Abangán

University of Santo Tomas Publishing House, 2022

Buy via Shopee or Lazada

Maraming salamat sa pagbuhay ng kaalaman (hinggil) sa industriyang nagpakilala sa akin. Nakakataba ng puso ang lahat ng ginawa at ginagawa mo. Mabuhay ka!

—JUDY ANN SANTOS

Napakaraming dahilan para sa henerasyon namin na hindi manood ng teleserye: wala nito noong panahon ng diktadurang Marcos, abala naman sa hanapbuhay at pamilya nung mayroon na, “baduy,” opyum ng masa, o kasangkapan lamang ng mga korporasyon upang magpayaman. Binubuwag ni Louie Jon Sánchez ang lumang mga halagahang ito, kasama na ang perspektibang mataas/mababang kultura upang lubusang maunawaan ng mambabasa ang kapangyarihan ng teleserye. Malalim at matalas ang pagtatasa ni Sanchez sa iskolarli na aklat na ito. Higit pa rito, may nakakagaan na mensahe ng pag-asa ang pagsusuri niya para sa kasalukuyang madilim na yugtong ito sa kasaysayan ng Pilipinas, ang tinatawag niyang “ebanghelyo ng teleserye.” Abangan!

—PAZ VERDADES SANTOS

I was privileged to observe Professor Sánchez’s pursuit of scholarly excellence, first in article form (of which his study of the underappreciated talent of Judy Ann Santos functions as the centerpiece of this collection) and finally in his groundbreaking doctoral dissertation. Popular Philippine media like film and music do not suffer from a lack of critical attention as much as our broadcast arts do, so Sánchez’s ability to switch from English to the national language makes him the ideal candidate to relate this overlooked aspect to the rest of the world—and more important, the confidence-inspiring articulator of a much-neglected and critically disparaged field. I cannot be excited enough about his emergence as colleague and occasional collaborator, and I will admit that I feel relieved that I function mostly in an area different from his. His work will speak for itself, of course, so I’ll be content for now to herald his arrival—one of a few scholar-experts worth raving over.

—JOEL DAVID

Hitik sa karanasan at kuwento ang Abangán ni Louie Jon A. Sánchez dahil ito ang ugat ng kanyang pakikipagsapalaran bilang supling ng telebisyon patungo sa pagiging pantas, historyador, at kritiko ng naturang kultura sa Pilipinas. Walang takot ang kanyang pagbubukas ng sarili, at kasabay nito ang pagbubukas ng samu’t saring isyung kultural at politikal na umuusbong sa sining at industriya ng telebisyon. Dumating sa punto na ang karanasan ay naging danas at ang kuwento ay naging kuwestiyon. Binaybay ni Sánchez ang pagtatagpo ng panitikan, radyo, telebisyon, pelikula, at internet sa pagbubuo ng kamalayan. At ang biyaheng ito mula soap opera at telenovela patungong teleserye, fantaserye, kalyeserye, at koreanovela—na kinatatampukan din ng pagtatasang personal: paborito ko ang mahabang sanaysay ukol kay Judy Ann Santos—ay puno ng ugnayan at banggaan, drama at komedya, pagkamatay at pagkabuhay. Sa pag-aangat ng kultura ng teleserye, masigasig din niyang nailabas ang mga damdamin at kaisipan na madalas ikubli, mga diwang tanging Pilipino lamang ang makatutuklas.

—RICHARD BOLISAY

REVIEWS & CRITICAL COMMENTARY FOR ABANGÁN

Tanod-bayan ng Kulturang Popular
Virgilio S. Almario

Hinahangaan ko ang pinasok na tungkulin ni Louie Jon A. Sanchez.

Sa pamamagitan ng kaniyang aklat na 𝘈𝘣𝘢𝘯𝘨𝘢́𝘯: 𝘔𝘨𝘢 𝘗𝘢𝘮𝘣𝘶𝘯𝘨𝘢𝘥 𝘯𝘢 𝘙𝘦𝘴𝘦𝘱𝘴𝘪𝘺𝘰𝘯 𝘴𝘢 𝘒𝘶𝘭𝘵𝘶𝘳𝘢 𝘯𝘨 𝘛𝘦𝘭𝘦𝘴𝘦𝘳𝘺𝘦 (UST Publishing House, 2022) ay naitanghal niya ang kabuluhan ng pagbabantay sa isang paboritong aliwan ng madla at ang mga problema’t prehuwisyong dapat igpawan ng bawat lumitaw na bahagi ng kulturang popular.

