter, “The Melodramatic Imagination,” The Melodramatic Imagination: Balzac, Henry James, Melodrama, and the Mode of Excess, with a new Preface (New Haven: Yale University Press, 1995), 1-23.

[30] “PNP, DILG chiefs urged to look in the mirror, not ‘Ang Probinsyano,'” ABS-CBN News.com, Nobyembre 18, 2018, https://news.abs-cbn.com/news/11/18/18/pnp-dilg-chiefs-urged-to-look-in-the-mirror-not-ang-probinsyano.

Advertisements

Palaisipan 6: Bakit Kailangang Pag-aralan ang Filipino at Panitikan?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Sa napakasaklap na dahilan—ang tuluyang pagpabor ng Korte Suprema sa pagtanggal sa mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, at patuloy na pagbubulag-bulagan ng pamahalaan sa totoong sitwasyon ng pagtuturo ng mga nabanggit sa batayang edukasyon—kailangang batahing muli ang pagtugon sa tanong na ito. 

Hindi lámang dahil nakataya rito ang kabuhayan ng libong guro na noon pa’y dumadaing sa pagpapatupad ng sistemang K to 12, na may dakilang layon na ihanda ang mag-aaral na Filipino sa global na panahon. Mabigat na nga itong dahilang ito kung tutuusin, dahil napakarami nang nawalan ng trabaho nitong mga nagdaang taon. 

Ngunit nakataya rin dito ang ating pangmalawakang kalinangan bílang kultura. Napakaraming mawawala at mapawawalang-saysay ng pangyayaring ito. Kayâ hinihinging muling pag-isipan ang mga sumusunod: Ano nga ba ang nasa Filipino at Panitikan at kailangan natin itong bantayan, ipagtanggol, at panatilihin, lalo sa mataas na edukasyon na pinagtanggalan nito? Bakit kailangan pag-aralan ang mga ito? Ano ba ang napapala natin sa mga ito? 

Dalumat, Danas, Dunong

Ang totoo, magkaugnay ang Filipino at Panitikan—kambal na maituturing—sa kabuuan ng kasaysayan ng sistema ng edukasyon sa Filipinas. Sa pamamagitan ng Panitikan sinisikap ituro ang Filipino bílang wikang pantalastasan. Sa kabilâng bandá, ang Panitikan naman ang nagiging makabuluhan, makapangyarihan, at mabungang plataporma ng pagtuturo sa mga dalumat, danas, at dunong ng malawakang kulturang Filipino. Sa matagal na panahon, ginagawa ang mga ganitong gawain sa loob ng mga silid-aralan sa Filipinas. Naging daan din ito, sa tingin ko, sa patuloy na deskolonyalisasyon sa minana nating sistema ng edukasyon mula sa mga Americano. 

Bagaman nagtuturo rin naman ang ating mga paaralan ng Panitikan sa Ingles—at nakapagkakaloob ito ng isang pananaw na malawak, sarikulay, at pandaigdigan—sa tingin ko’y wala pa ring tatalo sa pagtalakay sa mga nasabing dalumat, danas, at dunong, at lalo na sa ating mga natatanging pamamaraan ng pakikipagtalastasan, sa wikang Filipino, gámit ang mga panitikang nasusulat sa ating mga wika. Marami sa mga ito’y sa ating mga wika lámang lubusang maiintindihan at maipapaliwanag. Kayâ, sa hulí, ang pagtatanggol sa Panitikan ay talagang pagtatanggol din sa Filipino, at vice versa.

Ibig kong itanghal ang tatlong nabanggit, na sa aking paniwala’y sa Filipino at Panitikan lámang maaaring malalimang matampok, matalakay, at maunawaan. Nais ko ring patunayan ang pangangatwirang ito, kahit na pahapyaw, sa pamamagitan ng isang kawing ng mga ilustrasyon. Hinggil sa dalumat, ang tinutukoy ko ay mga pananaw at pagkakaunawa sa mga bagay-bagay na madalas ay naisisilid sa mga salitâng buháy sa ating wika at gunita. Ang danas naman ay paglalagom sa ating mga pinagdaraanang nagbibigay-katuturan hinggil sa ating sarili, pamayanan, at bayan. Dunong naman ang tagapagbuod sa ating kultural na talino at mga pamamaraan ng pag-alam.  

Tungkol sa dalumat, hindi ko malimutan ang personal na kuwento ni Virgilio Almario (1990) hinggil sa pagkakatagpo niya sa salitâng “parikala.” Dati-rati, madalas umano siyang makarinig ng kantiyaw na wala tayóng katutubong dalumat para sa irony, ang estropang nagpapahiwatig ng “isang uri ng pagpapatawa,”[1] at ayon naman kay Meyer H. Abrams (1999), sa kaniyang A Glossary of Literary Terms, “remains the root sense of dissembling or hiding what is actually the case; not however, in order to deceive, but to achieve special rhetorical or artistic effects.”[2]

Sa pangmalawakan, nagpapahayag ang irony ng kakulangan sa kaisahan sa pagitan ng ipinahahayag at sa ipinakikita o totoong ipinahihiwatig. Tampok ito sa mga pigura ng litotes o understatement, sa isang bandá, at hyperbole o pagmamalabis, sa isa pa; at sa pinaniniwalaang tatlong anyo nito—ang parikalang verbal, na sumasakop sa dalawang pigurang ating nabanggit; parikala sa sitwasyon, na nagtatanghal na mga kabaligtaran ng mga inaasahan; at parikalang dramatiko, na matalik na kaugnay ng panonood ng klasikong trahedya.     

Ani Almario, ang kawalan nito’y animo’y nagpapatunay na ang uri ng pagpapatawang tinatangkilik natin ay “(h)anggang ‘berde’t baboy’…kaya’t burlesk…at OA (overacting) lámang ang nakapagpapamukadkad ng gilagid nati’t bunganga.”[3] Ngunit napatunayan niyang mayroon ngang katutubong konsepto nito nang magbulatlat siya ng Vocabulario de la Lengua Tagala (1754; 1860) ng mga Fransiskanong sina Juan José de Noceda at Pedro de Sanlucar. Mahalaga ang tuklas na ito, na sa Filipino at Panitikan lámang mapahahalagahan at lalo pang mabubuklat. Sapagkat wika nga niya, 

Nakatudling sa puso ng parikala ang pagkadama sa walang tigil na agos ng buhay at kasaysayan, sa pagsulong at pagbabago na mahirap malusutan, sa pagtitimbang ng isang iglap at walang hanggan, sa walang katapusang tunggalian at pakikibaka.[4]

Tendensiya ng Filipino at Panitikan na maging maugnayin. Kayâ’t madaling matuklasan sa pag-aaral ng mga ito—lalo sa liwanag ng ating mga pekulyar na danas—ang likás na pag-iral ng parikala sa búhay. Masdan na lámang halimbawa ang nakamihasnan nang romantisasyon ng mga Filipino sa sariling katatagan tuwing magtatapos ang pananalasa ng bagyo. Sa isang bandá, seryoso ang mga Filipino sa bagay na ito, sapagkat talaga ngang kahanga-hanga at nakadadala ng damdamin ang pagbabayanihan at pagkakapwa-tao para sa mga nasalanta. Ngunit ano nga ba ang totoong nasa likod nito? Iyon lámang ba ang “mababása” sa danas na ito? 

