University of Santo Tomas Publishing House, 2010
Finalist, Madrigal Gonzalez Prize for Best First Book

Sa aklat na ito ng tatlumpu’t walong tula, isang matimyas na pakikipagtipan sa Banal ang Pananalinghaga. Taliwas sa nakamihasnan at nakasuyaan nang paggamit sa mga imahen at simbolong relihiyoso-espiritwal, pinatutunayan ni Louie Jon A. Sanchez na isang mayamang bukal pa rin ang mga ito ng pagmumuni sa kabila ng malaganap at mapagtakdang kontemporaneong kahalayan ng makamundo at kamunduhan. Tinuturuan tayo ng kaniyang mga tula kung paano magbalik-loob sa kaibuturan ng sarili upang matuklasan ang nananatili at hinding-hindi mababagong sagrado sa ating pagkatao. Buong kababaang-loob, kaya marahil “alabok” na nagdedeklarang nasa atin ang kapangyarihang hindi ganap na matatatap hangga’t hindi nasasaliksik ang mga personal na yungib at hangga’t hindi nakakatalik ang mga batong moog at bantayog ng mga bait at pagkabatid na matayog.
–citation para sa aklat, 12th Madrigal Gonzalez First Book Award, Disyembre 7, 2012
Bagong makatang may mataimtim na pananalig sa Diyos at may malumanay na tinig sa kanyang mga tula ang ipinakikilala ng At sa Tahanan ng Alabok. Walang mararamdamang pagsesermon, pero umaantig sa mambabasa ang pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay ng persona sa mga taludtod ni Louie Jon A. Sanchez. Sa panahong magiit na umaagaw ang bagong teknolohiya ng komunikasyon sa bisa ng mga salita sa pahina, ang libro ni Sanchez ay humihinging tunghan ng mambabasa, hindi lamang upang limiin ang sinasabi ng makata kundi lalo’t higit, upang hangaan ang pananaludtod na pinagsasanib ang tradisyonal at ang bago upang masiglang makipagtalastasan sa mga Filipino ng kontemporaryong lipunan.
–BIENVENIDO LUMBERA
Natunghayan ko ang pagsisimula ni Louie Jon A. Sanchez sa marubdob at bulag na pangangalap ng dánas at málay na mahuhubog upang maialay sa altar ng malikhaing haraya’t panulat. Ewan kung anong huwad na anghel o kislap ng bituin ang nagtulak sa kaniyang mangarap at magsikap sa larang ng paglalang ng mga talinghaga. Oo, saksi at salarin ako sa marami niyang naunang pagtatangka, pagkasiphayo, at pagdurugo. Hindi ko inakalang maiigpawan niya ang sumpa ng maligoy, buhaghag, at walang wawang pangungusap na sanhi ng hindi ko pananalig sa noon ay inakala kong agad-na-lilipas din niyang debosyon. Ngunit ngayon, tulad marahil ng nakatakda sa kaniyang mga hinalungkat na mito at alamat, mistikong nakapagbanyuhay siya mula sa mga pagsubok, nabuong muli’t higit na magiting matapos na matupok. Tunay na marami pa ring dapat na marating at masaliksik, ngunit sa aklat na ito, tiyak na inilulunsad na niya ang maatikabong pagtuklas at pagpapatatag sa palad ng sariling panulat at pag-arok sa loob, ibaba, at tugatog ng pagiging alabok.
–MICHAEL M. COROZA
Inihahatid tayo ng mga tulang ito sa mga daang papasok sa kaluluwa. Hinahagod nito ang mga alaalang nagkukubli sa bawat liha ng kamalayan at ibinubukas sa atin ang iba’t ibang anyo ng mga pag-asa, pag-ibig, at pangarap, at pinalalawig nito ang mga hangganan ng ating pagtitimpi. Ngunit itinuturo rin ng tula ang pagkuyom ng kamao sa bawat madadaplisang kapaitan, ang pagkatigatig ng damdamin sa bawat danas na hindi makatarungan. At wala kang ibang kailangang dalahin kundi balabal at matitibay na sandalyas. Ito lang ang kailangan mo upang pasukin at makidama sa mga pangarap at danas sa mga tula ni Louie Jon A. Sanchez.