May nakamihasnang mababàng turing ang mga edukado sa kulturang popular. Sabi-sabi nga sa sirkulo ng mga kritiko, ito ay BBB—“Bakya, Baduy, Basura.” Ito ang “modernong opyo” ng madla. Anak ng makabagong teknolohiya, ito ay múra, mabilis makuha, makararating saanmang sulok ng mundo; subalit mumurahín dahil minadalî ang paglikha at disposabol. De-kahon, gasgas ang istorya at nilalamáng búhay, kayâ hanggang pampalípas-oras lang—hindi nakapagdudulot ng bagong kaaláman at karunungan sa madla.

Pinagtiyagaang panoorin at sundan ni LJ ang mga tinatawag niyang “drama ng ating búhay” mulang 1980s. Palagay ko, ito ang unang penitensiya ng isang iskolar na pumasok sa pagsusuri ng teleserye. Hindi lang iyon. Ikalawang estasyon ang masigasig niyang pagsasaliksik ng mga background materials hinggil sa naturang genre, sa mga táong kasangkot sa produksiyon, sa mga artista, at sa kasaysayan ng pagtanaw sa kulturang popular dito at sa Kanluran. Ikatlo, at ito ang higit kong hinahangaan, ang kaniyang di-karaniwang simpatiya at matalinong malasákit upang igpawan ang mga nakamihasnang prehuwisyo ng isang edukado at ihanap ng higit na Filipinong puwang ang teleserye sa ating kasalukuyang panahon.

Ang buong 𝘈𝘣𝘢𝘯𝘨𝘢́𝘯 ay isang magiting na pakikipagsapalaran ng isang mahusay na iskolar upang unawàin at itaguyod ang sining at kabuluhan ng kulturang popular. Isang malakíng hakbang ito mula sa aming panahon noong 1960s. Noong ang tingin namin sa komiks ay “panitikan ng kamangmangan”; ang pelikula, nakabrodkast na programa, at kauri, ay pawàng produkto ng komersiyalisadong kultura. Kaisa ako noon ni Nestor Torre sa pagtuturing sa telebisyon na “idiot’s box.” At natutúhan kong kamuhian ang nilakhang komunidad sa baryong walâ ni kahit munting aklatan sa paaralan, at nakasandig lang sa radyo kapag walâng ginagawa para sa anumang balita at alingasngas. At para sa aliw ni Tiya Dely o ni Kapitang Kidlat. Minsan nga’y sinikap kong ikompara ang programing sa radyo at telebisyon sa karaniwang takbo ng palabas kung pista. At para sabihin kong hindi nagbabago ang brodkast sa aliw at nilalamán ng stage show—ang anak ng komedya’t sarsuwela sa entablado.

Natutúhan ko ngayon sa aklat ni LJ ang pagsisikap ng ating teleserye na igpawan ang mga nagisnang limitasyon sa konsepto at produksiyon. Nakaaliw ang kaniyang pagpapahalaga sa pagbuo ng ikonikong imahen ni Judy Ann Santos. Hindi ko napanood, ngunit magiting ang pagtuklas ni LJ sa mga “pangakong” kabuluhan ng teleseryeng 𝘗𝘢𝘯𝘨𝘢𝘬𝘰 𝘴𝘢 ‘𝘠𝘰.

Ang ibig ko pang sabihin, ang kritika ng 𝘈𝘣𝘢𝘯𝘨𝘢́𝘯 ay isang palatandàan ng umiiral na tinging Filipino sa kultura ng Filipinas. Higit na malalim at mapaglimì ang panonood ni LJ sa teleserye, mula sa panimulang hikayat para sa kulturang popular at mapagmúlat na titig ng mga iskolar na tulad nina Bien Lumbera at Soledad Reyes. May pahiwatig na isang paghahanda niya ito sa pagtuturò ng kulturang popular sa unibersidad. Ngunit hindi ito dapat mabása lang ng mga estudyante. Ang paglalathala ng mga sanaysay niya ay makatuturan, dahil nagiging available na rin ang kaniyang mga hakà’t pagsapantahà sa higit na malakíng bílang ng mambabasá, at mga posibleng mánonóod ng teleserye.

Nananalig ako. May natututúhan ang madla. Ginising noon ang bayan mula sa 200 taón ng alyenasyon sa pamamagitan ng mga awit, korido, at komedya. Makabuluhan ngayon ang teleserye upang muling imúlat ang bayan laban sa malaganap na kamangmangan at korupsiyon. Napakahalaga ang gabay at kritika ng isang tanod-bayang tulad ni LJ para maganap ang naturang mapagpalayàng edukasyon sa pamamagitan ng kulturang popular.

Sari-Samot
Ferndale Homes
12 Pebrero 2023

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: