Makabayan: Isang Anotasyon

Orihinal na kuha ng “Makabayan” ni Phillip Kimpo Jr.

Marahil, isang Sabado ng tanghali bandáng 2011, sa likod ng dáting Faculty Center (FC) o Bulwagang Rizal ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, may huntahan kaming mga kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Sa kung anong dahilan ay napapuwesto kami sa hagdan ng likurang entrada ng gusaling sa kasawiampalad ay tinupok ng apoy isang gabi ng 2016. Bakâ doon napagpasyahang magkita matapos mananghalian. Hindi ko matandaan kung ano ang pinag-uusapan, marahil hinggil sa LIRA poetry workshop na linggo-linggo naming dinadaluhan sa New College of Arts and Letters (CAL) Building sa likod ng FC. Pero nakiusap ang kasamahan namin na si Phillip Kimpo Jr., Pangulo ng LIRA noong mga panahong iyon, at ngayon ay konsehal sa Kalibo, Aklan, na kunan kami ng larawan, nakatinging paitaas sa kaliwa, at nakalapat ang kanang kamay sa kaliwang dibdib. Para raw sa isang entri ng pinagtutulungan naming tapusin noon na Sagisag Kultura ng Filipinas, isang proyektong isinulong ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario, sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts. Layon ng Sagisag Kultura na lumikha ng isang masaklaw na kultural na ensiklopedya na may mga siksik at impormatibong talâ hinggil sa mga ikonong pambansa. Magagamit ng mga batà sa noon ay ipatutupad na K-12. Sa ganang akin, kapara nito ang The Dictionary of Cultural Literacy: What Every American Needs to Know (1983)ni E.D. Hirsch Jr., subalit sa isang bandá ay totoo namang pagpapatúloy ng makabansang mithiin ni Almario na unang isinaaklat sa 101 Filipino Icons (2007, 2009 Aklat Adarna), katuwang ang kompanyang Bench. Nang malimbag ang larawan, natuklasan kong ginamit pala ito sa entring “makabayan.” Medyo natawa ako dahil tanging ang tinging paitaas at kamay sa dibdib ang masasabing tanda ng salita. Seryoso kami sa pagganap. Ito ay kahit pawang nakatisert lámang na marahil, amoy ulam pa sapagkat kinapitan ng langhap sa pananghalian sa mainit na karinderyang sinasadya tuwing may LIRA workshop. Malinaw ang panuto ng potograpo: malayo ang tingin, ikinararangal ang pagiging Filipino.

 Anim kami sa larawan, pawang mga makata sa Filipino at kasapi ng LIRA. Dalawa ang nananatiling matalik na kaibigan, samantalang dalawa ang hindi ko na pinagkakausap. Ang naiwang isa ay kaibigan pa rin naman bagaman madalas, sa social media ko na lámang at sa ilang personal na pagtitipon nakahuhuntahan. Sa sandaling iyon ng pagpitik ni Phillip sa larawan, isa kaming hanay ng mga makabagong mamamayan, mistulang isinasapuso ang kinakatawan: wari’y napatindig nang biglang umusbong sa aming dakong kaliwa ang watawat at kami’y naudyok ng kung anong pagkamakabayan na maglapat ng kanang kamay sa kaliwang dibdib bílang paggalang at pagpupugay. Para bang sa sandaling iyon, naghanay ang pinagsasaluhang matatayog na pangarap para sa bansa at taimtim sa paninindigan para sa mga adhika at halagahan nito [liban siguro sa isang may bakas ng mapagbirong tingin at ngisi]. Talaga ngang makabayan, na wika nga ni Almario sa entring siya mismo ang sumulat ay “nagmamahal, nagtataguyod, at nakahandang magtanggol sa kapakanan ng sariling bayan.” Marahil ay gayon na nga ang kotemporaneong hitsura at mga mukha ng makabayan, ng mga kasalukuyang makabayan—masunuring tumayo sa hagdan sa angking kapayakan, kamay-sa-dibdib na tumunghay, marahil sa posteng kalapit na pinupuluputan ng dama de noche. Sa tuwing tinitingnan ko ang larawan at ang entring katabi nito sa Sagisag Kultura, parang kaylayo-layong mga mundo ang pinagtatagpo ng patriyotismo. Alin, alin ang naiba sa mga susing salitâng Himagsikang 1896, Kartilya ng Katipunan, Emilio Jacinto, kalayaan, demokratiko, “Panatang Makabayan,” at get-up namin? Nagmamahal kami sa bayan, oo [linggo-linggo nga kaming dumadalo ng LIRA bílang mga “makatang boluntaryo,” sa ngalan ng pambansang panitikan], pero wala naman kaming balak magrebolusyon. Kung may dugong pinadadanak, marahil iyon ay sa mga tula ng mga fellow sa workshop na kami ang bumabása at sumusuri. Mabuti na lámang, inihabol din ni Almario sa entri ang paalaalang ito: “Nagbabago ang moral na sandigan ng makabáyan sa pana-panahon. Nadadagdag ang higit na kailangan ng bayan mula sa mamamayan bukod sa matapat na pag-ibig sa bayan.” Kung “makabayan” nga kami, rebolusyong pangmalikhain at pangkaisipan ang talagang pangangailangang tinutugon namin. Iyon ang naiisip ko.  

