Home


  • Ilang Kaisipang Lumbera sa Sansiglo ng Brodkasting sa Filipinas Ngayong 2022

    Larawang hiram mula sa Business Mirror
    .

    Noong Setyembre 28, 2021, nilisan ni Bienvenido Lumbera ang magulong mundo upang ganap nang mapabilang sa panteon ng mga kahanay na dakila. Hindi na pagtatalunan pa ang kadakilaan. Nilalagom ng kaniyang pagkakahirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006 ang matipunong lawas ng kaniyang panulaan at dulaan, pati na rin ang napakalawak na iskolarsyip sa panitikan at iba’t ibang aspekto ng kulturang Filipino. Sa kaniyang mga akda, matatagpuan kapwa ang kaniyang pagiging tubog sa katutubong tradisyon at ang malalim na pagkabatid sa harayang popular. Halimbawa, hindi matatawaran ang sigasig niya sa pagsiyasat, hindi lámang sa mga akdang pampanitikang supling ng kani-kanilang panahon, kundi pati na rin sa mga pag-aakdang kultural na produkto ng mga midyum ng talastasang pangmadla, pangunahin na ang pelikula. Inilunsad man ng pormalismo ang kaniyang panunuri sa napakahalagang aklat na Tagalog Poetry, 1570-1898: Tradition and Influences in its Development (1986), batay sa kaniyang disertasyon sa Indiana University none 1966, pinatatag naman ng politika’t pakikisangkot ang mga sumunod niyang interbensiyon. Nagrurok ito sa pagbaling niya sa estetikang pampanitikan nang simulang usisain ang dalumat ng datíng (Lumbera 1997a, 113-130). Dito na niya sinabing “ang konsepto ng estetika na aking pinanghahawakan ay naglalagay sa audience sa sentro ng talakayan, sa halip na sa likhang-sining” (ibid, 116). Radikal na pihit ito, sapagkat kung tutuusin, hindi makahula-hulagpos ang akademya at edukasyon sa talab ng akda-sentriko, mapagbukod sa konteksto, at tumatalikod sa pagtanggap na New American Criticism.        

    Kayâ marahil, hindi rin nakaligtas sa “tingin” o “pagsusuring” Lumbera ang telebisyon. Bagaman dalawang sanaysay lámang na pumapaksa rito ang sa tingin ko’y matatagpuan sa paghahalughog sa kaniyang mga lathala: ang “Ang Tadhana at ang Pagsusumikap ni John [Puruntong ng sitcom na John en Marsha (RPN 9)]” at “Telebisyong Pilipino: Kailangan Ba Ito?” Maiikling sanaysay ito na mula sa aklat na Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, inilimbag noong 1987 ng Linangan ng Kamalayang Makabansa o mas kilalang Center for Nationalist Education ni Renato Constantino Jr. Sa pangkabuuan, tumbok ng aklat ang maituturing na pangunahing kritikal na proyekto ni Lumbera: ang akdaing pa-muli ang bansa, sa pamamagitan ng deskolonisasyon ng proberbiyal at malaganap na napaaaliping kaisipan. Ang kaisipang ito, wika nga ni Constantino sa kaniyang pauna sa aklat, ay may “napakalaking pagtitiwala sa mga huwaran, ideya, at saloobing Kanluranin” (Lumbera 1987, wp). Kabílang ang dalawang sanaysay sa pinakamaikling seksiyong may pamagat na “Iba Pang Midya,” kung saan nagsuri rin si Lumbera ng valentine card, komiks, at komunikasyon, mga sariling pagtugon sa nauuso noong pagbaling sa papausbong na larang ng kulturang popular noong dekada 70. Ang naunang tatlong Bahagi (“Edukasyon at Lipunan,” “Panitikan,” at “Pelikula”) ay higit na naglaman ng mas maraming pagsusuri sa mga paksang sinasaklaw ng mga pamagat.

    Masasabing parang saglit nga lámang ang pagsipat sa telebisyon ni Lumbera kung pagbabatayan ang aking hawak na bílang ngayon. Manipis kung ikokompara sa kapal ng kaniyang diskurso sa panitikan, pelikula, at kahit hinggil sa mga isyung panlipunan na madalas niyang sangkutan. Pero para sa akin, napakahalagang sipat ang mga ito na kailangang pagtuunan ng pansin, lalo’t para sa mithing bumuo ng isang mapanuri’t mapagpahalagang pananaw hinggil sa midyum ng telebisyon, matapos ng halos pitong dekadang pag-iral nito sa bansa; at sa nagsesentenaryong brodkasting sa pangkabuuan. Ang ibig kong sabihin sa mapanuri’t mapagpahalagang pananaw ay isang tinging nakamihasnan mang tumatanaw sa Kanluran dulot ng kalikasang teknolohiko at angkat ng telebisyon ay nakabaling din sa kung papaanong ipinopook ng lokal ang danas ng panonood—pagtanggap, diseminasyon, at pinaglulunsad ng pagkilos, sa pang-indibidwal o kolektibong antas. Mahalaga ito sa pagkakaroon, kapwa ng higit na mataas na nibel ng media literasi at pagtatatag [pagpapatatag din sapagkat kahit papaano ay mayroon na naman] ng isang masigla at kritikal na pagdulog sa telebisyon. Kay Lumbera, nakaugat ang pananaw na maaaninaw sa isa pang pagkakataon ng paglalatag niya ng mga pangunahing prinsipyo hinggil sa kulturang popular, na kinabibilangan ng telebisyon. Sa sanaysay na “Popular Culture as Politics” (1979), igiigiit niya na bagaman madalas na kinakasangkapan ang kulturang popular sa pagpapalaganap ng ideolohiya ng pagpapahinuhod [gaya ng madalas na ginagawa gámit ang mga angkat na midyum, eg. imprenta, pelikula, radyo, telebisyon], katatagpuan din ito ng ahensiya o kapangyarihan ng mga pinag-uukulan at “ginagaping” tagatanggap o audience (Lumbera 1997b). Wika pa ni Lumbera: “Popular culture is power, and whoever wields it to manipulate minds is likely to find its literary and technological machinery turned against him when the minds it has manipulated discover its potency as a political weapon” (ibid, 160). Nakatitiyak siya rito. Sa kasaysayan, napatunayan ito ng mapanuligsang pagkasangkapan ni Marcelo Del Pilar sa Pasyon at mga dasal; ng alegorikong dulaan nina Aurelio Tolentino at Juan Abad na nagtatanghal ng anti-Americanong sentimiyento; at ng panggagaya at kalaunan, pag-angkop sa mga konseptong Americano at Hollywood sa komiks, radyo, at pelikula (ibid, 157-159).

    Ang Dalawang Sanaysay  

    Isang espesipikong pagtutok, pagtitig sa teksto ang tinutupad ni Lumbera sa “Ang Tadhana at Pagsusumikap ni John.” Pagtitig ito sa bantog na pagbubunganga at punchline ni Doña Delilah viuda de Jones (Dely Atay-atayan), biyenan ng bidang si John Puruntong (Dolphy). Ang wika ng matanda: “Kayâ John, magsumikap ka!” Minahal at sinubaybayan ng mamamayan mulang 1973 ang mapagmahal at masiyahing padre de pamilya na si John, at naging sagisag siya ng mga amang Filipino na nagsisikap umahon at manatiling nakalutang sa laganap na kahirapan. Hindi gaanong ibinungad ni Lumbera ang konteksto ng pagbubunganga ni Doña Delilah, na bagaman mapag-aruga sa anak na si Marsha (Nida Blanca) at mga apo, ay madalas na nakakasagutan, nakakatuksuhan ni John na mahilig mamilosopo. Nananalaytay sa ugat ng mapera’t maraming ari-ariang si Doña Delilah ang pagiging matapobre, at kahit dakilang alalay na si Matutina (Evelyn Bontogon-Guerrero) ay mapaghambog din sa sariling mga paupahang apartment. Si John ay púsong sa dalawang nibel: maparaan siyang binubuhay ang pamilyang itinira sa barong-barong na gawa sa kahoy gayong laki sa layaw ang asawa; at cariño brutal niya sa monster-in-law ang palagi itong asarin o biruin, hanggang sa tuluyan na ngang lumabas sa eksena habang nagsisisigaw ng isa pang bukambibig na “Hudas, Barabas, Hestas!” Nasasalag niya ang pag-aaglahi ng lipunan at biyenan sa kaniya, kahit pa maalingawngaw ang paalaala ng butihing biyenan: Kayâ John, magsumikap ka! Siste na lámang ni John ang kaniyang pinanghahawakan upang maalpasan, malagpasan ang mapagtakdang búhay-mahirap. 

    “(S)eryoso ang mensahe ng (punchline) para sa lahat ng nagmimithi ng pag-unlad,” sulat pa ni Lumbera (Lumbera 1987, 178). Aniya, “Magsumikap ka” ang sagot sa ekspresyong “Bahala na.” Ang “Bahala na ay palatandaan ng pagpapatianod ng tao sa daloy ng mga pangyayari” (ibid). Pagpapalawig pa: “Salungat ang linya ni Dely (Atay-atayan) sa paniniwala na ang nagpapasya sa takbo ng buhay ay ang tadhana o kapalaran. Nasa pagsisikap nga naman ng isang indibidwal ang kaniyang ikauunlad” (ibid). Mula sa antas nitong pilosopikal, sakâ naman ibinababa ni Lumbera sa lupa ang diskusyon. Ipinababatid niyang madali itong sabihin. Totoo, “(s)a isang di-maunlad na bansa, sa ikalawang hati ng ika-20 dantaon, siglo ng bomba atomiko at ng pagtapak ng tao sa buwan, dapat nang mapawi ang paniniwala na walang kontrol ang tao sa mga pangyayaring dumarating sa kaniyang buhay” (ibid). Subalit kailangang isaalang-alang ang materyal na realidad na pinagsasaluhan nina John at kaniyang manonood. Ano nga ba ang umiiral? Malinaw pa sa síkat ng araw: “Sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig (tulad ng Filipinas), hati ang lipunan sa dalawang bahagi. Bunga ng kolonyalistang pagsasamantala ng makalaking bansang naghari sa mga ito, ang nakararaming mamamayan ay nakakadena pa sa pagsasaka at patuloy pa ring binibiktima ng kamangmangan. Ang maliit na hati ay kinabibilangan ng mga taong edukado at nakaririwasa’t kaya’t sa kanilang hanay nanggagaling ang mga pinunong humahawak ng kapangyarihan sa bansa” (ibid, 178-179). Ang maliit na hati na ito, na masagisag na kinabibilangan ni Doña Delilah, ang “madalas magreklamo sa mabagal na pag-usad ng nakararami tungo są pag-unlad” (ibid, 179). Kayâ  marahil malakas ang loob ng matanda na magbitiw ng salita. Samantala, ang paalaala naman ni Lumbera: “Kasama na sila (maliit na hati ng lipunan) sa dapat paalalahanan na ang pag-unlad ng mga mamamayan ay di naisasakatuparan ng matiyagang pagpapasya lamang, kailangan lalo’t higit ang pagbubukas sa nakararami ng mga pagkakataon na sa kasalukuyang kaayusan ng lipuna’y sila ang tanging makapagbibigay” (ibid). Nagbabalik-usig ang mga kuyom na daliri sa nanduduro; umaalingawngaw pabalik ang binitiwang paratang ng kawalang-pagsisikap. At totoo naman: “Ang pagsisikap ni John ay magaganap lámang kapag nakikita na niyang nagbubunga ng biyaya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga minamahal ang pag-uubos-lakas” (ibid 178). Ngunit posible ba ito?

