University of Santo Tomas Publishing House, 2018

Ang “problema” raw sa atin dito sa Filipinas ay mga kritiko rin ang mga makata/manunulat. Maaaring sabihing suliranin ko rin ito, na isa pang kontradiksiyon. Malinaw sa akin ang aking mga pamumuhunan, at makikita ang mga iyan sa mga paksang pinili kong sulatin o mga usaping kailangan kong sagutin. Pero diyalogo, sa ganang akin, ang una’t huling mithi ng pagsulat, kung kayâ’t maaari ring malasin ang ganitong pakiwari bílang biyaya. Kailangang makipagtalastasan ng makata sa kaniyang kapwa makata, sa kasaysayang pampanitikan ng bansa, sa panitikang pandaigdig na may sarili ring pag-aanyo at kasaysayan. Maaaring hindi lámang tula ang maging daan at daluyan ng diyalogong ito; kayâ nga siguro may ibang pakikisangkot na tatawagin kalaunan na “kritisismo.” Tulad ng pagiging makata, nakapabigat para sa akin ng etiketa ng pagiging kritiko, kayâ, gaya nga ng nasabi, hindi ko tiyak kung ano ang aking itatawag sa mga nasulat kong ito: kritikal na sanaysay, maaari, ngunit para talagang mas kumporme ako na tawagin ang mga ito na “pagninilay.” Sa ganitong pagpapangalan, parang nababalikan ko, muli at muli, ang kalikasan ng tula na tumititig sa danas at sumisinop mula rito ng kislap-diwang maaaring makapagdulot ng panibago at sariwang tingin sa daigdig.
—MULA SA “PANIMULA, PANANALIG”
Leave a Reply