–ROWENA P. FESTIN
Mistikal ang mga mintis ng mga tula ni Louie Jon A. Sanchez. Marami sa mga tula ang lumilingon sa paniniwala sa Maykapal, lalo na kung paano ito tatanganan sa panahong hinahamon at hinihigop ito ng kawalan at pagwawala. Marami rin sa mga tula ang nalulugod sa payak nating pag-iral. Kuleksiyon itong nakakapaghugot ng mga tinik.
–LUNA SICAT-CLETO
Ang di-gagap-ng-pandama ang hinahanap ni Louie Jon A. Sanchez. Itong pagtula niya ang magiting na pagtukoy sa hangad na ito. Tinatawag ng mga salita ang bisyon ng manunulat; madarama nating sa salita mismo tumatahan ang mumunting pitik ng mataos niyang pagdadalamhati, sa isang panig, at sa kabila naman ang matayog na pagdiriwang. Sa binuo niyang daigdig, nagsisikap ang mga tauhan na pangimbabawan ang marusing na karanasan, at sa paghulaw ng alikabok, naroon pa rin ang latag ng alikabok ngunit mabibiyayaan na ng di-mapigil na pagsilang ng liwanag.
–ROMULO P. BAQUIRAN JR.
Isang arkitektura ng mga salitang pinanday sa biyaya ng panahon at gunita ang iniuusal sa koleksyong ito, na ang mga tula ay nagsisilbing sakramento, indulhensya at litanya ng danas at dahas ng tao sa mundo at sa kanyang relasyong umuugnay sa banal. Hinahangaan ko ang mataimtim at mapanghamong mga pagmumuni-muni sa mga sandali at hangganan, sa mga pagsubok at paglahok na inilahad ng makata. Patunay ito sa makapangyarihang sensibilidad na taglay ni Louie Jon A. Sanchez, kung saan ang panahon ay sinusukat alinsunod sa patak na nagmumula sa Yungib na nagsisilbi ring katedral, tahanan, sinapupunan—isang primordyal na sityo ng ating mga anino: ang katotohanan ng dilim, ang salamangka ng liwanag—ang prima materia, ang alabok na lumilikha ng mga posibilidad ng mga pigura, batayan at bantayog, at iba pang mga pananda na bumubuo sa espasyong linukuban ng ‘di lang apoy, kundi ng lahat ng elementong yumayari sa mga inaakala nating ‘di mawari-wari at ‘di makapagkunyari.
–KRISTIAN SENDON CORDERO
REVIEWS & CRITICAL COMMENTARY FOR AT SA TAHANAN NG ALABOK
God in poetry and the Poet in prose
Joel Pablo Salud
Philippines Graphic
LOUIE JON SANCHEZ’S coming-of-age book of poems, At sa Tahanan ng Alabok, mesmerizes, titillates and builds an appreciation for poetry that breaches the boundaries of convention if only to cross oceans, spend long afternoons at a park, the sprawling space between corners of a photograph into midday prayers to an angry Messiah.
The author, twice hailed as Makata ng Taon (Poet of the Year) by the Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino, smoothly paints settings of earth and sky barely seen by the naked eye, as in his poem, Dapithapon: “Narito ang aking liwanag, aking Liyag; / Mapulang papawirin, at sa aking mga ulap / Mga pinong guhit ng makinang na abo. / Sa iyong ganap na paglisan sa Ilang, / Nais kong ilahad sa iyo and aking handog— / Ganitong liwanag ang hanggad kong isabog sa iyong natatakdang Pagpapako.”
Sanchez’s excursus into the realm of love and war, shadow and first light, and the fury of a Messiah best painted as a nation barely able to stand because of its wounds, reveals a poet of the more dazzling kind, not the callow among a breed of writers otherwise hailed for reasons unknown. Sanchez makes it easy for the reader to climb the more philosophical peaks in the poems, even the ones bordered and held aloft by blind yet unremitting faith. God, angels, fires and fear are but things to touch by human hands.
