Books

CRITICISM

Aralín at Siyasat: Mga Pagninilay Hinggil sa Tula
University of Santo Tomas Publishing House, forthcoming

CREATIVE NONFICTION

Pagkahaba-haba man ng Prusisyon: Mga Pagtatapat at Pahayag ng Pananampalataya
University of the Philippines Press, 2016

pagkahaba-haba-coverNaiiba sa mga karaniwang koleksiyon ng mga sanaysay ang librong ito. May mga koleksiyon ng tinatawag na personal na sanaysay (personal essay); ang ibang libro ay katipunan ng mapanuring sanaysay (critical essay). Ayon sa awtor, ang kanyang mga sanaysay sa librong ito ay may dalawang tinig: personal (nagkukuwento at nagkukuwento), at mapanuri (nagmamasid, nagsusuri, nagninilay). Agimat at sandata niya ang lawak at lalim ng kaisipan, kaalaman at karunungang nahuhugot, nasasandalan niya bilang isang likas na palabasa mula pagkabata hanggang maging estudyante, hanggang sa kasalukuyan bilang manunulat at propesor—at siyempre pa, agimat at sandata rin niya ang sariling pananaw at pananampalataya, gayundin ang kanyang mga personal na danas.

–FANNY A. GARCIA, sipi mula sa pauna ng aklat

Ang Pagkahaba-haba man ng Prusisyon ay isang lawas ng mga personal na pagtatapat ng isang kaluluwang nagsusumikap at nagpupumiglas kilanlin ang kaniyang sarili batay na rin sa mga karanasang humahamon sa kaniya. Sa pamamagitan ng literatura, nakikipagdiyalogo ang may-akda sa kaniyang pananampalataya, nagtatanong, nagpoprotesta, sinusubukang iugnay dito ang mga katanungan ng kaniyang buhay. Inirerekomenda ko sa lahat ang akdang ito ni Louie Jon A. Sanchez, na di lamang nagpapakita ng kaniyang natatanging talento sa pagsulat ngunit higit na pinasisilip din tayo sa kaniyang loob sa pamamagitan ng pagninilay sa mga kuwento ng kaniyang buhay. Sa pagbasa nito, tayo man ay magmumuni, mapapaisip, mapangingiti, maluluha, at muling maaalaala ang halaga ng ating pagkatao.

–JERICHO NATIVIDAD, teologo at editor

POETRY

Kung Saan sa Katawan: Mga Tula
University of Santo Tomas Publishing House, 2013
Finalist for Best Book of Poetry in Filipino, National Book Awards

1479405_695325947153769_2139205695_nFrom whence in the body, indeed? Especially for the many critical reflections percolating in the mind? Especially if, in the end, like the Virgin Mother in the poem ‘Asuncion,’ “Walang katawan…sa kaniyang pagkahubad./Walang buto. Walang balat…”? In one’s eyes or in between them, for example? But then, as the speaker in “Ang Mata” agonizes, “…hindi sumasapat ang handog na paningin,” and one is therefore still left with the insoluble conundrum: “Palaisipan: Saan…sa katawan nananahan?” The prolific and prolix Louie Jon A. Sanchez populates nearly all of his poems here with discursive Subjects/speakers—they whose minds brim with troubling thoughts about all manner of things—and by being so, nearly all of them by being all-mind, make the body dematerialize, recede: the paradoxically absented body and its parts become idea or ideal itself, the spectral counterpoint/s to one’s actively discoursing self or selves, oscillating between divagation and desire.