Ang larawan bílang biswal na representasyon ng entring “Makabayan” sa Sagisag Kultura.

Sa mismong entri, nakadiin (bold) ang salitâng dangal, o sa paliwanag ni Almario ay ang “ang mataas at matibay na pagpapahalaga ng tao sa kaniyang sarili, at pagmamahal sa kapuwâ.” Sa isang bandá, mukha naman kaming may dangal sa larawan, palagi kong pagtitiyak sa sarili. Sa patuloy na pagbubulay-bulay hinggil sa larawan, ikinatwiran ko na gayon na nga talaga Sigurd ang moda ng pagkamakabayan: nakapantalon na lámang at tisert [sa tingin ko, nakapekpek shorts pa nga ako rito, gaya ng nakamihasnan, kayâ ipinuwesto ako sa likod para matabingan]. Pero kung napagtanto ko lámang marahil na hahaba pa ang búhay ng larawang ito, na magkakaroon ito ng mga panibagong búhay (afterlife) sa social media, bakâ tumanggi akong makunan. Kung magpilit man si Phillip, na natitiyak ko dala ng deadline, bakâ iminungkahi ko ang mga higit na marangal na bersiyon ng “makabayan.” Puwede naman kasi ang karaniwang postkard o panselyo kultural na mga imahen: nakabarong o nakabaro’t saya ang mga kinukunan [at hindi naman kailangang kami na mga kasamahan niya], at ang likuran ay hindi karaniwang entrada ng isang gusaling kupas ang pinta. Puwedeng isang mas maringal na espasyo [sa Intramuros kayâ?] o estruktura [bakit hindi sa patsada ng Central Post Office sa Lawton o kahit sa Pambansang Museo kung saan nanumpa ang kasalukuyang pangulo?]. Bakit hindi mga batàng mag-aaral na nagtataas ng bandila habang umaawit ng Pambansang Awit ang mga kamag-aral? O bakit hindi na lámang kayâ muling kuha sa eskultura o monumento ng mga bayani? Maraming alternatibo. Pero hayun na nga, kami ang napiling perpetuwal na hulihin sa kuwadro. Kayâ kami rin ang multong bangon nang bangon matapos gamítin sa Sagisag Kultura. At dahil ang kinakatawan nga naming anim ay “makabayan,” para bang naging istandard o stock photo ito sa kamalayan ng marahil ay marami-rami ring nakabasa [pinilit magbasa?] ng Sagisag Kultura. Ginamit itong meme sa hindi iilang pagkakataon. At sa tuwing ibinabangon ang larawan, napansin kong ang palaging layon ay pagtuya sa anumang may kinalaman sa wala sa lugar na pagkamakabayan—malayo sa matataas na halagahang itinala sa entri tulad ng “pagkilos sang-ayon sa itinitibok ng pag-ibig sa bayan.”

Ang larawang tinapalan ng wumawagayway na watawat.