Filipino at Panitikan ang maaaring magpamulat hinggil sa parikalang umiiral sa sitwasyong ito. Sa unang sapin, maaaring makita ang parikala sa ibayong optimismo sa kabila ng mga pagkawasak at pagkawala. Ang patuloy na pagtitindig na muli ng mga bahay—na parang walang nangyari—ay isa na ngang mahimalang parikala. Noong unang panahon pa lámang, hinaharaya na ang mga bagyo bílang isang pagsubok na kakayanin, “titigisin,” sang-ayon nga sa tulang natutuhan nating tukuyin bílang ang “May Bagyo Ma’t May Rilim.” Kayâ sa ating pananaw, buháy ang maparikalang pagpapahalaga sa katapangan at maluwag-sa-loob na pagtanggap sa mga tunay at matalinghagang bagyo. Dahil wika nga, sa isa pang talinghaga ng mga salawikain sa anyong dalít,

Ang sugat ay kung tinanggap,       
Di daramdamin ang antak;
Ang aayaw at di mayag
Galos lámang, magnanaknak.

Subalit hindi dito nagtatapos ang diskusyon. Ang parikala’y isang estropang nagdadala ng mga kislap-diwa hinggil sa karunungang-bayan. Sa sosyo-politikal na mga usapin, palagiang nadadawit ang talinghaga ng bagyo bílang paraan ng pag-unawa—at pag-usig na rin—sa di-iilang madilim na yugto ng kasaysayan. Kayâ hindi rin mahirap isiping sa ngayon, “binabagyo” nga rin táyo ng maraming delubyong panlipunan—sa anyo ng paniniil o pananakot sa mga kritiko ng pamahalaan, pagpopondo’t pamumuhunan sa lalong ikalilito o ikamamangmang ng mamamayan gámit ang fake news, pagkabuwal ng laksa sa gabí-gabíng digmaan kontra droga, at pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa mga hinaing ng mamamayang pasan-pasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.

Patuloy na nananalasa ang bagyo habang nagririgudon ang mga politiko para sa nalalapit na halalan. Nito ngang hulí, isang butihing historyador ang nagpanukala, pa-muli, na “basahin” ang siyang mata-ng-bagyo bílang pusóng [mula sa mga kuwentong Juan Pusóng mula sa Visayas] o yaong tinatawag na trickster sa mga panitikang bayan. Muli, dahil sa kaniyang matagumpay na pag-akyat sa sentro ng kapangyarihan mula sa kuta at laylayang Mindanao, at pinaninindigang paglansag sa mga datihan at dominante sa pambansang politika. Hindi ito ang unang pagkakataon na “binása” ang sinasabing pusóng bílang pusóng, at marami nang naging pagtalakay at pagtatalo hinggil dito. 

Ang siste kasi, sinasabi ng ilan na ang pagkakaunawa ng mga bumabása sa pusóng bílang pusóng ay taliwas sa kung ano talaga ang pusóng sa ating konteksto. Sinsabing napapangatwiranan lámang ito batay sa mababaw na pakahulugang Kanluranin sa trickster, na hindi kailanman malalagom ang kabuuang kultural na saysay ng pagiging pusóng. Sa Filipino at Panitikan, hindi lámang nagiging posible ang ganitong muli at muling paglalapat ng mito sa mga pigurang sosyo-politikal. Nagiging posible rin ang pagpapatunay kung wasto ba ang paglalapat na tinutupad sapagkat naitatanong ang mga dapat tanungin, habang nakalapag ang mga paa sa sarili nating lupa.

Dagdag pa nga, halimbawa, ni Mila Aguilar, 

(f)ew if any of the current Western theoretical approaches could fully account for the dynamics of tricksterism in the Philippine context, its working in tandem with buffoonery, its political overtones and economic undertones, as well as its dialectic within Philippine history and society.[5]

Kung gayon, wasto ba ang ganitong pagbása sa pusóng, at pagturing sa itinuturing na pusóng bílang pusóng? Malaki ang tiwala kong Filipino at Panitikan lámang ang makatutugon sa mabibigat na hámon na ito, lalo pa’t pipilitin táyo ng mga ito na balikán, halimbawa, ang mga tomo ng panitikang bayan na tinipon ni Damiana Eugenio. Tiyak na marami táyong mapupulot na katutubong saysay ng pusóng mula sa mga ito, at sa taglay niyang parikala, lalo na kung mga “nangyayaring harı” ang pag-uusapan.      

Ilan Pang Karagdagang Pangangatwiran

Nailahad, naitanghal ko ang mga napakahalagang nilalaman ng Panitikan, at lalo na ng mga panitikan sa Filipinas [dahil totoong napakarami!], na dapat isaalang-alang ng mga tagapagpasya ng nilalaman at estruktura ng kurikulum. Totoong taglay ng mga ito, sa bawat pagtuturo at pagkukuro, ang dalumat, danas, at dunong ng Filipino at kaniyang mayamang kultura. 

Madaling sabihing motherhood statement ito, oo. Kasi nga naman, sa isang bandá, talagang mga abstraktong bagay itong mahirap sukatin, lalo sa paraang isinusulong ng mga tagapagbandera ng makiling-sa-mga-agham-at-teknolohiyang-disiplinang outcomes-based education at malaganap na oryentasyon sa edukasyong pansiglo 21, na sa kasawiampalad ay nakatuon lámang sa paghahanda ng mga manggagawang magpapaempleyo sa ibayong-dagat.

Pero subukin nating tingnan ito sa pananaw ng kasaysayang Filipino, at hindi mahirap isiping talagang lubhang napakamapanghamon na gagapin ng mga taglay na ito, sa kanilang pinakabásal na anyo. Halimbawa, batugan nga bang maituturing ang isang lahi na inaaglahi at pinupuwersang buwisan ng kolonisador sa pamamagitan ng sapilitang trabaho? Nasagot iyan ni José Rizal (1890) sa kaniyang mataginting sanaysay, ang “Sobre la indolencia de los filipinos,” hinggil sa katamaran ng mga Filipino. Dito, inusig ang pananaw ng mga Espanyol sa pamamagitan ng rasyonalisasyon sa panghihinawa ng mga táong naaapi. Muling ipinagkaloob ni Rizal ang dignidad ng mga Indio sa pamamagitan ng pagliligtas, pagbubuo sa kaniyang galíng at bait.       

Ang maganda sa mga panitikan [ng ating bansa, at ng daigdig], nadadalisay ng mga ito ang mga nasabing dalumat, danas, at dunong, upang mapagnilayan sa anyo ng pagbabasá, at patuloy na pagbabasá sa mahabang panahon. Dahil ipinopook ng mga manunulat ang mga dalumat, danas, at dunong na ito sa mga salaysay, talinghaga, at pagtatanghal na malapít at totoo sa nagbabásang Filipino, nagkakaroon ng pagkakataon ang hulí na lalong magkamalay at magpalalim ng pag-unawa sa mga bagay-bagay. Nagdudulot ito ng kalayaan para sa kaniya, sapagkat sa isang bandá, nagsisimula talaga sa haraya ang pagbaklas sa anumang tanikala. Ani Almario (2014), sa kaniyang muling pagpapahalaga sa Florante at Laura, 

isinisilang ang kamalayan-sa-kalayaan bílang mabigat na pakiramdam sa pagpangitain ng ‘Haraya.’ Mula dito, walang opsiyon ang katutubong “Haraya” kundi ihanap ang sarili ng ginhawa [kaniya ang diin], na nangangahulugan na ng literal na pagkilos upang simbolikal na isúlong ang kamalayan-sa-kalayaan tungo sa higit na mataas na anyo o yugto hanggang sa kaganapan ng katutubong “Haraya-sa-Kalayaan.”[6]

At bakit ito ginagawa ng mga panitikang Filipino na binabása at itinuturo sa mga klase sa Filipino? Sapagkat kailangang maigpawan ng Filipino ang kaniyang pagiging komplikadong nilalang na hubog ng tatlong sapin ng karanasan at impluwensiyang kolonyal; mga sigalot sa nakaraan na nagpapatuloy sa kasalukuyan; at kalagayang pulo-pulo, tribo-tribo, at dahil nga ganoon, watak-watak. Isa itong pangangailangang gawain dahil ang sinasabing “pag-aakda” sa bansa ay isang patuloy na proseso ng pagdalisay hindi lámang sa kabansaan, pati na rin sa ating identidad. Isa ang wika sa mahuhusay na bigkis ng lahi. Pintungan naman ng wika ang panitikan.    