Even divine judgment he writes in the form and manner of a kind poet, one who sees more than what the eye could actually make out and shares the visions generously: “Sa altar ng ating mga malay, sa ating mga paningin / Na lilo at lito sa kung alin sa mga imahen ang unang / Tutugon. Mistulang walang takas sa Paghuhukom / Na naroon sa kapilya ng malamlam ng hapon…”
Yet, despite leaps and flights Sanchez manages to keep his feet on the ground, with senses ready to pen what he feels around him. In Digmaan, he relates battles fought by young men barely out of their teens with a keen eye on the seemingly invisible battles within: “Sa kanto, nakatakda ng lumipad / Ang mga ipinukol na kahoy at bato, / Ang di masawatang pagbigkas / Ng malulutong na mura at sumpa / Ng sindak, ng ganti, ng kamatayan. / Nahaharap tayo sa gulo at galaw / Ng isang kakatwang munting digmaan…”
With more than 30 poems in the collection, At sa Tahanan ng Alabok is more than a book of verse, alas. In Nostos, he seems to be telling us his story—of church bells and street bends, dark corners and habits, slippers, national anthem and one face unnamed.
His poems have oddly very little influence from the more influential voices in Philippine literature. Sanchez’s tone and voice echo no other bard but himself, with a humble gesture to treat him like a breeze moving gently past one’s face: “Humayo. Ituring akong hanging nagdaraan / At nagbibigay-buhay tulad noong Paglikha.”
Creation. No other word describes this book of Filipino verse. At sa Tahanan ng Alabok is published by the University of Santo Tomas Publishing House and is available in bookstores.
Hindi Karaniwang Pagkamulat
Xi Zuq (Michael Jude Tumamac)
“Hindi karaniwang imahen–
Isang nene, kasama ang ama
Sa kasilyas ng mga lalaki.”
Ang unang tatlong linya ng tulang “Pagkamulat” ni Louie Jon Sanchez ay punô ng tensiyon. Isa itong eksenang mapangahas. Hindi ito maitatanggi sa pagiging mapangahas ng makata sa paggulat sa karamihang konserbatibong mga mambabasa sa isang hindi karaniwang imahen sa umpisa pa lámang ng kanyang tula.
Ang tulang ito ay naglalarawan at nagsasalaysay ng isang eksenang itinuturing na hindi karaniwan ng konserbatibong lipunan – isang nene sa pánlaláking palikuran. Pagbasag ito sa mga prinsipyo ng konserbatismo, kayâ masasabing moderno ang sensibilidad na ipinapakita ng tula. Hihimayin ko ang tula ayon sa tatlong bagay. Una, kung naging epektibo ba ang paggamit ng batà bílang karakter sa tula. Pangalawa, kung ano ang mga aspektong nagsasabing ang imahen ng tula ay hindi karaniwan (maliban sa hayagang pagsabi sa unang linya na hindi nga ito karaniwan). Pangatlo, kung ano ang pagkamulat na naganap (sa anong bagay o dalumat?).
Si Nene
Hindi maitatangging ang isang batà ay simbolo ng pagiging inosente dahil sinasabing marami pa itong bagay na hindi alam sa mundo. Ayon nga kay John Locke, ang pagkaintindi o pagkamulat ng tao sa mga bagay-bagay ay nagsisimula sa konsepto niya ng tabula rasa – nagmumula sa pagkakaroon ng walang ideya tungkol sa isang bagay hanggang sa ipakilala ito sa kanya ng isang nakakaalam na tao o ng karanasan; o pinupunô/napupunô hábang tumatanda ang blangkong isipan ng tao, sa madaling sabi. Ganito ang nakukuha kong pagsasakarakter ng makata sa batàng babae na nasa kasilyas ng mga lalaki. Isa itong batàng babae na walang kamalay-malay at kakapasok lámang sa isang panibagong lugar na hindi niya pa, marahil, nadalumat dahil na rin sa dikta ng konserbatismo na bawal ang babae sa pánlaláking palikuran.