    Nauwi ang paghimay sa punchline ni Doña Delilah sa masusing pagsiyasat sa kawalang-kaunlaran ng bansa. Sabi nga ni Lumbera: “Pangunahing suliranin ng Ikatlong Daigdig ang ekonomiyang pinaghaharian ng mga dayuhang kompanya, na nagluluwas ng malaking tubo sa mga bansang kanilang pinagmulan dahil mula lamang ang ibinabayad nila sa pagpapagod ng mga manggagawa at magsasaka” (ibid, 179). Dagdag pa: “Mapapansin na sa mga bansang di-maunlad, ang pinakamabisang panlunas sa sakit ng ekonomya ay ang nasyonalisasyon, ang pagkuha ng pamahalaan sa mga istratehikong industriya na dati’y hawak ng mga dayuhan” (ibid). Sa pangkabuuan, solusyong iminumungkahi ni Lumbera ang pagpapanibagong-loob mismo ng pamahalaan hinggil sa sitwasyon: “Ang alinmang pamahalaang naglalayong ihatid ang bansa sa mithing kaunlaran ay may tungkuling bigyan ng higit na timbang ang pagsusulong sa kabuhayan ng nakararaming nakasadlak sa paghihikahos” (ibid). “Mararating lamang ng bansa ang tunay na kaunlaran kapag sama-sama, kundi man sabay-sabay, na sumusulong ang kabuhayan ng lahat ng mamamayan” (ibid). Napetsahang 1975 ang sanaysay na ito, bagay na mapagpapakuan ng konteksto ng binitiwang kataga: tatlong taon nang napapailalim ang bansa sa Batas Militar ni Marcos, at limitado ang karapatan sa pamamahayag. Nalathala rin ang sanaysay, gayundin ang susunod kong tatalakayin, sa “publikasyong alaga” ng Department of Public Information (ibid, 2), ang Sagisag. Sa kabila nito, matagumpay na nakapaglagos dito ng “dalisay na liwanag na maitatanglaw sa mga paksaing ipinaubayang talakayin ng mapaniil na rehimen” (ibid). Sa makro o pangmalakihang pananaw, naitanghal ni Lumbera ang kairalang tagibang at inhustisya na ethos ng Cold War. Ngunit matalino niyang ipinahihiwatig ang nangyayari sa nibel na mikro o pambansa, kung saan tinipon sa sariling kamay ng diktador at mga kroni ang kapangyarihan at yaman.  Walang nagbabago sa Bagong Lipunan, taliwas sa mga pangako nito.

    Maanghang ang kaniyang pag-usig: “Kung noong una, “tadhana” ang ipinangalan sa mga puwersang humuhubog sa buhay ng tao sa paraang hindi maipaliwanag, sa ating panahon ay matandang katawagan ito sa mga bagong puwersang tila hindi malalabanan pagkat lubhang malakas na’y masalimuot pa” (ibid, 179). Aniya, “(a)ng mga puwersang tinutukoy ay ang mga institusyon, batas, kaugalian, atbp., na humahadlang sa lubusang pakikinabang ng nakararami sa kanilang pagpapagal sa bukid o sa pabrika” (ibid). Naikutan niya ang paghahangga sa pamumuna sa pamamagitan ng isang pakasaysayang lapit at pag-unawa sa pananaw ng mga Filipino sa kaniyang tadhanang pinatamlay ang “pagsusumikap para sa kaunlaran” (ibid). Kung sa panahon ng Espanyol ay sinakop ang katatagan ng mga indio sa pagpapaniwalang sila ay tamad, sa panahon naman ng pagsulat, pakikibaka ni Lumbera, may palad ang maraming Filipino na manatili sa kanilang kinalalagyan sa lipunan, habang nagpapasasa sa yaman at poder ang iilan. “Kapag nakagawa na ng paraan ang pamahalaan upang maganap ang paglaya ng mga mamamayan sa makabagong “tadhana,” magkakaroon na ng kabuluhan ang payong “Magsumikap ka!” Kailangan likhain muna sa loob ng lipunan ang mga kondisyon magpapasigla sa pagnanasang magsumikap para sa kaunlaran” (ibid). Isang dekada matapos ng paglalathala ng sanaysay, hindi nabuwag ang “‘tadhanang’ hadlang sa kanilang pag-unlad” (ibid 180). Gaya ng alam na natin, subalit parang kinaliligtaan, bumagsak nga ang rehimen sa mapayapang pagkilos sa Edsa noong 1986. Nagpatúloy ang pagbubunganga ni Doña Delilah kay John hanggang 1990, ang pagbigkas ng “Kayâ John, magsumikap ka!” kayâ’t naging pamilyar pa ang ulinig nito sa mga tulad kong nagkamuwang at naging supling ng telebisyon noong mga panahong iyon. Subalit nananatiling totoo ang mga iniwang kislap-diwa ni Lumbera sa lagay ng lipunan, kahit ito’y lumaya mula sa diktadura: “(M)araming kababayan natin ang walang mapapasukang katulad ni John pagkat hindi sila nakapagtapos ng grade school o high school. Para sa kaniya, ang payo ni Dely (Atay-atayan) ay hindi angkop, pagkat talaga namang nagsusumikap sila sa pag-aararo at pagtatanim o sa pamamasukan sa pabrika at pagpapatulo ng pawis.” Nakatanikala pa rin ang madla sa kanilang tadhanang mapagpanatili sa laylayan, naghihintay ng kaligtasan.

    Isa namang pagsusuri, kapwa sa katatapos noong pagpaparangal ng Pambansang Akademya ng Telebisyon sa Agham at Sining (PATAS) noong 1976 at sa “kabaugan ng industriya ng telebisyon sa Pilipinas” (ibid, 182) ang “Telebisyong Pilipino: Kailangan Ba Ito?” Iniulat ni Lumbera na sinundan ng alingasngas ang pagpaparangal dahil marahil sa mga kontrobersiyal na ipinanalo. Subalit higit na napapanahon at pundamental sa kaniya ang pagtugon sa tanong na inihayin ng kaniyang sanaysay. Muli, pakasaysayan ang kaniyang tingin sa bagay na ito. Ipinagunita niya’t iginiit ang pagiging pamanang Americano ng telebisyon, na para sa isang bansang “datihan nang mamimili ng mga produktong Amerikano ay madaling nabuksan para sa mga makinarya at kagamitang pangangailangan ng mga programa” (ibid, 181). Dagdag pa niya: “At di kasi sa dahilang wala pang teknolohiya ang mga Pilipino upang gumawa ng sarili nilang mga programa, kasabay ng mga makinarya at kagamitang dumating dito ang mga programang ginawa sa Amerika para rin sa mga Amerikano. At di kasi rin, lalong lumawak ang publikong maaabot ng mga komersiyanteng nagbibili ng mga produktong Amerikan sa Pilipinas” (ibid). Dito, binibigyang-diin ni Lumbera ang kalikasang komersiyal ng telebisyon, na likha ng kolonyalismo. Sa politikal-ekonomikong pananaw, wari bang kalabisan ang telebisyon noon sapagkat “lumilitaw na… hindi isang kapakipakinabang na industriya” (ibid). Bukod sa “labis at labis ang bilang ng mga istasyon” kahit nabawasan pa nang ideklara ang Martial Law, “sinasabi pa nga na sa 14 na oras ng pagteteleka, dalawa lamang (7:00-9:00 n.g.) ang pinagtutubuan ng mga istasyon” (ibid). Isa pa, dahop na nga sa kitang makapagtataguyod ay dahop din sa nilalaman ang telebisyon noon. Madaling mapapansin ang “dami ng mga palabas na galing sa labas ng bansa, sa (Estados Unidos) sa partikular” (ibid). Naging “tapunán” ang bansa ng mga “lumang pelikula, dramang de-serye (na) ang karamihan… na ang pangunahig inilalarawan ay abentura ng isang detective o private agent” mulang America (ibid). Dagdag pa, “(k)ung hindi man bakbakan o barilan ang nilalaman, sayawan at awitan ang idinudulot sa mga panonood” (ibid).

    Kung gayon, parang nakababagot na panooran ang inilalarawan ni Lumbera. Bagay itong hindi kataka-taka sa isang kontekstong sinupil at halos walang kompetisyon ang industriya. Napasakamay ng ilang kroni ng rehimen ang halos kabuuan nito at nagamit sa propaganda ng gobyerno. Baog ang midyum sapagkat hungkag din ang mga mithiin. Ngunit bílang isang kritikong may lunggati para sa kultura, nakita ni Lumbera na kailangang balikatin ang pagsagot sa inihaying tanong. Naniniwala siya na kailangan ng “wastong oryentasyon” (ibid, 182) sa pagpapalaganap ng mga palabas na may panlipunan at pambansang pakinabang. Kailangan din, aniya, na maakay ang mga namumuhunan “tungo sa makalipunang konsensiya” (ibid). Subalit may kabatiran siya sa hanggahan ng pag-aasam sa mga ideyal na mithi. Wika nga niya: “(s)ubalit paano nga ba nabibigyan ng konsensiya ang mga mamumuhunang kaya pumasok sa industriya ng telebisyon ay upang magkamal ng tubo?” (ibid). Isang malusog na pananaw ito, sa ganang akin, na nakaiintindi sa kalikasan ng industriya. Bagay itong dapat na taglay ng sinumang tumitingin sa diskursong telebiswal. Nakabukas ang kaniyang mga mata sa mga kontradiksiyong umiiral sa telebisyon. Inuusig niya ito’t pinadadaan sa talim ng pagsusuri, habang humahanap pa rin ng paraan para maikutan ang mga sagwil ng imperatibong ekonomiko. Masdan itong kaniyang sinabi: “Kung ang konsensiya ay hindi maitatanim sa mga mangangalakal, marahil ay maantig sa patuloy na pagsisikap ang damdaming makabayan ng mga taong lumilikha ng mga programa o may malasakit sa kapakanan sa sangay na ito ng mass media” (ibid, 183). Sa pananaw ni Lumbera, komplikado na noon pa man ang sistema ng produksiyon, at maaari itong tamnan ng radikal, kundi man, makabuluhang potensiyal. Malamang na hindi ito matagpuan sa mga nagmamay-ari. Subalit may matutunghan pa: ang mga kawani ng produksiyon, lalo kung mulat sila sa mula’t mula. Natural, siyempre, may mga hanggahan din silang kailangang isaalang-alang. Sa pangmalawakan, natutuhog din ang usapin ng etika sa produksiyon, sa kabila ng hindi maiiwasang pagpapalamon sa sistema ng industriyang pinatatakbo ng kapital.

    Interesentang magsapantaha kung ano-anong palabas ba para kay Lumbera ang kapakipakinabang sa mamamayan. Hindi niya ito tuwirang binabanggit; bagaman sa isang bahagi ng sanaysay, kaniyang sinipi ang ilan sa mga mithiing pambrodkast ng noon ay itinindig ng rehimen na Broadcast Media Council (BMC): “mga pagsisikap tungo sa pagsusulong ng edukasyon, kamalayang-sibiko, agrikultura, at iba pang larangang kinikilusan ng estado…tungo są katatagang pang-ekonomya at pambansang pagkakaisa.” Sa tingin ko, naniniwala si Lumbera na posible ang mga ganitong uri ng palabas. Ngunit higit ang kaniyang paninindigan na ang produksiyon at pagpapakalat ng mga ganito ay proyektong nangangailangan ng sama-samang pagsisikap ng mga prodyuser, ng mga institusyong noong mga panahong ito ay “nakabantay” o “nakamatyag” sa telebisyon tulad ng BMC, at ng mamamayang sangkot, lalo na sa media literasi. Maparikala ito, subalit nag-uudyok sa akin ng hinuha na ganitong uri ng seryosong kolaborasyon ang makapagpapataas ng kaledad ng palabas, lalo’t kung sasapit at mangyayari sa isang panahon at pamamalakad na higit na may kalayaan ang lahat. Maaari’y talagang nakamalas sa kinabukasan si Lumbera. Kayâ hindi dapat ito maging ningas kogon, kundi orkestado at naipagpapatuloy. Oo, sa isang bandá, ang mga palabas na kapakipakinabang ay “hindi siyang karaniwang pinanonood ng publiko at, di kasi, hindi siyang tatangkilikin ng mga kompanyang nagpapa-anunsiyo” (ibid, 182-183). Alam ni Lumbera ito. Ngunit mangangailangan ng panahon ang pagbabago sa panlasa at kahingian ng manonood.  Hindi naman ito maisasakatuparan nang agad-agaran. Kay Lumbera, sa mga institusyon “nakaatang… (lalo na) ang mabigat na tungkuling bigyang matwid ang pananatili ng industriya ng telebisyon sa Pilipinas” (ibid, 183). May saysay ang kaniyang pagtatanong ng kailangan ba ang telebisyon noon sapagkat sa nauntol nitong pag-unlad sa panahon ng diktadura, lumitaw ang potensiyal nitong makatulong sa lipunan kahit hindi maiwawaksi ang imperatibong komersiyal.  Matapos ng 35 taon ng pagkakamit ng kalayaan, natupad man lámang ba kahit ang ilan sa mga hangaring isinulong ni Lumbera sa artikulo?