Isang walang-katapusang gawaing binabatá ng ating mga manunulat ang pag-aakda sa bansa, sapagkat wika nga ni Resil Mojares (2000), kamakaila’y itinalagang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, hinggil sa ating kabansaan, “we are haunted by the sense that we have not imagined deeply enough its shape, span, strength, depth.”[7] Masakit mang pakinggan, isa táyong lahing wala o lumalaboy ang kaluluwa—ang ating kaakuhan. Kailangang tawagin ito pabalik sa ating pambansang katawan upang patuloy táyong mabuhay. Kailangang patuloy itong gawin, lalo pa’t giit ni Mojares, “Philippine literature has never occupied a prominent place in the curricula of colleges and universities.”[8]  

Binabatá ng asignaturang Filipino, at ng mga panitikang Filipino na paksa nito, ang gawain ng paghango sa wika nga’y “kakang-gata” ng bawat dalumat, danas, at dunong na isinasapanitikan at inihaharap sa pagtuturo’t pagbabasá. Sa tingin ko, hindi sapat ang hayskul para sa pagnamnam sa mga ito. Kung sinisikap na tumaas ang kasanayan dito, at talagang ibig itong maging mapakinabang hanggang sa paglabas sa paaralan ng edukado, bakit ba hindi na lámang ito panatilihin hanggang sa kolehiyo? 

Sa tingin ko, hindi matanggap ng mga kumakatig sa di-makatwirang pasya ng Mataas na Hukuman na hindi na lámang basta pag-aaral ng wika at pagbása ang Filipino at Panitikan sa pangkabuuan. Hindi na lámang ito pagpapahusay sa mga kasanayan sa pakikipagtalastasan at pagkatuto. Ito’y isang nakapagsasariling disiplina na may malawak na saklaw at interes, na kung minsa’y humihiram pa nga sa mga pamamaraan ng mga halos kapatid na disiplina ng agham panlipunan, o anumang nagbubukas dito ng pinto at nagpapatulóy.

Isa pa, bagaman itinatadhana ng kurikulum ang interdisiplinaridad sa batayang edukasyon, nangyayari lámang talaga ito sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan higit na litaw ang mga pamumuhunan sa mga larangan. Hindi lámang naman usapin ito ng pagkakapuwang ng Filipino sa mga disiplinang, oo, maaari ngang magkanlong dito sa mga matataas na institusyon ng edukasyon. Ngunit maitatanong: Maituturo ba ng mga disiplinang nabanggit ang tatas ng mas mataas na uri ng talastasang pampamantasan sa wikang Filipino? Maituturo ba nila ang kultura lalo pa’t may mga dapat pang itinuturong kasanayang espesipiko sa kanilang larang?  

Higit na magiging makabuluhan ang mga natutuhan sa batayang edukasyong pampanitikan kung iaakyat din ang mga ito sa mga silid-aralan ng kolehiyo o pamantasan, siyang bungad ng mga mag-aaral sa totoong mundo matapos nilang magtapos, at kung saan higit na mapatataas ang antas ng pagtalakay dito. Kung real-life at long-term learning ang talagang hanap natin, bakit pa lalayo sa Filipino at Panitikan? Naikintal na sa mga ito ang lahat ng maiging linangin, lalo sa panahon ng lalong paggulang ng mag-aaral.

Samantala, hindi rin dapat magdiwang ang mga tinaguriang “kontra-Filipino,” na madalas, sa kakatwang dahilan, ay itinatago lámang ang kanilang pagiging “Inglesero” sa sáya ng kasalukuyang nasa modang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Marapat lámang tandaan na ang pagtatanggal sa Filipino at Panitikan ay paglalansag sa mga platapormang malaong kumakalinga sa iba pang pambansang wika at panitikan mula sa rehiyon. Kung tutuusin, pare-pareho táyong mawawalan. Kung malalansag ang mga kagawaran ng Filipino at Panitikan, matatanggalan ng inpraestuktura ng pagpapaunlad at paglinang ang lahat ng sangkot sa mga wika at panitikan.  

Ang Filipino at Panitikan sa Silid-Aralan

Ano nga ba ang nagaganap sa loob ng silid-aralan ng Filipino at Panitikan na tumutupad sa ganitong mga pangako ng pagnamnam sa kakang-gata ng bawat dalumat, danas, at dunong na Filipino? Pangunahing plataporma ang mga panitikang Filipino sa pag-aaral at pagpapahusay sa wika. Sa pamamagitan, halimbawa, ng mga kuwentong pambata, maaaring magkaroon ng panimula ang batà sa pakikinig, na isang napakahalagang kasanayan. Nasusuhayan nito ang pagsasalita, na malaong nang natutuhan sa tahanan. Nagkakaroon din siya ng panimula sa pagkilala, kahit sa kamusmusan, sa kaibhan ng wikang pasalita at pasulat na kaniyang unti-unting aaralin.

Napakapayak na mga gawain, kung tutuusin, kundi nga lámang talagang unti-unting pinalalalim ng mga ito ang karanasan ng batà sa wika. Nakaeengkuwentro ng batà ang wika, pati na rin ang iba’t iba nitong hiwaga, sa pamamagitan ng mga salaysay, tula, at bigkas.

Ngunit isa pang hiwaga ang kaniyang natutuklas habang natututuhan niyang gamítin ang wika—ang kakayahan nitong mapagpakahulugan, ang kakayahang magpahatid ng mga ibig sabihin. Kapag siya ay nakikinig o nagsasalita sa klase, may sinasabi siyang makahulugan. Kapag siya ay nagsusulat sa pisara o sa kaniyang kuwaderno, may sinasabi siyang makahulugan. Sa guro, at sa mga manunulat niya unang natututuhang kapag nag-asemblea ng wika ang isang tao, siya ay nagpapakahulugan. Matagal niya itong pinagsasanayan. 

Nagagamit din ang mga panitikan sa lalong pagkatuto sa balarila ng wika. Dahil ang wika ay isang kompleks ng mga balarila o panuntunan ng paggamit dito upang maging mapagpakahulugan, isinasaloob ng mag-aaral ang kasanayan sa paggamit dito upang sa bandáng hulí’y maging maalam sa pakikipagtalastasan sa kaniyang kapwa. Maraming silbi ang kaalaman, mulang mga pagkakaunawa sa mga pangngalan hanggang sa iba’t ibang antas ng pagtatalastas at pagpapakahulugan. 

