University of Santo Tomas Publishing House, 2013
Finalist for Best Book of Poetry in Filipino, National Book Awards

Umuuwi nga ang lahat ng nasasangkot sa pag-iral sa isang sagradong lumbay na simula ng paghahalihaw sa hangin ng kamalayang hitik sa mga dumudurong alaala na nagsusumamong balabalan at damitan ng dalumat at unawa. Ito ang pagsilang ng kinakailangang pagninilay, ng sinadyang pagtugis ng pinatalas na isip sa mga layak ng karaniwang karanasan na lumuwa-sumuba sa gunita upang maigpawan ang mga sakunang dulot ng sariling kamay (at ng iba rin) sa sarili, at makatuklas ng isang uri ng paglikha—isang poeisis—sa pamamagitan ng katawan ng salita, ng wika, ng tula. Dito mismo tayo dadalhin ni Louie Jon A. Sanchez sa kanyang aklat, ang Kung Saan Sa Katawan. Binubuo ito ng mga tula na may tuwiran at hayag na pagkakasalansan ng mga larawan at talinghaga, may malay sa sarili bagaman walang ego rito na naghuhumindig, may kaakit-akit at kamangha-manghang pagbabaling-baling ng unawa at tingin sa wari’y iisang paksa, matatag at maningning na katapatang humihiwa sa pinakamalamig mang puso ng mambabasa, at kagandahang matimpi ang pagkakasiwalat. Narito ang ehersisyo ng walang pagmamadaling pananatili, isang poetika ng maamo, malumanay (bagaman mariin at mapusok din), at mahigpit na paghawak sa haraya samantalang laging sinisipat at tinutudla ang puso sa tula. Sa ganitong pagpapakumbaba ng persona (na maluwalhating katumbas ng makata!), magaan na nakadadausdos ang mga paksang may kirot at may selan: paglihis sa inaasahang kasarian, mabatong daan ng paglikha, pag-aalangan sa ibang lupa, lindol, kamatayan ng bayani at santo at santa, balintuna at pait mula sa uring panlipunan, pagninilay sa banal sa pamamaybay sa Semana Santa, at pagkagising at pagkahubog ng pananampalataya. Sa paghawi sa bawat pahina, dinaratnan ang ultimong pagkamulat: natitipon ang lahat-lahat ng ating danas sa dulo ng ating hintuturo samantalang naghahanap tayo ng pagliliyab sa buhay nating pahat. Saka natin isusuot ang daliri sa inuka ng pako sa palad ng Nagbata-sa-Lahat. Hayan ang lagablab. Tulad sa isang tula, malulusaw ang mga pagitan sa mga taludtod at saknong, at magsasa-isang-tinig ang buong koleksiyon. Maaagnas ang pagitan ng imahinasyon at pagdanas. Mananalaytay ang alab sa kung saan sa ating katawan magaganap ang pinakahihintay na transpormasyon: ang talinghaga ay magiging karaniwang pangngalan, ang panitikan ay bababa sa buhay.
–BENILDA S. SANTOS
REVIEWS & CRITICAL COMMENTARY FOR KUNG SAAN SA KATAWAN
Pagpapakilala sa aklat na Kung Saan sa Katawan
Peb. 18, 2014, LIRAhan sa Conspiracy Bar
John Jack G. Wigley
Nananahan ang banal sa katawan—ang banal na siyang lumalalang sa lahat, lumulugod sa sinta, sumasagitsit sa kapusukan ng laman. Ngunit, ito’y sadyang mailap at mahirap makasalimuha, kung kaya naman mas nagiging marubdob ang pangangailangan ng makatang gawin itong kongkreto, upang mas maintindihan ng mga panamdam at higit na maukit sa gunita. Mahihimpil sa letra at papel ang kalikutan nito, oo, datapwat alam ng nagsusulat na ito’y pansamantala lamang, na hindi mailalarawan ng anumang bagay sa mundo ang kalahatan ng abstrakto. Dahil dito, masasabing ang sining ng tula ay isang mahabang meditasyon sa pansamantala, na nasusumpungan ang kaganapan sa paglilok ng eksakto at tumpak na imahen, ng paghabi sa matimyas at kaayaayang metapora. Wala na ngang mas epektibong pagwawangis sa pansamantala kung hindi ang pagwawangis din—at walang mas interesanteng tema para rito kung hindi ang banal.