Sa mga bagong búhay nito, madalas ginagamit ang may tapal nang pinalabong wumawagayway na watawat. Ayos na rin dahil naikukubli ang mga hitsura naming mukhang inutusang bumili ng sukà sa tindahan. Hindi ko alam kung sino at saan ito nagsimula. Sa panahon ng teknolohiya at ethos ng virality o mabilisang pagkalat [o pagpapakalat] ng imahen, bidyo, o impormasyon sa pamamagitan ng social media, mahirap itong matukoy. Sabihin na nating nagsimula ito sa maraming pook, sa kamay ng maraming indibidwal na pamilyar sa larawan o madali itong nahúli sa Google nang itipa sa search engine ang salitâng “makabayan” o kahit “Pinoy Pride.” Maaaring sabihing marahan o mabilis itong tinupad—ang matitiyak lámang ay maraming sumunod na kumasangkapan sa larawan. Sa IMGFlip.com, isang meme generator website, isa na itong pormat na may pamagat na “Bayang Magiliw Template” (https://imgflip.com/memetemplate/301332473/Bayang-Magiliw). Maaari itong tapalan ng teksto batay sa pangangailangan, basta pasók sa digital na usaping paggagamitan. Hindi ko alam kung ilang meme generator ang mayroon din nito. Wala ring katiyakan kung makailang ulit na itong ginamit, at kung para saan. Pero apat na taon na akong nagmamasid, mulang 2021 sa Facebook at Twitter. Hindi ko nasagap lahat pero may ilan akong na-screen shot. Karamihan sa mga nakatagpo ko ay talagang yaong mapanlibak sa ating mga pagmamalaki bílang Filipino. May isang gumamit sa larawan na nagpatong ng aninag ng ulat umano ng isang TritonConvert Social Media analytics ng mga lahing may komentaryong palaging pabor kay Pangulong Vladimir Putin ng Russia. Numero uno ang Filipinas. Ang tanong pa sa caption sa Facebook post: “If true, what does this information tell us?” May isa namang pinatungan ng aninag ng isang artikulo mula sa Hong Kong na may headline na “Filipinos fall for fake history,” isang kontrobersiyal na ulat hinggil sa sinasabing malawakan at bayád na pangmamangmang na may adhikang rebisyonista sa kasaysayan ng Martial Law at mga Marcos noong halalan 2022. May isa namang gumamit sa Twitter kaugnay ng ilang usap-usapan hinggil sa pagkakalat ng fake news at pangunguyog ng mga fan ng isang sikát na P-Pop boyband. May dalawa pa akong nakita hinggil sa nakatatawang penomeno ng clickbaiting at pagpukaw sa napakalawak at madaling pagkakitahang merkadong Filipino ng mga banyagang influencer. Isa namang kataka-takang meme ang gumulat sa akin na hindi ko tiyak ang konteksto. May caption na “Pacman Pilipino Pride,” natutuldukan ng pusong emoji, at may patong pang malabong larawan ng watawat ng China. Marahil ay may kinalaman sa isyu ng West Philippine Sea.