Sa pag-aaral ng wika, napahahalagahan ang pagiging bahagi ng mag-aaral ng isang komunidad, ng isang lahi, ng isang bansa. Akala ng marami, walang kawawaan ang mga gawaing gramatiko’t mga praktikal na ehersisyong pantalastasang itinatanghal sa klase. Paulit-ulit man sa bai-baitang, paalala ang mga ito na kasapi ang mag-aaral ng isang pangkat ng mga táong patuloy na nagpapasya hinggil sa kung papaano magkakaunawaan at makagagawa ng kahulugan. Kayâ walang terminal o katapusan ang pagsasanay sa wika. Sa bawat panahon, at sa maraming konteksto, talagang mahusay na plataporma ang panitikan para sa mithiing ito.

Subalit nagpapakahulugan nga sa isang natatanging paraan ang panitikan sa pangkalahatan, at hindi lámang ang tuwirang inihahayag nito ang dapat na maunawaan. Kailangan din nitong mabulatlat, mabása pati ang mga hindi sinasabi. Sa silid-aralan din ng Filipino at Panitikan natututuhan ang pag-ulinig sa mga ipinahihiwatig ng panitikan bílang isang uri ng masining na pakikipagtalastasan. Sa klase, pinaghuhusayan ang isang paraan ng pagbásang talagang mahalaga at walang kaduda-dudang magagamit sa habambuhay—ang close reading na tinatawag o pagtitig sa teksto. Ginagawa nitong higit na matalim ang tao sa pag-unawa sa mga tandâng nakapaligid sa kaniya—hanggang pati ang mga tandâng di-pasulat, tulad ng mga talastas na biswal, ay matutuhan na rin niyang mabása. 

Sa pamamaraang nabanggit, tinutulungan ng guro ang mag-aaral na buklatin ang akda sa pamamagitan ng mga tanong o udyok na magtutulak ng ibayong pagsusuri. Sapagkat wika naman talaga ang bumubuo sa akda, natututo ang mag-aaral na maging sensitibo, hindi lámang sa indayog ng lengguwahe, kundi pati na rin sa nuances o pagkasari-sari ng pakahulugan nito.

Nakikilala niya, halimbawa, ang matapat, maalab, o mapanggagad sa bawat himig, at nakasisiya iyon, sapagkat sa totoong búhay, talagang napakahalaga ng tono sa pag-unawa sa mga sinasabi ng kapwa, at lalo na, ng sarili. May tono ang pananalita, at kahit nakalimbag na ang wika sa panitikan, laging nagpapaulinig ang katangiang oral nito. 

Marami pang nabubulatlat ang pag-aaral ng panitikan. Halimbawa na, ang kompleksidad ng tunggalian na nasa kaibuturan, kapwa ng prosa at tula. Sabi nga, kung walang tunggalian, walang kuwento; at kapag walang kuwento, walang kuwenta. Napakalupit na hatol, masasabi ninyo.

Pagsasakataga ng laksang komplikasyon sa búhay ang panitikan, at ginagawa iyon upang matulungan ang mga táong mapagnilayan ang mga malamáng na mangyayari sakaling magkaroon ng mga ganito o ganoong salimuot sa mga sitwasyon. Ang panitikan ay paglalakbay sa mga laberinto ng salimuot ng búhay ng tao, at nagkakaroon táyo ng pagkakataong titigan ito, mata sa mata, sa aruga ng silid-aralan ng mga klase sa Filipino at Panitikan, kung saan ligtas itong gawin. Sinasabing wala raw ensayo ang mabuhay, subalit dahil sa panitikan, nagkakaroon táyo ng pagkakataong suriin ang karanasang pantao.

Tumindig para sa Filipino at Panitikan

Muli, dapat bang hayaan na lámang ang pagpapahusay sa mga kasanayang pampanitikan na ito sa hayskul, upang, wika nga ng mga “makikinabang” sa reduksiyon sa yunit ng Filipino at Panitikan, ay magkaroon ng mas mahabang panahon ang mag-aaral sa kaniyang espesiyalisasyon?

Ibig kong maghayin ng magkakaugnay na kontra-tanong sa mga “makikinabang” na nabanggit—na marahil magpapapiyesta o magpapamisa dahil sa pasya ng mataas na hukuman. Tumitigil ba táyo sa paggamit ng wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pakikipagtalastasan sa ating wika matapos ng hayskul? Tumitigil ba táyo sa pagiging Filipino matapos ng hayskul? Higit sa lahat, tumitigil ba táyo sa pagiging tao matapos ng hayskul? Aba’y kung “oo” ang sagot sa mga ito, maaari nating tanggapin, kahit mabigat sa loob, ang napakasaklap na palad ng tuluyang pagkaparam ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng mataas na edukasyon.

Ngunit alam nating ang sagot ay “hindi.” Hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wika habang nabubuhay táyo, bílang kasapi ng ating lipi. Lalo na, hindi táyo tumitigil sa paggamit ng wikang Filipino dahil kasangkapan natin ito sa araw-araw habang nananatili táyo sa lupain ng Filipinas o nakikisalamuha sa mga kapwa-Filipino.

Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging Filipino—hanggang, marahil, piliin nating magpalit ng pagkamamamayan matapos lumisan at manatili sa ibang bayan. Hindi rin naman táyo tumitigil sa pagiging tao, hanggang sa hukay. Bakit, kung gayon, kailangang iwan ang pagkamalay at pagpapalalim ng unawa sa wika, pagka-Filipino, at pagkatao sa Filipino at Panitikang panghayskul? 

Inuulit ko: Magkakaroon ng mas maigting na talakay ang wika at mga panitikan ng Filipinas kung itatalaga pa ring mga asigntura sa kolehiyo ang Filipino at Panitikan. Higit na magkakaroon ng pagkamalay at pagpapahalaga ang magtatapos, hindi lámang sa wika at mga pamamaraan nito ng pagtatalastas, kundi pati na rin sa panitikan na siyang naging paraan upang maunawaan niya ang mapagpakahulugan nitong katangian. 

Dahil manibalang nang maituturing ang mag-aaral, mapalalalim ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ang kaniyang pagkakaunawa sa wika at panitikan bílang mga makabuluhang kagamitan sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral. Sa higit na mataas na antas ng diskusyon, maaasahang makikita niyang humihigit pa sa karaniwang komunikasyon ang gámit ng wika. Maiuugnay niya rin ito sa pag-iral ng panitikan, na isang uri ng pagkasangkapan sa wika na higit sa karaniwan, at higit na malikhain. Patuloy na mabubuksan ang kaniyang diwa hinggil sa sarili, bayan, at daigdig. At higit siyang magiging táong may kabuuan, edukado sa hambal, at may pagka-Filipino.

Talâ

[1] Almario, Virgilio, “Ang Pagbabalik sa Parikala,” ed. Almario, Parikala: Mga Bagong Tula, Mga Bagong Makata (Lungsod ng Maynila: Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo at Kalikasan Press, 1990), 9.

[2] Abrams, Meyer H., “Irony,” A Glossary of Literary Terms, 7th ed. (Boston: Heinle & Heinle-Thomson Learning, 1999), 135. 

[3] Almario, “Parikala.”

[4] Ibid, 10.

[5] Aguilar, Mila, “Fighting the Panopticon: Filipino Trickster Tales as Active Agency,” Mila D. Aguilar.ph, 13.