Pinatindi pa ang pagsasakarakter nang tawaging nene ang batàng babaeng ito. Ang nene ay karaniwang tawag sa batàng babaeng inosente at marami pang hindi alam – mura pa ang kaisipan; wala pa masyadong kaalaman ang naipasok sa tabula rasang isipan. Dahil sa isang nene ang ginamit, nagkakaroon ng walang malisya sa kanyang pagpasok. Wala pang libog, marahil, na nadarama ang batàng ito kaya okey lang na nandoon siya. Sa katunayan, ang naapektuhan ay ang ama:
“Bakas ang pagkatawa,
Marahil sa pagkahiya
Sa akin na katabi niya
At sa mga lalaking
Pumapasok sa kasilyas.”
Reaksiyon ito dahil sa marahil nakakatawang hindi karaniwang sitwasyon. Sinabi naman ng persona, na katabi ng ama sa pag-ihi, na bakâ dahil sa pagkahiya. Ang pag-iisip ng persona na dahil sa pagkahiya ang reaksiyon ng ama ay maituturing na palatandaan ng restriksiyon ng lipunan sa maraming bagay, lalo na sa mga “sensitibong” pangyayari tulad nito. Ang “sensitibong” pangyayari o danas na ito ang ngayo’y tinutuklas ng nene sa pagpasok niya sa kasilyas ng mga lalaki.
Hindi Karaniwan
Sabi nga ng unang linya, hindi isang karaniwang imahen ang nilalaman ng tula. Isa itong eksenang iniiwasan at malimit na pinag-uusapan ng mga konserbatibo. Ngunit hindi sapat ang pagsasaad sa unang linya na ang tula ay may hindi karaniwang imahen. Sa katunayan, hindi ko gusto ang linyang ito dahil ang sitwasyon na mismo ang nagsasabi na hindi karaniwan ang imahen ng tula. Sa isang banda, isa itong paghahanda sa mga mambabasa na ang babasahin nila ay hindi pangkaraniwan. Sa isa pang banda, isa itong repleksiyon ng pag-iisip ng persona, na ituturing kong konserbatibo dahil sa mga sumusunod: Una, ipinakita ko ang naging interpretasyon niya sa reaksiyon ng ama sa pangyayari – na ang ama ay may bakas ng pagkatawa dahil bakâ sa pagkahiya sa persona at iba pang lalaki sa kasilyas. Sa unang linya naman masasalamin ang pag-iisip niya – ang nasaksihan niya ay isang hindi karaniwang pangyayari. Nasa kanyang kamalayan na ang pagpasok ng nene sa kasilyas ng mga lalaki ay hindi karaniwan. Isa itong pag-iisip na konserbatibo – isang nene sa isang lugar na para lamang “dapat” sa mga lalaki.
Ipinakikilala pa ng makata na isang hindi karaniwang imahen ito sa mga sumunod na linya. Maging ang urinal ay hindi rin karaniwan.
“Umiihi ang ama
Sa hindi karaniwang urinal:
Isang pahabang aluminyo
Na nakasahod at hinuhugasan
Ng tuloy-tuloy na daloy
Ng tubig mula sa tubo.”
Marahil, pagkumpara sa pang-isahang urinal na makikita sa mga mall ang kanyang batayan sa pagsabing hindi karaniwan ang urinal. Sa mall, marami ang bowl na urinal na nakahilera sa dingding ng pánlaláking palikuran. Sa kasilyas na tinutukoy na ito, iisa lang ang urinal na gawa sa aluminyo, at ang mga ihi ng mga umiihi ay iisa lámang ang dinadaluyan.
Hindi rin karaniwan ang nene. Isa siyang neneng may kakaibang pag-iisip. Una, nagawa niyang pumasok sa kasilyas ng mga lalaki gayong tinuturuan na sila, maliit pa lang, na may kanya-kanyang palikuran ang mga babae at lalaki. Kayâ ang pagpasok pa lámang niya ay hindi na karaniwan. Hindi kayâ siya nasanay sa paaralan, kung saan mahigpit na ipinapatupad ang dibisyon ng kung anong pánlaláki at pambabae? O marahil ay musmos at murang-mura pa ang edad ng nene, kayâ isanáma na lámang ng ama sa kasilyas. Unang-una, hindi gustong isama ng ama ang nene. Sa katunayan, pinagsabihan siyang umalis sa kasilyas.