May ilan pa akong nakitang meme na gumamit sa larawang “makabayan.” May isang nagtanghal ng katawa-tawang talaan umano ng mga bansang madalas na naghahanap sa search engines ng “hentai” o anime mulang Japan na may temang sekswal; hulaan muli kung anong bansa ang nangunguna. May tungkol din sa aktibong pagkokomentaryo, minsan ay pagwawala, ng mga Filipino sa tuwing binabanggit sa mga bidyo ng mga influencer o balita ang Filipinas, maganda man o hindi ang sinasabi. May ilan namang komentaryo hinggil sa mababaw na kaligayahan ng marami kapag nakapanonood ng mga karakter na Filipino sa mga pelikulang Hollywood, atbp. Lumilitaw talaga ang temang pagpuna sa “Pinoy Pride” na dulot, maaari ng katangahan, kundi man, ng bulag na pananampalataya sa kabansaan. Sa isang bandá, katangahan itong likás sa kasalukuyang kamalayang mainipin at walang panahong maglimi, ni magbasá ng anumang nakikita sa social media. Nakita lámang na nanguna sa anumang listahan ang Filipinas ay masigabo agad ang birtwal na palakpakan. May ilang nag-eksperimento hinggil dito sa mga Facebook Group ng mga itinuturing na “DDS” o Die-Hard Duterte Supporters. Kahit anong lista, basta nanguna ang Filipinas, nagiging balighong paksa ng pagmamalaki. Absurdo ang gawi ng mga DDS na hindi malaman kung tunay na mga indibidwal o troll na tinatawag. Madali silang naniwala [o napaniwala], halimbawa, na inendorso nga si Pangulong Duterte ng kung sino-sinong mga kathang karakter o pigurang pandaigdig, o dili kayâ’y itinanghal na pinakamahusay na pangulo sa buong uniberso. Mayroong kultura ng katangahan sapagkat mababaw ang social media literasi sa panig na ito na minsang itinanghal na texting capital ng mundo, isang napakasamang kombinasyon. Madalas, lumalalim ang katangahan at dahil inuulit-ulit ay nagdudulot ng talaga ngang kubikong na pagmamalaki. Narinig na natin ang katagang “echo chamber” na madaling malikha sa social media. Sa tulong na rin ng algoritmo, nabubuo ang pagkakaniya-kaniya’t pagpapangkat-pangkat ng magkakatulad ang opinyon at pananalig. Nahahalilihan ang salimbayan ng mga idea ng hungkag na alingawngawan ng mga palagay. Ang diyalogo ay naitatakda lámang sa magkakahanay. Ang diyalogong nakatutulong sa pagpapalawig ng kapangyarihan ng may pansariling interes o nasa poder [madalas na pareho] ay patuloy na ginagatungan upang supilin naman ang sumasalungat. Sa ganang akin, ibinubunyag ng virality ng “makabayan,” ng “Pinoy Pride” meme ang virus ng birtwal na lipunan. Lumipas na nga ang panahon ng rasyonalidad sa pangangatwiran at paliwanagan, at sumasaatin ang higit na apektibong panghihikayat o pagkakahiyakat. Tanda ang kumalat, at patuloy na kumakalat na meme, ng pagtalikod sa nakamihasnang pagsalig sa totoo, at pagiging mabuway mismo ng katotohanang madaling magiba [o ipagiba] ng may kakayahan. Parang nawalang saysay ang mga panahong ginugol upang pag-aralan ang kritikal na pag-iisip. Hiráp na ang marami sa pagkilatis sa nakahaharap na mga impormasyon. O napag-aralan nga ba talaga ang mga ito? Hindi rin táyo sigurado.