[6] Almario, Virgilio, “Introduksiyon sa Panitikan Tungo sa Kalayaan,” Si Balagtas at ang Panitikan para sa Kalayaan (Lungsod ng Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2014), 27.

[7] Mojares, Resil, “The Haunting of the Filipino Writer,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon, Ateneo de Manila University Press, 2002), 297.

[8] Ibid, 304.

Palaisipan 3: Ano ang Layon ng Pagtuturo ng Panitikan?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Kababasa ko lámang muli ng sanaysay ni Caroline Hau (2000) sa kaniyang tanyag na Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation 1946-1980, na tumalakay, sa isang bandá, sa naging pagpapahalaga ng nobela ni Amado Hernandez, ang Ibong Mandaragit (1969), sa paghubog sa kaisipan ng mamamayang inaasahang magkakaroon balang araw ng pagkatuto’t kabatirang makapagpapalaya sa kanila mula sa kadustaan; at sa kabilâng bandá ay pumuna rin sa matayog sanang mithiin ng estado na humubog ng kamalayang makabayan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng pagpapabasá sa mga mag-aaral ng mga nobela ni José Rizal.[1] 

Ginawa ito ni Hau dahil sa matalik na ugnayan ng kuwento sa nobela ni Hernandez at ng mga nobela mismo ng pambansang bayani. Mahihiwatigang itinuturing ng mga karakter ang pagbása kay Rizal bílang paraan ng pag-unawa sa kasaysayan at saka-sakali, sa pagsugpo sa mga di-makatwirang kairalang panlipunan.   

Maugong ang isang kaisipang inihayin ni Hau sa kaniyang pagsusuri, at iminumungkahi kong basahin ninyo mismo ang kaniyang sanaysay. Sa kasaysayan umano, malinaw na nakasangkapan ang panitikan [sa halimbawa ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo] bílang pedagohikong plataporma upang, wika nga niya, ay makabuo ng isang kamalayang pambansa na maaaring maturuan, makapagsuri, at makapaghanda ng pagkilos tungo sa ikababago’t ikagagaling ng bayan. Masasabi kung gayon na ipinook ng ganitong mithiin ang panitikan—pati na rin ang pagtuturo nito—bílang pagsusulong ng kalinangan at pagkamakabayan. Sa ganitong katwiran, mahahango ang masasabing dalawa nitong tungkulin sa ating konteksto—ang etikal at ang panlipunan. 

Hindi katakâ-takâng lumitaw sa sulatín ni Hau ang ganitong pakiwari, lalo pa’t sinasabi niya rin sa aklat na binanggit na lalaging “minumulto” ng kasaysayan ng Filipinas ang panitikang Filipino.[2] Kayâ’t sa isang bandá, sa pamamagitan ng ganitong katwiran, mauunawaan ang dahilan ng malaganap na pagpapahalaga sa áral na naibabahagi ng mga akdang pampanitikan. 

Ang panitikan, sa kasaysayang sinikap balangkasin ni Hau, ay itinuring na pormatibo sa kamalayan ng nagbabasá at nagdadala rito—sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaniyang orisonte—di lámang ng mga bagong kaalaman o pagtanaw sa danas-pantao, kundi lalo’t higit, ng kakayahang makabatid ng mga kawastuhang inaasahan upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.

At dahil nga mamamayan ng isang lipunan ang mambabása, nakikipagkapwa siya sa mga tulad niyang kasapi din ng katipunan ng mga táong bumubuo, “humaharaya” pa nga, sa paliwanag ni Benedict Anderson (1983), sa isang lipunang tinatawag na “Filipinas.”[3] Kayâ bílang mamamayan, kailangan niyang ganap at mahusay na katawanin ang lahat ng mga adhika, kalinangan, at pagpapahalaga ng bayang ito. Kung pagtuturo ng panitikan ang pag-uusapan, masasabing nararapat lámang, upang matupad ang aking binanggit, na bigyang-diin ang dalawang bagay—una, ang pagtuturo ng panitikan sa paraang sinusuri ang akda gámit ang mga lenteng nagpapagitaw ng adhikaing higit na maging makabayan ang mambabása; at ikalawa, ang pagtuturo ng mga panitikang makiling sa makabayang adhika. 

Maraming problema ang ganitong pananaw, at naturol ni Hau ang ilan sa mga ito sa kaniyang panunuri—kabílang na ang bagahe ng pampamahalaang pagtatakda sa mga tunguhin at tutuntunin ng pagtuturo sa mamamayan. Sa ganang akin, naikakahon din nito ang akdang pampanitikan upang maglingkod lámang sa mga nakapirming tungkulin. 

Bílang pagpapalawig, kailangang igiit na isang komplikadong proseso ang pag-aakda ng panitikan, ang akda mismo bílang organismo, ang pagtunghay nito sa daigdig at panahong kinauusbungan, at pagtanggap dito ng pinatutungkulang mambabása. Hindi basta-basta maitatakda ang mga ito, kayâ’t sa isang bandá’y maaaring makabigo sa halos naging pagdakila natin sa panitikan bílang balon ng etikal at panlipunang kabatiran. Isa pa, sa pagkakahon sa panitikan sa mga tiyakang palagay, madalas na nasasalaylayan sa usapan sa klase—lalo ng mga nahirati sa pagpapahalaga sa áral ng akda o ng mga baguhan [na naturuan ng mga nahirati]—ang akda mismong dapat ay pangunahing isinasaalang-alang, ubod at dahilan ng ating pagtuturo. 

Hindi natin maitatatwa ang katotohanang talagang nag-ugat ang pagkiling ng marami sa atin sa paghango sa áral ng panitikan sa klase sa mismong makabayang lunggating naipakilala sa mahabang panahon ng lehisladong pagpapabása ng mga nobela ni Rizal. Kayâ kailangan din talagang balikán kung ano ba talaga ang layon ng patuturo ng panitikan. 

Kapag inisip nating mabuti, ang pag-iisip hinggil sa pagtuturo ng panitikan ay gaya rin ng pag-iisip hinggil sa pag-aaral ng panitikan. Ang paksa ng pag-aaral ng panitikan ay panitikan, na binubuo ng mga nasabi ko na—ng pag-aakda, ng akda, ng minamalas nitong daigdig, at ng pagtanggap dito. Sa ganitong katwiran, ang pagtuturo ng panitikan ay pagtuturo ng kompleks na ito, na ang pangunahing batayan ng paghinuha, ang pinakasentro ng nag-uugnayan-naghihilahang mga bahagi ng inilarawan kong kompleks ay ang akda. 

Kung gayon, maigigiit na ang talagang pangunahing layon sa pagtuturo ng panitikan ay ang pagtuturo ng akdang pampanitikan. Ito’y habang itinuturing din, bílang mahahalagang salik ng kaligiran nito ang intensiyon o kasaysayan ng awtor, ang kontekstong pangkasaysayan ng likha, at ang resepsiyon ng nagbabasá. Ang makabansang adhika, na maituturing na nása larang ng resepsiyon—siyang lápit na nagpapahalaga sa epekto ng akda sa nagbabasá, at siya ring larang ng áral—ay higit na mapagigitaw, kung nagalugad talaga nang husto ang akda bílang panitikan. Ibig sabihin, bago ang lahat, panitikan. 