    Paglalagom

    Sapagkat nasusulat nga ang mga sanaysay na ating tinitigan sa panahon ng panunupil ni Marcos, mabuting isakonteksto rin ang ating paglalagom sa lagay ng telebisyon ngayong nagdiriwang ang brodkasting sa bansa ng sentenaryo. Sa kasawiampalad, isa itong industriya at insitusyon batbat ng krisis. Nakamit man nito ang kalayaan at paglusog dulot ng matinding kompetisyon matapos ng Edsa Revolution, para bang mas pinalayaw nito ang tao sa kaaliwan kaysa pagiging maalam. Lubhang napakatalab ng pagpihit ng telebisyon sa tinaguriang “infotainment” noong dekada 90 at masidhing kompetisyon (Coronel 1999, 51). Nalulong dito ang manonood, at higit na nangibabaw ang layaw sa pagkapukaw sa kakatwaan o pagkakagitla-gitla ng kuwento ng karaniwan. Naisantabi ang pag-uulat ng mas mahahalagang usapin at suliraning panlipunan, lalo sa balitaan. 

    Inamin itong minsan ni Jing Reyes, news chief ng dambuhalang network na ABS-CBN, naipasara ng pamahalaang Duterte sa gitna ng pandemya dahil sa kawalan ng prangkisa mula sa kongreso. Alam na natin ang kuwentong ito na isang déjà vu ng pagkakapasara rito ni Marcos noong 1972. Wika ni Reyes: “Media fed our audience too much entertainment. We’re guilty of that. This may not be a popular observation to some of my colleagues, I do believe our audience is overentertained, underinformed. And that is the thing we need to change” (Elemia 2020). Sa kasalukuyang panahon ng des-impormasyon at pagpapalaganap ng duda sa lehitimong midya, sa isang bandá; at paninindak ng pamahalaan sa kritikal na pamahayagan, sa isa pa, halimbawa at babala ang ABS-CBN sa naging tagumpay at kalabisan ng telebisyon matapos ng mahigit tatlong dekada ng balik-demokrasya. Halimbawa, sapagkat naging larawan ng pagpupunyagi sa kalayaan sa pamahayagan kahit pa malugi at kuyugin ng mga oportunistang politiko kamakailan; at babala, lalo kung isasaalang-alang ang di-iilang pagkakataon ng politikal na akomodasyon na tinupad nito sa mahabang panahon. [1] Sa tuluyang pagkawala ng ABS-CBN sa free-to-air TV, na nananatiling malaganap na platapormang telebiswal para sa nakararaming Filipino, wari bang nalansag, nadurog ang industriya ng telebisyon mismo, hindi makaahon-ahon. Sa kabila ng diversification ng network sa paglipat nito sa iba’t ibang platapormang digital at pinapagana ng Internet, litaw pa rin halimbawa, ang kakulungan sa mapagkukunan ng impormasyon sa gitna ng pandemya at iba pang sakuna (Malasig 2020). Dati-rati’y madali at masigasig itong natutugunan ng ABS-CBN dahil sa malawak na network at impraestruktura nito sa bansa, at hawak na audience share na 40.99% (Media Ownership Monitor Philippines, nd). Masaya nga ba talaga ang sentenaryo ng brodkasting para sa telebisyong Filipino?

    Nais kong isipin na sandali ng pagmumuni ang sentenaryo ng brodkasting sa Filipinas. Anong uri ng telebisyon ang talagang ibig nating itindig mula sa ruinas ng ngitngit ni Duterte at kaniyang mga galamay? Ano-anong uri ng palabas ang ibig nating mapanood, ipapanood sa susunod na henerasyon? Papaano natin ito ibig patakbuhin ng mga may-ari’t namumuhunan mula ngayon? Papaano natin ito muling ipopook sa ating búhay at lipunang mabilis magbago, walang katatagan, masalimuot, hindi mawari (volatile, uncertain, complex, ambiguous)? Sa muling pagkakapasara ng ABS-CBN at sa sitwasyon ng kakulangan sa, o/at kabuktutan ng impormasyon na dulot ng ironikong demokratisasyon ng social media, higit na lumitaw ang isang bagay: talaga ngang karapatang pantao ang telebisyon. Kailangan itong itaguyod at pangalagaan, lalo para sa karamihang ito lámang ang inaasahan para maging maláy at mulat [hindi lahat ay may akses sa teknolohiyang digital at Internet]. Ibig sabihin, madali itong malansag at mawala. Mula sa pangunahing katwirang ito, ibig ko namang ilatag bílang mga kislap-diwa ang mga kaisipang Lumbera sa pagtatasa sa telebisyong Filipino; mga tugon ito sa hámon na panindigan ang midyum. Tatlo ang naiisip ko: una, ang palaging pagsasaalang-alang sa manonood; ikalawa, ang paggigiit sa panlipunang tungkulin ng telebisyon [maging ng kabuuang institusyon ng pangmadlang midya]; at ang paglinang sa kritikal na panonood sa pamamagitan ng masigasig na kritisismo at aralíng telebisyon.

    Bakit kailangang palaging isaalang-alang ang manonood? Sa tingin ko, ito mismo ang punò’t dulo ng pag-iral ng midyum, bagaman sa simula, isa itong imbensiyong pinakinabangan muna ng lumikha at namuhunan. May dinaratnang audience ang mensahe nito, na kailangang ituring na may sariling bait sa pag-unawa at paggamit sa tinatanggap. Masyado nang napag-iwanan ang pagturing dito bílang minulan ng kamangmangan at pagtatalaga bílang bakya, baduy, basura. Sa halimbawa ng dalawang sanaysay, tinuturol ni Lumbera ang datíng, kapwa ng John en Marsha at ng pagtatasa ng pagpoprogramang telebiswal. Nakahuhubog ito ng kamalayan at pagkamalay na kung magagabayan ng talino at makalipunang mithi ay maaaring makahubog ng mamamayang nag-iisip, nagsusuri. Bakit kailangang igiit ang panlipunang tungkulin ng telebisyon? Batid at nauunawaan ni Lumbera ang interes pangnegosyo ng midyum. Tadhana nito ang pangangailangang kumita. Subalit kailangang igiit na mas kailangan nitong pagsilbihan ang interes ng mamamayang siyang “bumubuhay” dito’t pangunahing sanhi ng pag-iral. Isang panunulay sa manipis na lubid, kung gayon, ang maging sangkot sa telebisyon. Nakakabulid. Alin sa dalawa ang prayoridad? Mayroong mga paninindigang kailangang tindigan. Sa pagpili ng papanigan, kailangang malinaw ang pinagsisilbihan [ano o sino nga ba ang pinagsisilbihan ng telebisyon?]. Sa hulí, bakit kailangan namang luminang ng kritikal na panonood? Kailangang paghusayin pa ang ahensiya ng mononood, bigyang talim at lalim ang pagtanggap. Susog ito sa mobilidad ng nakararami. Ito ang magbubunsod ng isang telebisyong maytalim, maylalim, kayâ matalino. Dito pumapasok ang pangangailangan sa masigasig na kritisismo at aralíng telebisyon, sa popular o akademikong plataporma. Ang pagpapalawak sa pagsusuri at pag-aaral sa telebisyon ay maaasahang magpapalawak din sa orisonte ng mga inaasahan (horizon of expectations) ng manonood na dadatnan ng mga suri o aralín. Kailangan itong tupdin sa lahat ng antas ng K-12 hanggang sa pamantasan at kolehiyo. Pero bukás naman din ang mga mata ko na maaaring muli, nagsasapantaha lámang ako ng isang ideyal, halos utopikong kairalang maaaring usbungan ng ganitong mga posibilidad. Sa sentenaryo ng brodkasting sa Filipinas, maaari’y sapat na muna ang matutong magtanong at magharaya, tulad ng ginawa ni Lumbera sa dalawang sanaysay na pinaksa, at sa kabuuan ng kaniyang karera. May kailangang pagsimulaan ang pag-asam, ang pangangarap sa imposible. Ito ang kaniyang pamana.

    [1] Sapagkat isang kompanyang pagmamay-ari ng Pamilya Lopez, tubong-Iloilo at matagal nang impluwensiyal sa politika at negosyo, hindi nito maiwasang sumayaw sa tugtog politika upang maisulong ang interes sa kasaysayan. Bahagi ang Pamilya ng Lopez ng elite na pangkat sa lipunang madalas taguriang oligarko. Ang kuwento ng kanilang pamilya ay inilarawang nagpapatunay ng “close connection between state and power and private wealth in the Philippines (McCoy 2010, 429). Basahin ang McCoy, Alfred, “Rent-Seeking Families and the Philippine State: A History of the Lopez Family,” sa An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines, ed. Alfred McCoy (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010), 429-536.  

    Mga Akdang Binanggit                        

    Coronel, Sheila, ed. 1999. From Loren to Marimar: The Philippine Media in the 1990s. Lungsod Quezon: Philippine Center for Investigative Journalism.

    Elemia, Camille. 2020. “ABS-CBN News chief: ‘Our audience is overentertained, underinformed.’” Rappler.com, Oktubre 23, 2017. https://www.rappler.com/nation/abs-cbn-news-ging-reyes-audience-overentertained-underinformed/.

    Lumbera, Bienvenido. 1987. Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan. Lungsod Quezon: Linangan ng Kamalayang Makabansa.

    —-. 1997a. DATÍNG: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Pilipino. Unitas: Quarterly Scholarly Journal of the University of Santo Tomas 70 (4): 111-130. Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House.  

    —-. 1997b. Revaluation 1997: Essays on Philippine Literature, Cinema, and Popular Culture. Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House.

    Media Ownership Monitor Philippines. n.d. “Television.” Na-akses Pebrero 12, 2022. https://philippines.mom-rsf.org/en/media/tv/.

    McCoy, Alfred, ed. 2010. An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.

  • Ang Bagong Telebiswalidad ng Zoom at si Lola Doc

    Larawan ng teaser ng palabas mula sa Theaterfansmanila.com.

    Dalubhasa si Nora Aunor sa pelikula, hindi na iyan pagtatalunan pa. O, para may bago naman táyong pag-usapan, baligtarin natin: Dalubhasa ang pelikula kay Nora Aunor. Ito ang gusto kong taluntunin ngayon bílang panimula. Kabesado na ng kamera ang kung papaanong ipeframe o babalangkasin sa pinilakang-tábing ang Superstar habang siya ay umaarte. May mga kibot siyang kailangang hulihing mabuti, mga galaw na kailangang matamang tutukan, kundi’y madaling lilipas at tuluyang masasayang ang sandali para sa audience. Buti na lang at may streaming at archiving platforms na ngayon. Maaari nang balikán, halimbawa, ang sindak at matalim niyang tingin, siyang ilahas at itinuring na kolaborador ng mga Hapon, habang kinukubkob ng mga babae ng bayan, para gupitan ng mahabang buhok matapos masukol sa simbahan (sa Tatlong Taong Walang Diyos, 1976); o ang pagsulyap niya sa liwanag sa may bandáng karagatan matapos tupdin ang tungkuling maging midwife sa bagong asawa ng kaniyang bana (sa Thy Womb, 2012). Subalit kung mula ka sa nakaraang panahon na ganap o event talaga ang manood sa kaniyang pelikula, at nagdarasal kang lagi na huwag sanang agad palabasin ng takilyera sa sinehan habang inuulit ang paboritong mga eksena sa palabas, sadyang kayhirap muling hulihin ang mga sandali ni Nora Aunor. Kailangan mo itong antabayanan sa TV o sa Betamax [o, mga batà: alam ninyo pa ba ang Betamax?].

    Pinahahalagahan ko sa usaping ito ang pelikula sapagkat mayroon akong matagal nang naiisip: pelikula lang talaga ang nakapagdulot ng perpektong rehistro kay Nora Aunor at sa kaniyang pag-arte. Siyempre, lumalabas-labas naman siya sa telebisyon, noon at ngayon, pero hindi ko alam kung bakit parang may kulang kapag itinatanghal siya doon bílang aktres. Ayos naman siya bílang espektakulo habang umaawit sa entablado, maringal at nakamamangha. Ang tingin ko, masyadong malikot ang framing ng telebisyon para sa kaniyang sining. At sapagkat ang genreng kaniyang madalas na kinatatampukan ngayon ay teleserye, lalong hindi siya mapanood nang mabuti, sa tindi ng tulak na paghaluhaluin ang mga sahog ng melodrama, mabilis at siksik na pagkukuwento, pagbibida sa iba pang artista’t loveteam, at pagtiyak na magkakalugar at mapagkakakitahan ang patalastas. Masyadong masagitsit ang telebisyon para kay Nora Aunor, bagaman kapakipakinabang itong larang para sa kaniyang karera sa ngayon. Sa kasawiampalad, wala pa talagang makatarungang papipinta sa kaniya sa telebisyon, mula nang una siyang sumabak sa teleserye noong 2002 sa Bituin. Hindi para sa mainipin ang kaniyang pagganap. Sumasagitsit at naghahabol sa maraming bagay ang telebisyon. Puwede ring hindi ito ganap na makatiyempo sa akmang pagningning ng pinagpipitaganang aktres.