Kung ito nga ay pamumuna, kanino naman ito nagmumula? Madaling sabihin na ito’y mula sa panig ng “nag-iisip.” Mahahalata ito sa wikang madalas gamítin, ang Ingles; at sa madalas na pinupunang resepsiyon sa mga pandaigdigang ganap o talâan. Madaling sabihing “nag-iisip” ang nakapapansin sa katangahan o bulag na panampalataya, na para bagang wala silang bahid ng katangahan o bulag na pananampalataya. Kayâ lubhang napakasimplistiko kung ipaliliwanag lámang ito sa ganitong paraan. Sa bandáng hulí, nauuwi lámang ang diskusyon sa basta pagpanig sa anumang kampo ng binaryo o dalawahang kaisipan. Kailangang baguhin ang tanong upang maimungkahi ang ikatlong termino, ang isa pang posibilidad. Imbes na kanino ito nagmumula, nararapat na itanong kung sino ang pinupuna. At hindi lámang sino ang pinupuna, sapagkat madaling rin itong mauwi sa tanga o bulag na diskurso. Sino talaga ang pinunpuna? Ito ang nararapat na pag-uusisa. Ang laksang meme na nagbangon at nagbabangon sa aming larawan ay hindi lámang pahayag ng mas nakakikilatis laban sa maaari’y itinuturing nitong mapurol ang utak o nalalambungan ang pananaw. Ang bawat paglitaw ng mga meme ay pagkakataon ng pagbubunyag sa tunay na minumulan ng pagkakawatak-watak, sa humahadlang sa ligtas, mahinahon, at produktibong tagpuan ng “nag-iisip” at ng mga sinasabing tanga at bulag. Isang kompleks ito ng digital na makinarya na pinatatakbo ng nagdidikta sa kagawian nito, pinaglalaanan ng puhunan ng mga nasa poder, at pinakikinabangan ng ibig panatilihin ang kasalukuyang walang katarungang kaayusang panlipunan. Sa ganitong pananaw, ibig ko ring iwasan ang katwirang makiling sa teknolohikong determinismo, at tinutukoy ng hintuturo ang, ay, napakamakangyarihang algoritmo, na totoo namang may gawa ng lahat sa kasalukuyan. Kayâ nananatili akong nakasalig sa tinatawag ni Raymond Williams (2003) na “social history” ng midya. Nagkakaloob ito, sa kaso niya, ng telebisyon, ng higit na pagpapahalaga sa kung papaanong nililikha ng “social needs, purposes, and practices” ng tao ang teknolohiya (ibid, 7). Nararapat tandaan na tao pa rin ang nasa likod ng social media. Mga táong sa tingin ko ay ibig lunurin sa ingay ang mga usapan at usapin upang walang marating ang mga diyalogo. Mga táong ibig ibukod ang mga “nag-iisip” at ang mga tanga o bulag, at panatilihin silang nakamatyag sa pagmamataas ng isa’t isa. Sapul ng kritika ang isang bagay na sa totoo lámang naman ay talagang madalas na kataka-taka—ang ating pagiging makabayan. Muli at muling itinatanong ng mga meme: ano ba talaga ang dapat nating ipagmalaki?; o dili kayâ, mayroon ba talaga táyong maipagmamalaki? Sa mga tanong na ito bumabalik muli táyo sa usapin ng dangal. Alin ba sa mga pinapalakpakan sa social media ang talagang nagkakaloob sa atin ng dangal? Alin sa mga nililibak ang tunay na nakayuyurak dito? Ang makabayan, paliwanag pa sa entri ni Almario, ay may “pag-ibig sa dangal.” Iginigiit din, sa pagsipi nito sa “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan”ni Jacinto, na ang may pag-ibig sa dangal ay namumuhay “para sa isang “banal at malaking kadahilanan,” may hiya, “di napapaapi at di nang-aapi,” at “marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Taglay ba ng mga ipinagmamalaki ang mga halagahang ito? Samantala, ang mga halagahang ito ba ang sinusuway ng mga pinasusubalian? Sa hulí, ang mga tao ba sa likod ng mga panlipunang pagkawasak ay talaga nga bang makabayan, gaya ng kanilang madalas na sinasabi?

Sadyang pambihira ang pagkakataon na maglapat ng kasaysayan sa ganitong danas ng pagiging bahagi ng isang digital na artepakto, isang larawang patuloy na nabubuhay bílang laksang meme sa social media. Kayâ hayaan ninyong magmungkahi pa ako ng tatlong kislap-diwa hinggil sa penomeno ng virality. Una, na riyan ay ang katotohanang anuman ay maaaring maging viral. Ang kaso ng aming larawan ay hindi sadya, hindi tulad ng ibang kilala natin na produkto ng makapangyarihang makinarya. Gaya ng nabanggit, maaari’y napalitaw lámang ito ng search engine nang minsang may maghanap ng larawan na puwedeng gawing meme gámit ang kompigurasyon ng mga posibleng susing salita tulad ng “makabayan,” “Pinoy pride,” “Bayang Magiliw,” “Pambansang Awit,” atbp. Ngunit mula sa unang pagkakagamit dito, na minumunakala kong naging viral, tumimo sa kaisipan ng mga nakakita at nakabasa ang kaakmaan ng napiling larawan, ang saktong pagkakaretoke dito’t pagpapatong ng wumawagayway na watawat, at anumang masisteng komentaryo ng tekstong langkay nito. Kayâ patuloy itong nabuhay at ginamit pa sa ibang kaso o pagkakataon. Hindi na lámang ito larawang pinitik ni Phillip Kimpo Jr. Hindi na lámang ito larawan ng anim na taga-LIRA na malayo ang tingin at nakalapat sa mga kaliwang dibdib ang mga kanang kamay. Hindi na lámang din ito larawang kasáma ng entri na “makabayan” sa Sagisag Kultura. Larawan na ito ng sandaigdigan ng social media na nagtalaga ritong kumatawan sa samotsaring pakahulugan at layon ng mamamayan nito. Talagang lahat ay may potensiyal na mapakalat. Ito ang pinakaakmang katwiran. Mahirap pa sa ngayon kung tatangkaing ipaliwanag ang mga dahilan ng virality ng aming larawan, subalit sa tingin ko, pinakamahalaga ang katangian ng pagkabagay (aptness) ng materyal sa pakahulugan o layon ng bumubuo ng meme. Nagkataon na ang aba naming larawan ang bumagay sa pakahulugan o layong usigin ang orihinal nitong kinakatawan bílang isang biswal na ilustrasyon sa isang ensiklopedya. Bagay dahil napapanahon? Marahil. Aminado naman akong bakâ hindi nga rin naging simbisa kung ang larawan ay isa sa mga naimungkahi kong higit na mariringal at mararangal na anyo ng pagiging makabayan. Sa pagkapalambang (randomness) ng mga bagay, napatapat ang tagapagmeme sa aming larawang sa totoo lámang ay ikinahihiya ko ang paglitaw-litaw. Palagi kong pakli sa tuwing ito’y nakikita: buhay ka pa pala! Minsan, iniisip ko na ring maningil tuwing lilitaw ito. Yayaman kayâ ako sa bawat labas?