Maiuugnay ang ganitong pananaw sa mungkahi ni Virgilio Almario (2008) na panahon nang pag-ukulan ng pagpapahalaga si Rizal bílang nobelista, matapos ng matagal na “pagtimbang” lámang sa “kabuluhang pampolitika ng kaniyang mga akda.”[4] Sabi pa ni Almario, “may malaking tungkulin ang kaniyang [ni Rizal] mga tagahangang mambabása na patunayang nakasulat nga siya kahit papaano ng dalawang nobela.”[5] Dagdag pa niya, “(i)pinahayag ni Rizal ang kaniyang mga paniwalang pampolitika sa wika’t anyo ng panitikan. Pinatindi ang bisà ng kaniyang paninindigang pampolitika dahil sa bago’t naiibang manyobrang pampanitikang naidulot ng paggamit niya sa anyong nobela.”[6] 

Kung susundin natin ang ganitong pangangatwiran, makikitang tungkulin din natin, bílang mga guro, ang talagang ipamalay sa estudyante ang pagiging panitikan ng akda—isang pamamaraan ng pagsulat at pamamahayag, isang pagharaya’t komposiyon—bago igiit ang anumang mahahangong áral o palahamibingang pangkasaysayan mula rito. Magkaugnay ang dalawa’t integral sa danas ng pag-aaral ng panitikan. 

Hinding-hindi natin maaaring iwan ang teksto sa ngalan ng anumang adhika. Pakatandaang walang adhika kung walang akda. Samantalang hindi masamâng patuloy na isulong ang mga pagpapapahalagang sibiko na sinikap ipakalat sa kurikulum noon hinggil kay Rizal—ang dahilan ng lubhang pagkalulong ng marami sa atin sa paghango sa áral—makabubuting huwag nating bakuran na lámang ang pagbása sa panitikan sa mga takdang pagtanaw at halagahan.

Kung ang layon ng pagtuturo ng panitikan ay pagtuturo sa panitikang may langkay na mga kaligiran [awtor, daigdig, mambabása], nararapat ding maging layon ang pagpapayaman sa danas sa panitikan sa loob ng klase. At hindi ito mapayayaman kung hahayaang magsabato ang teksto sa mga minana nating pagtanaw dito.

Naiisip ko pa ring halimbawa ang Noli ni Rizal, at ang kung papaanong noong binása ko itong muli bílang paghahanda sa pagbuo sa isang teksbuk, ay ulit-ulit akong humagalpak sa katatawa sa mga totoo namang katawa-tawang tagpo nito, at sa mismong himig ng nagsasalaysay na madalas ay mapang-uyam, lalo’t kung inilalarawan ang ipokrisiya ng makapangyarihan at yaong maituturing na mga langaw na nakasampa sa kalabaw. Hindi ko ito naranasan noong mag-aaral pa ako. May lugod sa katatawanan ngunit maaaring agapayan ang ganitong danas kung maiuugnay sa kapangyarihan ng panulat na tumuligsa sa kawalang-katarungan.

Sa tingin ko, may tendensiyang makabagot ang pagpapabaya na unahan táyo ng ating kagawian ng pangangaral o ligaw na pagsasangkot sa kasaysayan. Sinasabing dahilan din ito ng pagkasuklam ng kabataan sa panitikan. Bakâ sakaling may mapulot táyong magbibigay-diin sa mga kislap-diwang dapat nating nahahango sa lugod na nararanasan natin, halimbawa, sa karakterisasyon, sa tunggalian at banghay, kahit sa mga laro-sa-salita at indayog ng taludtod at talinghaga. 

Tandaan natin ang isang bagay, sakaling naliligaw sa pagtuturo ng panitikan, o may kakilalang nakaliligta. Panitikan muna, bago ang lahat. Mula rito, higit na magkakaroon ng lalim ang totoo namang mga pagsasanga ng layon ng pagtuturo ng panitikan—ang pagpapahalaga sa manlilikha at paglikha ng sining; ang pagsasaalang-alang sa ugnay nito sa mundo sa isang saklaw ng panahon; at ang pagkilala sa samutsaring epekto na naidudulot nito sa mambabása.      

Mga Talâ

[1] Hau, Caroline, “The Problem of Consciousness,” Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation 1946-1980 (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2000), 15-47.

[2] Hau, “Introduction,” Necessary Fictions, 11.

[3] Batay ang ganitong pangagatwiran sa pakahulugan ni Anderson sa dalumat ng “bansa.” Wika niya, ito ay “imagined community.” Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism, reb. ed. (Lungsod Pasig: Anvil Publishing, 2003).

[4] Almario, Virgilio, “Paunawa,” Si Rizal: Nobelista (Pagbása sa Noli at Fili bílang Nobela) (Lungsod Quezon, University of the Philippines Press, 2008), ix.

[5] Ibid.

[6] Ibid, viii.

Palaisipan 2: May Áral ba ang Panitikan?

Larawan ng Pixabay sa Pexels.com.

Oo. Lalo pa ang talagang mahuhusay, mapagbagong-málay, at makayanig-daigdig na panitikan. Kung naniniwala kang tulad ko na ang bawat pagbabasá ay isang transaksiyon sa pagitan ng manunulat at ng mambabása, natural na umaasa ka, bílang mambabása, sa iyong bawat pagbabasá, na may mapupulot ka man lámang na kung anong mahalaga [o pagpapahalaga] sa nabása. Mga kuntil-butil ng kabuluhan, wika nga. Naglalaan kasi ang mambabása ng mapagkukunan (resources) at oras para sa akda. Bumibili siya ng libro sa bookstore, o sumasadya sa aklatan. At imbes na gumawa ng iba pang makabuluhang bagay, nagbabása siya. Sa ganitong pananaw, dalawang bagay ang sinasabing madalas na inaasahan ng mambabása—ang maaliw sa sandaling himpil na dulot ng pagbabása o makapulot ng áral dito. 

Lubhang klasiko ang ganitong pananaw, na mababakas sa makatang Romano na si Horace, na nagsabi, sa kaniyang akdang Ars Poetica, na nararapat lámang na sumakatauhan ng manunulat ang magkasanib na kamalayan sa dalawang pangunahing katangian ng panitikan—ang dulce et utile, sweetness and beauty, o sa aking salin, tamis at saysay [mula sa utile, na sa Latina ay “kapaki-pakinabang, makabuluhan, praktikal”]. Sa ganitong pananaw, nabibigyang-diin ang nasabi kaninang kalikasan ng panitikan na maging mapanlibang sa isang bandá, at maging mapanghubog ng kaisipan sa isa pa. Ang ganitong pananaw ay sumisipat sa masasabing “epekto” ng panitik sa mambabása, isang aspekto ng danas-pampanitikan na nararapat lámang pahalagahan sapagkat sa isang bandá, nagkakaroon lámang ng pagkaganap ang isang sulatín kapag napasakamay na ng pinatutunghang mambabása.