    Ironic, maparikala ito, lalo pa kung babalikan ang kasaysayan ng teleserye bílang anyo—isa itong soap opera na “shot like film,” wika ng mga lumikha rito. Inaasahang dala nito ang atensiyong dulot ng sinematograpiya at editing, sa bawat paglalapit-paglalayo-pagbalangkas ng kilos o damdamin ng gumaganap. Inaasahan din ang kabatiran sa paglalapat ng tunog at musika, upang likhaing nakadadala ang danas at daigdig. Ano ba ang madalas na napapanood natin? May mga sandaling matatawag na sinematiko, nakasasakto sa pagtitimpla ng eksena sa editing. Ngunit madalas, kung hindi nasosobrahan sa espektakularisasyon sa eksena [halimbawa rito ang ngayo’y malabis na paggamit sa mga epekto at kuha ng drone camera] ay halos wala namang latoy ang pagtatanghal, at ni hindi nagagamot kahit ang burarang pagkasangkapan sa props. Inilalayo táyo ng ganitong telebiswalidad mula sa atensiyon sa nuances at henyo ng pagganap. Nilulunod táyo sa binilisan o pinabagal na paglalahad ng plot o banghay, sa pakanâng panatilihin ang pagtangkilik ng manonood—at masdan ito: pagtangkilik, higit sa atensiyon. Binibingi rin táyo sa ulit-ulit na scoring ng theme song sa bawat lingon, bitaw ng salita, o pagpatak ng luha. Mahirap mahúli ng ganitong telebiswalidad ang Superstar—isang telebiswalidad ng pagmamadali at pagkainip.      

    Para kasing tula si Nora Aunor—iyong sinasabi ni Wordsworth minsan na “spontaneous overflow of powerful feelings: it takes its origin from emotion recollected in tranquility.” Kailangang tahimik na namnamin, at kung sa idiyomang biswal, matalik na balingan. Titígan, tutúkan. Kailangan ng matiyagang pagsipat. May layaw sa ganoong lumay at bagal ang pelikula. Walang gaaanong panahon ang telebisyon. Kayâ ngayong panahon na tila ba unti-unting binabago ng quarantine at Covid-19 ang ating búhay at danas ng panonood ng TV, isang napakarikit na karanasan ang masubaybayan ang Lola Doc ng Tanghalang Pilipino at Voyage Studios. Sequel ito ng mas naunang Lolo Doc, kung saan, sa pamamagitan ng Facebook Live, nakikipag-usap sa kaniyang tatlong apong sina Ashley, Patti, ay Mark ang karakter ni Nanding Josef, isang doktor na habang nakikipaglaban sa Covid-19 ay dinapuan ng sakít. Isa itong birtuwal na kumustahang may bahid-lumbay, may kabatiran sa nakaambang mortalidad, at bahagi ng seryeng “Pansamantanghalan” ng nasabing resident drama company ng Cultural Center of the Philippines. Isang birtuwal na teleserye kung gayon. Sa Lola Doc, gumaganap ang Superstar bílang ang doktorang maybahay ni Lolo Doc, patuloy na nakikipaglaban sa pandemya matapos mabiyuda sa asawang tuluyang ginupo ng sakít. Ipinalabas ito sa social media noong Mayo 21, 2020, kaarawan ng aktres. Mayroon nang higit 30 libong view at higit 500 share ito sa Facebook, at 11 libong view naman sa Youtube. Lumikha ang premyadong mandudula na si Layeta Bucoy, siya ring sumulat ng Lolo Doc, ng halos 10 minutong monologo para sa Superstar, kausap ang tatlong apo mula sa naunang video, na inilitaw na ang mga karakter dahil lumipat na sila ng platform—sa Zoom. Payak na frame at tagpuan ng kumustahan ang Zoom na pilit pinaglalapit ang magkakalayong dalamhati sa bawat split screen. Sa kabuuan, monologo ito ng tahimik na pangungulila sa asawa, at lalo sa mga apong ni hindi masalat dahil sa krisis at sinumpaang tungkulin.

    Marami nang inaatake ngayon ng tinatawag na Zoom fatigue, dahil sa malaganap at nakauumay na paggamit dito, maipagpatuloy lámang ang búhay at hanapbuhay sa gitna ng krisis. At may ganoong feel at look ang pagtatanghal, siya nitong biyaya at birtud. Functional at di tulad ng nagmamadaling telebiswalidad ay pinatututok, ipinasu-Zoom sa lahat ang tanging mapapanood sa frame—ang pagganap. Walang agaw-eksena sa maaligasgas na grey sofa sa ospital sa panig ni Lola Doc, maging sa payak na mga domestikong espasyo ng mga apo. Lahat, kahit magkalayo ang mga henerasyon, pawang nakaasa sa teknolohiyang pumapalya ngunit patuloy na pinagtitiyagaan. Ang midyum ng Zoom ay nagsasanyo nang mismong búhay ng maglolola, na mikrokosmo ng sumasaating bagong normal. May dignidad at hinahong hinaharap ni Lola Doc, sa kaniyang kapayakan, ang mga nababalitaang paghihinanakit ng mga apo sa pagkawala ng pinakamamahal na Lolo Doc. At iginigiit niya rin ang paninindigang kapwa nila pinanghahawakan ng asawa bílang mga doktor—hindi nila maaaring talikdan ang kanilang mga pasyente. Maalingawngaw itong komentaryo sa panahong minamaliit ang kontribusyon ng mga doktor, sampu ng mga medical frontliner. Samantala, kipkip naman ng mga batà ang emosyon, sinisikap na huwag ganap na sumambulat sapagkat napakapanliliit ang katapangang kaharap. Sa pagnanais ng mga tauhan na manatiling magkakaramay, naging susing sandali ang haplos na sabay-sabay idinampi sa sari-sariling kamera, iskrin, at frame. Samantala, sa pangkalahatan, malinis at sapul ang pag-eeksena ng editing na sinikap kopyahin ang danas ng Zoom—maingat na pinagsanib ang kabuuang monologo at sanda-sandaling pakikinig, pagtikhim, o pangingilid ng luha ng mga apo. Nalapatan din ang palabas ng saktong tunog at tugtog, akma sa bawat sandali. Kumbaga, walang masyadong karaniwang telebiswal na ingay.   

    Kung ako ang tatanungin, talaga namang extension ng telebisyon ang internet at social media. Magkakapara ang operayon ng mga ito sa pagkasangkapan sa domestiko’t indibidwalistikong screen. May semblance din ng communal reception kunwari, pero birtuwal, hindi tulad sa sinehan na sabay-sabay kayóng papasok at lalabas sa mga itinakdang oras. Sa isang bandá, nilamon na rin ng mga ito ang pelikula. Sa kaso ng Lola Doc, naisasalin naman ang telebiswalidad sa Zoom at wari’y nagiging bagong teknolohiya na rin ng telebisyon para sa bagong normal. At isa itong telebiswalidad na madaling nakasasabay at naisasakay sa kasalukuyang umuusbong na social media brodkasting, post-ABS-CBN shutdown. Sa tagal ng aking pagsubaybay kay Nora Aunor sa mga dramang pantelebisyon, itong telebiswalidad na ito ng Zoom pa lang, sa aking palagay, ang nakapagframe sa kaniya nang wasto at may hustisya. Dahil isa itong telebiswalidad na hindi nagmamadali, hindi sumasagitsit, at hindi pa gaanong napapasakan ng kawing-kawing na advertising o product placement. Walang gaanong kaagaw sa ating pansin si Nora Aunor at mga kasamahan. Natututukan natin nang husto ang sining ng timpi at daloy ng Superstar. Kung manonood kayó ng Lola Doc, tiyaking masdan ang kaniyang pasimpleng pagpapahid ng tumulong luha. Halos karaniwan, pero napakabigat at makahulugan. May handog na pagkakataon para sa mas matalik na panonood—matalik na pagbása ang telebiswalidad ng Zoom. 

    Siyempre, probisyonal ang aking papuri sa bagong telebiswalidad ng Zoom. Bakâ búkas makalawa, pasukin na rin ito ng karaniwang telebiswal na ingay at nakamihasnang ekonomikong imperatibo ng brodkasting. Pero interesante ang telebiswalidad na ito, lalo pa’t lumiliit ang mundo ng terrestrial o free TV broadcasting sa bansa. Kinakailangan nang maghanap ng panibagong larang na sasakupin. Ang larang na iyan, sa palagay ko, ay ang internet. Isinusulat ko ang review na ito ay itinatala ko rin ang isang mahalagang obserbasyon sa panahong naghahanda na ang lahat para sa bagong normal, at sa bagong daigdig. Sa panonood natin ng mga palabas na katulad ng Lola Doc sa Facebook at saanpamang social media platform, lalong lumalakas ang internet bílang bagong telebisyon, bílang telebisyon ng hinaharap. Ito ang hindi nakikita ng mga propetang pílit na nagbabantay sa tarangkahan ng batas upang ganap na mapasakamay ang napaglumaan nang institusyon ng brodkasting. Puwede na nila itong isaksak sa kanilang mga bagà. May namatay man sa brodkasting nang ipasara ang ABS-CBN noong Mayo 5, 2020, may bagong silang din: ang brodkasting sa larang ng internet na may higit na mga bagong handog na telebiswalidad, at higit na matamang pagpapagitaw sa mahahalagang danas ng tao, gámit ang teknolohiya. Sa magiging kuwento ng internet brodkasting sa bansa, na ang nuno ay Youtube at streaming apps tulad ng Netflix, hindi dapat kaligtaang banggitin ang tagumpay ng Lola Doc.   

  • Chika Lit 3: Ang Ibig Sabihin ng Katahimikan

    Isang bagay na muling nagkaroon ng puwang sa búhay ng tao, sa panahong ito ng quarantine laban sa Covid-19, ay ang katahimikan. Masyado na kasi táyong naging busy noong nakaraan, at ang dami rin talagang alalahanin at nangyayari. Marami sa atin ang halos walang panahon para magpahinga, na magandang pagkakataon sana para manahimik at magmuni-muni tungkol sa mga bagay na mahalaga, sa ngalan ng pagbabagong-lakas. Iyong iba sa atin, pagkagaling sa trabaho, deretso na sa kama pagkakain at pagkapaligo upang makatulog agad—at upang bumangon muli kinabukasan para bumalik sa karaniwang routine ng pagbabanat ng buto at patuloy na pakikipagsapalaran sa búhay. Di bale na muna ang quality time para sa pamilya—makapaghihintay ang mga iyan. Di bale na muna ang sarili. Kailangang may maihayin sa mesa. Napakahirap ng búhay at napakamahal ng katahimikan. At ngayong nagkaroon táyo ng mas maraming pagkakataon para manahimik, sadyang napakamahal pa rin nito. Para sa di iilan, ang manahimik lang sa bahay ay maaaring mangahulugan ng lalong pagkakalugmok sa hírap. Hindi pantay ang lipunan, at kahit ang pananahimik ay nananatiling para lang sa iilan.

    Maganda sana ang katahimikan, lalo kung nakapaglilingkod sa kagalingan o wellness ng lahat—hindi na iyan pagtatalunan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1860), ang unang diksiyonaryong Tagalog na ginawa ng mga paring sina Juan Jose de Noceda at Pedro de Sanlucar, ipinaliwanag ang kahulugan ng salitâng ugat na “tahimik” bílang “Katahimikan ng Loob, Katiuasayan, Kaginhauahan.” Ang pananahimik ay nakapagdadala ng kapayapaan sa puso matapos mabagabag ng kung ano. Palaging payo ang kahit sumandali’y manahimik lalo’t kung gulong-gulo ang isip. Maraming paraan upang gawin ito. May ilang naglalakad-lakad o namamasyal sa mga bundok o dagat, o saanmang makapaglalapit sa kalikasan. May nagmemeditate o nagyoyoga. May nagkukulong sa kuwarto, pinapatay ang cellphone at laptop at pansamantalang pinuputol ang lahat ng ugnay sa mundo para gawin ang mga pinakagustong gawin. Hindi lang pagpapatahimik, pagpapatahan ng loob ang ginagawa sa mga ito, kundi pagbabâ pagtungo mismo sa loob, kung saan nananahan, hindi lang ang pinakamalalalim na pag-aasam, kundi lalo’t higit, ang mga pangunahing katotohanan. Wika nga ni Paring Albert Alejo, makata at Heswita: “Ang mahahalagang tanong sa katotohanan ay gáling sa loob.”[1]Nakakamit lang ang katahimikan kung may ugnay ang tao sa kaniyang sarili, sa kaniyang loob, at kung napapanahunang hagilapin dito ang mga sagot sa mahahalagang tanong hinggil sa katotohanan.