“Pinagsabihan niyang lumabas
Ang musmos na mausisa.”
Pangalawa, hindi tunog batàng-batà ang pananalita ng nene. Gumagamit siya ng buong salitang ‘iyan’ sa halip na ‘’yan’ na natural sa mga batà. Masasabi, bagama’t hindi tiyak na hindi batàng-batà ang neneng ito.
“Nasa gilid ng ama ang nene
Nang ako’y tumabi’t umihi.
Nagtatanong ang nene:
Ano iyan, Itay? Ano iyan?
Hindi pa tapos ang ama.”
Maliban sa nagawa niyang pumasok sa kasilyas ng mga lalaki, hindi karaniwan ang nene dahil sa mapangahas niyang pagtatanong. Dahil sinasabing inosente ang batà kayâ walang malisya na tinignan ang kanyang pagtatanong. Ang pagtatanong na ito ay ang pagtitindi ng hindi pagiging karaniwan ng imahen. Hindi pa nakontento ang nene at nagtanong pa. At pursigido ang neneng ito sa pagtuklas sa “iyan” na kanyang tinutukoy sa tanong dahil nang pinaalis siya ng ama ay hindi siya sumunod at patuloy pa ring nagtanong tungkol sa “iyan”. Hindi ba’t isang hindi karaniwang nene ang karakter na ito – isang batàng mapang-usisa. At ang mga makukulit na mapang-usisa ang kinaaayawan ng mga konserbatibo. Nababanas na nga sila sa pagbubukas ng isang usapin tungkol sa isang “sensitibong” bagay, paano pa kaya kung pag-usapan na ito at usisain?
“Hindi sumunod ang bata.
Patuloy na umalingawngaw
Ang pagtatanong, Ano iyan?”
Pursigido ang batang usisain ang “iyan” kahit nangahulugan itong sinuway niya ang kanyang ama, na isang simbolo ng awtoridad. Hindi pa rin umalis ang nene. Nang-usisa pa. Isang pang-uusisang katulad ng mga liberal sa mga bagay na “sensitibo” para sa mga konserbatibo. Ang liberal, nang-uusisa upang maliwanagan; si nene, nang-uusisa upang mapunan ang utak niyang tabula rasa ng bagong kaalaman at karanasan.
Ang Lihim na “Iyan”
Nasa panghulíng pangunahing punto na ako ngunit hindi pa rin nahahayag kung ano ang “iyan” na tinutukoy at inuusisa ni nene hábang nasa kasilyas ng mga laláki. Sa unang bahagi ng tula, kung saan sinabi lámang na may nene sa pánlaláking kasilyas at nagtanong ito. Hindi pa ganoon nakikita natin ang pag-iisip ng nene dahil wala pang mas detalyadong deskripsiyon ng kanyang gawain. Una, inisip kong ang “iyan” ay tumutukoy sa nakalawit na ari ng mga laláking umiihi sa iisang urinal (lalo na sa kanyang ama). Marahil, ito ang unang impresyon na makukuha ng kung sinumang mambabasa. Isa kasing “sensitibong” bagay na pag-usapan at usisain ang mga may kinalaman sa sex at maseselang bahagi ng tao. Sadya man o hindi, nag-aanyong ari ng laláki ang kahabaan ng buong tula kayâ lumakas ang impresyong ari nga ng laláki ang inuusisa ng batà. Ngunit may paglilihis sa ganitong impresyon ang persona. Sa hulíng mga linya, nakasaad:
“Laking gulat ko
Nang akmang ititikom ko
Ang siper ng aking pantalon –
Ang nene’y nakapagitna
Sa akin at sa ama,
Nakasilip sa ihiang aluminyo.
Mangha, marahil, sa dagundong
Ng tubig, at sa paninilaw nito
Habang lumalapit sa lagusan.”