Sa kaniyang masaklaw pagpapaliwanag hinggil sa teorya at kritisismong pampanitikan, unang-unang dulog na tinalakay ni Soledad Reyes (1992) ang tinatawag niyang “moralistikong pananaw,” na siyang sumasakop sa usapin ng áral. Sa pananaw na ito, aniya, “ipinagpapalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga pang-habambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).”[1] At dahil nga ang áral ay “nasa larangan ng etika o moralidad,” sinasabi din niya na para sa moralistikong pananaw, “(t)ahasan at di mapasusubalian ang ugnayan ng tao at ng teksto… Sa kanyang pagbabasa o pakikinig, magkakaroon ng bisa sa buhay ang mga kaisipang binigyan ng dugo at laman ng mga elemento ng likhang-isip.”[2]

Ang Problema…

Sa kasawiampalad, may dalawang problema akong nakikita hinggil sa usapin ng áral sa pagtuturo at pagbabasá ng panitikan sa kasalukuyan. Una, kulang sa pagpapalalim ang ating paghinuha rito, lalo pa sa panitikang Filipino, na kung tutuusin ay tubog dito. Kung maituturing lámang sana muli ito bílang isang pagpapahalagang pampanitikan (literary value) na malaon nang buháy sa ating kultura bago pa man dumating ang mga mananakop. Kailangan talaga nating balikán ang halaga ng, at ibalik ang pagpapahalaga sa áral sa kabuuang panitikang Filipino. Makabubuti ito upang hindi naman basta-bastang nagagamit ang ipinagwawagwagang “kalabisan” ng áral, halimbawa, sa pag-alipusta sa mga panitikang popular [at lalong pagpepedestal sa mga “dakilang panitikan” o dili kayâ’y mga banyagang akda].

Makabubuti rin ito para masawata ang ikalawang problemang ibig kong talakayin. Sa isang kataka-takang dahilan, maraming guro sa panitikan ang nakamihasnang higit na bigyang-priyoridad ang pagtatanong sa mga mag-aaral ng kung ano ang kanilang natutuhan matapos magbása ng akda. Madalas, pinalalagom pa sa mga pobreng mag-aaral ang mga áral sa isang pangungusap o tesis. At iyon na iyon. Tapos ang talakayan. 

Sa tingin ko, isa ang ganitong kagawian sa naging dahilan ng pagiging mabuway ng pangkalahatang kasanayang pampanitikan ng mga mag-aaral. Papaano’y ang alam ko, nakaliligtaan [o kinaliligtaan talaga] dito ang pagtitig sa akda sapagkat nagiging diskusyon na lámang ang klase hinggil sa mga natutuhang áral. Nauulila ang akda at tuluyang naiiwan sa isang tabi. Ganito ang sarili kong danas sa hayskul, kayâ’t sa isang bandá, parang ito ang iniisip kong dahilan ng aking pagiging late bloomer sa pagkahumaling sa panitikan [humabol na lámang ito sa kolehiyo at nang makapaghanapbúhay na ako’t nakabibili ng libro]. Hindi ko ibig manisi, sa gayong paraang hindi ko rin ibig humanay sa ilang kritiko na panay ang mainiping giit na walang áral sa panitikan o ang pag-aaral ng panitikan ay hindi pag-uusisa sa áral. Sa akin, makikitid na pagtanaw ang mga ito sa konsepto ng áral. 

Pahapyaw na Pagsipat sa Kasaysayan ng Áral  

Hinggil sa unang usapin, makabubuting balikáng-áral ang kasaysayang pampanitikan. Tatangkain ko ito kahit pahapyaw. Buháy ang áral sa mga panitikang bayan tulad ng sa mga inaawit at isinasalimbibig na mga epiko, lalo pa’t mithing maitatak sa maláy ng bawat kasapi ng komunidad ang mga birtud ng mga bayaning kinatawan ng mga pagpapahalagang nagbibigkis sa mga pangkat. Ang mga sapalaran ay nangangaral hinggil sa pananaw ng kolektibo hinggil sa sarili at daigdig. Masasabing tootoo ang bagay na ito, mula kay Lam-Ang ng mga Ilokano hanggang kay Agyu ng mga Ilianon. Patunay dito ang isang pag-aaral ng antropologong si Nicole Revel (2008) sa mga epikong mula sa Mindanao, Tawi-tawi, at Palawan. Mula sa mga ito, nakahango siya ng maituturing na “notion or exercise of leadership,”[3] na maaaring pagtindigan ng mga modelo ng pamumuno na búhay sa katutubong kultura.

Pinakamahusay namang halimbawa ng malinaw na pagkasangkapan sa áral ang mga salawikain, na para kay Virgilio Almario, sa ilan niyang mga sulatín, ay kumakatawan sa tinatawag niyang “palabas” na uri ng pagtula, o yaong nagmimithing magpaunawa sa umugnay sa kinakausap.[4] Ang salawikain bílang palabas na “mukha ng pagtula” ay naiiralan ng áral na gumagabay sa pamumuhay ng mga nagwiwika at nakaririnig nito. Nakatanim ang salawikain sa lupain ng araw-araw ng katutubo, at kumakasangkapan sa kapaligiran bílang pangunahing talinghaga o palahambingang nagsisilbing ilustrasyon ng mga pamantayang panlipunan at diwaing makatwiran. 

Magandang halimbawa ang tanaga [may súkat na pipituhin bawat taludtod, apat na taludtod bawat saknong, monorima] sa ibabâ hinggil sa kung papaanong naghuhunos ang tanawin ng bukirin—mulang panahon ng pagtatanim hanggang paggapas—patungo sa isang áral hinggil sa karunungan ng edad at pusok ng kabataan. Sa hulí, ang paghapay ng palay ay nagiging tanda ng pagpapakumbabang inaasahan mula sa mga “pabalik na,” isang bagay na ipinahihiwatig para sa mga sumisibol at “papunta pa lámang.” Isa lámang ito sa napakaraming salawikaing maaaring balikán upang mahinuha ang mga nabanggit na paeanalinghaga at palahambingan:

Nang walang biring ginto
Doon nagpapalalo;
Nang magkaginto-ginto
Noon na nga sumuko.

Kakasangkapanin ng mga Espanyol, lalo na ng mga misyonero, sa kanilang gawain ng “pagliligtas” sa mga kaluluwa ng mga paganong katutubo, ang diwain ng áral upang halinhan ng mga áral ng Kristiyanismo, na noong una’y inasahan nilang ganap na makapagpapaamo sa mga sákop at magpapayakap sa kanila sa palad ng pagiging sakóp. Ito marahil ang pinakaunang “misedukasyon” at paglalayo sa katutubo sa nakamihasnan niyang pagkakaunawa sa áral. Mula sa kaniyang pang-araw-araw na pag-iral, iniligaw ito’t nakarating na nga sa mapagtakdang mga pulpito bílang nakaabitong prayle.  

Subalit hindi maipipirme ang pakahulugang itinakda ng mga prayle, at kahit ang áral ng Pasyon ay matututuhang basahin ng mga katutubo bílang paraan ng pagdalisay sa kanilang loob upang sa panahon ng ganap na pangangailangang makipagkapatiran ay matagumpay na makalas ang mga tanikala ng kaapihan.

Kung sasaligan natin ang sinasabi ni Reynaldo Ileto (1979) tungkol sa Pasyon, nagsilbi itong naratibong humubog sa kamalayan sa pakikibaka ng mga nasa laylayan at lumagpas nga sa salaysay ng maamong tupang si Kristo. Ito rin sa tingin ko ang nagpalagpas sa mga naging hanggahan ng pagbása sa Florante at Laura ni Balagtas, na sa simula’y maaaring nakita lámang [lalo na ng mga sensura sa paglalathala] na nagtatanghal ng palagian at mas iniibig na pangingibabaw ng mabuting panig ng mga Kristiyano. Pinahalagahan ni José Rizal ang anyo nito bílang tula at sa isang bandá ay itinuring ding mapagpahiwatig hinggil sa mga totoong “kaliluhang nangyayaring hari” sa kolonya batay sa masusing pagbása sa kaniyang mga nobela.       