    Matiwasay ang isang palagay o tahimik na loob. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala, ang “tiwasay” ay “Katahimikan, kapayapaan” din, at “tahimik na loob,” may katiwasayan sa budhi, at “Tumutukoy sa karangalan ng mga táong makatarungan.” Kapag may malalim na pagkakakilanlan sa loob, maaari yaong tinatawag nating self-awareness, higit na palagay ang isang tao sa kaniyang pakikiugnay, pakikilahok sa daigdig. Kung may mga bagahe man, maaaring hindi gaanong nakabibigat o nakahadlang. Walang masyadong gambala mula sa konsiyensiya o sa budhi, o kung mayroon man, matapat na pinoproseso ang mga iyon sapagkat bahagi ng ganap na pagiging totoo sa sarili. Karaniwan nang bukambibig sa atin ang mapag-usisa’t minsa’y mapagsakdal na tanong na “nakakatulog ka ba nang maayos sa gabi?” Ang budhing binabagabag ng anuman ay pinaniniwalaang nagdadala ng pagiging alumpihit o hindi mapalagay. Hindi ka na kailangang kalampagin ng kapwa dahil sarili mo na ang mangangalampag sa iyo. Pagdadamutan ka nito ng antok. Ang tawag natin doon ay pangonginsiyensiya, at sadyang napakahirap ng gayong kalagayan. Sarili mo mismo’y tinitimbang ka at ikaw ay kulang.

    Nagdadala ng kaginhawahan ang katahimikan, nakapagdudulot ng pagiging mabuti at pahinga. Marahil, napapalagay ang loob, sapagkat may sandali ng paghimpil; napapayapa ang isip sapagkat nagpapasya munang tumigil, bumitiw pansamantala sa mga gawain. Keyword sa paliwanag na ito ang “pahinga,” na hindi lang tumutukoy sa paghimpil o pagtigil, kundi pati na rin sa naidudulot nitong ginhawa sa muling paghinga, sa reminder na kailangang huminga. Ang pahinga ay sandali ng paghingang muli, pagkakataon ng pagkapit sa hininga na siyang bumubuhay sa atin. Sa meditation, palagiang turo ang magbalik sa paghinga, dahil pinaniniwalaang pinatatahan nito ang maingay na isip at pinababalik ang sinuman sa sandaling kasalukuyan, sa tinatawag na ngayon o now. Pero hindi ito madali, kayâ kailangan ng masusi at palagiang pagsasanay. Sa Zen, kung saan ko ito natutuhan, mas nagiging maláy ang maykatawan sa kaniyang katawan sa tuwing umuupo siya’t nagmemeditate. Nagkakaroon ng pagtigil, paghimpil, sabihin pa mang hindi naman talaga tumitigil, humihimpil ang isip sa pag-iisip sa kung ano-ano. Ngunit ang pag-upo, pag-iwas sa anumang paggalaw, at pananahimik ay nagdadala ng payapang paalaala na buháy ang isang tao sapagkat humiginga pa siya. Ang hininga ay búhay, at sa una’t hulí, isa itong nakapagpapatahimik na kaisipan, lalo na’t madalas táyong nasa gitna ng gulo at galaw ng búhay. Maaari lang makalasap ng ginhawa kung bibigyang-panahon ang katahimikan.

    Ngunit hindi lahat ng katahimikan ay nagdadala ng katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan. Sa Vocabulario de la Lengua Tagala pa rin, iniuugnay ang salitâng tahimik sa “timik,” na ang ibig sabihin ay “patigilin.” Minsan, ang paghimpil o pagtigil ay mas nakapagdudulot ng tinatawag na nakabibinging katahimikan, isang balintuna o paradox, lalo kung ang pag-iingay o pagsasalita ay dapat asahan sa isang sitwasyon. Nagbubuntis ng ibang kahulugan ang katahimikan, lalo kung ito’y ipinapataw ng makapangyarihan sa nasasakupang hindi binibigyan ng pagkakataong tumugon o tumuligsa. Hindi dapat mapalagay ang loob sa ganitong kaayusan. Matiwasay man ito sa nagpapatahimik at hindi naaapektuhan, tinatanggalan ng karapatan ang pinatatahimik, marahil sa pamamagitan ng panggigipit o paninindak. May panahon para sa katahimikan, at hindi iyon sa panahon ng kawalang-katarungan. Ang pagsuko sa sindak at pananahimik ay kapara na rin ng paghanay sa nagpapatahimik. Nakikilahok ka sa pagpapanatili ng kawalang-katarungan. May bahid ng dugo ang iyong kamay. Totoo naman, minsan, napakahirap talagang umimik. Ngunit may tungkulin táyong basagin ang katahimikan, lalo kung may masasabing kapaki-pakinabang, o mayroong nalalámang lihim na katotohanan. Sa ganitong sitwasyon, tungkulin nating magsalita, iparinig ang tinig, sumaksi sa totoo. Tungkulin natin ang pagiging tapat sa sarili at lalo na, sa tama. Kung hindi, mababagabag táyo, di táyo patutulugin ng konsiyensiya. Hindi rin táyo matatahimik.

    Ginto talaga itong katahimikan kung pag-iisipan. Kahit nakapapayapa o nakaliligalig, nagbubunyag ng napakayamang kahulugan. Nag-iiwan din ng insight o kislap-diwa hinggil sa ating pagkatao. Hindi rin lang naman kasi katahimikan ng loob, katiwasayan, at kaginhawahan ang mahahango rito. At hindi rin lang pagharang sa karapatan sa malayang paghahayag ng saloobin na dapat lang tutulan. Nagkakaloob din ito ng karunungan sa tao, lalo’t kung handa siyang manahimik. Sa kaniyang tahimik at taos na pagdulog sa daigdig, muli at muli niyang natutuklasan ang ganda nito, sa kabila ng lahat nitong sugat at kapintasan. Noong Victorian period (1837-1901) sa England, isang panahon ng malawakang modernisasyon dahil sa industriyalisasyon, isa pang paring Heswita, ang makatang si Gerard Manley Hopkins, ang nakasumpong dito, marahil sa kaniyang pagninilay, at paglayo sa ingay ng kaniyang daigdig. May batik ang daigdig ngunit marikit pa rin, sabi niya, dahil laging pinapagbago ng maykapal na siyang lumikha. Kuhang-kuha ni Paring Albert Alejo sa kaniyang salin ang kaisipang ito na isinulat bílang soneto ni Hopkins. Mayamang pabaon ito habang patuloy nating kinakaibigan ang sariling katahimikan, at habang patuloy na nag-aabang sa pagdating ng tinatawag na new normal.

    GANDA’T GARA NG DIYOS
    Gerard Manley Hopkins SJ, salin ni Albert Alejo SJ

    Daigdig ay puspos ng ganda’t gara ng Diyos.
    Sisiklab tulad ng kislap ng inalog na palara;
    Tumitipon sa tigib, tila pagtagas ng gatâng piniga.
    Ba’t ba tao’y di pa rin sumusunod sa kaniyang tungkod?
    Sali’t saling lahi na’ng kumayod, kumayod, kumayod;
    At sa kalakal naglapnos; nagluha, nanlagkit sa paggawa;
    Nadamtan ng bahid at nadamay sa baho ng tao: ang lupa
    Ngayo’y tigang, paa ma’y manhid na, sa kasasapatos.

    At sa lahat ng ito, kalikasa’y di mandin nalulustay;
    Sa kailalima’y buháy ang mahal na bukal na ubod ng tining,
    At sa Kanlurang maitim, hulíng ilaw man ay pumanaw,
    O, liwayway, sa kayumangging bingit pasilanga’y susupling—
    Sapagkat halimhim ng Espiritung Banal ang lupaypay
    Na daigdig sa mainit na dibdib at a! bagwis na maningning.

    Mula sa Alejo, Albert SJ, Nabighati: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha (Lungsod Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 2015), 18. Pagkilala ng inyong lingkod sa pinagsipiang aklat. Hindi maaaring ilathalang muli nang walang pahintulot sa tagasalin.

    Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, Apple Podcasts, Google Podcasts, Breaker, Overcast, at Radio Republic. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!

    Talâ

    [1] Alejo, Albert SJ, “Pamimilosopiya Mula sa Pakikisangkot,” Tao po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao (Lungsod Quezon: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1990), 3.

  • Magandang Gabi, Bayan

    Larawan mula sa ABS-CBN News.com.

    Ngayong gabi, sa bisà ng isang cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC), ganap nang naipasara ang Alto Broadcasting System-Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN). Isa itong orden na dulot ng pagkakatambak ng mga panukala para sa renewal ng prangkisa ng network sa mga kapulungan ng kongreso. Pagkakatambak na dulot naman, sa isang bandá, ng banta ng pangulo ng Filipinas na hindi aaprobahan ang anumang igagawad na prangkisa. Ngayon, totoo na talaga ang ABS-CBN shutdown.[1] Nagsara ngayong gabi ang estasyon matapos ang brodkast ng flagship newscast nito na TV Patrol, pangunahing palabas ng network mula nang umeyre itong muli matapos ang Edsa Revolution. Pinagbigyan ng network ang sarili na ibigay ang sariling panig sa halos kabuuan ng palabas. Nagsumamo ng pagdamay. Napakametapiksiyonal, sabi nga ng ilan! Sa hulí, kailangan nitong sumunod sa batas habang wala pa ang renewal gáling sa kongreso. Matapos mamaalam, at magpasalamat sa mga “Kapamilya,” ang mga manonood sa mahabang panahon, nag-sign off ito sa pag-eyre ng kilala at engrandeng produksiyon ng pambansang awit ng Filipinas kung saan lumahok ang lahat ng mga artista nito.

    Nakalulumbay ang pagsasarang ito, na sa tingin ko, tinanggap naman nang maluwat ng network, habang tinutuklas pa ang mga remedyong legal upang makabalik sa eyre. May dignidad ang pamamaalam, kahit sa totoo lámang, wala akong amor sa dalawang politiko-newscaster sa TV Patrol na nagsilbing mga hulíng mukha at tinig ng pagsasara. Pero dumating na nga ang lahat sa puntong ito. Kakatwa ang pagbigkas ng isa sa politiko-newscaster, nagsilbing pangalawang pangulo ng bansa, na isang atake sa demokrasya at malayang pamamahayag ang pagkakapasara sa network. Ang sabi ko sa sarili, bílang mag-aaral ng kasaysayang pangmidya, kailangan kong tandaan itong tagpong ito na maluha-luha ang “Kabayan” habang nagpapaalam sa mga manonood. Napakasakit na tagpo nito, sapagkat kinakatawan ang kawalang katiyakan para sa mahigit 11 libong empleado ng network. Pero sadyang napakasaklap, sapagkat ilustrasyon din ng lahat ng masamâ sa matalik na pag-uugnayan ng politika at broadkasting sa kasaysayan ng Filipinas. Isang trahedya, kung baga, sa tumatakbong teleserye na parang walang magiging magandang katapusan at ang tema lámang ay la veganza, paghihiganti.

    Umiiral na ito noon pa man, itong matalik na pag-uugnayan ng politika at brodkasting. Tandaang sa kasaysayan, unang ipinakilala sa bansa ang telebisyon noong dekada 50 upang makatulong sana sa kampanya ng muling pagtakbo ng isang sakiting pangulo.[2] Natalo siya ng sa tingin ko’y isang kintesensiyal na populista. At dahil nga itinakda ang pangangailangan ng prangkisa mula sa pamahalaan, naging matindi ang kinailangan ding pamomolitika ng mga namumuhunan sa brodkasting. Hindi maglalaon, pati mga kapamilya ng mga namumuhunan ay kinailangan nang mailuklok sa mga puwesto sa politika para maalagaan ang mga interes sa negosyo. Matagal nang nása gitna ng lahat ng ito ang ABS-CBN, at pamomolitika ang naging dahilan ng pagkakapasara rito, nang ipailalim ang bansa sa Batas Militar.[3] Nang bumagsak ang diktadura noong 1986, bumalik sa Filipinas ang Pamilya Lopez, may-ari ng ABS-CBN, mula sa matagal na destiyero sa America. Pangmalakasan ang pamomolitika ng pamilya, at naibalik din sa kanila ang mga kompanyang utility na kinamkam ng mga kroni ni Marcos.