Ang mga tulang ito ay pag-iinog sa banal—at kagaya ng rebolusyon ng mga planeta sa araw, hindi kompleto ang armonya ng larawang ito kung wala ang panghihilang-balani mula sa mga planeta. Makikita ang ganitong interaksiyon sa “Sa Harap ng Imahen ni San Ignacio de Loyola,” na tungkol sa kapayapaang nasulyapan ng persona sa isang imahen ng tagapagtatag ng Ordeng Heswita. Sa pagpirme ng imahen naihahatid ng persona ang pagnanasa niyang kadalisayan sa kaniyang araw-araw na pakipapagsapalaran.
Hagiyograpiya namang maituturing ang mga tulang “Rizal” at “Emilio,” na reimahinasyon ng mga naratibo tungkol sa mga nasabing bayani. Waring santo ang mga ito dahil sila’y isinasabanal—sa mga namatay na, ang mga wala na’t di na babalik, kagaya ng pag-alaala sa mga biktima ng dahas politikal sa “Back Hoe” o ng sakuna sa “Ang Pagdayo ng Monge sa Tea House Kinabukasan ng Lindol at Tsunami sa Japan.” “Hindi tinitipid ng makata ang kaniyang mga paglalarawan, na kahit may bakas ng kontrobersiya o ng karimarimarim ay nagsisilbing mga kasiya-siyang pananda sa memorya’t paghaharaya. Sapagkat sa huli, ang pagkawala at kakulangan ay mga manipestasyon lamang ng mailap na banal. Upang sumibol sa karinan ng isipan, kailangan pag-aralan at pagmunihan gamit ang dominyo ng mga salita.
Hindi lamang sa piguratibong pagkakahulugan ng makata matatarok ang banal sa Kung Saan sa Katawan. Sa mas literal na nibel, ang pangalawang bahagi ng libro ay inilaan sa mga tulang espirituwal at relihiyosong kinulayan ng Katolisismo. Isa sa mga tulang ito ay ang “Ang Mga Banal na Oras” na talagang inihati na parang horas santas—“Laudes,” “Prime,” etc. Pamagat din ng mga tula ang ilan sa mga mahahalagang misteryong pinagninilayan ng mga Katoliko, tulad ng “Biyernes Santo” at “Asuncion.” Sa pamamagitan ng Katolisismo, mas madaling mapagtatagumpayan ng makata ang paghaharaya sa Dibino, pagkat madaling nakapaglalaan ang Roma ng kalabisan ng mga imaheng pananampalataya, nahahawakan o di-nahahawakan.
Ang pagtutula ay isang peregrinasyon—isang peregrinasyong natatapos lamang sa kamatayan. Hindi sa buhay na ito makakasama ang banal, pero maaari itong masulyapan nang sandali sa madamdaming paghahanap dito. Pagkat sapat na ang isang sandali para maisaloob ang banal—maisakatawan. At sa huli, ang pagnanasa sa banal ay walang iba kundi ang pinakamasidhing ekspresyon ng pag-ibig, ang walanghanggang gana patungo sa kabutihan at kagalakan, ang siyang laging unang sambit ng makata. Para sa kongklusyon, hayaan akong magbasa ng ilang linya mula sa tulang “Ikaw, Sa Iyong Antok”:
Gusto ko lamang ang sandaling ito, gustong-
Gusto ko, at sakaling sandali lamang talaga,
Babaunin ko ang aninag ng iyong pagpanatag.
Maraming salamat at magandang gabi sa lahat.