Sa pagdating naman ng mga Americano, panibagong “misedukasyon” at paglalayo mula sa katutubong katuturan ng áral ang naipataw sa atin. Dahil ang mga manunulat noong araw ay lumaban sa bagong mananakop, ipinagbawal ang pagpapahayag ng mga sentimiyentong makabayan at anti-kolonyal, kabílang na ang mga dulang tinawag na “sedisyoso” tulad ng mga naisulat ni Aurelio Tolentino. Laman ng mga ito ang mga alegorikong panghihimok sa mamamayan na huwag basta pumayag na masakop muli, at tiyak, pati na rin ang mga buháy na áral ng naudlot na rebolusyon. Pumasok din ang ganitong diwain sa panulaang tatawaging “Balagtasista” ni Almario (1984), di lámang dahil itinuturing na padron si Balagtas sa panulaan, kundi lalo’t higit, tinutuligsa ang “makabagong” diwaing dala ng Americanisasyon sa pamamagitan ng pagsalig sa tradisyon.  

Sa pagpapakilala naman sa Ingles bílang wika ng edukasyon, naipamana sa atin ang kababaang-tingin sa katutubong kalinangan, kabílang na ang áral, na bagaman magiging malaganap na disposisyon sa mga akda at palathalaang popular ay maipopook bílang isang temperamentong bakya at makaluma dahil na rin sa ipayayakap na paradigma ng Americanong New Criticism sa panitikan.

Sa New Criticism kasi, na isa pang dulog-pampanitikan na makiling sa akda, kinauumayan ang lubhang pagiging madamdamin at lalo na, pagiging didaktiko ng pagsulat. Higit na masining ang pagiging matimpi, mapahiwatig, at tigib ng dunong. Sa ganitong pamantayan, maraming panitikan natin ang hindi nakapasá. Mababalikan lámang muli ang pagpapahalaga sa áral sa mga pagsisikap sa paghahango sa ating mga katutubong panitikan.

Ang Halaga ng Áral

Kailangang mabalikan ng sinumang nagtuturo ng panitikan sa Filipinas ang kasaysayan at pangkulturang katuturan ng áral upang talagang magamit at mapakinabangan sa klase. Hindi lámang kasi ito isang bagay na maaaring ipalagom sa isang pangungusap na maaaring hinging pangatwiranan sa mga diskusyon. Hindi lámang ito basta-basta kabatirang maaaring agad na tumuldok sa aralín, lalo pa’t napakarami pang kailangang talakayin. Sa pahapyaw na pagbakas na ginawa natin, may tatlong maihahaying kaisipan na maaaring lumagom sa mga nararapat na pagpapahalaga sa konseptong ito na higit sanang makapagpapayaman sa ating danas-panitikan:   

1. Nilalaman ng áral di lámang ang etika o moralidad ng kolektibo kundi lalo’t higit ang mga kabuuang pananaw at pagpapahalaga ng isang lipi. Ibig sabihin, susi ang áral sa kung papaanong ibinalangkas ng akda ang karanasang itinanghal nito. Kung susi nga ito, may tatlong tungkulin ito ngayon kaugnay ng panitikan—

a. Hubugin ang málay ng mambabása hinggil sa mga pagpapahalagang panlipunan upang maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan.

b. Papahayuhin sa kaniyang daigdig ang mambabása na may matalim na pananaw sa danas-pantao gámit ang mga nahangong pananaw at pagpapahalaga mula sa akda.

c. Palawakin ang kamulatan ng mambabása hinggil sa panitikan, sa halaga nito sa kaniyang lipunan, at sa kung ano ang maituturing na “mahalagang panitikan.” Sa pamamagitan nito, matitiyak hindi lámang ang pagpapahalaga sa panitikan, pati na rin sa pagbabasá.

2. May katangiang mapagpalaya ang áral kung pagbabatayan ang kasaysayan. Halimbawa, napapangaralan nito ang mamamayan hinggil sa mga nararapat na gawi at pagkilos sa pana-panahon ng pagkakasiil. Sapagkat nakatanim ang pag-unawa sa áral sa mga panahong kinauusbungan nito, maaari ring maging paksa ng paghahambing ang mga kasalukuyang “pangangaral” ng panitikan at mga áral sa mga akda ng nakalipas. Masdan na lámang ang isa pang tanaga sa ibabâ na kung sa panahon nito’y naglalarawan ng áral para sa mga naghahari-harian sa isang lipunan ay kilaláng nagsilbing pampanitikang babala ng taumbayan sa diktador noong panahon ng kaniyang rehimen:

Katitibay ka Tulos,
Sakaling datnang agos;
Ako’y mumunting lumot
Sa iyo’y pupulupot. 

3. Sa kontekstong Filipino, hindi masamâng katangian ng panitikan ang pagkakaroon nito ng áral. 

Ibig kong palawakin ang hulí sa pamamagitan ng pagmumungkahi sa ating mga guro ng munting pagpihit sa isa pang konseptong madalas ipanghalili ngayon sa áral—na kailangang tanggaping talagang pumasan ng napakabigat na negatibong konotasyon dahil sa naging kasaysayan nito bílang dalumat.

Ang tinutukoy ko ay ang kislap-diwa. Direktang salin ito ng insight, na sa tingin ko’y higit na katanggap-tanggap para sa kasalukuyan dahil hubad sa moralistikong katuturan at tumutukoy sa mga mahahangong katotohanan, o maaari pa, mga kontradiksiyon o kabalintunaang umiiral sa búhay habang itinatanghal sa panitikan. 

Kislap-diwa, sapagkat sa pagbása ng panitikan, pinaniniwalaang sumisilay ang liwanag ng kabatiran hinggil sa danas at kondisyong pantao. Sa una’t hulí, ang panitikan naman kasi ay tungkol talaga sa búhay ng tao, mapagpahiwatig sa mga tuklas at maaari’y mapakikinabangang dunong hinggil sa mahahalagang pangyayari, damdamin, mithiin, at sapalaran sa búhay. Ano’t ano pa man, tulad ng áral sa pinakaubod nito, inuusisa ng kislap-diwa ang mga sagot sa mabibigat na tanong ng búhay habang sinusuri ng panitikan ang mismong búhay ng tao: bakit malalalim na danas ang pagsilang at kamatayan? ano ang pag-ibig? bakit may mahirap? nagtatagumpay nga ba talaga ang mabuti? talaga bang likás sa tao ang maging mapangwasak? 

Imbes na unawain lámang ang panitikan bílang tagapagsulong ng áral, bakit hindi natin ito ituring bílang matapang na paraan ng pagtugon sa mabibigat na tanong ng búhay? May pakiramdam akong higit nating mananamnam ang mga áral ng panitikan sa ganitong paraan.

Mga Talâ

[1] Reyes, Soledad, “Ang Moralistikong Pananaw,” Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan (Lungsod Mandaluyong: Anvil Publishing Inc., 1992), 13-14.

[2] Ibid, 14.

[3] Revel, Nicole, “Heroic Characters as Models of Leaders in Philippine Oral Epics,” Indonesians and their Neighbors: Festschrift E.V. for Revunenkova and A.K. Ogloblinu (St. Petersburg: Kyhctkamepa, 2008), 205.

[4] Basahin sa Almario, Virgilio, “Palabas at Paloob: Tambalang Mukha ng Pagtula,” Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2014), 101-150.