    Masarap maging nostalhiko at romantiko habang lumuluha ang butihing “Kabayan.” Melodramatiko ang tagpo, kahit tinimpi. Sa isang post ko sa Facebook, na napilitan akong i-activate ngayong gabi, ito ang sinabi ko, punô ng magagandang alaala sa pagsubaybay sa ABS-CBN:

    I never ever thought that this day would come when I would be watching ABS-CBN say goodbye. As a TV historian, it’s something unimaginable. But last time it closed down, the karma returned a thousand fold to the perpetrators. The regime has blood in its hands. I am looking forward to write an end to this chapter. Awaiting, eagerly praying for a plot twist. Thank you, ABS-CBN, for all the years of making me love—and sometimes hate—television. It is your lasting gift to me.

    Totoo ang mga ito, gáling sa puso, sapagkat anuman ang sabihin, “Kapamilya” talaga ako. Kasibulan ko ang panahong iginigiit ng ABS-CBN ang pangunguna sa ratings laban sa arkinemesis nitong Global Media Arts (GMA) Network, noong dekada 90. Naniwala talaga ako sa claim nito, at nakikipag-away pang minsan sa mga kaklaseng maka-GMA. Nanalig din ako sa galíng at husay sa programing ng network, sa pulido nitong produksiyon, at sa matayog nitong pangarap na makipagsabayan sa global na larang. Nagpupuyat pa nga ako tuwing ipinalalabas ang taunang Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club, at laging nananabik na masungkit ng ABS-CBN ang “Best Station with Balanced Programming.”

    Pero hindi na ako ang batàng iyon, at sa kasawiampalad, matagal-tagal ko nang ipinataw sa sariling balikat ang napakabigat na tungkulin bílang isang historyador ng midyum. Lumaki akong nanonood ng mga soap opera at iba pang drama ng network, at kailangang kong ipagpasalamat ang natatanging “handog” sa akin ng panonood sa network sa matagal na panahon—ang teleserye, na aking ipaliliwanag at pahahalagahan bílang isang paksang iskolar. Bílang tagatalâ ng kasaysayan, kailangan kong humakbang din paatras, palayo sa paksa, kahit lubhang ikinalulungkot ang pagsasara ng network, na totoo naman, malinaw na dulot ng talagang napakasamang kultura ng pamumulitika na hindi na yata natin maiwawaksi. Sabi nga ng tatay ko, panahon pa ito ni Aguinaldo. Magpakatotoo táyo: nangyari ito dahil ang mismong institusyon ng brodkasting ay hindi lámang ikaapat na estado, tanod, at aliwbayan, kundi isa ring negosyo. Negosyong pinatatakbo ng salapi at politika. Ng politikang pabago-bago, “weder-weder lang,” sabi nga ni Erap noong araw. Habang patuloy nating sinusuportahan ang kampanyang #notoabscbnshutdown, kailangan nating isaisip kung bakit táyo naririto ngayon, sa malungkot na gabing ito. Sinsero ang “In the Service of the Filipino,” pero may napakabigat na bagahe. Ito ay ang bagahe ng kapital at pakikisamang pampolitika na kinailangang gawin para patuloy na lumutang ang institusyon.

    Huwag nawang ipagkamali na tinatalikuran ko ang pagiging “Kapamilya” o kahit ang malayang pamamahayag, ang dakilang muog na siyang sinasabing winasak ng cease and desist order ng NTC. Ang akin lámang, kailangang maging mas matalas at maláy ang pagtindig. Ang totoong biktima rito ay ang mahigit 11 libong empleado na mawawalan ng trabaho. Ang totoong biktima rito ay ang milyong manonood na mababawasan ng daluyan ng impormasyon, kaalaman, at aliw sa gitna ng isang krisis. Ang totoong biktima rito ay ang kasalukuyang inaayudahan ng network mula nang magsimula ang enhanced community quarantine noong Marso. Ang totoong biktima rito ay lahat-lahat táyo, mga biktima ng napakasamâng pamumulitika sa bansa, ang totoong pandemya na hindi yata natin kailanman mahahanapan ng lunas. Pinaglalaruan lámang táyong lahat ng namumuhunan at ng maykapangyarihan. Maaaring ginagalit táyo ngayon dahil bakâ may ibig ikubli sa atin, na maaaring iulat sa telebisyon. Parang naging sakripisyong kordero ang ABS-CBN. Sa kabilâng dako, wasto’t makatwiran ang tumindig para sa malayang pamamahayag, lalo sa panahong walang kahit sambutil na kredebilidad ang dispensasyon. Marami akong kakilala at kaibigan sa ABS-CBN, mga táong hindi matatawaran ang integridad. Nararapat na tumindig para sa kanilang mga pagpapahalaga at paninindigan.

    Samantala, may pakiramdam ako na may plot twist ang kuwentong ito, parang mga teleserye lámang na inieeyre ng network. Nakatakda nang bumalik sa mga kapulungan ang mga kongresista’t senador. Maaari’y pinaghahandaan ang magiging tugon sa cease and desist order. Ang wika ng mga kinauukulan, ang bola ay nása kongreso talaga, at kailangan nang aksiyonan ang tambak na panukala para sa renewal ng prangkisa [Papaano kayâ nila táyo bobolahin?]. Hindi ako magtataka kung dadami ang mga nakaumang na politikong sasawsawan ang isyung ito, lilitaw para sa nakamihasnang grandstanding o “pagpapakabayani.” Hindi rin ako magtataka kung biglang magkaroon ng mga pagbawi sa utos. Puwede ring makatagpo táyo ng divine intervention at biglang kumilos ang kamay ng Diyos, tulad ng sa mga teleserye. O bakâ wala at talagang kailangang tanggapin na natin ang tuluyang pagbababa’t pagsasara ng telon ng ABS-CBN. Diyos lámang at si Tatay Digong ang nakaaalam. Pero tingnan ninyo ang ginawa rito: pumaslang ng api ang mga “kontrabida.” Ano ang dapat asahan? Bawal mamatay ang api sa palabas, kailangan niyang makaahon at magkamit ng resureksiyon. Alam na alam ng ABS-CBN ang pormulang iyan, mula pa nang una nitong ipakilala ang anyo ng soap opera sa telebisyon noong dekada 60.

    At ano ang nangyayari sa kontrabida? Naku, naku. Ito na lámang siguro, isang paalaala hinggil sa mahaba-haba na ring kasaysayan, o pasyon ng ABS-CBN. Nakabangon ito matapos ng dalawang dekadang pagpapatahimik ng diktador. Nasaan ang diktador ngayon—sabihin nang nakapuwesto na muli ang kaniyang pamilya at muntik pang magbalik sa Malacañang dahil sa ambisyosong anak? Hayun, sa Libingan ng mga Bayani, may puntod na kailangang bantayan sapagkat bakâ ihian ng tao o aso. Walang makinarya at kayamanang maaaring bumura sa kaniyang salà sa bayan. Ang messaging ng ABS-CBN sa shutdown version 2020, kasalanan ito sa bayan. Pero siyempre, sabi ko nga, may mga kontradiksiyong kailangang tandaan. Ano ang naghihintay sa boses ng nagbanta, sa kamay ng pumirma, sa mga nagbingi-bingihang tainga? Maraming opsiyon ang katapusan ng teleseryeng ito para sa kanila na maaaring ipataw ng tadhana, sa gayong napakarami ng baitang ng impiyerno batay sa Divina Comedia ni Dante. Static muna ang iskrin ng TV ngayon kapag ipinihit sa Channel 2 [o Channel 8 sa Cable TV]. Ipagpasakasaysayan muna natin ang mga sumunod na tagpo. Abangan ang susunod na kabanata.

    Sa hulí, nakapananabik ang muling batiin ng ABS-CBN gabi-gabi sa balita ng “Magandang Gabi, Bayan.” Sakali, kung makukuha nito, sa wakas, ang franchise renewal, mayroon akong wish list; tutal, natitiyak kong panahon ito ng malalimang pagninilay, soul searching, para sa mga tagapamahala. Una, baguhin na sana ang mukha ng pagbabalita sa TV. Pangatawanan ang pagpanig sa bayan at katotohanan, at huwag nang ipagamit ang network news para maging plataporma ng mga politikal na ambisyon at akomodasyon. Ikalawa, gawing higit na edukasyonal ang mga palabas. Pataasin ang antas ng drama at aliwan. Pataasin ang panlasa ng mamamayan. Iahon ang Kapamilya sa pagkamangmang upang maging kapakipakinabang na Filipino [at hindi basta-basta bumuboto ng mga lumalabas sa Gandang Gabi, Vice Maalaala Mo Kayâ?]. Ikatlo, at marahil ito ang napakahirap, magbagong-landas mula sa tinahak sa nakaraang kasaysayan ng pamomolitika. Iiwan ko sa ABS-CBN ang kung papaano tutugunin ang hulíng hiling, dahil sa tingin ko, kailangan talaga nitong balikán, pagmunihan ang sarili nitong kasaysayan. Iyan ay, kung tunay talaga ang in the service of the Filipino, kahit tumutugon pa ito sa isang ekonomikong imperatibo.

    Mga Tala

    [1] Basahin ang kabuuang update ng Rappler.com hinggil sa isyung ito: https://www.rappler.com/previous-articles?filterMeta=ABS-CBN%20franchise.

    [2] “The Birth of A Medium,” sa ed. Thelma San Juan, Pinoy Television: The Story of ABS-CBN (Lungsod Quezon: ABS-CBN Broadcasting Corporation, 1999), 65.

    [3] Iminumungkahi kong basahin ang McCoy, Alfred, “Rent-Seeking Families and the Philippine State: A History of the Lopez Family” sa ed. Alfred McCoy, An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2010), 429-536. Sa kaniyang bagong preface sa limbag 2010 ng aklat, pahina xviii, narito ang magandang pagunita ni McCoy sa atin: “To cite the best-known example, the Lopez family, which had suffered exile, expropriation, and imprisonment under martial law, flew back to Manila after Marcos’ fall to reclaim its corporations—the Manila Electric Company (Meralco), the Manila Chronicle, and its TV Channel 2. In its struggle between a dictator and a single family, the family had survived and the dictator had not, an indication of how deeply this oligarchy is embedded in Philippine society.”

  • Chika Lit 2: Radio Romance: Homage sa Magulang ng Podcast

    Noong unang panahon…Wala namang mga podcast tulad ng Chika Lit. Pero mayroong radyo kung saan maaaring makinig sa mga komentaristang tulad ko na dumadaldal o nakikipagchikahan tungkol sa mga bagay-bagay hinggil sa búhay, politika, at lipunan. Medyo weird lang talagang magsimula sa noong unang panahon,kasi parang itinuturing nang napaglipasan o patay ang pag-uusapan natin ngayon, ang precursor ng podcastingang radyo. Hindi naman kasi napaglipasan o patay ang radyo sa Filipinas, kahit hindi na táyo madalas nagbubukas ng radyo, maliban kung nasa mga sasakyan at iniinda ang impiyernong trapik sa kalsada. Kung gusto mong magradyo, nariyan ang mga teleradyo sa Cable TV, maaasahang tagapagbalita at tanod sa panahon ng sayá at sakuna. Nása mga smarphone apps at website na rin ang radyo. Hindi napaglipasan o patay ang radyo, bagaman marahil,patay na’t napaglipasan ang pagbili ng radyo. Buháy na buháy ang radyo sa mga panibagong anyo, tulad ng podcast, pati na rin sa mga bagong kinalalagyan nito.