Pagpapakilala sa Kung Saan sa Katawan
Peb. 15, 2014, Natividad Galang Fajardo Room,
De La Costa Hall, Ateneo de Manila University
Romulo P. Baquiran Jr.
Kasama kong taga-Norte itong nagbubunsod ngayon ng Kung Saan Sa Katawan. Cagayan Valley. Unang wika ang Ilokano pero nagpaampon na sa Tagalog. Walang pagsisi. Magandang wika ang alinman sa dalawa. May isang tula siya sa koleksiyon na parang poetika na ring matatawag, ang muling pagsulat ng tula, na may orihinal na Ilokano.
Isang manunulat na “sobra” sa maraming aspekto itong si LJ. Nag-uumapaw kung baga at hindi ko tinutukoy ang kaniyang katawan ha. Sabi ng kaniyang mga estudyante sa evaluation o comment sa isang thread, feeling “diva” itong ating kapatid. May kaunting pride kumbaga sa sarili. Confident. Pero may karapatan naman kahit paano. Ikaw na ang magwagi sa mga titulo na parang sa beauty queen na nga. Sa tulaan nga lang. “Makata Taon-taon” ang bansag sa kaniya.
Pero iyon nga ang kaso dito. Pinaghirapan niya itong “kasobrahang” ito. Naalala ko ang anekdota sa kaniyang itinuturing na ama-amahan sa gramatika, poesiya, at pagiging guro si Dr. Michael M. Coroza. Diumano, ang pananagalog noong undergraduate pa si LJ sa The Royal and Pontifical University of Santo Tomas ay maituturing na “garalgal” o sa Ingles “atrocious.” Pero dahil nga ang taong nagsisikap gumanda, o kahit iyong nagmamaganda, ay inaral ang wika, sineryoso ang challenge. Nag-enroll siya sa maraming youth and beauty camps. Naman, ngayon masasabing aba papaakyat na sa himpapawid ng kalangitan ng panitikan si LJ. Tingnan na lamang ang agad na masusumpungan sa kaniyang pagtula: ang pagbalong ng salita. Parang tsunami walk ang dating ng pananalita. Itong “flow” ng pagkamalikhain, sa pagsulat ng tula, ay nanggagaling sa “misa ng kaniyang mangha”. Ginagamit ko ang mga sipi sa kaniyang mga tula na sa palagay ko ay mga peg ng kaniyang pananaw sa sining na hindi naman maihihiwalay sa kaniyang pananaw sa buhay.
Nagmumula ang papalawak na sirkulo ng kaniyang pananaw mula sa sarili, patungo sa kapuwa, at sinikap na mabuo ang para sa bansa. Ang pagbuo ng sarili ng makata ay nakasityo sa isang “pook na hinaharaya.” Nasa haraya o imahinasyon. May pagsisikap kung gayon na likhain ang isang mundo na kongkretong nakatanim sa sarili at sa danas nito habang pumapasok sa isang likhang daigdig. Maaaring sabihin na egotistiko ngunit hindi ito ang nakakabalda at nasosobrahang selfie kundi isang sarili na nasasaputan ng salita. Tila walang disenyo ang pagdaloy ng wika kung ganoon? Hinding-hindi. Ang estetika ng pagtula ni Sanchez ay nasa lambat ng salita na nalilikha sapagkat ang lumilikhang kamalayan ay nasa proseso ng pagdidili sa obheto ng pinagdidilian. Ang proseso ng pag-“gammat” o pagdakma, gaano man ito kahinay, sa hinaharaya ang nakatanghal sa pahina. May pagkiling kung gayon na dumaloy ang ipinapahiwatig sa kilometrikong run-on o enjambment. Itong pasikot-sikot ay nagpapahiwatig sa pagdidiling pinaghirapan ngunit kakatagpuan din ng kasiyahan sa bahagi ng manunulat. Hindi ang pagkatagpo ang dinudulo ng tula kundi ang proseso o landas ng pagkamalikhain na isinisilang ng mismong paghahangad na maunawaan ang buhay. Sabi nga sa isa sa kaniyang tula, “bumabaling tayo sa imahen ng dagat na nais languyin.”