–OSCAR V. CAMPOMANES

Umuuwi nga ang lahat ng nasasangkot sa pag-iral sa isang sagradong lumbay na simula ng paghahalihaw sa hangin ng kamalayang hitik sa mga dumudurong alaala na nagsusumamong balabalan at damitan ng dalumat at unawa. Ito ang pagsilang ng kinakailangang pagninilay, ng sinadyang pagtugis ng pinatalas na isip sa mga layak ng karaniwang karanasan na lumuwa-sumuba sa gunita upang maigpawan ang mga sakunang dulot ng sariling kamay (at ng iba rin) sa sarili, at makatuklas ng isang uri ng paglikha—isang poeisis—sa pamamagitan ng katawan ng salita, ng wika, ng tula. Dito mismo tayo dadalhin ni Louie Jon A. Sanchez sa kanyang aklat, ang Kung Saan Sa Katawan. Binubuo ito ng mga tula na may tuwiran at hayag na pagkakasalansan ng mga larawan at talinghaga, may malay sa sarili bagaman walang ego rito na naghuhumindig, may kaakit-akit at kamangha-manghang pagbabaling-baling ng unawa at tingin sa wari’y iisang paksa, matatag at maningning na katapatang humihiwa sa pinakamalamig mang puso ng mambabasa, at kagandahang matimpi ang pagkakasiwalat. Narito ang ehersisyo ng walang pagmamadaling pananatili, isang poetika ng maamo, malumanay (bagaman mariin at mapusok din), at mahigpit na paghawak sa haraya samantalang laging sinisipat at tinutudla ang puso sa tula. Sa ganitong pagpapakumbaba ng persona (na maluwalhating katumbas ng makata!), magaan na nakadadausdos ang mga paksang may kirot at may selan: paglihis sa inaasahang kasarian, mabatong daan ng paglikha, pag-aalangan sa ibang lupa, lindol, kamatayan ng bayani at santo at santa, balintuna at pait mula sa uring panlipunan, pagninilay sa banal sa pamamaybay sa Semana Santa, at pagkagising at pagkahubog ng pananampalataya. Sa paghawi sa bawat pahina, dinaratnan ang ultimong pagkamulat: natitipon ang lahat-lahat ng ating danas sa dulo ng ating hintuturo samantalang naghahanap tayo ng pagliliyab sa buhay nating pahat. Saka natin isusuot ang daliri sa inuka ng pako sa palad ng Nagbata-sa-Lahat. Hayan ang lagablab. Tulad sa isang tula, malulusaw ang mga pagitan sa mga taludtod at saknong, at magsasa-isang-tinig ang buong koleksiyon. Maaagnas ang pagitan ng imahinasyon at pagdanas. Mananalaytay ang alab sa kung saan sa ating katawan magaganap ang pinakahihintay na transpormasyon: ang talinghaga ay magiging karaniwang pangngalan, ang panitikan ay bababa sa buhay.

–BENILDA S. SANTOS

***

At Sa Tahanan ng Alabok: Tula
University of Santo Tomas Publishing House, 2010
Finalist, Madrigal Gonzalez Prize for Best First Book

10651792Sa aklat na ito ng tatlumpu’t walong tula, isang matimyas na pakikipagtipan sa Banal ang Pananalinghaga. Taliwas sa nakamihasnan at nakasuyaan nang paggamit sa mga imahen at simbolong relihiyoso-espiritwal, pinatutunayan ni Louie Jon A. Sanchez na isang mayamang bukal pa rin ang mga ito ng pagmumuni sa kabila ng malaganap at mapagtakdang kontemporaneong kahalayan ng makamundo at kamunduhan. Tinuturuan tayo ng kaniyang mga tula kung paano magbalik-loob sa kaibuturan ng sarili upang matuklasan ang nananatili at hinding-hindi mababagong sagrado sa ating pagkatao. Buong kababaang-loob, kaya marahil “alabok” na nagdedeklarang nasa atin ang kapangyarihang hindi ganap na matatatap hangga’t hindi nasasaliksik ang mga personal na yungib at hangga’t hindi nakakatalik ang mga batong moog at bantayog ng mga bait at pagkabatid na matayog.

–citation para sa aklat, 12th Madrigal Gonzalez First Book Award, Disyembre 7, 2012

Bagong makatang may mataimtim na pananalig sa Diyos at may malumanay na tinig sa kanyang mga tula ang ipinakikilala ng At sa Tahanan ng Alabok. Walang mararamdamang pagsesermon, pero umaantig sa mambabasa ang pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay ng persona sa mga taludtod ni Louie Jon A. Sanchez. Sa panahong magiit na umaagaw ang bagong teknolohiya ng komunikasyon sa bisa ng mga salita sa pahina, ang libro ni Sanchez ay humihinging tunghan ng mambabasa, hindi lamang upang limiin ang sinasabi ng makata kundi lalo’t higit, upang hangaan ang pananaludtod na pinagsasanib ang tradisyonal at ang bago upang masiglang makipagtalastasan sa mga Filipino ng kontemporaryong lipunan.