    Aaminin ko: dream come true para sa akin ang magpodcast, hindi lang dahil matagal ko nang iniisip magpodcast, kundi dahil na rin noong batà pa ako, may lihim akong pangarap na maging radio announcer. Ewan ko ba dito sa Corona Virus Disease 2019 o Covid 19 na nagpapirmi sa atin sa ating mga bahay. Sa probinsiya, tuwing summer, bahagi ng routine naming magpipinsan ang makinig sa radyong Ilokano. Walang koryente sa araw at hindi pa rin naman abót ng reception ng mga estasyon ng TV ang aming bayan ng Flora, Apayao. Maghapong maririnig sa bahay ang radyo na pinatatakbo ng baterya ng Motolite na nirerecharge kinagabihan. Nakikinig kami ng balita, komentaryo, at sunod-sunod na mga dramang de-serye. Radyo ang nagturo sa akin ng wikang Ilokano, kahit hindi ako naging ganoon katatas gumamit niyonkahit kailan. Ang sabi ko nga, aural ang Ilokano ko, hindi oral. Sa tainga lang, na nagagamit ko pa rin naman sa pagbabasá. Puwede na, basta hindi maibebenta. Sa radyo rin ako nainitiate sumunod sa mga soap opera na kalaunan, pag-aaralan ko at gagawan ko pa ng kasaysayan. Dito ko rin natutuhan kung gaano kahalaga ang balita at komentaryo, mga pamana ng ating nagbalik na demokrasya matapos ang Edsa Revolution noong 1986. Kayâ rin ako siguro nagbalak mag-Communication Arts sa kolehiyo. Sa hulí, Journalism ang tinapos ko. Sa midya pa rin ang bagsak.

    Siyempre, kapag naglalaro na kaming mga batà, imbes na makipaghabulan, makipagtaguan, o makipagbahay-bahayan, madalas akong mapag-isa at gumagawang kunwaring radio booth sa may bintana. Gagawin kong kunwang mikropono ang mahabang tube ng talcum powder, at sisimulang basahin sa mikropono ang ilang artikulo at kuwento mula sa lingguhan at inaabangang Liwayway magazine na hinihiram namin sa palengke, na ang tawag namin ay dapon. Akalain ninyo, ginagawa ko na talaga siya ngayon. Hindi public service ala Tulfo Brothers o komentaryo ala Ted Failon o Mike Enriquez ang notion ko ng pagsasalita sa mikropono bílang isang batàng radio announcer. Mas naiintriga ako sa posibilidad ng pagkukuwento, at pagkukuwento gámit ang sariling tinig.

    Nakapukaw kasi talaga sa akin ang mga boses sa radyo, mula sa mga voice talent ng soap opera hanggang sa mga tagapagbalita at komentarista. Binubuhay ng mga tinig ang mga kuwentong binibigkas sa málay at imahinasyon ko habang akoy nakikinig. Nagkakatotoo ang mga tao, sitwasyon, at daigdig na tinutukoy ng mga boses. Sa aking pagbabaliktanaw, naiisip ko na mahalaga ang mga karanasang iyon sa aking pagiging manunulat. Pinili kong gawin iyon, bukod sa pag-akyat sa punòng mangga, pamimitas ng kamias, paliligo sa ilog na tinatawag naming carayan, o paghahakot sa mga ibinilad na palay tuwing hapon. Bukod sa agad kong natuklasan ang talab ng kuwento rito, wari bang naengganyo rin ako ng radyo na hanapin ang sarili kong tinig na magagamit ko rin sa sariling mga pagkukuwento pagdating ng araw. Napakasayang mga tag-araw iyon ng pangangarap ng gisíng, ng daydreaming.

    May ulinig sa aking karanasan ang salaysay ng makata, kuwentista, at gurong si Cirilo Bautista (2009), national artist for literature. Noon daw dekada 40, panahon ng kaniyang kasibulan, naging mapaghubog sa kaniyang sining ang radyo. Hindi lámang ito, wika niya, clock, newspaper, and entertainment all at the same time to millions of Filipinos then struggling for a better life after the Second World War.[1]Dagdag pa niya, Unknown to me then, the radio was educating my young imagination. The programs to which I listened formed the seminal character of my perception, making me curious about things in the beginning and in the end, when I was already writing prose and poetry, sensitive to the nuances of words and their connection to human existence.[2] Kung sa kaniyang komunidad ng Balic-balic, Sampaloc, Maynila, ang radyo ay talagang an arbiter of sort. An argument was settled when one said, I heard it over the radio,””[3] sa kaniyang payak na pamilya, literatura itong matalab at totoong ábot-káya. Wika niya: We could not afford to buy magazines and newspapers—our little money went to rice and dried fish—and the few books I had were school primers. Consequently, I heard more than I read.[4]

    Batàng-batà pa ang podcasting, sweet 16 kung kukuwentahin batay sa mga talâ sa kasaysayan. Ang salitâng “podcasting” ay sinasabing imbento ng journalist na si Ben Hammersley noong 2004, bílang katawagan sa nauuso noong audioblogging, gámit ang nooy bagó-bagó pa lámang na Apple gadget na iPod, ang pinanggalingan ng pod” sa salita.[5] Pero ang cast” o castingay maiuugat pa rin sa broadcasting na pinasimulan sa radyo mulang 1900s hanggang 1920s, matapos ng matagal-tagal ding paglinang. Pareho pa rin ang prinsipyong sinusunod—ang transmission ng boses mula sa isang pook patungo sa iba pa gámit ang midyum na nagpapakalat at tumatanggap ng radio waves. Sa Filipinas, masasagap ang teknolohiya ng radyo bandáng 1920s din, sa panahon ng pananakop ng mga Americano. Inilarawan ng historyador pangmidya at guro na si Elizabeth Enriquez ang kasaysayan ng radyo sa bansa bílang appropriation of colonial broadcasting.[6] Niyakap ng mga Filipino ang broadcasting na inangkat lámang sa bansa ng mga Americano, inangkin, at ginamit para sa kanilang araw-araw na gawain at mithiin. Naging daan ito ng pag-abot ng pamahalaan sa mamamayan, lalong pagkakaugnay-ugnay ng lahat, at naging mahalagang sangkap pa sa pagpapalawig sa wikang pambansa.

    Nagpatúloy na gamitín ang radyo, kahit sa pagdating ng telebisyon noong 1950s. At nagpapatúloy ito sa pag-eyre ngayon, sa ibat ibang platform. Supling ng radyo ang podcasting, bagaman higit na binibigyan ng pagkakataon ng podcast ang nakararami na lumikha ng content at komentaryo, labas sa mga institusyon at limitasyon ng commercial broadcasting. Handog ng podcast sa mga content producers, gaya ng marami sa amin, ang pagkakaroon ng sariling tinig sa himpapawid, upang makapagbahagi ng impormasyon, at lalot higit, ng mga kuwentot opinyon na mahirap magkapuwang sa mainstream media, kung saan nag-aagawan ang lahat sa audience at sa limitadong budget ng advertising para kumita. Laway lang ang puhunan naming mga podcaster at mga kagamitang naway sa hinaharap ay mapagkakitahan. Suwertehin nawa! Sa kabila nito, hindi pa rin naman nagbabago ang talab ng cast” mula sa broadcastingng podcasting. Naghahatid, nagpapakalat pa rin ito ng tinig ng mga salaysay at palagay na humihinging pakinggan. Nagpapatotoo pa rin sa minanang katangian mula sa magulang na radyo.

    Sa puso ng radyo, at maging ng podcast, matatagpuan ang pinakaubod ngbroadcasting, ang inilarawan minsan ng iskolar at gurong si Resil Mojares, isa pang national artist for literature, na democratic character.[7] Sabi pa niya, (t)he democratic character of radio is not only a matter of distribution and scale: it draws from the nature of the medium itself relative to the other media. [8] Dagdag pa niya, ang radyo, at puwedeng ang podcast na rin, ay more accessible to users (speakers and listeners), more flexible and less structured, and closer to the realms of popular speech. [9] Magandang pag-isipan sa ngayon ang uri ng magkaakibat na mga kultura ng pagsasalita at pakikinig na nalilikha ng demokratikong katangiangito. Papaano ba ginagamit ang radyo, pati na rin ang kasalukuyang podcast? Ginagamit ba ang mga ito para panigan ang katotohanan, lalo sa panahon ng fake news? Nagbibigay ba talaga ang mga ito ng tinig sa mga walang tinig? Nagpapaliwanag ba talaga ang mga ito hinggil sa mahahalagang bagay sa búhay at lipunan o bakâ nakadaragdag lámang sa nakagugulo o walang saysay na ingay? Sa pangkabuuan, nagagamit ba ang kalayaan sa pamamahayag para sa kabutihan ng lahat?

    Sa kabilâng dako, tinuruan ba táyo ng radyo, at pati na rin ng supling nitong podcast, na makinig nang matalas at mahusay? Biyaya ng demokrasya ang makinig sa mga ibig natin, at hindi lámang sa mga itinakdang iparinig ng maykapangyarihan. Papaano natin ito ginagamit bílang mga tagapakinig, tagasubaybay ng mga programa sa radyo o podcast? Discerning at discriminating ba táyo, marunong sumala sa makabuluhan at sa maingay? Kung responsabilidad, napakabigat na responsabilidad ang magsalita gámit ang mga midyum, mabigat ding tungkulin sa tingin ko, ang makinig, dahil kailangan din nito ng bait at talino. Hindi dapat ito pinababayaang maging passive activity. Hindi lang dapat tanggap nang tanggap ang nakikinig.Kailangan ding kumilos matapos ng pakikinig. At kumilos nang tama! At hindi rinlang dapat na nakikinig sa mga gustong pakinggan dahil bahagi ng bait at talino sa pakikinig ang pagiging bukás ang puso at isip, lalo sa mga bagay na mahirap marinig, mahirap pakinggan. Kayâ muli, ano bang kultura ng pagsasalita at pakikinig ang patuloy na naidudulot ng radyo, at ng podcast sa atin? Mabuti ba o masamâ? Nakapagpapasulong ba ang mga ito ng estado at kaisipan ng lipunan o nagpapanatili sa pagiging paurong, pagkasarado ng isip, o pagiging ipokrito?

    Samantala, malaki ang pag-asa ko sa pagpopodcast. Sana mahawa rin ang radyo pagdating ng araw sa nalilikhang mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig na nagagawa nito sa internet; at, mabawasan ang maaligasgas na daldal, bayaráng puna, at nakalilitong pagbabalita. May anyo rin kasi ang podcast, sa tingin ko, na hindi agad magagalaw ng external noise ng sistema ng mass media, kumbaga. Unay walang gaanong pangangailangang kumitapero makatutulong ang anumang suporta. Mas nakakamotivate gumawa ng content. Malaya rin kahit papaano ang anyo ng podcasting at pinalalago pa ng mga libreng platform tulad ng Anchor.fm. Marami pa akong kakaining bigas sa podcasting, at paumanhin kung mali ang ilang akala ko rito. Pero may anyo talagang mapanghahawakan ang podcast sa kasalukuyan na perpektong magagamit sa pagpapakilala ng mabubuting kultura ng pagsasalita at pakikinig, at muling pagpapahalaga sa diyalogo na madalas nilulunod sa gulo at galaw ng mga opinyon at impormasyon. Anyo itong may malawak na espasyo kung saan maaaring magtalastas, makipagcommunicate sa kapwa. Anyo rin itong maaaring maghandog, muli at muli, ng inspirasyon at pananalig na maganda pa nga ang daigdig. Anyo rin itong patuloy na magpapaalaala hinggil sa mahalaga at dapat tandaan kapag nakikipag-usap, nakikipagdiyalogo: kung ikaw ang iyong pagsasalita, ikaw rin ang iyong pakikinig.

    Pakinggan ang Chika Lit sa Anchor.fm, Spotify, at Apple Podcast. Magsubscribe at Makichika Lit, now na!


    TALAHULI

    [1] Bautista, Cirilo, “Radio Boy,” Cirilo F. Bautista.blogspot.com, Oktubre 13, 2009, http://cirilobautista.blogspot.com/2009/10/radio-boy.html.

    [2] Ibid.

    [3] Ibid.

    [4] Ibid.

    [5] Basahin ang Hammersley, Ben, “Audible Revolution,” The Guardian.com, Pebrero 12, 2004, https://www.theguardian.com/media/2004/feb/12/broadcasting.digitalmedia.

    [6] Basahin ang Enriquez, Elizabeth, Appropriation of Colonial Broadcasting: A History of Early Radio in the Philippines, 1922-1946 (Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 2008). Ang mga tinukoy ko sa kasaysayan ng radyo sa sanaysay ay mula sa aklat na ito.

    [7] Mojares, Resil, “Talking Politics,” Waiting for Mariang Makiling: Essays in Philippine Cultural History (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2002), 246.

    [8] Ibid.

    [9] Ibid.

  • Bagong Tula: Kamatsile

    Walang habag itong bagot—
    Sentensiyang walang
    Hanggan ng kuwarentina.
    Bawal lumabas. Walang magawa.
    Sa mukmok, nanggigising
    Ang gitla ng bawat bagsak
    Ng mga bunga ng kamatsile
    Sa bubong. Sumandali’y
    Napahuhugot ako sa hininga.
    Nakagugunita ang katawan.