Ikalawa, ang pag-unawa sa virality ay muli at muling pagbuo sa kahulugan nito, maging sa saysay ng mga tekstong nagiging viral sa kalawakan ng social media as kasalukuyang panahon. Tandaang patoheniko [mula sa “pathos” o dusa gaya ng sáki at sakít] ang minulan ng virality: virus. Lason na kumakalat sa katawan at nagdudulot ng karamdaman. Sa dagdag na hulaping +ity, nagiging kaledad o kondisyon ng karamdaman ang pakahulugan—halimbawa, bagal o bilis ng paggupo sa maysakit, dili kayâ bagal o bilis ng pagkalat ng sakít. Ayon sa Online Etymology Dictionary, magbabagong milenyo noong 1999 naitala ang unang pagkagamit dito bílang “becom(ing) suddenly widely popular through internet sharing.” Sa patoheniko at digital na mga pakahulugan nito matatagpuan ang mga elemento ng pagkalat [sa katawan ng tao o mga tao, sa katawan ng social media], ng pagkanapapanahon o seasonality [parang trangkaso, para ring pagkamakabayan tuwing Araw ng Kalayaan o anumang pista opisyal], at ng tama nito [pagkapit sa katawan, pagkapit sa kamalayan]. Virality ang ating paliwanag hinggil sa pagkalat sa pana-panahon ng anuman at sa tama nito sa sinoman. Isinisiwalat ng virality ang karamdaman, pati na rin ang damdamna naibracket ng mga panlaping ka- at -an, ang pakiramdam o persepsiyon ng tao na humihinging tunghan. Kayâ diskurso talaga ang virality—diskurso ng pagdami at pagpapakalat, ng diseminasyong ganap nang tinalikdan ang pananalig sa awra at ipinagdiriwang ang lalong pag-unlad ng reproduksiyon; diskurso ng diskurso kung saan walang katapusang pinagkakasunduan at pinagtatalunan ang pagdalumat sa mga bagay-bagay, tulad ng pagiging makabayan at kaanyuan nito [halimbawa, ang arketipal at simbolikong sabáyang paglalagay ng kanang kamay sa kaliwang dibdib, pagtingin sa malayo]; at sa hulí, diskurso rin ng mga pag-uulit, at siyempre, seryalidad, na kinakasangkapan batay sa pangangailangan ng pakikipagtalastasan sa makabago at teknolohikong panahon [pamumuhay sa posmodernong pagsipi o quotation, maging bricolage sa yugto ng kapaguran o pagdududa sa orihinalidad ng ekspresyon at paglikha]. Panibagong bulung-bulungan at palitan ng palagay ang virality. Isang malawak sapagkat komyunal na pagsasalin. Ito ang kasalukuyang paraan ng resepsiyon o pagtanggap, bukod sa kagawian ng produksiyon at diseminasyon sa mga bagong midya. Sa pagliliming ito, muli at muli ring ipinamamalay ang potensiyal ng kahulugan ng virality at ng mga tekstong viral bílang isang panlipunang dalumat, isang penomeno, lalo pa at sinisikap ding hanapan ng lunas ang isang maituturing na patohenong panlipunan, ang sakít ng pagiging makabayan. Nagpapamulat ang virality, madalas sa angkin nitong panunudyo at parikala.  