–BIENVENIDO LUMBERA, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan

Natunghayan ko ang pagsisimula ni Louie Jon A. Sanchez sa marubdob at bulag na pangangalap ng dánas at málay na mahuhubog upang maialay sa altar ng malikhaing haraya’t panulat. Ewan kung anong huwad na anghel o kislap ng bituin ang nagtulak sa kaniyang mangarap at magsikap sa larang ng paglalang ng mga talinghaga. Oo, saksi at salarin ako sa marami niyang naunang pagtatangka, pagkasiphayo, at pagdurugo. Hindi ko inakalang maiigpawan niya ang sumpa ng maligoy, buhaghag, at walang wawang pangungusap na sanhi ng hindi ko pananalig sa noon ay inakala kong agad-na-lilipas din niyang debosyon. Ngunit ngayon, tulad marahil ng nakatakda sa kaniyang mga hinalungkat na mito at alamat, mistikong nakapagbanyuhay siya mula sa mga pagsubok, nabuong muli’t higit na magiting matapos na matupok. Tunay na marami pa ring dapat na marating at masaliksik, ngunit sa aklat na ito, tiyak na inilulunsad na niya ang maatikabong pagtuklas at pagpapatatag sa palad ng sariling panulat at pag-arok sa loob, ibaba, at tugatog ng pagiging alabok.

–MICHAEL M. COROZA, Lawreado ng South East Asian Write Award, awtor ng Dili’t Dilim at Mga Lagot na Liwanag

Inihahatid tayo ng mga tulang ito sa mga daang papasok sa kaluluwa. Hinahagod nito ang mga alaalang nagkukubli sa bawat liha ng kamalayan at ibinubukas sa atin ang iba’t ibang anyo ng mga pag-asa, pag-ibig, at pangarap, at pinalalawig nito ang mga hangganan ng ating pagtitimpi. Ngunit itinuturo rin ng tula ang pagkuyom ng kamao sa bawat madadaplisang kapaitan, ang pagkatigatig ng damdamin sa bawat danas na hindi makatarungan. At wala kang ibang kailangang dalahin kundi balabal at matitibay na sandalyas.  Ito lang ang kailangan mo upang pasukin at makidama sa mga pangarap at danas sa mga tula ni Louie Jon A. Sanchez.

–ROWENA P. FESTIN, Makata ng Taon 1991, Komisyon ng Wikang Filipino

Mistikal ang mga mintis ng mga tula ni Louie Jon A. Sanchez. Marami sa mga tula ang lumilingon sa paniniwala sa Maykapal, lalo na kung paano ito tatanganan sa panahong hinahamon at hinihigop ito ng kawalan at pagwawala. Marami rin sa mga tula ang nalulugod sa payak nating pag-iral. Kuleksiyon itong nakakapaghugot ng mga tinik.

–LUNA SICAT-CLETO, Premyado ng Palanca at awtor ng nobelang Makinilyang Altar

Ang di-gagap-ng-pandama ang hinahanap ni Louie Jon A. Sanchez. Itong pagtula niya ang magiting na pagtukoy sa hangad na ito. Tinatawag ng mga salita ang bisyon ng manunulat; madarama nating sa salita mismo tumatahan ang mumunting pitik ng mataos niyang pagdadalamhati, sa isang panig, at sa kabila naman ang matayog na pagdiriwang. Sa binuo niyang daigdig, nagsisikap ang mga tauhan na pangimbabawan ang marusing na karanasan, at sa paghulaw ng alikabok, naroon pa rin ang latag ng alikabok ngunit mabibiyayaan na ng di-mapigil na pagsilang ng liwanag.

–ROMULO P. BAQUIRAN JR., Lawreado ng South East Asian Write Award, awtor ng Mga Tula ng Paglusong, Onyx at Singsing ni Solomon

Isang arkitektura ng mga salitang pinanday sa biyaya ng panahon at gunita ang iniuusal sa koleksyong ito, na ang mga tula ay nagsisilbing sakramento, indulhensya at litanya ng danas at dahas ng tao sa mundo at sa kanyang relasyong umuugnay sa banal. Hinahangaan ko ang mataimtim at mapanghamong mga pagmumuni-muni sa mga sandali at hangganan, sa mga pagsubok at paglahok na inilahad ng makata. Patunay ito sa makapangyarihang sensibilidad na taglay ni Louie Jon A. Sanchez, kung saan ang panahon ay sinusukat alinsunod sa patak na nagmumula sa Yungib na nagsisilbi ring katedral, tahanan, sinapupunan—isang primordyal na sityo ng ating mga anino: ang katotohanan ng dilim, ang salamangka ng liwanag—ang prima materia, ang alabok na lumilikha ng mga posibilidad ng mga pigura, batayan at bantayog, at iba pang mga pananda na bumubuo sa espasyong linukuban ng ‘di lang apoy, kundi ng lahat ng elementong yumayari sa mga inaakala nating ‘di mawari-wari at ‘di makapagkunyari.

–KRISTIAN SENDON CORDERO, Premyado ng Gantimpalang Madrigal Gonzalez at Maningning Miclat

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s