    Tinigilan ko nang bagtingin
    Ang mga platilyo sa altar.
    Maláy na ako sa kailangang paghinga
    Paglagapak ng mga sumasabog
    Na buto. Napapaupo ako
    Nang tuwid, napatatayo’t napasisilip
    Sa bintana. Sabay na napapatayo’t
    Napasisilip ang balisang isip,
    Kapwang nahihimasmasan sa haginit
    Ng tag-araw na, o Diyos ko,
    Itulot nawang puksain ang salot.

    Sa bakuran, nangagkalat ang luray
    Na balát ng bunga, ng mga buto,
    Sumamo sigurong sa lupa bumagsak
    At hindi sa semento. Naroroon sila
    Sa latág na lamig, walang katupdan
    Ang lunggating maglungti, at kahit
    Ang sangang bumitaw, sa labas,
    Hubad sa dahon at alampay ang patay
    Na baging. Walang kahangin-hangin.

    Panunurot sa matigas kong bungo
    Ang mga buto ng kamatsile.
    Ayaw akong lubayan habang madalas
    Kaulayaw itong mga bagabag,
    Walang sawà sa paggambala ngayon.
    Nakaprenda sa kanila ang hininga.
    Kung maaari lámang sanang
    Itulog ang lumo. May lilim
    Ang silong ng panagimpan.

    Kung magtatagal pa itong parusa,
    Bakâ makagulat ang pagsibol
    Sa bumbunan ng sasalpok na buto;
    O kayâ sumabog ang laman,
    Parang itong nangagkalat—wawalisi’t
    Dadakutin sa aking paglabas.

  • Dasálin 41: Oriah Mountain Dreamer

    Larawan ni Rakicevic Nenad mula sa Pexels.

    Di ako interesado sa kung ano’ng hanapbuhay mo.
    Nais kong maláman ang minimithi mo
    At kung papangarapin mong makamit ang lunggati ng puso.

    Di ako interesado kung ilang taon ka na.
    Nais kong maláman kung handa kang magpakabaliw
    Para sa pag-ibig
    Para sa pangarap
    Para sa pakikipagsapalaran sa pagiging buháy.

    Di ako interesado sa kung ano’ng umiinog sa iyong mundo…
    Nais kong maláman kung nahaplos mo na ang ubod ng iyong dalamhati
    Kung naging bukás ka dahil sa mga pagtataksil ng búhay
    O nanliit at nagsabato
    Upang maligtas sa iba pang pait.

    Nais kong maláman kung makahaharap mo ang sákit
    Ang sa akin o ang sa iyo
    Nang walang tangkang itago ito
    O limutin ito
    O ayusin ito.

    Nais kong maláman kung mayayakap mo ang ligaya
    Ang sa akin o ang sa iyo
    Kung makapagsasayaw ka nang malaya
    At hahayaang mabalot ka ng sayá, sagad hanggang buto
    Na walang pagbabantulot
    Na maging maingat
    Na maging praktikal
    Na magpamulto sa mga hangganan ng ating pagkatao.

    Di ako interesado kung ang kuwento mo sa akin
    Ay totoo.
    Nais kong maláman kung káya mong
    Biguin ang kapwa
    Maging totoo lámang sa sarili.
    Kung káya mong tanggapin ang sakdal ng pagtataksil
    Nang hindi tinatalikdan ang sarili.
    Ang malusaw ang paniniwala
    At dahil dito’y tumanggap ng tiwala.

    Nais kong maláman kung namamalas mo ang kariktan
    Bagaman hindi naman laging maganda
    Ang araw-araw.
    At kung maiaapak mo ang iyong sariling búhay
    Sa pananahan niyon.

    Nais kong maláman kung matatanggap mo ang pagkabigo
    Ang sa akin o ang sa iyo
    At kung makatatayo ka pa sa gilid ng lawa
    At makasisigaw sa liwanag ng kagampang buwan ng,
    “Oo.”

    Di ako interesado
    Kung saan ka nakatira o kung magkano ang laman ng bulsa.
    Nais kong maláman kung makababangon ka
    Matapos ng gabi ng luksa at pananaghoy
    Pagal at sugatán hanggang kaibuturan
    At magawa pa ang lahat
    Upang mapakain ang mga anak.

    Di ako interesado sa kilala mo
    O kung papaano kang nakarating dito.
    Nais kong maláman kung makatatayo ka
    Sa puyo ng apoy
    Kasáma ako
    At hindi ka aatras at matatakot.

    Di ako interesado kung saan nakamit, o ano, at kung kanino
    Ang hawak na talino.
    Nais kong maláman kung ano’ng nagpapanatili
    Sa iyong loob
    Kapag nawawasak na ang lahat.

    Nais kong maláman kung káya mong
    Mapag-isa
    At kung talagang pinahahalagahan mo ang iyong mga pilîng kaibigan
    Sa mga sandali ng kahungkagan.

  • Dasálin 24: Santa Thérèse ng Lisieux

    Larawan ni Thérèse ng Lisieux mula sa Catholic Outlook.org.

    1.

    Hindi ko magawang itulak ang sarili na maghagilap pa ng magagandang dasal mula sa mga leksiyo; bílang walang mapili, nagpaparang bata akong di marunong magbasá; sinasabi ko lámang sa mabuting Diyos, sa pinakapayak na paraan, ang ibig kong sabihin sa Kaniya, at lagi Niya akong nauunawaan.

    2.

    Napakatindi ng kapangyarihan ng dasal—mailalarawang isang reyna na palagiang nakasasangguni sa Hari, at natatamo ang anumang hilingin. Upang mapakinggan, hindi kailangang magbasá mula sa leksiyo ng kayrikit na dasal na ibinagay sa pagkakataon; kung gayon nga, ay talaga paláng kahambal-hambal ang katayuan ko.

    3.

    Ang humiling ng paglalapit ay ang lunggatiin ang matalik na kaisahan sa siyang umaantig, pumupukaw sa puso. Kung may málay ang apoy at bakal, at sasabihin ng hulí sa apoy: “ilapit ako sa iyo,” hindi ba patotoo ito ng kaniyang kagustuhang mapagkaisa sa apoy at talagang makasanib ang lahat ng kalagablaban nito? Ito mismo ang aking panalangin. Sumasamo ako kay Hesus na ilapít ako sa alab ng Kaniyang pag-ibig, na talagang yakapin ako at nang maging buháy Siya’t kumilos sa akin. Nadarama kong habang lalong pinagdidingas ng apoy ng pag-ibig ang aking puso, habang lalo kong binibigkas ang: “Ilapít ako sa iyo,” lalong kagyat na nahihikayat ang mga dumudulog sa akin na hagilapin ang bango ng Minamahal.

    4.

    Ang mga kaluluwang nag-aalab ay hindi maaaring mamahinga’t walang gawin. Maaari silang maupo sa paanan ni Hesus, tulad ni Santa Maria Magdalena, nakikinig sa matatamis, marurubdob na salita; bagaman parang wala namang nagagawa, mas marami silang nagagawa kaysa kay Marta na nag-aabalá sa mga bagay-bagay. Hindi ang pag-aabalá ni Marta ang pinupuna ni Hesus, kundi ang kaniyang matinding pag-aalalá; sa ganito ring pag-aabalá nasangkot ang kaniyang Mahal na Ina, sa paghahanda ng araw-araw na kakanin ng Banal na Mag-anak.

    Naunawaan ito ng mga Santo, lalo na marahil yaong nagpakalat sa mundo ng liwanag ng turo ng Ebanghelyo. Hindi nga ba sa dasal nahango nina San Pablo, San Agustin, Santo Tomas de Aquino, San Juan dela Cruz, Santa Teresa, at iba pang katoto ng Diyos, ang kahanga-hangang agham na naghahandog-lugod sa mga dakilang pantas?

    Ang wika ni Arkimedes: “Bigyan mo ako ng pingga at pulkrum, at iaangat ko ang daigdig.” Ang hindi niya nakamit, dahil ang kaniyang hiling ay walang inaadhika kundi isang materyal na hangad at hindi idinulog sa Diyos, nakamit ng mga Santo nang siksik, liglig, at umaapaw. Para sa pulkrum, inihandog ng Maykapal ang Kaniyang Sarili, ang Kaniyang Sarili lámang! Para sa pingga, ang dasal, na nagpaparikit sa apoy ng pag-ibig; ito ang dahilan ng kanilang pagkakataas sa daigdig, at masigasig nila itong itataas, at patuloy na itataas hanggang sa wakas ng panahon.

  • Dasálin 23: Thich Nhat Hanh

    Larawan ni Thich Nhat Hanh mula sa Energy Therapy.biz.

    Bumabagting ang kampana pagka-alas-kuwatro ng umaga.
    Nakatayo ako sa may bintana,
    Walang sapin ang paa sa lamig ng sahig.
    Madilim pa sa hardin.
    Nakaabang akong hanguin ng bundok at ilog ang kanilang anyo.

    Walang liwanag sa kailaliman ng gabi.
    Ngunit batid kong naririyan ka
    Sa pusod ng karimlan,
    Ang di masusukat na daigdig-kaisipan.
    Ikaw, na siyang nababatid, ay naririyan
    Mula nang umiral ang bumabatid.

    Magbubukang-liwayway di maglalaon,
    At makikita mo
    Na ikaw at ang nagliliwanag na orisonte
    Ay sumasamata ko.
    Nagliliwanag ang abot-tanaw, namumughaw
    Ang langit para sa akin.

    Sa pagmalas sa iyong imahen sa rabaw-batis,
    Tinutugon mo ang tanong sa iyong mismong pag-iral.
    Humihimig ang búhay ng misteryo ng walang-tambal.
    Biglang nasusumpungan ang sariling nakangiti
    Sa píling ng inmakuladang gabi.
    Batid ko ito pagkat ang pagtahan ko rito’y pagtahan mo riyan,
    At ang pag-iral mo’y bumabangon at ipinagkakaloob ang sarili
    Sa kahanga-hangang ngiti ng gabi.

    Sa tahimik na batis,
    Malumay akong lumalangoy.
    Pinapapayapa ang puso ko ng lagaslas ng tubig.
    Nagsasaunan ang isang alon
    At napatitingala, napamamalas ako
    Sa puting ulap sa langit-bughaw;
    Ang kaluskos ng mga dahon sa Taglagas,
    Ang halimuyak ng dayami—
    Pawang nagsasatanda ng eternidad ang bawat isa.
    May talàng gumagabay sa pagbabalik-sarili.

    Nakababatid ako sapagkat narito ako’t nariyan ka.
    Ang nag-aabot-kamay na pag-alam,
    Sa isang iglap,
    Nagbubuklod sa milyong milyang kalayuan,
    Nagbubuklod sa pagsilang at kamatayan,
    Nagbubuklod sa nababatid at sa bumabatid.

    Sa lalim ng gabi,
    Tulad ng sa di masukat na ili ng kamalayan,
    Ang hardin ng búhay at ako
    Ay nananatiling layon ng isa’t isa.
    Inaawit ng bulaklak ng pag-iral ang oyayi ng kawalan.

    Inmakulada pa rin ang gabi.
    Ngunit ang mga himig at aninag mula sa iyo’y
    Bumabangon at pinupunan ang dalisay-dilim.
    Nadarama ko ang kanilang pag-iral.
    Sa may bintana, walang sapin ang paa sa lamig ng sahig,
    Batid kong kailangan kong tumahan
    Upang ikaw ay manatili.

  • Dasálin 22: Dasal sa Araw at sa Buwan Mulang Ojibwa

    Larawnan ni Dương Nhân mula Pexels.

    1.

    Hindi táyo bibiguin ng amang araw, siyang nagpapayabong sa lahat, at kung wala’y maghahari ang lamig, dilim, at sindak.

    Kayganda, nakatatalos-ng-lahat, nakapaglalagos na liwanag! Kung wala ka’y wala ring diwa at sigla ang isip ng tao na iyong pinakikinang.

    Araw! Maging mabuti sa amin ngayon, sapagkat nakatanod ka sa aming pangangaso, at humihingi kami ng iyong gabay sa aming araw-araw na pangangailangan.

    2.

    Kayrikit na kabiyak ng araw! Kalooban mong masipat, matunton namin ang mga bakas ng usa, alse, martin, musang, at oso; dahil sa kalam ng aming sikmura, tinutugis namin ang mga lalang na ito. Kalooban ang aming kababaihan ng lakas upang maitawid ang panganganak, maging mabunga ang mga sinapupunan, at ang kanilang mga dibdib, matigib ng kalipusan.