Isa paláng siyentipikong obserbasyon ang ginawa ng nene. Pinagmasdan niya ang dinamiko ng urinal! Kayâ masasabing ang “iyan” ay maaaring ang urinal. Napaisip tuloy ako na ang pahabang hugis ng tula ay maaaring ang pahaba ring urinal na gawa sa aluminyo. Ngunit sa tingin ko’y isa itong paglilihis sa tunay na inuusisa ng nene. Binaling ng persona, na siyang naglalahad ng pangyayari, sa ibang bagay ang hindi karaniwan o “sensitibong” pangyayari. Naging isa itong obserbasyon ng batà sa ibang bagay. Naniniwala pa rin akong epekto ito ng konserbatibong pag-iisip ng persona.
Ngunit baka naman talagang totoo na ginawa ito ng nene, at tapat na nagsasalaysay lámang ang persona? Maaari ngunit masasabing mas pinagtuunan niya ito ng pansin at detalye kaysa pagtatanong ng nene. Sa puntong ito nagkaroon ng buhay ang nene dahil nagmamasid na siya hábang kanina’y malabo niyang tinutukoy ang “iyan” sa pagtatanong.
Sa kasawiang palad, hindi pa rin ako tiyak sa kung ano ang “iyan”. Maaaring ito ang ari ng lalaki o ang urinal. Maaari namang ang kabuuan ng kanyang karanasan ay mula sa pagkakita sa mga ari hanggang sa pagmangha sa hindi karaniwang urinal sa kasilyas ng mga lalaki. Hindi ko tiyak dahil nilihim ito ng persona.
“Napaigtad ako, tumalikod
Mistulang nagkukubli
Ng kung anong lihim.”
Nagkukubli nga siya ng lihim. Ayaw na niyang idetalye pa kung ano ang “iyan” na tinutukoy ng nene sa kanyang pag-uusisa. Ayaw na niyang pag-usapan, tulad ng magiging reaksiyon ng mga konserbatibo kapag inusisa ang isang “sensitibong” bagay. Malaki ang paniniwala kong sensitibo rin ang bagay na ito sa persona na nakasaksi ng pangyayari. Una, itinuring niya itong isang hindi karaniwang imahen. Pangalawa, konserbatibo ang interpretasyon niya sa bakas ng pagkatawa ng ama dahil sa pagtatanong ng batà. Pangatlo, hindi niya direktang tinukoy ang “iyan” at paniwala kung ibinaling niya ang usapan.
Bagaman, masasabi ko na hindi talaga konserbatibong-konserbatibo ang persona. Nagawa niyang ikuwento ito. Nakuwento niya ito dahil sa pagkamulat na kanyang nadanas sa pagsaksi sa isang hindi karaniwang pangyayari. Unti-unti nang nagkaroon ng bitak ang konserbatibo niyang pag-iisip. Namulat na siya sa bagong karanasan. Nadagdagan na ang dáting tabula rasa niyang pag-iisip ng isang hindi karaniwang pagkamulat.
Komentaryo para sa #BuwanNgAkdangPinoy, Agosto 13, 2016
Abner Dormiendo
Simula pa’y isa nang suliranin maging sa panitikan ang pagsasaysay at pagsasalaysay ng karanasang banal alinsabay sa pantao. Kinakaharap muli ni Louie Jon Sanchez sa kaniyang librong “At sa Tahanan ng Alabok” ang ganitong engkuwentro sa pagitan ng sagrado’t makamundo. At waring isang kondisyon na ng ganitong klaseng paksa, mahahaba ang mga tula rito, hindi tipid sa pananalita. Mistulang sinasamantala ni Sanchez ang potensyal ng wika upang maiuwi ang lahat sa paraang maiintindihan ng ating alabok na pag-iral. Ngunit, at kinikilala ito ng makata sa huling tula (na aking sinipi sa ibaba), may kabiguan ang ganitong proyekto, dahil matapos masabi ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga sa lahat ay hindi pa rin masasabi. Isang sipi mula sa “Kuwento ng Monghe”:
“Dumaan ang maraming taon
Bago ko naunawaan ang kaniyang
Pakikiniig sa bato: Hindi
Pinahihintulutang mabunyag
Ang pinakaiingatan at sagrado.”
Leave a Reply