Hindi kaya ang persona sa mga tula ay ang nabanggit na “mongheng nawawala sa sarili” na ang sintomas ay nasa pagkahaling sa mga salita at siya namang ikinaaagnas natin bilang kasama o komunidad ng mambabasa? Itong persona ay naghihirap na labanan ang kagandahan. Naliligalig sa bagabag ng buhay ngunit nababatid na masusumpungan ang “daigdig na para bang lungtiang eden” kung “muli siyang [akong] maniniwala.”
May Katolikong hibo (kahit pa hindi aminin ng awtor) kung gayon ang pananaw ng manunulat ngunit personal na kritikal ang kaniyang posisyon dito sapagkat sa kaniyang danas, may mga kontradiksiyon na naipapahiwatig na siyang umookupa ng mahalagang buod ng kaniyang paksa. May sariling pagkaalam ang katawan na humuhulagpos sa pagsasalin ng paniniwala. Kung kaya napakainteresanteng basahin ang mga akda ng makatang si Louie Jon Sanchez. Sa ating pagbabasa sa Kung Saan Sa Katawan, may nabubuksang pagkamulat na ang tinanggap na kaalaman mula sa pananalig man o iba pang establisadong entidad ay nararapat na muling sipatin at pagdilian tulad ng ginawa ng may-akda.
Nananariwa ang ating pagkagulang.
Vicarious bodies and fiducial selves in Kung Saan sa Katawan
Niles Jordan D. Breis
That religious diction accounts for much of the tonality of “Kung Saan sa Katawan” seems a given.Said book, after all, is replete with references and allusions relative to several faith-based declarations and nearly exegetical premises.
It would be an injustice, however,to resort to such a plain reduction, even without the necessary ad absurdum.At one point, the poet then was aware of the aforementioned inclination even prior to publication.Thus, in this collection, he employs one of the rhetorical scholia which is hard to ignore: vicariousness.
Vicariousness may be treated as a double- edged sword. Technique-wise, the author assumes several bodies either by way of too resigned an echoing or too contrarian a conviction. Or both or even through some soft undoings apart from the rigidity of poetic personas.
Said bodies have voices, of course.And true to the liminal nature of what partly consists vicariousness, the book at hand traverses the road to its salvific import in mixed array of acts for or against the self and beyond yet notably, still within this age-old credo: the body does not lie.
In four(4) sections, the book is an interplay of proximate and remote ruminations and gloamings but the gist bounces back to the fact that any body, contingent as it is, might be lost in the physiological realm as attested or culled from the closure of Santo Entierro, one of the representative poems. The latter does hint at the argument that any great sorrow may not be contained by the body within the sentient level only. There is more to it than meets the eye and one thing is clear: a singular view of things or encounters is dangerous.
Which brings us precisely to one of the strengths of the collection: Sanchez is an agile, graceful chameleon.At times, he is just being himself, authorial sans the curial brimstone while in some instances, he wears the convenient hat of an omnipotent prophet, if not a privileged social commentator.And at times, reflexive or is confessional of or on what turns him on within the language of seduction so profused between private desire and public sacrality or vice-versa.
And again, back to the kind of fidelity he ought to hold fast into and off to the theological, with much gusto, if not reluctance. Hence, the many fiducial selves in the book, each as reflective of a supposed genuflection of his own heaviness to God or perhaps, towards his very self or a homage to the heart of what is fundamentally human: allegedly, never trust a God who is so bereft of bodily hunger.
“Kung Saan sa Katawan” is indubitably a compendium of hunger, in various forms. And Sanchez is conspicously incandescent, at least within that note.To reduce his dependence on his received faith would also suit him just fine:that poetry may also thrive wholly in and within a free-spirited body, with less supernatural beliefs in tow.
Or better still, through this book, Sanchez is equipped enough to walk unaccompanied. With all the gravel growling beneath his feet.
Leave a Reply