Ikatlo, nagtutulak ng isang arkeolohiya ng kaalaman ang virality. Ang virality ng aming larawan ay humimok sa akin ng pagbabaliktanaw hinggil sa sandali ng pagkuha sa larawan, sa paggamit dito ng Sagisag Kultura, at makailang-ulit na pagpulot pa rito sa Internet ng kung sino-sino upang gamítin sa iba’t ibang mithiin. Hindi naman ito ang unang beses na ginawa ito ng sinuman, at marahil hindi rin naman ang hulí. Mapanghamon, kapwa sa gunita at paghinuha, ang pagkakataong maging bahagi ng isang nagpapatuloy na kasaysayan, ng kasaysayan ng isang laksa at digital na artepakto na kung saan-saan na nakaabot at patuloy na pinapaabot ng madla sa mga hanggahan ng birtuwal na daigdig. Humihingi ito ng higit pa sa karaniwang pagturing, ng isang kritikal na pagdulog na sasawata kahit papaano sa madalas na mapanlamon, kundi man, mapagpalabnaw na diskurso sa social media. Sa isang bandá, totoo naman, isa lámang sa napakaraming viral at gamitíng imahen ang aming larawan, ano ngayon ang ikinatangi nito? Sa social media, totalisado ang saysay at salaysay ng lahat ng artepaktong naglalawa sa dami upang maging isang kaylawak na karagatan ng kung ano-anong madaling kalunuran. Burado ang bawat minulan at nakaraan sa bawat paghahagilap mula sa nakalutang na pintungan, pagretoke batay sa pangangailangan, at panibangong pagpapakalat. Subalit hindi maitatanggi, sa kabila ng napakaraming dumaang pagdaragdag, pagsasaayos, at pagpapatong: naroroon pa rin ang aming mga mukha, ang aninag ng aming pagkatao, hindi na amin sapagkat inangkin na ng kung sino-sino para katawanin ang kanilang pahayag o sentimiyento, tulad ng pagkamakabayan o paglibak dito. Sa pagkukuwento kong ito, hayaan nawang sumamo man lámang ng katiting na pag-ari sa aming wangis na pinawalan sa pamamagitan ng publikasyon at kumalat sa platapormang digital bílang sari-saring sagisag. Mahirap namang mahirati sa pagiging “walang mukha” kahit kitang-kita naman sa larawan kung sino-sino kami. Bílang manunulat, tulad din naman namin si Michel Foucault (2010) na minsang nagsabi: “I am no doubt not the only one who writes in order to have no face. Do not ask who I am and do not ask me to remain the same” (17). Ang larawan sa kasalukuyan ay dokumento ng publikong diskurso. Bago nagkagayon, isa muna itong personal na ganap (personal event), isang sandali ng pagganap (acting out, role-playing) ng kunwa’y pagiging makabayan, ng isang pagganap (commencement) sa pagsasama-sama, sa isang samahán na hindi inasahang magkakaroon pa panibangong búhay sa pamamagitan ng napakaraming digital na bakas. Hayaang maging anotasyon, isang anotasyong personal at intelektwal, ang sanaysay na ito sa lumalawig at lumalawak pang saysay at salaysay ng larawan. May higit pa sa balat, tinig, mukha.

Sanggunian

Foucault, Michel. 2010. The Archeology of Knowledge and the Discourse on Language. New York: Vintage Books.

Williams, Raymond. 2003. Television: Technology and Cultural Form. London: Routledge.

Leave a comment